Mga Magulang at mga Anak
Inihahayag sa inyo ng dakilang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa langit kung sino kayo at ang layunin ng inyong buhay.
Mahal kong mga kapatid, nakakatuwa na mayroon tayo nitong bagong pangkalahatang sesyon ng kababaihan ng Simbahan na walong taong gulang pataas. Narinig na natin ang nakaaantig na mga mensahe mula sa kababaihang pinuno at kay Pangulong Henry B. Eyring. Masaya kami ni Pangulong Eyring na maglingkod sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Russell M. Nelson, at nasasabik kaming marinig ang kanyang mensahe bilang propeta.
I.
Ang ating mga anak ang pinakamahalagang regalo sa atin ng Diyos—ang ating walang-hanggang pag-unlad. Subalit nabubuhay tayo sa isang panahon na maraming babaeng ayaw magkaroon at mag-aruga ng mga anak. Maraming young adult ang nagpapaliban na magpakasal hangga’t hindi pa sila sapat sa mga temporal na pangangailangan. Tumaas nang mahigit dalawang taon ang karaniwang edad ng mga miyembro ng ating Simbahan na nagpapakasal, at bumababa ang bilang ng mga isinisilang sa mga miyembro ng Simbahan. Ang Estados Unidos at ilang iba pang mga bansa ay nahaharap sa isang kinabukasang kakaunti na ang mga batang nagsisitanda para sumuporta sa nagreretirong matatanda.1 Mahigit 40 porsiyento ng mga isinilang sa Estados Unidos ay sa mga dalagang-ina. Ang mga batang iyon ay mahihina. Bawat isa sa mga kasalukuyang pagbabagong ito sa lipunan ay salungat sa banal na plano ng kaligtasan ng ating Ama.
II.
Nauunawaan ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw na pagiging ina ang kanilang pinakamataas na prayoridad, ang kanilang tunay na kagalakan. Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Karaniwang nakikita ng kababaihan ang kanilang pinakadakilang katuparan, ang kanilang pinakamalaking kaligayahan sa tahanan at pamilya. May isang banal na bagay na itinanim ang Diyos sa kababaihan na nakikita sa kapakumbabaan, sa kahinhinan, sa kapayapaan, sa kabutihan, sa kabanalan, sa katotohanan, sa pagmamahal. Lahat ng pambihirang katangiang ito ay naipapahayag sa pinakatotoo at pinaka-nakasisiyang paraan sa pagiging ina.”
Sabi pa niya, “Ang pinakadakilang gawaing gagawin ng sinumang babae ay arugain at turuan at buhayin at hikayatin at palakihin ang kanyang mga anak sa kabutihan at katotohanan. Wala nang iba pang bagay na makakahambing diyan, anuman ang kanyang ginagawa.”2
Mga ina, mahal na mga kapatid, mahal namin kayo sino man kayo at ano man ang ginagawa ninyo para sa aming lahat.
Sa kanyang mahalagang mensahe noong 2015 na may pamagat na “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Hindi kumpleto ang kaharian ng Diyos at hindi makukumpleto kung walang kababaihang gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito, kababaihang nangungusap nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos!
“Ngayon, … kailangan namin ng kababaihang alam kung paano magagawa ang mahahalagang bagay sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at matatapang na tagapagtanggol ng moralidad at mga pamilya sa mundong ito na puno ng kasalanan. Kailangan namin ng kababaihang tapat na gumagabay sa mga anak ng Diyos sa pagtahak sa landas ng tipan tungo sa kadakilaan; kababaihang nakakaalam kung paano tumanggap ng personal na paghahayag, na nauunawaan ang kapangyarihan at kapayapaang nagmumula sa endowment sa templo; kababaihang nakakaalam kung paano manawagan sa mga kapangyarihan ng langit na pangalagaan at palakasin ang mga anak at pamilya; kababaihang hindi takot magturo.”3
Ang mga inspiradong turong ito ay batay lahat sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” kung saan pinagtibay ng ipinanumbalik na Simbahang ito ang doktrina at mga gawi na mahalaga sa plano ng Lumikha bago Niya nilikha ang daigdig.
III.
Ngayon magsasalita ako sa nakababatang grupong nakikinig ngayon. Mahal kong mga kabataang babae, dahil sa kaalaman ninyo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, kayo ay natatangi. Ang inyong kaalaman ay tutulong sa inyo na matiis at makayanan ang mga paghihirap na kaakibat ng inyong paglaki. Mula sa murang edad, nakibahagi na kayo sa mga proyekto at programang nagpaunlad sa inyong mga talento, tulad ng pagsusulat, pagsasalita, at pagpaplano. Natuto kayong kumilos nang responsable at labanan ang mga tuksong magsinungaling, mandaya, magnakaw, o gumamit ng alak o droga.
Ang pagiging natatatangi ninyo ay kinilala sa pag-aaral na ginawa ng University of North Carolina tungkol sa mga Amerikanong tinedyer at relihiyon. Isang artikulo sa Charlotte Observer ang may pamagat na “Mormon teens cope best: Study finds they top peers at handling adolescence [Pinakamahusay umakma ang mga tinedyer na Mormon: Natuklasan sa pag-aaral na nangunguna sila sa kanilang mga kaedad sa pagharap sa mga hamon ng kabataan].” Nagtapos ang artikulong ito sa pagsasabi na “Mga Mormon ang pinakamagaling umiwas sa mga mapanganib na pag-uugali, mahusay sa pag-aaral at may positibong pananaw tungkol sa hinaharap.” Sabi ng isa sa mga mananaliksik sa pag-aaral na ito, na nag-interbyu sa karamihan ng ating mga kabataan, “Sa lahat halos ng kategoryang tiningnan namin, may malinaw na pattern: nangunguna ang mga Mormon.”4
Bakit napakagaling ninyong umakma sa mga pagsubok na kaakibat ng paglaki? Mga kabataang babae, iyan ay dahil nauunawaan ninyo ang dakilang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit. Sinasabi nito kung sino kayo at ang layunin ng inyong buhay. Ang mga kabataan na ganyan ang pang-unawa ang nangunguna sa paglutas ng problema at pagpili ng tama. Alam ninyo na tutulungan kayo ng Panginoon na madaig ang mga pagsubok na kaakibat ng paglaki.
Ang isa pang dahilan kaya napakagaling ninyo ay nauunawaan ninyo na kayo ay mga anak ng isang Ama sa Langit na nagmamahal sa inyo. Tiyak ko na pamilyar kayo sa ating magandang himnong ”Mga Bata, Diyos ay Malapit.” Narito ang unang talatang kinanta at pinaniwalaan na nating lahat:
Mga bata, Diyos ay malapit,
Tumatanod sa t’wina,
Magbiyaya’y Kanyang nais,
Kung gawi’y laging tama.5
May dalawang aral sa talatang iyan: Una, ang ating Ama sa Langit ay malapit sa atin at binabantayan tayo gabi’t araw. Isipin ninyo iyan! Mahal tayo ng Diyos, malapit Siya sa atin, at binabantayan Niya tayo. Pangalawa, nalulugod Siyang pagpalain tayo kung ang ating “gawi’y laging tama.” Nakakapanatag ito sa gitna ng ating mga agam-agam at paghihirap!
Oo, mga kabataang babae, kayo ay pinagpala at kayo ay kahanga-hanga, ngunit tulad ng lahat ng anak ng Ama sa Langit, kailangan ninyong sikaping “gawi’y laging tama.”
Mapapayuhan ko kayo rito tungkol sa iba’t ibang bagay, ngunit ipinasiya ko na dalawa lamang ang talakayin.
Ang unang payo ko ay tungkol sa mga cell phone. Natuklasan kamakailan sa isang pambansang survey na sinabi ng mahigit kalahati ng mga tinedyer sa Estados Unidos na maraming oras ang ginugugol nila sa kanilang cell phone. Mahigit 40 porsiyento ang nagsabi na nababalisa sila kapag nawalay sila sa kanilang cell phone.6 Mas karaniwan ito sa mga babae kaysa mga lalaki. Mga kapatid kong dalagita—at mga dalaga rin—pagpapalain nito ang inyong buhay kung lilimitahan ninyo ang paggamit at pagdepende sa mga cell phone.
Ang pangalawang payo ko ay mas mahalaga pa. Maging mabait sa iba. Ang kabaitan ay ginagawa na ng marami sa ating mga kabataan. Naipakita na sa ating lahat ng ilang grupo ng mga kabataan sa ilang komunidad ang gagawin. Naantig na tayo sa kabaitan ng ating mga kabataan sa mga taong nangangailangan ng pagmamahal at tulong. Sa maraming paraan, ibinibigay ninyo ang tulong na iyon at ipinapakita ang pagmamahal na iyon sa isa’t isa. Sana’y tularan ng lahat ang inyong halimbawa.
Kasabay nito, alam natin na tinutukso tayong lahat ng kaaway na maging masungit, at marami pang halimbawa nito, maging sa mga bata at kabataan. Maraming tawag sa walang-humpay na kasungitan, tulad ng mam-bully, pagtulungan ang isang tao, o pagkaisahang iwaksi ang iba. Ang mga halimbawang ito ay sadyang nagpapahirap sa mga kaklase o kaibigan. Mga kapatid kong dalagita, hindi nalulugod ang Panginoon kapag malupit o mapanakit tayo sa iba.
Narito ang isang halimbawa. May kilala akong binatilyo, isang refugee rito sa Utah, na biniro dahil kakaiba siya, at kung minsa’y nagsasalita sa sarili niyang wika. Inapi siya ng isang barkada ng mga nakaririwasang kabataan hanggang sa gumanti siya na naging dahilan para makulong siya nang 70 araw habang iniisip ng pamahalaan na i-deport siya. Hindi ko alam kung ano ang nag-udyok sa grupong ito ng mga kabataan, at marami sa kanila ay mga Banal sa mga Huling Araw na katulad ninyo, ngunit nakikita ko ang epekto ng pananakit nila, isang nakalulunos na karanasan at kapahamakan sa isa sa mga anak ng Diyos. Kaunti mang kasungitan ay may nakasisirang epekto.
Nang marinig ko ang kuwentong iyon, ikinumpara ko iyon sa sinabi ng ating propetang si Pangulong Nelson sa kanyang pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan kamakailan. Sa panawagan sa inyo at sa lahat ng iba pang kabataan na tumulong na tipunin ang Israel, sinabi niya: “Mamukod-tangi. Alam natin na dapat kayong maging liwanag sa mundo. Kaya, kailangan kayo ng Panginoon na magmukha, magsalitang tulad, kumilos na tulad, at manamit na tulad ng isang tunay na disipulo ni Jesucristo.”7
Ang hukbo ng mga kabataan na hinihikayat ni Pangulong Nelson na salihan ninyo ay hindi mananakit sa isa’t isa. Susundin nila ang turo ng Tagapagligtas na tulungan at mahalin at pagbigyan ang iba, kahit iharap pa natin ang kabila nating pisngi kapag nadarama natin na nagkasala sa atin ang isang tao.
Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong panahon na ipinanganak ang marami sa inyo, pinuri ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang “magagandang kabataang babaeng sinisikap ipamuhay ang ebanghelyo.” Inilarawan niya sila, tulad ng naiisip kong paglalarawan sa inyo:
“Mapagbigay sila sa isa’t isa. Hangad nilang palakasin ang isa’t isa. Karangalan sila ng kanilang mga magulang at tahanang kinalakhan nila. Malapit na silang magdalaga, at dadalhin sa buong buhay nila ang mga halimbawang humihikayat sa kanila ngayon.”8
Bilang lingkod ng Panginoon, sinasabi ko sa inyo mga kabataang babae, kailangan ng ating mundo ang inyong kabutihan at pagmamahal. Maging mabait sa isa’t isa. Itinuro sa atin ni Jesus na mahalin ang isa’t isa at pakitunguhan ang iba tulad ng nais nating pakikitungo sa atin. Kapag sinisikap nating maging mabait, mas napapalapit tayo sa Kanya at sa Kanyang mapagmahal na impluwensya.
Mahal kong mga kapatid, kung nakikisali kayo sa anumang pananakit o panghahamak—nag-iisa man kayo o isang grupo—magpasiya na ngayon na magbago at hikayatin ang iba na magbago. Iyan ang payo ko, at ibinibigay ko ito sa inyo bilang lingkod ng Panginoong Jesucristo dahil ipinadama sa akin ng Kanyang Espiritu na magsalita sa inyo tungkol sa mahalagang paksang ito. Pinatototohanan ko si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas, na nagturo sa atin na mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal Niya sa atin. Dalangin ko na nawa’y gawin natin ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.