Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 5: ‘Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang’


Kabanata 5

“Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang”

Nang tawagin si Sister Emmeline B. Wells noong 1910 na maglingkod bilang ikalimang pangkalahatang pangulo ng Relief Society, siya ay handa sa responsibilidad. Bilang isa sa mga nandayuhan sa Salt Lake Valley, nakipagtulungan siya sa kababaihang may matatag na patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo at nakauunawa sa mga saligang alituntunin ng Relief Society. Naglingkod siya bilang sekretarya sa dalawang pangkalahatang pangulo ng Relief Society, sina Zina D. H. Young at Bathsheba W. Smith, mula 1888 hanggang 1910.

Taglay ang patotoo na ang Relief Society ay inorganisa sa pamamagitan ng paghahayag, nangako si Sister Wells at ang kanyang mga tagapayo na sina Clarissa S. Williams at Julina L. Smith, na pangangalagaan nila ang mga alituntuning saligan ng samahan. Noong Oktubre 1913 sinabi nilang:

“Ipinapahayag namin na layon naming panatilihing buo ang orihinal na pangalan at dating diwa at layunin ng dakilang samahang ito, na mahigpit na sinusunod ang mga inspiradong turo ni Propetang Joseph Smith nang ihayag niya ang plano kung saan binigyang karapatan ang kababaihan sa pamamagitan ng pagtawag ng priesthood na maigrupo sa angkop na mga samahan para mangalaga sa maysakit, tulungan ang mga nangangailangan, bigyang-kapanatagan ang may edad na, bigyang-babala ang walang-ingat, at kalingain ang mga ulila.”1

Ilang buwan bago ito, ang layuning ito ang nakahikayat kay Sister Wells at sa kanyang mga tagapayo na magkaroon ng isang motto na magpapaalala sa tuwina sa mga saligang alituntunin ng samahan at sa inspiradong pinagmulan nito. Pinili nila ang isang pahayag sa banal na kasulatan: “Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang.”2 Nakapaloob sa walong salitang ito ang utos na ibinigay ng Propetang Joseph Smith sa kababaihan ng Relief Society: ang “bigyang-ginhawa ang mga dukha” at “magligtas ng mga kaluluwa.”3

Noon, ang kababaihang pioneer ay nagpakita ng pag-ibig sa kanilang kapwa na nakatira malapit sa kanila. Ngayon ay inoorganisa ng kababaihan ng Relief Society ang kanilang sarili upang ipakita rin ang pag-ibig sa kapwa, “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo,”4 sa mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo.

Binuo ni Sister Wells at ng kanyang mga tagapayo ang motto na ito sa panahon ng kapayapaan at kaunlaran. Hindi nila alam na masusubukan ang kanilang motto ng mga mangyayari sa darating na mga taon.

Pamumuhay nang Payapa sa Panahon ng Digmaan

Nagsimula ang digmaan sa Europa noong 1914. Nang matapos ang digmaan noong Nobyembre 1918, marami nang bansa ang sumali sa kaguluhan, na nakilala bilang Unang Digmaang Pandaigdig. Sa panahong ito, nang ang kalupitan at hindi pagpaparaya ay banta sana sa mapagkawanggawang damdamin na inaasahan sa kababaihan ng Relief Society, ipinalabas ni Sister Emmeline B. Wells at ng kanyang mga tagapayo ang kasunod na mensahe sa lahat ng kababaihan sa Simbahan:

“Pangalagaan nang may pagmamahal at pagtitiis ang inyong asawa at mga anak; bantayan ang inyong mga musmos; huwag silang hayaang maging hindi mapagparaya o masuklam sa anumang bansa o sa sinumang tao; huwag silang pahawakin ng baril; huwag silang palaruin ng kunwa-kunwariang digmaan ni gayahin ang namamatay sa labanan; turuan sila ng katapatan sa bansa at watawat, ngunit tulungan silang madama na sila ay mga kawal ng Langit at kung kinakailangang sila ay makidigma sa pagtatanggol ng kalayaan, ng bansa at mga tahanan, gagawin nila ito nang walang matinding pagkapoot at kalupitan. … Ituro ang mga payapang bagay ng kaharian [at] mas masigasig na lingapin ang mga nangangailangan nang higit kailanman.”5

Sa pagpapadala ng mensaheng ito, hinimok ni Sister Wells ang kababaihan na kumilos at ipakita ang pag-ibig sa kapwa, gaya ng itinuro ni Propetang Joseph Smith mahigit 70 taon na ang nakararaan. Hinikayat niya silang maging mapagpasensiya sa mga mahal sa buhay at mabait sa kapwa—pati na sa mga kaaway—at paglingkuran ang mga nangangailangan. Sinunod ng kababaihan ng Relief Society ang payong ito. Hinangad nilang matanggap at ibahagi ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, na alam nilang hindi magkukulang kailanman.6 Palalakasin sila ng pagmamahal na ito sa panahon ng digmaan at kapayapaan.

Noong Unang Digmaang Pandaigdig, buong pusong nakipagtulungan ang Relief Society sa Estados Unidos kasama ang mga organisasyon sa komunidad gaya ng National Council of Defense at American Red Cross. Nakibahagi ang kababaihan sa produksyon at pagtitipid ng pagkain, mga pangangalap ng pondo, kalinisan, pagkakawanggawa sa mga bata, at iba pang paglilingkod. Masigasig at masigla silang nakipagtulungan sa mga gawaing ito ng komunidad. Gayunman, ipinaalala ng kanilang propeta na hindi nila dapat kailanman kalimutan ang banal na pinagmulan ng Relief Society.

Pangulong Joseph F. Smith

Joseph F. Smith

Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith, ang ikaanim na Pangulo ng Simbahan, na samantalang ang mga organisasyon ng mundo ay “gawa [ng] tao, o gawa [ng] kababaihan,” ang Relief Society “ay buong kabanalang itinayo, binigyang kapahintulutan, pinasimulan, inorden ng Diyos para sa kaligtasan ng mga [kaluluwa ng] kababaihan at kalalakihan.” Ayaw niyang “dumating ang panahon na ang ating mga Relief Society ay susunod, o makikihalubilo at mawawala ang kanilang sariling pagkakakilanlan sa pakikisalamuha sa mga organisasyong ito na gawa ng kababaihan at lumilipas. … Kayo dapat,” ang sabi niya sa kababaihan ng Relief Society, “ang umakay sa daigdig at akayin lalo na ang kababaihan ng daigdig, sa lahat ng bagay na maipagkakapuri, sa lahat ng bagay na maka-Diyos, sa lahat ng bagay na nagbibigay-sigla at nakapagpapadalisay sa mga anak ng tao. Kayo ang ulo, hindi ang buntot.”7 Ganito rin ang pananaw ni Sister Emmeline B. Wells. Ginabayan niya ang Relief Society sa pakikipagtulungan sa iba pang mga organisasyon, ngunit tumulong din siya upang mapanatili ang kakaibang layunin ng samahan at ang banal na katangian nito.

Bukod sa pakikipagtulungan sa iba pang mga organisasyon, ang kababaihan ng Relief Society ay gumawa nang maraming iba’t ibang bagay sa kanilang sarili at sa kanilang mga ward upang makapaglaan ng mga kalakal at makaipon ng pera para sa mga nangangailangan. Ang ilang kababaihan ay nanahi at nagbenta ng mga damit, apron, mga damit na pambata, quilt o kubrekama, at mga sumbrero at basahan na gawang-kamay. Ang ilan ay nag-alaga at nagbenta ng mga baka at tupa.

Nalaman ng isang kapatid na babae sa Tooele, Utah, na ang ginawa niyang quilt o kubrekama ay nakapagbigay-ginhawa sa isang pamilyang British sa panahon ng digmaan. Ginawa ng kapatid na ito sa Relief Society ang quilt o kubrekama noong 1906, nag-ipit ng maikling sulat sa loob nito, at ipinadala ito sa San Francisco, California, upang tulungan ang mga biktima ng isang malakas na lindol. Makalipas ang labing-isang taon, ang quilt o kubrekama ay ibinigay sa Red Cross at ipinadala sa Great Britain. Nang makita ang maikling sulat ng British na tumanggap nito, nagpadala siya ng personal na liham ng pasasalamat, na nagsasabing ang quilt o kubrekama “ay nakatulong nang malaki, lalo pa’t namatay ang aking asawa sa digmaan.” Naiwan sa kanya ang walong anak at walang posibilidad na makapagtrabaho, inamin ng balong ito na, “Ito lang ang magagawa ko.”8

Maraming kababaihang miyembro sa Great Britain ang nagboluntaryo na manahi at mag-knit para sa mga sundalo, ngunit wala silang perang pambili ng mga kailangang materyal. Ang mga American at Canadian Relief Society ay buong pananabik na nag-ambag sa isang emergency fund para makatulong. Nagpadala sila ng pera sa bawat branch sa Great Britain para makabili ang mga miyembrong British ng mga materyal sa paggawa ng mga kubrekama, punda ng unan, at damit.

Nang ipagbili ng Relief Society ang natitira nitong trigo sa pamahalaan ng Estados Unidos noong 1918 (tingnan sa kabanata 4), napansin ni Sister Wells na, “Sa mga taong ito hindi natin gaanong kinailangang gamitin ang butil na inimbak para sa nilayong paggamitan nito, ngunit dahil sa mabigat na pagsubok na nakaabang at nagbabanta sa mundo tulad ng nangyayari ngayon, makikita natin ang karunungan ni Pangulong Young bilang propeta sa pananawagan sa kababaihan na mag-imbak ng butil para sa oras ng pangangailangan.”9

Ang pinagbentahan ng trigo ay hindi lamang naglaan ng pagkain sa mga taong nagugutom. Iminungkahi ni Sister Clarissa S. Williams, na naglingkod bilang isa sa mga tagapayo sa panguluhan, na itabi ng Relief Society ang pondo mula sa pinagbentahan sa isang central account at gamitin nila ang interes para matustusan ang adhikaing mapabuti ang kalusugan ng kababaihan at mga bata. Kalaunan, nang maglingkod si Sister Williams bilang ikaanim na Relief Society general president, pinangasiwaan niya ang paggamit ng pondong iyon para sa gayong mga layunin.

Pagpapalakas sa mga Indibiduwal at Pamilya

Nang matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig, maraming pamilya at mga indibiduwal ang nangailangan ng tulong—sa pinansiyal, pisikal, emosyonal, at espirituwal. Upang matugunan ang mga pangangailangang ito, itinatag ng Relief Society ang Relief Society Social Service Department noong 1919, na lubos na sinuportahan ni Pangulong Heber J. Grant, ang ikapitong Pangulo ng Simbahan. Si Sister Amy Brown Lyman, na kalaunan ay naging ikawalong Relief Society general president, ang nagsilbing direktor ng departamento. Sa pamamagitan ng Social Service Department, nakipagtulungan ang Relief Society sa mga ward at stake sa pagtulong sa mahihirap na kababaihan at batang babae na makahanap ng trabaho at sa pagpapaampon ng mga bata. Gayunman, ang pangunahing layunin nito ay magbigay ng praktikal na training para sa mga pamilya. Sinabi ni Sister Lyman na ang Relief Society Social Service Department ay hindi “ahensiyang nagbibigay-ginhawa” kundi isang “departamento ng serbisyo,” na binibigyang-diin “ang pag-aaral sa mga situwasyon ng pamilya, paggawa ng mga plano at badyet, pagsasaayos ng tulong kung saan may mga pamilyang LDS, at pagbibigay ng training sa mga manggagawa.”10

Isinasaisip ang mithiing ito, ang Social Service Department ay lumikha ng anim-na-linggong training program ukol sa kapakanan ng pamilya. Pumasok sa klaseng ito ang mga stake worker at pagkatapos ay nagbalik sa kanilang mga ward at komunidad at itinuro ito. Mahigit 4,000 kababaihan ang nabigyan ng training.

Simula noong 1902, itinaguyod ng Relief Society general presidency ang isang programa para bigyan ng training ang mga nars. Pagsapit ng 1920, ang propesyonal na training para sa mga nars ay naging mas ekstensibo, kaya’t ang Relief Society ay nagpasimula ng training program para sa mga nurses’ aide. Ang isang taong kurso, na nagsimula sa LDS Hospital sa Salt Lake City, Utah, ay hindi sumingil ng matrikula. Sa halip, ang mga estudyante ay hinilingang magbigay ng 30 araw na libreng paglilingkod bilang nars sa kanilang mga komunidad. Pagkatapos ng 4 na taon kung saan 46 na mga aide ang sinanay, itinigil ng Relief Society ang programa at sumuporta naman sila sa mga kurso ng Red Cross sa home-nursing. Gaya ng iba pang mga programa, ginamit ng Relief Society ang programang ito upang tugunan ang partikular na temporal na pangangailangan noong panahong iyon at pagkatapos ay inilipat sa iba pang mga ahensiya ang gawain.

Hinikayat ng mga lider ng Relief Society ang kababaihan na patuloy na paglingkuran ang isa’t isa sa mapagkawanggawang paraan, gaya ng ginawa nila noon sa Nauvoo. Inalagaan ng kababaihan ang mga maysakit, nanahi ng damit para sa mga nangangailangan nito, at tumulong sa iba pang paraan sa mga nangangailangan. Halimbawa, noong 1921 isang grupo ng mga Armenian na Banal sa mga Huling Araw na nakatira sa Turkey ang kinailangang lumikas sa kanilang mga tahanan. Tinulungan sila ni Joseph W. Booth, ang pangulo ng Palestine-Syrian Mission, na lumipat sa Aleppo, Syria, kung saan bumuo siya ng isang branch na may 30 kababaihan sa Relief Society. Karamihan sa mga babaeng ito ay talagang mahihirap, gayunman nadama nilang pribilehiyo at tungkulin nila bilang kababaihan ng Relief Society na paglingkuran ang mga taong mas kapus-palad sa kanila. Kaya’t nagtipun-tipon sila at nanahi ng mga damit mula sa 100 yarda ng tela na binili ni President Booth. Naghanda rin sila ng pagkain para sa mga kapwa refugee na kulang sa nutrisyon.

Noong Abril 1921, si Sister Clarissa S. Williams ang humalili kay Sister Emmeline B. Wells bilang Relief Society general president. Dahil nakapaglingkod sa presidency kasama ni Sister Wells, handa siya sa mga hamon na darating. Nakilala siya sa kanyang kahusayan sa pag-oorganisa at sa kanyang pagmamahal at pakikipagkaibigan sa lahat.

Nag-alala si Sister Williams sa dami ng bilang ng mga namamatay na ina at sanggol. Nag-alala rin siya sa kawalan ng mga oportunidad ng mga may kapansanan at sa mababang uri ng pamumuhay ng maraming kababaihan. Sa ilalim ng kanyang matalino at mahusay na pamumuno, nagpatuloy ang mga Relief Society sa kanilang mga pagsisikap na ibsan ang ganitong mga problema. Noong 1924, sa suporta at panghihikayat ng mga pangkalahatan at lokal na mga lider ng priesthood at ni Sister Williams, ang Cottonwood Stake Relief Society ay nagtatag ng isang hospital para sa mga buntis o nagdadalantao. Ang hospital na ito ay naging bahagi kalaunan ng maraming hospital ng Simbahan.

Nakita ni Sister Williams na kailangan talagang isulong ang “kalusugan, oportunidad, at disenteng pamantayan ng pamumuhay para sa lahat ng makikilala nating nangangailangan.” Sinabi niya, “Ang gayong adhikain para sa mas ikabubuti ng lahat ay kinapapalooban ng maingat na paghahanda, pagsasanay, pag-aaral, at aktuwal na paglilingkod.”11 Nakatulong ang mga pagsisikap na ito upang matugunan ang kasalukuyang mga pangangailangan, at nagbigay ng pagkakataon sa mga bishop na makatulong sa mga pamilyang nangangailangan. Inihanda rin nito ang Simbahan na tumugon sa mga kahirapan na darating sa susunod na ilang taon.

Matutong Umasa sa Sariling Kakayahan

Sa loob ng mahigit isang dekada pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, kumilos ang Relief Society upang pagandahin ang uri ng pamumuhay ng kababaihan at mga pamilya, sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa kalusugan, trabaho, at edukasyon. Nagpatuloy rin ang Relief Society sa paghikayat na maging mabuti at magkawanggawa. Pagkatapos, nang halos walang babala, ang daigdig ay biglang dumanas ng matinding kahirapan sa ekonomiya sa pagtatapos ng 1929.

Minsan pa ang mga katangiang itinuro at natutuhan sa Relief Society ay nagpalakas sa mga indibiduwal at pamilya sa panahon ng krisis. Ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw ay nagkaroon ng lakas sa kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, ginamit ang kanilang mga kasanayan sa pag-asa sa sariling kakayahan, at nagtrabaho upang ipakita ang pagkakawanggawa na nasa kanilang mga puso. Taglay ang mga alituntuning ito na gagabay sa kanila, nagawa nilang pangalagaan ang kanilang sarili at kanilang mga pamilya habang tumutulong sa iba.

Noong 1928, tinawag ni Pangulong Heber J. Grant si Sister Louise Y. Robison na maglingkod bilang ikapitong Relief Society general president. Hindi na bago kay Sister Robison ang mga kahirapan sa ekonomiya. Lumaki siya sa isang simpleng tahanang yari sa troso sa nayon ng Scipio, Utah, kung saan natuto siyang magsaka, maghalaman, manahi, magtrabahong mabuti, mabuhay sa kaunting kinikita, at maging masayahin.

Pitong taon bago tinawag si Sister Robison na maging Relief Society general president, itinalaga siya ni Pangulong Grant na maglingkod bilang pangalawang tagapayo sa pangkalahatang panguluhan ng Relief Society. Nadama niya ang kanyang mga kakulangan, na isinalaysay ng kanyang anak na babae:

Pangulong Heber J. Grant

Heber J. Grant

“Nang magpunta si Inay sa opisina ni Pangulong Grant para ma-set apart o italaga, tiyak niya na mali ang impormasyong ipinarating kay Pangulong Grant tungkol sa kanyang mga kakayahan, kaya’t sinabi niya na ikalulugod niyang gawin ang lahat sa abot ng kanyang makakaya anuman ang ipagawa sa kanya, ngunit gusto niyang malaman ni Pangulong Grant na limitado ang kanyang pinag-aralan, at kakaunti lang ang pera niya at hindi siya kilala sa lipunan, at nangangamba siya na baka hindi siya ang huwarang inaasahan ng kababaihan ng Relief Society sa isang pinuno. Nagtapos siya sa pagsasabing ‘Ako po’y isang simpleng babae lamang!’ Sumagot si Pangulong Grant na, ‘Sister Louizy, 85% ng kababaihan ng ating Simbahan ay simpleng mga babae. Tinatawag ka namin na maging pinuno nila.’”12

Dahil nahikayat sa mga salita ni Pangulong Grant, ibinahagi ni Sister Robison ang kanyang natatanging mga kaloob at buong pusong naglingkod, una bilang tagapayo at pagkatapos bilang pangulo. Siya ay matalino, mahabagin, at masipag. Ang kakulangan niya ng pormal na edukasyon at materyal na kayamanan ang naging daan upang maunawaan at matulungan niya ang mga nasa gayunding kalagayan. Ang kanyang payo sa mga tagapangasiwa ng tahanan at mga ina ay praktikal at malinaw. Naunawaan niya ang hirap ng pamumuhay sa kaunting badyet, gayunman alam niya ang kahalagahan ng impluwensya ng isang ina sa tahanan. Kaya’t hinikayat niya ang mga ina na gawin ang lahat sa abot ng kanilang makakaya na manatili sa tahanan na kasama ng kanilang mga anak sa halip na iwanan sila at magtrabaho sa labas.

Ang pamahalaan ng Estados Unidos ay bumuo ng maraming relief program sa pagsisikap na baguhin ang takbo ng krisis sa ekonomiya. Pansamantalang nakipagtulungan ang Relief Society Social Service Department sa mga ahensiyang ito ng komunidad upang paglingkuran ang mga pamilyang nangangailangan, ngunit lumaki ang pangangailangan at hindi na ito nakayanan ng departamento. Nakita ng isang tauhan sa departamento ang pagdami ng gawain niya mula sa 78 pamilya noong 1929 na naging mahigit sa 700 noong 1934.13

Pinasalamatan ng Simbahan ang mga pagpupursigi ng mga ahensiya ng pamahalaan. Sinabi ni Sister Robison na “napakaganda ng ginagawa” ng pamahalaan ng Estados Unidos sa pagtulong sa mga taong nangangailangan. Gayunman, nakiisa siya sa mga lider ng priesthood sa pagsasabing kailangang patuloy na sundin ng mga miyembro ng Simbahan ang mga pangunahing pinahahalagahan ng pag-asa sa sariling kakayahan. Sinabi niya: “Sa loob ng siyamnapu’t tatlong taon ay sinasabi ng Relief Society na pangalagaan natin ang mga kasamahan nating nangangailangan. Naiisip ko na baka masyado nating ipinauubaya ito ngayon sa Pamahalaan.”14

Noong Abril 1936, pinasimulan ng Unang Panguluhan ang welfare program o programang pangkapakanan sa buong Simbahan. Dahil dito mas nakatulong ang Simbahan sa mga miyembrong nangangailangan. Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1936, ipinaliwanag ni Pangulong Heber J. Grant ang layunin ng programa.

“Ang ating pangunahing layunin,” ang sabi niya, “ay magtayo, sa abot ng ating makakaya, ng [isang] sistema kung saan mapapawi ang sumpa ng katamaran, mawawala ang kasamaan ng paglilimos, at minsan pang makintal sa ating mga tao ang pagtayo sa sariling paa, kasipagan, katipiran, at paggalang sa sarili. Ang layunin ng Simbahan ay tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili. Ang trabaho ay dapat muling bigyan ng halaga bilang namamayaning alituntunin sa buhay ng mga miyembro sa ating Simbahan.”15

Makalipas ang ilang taon, binanggit muli ni Pangulong Thomas S. Monson, ang ikalabing-anim na Pangulo ng Simbahan, ang itinurong ito. “Alalahanin,” sabi niya, “ang tulong ng Simbahan ay nilayon upang tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili. Ang pagpapanibago ng buhay ng mga miyembro ay responsibilidad ng indibiduwal at ng pamilya, sa tulong ng korum ng priesthood at ng Relief Society. Sinisikap nating makaasa sa sariling kakayahan, at hindi maging palaasa. Hangad ng bishop na magkaroon ng integridad, respeto sa sarili, dignidad, at mabuting pagkatao ang bawat taong tinutulungan, na hahantong sa lubusang pagtayo sa sariling paa.”16

Isa sa mga gumagabay na alituntunin ng programang pangkapakanan ay na dapat nagtutulungan nang may pagkakaisa ang kababaihan ng Relief Society at ang kalalakihan sa priesthood. Si Pangulong Harold B. Lee, ang ikalabing-isang Pangulo ng Simbahan, ay tumulong sa pagpapasimula ng programang pangkapakanan noong naglilingkod pa siya bilang stake president. Sabi Niya:

“Ang pinakamahalagang bagay na dapat maisakatuparan ng [programang pangkapakanan ng Simbahan] ay ang pagkakaroon ng pagtutulungan at pagkakaisa sa buong Simbahan. …

“Kapag kumilos ang mga Relief Society Organization sa mga Ward sa pakikipagtulungan sa mga Korum ng Priesthood at mga Bishopric, magkakaroon ng programang [pangkapakanan] sa ward na iyon.”17

Ang papel na ginagampanan ng ward Relief Society president ay napakahalaga, sabi ni Bishop Joseph L. Wirthlin, na noon ay Presiding Bishop ng Simbahan: “Sa naiisip ko, iisa lamang ang taong makapupunta sa isang tahanan, makaaalam sa mga pangangailangan nito, at buong talinong matutustusan ang mga ito. Ang taong iyon ay matatawag nating tagapangasiwa ng tahanan, isang pangulo ng Relief Society. … Yamang lahat ng kahanga-hangang kababaihang ito ay may kani-kanyang sariling tahanan, dumaan sa pagiging ina at sa pangangasiwa ng mga tahanan.”18

Ang mga Relief Society ay may mahalagang tungkulin sa gawaing pangkapakanan ng ward. Sa patnubay ng mga bishop, inaalam nila ang mga pangangailangan ng mga pamilya at pagkatapos ay nagbibigay ng pinatuyo at napreserbang mga prutas at gulay, kasuotan, at gamit sa pagtulog kung kinakailangan. May panahon na hinilingan ang kababaihan na nagpepreserba ng prutas na ibigay ang bawat ikasampung garapon sa programang pangkapakanan o welfare program. Naalala ni Sister Belle S. Spafford, ang ikasiyam na Relief Society general president, na tinipon nila noon ang mga prutas na nalaglag sa lupa dahil sa lakas ng hangin, ipinreserba ang mga ito sa mga garapon, at ibinigay sa mga babaeng nangangailangan. Sa pamamagitan ng pagkakataong ito na maglingkod, lalo niyang pinahalagahan ang layunin ng Relief Society.

Ang mga lider ng Relief Society ay mahalagang bahagi ng welfare system o sistemang pangkapakanan ng Simbahan. Sa pangkalahatan, sa stake, at sa ward, nakikilahok sila sa mga welfare committee meeting, at tumutulong sila sa paggawa ng mga desisyon at sa sama-samang pagsisikap. Ang koordinasyong ito ay mahalaga sa paglago ng mga bukirin, pabrika, distribution center, at iba pang mga pasilidad ng welfare system ng Simbahan. Ang Relief Society Social Service Department ay isinama sa Church Welfare and Social Services noong 1969.

Pagpapatibay sa Bigkis ng Pagkakawanggawa

Mula 1939 hanggang 1945, malaking bahagi ng daigdig ang sangkot sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Karamihan sa mga programa ng Simbahan ay apektado ng kaguluhang ito sa buong mundo. Noong Marso 1940, si Pangulong J. Reuben Clark Jr., Unang Tagapayo ni Pangulong Heber J. Grant, ay nakipagpulong sa mga auxiliary president upang muling suriin ang lahat ng programa at mga aktibidad. Ibinalangkas nila ang apat na pangunahing layunin ng bawat organisasyon ng Simbahan: “bawasan ang ‘napakabigat na pasanin’ ng mga miyembro sa pakikibahagi sa mga aktibidad ng simbahan, bawasan ang pasanin ng mga bishop, bawasan ang mga programang nangangailangan ng malalaki at mamahaling mga meetinghouse, at tustusan ang Simbahan ayon sa kakayahan nito.” Ang Relief Society at iba pang mga organisasyon ay hinilingang pagsamahin, pagtulungan, bawasan, simplihan, at iakma ang kanilang gawain upang makiisa sa [Unang] Panguluhan sa pagsasakatuparan ng mga mithiing nakasaad sa itaas.”19

Pangangalaga sa Pamilya

Ang pangunahing layunin ng mga lider ng Simbahan sa pagpapasimple sa kanilang mga programa ay upang pangalagaan ang pamilya. Nag-alala ang mga lider ng priesthood at auxiliary na winawasak ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang mga tahanan at pamilya. Sa pagpunta ng kalalakihan sa digmaan, ang kababaihan ang kinailangang magtaguyod sa kanilang mga pamilya nang walang agarang tulong mula sa kanilang asawa at malalaking anak na lalaki. Muling hinikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga ina na kapiling ang mga anak sa tahanan na maghanap ng mga paraan, kung maaari, na maitaguyod ang mga anak nang hindi maghapong nagtatrabaho sa labas ng tahanan. Hinikayat ng mga lider na ito ang kababaihan ng Relief Society na magkaroon ng mahahalagang kasanayan para makaasa sa sariling kakayahan: paggawa ng quilt, pananahi ng damit, pagtatanim, at pagpepreserba at pag-iimbak ng mga prutas at gulay. Binigyang-diin din nila ang espirituwal na papel na ginagampanan ng ina sa tahanan. Ang mga bansang winasak ng digmaan ay nangangailangan ng mabubuting kabataang mamamayan na naturuan ng kagandahang-asal at kabutihan ng kanilang mga ina.

Pakikipagtulungan sa mga Organisasyon ng Komunidad at sa mga Kapatid sa Priesthood

Gaya sa naunang digmaang pandaigdig, tumugon ang mga miyembro ng Relief Society na nasa Estados Unidos sa panawagan na magboluntaryo at suportahan ang pagsisikap ng iba pang mabubuting organisasyon. Noong 1942, mahigit 10,000 kababaihan ng Relief Society ang nakatapos sa kurso ng Red Cross sa home nursing, first aid, at nutrisyon. Gayundin, nangampanya ang Simbahan laban sa tabako at alak upang pangalagaan ang kalusugan ng mga Banal sa mga Huling Araw na naglilingkod sa militar. Sa pamamagitan ng kanilang suporta sa mga programang ito at sa kanilang mahabagin at mapagkawanggawang paglilingkod, naitaguyod ng kababaihan ng Relief Society ang mabuting kalusugan at pakikipagkapwa.

Ito ay panahon ng pagtutulungan ng kababaihan ng Relief Society, kapwa sa komunidad at sa mga lider ng priesthood. Si Sister Amy Brown Lyman, na naglingkod bilang ikawalong Relief Society general president noong halos buong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay nagsabing:

“Sa palagay ko ang isa sa mga bagay na talagang pinasasalamatan ko higit sa ano pa man … ay ang suportang palaging natatanggap ng kababaihan ng Relief Society mula sa priesthood—mula sa mga General Authority ng Simbahan at mula rin sa mga lokal na priesthood, lalo na sa mga bishop ng ward.

“Binigyan ng mga General Authority ang kababaihang Mormon na mga lider ng mga auxiliary organization hindi lamang ng pambihirang mga pagkakataon sa loob ng Simbahan, kundi hinikayat pa sila sa kanilang pakikipagtulungan sa iba pang mga ahensiya sa pagkakawanggawa.”20

Isang halimbawa ng pakikipagtulungang ito ay ang Indian student placement program, na nagsimula noong 1947 sa pagsuporta ni Elder Spencer W. Kimball, na noon ay nasa Korum ng Labindalawang Apostol. Sa pamamagitan ng programang ito, ang mga kabataang American Indian mula sa maliliit na komunidad ay tumatanggap ng mga imbitasyon na pansamantalang tumira sa mga pamilyang Banal sa mga Huling Araw sa lugar kung saan makapag-aaral sila at kung saan matatag na ang Simbahan. Hinikayat ng programa ang mga kabataang ito na lawakan ang kanilang kaalaman, at itinaguyod din nito ang pagkakaunawaan sa pagitan ng magkakaibang kultura.

Tumulong ang mga lider ng Relief Society, lalo na si Sister Belle S. Spafford, ang ikasiyam na Relief Society general president, sa pangangasiwa ng programa sa ilalim ng pamamahala ni Elder Kimball. Maraming kababaihan ang talagang naglingkod sa mga kabataan sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanila na para bang sila’y sarili nilang mga anak. Ang programa ay nagpatuloy hanggang 1996. Kalaunan ay napuna ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol na: “Naisakatuparan ng Indian Placement program ang layunin nito, at itinigil na ito. At nangyayari iyan. … Inaalis natin ang scaffolding kapag tapos na ang gawain ng pagtatayo.”21

“Ang Dalisay na Pag-ibig ni Cristo”: Pagkakawanggawa

Matindi ang pinsalang naranasan ng kababaihan ng Relief Society sa Europa mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagpakita rin sila ng kapuri-puring katapangan sa paglilingkod sa isa’t isa sa kabila ng napakahirap na kalagayan. Nanatili silang tapat at umasa sa kanilang mga patotoo at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Tunay na nakapagbibigay-inspirasyon ang kanilang buhay at mga patotoo mula sa panahong ito.

Pagkatapos ng digmaan, si Maria Speidel, na naglingkod bilang pangulo ng Germany Stuttgart District Relief Society, ay sumulat:

“Ang nakaraang limang taon ay napakahirap at kami ay lubos na nagpakumbaba. Ang aming tiwala sa Panginoon at aming patotoo sa kanyang Simbahan ang nagpalakas sa amin. Buong awa niya kaming pinangalagaan, at bagama’t marami pang dapat tiisin, binahaginan niya kami ng kanyang lakas. Nawalan ang ilan sa amin ng lahat ng aming ari-arian, bawat bagay na nahahawakan na mahalaga sa amin, at kapag sinabi naming ‘Mas makabubuting lumakad na kasama ng Diyos sa kadiliman kaysa lumakad sa liwanag nang wala Siya,’ alam namin ang ibig naming sabihin. …

“… Buong kagalakan naming kakantahin ang mga awitin ng Sion at magtitiwala kami sa Panginoon. Ginagawa Niyang maayos ang lahat.”22

Si Gertrude Zippro, isa pang district Relief Society president, ay lumakad na kasama ng Diyos sa kadiliman sa loob ng maraming gabi upang mahalin at paglingkuran ang kababaihan. Tumira siya noon sa Holland sa panahong sinakop ng militar ang bansa. Dahil madalas patigilin at halughugin ng mga guwardiya ang mga manlalakbay, nagdala siya ng identification o pagkakakilanlan para mabisita niya ang mga branch Relief Society sa district.

Sinabi ng anak ni Sister Zippro na si John na “lalong naging mapanganib ang lumabas sa gabi sa pagpapatuloy ng pananakop sa loob ng limang taon.” Sa paggunita sa katapatan ng kanyang ina, sinabi niyang, “Nakikinita ba ninyo ang katapangan ng nanay ko sa mga pagkakataong iyon at ang paglabas niya sa gabi sakay ng kanyang bisikleta nang maraming ulit, para dalawin ang iba pang branch?” Paggunita niya: “Kahit ano pa ang pakiramdam niya o kalagayan noon, tinutupad niya ang kanyang obligasyon. Isa siyang dakilang babae at lider! Walang duda ngayon sa isipan ko na pinili siya ng Panginoon na maging Relief Society President noong panahong iyon.”

Sinabi ng anak ni Sister Zippro, “Lubos siyang nagtitiwala sa Panginoon para paulit-ulit na gawin ang gayon sa ganoong kalagayan, nang hindi nalalaman kung anong problema ang makakaharap niya.”23

Sa Denmark, mas maganda ang katayuan ng mga Banal kaysa sa mga nasa ibang bansa. Mayroon silang pagkain, kaya’t ibinabahagi nila ito sa mga kapitbahay nilang kapus-palad. Sinabi ni Eva M. Gregersen, pangulo ng Danish Mission Relief Society, na: “Noong panahon ng digmaan ay tinulungan namin ang naguguton naming karatig-bayan, ang Norway. Kasama ng mission office, nagbibigay kami noon ng pera para sa layuning ito at bawat buwan ay maraming pakete ng pagkain ang ipinadadala sa aming mga kapatid sa Norway, na labis-labis ang pasasalamat.”24

Si Pangulong Hugh B. Brown ay saksi mismo sa ipinakitang pag-ibig sa kapwa. Naglingkod siya bilang pangulo ng British Mission mula 1937 hanggang 1939, bilang coordinator ng mga sundalong Banal sa mga Huling Araw sa Europa mula 1939 hanggang 1945, at muli bilang pangulo ng British Mission mula 1945 hanggang 1946. Kalaunan ay naglingkod siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at ng Unang Panguluhan. Iniulat niya ang paglilingkod na nakita niya sa kababaihan ng Relief Society noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig:

“May daan-daang kababaihan ng Relief Society na nasa lugar ng digmaan na lantad sa mga panganib, pagsubok at kahirapan, na maikukumpara sa ating kalalakihan na nasa digmaan. Ang matatapang na kababaihang ito ay matatatag sa harap ng halos hindi makayanang paghihirap. …

“Ang lumuhod at manalangin kasama ang kababaihang ito at marinig silang nagpapasalamat sa Diyos sa mga simpleng pagpapala sa kanila, sa pagliligtas sa kanilang buhay at sa buhay ng kanilang mga minamahal, at sa kakaunti nilang pagkain at kanilang mga tahanan na walang bintana ay isang inspirasyon at pagsansala rin sa marami sa atin na tumatanggap ng napakaraming pagpapala kaysa sa tinatamasa ng mga kababaihang ito, ngunit palagi tayong nagrereklamo kapag napagkakaitan ng ilang karangyaan sa buhay.”25

Si Hedwig Biereichel, isang kapatid na taga-East Germany, ay naglaan ng pagkain para sa nagugutom na mga Russian na bilanggo ng digmaan, kahit na maaari siyang mabilanggo at ang kanyang pamilya o kaya’y mapatay sa gayong pagkakawanggawa.26 Makalipas ang ilang taon, siya ay ininterbyu tungkol sa mga naranasan niya, gayundin ang iba pa na dumanas ng gayong pagsubok noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa pagtatapos ng bawat interbyu, itinanong ng nag-iinterbyu, “Paano mo iningatan ang iyong patotoo sa kabila ng lahat ng pagsubok na ito?” Ibinuod ng nag-iinterbyu ang lahat ng sagot na natanggap niya sa ganitong pangungusap: “Hindi ko iningatan ang patotoo sa panahong iyon—ako ang iningatan ng patotoo.”27

Nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945, dumanas ang kababaihan ng Relief Society ng matinding kalungkutan at kasalatan. Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito, patuloy nilang pinaglingkuran ang isa’t isa, pinalakas ang mga pamilya, at pinatatag ang mga patotoo.

Bilang saksi ng maraming pagdurusa at ng hindi makasariling paglilingkod, sinabi ni Sister Amy Brown Lyman:

“Ang [aking] patotoo ang naging saligan ko at nagpatatag sa akin, ang aking kasiyahan sa panahon ng tuwa at galak, ang nagbibigay sa akin ng kapanatagan sa panahon ng kalungkutan at panghihina ng kalooban. …

“Nagpapasalamat ako sa pagkakataong makapaglingkod … sa Relief Society kung saan malaking bahagi ng buhay ay maligaya at kontento akong nakipagtulungan sa libu-libong mga miyembro nito. Napuntahan ko ang kanilang mga tahanan, natulog sa kanilang mga higaan, at kumain sa kanilang mga mesa, at sa gayon ay nalaman ko ang kagandahan ng kanilang pag-uugali, ang kanilang hindi pagkamakasarili, ang maunawain nilang puso, ang kanilang katapatan, at mga pagsasakripisyo. Walang salitang makapaglalarawan sa paggalang ko sa dakilang kapatirang ito ng paglilingkod.”28

Sa panahon ng pagsubok at kawalang-katiyakan, sinunod ng kababaihan ng Relief Society sa buong mundo ang payo ni Mormon na “manangan sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat.” Naipakita nila ang kanilang malinaw na pagkaunawa na bagamat “lahat ng bagay ay nagkukulang … ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman.”29 Sila ay naging tapat sa tuwina sa kanilang motto: “Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang.”

Kabanata 5

  1. Emmeline B. Wells, Clarissa S. Williams, and Julina L. Smith, “Resolutions of Relief Society,” Woman’s Exponent, Nob. 1913, 79.

  2. I Mga Taga Corinto 13:8; Moroni 7:46; tingnan din sa General Board Minutes, 1842–2007, Hulyo 3, 1913, Church History Library.

  3. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Hunyo 9, 1842, Church History Library, 63.

  4. Moroni 7:47.

  5. Emmeline B. Wells, Clarissa S. Williams, and Julina L. Smith, “Epistle to the Relief Society Concerning These War Times,” Relief Society Magazine, Hulyo 1917, 364.

  6. Tingnan sa Moroni 7:46–47.

  7. Joseph F. Smith, sa Minutes of the General Board of Relief Society, Mar. 17, 1914, Church History Library, 54–55.

  8. Sa “Notes from the Field,” Relief Society Magazine, Set. 1917, 512.

  9. Emmeline B. Wells, “The Grain Question,” Relief Society Bulletin, Set. 1914, 1–2.

  10. Amy Brown Lyman, “Social Service Work in the Relief Society, 1917–1928,” typescript, Church History Library, 2.

  11. Clarissa S. Williams, sa “Relief Society Gives Hard Job to General Head,” Deseret News, Set. 23, 1925, section 2, pahina 1.

  12. Gladys Robison Winter, sa The Life and Family of Louise Yates Robison, comp. Gladys Robison Winter, Church History Library.

  13. Tingnan sa Evelyn Hodges Lewis, interview by Loretta Hefner, Set. 1979, transcript, Church History Library.

  14. Louise Y. Robison, “Officers’ Meeting,” Relief Society Magazine, Mayo 1935, 272.

  15. Heber J. Grant, sa Conference Report, Okt. 1936, 3.

  16. Thomas S. Monson, “Guiding Principles of Personal and Family Welfare,” Ensign, Set. 1986, 5.

  17. Harold B. Lee, “Place of the Relief Society in the Church Security Plan,” Relief Society Magazine, Mar. 1937, 143; iniayon sa pamantayan ang pagbabantas.

  18. Joseph L. Wirthlin, “Relief Society—An Aid to the Bishops,” Relief Society Magazine, Hunyo 1941, 417.

  19. “Memo of Suggestions,” 1–6, Church Union Board Executive Committee Minutes, Church History Library.

  20. Amy Brown Lyman, sa Mayola R. Miltonberger, Fifty Years of Relief Society Social Services (1987), 2; iniayon sa pamantayan ang paggamit ng malaking titik.

  21. Boyd K. Packer, hindi inilathalang manuskrito.

  22. Maria Speidel, sa “Notes from the Field,” Relief Society Magazine, Peb. 1946, 123.

  23. John Zippro, “Life Story of John Zippro,” hindi inilathalang manuskrito, sinipi sa Jill Mulvay Derr, Janath Russell Cannon, and Maureen Ursenbach Beecher, Women of Covenant: The Story of Relief Society (1992), 301–2.

  24. Eva M. Gregerson, sa “Notes from the Field,” Relief Society Magazine, Peb. 1946, 118.

  25. Hugh B. Brown, sa “Notes from the Field,” Relief Society Magazine, Okt. 1944, 591–92.

  26. Tingnan sa Hedwig Biereichel, sa Roger P. Minert, In Harm’s Way: East German Saints in World War II (2009), 209.

  27. Tingnan sa Jennifer A. Heckmann, sa Nathan N. Waite, “Steadfast German Saints,” BYU Magazine, Winter 2010, 57.

  28. Amy Brown Lyman, In Retrospect (1945), 160–61.

  29. Moroni 7:46–47.

Inihahanda ng kababaihan ng Relief Society ang mga layette (mga damit ng sanggol) para sa mga pamilyang nangangailangan

Mga kababaihan ng Relief Society sa Kidderminster, England

Nasisiyahan ang mga nars at mga bata sa musika sa LDS Hospital sa Salt Lake City, Utah, 1934

Si Joseph W. Booth at ang kababaihan ng Relief Society mula sa Armenia noong mga unang bahagi ng 1920s

Nagpepreserba ng pagkain ang kababaihan ng Relief Society sa California para sa kanilang programang pangkapakanan sa stake, mga bandang 1940

Isang pagtitipon ng kababaihan ng Relief Society sa Del Rio, Texas, mga bandang 1950

Si Gertrude Zippro, sa gitna, kasama ang kanyang mga kapatid at mga anak

“Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman” (Moroni 7:47).