2010–2019
Piliin Ninyo sa Araw na Ito
Oktubre 2018


13:49

Piliin Ninyo sa Araw na Ito

Ang kalakhan ng ating walang hanggang kaligayahan ay nakadepende sa pagpili sa buhay na Diyos at pakikiisa sa Kanya sa Kanyang gawain.

Ang piksyunal na karakter na si Mary Poppins ay tipikal na English nanny—na nagtataglay ng kapangyarihan.1 Naglakbay siya gamit ang hangin upang tulungan ang problemadong pamilya Banks na nakatira sa Number 17, Cherry Tree Lane, sa Edwardian London. Binigyan siya ng responsibilidad na alagaan ang mga anak na sina Jane at Michael. Sa mahigpit ngunit magiliw na paraan, sinimulan niyang turuan sila ng mahahalagang aral sa paraang naiiba at may madyik.

Malaki na ang progreso nina Jane at Michael, at nagpasiya si Mary na panahon na para lisanin sila. Sa dula sa entablado, ang kaibigan ni Mary na si Bert, na tagawalis ng tsimenea, ay hinikayat siya na huwag nang umalis. Sinabi niya, “Pero mababait silang bata, Mary.”

Sumagot si Mary, “Tuturuan ko ba sila kung hindi sila mababait? Pero hindi ko sila matutulungan kung hindi nila ako pahihintulutan, at walang taong mas mahirap turuan kaysa sa batang nag-aakala na alam na niya ang lahat.”

Tanong ni Bert, “Eh, paano na?”

Sumagot si Mary, “Kailangan nilang gawin ang susunod na hakbang nang mag-isa.”2

Mga kapatid, tulad nina Jane at Michael Banks, tayo ay “mababait na bata” na nararapat turuan. Nais ng Ama sa Langit na tulungan at pagpalain tayo, ngunit hindi natin Siya palaging tinutulutan. Kung minsan, pakiramdam natin ay alam na natin ang lahat. At kinakailangan din nating gawin ang “susunod na hakbang” nang mag-isa. Iyan ang dahilan kaya tayo naparito sa lupa mula sa premortal na tahanan sa langit. Ang susunod na “hakbang” natin ay kinapapalooban ng pagpili.

Ang mithiin ng ating Ama sa Langit bilang magulang ay hindi ang iutos sa Kanyang mga anak na gawin kung ano ang tama; kundi ang piliin na gawin kung ano ang tama at sa huli ay maging katulad Niya. Kung ang nais lang Niya ay maging masunurin tayo, bibigyan Niya kaagad tayo ng mga gantimpala o kaparusahan para maimpluwensyahan ang ating pag-uugali.

Ngunit hindi nais ng Diyos na maging parang mahusay at masunuring “alagang hayop” lang ang Kanyang mga anak na hindi naninira ng Kanyang mga tsinelas sa salas ng selestiyal na kaharian.3 Hindi ito ganoon, nais ng Diyos na espirituwal na umunlad ang Kanyang mga anak at makiisa sa Kanya sa gawain ng pamilya.

Ang Diyos ay gumawa ng plano at sa planong iyan magiging mga tagapagmana tayo sa Kanyang kaharian, isang landas ng tipan na hahantong sa pagiging katulad Niya, magkaroon ng uri ng buhay na katulad ng buhay Niya, at mabuhay magpakailanman bilang mga pamilya sa Kanyang kinaroroonan.4 Ang pagpili para sa sarili ay kinakailangan noon—at ngayon—sa planong ito, na nalaman natin sa ating premortal na buhay. Tinanggap natin ang plano at piniling pumarito sa lupa.

Upang matiyak na mananampalataya tayo at matututuhang gamitin nang tama ang ating kalayaan, isang tabing ng pagkalimot ang lumambong sa ating isipan para hindi natin maalaala ang plano ng Diyos. Kung wala ang tabing na iyan, hindi maisasakatuparan ang mga layunin ng Diyos dahil hindi tayo uunlad at magiging mapagkakatiwalaang tapagmana na siyang nais Niya.

Sinabi ng propetang si Lehi: “Anupa’t ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa tao na siya ay kumilos para sa kanyang sarili. Samakatwid, ang tao ay hindi makakikilos para sa kanyang sarili maliban kung siya ay nahikayat ng isa o ng iba.”5 Sa simula, isang pagpipilian ang kinatawan ni Jesucristo, ang Panganay ng Ama. Ang isa pang pagpipilian ay kinatawan ni Satanas, si Lucifer, na naghangad na wasakin ang kalayaan at agawin ang kapangyarihan.6

Kay Jesucristo, “may Tagapamagitan tayo sa Ama.”7 Pagkatapos magawa ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, si Jesus ay “umakyat na sa langit … upang angkinin sa Ama ang kanyang mga karapatan ng awa na mayroon siya sa mga anak ng tao.” At, dahil naangkin ang mga karapatan ng awa “ipinagtatanggol niya ang kapakanan ng mga anak ng tao.”8

Ang pagtatanggol ni Cristo para sa ating kapakanan ay hindi pagsalungat sa plano ng Ama. Si Jesucristo, na pinasakop ang Kanyang kalooban sa kalooban ng Ama,9 ay hindi susuportahan ang anumang bagay maliban sa yaong ninanais ng Ama noon pa man. Walang alinlangang natutuwa at sinasang-ayunan ng ating Ama sa Langit ang ating mga tagumpay.

Bahagi ng pagtatanggol sa atin ni Cristo ang ipaalala sa atin na nagbayad Siya para sa ating mga kasalanan at ibinigay sa lahat ng tao ang awa ng Diyos.10 Para sa mga taong naniniwala kay Jesucristo, nagsisi, nabinyagan, at nagtitiis hanggang wakas—isang proseso na humahantong sa pakikipagkasundo11—ang Tagapagligtas ay nagpapatawad, nagpapagaling, at nagtatanggol. Siya ay ating katuwang, mang-aaliw, at tagapamagitan—nagpapatunay at sumusuporta sa ating pakikipagkasundo sa Diyos.12

Kabaliktaran nito, si Lucifer ay tagapagsumbong o tagapag-usig. Inilarawan ni Juan ang Tagapaghayag ang pagkagapi ni Lucifer sa huli: “At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit, na nagsasabi, Ngayo’y dumating ang kaligtasan, at ang kapangyarihan, at ang kaharian ng ating Dios, at ang kapamahalaan ng kaniyang Cristo.” Bakit? Dahil “inihagis na ang tagapagsumbong sa ating mga kapatid na siyang sa kanila’y nagsusumbong sa harapan ng ating Dios araw at gabi. At siya’y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Cordero, at dahil sa salita ng kanilang patotoo.”13

Si Lucifer ang tagapagsumbong na ito. Tinuligsa niya tayo sa premortal na buhay, at patuloy niya tayong tinutuligsa sa buhay na ito. Hangad niyang hilahin tayo pababa. Gusto niyang maranasan natin ang walang katapusang kapighatian. Siya ang yaong nagsabi na wala tayong kakayahan, na hindi tayo karapat-dapat, na hindi na tayo makababangon pa mula sa ating pagkakamali. Talagang napakasama niya, siya yaong tumatadyak sa atin kapag nalulugmok tayo.

Kung tinuturuan ni Lucifer ang isang bata na maglakad at ang batang iyon ay nadapa, sisigawan niya ang bata, parurusahan ito, at sasabihing huwag na siyang maglakad. Ang mga paraan ni Lucifer ay nagdudulot ng kawalan ng pag-asa at kalungkutan—sa huli at sa tuwina. Ang amang ito ng kasinungalingan ang nagpasimula ng lahat ng kasinungalingan14 at tusong gumagawa para linlangin at lituhin tayo, “sapagkat hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili.”15

Kung tinuturuan ni Cristo ang isang bata na maglakad at ang batang iyon ay nadapa, tutulungan Niya ang bata na tumayo at hihikayatin ito na humakbang pa.16 Si Cristo ay tumutulong at nagpapanatag. Ang mga paraan Niya ay nagdudulot ng kagalakan at pag-asa—sa huli at sa tuwina.

Kabilang sa plano ng Diyos ang mga tagubilin para sa atin, tinukoy sa mga banal na kasulatan bilang mga kautusan. Ang mga kautusang ito ay hindi kakatwa ni makatwirang koleksyon ng mga ipinataw na patakaran na nangangahulugan lamang na sanayin tayo na maging masunurin. Nauugnay ang mga ito sa pagkakaroon natin ng mga katangian ng kabanalan, pagbalik sa Ama sa Langit, at pagtanggap ng walang hanggang kagalakan. Ang pagsunod sa Kanyang mga kautusan ay hindi bulag na pagsunod; sadya o may kamalayan ang pagpili natin sa Diyos at sa Kanyang daan pauwi. Ang huwarang ibinigay sa atin ay tulad ng kina Adan at Eva, kung saan “ang Diyos ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan, matapos maipaalam sa kanila ang plano ng pagtubos.”17 Bagama’t nais ng Diyos na tahakin natin ang landas ng tipan, binibigyan Niya tayo ng dignidad na pumili.

Katunayan, ninanais, inaasahan, at iniuutos ng Diyos na bawat isa sa Kanyang mga anak ay pumili para sa kanyang sarili. Hindi Niya tayo pipilitin. Sa pamamagitan ng kaloob na kalayaan, pinahihintulutan ng Diyos ang Kanyang mga anak “na [kumilos] para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos.”18 Ang kalayaan ang nagtutulot sa atin na pumili kung tatahakin natin ang landas ng tipan, o hindi. Nagtutulot ito sa atin na pumili kung aalis tayo rito, o mananatili. Kung hindi tayo mapipilit na sumunod, hindi rin tayo mapipilit na sumuway. Walang sinuman, nang walang pagsang-ayon natin, ang makapagpapaalis sa atin sa landas ng tipan. (Ngayon, hindi ito dapat ipagkamali sa mga taong ang kalayaan ay nilapastangan. Hindi sila nalihis sa landas; sila ay mga biktima. Tatanggapin nila ang pag-unawa, pagmamahal, at awa ng Diyos.)

Ngunit kapag umalis tayo sa landas ng tipan, nalulungkot ang Diyos dahil alam Niya na sa huli ito ay laging humahantong sa naglahong kaligayahan at mga pagpapala. Sa mga banal na kasulatan, ang pag-alis sa landas ng tipan ay tinutukoy na kasalanan, at ang naglahong kaligayahan at mga pagpapala ay tinatawag na kaparusahan. Hinggil dito, hindi tayo pinarurusahan ng Diyos; ang kaparusahan ay bunga ng ating sariling mga pagpili, hindi ng Kanya.

Kapag natuklsan natin na wala na tayo sa landas, maaaring piliin natin na magpakalayo na talaga rito, o dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari nating piliing bumalik at magpatuloy sa landas ng tipan. Sa mga banal na kasulatan, ang pagpapasiyang magbago at bumalik sa landas ng tipan ay tinatawag na pagsisisi. Ang hindi pagsisisi ay nangangahulugang pinipili nating hindi gawing karapat-dapat ang ating sarili sa mga pagpapalang nais ibigay ng Diyos sa atin. Kung “hindi [tayo] handang tamasahin yaong [atin] sanang tatanggapin” tayo ay “magbabalik muli sa [ating] sariling lugar, upang tamasahin yaong [ating] handang tanggapin”19—na ating pinili, hindi ng Diyos.

Gaano man katagal na wala tayo sa landas ng tipan o gaano man tayo nalihis, sa sandaling magpasiya tayong magbago, tutulungan tayo ng Diyos na makabalik.20 Sa pananaw ng Diyos, sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi at pagpapatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo , kapag nakabalik tayo sa landas, ito ay magiging tila hindi tayo umalis rito.21 Ang Tagapagligtas ay nagbabayad para sa ating mga kasalanan at pinalalaya tayo sa napipintong paglalaho ng kaligayahan at mga pagpapala. Tinutukoy ito sa mga banal na kasulatan na kapatawaran. Pagkatapos ng binyag, lahat ng miyembro ay lumilihis ng landas—ang ilan sa atin ay sumisisid pa. Kung gayon, ang pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagtanggap ng tulong mula sa Kanya, at ang mapatawad ay hindi minsanang pangyayari kundi habambuhay na mga proseso, mga proseso na paulit-ulit at madalas. Ganito tayo “magtitiis hanggang wakas.”22

Kailangan nating pumili kung sino ang paglilingkuran natin.23 Ang kalakhan ng ating walang hanggang kaligayahan ay nakadepende sa pagpili sa buhay na Diyos at pakikiisa sa Kanya sa Kanyang gawain. Kapag sinikap natin na gawin ang “susunod na hakbang” nang mag-isa, sinasanay nating gamitin nang tama ang ating kalayaan. Tulad ng sinabi ng dalawang dating Relief Society General President, hindi tayo dapat maging “mga sanggol na kailangang pansinin at iwasto sa lahat ng oras.”24 Hindi, nais ng Diyos na magkaroon tayo ng hustong kaisipan at pamahalaan ang ating sarili.

Ang pagpiling sundin ang plano ng Ama ay ang tanging paraan para tayo maging mga tagapagmana sa Kanyang kaharian; sa gayon lamang Siya magtitiwala na hindi tayo hihiling ng salungat sa Kanyang kalooban.25 Ngunit kailangan nating tandaan na “walang taong mas mahirap turuan kaysa sa bata na nag-aakala na alam na niya ang lahat.” Kaya’t kinakailangang handa tayong maturuan ayon sa mga paraan ng Panginoon at ng Kanyang mga tagapaglingkod. Maaari tayong magtiwala na tayo ay minamahal na mga anak ng mga Magulang sa Langit26 at karapat-dapat “turuan” at mapanatag na ang kahulugan “nang mag-isa” ay hindi “nag-iisa.”

Tulad ng sinabi ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Jacob, sinasabi ko kasama siya:

“Samakatwid, magalak sa inyong mga puso, at tandaan ninyo na kayo ay malayang makakikilos para sa inyong sarili—ang piliin ang daan ng walang hanggang kamatayan o ang daan ng buhay na walang hanggan.

“Samakatwid, mga minamahal kong kapatid, makipagkasundo kayo sa kalooban ng Diyos, at hindi sa kagustuhan ng diyablo … ; at tandaan, matapos kayong makipagkasundo sa Diyos, na dahil lamang sa at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos na kayo ay maliligtas.”27

Kaya’t piliin ang pananampalataya kay Cristo; piliin ang pagsisisi; piliing magpabinyag at tumanggap ng Espiritu Santo; piliing masigasig na maghanda para sa sakramento at maging karapat-dapat na tumanggap nito; piliing gumawa ng mga tipan sa templo; at piliing maglingkod sa buhay na Diyos at sa Kanyang mga anak. Ang mga pinili natin ang magpapasiya kung magiging sino tayo at kung ano ang kahihinatnan natin.

Magtatapos ako sa nalalabing basbas ni Jacob: “Samakatwid, nawa ay ibangon kayo ng Diyos mula sa … walang hanggang kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagbabayad-sala, upang kayo ay matanggap sa walang hanggang kaharian ng Diyos.”28 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.