Kabanata 9
“Mga Tagapangalaga ng Tahanan”
Pagpapatatag, Pagkalinga, at Pagtatanggol sa Pamilya
Noong Setyembre 23, 1995, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ang ikalabinlimang Pangulo ng Simbahan, ay tumayo sa harap ng kababaihan ng Simbahan sa isang pangkalahatang miting ng Relief Society. Pinasalamatan niya ang katapatan at kasigasigan ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw—bata at matanda, may-asawa at wala, may mga anak at walang anak. Sa pagkilala sa mabigat na pagsubok na nararanasan nila, siya ay naghikayat, nagpayo, at nagbabala upang tulungan silang gampanan ang kanilang mga responsibilidad at magkaroon ng kagalakan sa buhay. Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, sinabi niyang:
“Dahil sa dami ng tusong pangangatwiran na ipinapasa bilang katotohanan, sa dami ng panlilinlang na may kinalaman sa mga pamantayan at pinahahalagahan, sa dami ng pang-aakit at panggaganyak na gawin ang mga kasalanang unti-unting lumalaganap sa mundo, nadama namin na kailangan kayong bigyang-babala. Bilang karagdagan dito kami ng Unang Panguluhan at ng Konseho ng Labindalawang Apostol ay nagpapalabas ngayon ng isang pahayag sa Simbahan at sa daigdig bilang pagpapahayag at muling pagpapatibay sa mga pamantayan, doktrina, at gawaing may kinalaman sa pamilya na paulit-ulit na binabanggit ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ng simbahang ito sa buong kasaysayan nito.”1 Pagkatapos ay binasa niya ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ito ang kauna-unahang pagkakataon na binasa sa publiko ang pagpapahayag na ito.
Sa pagpapahayag, sinabi ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang “kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.” Sila ay “taimtim na nagpapahayag na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos at ang pamilya ang sentro sa plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.” Ipinaaalala nila sa mga mag-asawa ang kanilang “banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak.”2
Gaya ng binibigyang-diin ng pamagat ng pagpapahayag, ito ay inilathala bilang “Isang Pagpapahayag sa Mundo”—na ipinaaalala sa lahat ng tao, kabilang na ang mga lider ng bansa, ang tungkol sa walang-hanggang kahalagahan ng pamilya. Walong buwan pagkaraang ilahad ang pagpapahayag, si Pangulong Hinckley ay nagsalita sa isang press conference sa Tokyo, Japan. Sabi niya: “Bakit nasa atin ngayon ang pagpapahayag na ito tungkol sa pamilya? Dahil ang pamilya ay sinasalakay. Sa iba’t ibang panig ng daigdig ay nagkakawatak-watak ang mga pamilya. Ang lugar para simulan ang pagpapabuti ng lipunan ay sa tahanan. Kadalasan ay ginagawa ng mga bata kung ano ang itinuturo sa kanila. Sinisikap nating gawing mas mabuti ang mundo sa pamamagitan ng pagpapatatag sa pamilya.”3
Ipinakikita ng mga patotoo ng kababaihan ng Relief Society na bukod sa ito ay isang pagpapahayag sa buong mundo, ang pahayag na ito ng doktrina ay may kahulugan sa bawat pamilya at sa bawat tao sa Simbahan. Ang mga alituntunin sa pagpapahayag ay nakaantig sa puso ng kababaihan sa lahat ng kalagayan.
Si Sister Barbara Thompson, na tinawag kalaunan na maglingkod bilang tagapayo sa Relief Society general presidency, ay nasa Salt Lake Tabernacle noon nang basahin ni Pangulong Hinckley ang pagpapahayag. “Napakagandang okasyon niyon,” paggunita niya. “Nadama ko ang kahalagahan ng mensahe. Naisip ko rin sa sarili ko na, ‘Magandang gabay ito para sa mga magulang. Mabigat ding responsibilidad ito para sa kanila.’ Inakala ko sandali na hindi naman talagang nauukol iyon sa akin dahil dalaga naman ako at walang mga anak. Pero kaagad ko ring naisip, ‘Pero talagang ukol iyon sa akin. Miyembro ako ng isang pamilya. Ako ay isang anak, kapatid, tita, pinsan, pamangkin, at apo. Talagang may mga responsibilidad ako—at mga pagpapala—dahil miyembro ako ng isang pamilya. Kahit na ako lang ang nabubuhay na miyembro ng aking pamilya, miyembro pa rin ako ng pamilya ng Diyos, at responsibilidad kong tumulong na mapalakas ang iba pang mga pamilya.’”4
Si Sister Bonnie D. Parkin, na kalaunan ay naglingkod bilang ikalabing-apat na Relief Society general president, ay naroon din sa Tabernacle nang basahin ni Pangulong Hinckley ang pagpapahayag. Paggunita niya: “Kaytahimik ng kongregasyon ngunit mayroon ding pananabik, isang reaksyon na ‘Oo—kailangan namin ng tulong sa aming pamilya!’ Naalala kong napakaganda ng pakiramdam ko tungkol dito. Pumatak ang mga luha ko. Pagtingin ko sa mga miyembrong babaeng nakaupo sa malapit, tila gayon din ang nadarama nila. Napakaraming nakasaad sa pagpapahayag na hindi ako makapaghintay na makakuha ng kopya at pag-aralan ito. Pinagtitibay sa pagpapahayag ang dangal ng kababaihan. At isipin na lang na una itong ibinigay sa kababaihan ng Simbahan sa pangkalahatang miting ng Relief Society.”5
Bakit pinili ng Unang Panguluhan na ibalita ang paghahayag tungkol sa pamilya sa pangkalahatang miting ng Relief Society? Pagkatapos itong basahin ni Pangulong Hinckley, ibinigay niya ang sagot sa tanong na iyan. “Kayo ang mga tagapangalaga ng tahanan,” ang sabi niya sa kababaihan. “Kayo ang nagluluwal ng mga anak. Kayo ang nangangalaga sa kanila at nagtuturo sa kanila ng mga kaugalian sa kanilang buhay. Walang ibang gawain ang napakalapit sa kabanalan na gaya ng pangangalaga sa mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos.”6
Idinagdag ni Pangulong James E. Faust, ang pangalawang tagapayo ni Pangulong Hinckley, ang kasunod na paliwanag: “Dahil kayong mga ina ang puso at kaluluwa ng alinmang pamilya, nararapat lamang na ito [ang pagpapahayag] ay unang basahin sa pangkalahatang pulong ng Relief Society.”7
“Muling Pagpapatibay ng mga Pamantayan, Doktrina, at Gawain”
Ang mga itinuturo sa pagpapahayag tungkol sa pamilya ay hindi na bago noong 1995. Gaya ng sinabi ni Pangulong Hinckley, ang mga ito ay “muling pagpapatibay ng mga pamantayan, doktrina, at gawain.”8 Ang mga ito ang “sentro ng plano ng Tagapaglikha” bago pa man Niya nilikha ang daigdig.9
Itinuro ni Sister Julie B. Beck, ang ikalabinlimang Relief Society general president na: “Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, may teolohiya tayo tungkol sa pamilya na batay sa Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala. Ang Paglikha sa mundo ay naglaan ng isang lugar na matitirhan ng mga pamilya. … Ang Pagkahulog ay nagbigay-daan sa paglago ng pamilya. … Dahil sa Pagbabayad-sala sama-samang mabubuklod nang walang hanggan ang pamilya.” 10
Ang matatapat na kababaihan at kalalakihan ay naging tapat sa teolohiyang ito ng pamilya at sinunod ang mga pamantayan, doktrina, at gawain sa tuwing nasa lupa ang ebanghelyo. “Ang ating maluwalhating Inang Eva” at ang ating “Amang Adan” ang mga namumuno sa kanilang mga anak, at itinuro sa kanila “ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin.”11 Tiniyak nina Rebecca at Isaac na ang mga tipan at pagpapala ng priesthood ay hindi mawawala sa kanilang pamilya.12 Isang balo sa lungsod ng Sarepta ang nagawang alagaan ang kanyang anak dahil may pananampalataya siyang sumunod kay propetang Elijah.13 Dalawang libo at animnapung mga batang mandirigma ang buong giting na nakipaglaban upang protektahan ang kanilang mga pamilya, na nagtitiwala sa pangako ng kanilang mga ina na “sila ay ililigtas ng Diyos.”14 Noong bata pa siya, si Jesucristo ay “lumalaki … at lumalakas, at napupuspos ng karunungan; at sumasa kaniya ang biyaya ng Dios [at ng tao],” at inalagaan nang may pagmamahal at malasakit ng Kanyang inang si Maria, at ng asawa nitong si Jose.15
Sa panunumbalik ng ebanghelyo, naunawaang mabuti ng mga unang miyembro ng Simbahan ang kahalagahan ng pamilya.16 Nalaman ng mga Banal na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood, maaari nilang matanggap ang mga ordenansa at tipan ng templo na magbibigkis sa kanilang mga pamilya magpakailanman. Ang pangakong ito ay nagpalakas sa mga Banal sa mga Huling Araw sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin bilang mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos.
Hinikayat ng mga lider ng Relief Society noon ang kababaihan na ituon nila ang kanilang buhay sa kanilang mga pamilya. Si Sister Eliza R. Snow, ang ikalawang Relief Society general president, ay hindi nagkaanak. Gayunman, kinilala niya ang kahalagahan ng impluwensya ng isang ina. Pinayuhan niya ang kababaihan ng Relief Society, “Unahin ninyong gawin ang inyong mga tungkulin sa tahanan.”17 Itinuro ni Sister Zina D. H. Young, ang ikatlong Relief Society general president, sa kababaihan na “gawing kaaya-aya ang inyong tahanan, kung saan ang pagmamahal, kapayapaan at pagkakaisa ay mananatili, at ang pag-ibig sa kapwa na hindi nag-iisip ng masama ay manatili magpakailanman.”18
Si Mary Fielding Smith ay isang halimbawa ng isang matatag at mapagmahal na ina. Naalala ng kanyang anak na si Joseph F. Smith, na naging ikaanim na Pangulo ng Simbahan:
“Naaalaala ko ang aking ina noong mga araw sa Nauvoo. Naaalaala ko siya at ang kanyang kawawang maliliit na anak na nagmamadaling pinasakay sa isang bangka nang may iilang gamit lamang na madadala mula sa kanilang bahay sa pagsisimula ng pambobomba ng mga mandurumog sa lungsod ng Nauvoo. Naaalaala ko ang paghihirap ng Simbahan doon at sa daan patungong Winter Quarters, sa ilog ng Missouri, at kung paano siyang nanalangin para sa kanyang mga anak at pamilya sa napakahirap na paglalakbay. … Naaalaala ko ang lahat ng pagsubok na kasabay ng aming pagsusumikap na makalikas kasama ng Kampo ng Israel. Sa paglalakbay namin patungo sa mga lambak na ito ng kabundukan nang walang sapat na mga bakang panghila ng aming mga bagon; at dahil hindi namin kayang makabili ng mga hayop na ito, kanyang nilagyan ng pamatok ang kanyang maliliit na baka, at pinagdikit ang dalawang bagon, at naglakbay kami patungong Utah sa pamamagitan ng kawawang kalagayang ito, at sinabi ng aking ina—‘Bubuksan ng Panginoon ang daan;’ ngunit kung paano Niya bubuksan ito ay walang nakababatid. Bata pa ako noon, at ako ang nagpapatakbo sa mga baka at ginagawa ko ang gawaing nakaatas sa akin. Naaalala kong nakita ko siya na lihim na nagdarasal sa Diyos upang tulungan siyang magampanan ang kanyang misyon. Hindi ba ninyo naisip na ang mga bagay na ito ay kumikintal sa isipan? Sa palagay ba ninyo ay malilimutan ko ang halimbawa ng aking ina? Hindi; ang kanyang pananampalataya at halimbawa ay palaging magiging malinaw sa aking isipan. Ano ang iniisip ko! Ang bawat paghinga ko, ang bawat damdamin ng aking kaluluwa ay pumapailanlang sa Diyos sa pasasalamat sa Kanya na ang aking ina ay isang Banal, na siya ay isang babae ng Diyos, dalisay at matapat, at higit niyang nanaising mamatay kaysa tumalikod sa pagtitiwalang inilaan sa kanya; na nanaisin niyang magtiis sa pagdarahop at paghihirap sa ilang at tangkaing tipunin ang kanyang pamilya kaysa manatili sa Babilonia. Ito ang diwa na pumuspos sa kanya at sa kanyang mga anak.”19
Temporal na mga Responsibilidad at Walang-Hanggang mga Tungkulin
Ayon sa hindi nagbabagong mga alituntunin ng sagradong katangian ng tahanan at pamilya, ang mga korum ng Melchizedek Priesthood ay tumutulong sa kalalakihan na gampanan ang kanilang mga tungkulin bilang mga anak, kapatid, asawa, at ama. Tinutulungan ng Relief Society ang kababaihan na gampanan ang kanilang mga tungkulin bilang mga anak, kapatid, asawa, at ina. Noon pa man ay palagi nang sinusuportahan ng kababaihan ng Relief Society ang isa’t isa sa pagsisikap na palakasin ang mga pamilya, matuto ng mga praktikal na kasanayan na makapagpapabuti sa kanilang mga tahanan, at gawin itong lugar kung saan makapananahanan ang Espiritu.
Pangangalaga sa mga Pamilya
Si Sister Zina D. H. Young ay isang mapagmahal, mapag-arugang ina, at itinuro niya sa kababaihan ng Relief Society ang mga alituntuning gumabay sa kanyang sariling mga pagsisikap sa tahanan. Nagpayo siya na: “Kung mayroon mang ina na narito ngayon na hindi tinuturuan at tinatagubilinan nang wasto ang kanyang mga anak, … nakikiusap ako na gawin mo ito. Tipunin ang iyong mga anak … at manalanging kasama nila. … Bigyang-babala ang mga bata tungkol sa mga kasamaang nakapaligid sa atin … upang hindi sila maging biktima ng mga kasamaang ito, kundi lumaki sa kabanalan at kadalisayan sa harap ng Panginoon.”20 Itinuro din niya na: “Maging masigasig sa lahat ng tungkulin sa buhay, bilang mga ina at asawa. … Maging maingat tayo at magsalita nang may karunungan sa harap ng ating mga musmos na anak, iwasan ang pamimintas, … at pag-ibayuhin ang banal na katangian natin, na makapag-aangat, makapagpapabuti at makapagpapadalisay sa puso. … Dapat nating pakasikaping turuan ang mga anak ng Sion na maging tapat, mabuti, marangal at maagap sa lahat ng kanilang mga tungkulin; at maging masipag din at panatilihing banal ang araw ng Sabbath. … Ang mga ina ay hindi dapat kailanman bumigkas ng salita na makasasama sa kapakanan ng ama sa harap ng mga anak, sapagkat sila ay talagang mapagmasid. Maghasik ng mabubuting binhi sa kanilang bata at mura pang kaisipan, at palaging piliin ang alituntunin kaysa patakaran, at sa gayon ay makapag-iipon kayo ng mga kayamanan sa langit.”21
Nang maglingkod si Sister Bathsheba W. Smith bilang ikaapat na Relief Society general president, nakita niyang kailangang palakasin ang mga pamilya, kaya’t pinasimulan niya ang mga araling ukol sa mga ina para sa kababaihan ng Relief Society. Kabilang sa mga aralin ang payo sa pagsasama ng mag-asawa, pangangalaga sa sanggol na nasa sinapupunan pa lamang, at pagpapalaki ng anak. Sinuportahan ng mga araling ito ang mga itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa pagtulong ng Relief Society sa kababaihan sa kanilang mga tungkulin sa tahanan:
“Saan man may kamangmangan o kaunti mang kakulangan sa kaalaman tungkol sa pamilya, mga tungkulin sa pamilya na nauukol sa mga obligasyon at umiiral sa pagitan ng mga mag-asawa at sa pagitan ng mga magulang at anak, doon may nakatatag na samahang ito at nasa malapit lamang. Sa pamamagitan ng likas na katangian at inspirasyon na nauukol sa samahan, ang mga ito ay handang magbahagi ng tagubilin kaugnay ng mga tungkulin niyon. Saan man may bagong ina na wala pang karanasan sa pag-aaruga at pagkalinga sa kanyang anak, o gawing kaaya-aya at maganda at kanais-nais ang kanyang tahanan para sa kanya at sa kanyang asawa, naroroon din ang samahang ito, sa ilang bahagi ng samahang ito, para magbigay ng tagubilin doon sa bagong ina at tulungan siyang gawin ang kanyang tungkulin at gawin iyon nang maayos. At saan man may kakulangan sa [kaalaman] sa [pagbibigay ng sariwa at masustansya] at wastong [pagkain] sa mga bata, o kung saan may pangangailangan sa pagbibigay nang wastong espirituwal na tagubilin at pagkain sa mga bata, naroroon ang dakilang samahan ng mga Kababaihan na Samahang Damayan ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at samahan ng mga ina at anak na babae ng Sion, sila na may kakayahang magbahagi ng tagubiling iyon.”22
Ang kakayahang mangalaga ay hindi lamang taglay ng kababaihan na may sariling mga anak. Ipinahayag ni Sister Sheri L. Dew na: “Sa mga dahilang batid ng Panginoon, ang ilang babae ay kailangang maghintay bago magkaanak. Hindi ito madali para sa sinumang mabuting babae. Ngunit ang itinakdang panahon ng Panginoon sa bawat isa sa atin ay hindi pumapawi sa ating likas na hangaring mangalaga at magmahal. Ang ilan sa atin ay dapat humanap ng ibang paraan upang magawa ito. At nakapaligid sa atin ang mga dapat mahalin at pamunuan.”23
Ang kababaihan sa Simbahan ay may mga pagkakataong mangalaga kapag tumanggap sila ng mga tungkulin bilang mga lider at guro at kapag naglilingkod sila bilang mga visiting teacher. Ang ilang kababaihan ay nagpapakita ng pagmamahal at mabuting impluwensya ng isang ina sa mga batang hindi naman nila isinilang. Ang mga babaeng walang-asawa ang kadalasang nasa ganitong mga situwasyon, pinagpapala ang buhay ng mga bata na nangangailangan ng impluwensya ng mabubuting kababaihan. Minsan ang mga pangangalagang ito ay bumibilang ng mga ilang araw, linggo, at taon. Sa di-makasariling paglilingkod at personal na pananampalataya, nailigtas ng kababaihan ang maraming bata mula sa emosyonal, espirituwal, at pisikal na panganib.
Gawing Sentro ng Kalakasan ang Tahanan
Simula pa noong mga unang araw ng Relief Society sa Nauvoo, Illinois, ang kababaihan ay nagtitipon upang matutuhan ang kanilang mga resposibilidad sa pagkakawanggawa at sa araw-araw na gawain. Pinag-aaralan nila ang mga kasanayang makatutulong sa kanila para mapag-ibayo ang kanilang pananampalataya at sariling kabutihan, palakasin ang kanilang mga pamilya at gawing sentro ng espirituwal na kalakasan ang kanilang tahanan, at tulungan ang mga nangangailangan. Sinusunod nila ang mga alituntunin ng masinop na pamumuhay at ng espirituwal at temporal na pag-asa sa sariling kakayahan. Nag-ibayo rin ang kanilang pagkakapatiran at lalong nagkaisa habang tinuturuan nila ang isa’t isa at sama-samang naglilingkod. Napagpala ng pagsasanay na ito ang kababaihan sa lahat ng katayuan sa buhay. Ikinuwento ni Sister Bonnie D. Parkin kung paano siya napalakas ng mga pagpupulong na ito:
“Bilang mga miyembro ng Relief Society ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pagpapala at responsibilidad nating arugain at pangalagaan ang pamilya. Bawat isa ay kabilang sa isang pamilya, at bawat pamilya ay kailangang palakasin at pangalagaan.
“Ang pinakamalaking tulong sa aking pagiging maybahay ay nagsimula sa aking ina at lola at sumunod ay sa mga miyembro ng Relief Society sa iba’t ibang ward na kinabilangan namin. Natuto ako ng mga kasanayan; nakita ko ang galak na nagmumula sa paglikha ng tahanang nais tirhan ng iba. … Kaya mga lider ng Relief Society, tiyakin ninyong mapalakas sa ipinlano ninyong mga miting at aktibidad ang tahanan ng lahat ng inyong kababaihan.”24
Ipinaalala ni Sister Barbara W. Winder, ang ikalabing-isang Relief Society general president, sa kababaihan ang mga espirituwal na pagpapalang dumarating kapag pinanatili nilang malinis at maayos ang kanilang mga tahanan: “May kasamang kasanayan ang pangangasiwa sa tahanan. Para sa ating sarili at sa ating mga pamilya, mahalaga na mayroon tayong santuwaryo—isang kanlungan na malayo sa daigdig kung saan panatag tayo, at kung may magpunta man dito ay gayon din ang kanilang madarama.”25
Sa bawat isa at sa pangkalahatan, ang kababaihan ng Relief Society ay mga halimbawa sa isa’t isa sa pagsisikap na palakasin ang mga tahanan at pamilya. Ibinahagi ni Sister Belle S. Spafford, ang ikasiyam na Relief Society general president, ang kanyang patotoo sa banal na pinagmulan ng Relief Society at sa papel nito sa pagtulong sa kababaihan na gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga asawa at ina. “Sa palagay ko malaki ang impluwensya nito sa kabutihan sa tahanan,” sabi niya. “Kung may mabuting ina ang isang tao siya ay may kaaya-ayang tahanan, at kung siya ay may mabuting ina sa Relief Society, makatitiyak siya na mamamayani ang karunungan at mabuting impluwensya sa tahanan.”26
Lahat ng babae ay may responsibilidad na mangalaga, o “mag-aruga.” Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mga kapatid na babae, kaming inyong mga kapatid na kalalakihan, ay hindi kayang gawin ang ipinagagawa sa inyo ng langit bago pa man itatag ang daigdig. Maaari naming subukan, ngunit kailanma’y di kami makaaasang matutularan ang mga natatanging kaloob ninyo. Wala nang makikita pa sa mundo na mas magiliw, mas mapangalaga, o mas nakapagbabago ng buhay kaysa sa impluwensiya ng isang matwid na babae. … Lahat ng mga kababaihan ay nagtataglay ng likas na talento at ng pamumunong ipinagkatiwala sa isang ina.”27
Ang salitang pagiging ina ay naglalarawan sa walang-hanggang tungkulin ng kababaihan; inilalarawan nito ang kanilang katangian bilang mga tagapangalaga. Ang pag-aalaga ay makahulugang salita. Ibig sabihin nito ay sanayin, turuan, bigyan ng edukasyon, paunlarin, palaguin, at arugain o pakainin. Ang kababaihan ay binigyan ng dakilang pribilehiyo at responsibilidad na mangalaga sa lahat ng kahulugan ng salitang ito, at tungkulin ng Relief Society na turuan at suportahan ang kababaihan sa kanilang mahalagang tungkulin na inorden ng langit bilang mga ina at tagapangalaga.28
Itinuro ni Sister Julie B. Beck ang tungkol sa pangangalaga: “Ang ibig sabihin ng mangalaga ay mag-aruga, kalingain, at palakihin. Samakatwid, ang mga ina ay [dapat] lumikha ng isang kapaligiran para sa espirituwal at temporal na pag-unlad sa kanilang mga tahanan. Ang isa pang salita sa pangangalaga ay pangangasiwa sa tahanan. Kabilang sa pangangasiwa sa tahanan ang pagluluto, paglalaba at paghuhugas ng mga pinggan, at pagpapanatiling maayos ng tahanan. Ang tahanan ang lugar kung saan may higit na kapangyarihan at impluwensya ang kababaihan; samakatwid, dapat na maging pinakamahusay ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw sa pangangasiwa ng tahanan sa buong mundo. Ang paggawa kasama ang mga anak sa gawaing-bahay ay magagandang pagkakataon para magturo at magpakita ng mga katangian na dapat gayahin ng mga anak. Ang nangangalagang mga ina ay maraming kaalaman, ngunit lahat ng natamong edukasyon ng kababaihan ay mawawalan ng kabuluhan kung wala silang kakayahan na magtatag ng isang tahanan na lumilikha ng kapaligirang kaaya-aya sa espirituwal na pag-unlad. … Ang pangangalaga ay nangangailangan ng pagsasaayos, pagtitiyaga, pagmamahal, at paggawa. Ang pagtulong sa pag-unlad sa pamamagitan ng pangangalaga ay tunay na makapangyarihan at maimpluwensyang tungkulin na ibinigay sa kababaihan.”29
Pagtatanggol sa Pamilya at Pagiging Ina
Bukod sa pagpapalakas ng mga tahanan, ang Relief Society ay naglaan ng matibay na depensa laban sa mga impluwensya sa labas na sumasalakay sa pamilya. Sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter, ang ikalabing-apat na Pangulo ng Simbahan:
“Sa tingin ko ay talagang kailangang magkaisa ang kababaihan ng Simbahan sa paninindigan kasama ng mga Kapatid sa pagpigil sa kasamaan na nakapalibot sa atin at sa pagsusulong ng gawain ng ating Tagapagligtas. …
“… Kaya’t hinihiling namin sa inyo na maglingkod taglay ang malakas ninyong impluwensya sa kabutihan sa pagpapatatag ng ating mga pamilya, simbahan, at komunidad.”30
Noon pa man ay palagi nang nagsasalita ang mga lider ng Relief Society laban sa mga pagsisikap na pahinain ang tradisyunal na pamilya at maliitin ang sagradong papel ng maybahay at ina. Binigyang-diin ni Sister Amy Brown Lyman, ang ikawalong Relief Society general president, na kailangang kapiling at pangalagaan ng mga ina ang kanilang mga anak. Naglingkod siya bilang pangulo noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa panahong ito hinikayat ng mga lider ng pamahalaan at sibiko ang kababaihan na magtrabaho upang suportahan ang ekonomiya ng kanilang bansa habang nasa digmaan ang kanilang asawa. May ilang kababaihan na kinailangang umalis ng bahay at magtrabaho upang matustusan ang mga pangangailangan sa buhay ng kanilang mga pamilya. Bagamat batid ni Sister Lyman ang mga hamong ito, gayunman hinikayat niya ang kababaihan na gawin ang lahat sa abot-kaya nila na manatili sa tahanan at turuan ang kanilang mga anak.
Ang mga mensahe ni Sister Lyman ay tugma sa mga turo ng Unang Panguluhan, na nagpaalala sa mga miyembro ng Simbahan tungkol sa “sagradong katapatan” ng pagiging ina.31 Si Pangulong Heber J. Grant, ang ikapitong Pangulo ng Simbahan, at kanyang mga tagapayo na sina Pangulong J. Reuben Clark Jr. at David O. McKay, ay nagsabing:
“Ang pagiging ina ay malapit sa kabanalan. Ito ang pinakamataas, pinakabanal na paglilingkod na magagawa ng sangkatauhan. Ang babaing gumagalang sa banal na tungkulin at paglilingkod na ito ay pumapangalawa sa mga anghel. Sa inyong mga ina sa Israel sinasabi naming pagpalain at pangalagaan kayo ng Diyos, at bigyan kayo ng lakas at tapang, ng pananampalataya at kaalaman, ng banal na pag-ibig at lubusang pagtupad sa tungkulin, na magiging daan upang lubusan ninyong magampanan ang inyong sagradong tungkulin. Sa inyong mga ina at sa mga magiging ina ay sinasabi naming: Maging malinis ang dangal, manatiling dalisay, mamuhay nang matwid, upang tawagin kayong pinagpala ng inyong mga inapo hanggang sa huling henerasyon.”32
Sa sumunod na mga dekada matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nadagdagan ang masasamang impluwensya sa mga pamilya at tahanan. Nang italaga ni Pangulong Spencer W. Kimball, ang ikalabindalawang Pangulo ng Simbahan, si Sister Barbara B. Smith upang maglingkod bilang ikasampung Relief Society general president, nakadama si Sister Smith “ng matinding impresyon tungkol sa responsibilidad … na ipagtanggol ang tahanan at ang ginagampanan ng babae sa loob ng sagradong pamilyang iyon.”33 Sa kanyang panunungkulan bilang pangulo, ipinagtanggol niya ang mga inihayag na katotohanan tungkol sa banal na tungkulin ng kababaihan at ang mga pagpapala ng mga pamilyang walang-hanggan. Habang masusi niyang pinag-aaralan at ng kanyang mga tagapayo at mga lider ng priesthood ang mga isyung panlipunan noong kanilang panahon, natuklasan nila na ang mga proyektong tinatangkilik ng marami ay hindi mangangalaga sa mga pribiliheyo ng kababaihan sa kanilang papel bilang asawa at mga ina at magpapahina ito sa mga pamilya.
Ibinuod ng reporter ng isang pahayagan ang paulit-ulit na mensahe ni Sister Smith: “‘Alalahanin ang inyong banal na katangian, kayong mga kabiyak, ina, at maybahay. Kayo ang lumilikha ng buhay at pinagyayaman ito. Huwag ipagpalit ang malawak na kapangyarihang iyan sa mga bagay na panandalian at walang halaga. Pahalagahan ito, paunlarin ito, pagbutihin ito. Dakila ang tungkulin ninyo.’ Iyan ang mensahe ni Barbara B. Smith, na lider ng kababaihang Mormon.”34
Ang pagtuligsa sa kabanalan ng pagiging ina at ng pamilya ay tumindi simula noong panahon ng panunungkulan ni Sister Smith. Ngunit dahil sa pananampalataya sa Diyos at sa pagkaunawa sa walang-hanggang kahalagahan ng kanilang mga responsibilidad, patuloy ang kababaihan ng Relief Society, anuman ang kanilang edad, sa pagtataguyod at pagtatanggol sa mga katotohanan na nagpapalakas sa mga tahanan at pamilya. Pinangangalagaan nila ang kabanalan ng pamilya sa iba’t ibang papel na kanilang ginagampanan: bilang mga ina at lola, bilang mga anak at kapatid, bilang mga tiya, at bilang mga guro at lider sa Simbahan. Sa tuwing palalakasin ng isang babae ang pananampalataya ng isang bata, siya ay nag-aambag sa kalakasan ng isang pamilya—ngayon at sa hinaharap.
Mga Itinuturo ng mga Propeta sa mga Huling Araw Tungkol sa Pamilya
Isang ama at ina ang nagtanong minsan sa kanilang mga anak kung ano ang nagustuhan nila sa katatapos na pangkalahatang kumperensya. Sinabi ng kanilang 16-na taong gulang na anak na babae na: “Nagustuhan ko po talaga! Gustung-gusto ko pong pakinggan ang mga inspirado’t matatalinong propeta at lider na itinataguyod ang mga ina.” Marubdob ang hangarin ng dalagang ito na maging isang ina, ngunit nag-aalala siya na ang pagiging ina ay hindi popular at minamaliit pa ito ng maraming tao sa mundo. Napanatag ang kanyang kalooban nang marinig niyang sinusuportahan ng mga propeta at mga apostol ang kabutihan ng kanyang mga mithiin.35 Ang gawain ng Relief Society na patatagin ang tahanan at pamilya ay itinuturo na noon pa man ng mga propeta sa mga huling araw.
Madalas ituro noon ni Pangulong David O. McKay, ang ikasiyam na Pangulo ng Simbahan, na “walang ibang tagumpay na makapapalit sa kabiguan sa tahanan.”36
Si Pangulong Harold B. Lee, ang ikalabing-isang Pangulo ng Simbahan ay nagpayo rin na, “Ang pinakamahalagang gawain ng Panginoon na gagawin ninyo ay ang nasa loob mismo ng inyong mga tahanan.”37
Sa pag-aalala sa patuloy na pagtuligsa sa pamilya, si Pangulong Spencer W. Kimball ay nagpropesiya at nagbabala:
“Marami sa mga paghihigpit ng lipunan na nakatulong noong araw sa pagpapatibay at pagpapatatag sa pamilya ang naglalaho at nawawala. Darating ang panahon na yaong mga tao lamang na matindi at matibay ang paniniwala sa pamilya ang makakayang pag-ingatan ang kanilang pamilya sa gitna ng nagtitipong kasamaan sa ating paligid.
“… May mga tao na bibigyang-kahulugan ang pamilya sa paraang lubhang hindi naaayon sa nakagawian na para bang hindi ito umiiral. …
“Tayo sa lahat ng mga tao … ay hindi dapat padala sa mga maling pahayag na ang yunit ng pamilya ay masasabing nakatali sa partikular na bahagi ng pag-unlad na pinagdaraanan ng isang lipunan dito sa lupa. Malaya tayong labanan ang mga pagkilos na yaon na sumisira sa kahalagahan ng pamilya at nagbibigay-diin sa pagkamasarili ng tao. Alam natin na ang pamilya ay walang hanggan. Alam nating kapag may nangyayaring mali sa pamilya, may mangyayaring mali sa iba pang institusyon sa lipunan.”38
Kasabay ng mahigpit na mga babalang ito, nagsalita ang mga propeta sa mga huling araw at binigyan ng pag-asa ang matatapat na magulang na ang mga anak ay lumihis mula sa landas ng ebanghelyo. Sinabi ni Pangulong James E. Faust: “Sa nagdurusang mga magulang na naging mabuti, masikap, at madasalin sa pagtuturo sa kanilang suwail na mga anak, sinasabi namin sa inyo, binabantayan sila ng Mabuting Pastol. Batid at nauunawaan ng Diyos ang matindi ninyong kalungkutan. May pag-asa.”39
Ipinahiwatig ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kanyang pagtitiwala na ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw, na pinalakas ng kanilang samahan sa Relief Society, ay matutulungan ang kanilang mga pamilya na makayanan ang mga pagtuligsa sa tahanan. Binigyang-diin niya na maaaring magkaisa ang kababaihan ng Relief Society sa pagtatanggol sa pamilya:
“Tunay na napakahalaga na manatiling matatag at di natitinag ang kababaihan ng Simbahan sa bagay na wasto at angkop sa ilalim ng plano ng Panginoon. Kumbinsido ako na wala nang iba pang organisasyon kahit saan na makapapantay sa Relief Society ng Simbahang ito. … Kung magkakaisa sila at magsasalita nang may iisang tinig, hindi masusukat ang kanilang lakas.
“Nananawagan kami sa kababaihan ng Simbahan na sama-samang manindigan para sa kabutihan. Kailangan nilang magsimula sa sarili nilang tahanan. Maituturo nila ito sa kanilang klase. Maipapahayag nila ito sa kanilang komunidad.
“Sila ay dapat maging mga guro at tagapangalaga ng kanilang mga anak na babae. Ang mga batang ito’y dapat turuan ng mga pinahahalagahan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Primary at sa mga klase ng Young Women. Sa isang batang babaeng mailigtas mo, maraming henerasyon ang maililigtas mo. Lalakas siya at lalong magiging matwid. Magpapakasal siya sa bahay ng Panginoon. Ituturo niya sa kanyang mga anak ang landas ng katotohanan. Susundan nila ang kanyang mga yapak at ituturo din iyon sa kanilang mga anak. Naroon ang mababait na lola upang palakasin ang kanilang loob.”40
“Mga Pagsulyap sa Langit”
Isang lalaki ang nagtanong minsan kay Pangulong Spencer W. Kimball, “Nakapunta na ho ba kayo sa langit?” Bilang sagot sa tanong na ito, sinabi ni Pangulong Kimball na nasulyapan niya ang langit noon mismong araw na iyon nang isagawa niya ang pagbubuklod sa isang mag-asawa, na ang isa sa kanila ay ang huli sa walong magkakapatid na tatanggap sa sagradong ordenansang ito. “Naroon ang mga dalisay ang puso,” sabi ni Pangulong Kimball. “Naroon ang langit.” Ikinuwento niya nang minsang masulyapan niya ang langit sa tahanan ng isang stake president. Maliit lang ang tahanan, ngunit malaki ang pamilya. Nagtulung-tulong ang mga anak sa pag-aayos ng mesa, at isang musmos na anak ang nag-alay ng taos-pusong panalangin sa hapunan. Sinabi ni Pangulong Kimball na nasulyapan niya ang langit nang makausap niya ang isang mag-asawa na hindi kailanman nagkaroon ng sariling anak ngunit “pinuno ang kanilang tahanan” ng 18 ulila. Nagbahagi siya ng iba pang mga karanasan nang masulyapan niya ang langit sa buhay ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw na nagpahayag ng kanilang mga patotoo sa kanilang mga salita at gawa. “Ang langit ay isang lugar,” pagtuturo ni Pangulong Kimball, “ngunit ito ay isa ring kalagayan; ito ay tahanan at pamilya. Ito ay pag-unawa at kabaitan. Ito ay pag-asa sa isa’t isa at gawaing di-makasarili. Ito ay tahimik, matinong pamumuhay; pagsasakripisyo ng sarili, tunay na pangangalaga, mabuting pagmamalasakit sa iba. Ito ay pagsunod sa mga kautusan ng Diyos nang walang pagyayabang o pagbabalatkayo. Ito ay hindi makasarili. Ito ay tungkol sa ating lahat. Dapat lamang nating pahalagahan ito kapag natagpuan natin ito at matamasa ito. Oo, minamahal kong kapatid, maraming beses ko nang nasulyapan ang langit.”41
Sa iba’t ibang dako ng mundo, ang kababaihan ng Relief Society at kanilang mga pamilya ay napalapit na sa langit sa paraan ng kanilang pamumuhay.
Isang kapatid na babae sa Estados Unidos ang nag-alaga sa kanyang inang malapit nang mamatay sa loob ng 3 taon. Wala pang isang taon pagkalipas niyon, ang kanyang anak na babae ay nagkaroon ng kakaibang pisikal na karamdaman. Inalagaan ng matapat na inang ito ang kanyang anak sa bawat araw sa loob ng 10 taon hanggang sa mamatay ang dalaga sa edad na 17.
Isang ina sa Tonga na mag-isang nagtataguyod sa pamilya ang may simpleng tahanan kung saan inalagaan niya ang mga anak. Ang pinakahangarin niya ay makapaglingkod ang kanyang mga anak sa Panginoon at bumuti ang kanilang buhay. Alinsunod sa mga prayoridad na ito, tinulungan niya ang kanyang mga anak na masunod ang mga huwaran ng ebanghelyo sa kanilang buhay. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, sila ay nakapag-aral. Sila ay nanalangin, nag-aral ng mga banal na kasulatan, nagtrabaho, at sama-samang sumamba.
Isang babae sa Estados Unidos ang may 8 anak na wala pang 14 na taong gulang ang panganay. Ang bawat araw ay hamon sa kanyang katawan, isipan, espirituwalidad, at damdamin, ngunit inasikaso niya nang tama ang mga bagay-bagay. Tinulungan niya ang kanyang asawa sa paglilingkod nito sa Simbahan at sa pagsisikap niyang suportahan ang kanilang pamilya. Magkasama silang nanalangin para sa bawat anak at nag-isip ng mga paraan upang matulungan ang bawat isa na sumulong sa kanilang mga personal na responsibilidad at mithiin. Sa kanyang tahanan, ang puspusang pagluluto, pangangasiwa, pag-iisip, at pananalangin ay napakalaking gawain para sa kapatid na ito. Bukod pa rito, tinanggap niya ang mga tungkulin sa visiting teaching at inasikaso ang kababaihan sa kanyang ward na kailangang tulungan. Ipinagdasal niya ang mga ito, nag-alala tungkol sa kanila, dinalaw sila, at maraming beses silang kinukumusta sa bawat buwan.
Isang matapat na pamilya sa Mexico ang nakatira sa isang matao at maingay na lungsod sa isang tahanan sa likod ng isang malaking pader at gate na bakal. Nagpinta ang ina sa pader ng magandang halamanan, na may mga puno, bulaklak, at isang fountain. Sa loob ng tahanan, may mga aklat ang pamilya sa istante at may lugar kung saan maaari silang magtipon para mag-aral at maglaro.
Isang babae sa Ghana ang nag-asikaso sa bukid ng kanyang pamilya. Sa labas ng bakod ay nagtanim siya ng mga halamang yarrow. Sa loob ng bakod, nag-alaga siya ng mga kambing. Itinabi rin niya ang mga palm nut na pinakukuluan niya para makagawa ng langis na mula sa palm na ibebenta sa mga palengke sa lugar. Lahat ng bagay na nasa malinis niyang bakuran ay nagpakita ng kanyang pagmamahal sa kanyang pamilya. Nililinis at winawalisan niya ang kanyang bakuran. Sa ilalim ng isang punong mangga ay gumawa ang pamilya ng upuan kung saan sila maaaring umupo kapag family home evening at sa iba pang pagtitipon ng pamilya.
Isang babaeng walang-asawa at may kapansanan ang nakatira sa ika-80 palapag ng isang mataas na gusali sa Hong Kong. Mag-isa lang siya sa buhay at siya lamang ang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya, ngunit ginawa niya ang kanyang tahanan na isang kanlungan kung saan madarama niya at ng mga bisita ang inspirasyong mula sa Espiritu. Sa isang maliit na istante ay naroon ang kanyang mga banal na kasulatan, manwal sa Relief Society, at kanyang himnaryo. Sinaliksik niya ang kanyang mga ninuno at nagpunta sa templo para maisagawa ang mga ordenansa para sa kanila.
Isang babae sa India ang tumulong sa pagbuo ng isang branch sa kanyang lungsod. Ang kanyang asawa ang branch president noon, at siya ang pangulo ng Relief Society sa isang grupo ng mga 20 miyembro. Pinalaki nila ang tatlong matatapat na anak na babae, gamit ang mga alituntunin ng ebanghelyo na nangangalaga sa kanila sa kanilang banal na tahanan.
Isang ina sa Brazil ang nakatira sa isang tahanan na yari sa pulang laryo sa isang bakuran na may pulang lupa na napalilibutan ng pader na yari sa laryo. Maririnig ang mga awitin sa Primary, at ang mga dingding ay natatakpan ng mga larawang ginupit mula sa Liahona na mga larawan ng templo, mga propeta ng Diyos, at ng Tagapagligtas. Nagsakripisyo sila ng kanyang asawa upang mabuklod sa templo upang maisilang ang kanilang mga anak sa loob ng tipan. Ang palagi niyang dasal ay na tulungan siya ng Panginoon at bigyan siya ng lakas at sapat na inspirasyon upang mapalaki ang kanyang mga anak sa liwanag, katotohanan, at kalakasan ng ebanghelyo para makagawa at matupad nila ang mga tipan na pinaghirapan nilang mag-asawa na ilaan para sa kanila.
Ang kababaihang ito, na kumakatawan sa marami pa, ay tunay na, gaya ng sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “mga tagapangalaga ng tahanan.”42 Sila ay karapat-dapat sa mga salitang ito na binigkas ni Pangulong W. Kimball:
“Ang maging mabuting babae ay isang bagay na maluwalhati sa anumang panahon. Ang maging mabuting babae sa huling panahon ng mundong ito, bago ang ikalawang pagparito ng ating Tagapagligtas, ay natatanging dakilang tungkulin. Maaaring higit sa sampung beses ang lakas at impluwensya ng mabuting babae ngayon kaysa noong mga panahong mas mapayapa. Inilagay siya rito para tumulong na pagyamanin, protektahan, at bantayan ang tahanan—na siyang pangunahin at pinakamarangal na institusyon ng lipunan. Maaaring manghina at bumagsak pa ang ilang institusyon sa lipunan, subalit makatutulong ang mabuting babae para mailigtas ang tahanan, na maaaring siyang huli at natatanging santuwaryo na alam ng ilang mortal sa gitna ng unos at paghihirap.”43
“Nawa’y Maging Malakas Kayo para sa mga Hamon ng Panahong Ito”
Sa makasaysayang gabing iyon nang basahin ni Pangulong Hinckley ang paghahayag sa mag-anak, tinapos niya ang kanyang mensahe sa pagbibigay ng basbas sa kababaihan ng Simbahan:
“Nawa’y pagpalain kayo, minamahal kong mga kapatid. … Nawa’y maging malakas kayo para sa mga hamon ng panahong ito. Nawa’y pagkalooban kayo ng karunungan na higit pa sa inyong karunungan sa paglutas sa mga problemang nakakaharap ninyo sa tuwina. Nawa’y sagutin ang inyong mga dalangin at pagsamo nang may pagpapala sa inyong mga uluhan at sa uluhan ng inyong mga mahal sa buhay. Iniiwan namin sa inyo ang aming pagmamahal at aming basbas, upang mapuspos ng kapayapaan at kaligayahan ang inyong buhay. Maaari itong mangyari. Marami sa inyo ang makapagpapatotoo na nangyari ito. Pagpalain kayo ng Panginoon ngayon at sa susunod pang mga taon, ang mapagpakumbaba kong dalangin.”44