Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 10: ‘Maging Marapat Kayo sa Inyong mga Pribilehiyo’


Kabanata 10

“Maging Marapat Kayo sa Inyong mga Pribilehiyo”

Sa isa sa mga unang miting ng Female Relief Society of Nauvoo, hinikayat ni Joseph Smith ang kababaihan na “maging marapat sa [kanilang] pribilehiyo.”1 Sa panghihikayat na iyan bilang pundasyon, tinuruan ang kababaihan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na maging marapat sa kanilang banal na potensiyal sa pamamagitan ng pagsasakatuparan sa mga layunin ng Diyos para sa kanila. Habang nauunawaan nila kung sino sila talaga—mga anak na babae ng Diyos, na may angking kakayahan na magmahal at mangalaga—naaabot nila ang kanilang potensiyal bilang banal na kababaihan. Taglay ang pagmamahal sa kapwa sa kanilang mga puso, isinasakatuparan nila ang mga layunin ng Relief Society: pag-ibayuhin ang pananampalataya at sariling kabutihan, palakasin ang mga pamilya at tahanan, at hanapin at tulungan ang mga nangangailangan.

Itinatag bilang mahalagang bahagi ng Panunumbalik, ang Relief Society ay tumutulong sa mga babaeng Banal sa mga Huling Araw na maging marapat sa kanilang mga pribilehiyo. Sa pamamagitan ng organisasyong ito, ang kababaihan ay tumatanggap ng kaalaman at katiyakan sa kanilang identidad bilang mga anak na babae ng Diyos. Tumatanggap din sila ng mga pagkakataong maglingkod at ng patnubay at awtoridad na kailangan nila upang magampanan ang mga responsibilidad na iyon.

Mga Anak na Babae ng Diyos

Itinuro ni Joseph Smith sa kababaihan ng Relief Society ang kanilang maharlikang katauhan bilang mga anak na babae ng Diyos, tinutulungan silang maunawaan na mahal sila ng Diyos at may gagampanan silang mga dakilang layunin. Ang kababaihan sa Simbahan ay may mahalagang papel sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit —na kasinghalaga ng papel ng kalalakihan na mayhawak ng priesthood. Pinagkalooban ng Panginoon ang kababaihan ng likas na hangaring maglingkod at pagpalain ang iba, at ipinagkatiwala Niya sa kanila ang isang sagradong responsibilidad na gamitin ang kanilang mga kaloob sa pagtulong na iligtas ang Kanyang mga anak.

Nalilimutan kung minsan ng kababaihan ang kanilang maharlikang pagkatao at nagpapatangay sa mga libangan at tukso ng mundo. Sa pag-aalala sa ganitong pangyayari, nadama ni Sister Mary Ellen Smoot, ang ikalabintatlong Relief Society general president, at ng kanyang mga tagapayo na sina Sister Virginia U. Jensen at Sheri L. Dew, na kailangang tulungan ang kababaihan ng Simbahan na maalaala ang kanilang identidad o pagkatao. Sa isang pangkalahatang miting ng Relief Society, ipinahayag nila kung ano ang ibig sabihin ng maging mga anak na babae ng Diyos:

“Kami ay mga minamahal na mga espiritung anak na babae ng Diyos, at may kabuluhan, layunin, at direksiyon ang aming buhay. Bilang isang pandaigdigang kapatiran ng mga kababaihan, nagkakaisa kami sa aming pagmamahal kay Jesucristo, ang aming Tagapagligtas at Halimbawa. Kababaihan kaming may pananampalataya, kabutihan, pangarap, at pagmamahal sa kapwa na:

“Napag-iibayo ang aming patotoo kay Jesucristo sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

“Naghahangad ng espirituwal na lakas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga pag-uudyok ng Espiritu Santo.

“Naglalaan sa aming sarili sa pagpapatibay ng mga samahan ng mag-asawa, mag-anak, at tahanan.

“Nakatatagpo ng karangalan sa pagiging ina at kagalakan sa pagiging babae.

“Nakasusumpong ng kasiyahan sa paglilingkod at paggawa ng mabuti.

“Nagmamahal sa buhay at pagkatuto.

“Naninindigan sa katotohanan at kabutihan.

“Sumusuporta sa pagkasaserdote bilang awtoridad ng Diyos sa mundo.

“Nagagalak dahil sa mga biyaya ng templo, at nauunawaan ang aming makalangit na tadhana, at nagsisikap na makamtan ang kadakilaan.”2

Ipinaalala rin ng mga lider ng priesthood sa kababaihan ang kanilang banal na katangian at mga sagradong responsibilidad. Sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Naniniwala kami at umaasa sa inyong kabutihan at sa inyong lakas, sa inyong pagkahilig sa kagalingan at kagitingan, sa inyong kabaitan at lakas ng loob, sa inyong katatagan at kakayahang bumangon sa kahirapan. Naniniwala kami sa inyong misyon bilang kababaihan ng Diyos. … Naniniwala kaming hindi magagawa ng Simbahan ang kailangan nitong gawin kung wala ang inyong pananampalataya at katapatan, ang inyong likas na katangiang unahin ang kapakanan ng iba kaysa inyong sarili, at ang inyong katatagan at mahigpit na pagkapit sa espirituwal na bagay. At naniniwala kaming plano ng Diyos na kayo’y maging mga reyna at tanggapin ang pinakamataas na pagpapala na maaaring tanggapin ng sinumang babae sa buhay na ito o sa walang hanggan.”3

Sa pagiging marapat ng kababaihan sa kanilang pribilehiyo at potensiyal bilang mga anak na babae ng Diyos, sila ay naghahanda para sa mga pagpapala ng buhay na walang-hanggan. Ito ang maluwalhating tadhanang inilalaan ng Diyos para sa Kanyang matatapat na anak na babae.

Tunay na Pag-ibig sa Kapwa, Isang Pamanang Ipinapasa nang Puso sa Puso

Itinuro ni Propetang Joseph Smith na, “Likas sa mga babae ang pagkakawanggawa.” Sa pagkakatatag ng Relief Society, sinabi niya sa kababaihan na, “Nasa sitwasyon kayo ngayon na makakakilos kayo ayon sa habag na itinanim ng Diyos sa puso ninyo.”4 Upang umusbong sa kanilang mga puso ang tunay na pag-ibig sa kapwa, dapat lakipan ng kababaihan ang kanilang likas na pagkamahabagin ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring, isang tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang tunay na pag-ibig sa kapwa na ito ang pamana ng Relief Society:

“Magsasalita ako sa inyo … tungkol sa dakilang pamanang ipinasa sa inyo ng mga nauna sa inyo sa Relief Society. Ang bahagi … na para sa akin, ay siyang pinakamahalaga at nananaig ang pag-ibig sa kapwa na nasa puso ng samahan at ito ay dumarating sa puso, upang maging bahagi ng likas na pagkatao, ng bawat miyembro. Ang pag-ibig sa kapwa para sa kanila ay higit pa sa kabaitan. Ang pag-ibig sa kapwa ay nagmumula sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at epekto ng Kanyang Pagbabayad-sala sa puso ng mga miyembro. …

Pangulong Henry B. Eyring

Henry B. Eyring

“Ang samahang ito ay binubuo ng kababaihang ang pag-ibig sa kapwa ay nagmumula sa pusong nagbago dahil sa pagiging karapat-dapat at pagsunod sa mga tipan na tanging sa tunay na Simbahan ng Panginoon lamang makikita. Ang kanilang pag-ibig sa kapwa ay nagmumula sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ang kanilang pagkakawanggawa ay ginagabayan ng Kanyang halimbawa—at bunga ng pasasalamat para sa Kanyang walang-hangganang kaloob na awa—at sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na isinusugo Niya para samahan ang Kanyang mga lingkod sa kanilang maawaing mga misyon.”5

Ang pamanang ito ng pag-ibig sa kapwa ay nagsimula sa kababaihan sa Nauvoo, na nakibahagi sa organisadong gawain sa pagkakawanggawa at tumanggap ng mga tipan sa templo. Nagpatuloy ito sa Winter Quarters at doon sa mahirap na paglalakbay papuntang Salt Lake Valley. Ito ang nagpalakas sa mga babaeng Banal sa mga Huling Araw habang nagsisimula silang manirahan sa mga komunidad sa hangganan ng teritoryo, tiniis ang mga pagmamalupit ng pamahalaan at mga digmaan, at nanatiling umaasa sa panahon ng pagbagsak ng ekonomiya. Humikayat ito ng mapagmahal na kabaitan sa tahanan at mga pagsisikap na makatulong sa iba’t ibang panig ng mundo. Naganyak nito ang kababaihan ng Relief Society habang naglilingkod sila sa mga ospital at tumutulong sa mga pag-aampon, pag-iimbak ng trigo, tulong sa kapakanang pantao, at pagkakawanggawa. Ang dalisay na pag-ibig ni Cristo ay patuloy na humihikayat sa kababaihan ng Relief Society ngayon habang nagtitipon sila upang turuan at paglingkuran ang isa’t isa at habang pinalalakas at pinangangalagaan ang bawat isa.

Bawat babaeng Banal sa mga Huling Araw ay nagiging bahagi ng pamanang ito ng pagmamahal at may responsibilidad at pribilehiyong ibahagi sa iba ang pamanang ito.

Ipinakikita ng kasaysayan ng isang pamilya kung paano naipasa ang pamana ng Relief Society mula sa ina tungo sa anak sa loob ng maraming henerasyon. Isinagawa ng bawat anak na babae ang motto ng Relief Society na, “Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang.”

Ang pamana ay nagsimula kay Elizabeth Haven Barlow, na sumapi sa Simbahan noong 1837. Si Elizabeth ay naging miyembro ng Female Relief Society of Nauvoo noong Abril 28, 1842, at narinig niyang itinuro ni Propetang Joseph Smith ang mga saligang alituntunin ng samahan. Ang mga turong ito ang nakatulong sa kanyang buhay na puno ng karanasang gaya ng pagiging biktima ng mga pandurumog at pang-uusig, pagdadalantao habang naglalakbay papunta sa Salt Lake Valley, at pag-aalaga sa kanyang pamilyang nagsisimula pa lamang habang ang kanyang asawa ay nasa misyon. Siya ay naging pangulo ng Relief Society sa Bountiful, Utah, mula 1857 hanggang 1888, tatlong taon bago siya namatay sa edad na 81.

Ang kuwento ay nagpatuloy sa kanyang anak na si Pamela Barlow Thompson. Si Pamela at ang kanyang asawa ay tinawag na manirahan sa Panaca, Nevada, kung saan siya naging pangulo ng Relief Society. Tinuruan niya ang kababaihan ng mga gawain sa tahanan, kabilang ang paggamit ng bagong tuklas na makina: ang makinang pantahi o sewing machine. Noong nakatira sila sa Nevada, napatay ang kanyang asawa. Siya at ang kanyang malaking pamilya ay lumipat sa Bountiful, Utah, kung saan siya muling tinawag na maglingkod sa Relief Society presidency.

Ipinasa ni Pamela ang pamanang ito sa kanyang anak na si Theresa Thompson Call. Hindi nagtagal pagkatapos maikasal si Theresa, siya at ang kanyang asawa ay lumipat sa Mexico. Sabay siyang naglingkod bilang pangulo ng Relief Society at bilang tagapayo sa Primary presidency sa halos buong buhay niya. Kilalang-kilala siya sa kanyang madamaying paglilingkod, na naghahatid ng mga pagkain sa mga nangangailangan. Naging ugali niya ang maghatid ng keyk sa kanyang matatandang kapitbahay kapag kaarawan nila. Sa isa sa gayong pagkakataon, nakalimutan niya ang kaarawan ng isang kapitbahay hanggang sa matapos na ang hapunan. Dahil tapat sa prinsipyo na “ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang,” sinindihan niya ang kalan at nagluto ng keyk. Pagsapit niya sa pintuan nang gabing-gabi na, napaiyak ang babae at sinabing, “Maghapon akong naghintay sa iyo, at muntik ko nang isipin na nakalimutan mo ako sa pagkakataong ito.”

Minahal din ng anak ni Theresa na si Athelia Call Sears ang Relief Society. Nagmamadali niyang tinatapos ang kanyang pagpaplantsa tuwing Martes ng umaga para makadalo sa miting ng Relief Society sa Martes ng hapon. Noong siya ay nasa mga edad 70, tinawag siyang maglingkod bilang ward Relief Society president. Noong panahon iyon na kailangang lumikom ang mga ward ng pondo para sa mga kagamitan at aktibidad, pinamunuan niya ang kanyang mga kapatid sa Relief Society sa paglikom ng sapat na pera na pambili ng kagamitan sa kusina ng meetinghouse, at karagdagang $1,000 na magagamit ng bishop para sa anumang pangangailangan sa ward.

Si Athelia Sears Tanner, na anak ni Sister Sears, at bata pang ina ay tinawag na maging ward Relief Society president. Karaniwan sa kanyang madamaying paglilingkod ang pag-aasikaso at paghahatid ng pagkain sa mga inang bagong panganak. Isang likas na guro na may malakas na patotoo kay Jesucristo, inalagaan niya ang 13 niyang anak at naglingkod din sa iba at nagligtas ng mga kaluluwa sa iba’t ibang paraan sa Relief Society sa buong buhay niya.

Ang pamana ng pag-ibig sa kapwa ay nagpatuloy sa pamilyang ito. Lahat ng anak na babae ni Sister Tanner ay tapat na naglingkod sa Relief Society, at sinundan ng kanyang mga apo ang halimbawa ng kanilang mga ina.6

Ang mapagkawanggawang paglilingkod ang espirituwal na pamana ng bawat miyembro ng Relief Society… Gaya ng ipinaliwanag ni Pangulong Eyring: “Naipapasa ninyo ang pamana kapag tinutulungan ninyo ang iba na isapuso ang kaloob na pag-ibig sa kapwa. Sa gayon ay maipapasa nila ito sa iba. Ang kasaysayan ng Relief Society ay mababasa at mabibilang, ngunit ipinapasa ang pamana nang puso sa puso.”7

“Pagkakataon Kong Maglingkod”

Pagkatapos banggitin ang maraming halimbawa ng mga taong may malaking pananampalataya, sinabi ni Apostol Pablo na, “Kaya’t yamang nakukubkob tayo ng makapal na bilang ng mga saksi, itabi namang walang liwag ang bawa’t pasan, at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin, na masdan natin si Jesus na gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya.”8

Ang kababaihan ng Simbahan ay napalilibutan ng malaking hukbo ng mga saksi, kabilang ang “ating maluwalhating Inang Eva” at “marami sa kanyang matatapat na anak na babae na nabuhay nang matagal nang panahon at sumampalataya sa tunay at buhay na Diyos.”9 Ang matatapat na anak na babae ng Diyos ay namuhay nang marapat sa kanilang pribilehiyo sa pagsunod sa mga yapak ng mga saksing ito, na isinasantabi ang mga problema at tukso na kinakaharap nila at isinasakatuparan ang ipinagagawa ng Panginoon sa kanila.

Bawat henerasyon ay may mararangal, mapagkawanggawa, matatapat, banal na kababaihan. Bagamat iilan lang sa kababaihang ito ang masusulat ang kanilang pangalan sa kasaysayan, kilalang-kilala sila ng kanilang Ama sa Langit. At ito, gaya ng sinabi ni Eliza R. Snow, ang pinakamahalaga sa lahat: “Marami sa nagawa ng kababaihan ang hindi napahalagahan sa labas ng kanilang tahanan at marahil maging mismo sa sarili nilang tahanan, ngunit ano ba ang nagawa nitong kaibhan? Kung ang inyong mga ginawa ay katanggap-tanggap sa Diyos, gaano man kasimple ang mga tungkulin, kung buong katapatan itong ginawa, kayo ay hindi dapat panghinaan ng loob.”10

Ang kasunod na kuwento ay isa sa maraming halimbawa ng mabuting impluwensya ng matatapat na kababaihan ng Relief Society. Sa sitwasyong ito, naantig ng ilang kababaihan ang buhay ng isang young adult na nagngangalang Lynne. Dahil nakita ni Lynne na naglilingkod ang kababaihang ito, nagpasiya siyang gawin din ang gayon noong naging miyembro na siya ng Relief Society.

Noong tinedyer pa lamang si Lynne, nalaman niya at ng kanyang ina na ang kanyang amain ay malubhang nasugatan sa isang malayong lungsod. Kaagad silang sumakay ng eroplano para dalawin siya, ngunit namatay siya bago pa sila nakarating. Kalaunan ay ikinuwento ni Lynne ang nangyari nang makauwi na sila:

“Habang kami ni Inay, na pagod at nagdadalamhati, ay naglalakad pababa ng eroplano, [isang] lalaki at babae na nakatayo sa paliparan ang lumapit at umakbay sa amin. Iyon ang branch president at ang Relief Society president. …

“Litung-lito kami noong panahong iyon habang nahihirapan kaming harapin ang katotohanan na patay na ang [aking amain]. … Ngunit palaging naroon ang isang miyembro [ng Relief Society], tahimik na naghihintay—upang tumanggap ng mga mensahe, magbukas ng pinto, hawakan ang aming mga kamay habang tinatawagan namin ang aming mga pamilya at kaibigan. Naroon sila para tulungan kaming mag-impake, upang asikasuhin ang kailangang gawin.

“Sa kabila ng lahat ng ito, nakadama ako ng pagtanaw ng utang-na-loob at hindi ko maisip kung paano ko magagantihan ang mababait na kababaihang ito. Nag-isip ako nang nag-isip ng paraan, ngunit napagod ako sa kaiisip.”

Ilang taon makalipas iyon, nang si Lynne ay may-asawa na at may tatlong maliliit na anak, tinawag siyang maglingkod sa Relief Society presidency. May mga pagkakataong iniisip niya kung magagampanan ba niya ang mga hinihingi ng kanyang tungkulin. Ngunit naalala niya ang paglilingkod na natanggap niya nang mamatay ang kanyang amain. “Ngayon,” naisip niya, “ako naman ang maglilingkod.” Ibinahagi niya ang sumusunod na karanasan:

“Isang babae sa ward ang namatayan ng anak na babae na labing-apat na taong gulang. Hiniling ng ina na bumili ako ng isang magandang gown at bihisan ang bangkay ng kanyang anak bilang paghahanda sa burol. Nagawa ko ito—at natuklasan kong nakaaantig na karanasan ito. Pagkakataon ko nang maglingkod, dahil pinaglingkuran ako ng [iba pang mga kababaihan].

“Isang matandang babae sa ward na mag-isa lang sa bahay ang nasobrahan sa pag-inom ng kanyang mga gamot at labis ang panghihina ng katawan sa loob ng tatlong araw. Natagpuan namin siya ng isa pang counselor na buhay pa sa kanyang apartment at nilinis namin siya bago dumating ang ambulansiya. Pagkatapos ay naiwan kami para iskobahin o linising mabuti ang apartment—ang mga dingding at sahig—gamit ang disinfectant. Pagkakataon kong maglingkod muli.

“Isang bata pang ina sa ward, isa sa aking mga kaibigan, ang biglang namatayan ng kaisa-isa niyang anak, isang magandang batang babae na tatlong taong gulang, dahil sa impeksiyon na kumitil sa kanyang buhay bago pa natuklasan ng mga doktor kung gaano kalala ang kanyang karamdaman. Ako at ang isa pang counselor ay nagpunta sa bahay nang mabalitaan naming namatay ang munting si Robin. Habang papalapit kami sa naka-screen na pintuan ng balkonahe, narinig namin ang ama (na hindi miyembro ng Simbahan) na humihikbi habang kausap sa telepono ang kanyang ina na nasa malayo. Pagtingala niya, nakita niya kami at, habang humihikbi pa ay nagsalita sa telepono at sinabing: ‘Magiging maayos po ang lahat, Inay. Narito na po ang kababaihang Mormon.’ Muli’y pagkakataon kong maglingkod.”

Kalaunan ay sinabi ni Lynne na kapag tinatanong siya ng mga tao kung ano sa palagay niya ang Relief Society, ikinukuwento niya sa kanila ang kanyang mga naranasang pagtanggap at pagbibigay ng paglilingkod. Sinabi niya: “Iyan ang nadarama ko tungkol sa Relief Society sa kaibuturan ng aking puso. At bakit.”11

Sa iba’t ibang dako ng mundo, ganyan din ang nadarama ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw tungkol sa Relief Society, “sa kaibuturan ng kanilang puso.” Tulad ni Lynne, nakinabang sila sa paglilingkod ng Relief Society, at alam nilang pagkakataon naman nila ngayong maglingkod nang may pagmamahal sa kapwa at pananampalataya. Ibinibigay nila ang serbisyong ito sa iba’t ibang paraan—bilang mga anak na babae, asawa, ina, kapatid, tiya, mga visiting teacher, mga lider ng Relief Society, kapitbahay, at kaibigan. Ang ilan sa kanilang paglilingkod ay dumarating bilang tugon sa mga atas mula sa mga lider ng Simbahan, at ang ilan sa kanilang paglilingkod ay bunga ng pagtugon sa banayad na ipinadarama ng Espiritu Santo. Nakikita na sila ay “nakukubkob ng makapal na bilang ng mga saksi,” sila ay handang “takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa [kanilang] harapan.”

“Pamunuan ang Daigdig … sa Lahat ng Kapuri-puri”

Hinimok ni Pangulong Joseph F. Smith, ang ikaanim na Pangulo ng Simbahan, ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw na “pamunuan ninyo ang sanlibutan at lalung-lalo na ang mga kababaihan ng sanlibutan sa lahat ng bagay na maipagkakapuri, maka-Diyos, at makapagpapaunlad at [makapagpapadalisay].” Sinabi niyang, “Tinawag kayo ng tinig ng Propeta ng Diyos para gawin ito, na manguna, maging pinakamagaling at pinakamahusay, [pinakadalisay] at pinakamatapat sa paggawa ng tama.”12

Sa buong kasaysayan ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon, ang mga babaeng disipulo ni Cristo ay namuhay nang naaayon sa pamantayang ito. Tulad ni Esther, sila ay naging matatapat at matatapang sa pagharap sa mahihirap na hamon. Natagpuan nila ang layunin sa kanilang buhay, gaya ni Esther noon nang tanungin siya ng kanyang pinsang si Mardocheo na, “Sinong nakakaalam na kung kaya ka pinasapit sa kaharian ay dahil sa bagay na ito?”13 Tulad ni Nehemias sa Lumang Tipan, hindi sila napigilang gawin ang kanilang mga sagradong responsibilidad. Nang tangkaing pigilan ng mga kaaway si Nehemias sa kanyang tungkulin na muling itayo ang pader ng Jerusalem, ang sagot niya’y, “Ako’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa: bakit ititigil ang gawain, habang aking maiiwan, at binababa kayo?”14 Patuloy siyang tinukso ng kanyang mga kaaway, ngunit nanatili siyang matatag at tapat sa kanyang mahalagang gawain. Sinikap na ng mundo na himukin ang kababaihan ng Simbahan na talikuran ang misyong ibinigay sa kanila ng Diyos, ngunit ang matatapat na kababaihan ng Relief Society ay hindi “bumaba.”

Ang utos na mamuno sa lahat ng bagay na maipagkakapuri, maka-Diyos, makapagpapaunlad, at [makapagpapadalisay] ay isang mabigat na gawain. Kahit noon pa. Ngunit ang bawat kapatid sa Relief Society ay hindi nag-iisa sa pagtanggap ng utos na ito. Sila ay bahagi ng isang malaking organisasyon na itinatag ng awtoridad ng priesthood at pinatibay ng mga turo at pahayag ng mga propeta. Sila ay minamahal na mga anak na babae ng Diyos na may mga sagradong tungkulin. Sila ay mga pinagtipanang tao ng Kordero, na “nasasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”15 Habang nakikiisa sila sa iba pang matatapat na Banal at natututo mula sa mga halimbawa ng mga taong nauna sa kanila, mapagtatagumpayan nila ang mga hamon sa buhay na ito. Makatutulong sila sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa buong mundo at sa kanilang mga tahanan. Masasabi nilang, “Ngayon ang ating pagkakataon—pagkakataon nating maglingkod at magsulat ng isang kabanata sa mga pahina ng kasaysayan ng Relief Society.” Taglay ang katiyakang mahal sila ng Ama sa Langit at ang patotoo sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maiiba sa pangkaraniwan ang mga pananaw at mithiin nila at magiging bahagi ng “isang bagay na di karaniwan.”16

Tiyak ang mga pangako ng Panginoon habang sinusunod ng kababaihan ang payong ibinigay Niya sa unang pangulo ng Relief Society: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, lahat ng yaong tumatanggap ng aking ebanghelyo ay mga anak na lalaki at babae sa aking kaharian. … Iyong isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti. … Tuparin ang mga tipan na iyong ginawa.”17 Nang sabihin ni Propetang Joseph Smith sa kababaihan ng Relief Society na “maging marapat sa [kanilang] mga pribilehiyo,” nilakipan niya ng pangako ang panghihikayat na iyon: “Hindi mapipigilan ang mga anghel na makihalubilo sa inyo. … Kung kayo ay magiging dalisay, walang makahahadlang.”18

Kabanata 10

  1. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Abr. 28, 1842, Church History Library, 38; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay, pagbabantas, at paggamit ng malaking titik gaya ng kinakailangan sa lahat ng hango mula sa aklat na ito ng katitikan.

  2. Mary Ellen Smoot, “Rejoice, Daughters of Zion,” Ensign, Nob. 1999, 92–93.

  3. M. Russell Ballard, “Kababaihan ng Kabutihan,” Liahona, Dis. 2002, 34.

  4. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Abr. 28, 1842, 38.

  5. Henry B. Eyring, “Ang Walang-kupas na Pamana ng Relief Society,” Liahona, Nob. 2009, 121–25.

  6. Tingnan sa Athelia T. Woolley, at sa Athelia S. Tanner, “Our Five-Generation Love Affair with Relief Society,” Ensign, Hunyo 1978, 37–39.

  7. Henry B. Eyring, “Ang Walang-kupas na Pamana ng Relief Society,” 121–25.

  8. Sa Mga Hebreo 12:1–2.

  9. Doktrina at mga Tipan 138:39.

  10. Eliza R. Snow, “Speech by E. R. Snow,” Woman’s Exponent, Mayo 1, 1891, 167; iniayon sa pamantayan ang paggamit ng malaking titik.

  11. Tingnan sa Lynne Christy, “Now It’s My Turn,” Ensign, Mar. 1992, 25–27.

  12. Joseph F. Smith, sa Minutes of the General Board of Relief Society, Mar. 17, 1914, Church History Library, 54–55.

  13. Esther 4:14.

  14. Nehemias 6:3.

  15. 1 Nephi 14:14.

  16. Emma Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Mar. 17, 1842, 12.

  17. Doktrina at mga Tipan 25:1, 10, 13.

  18. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Abr. 28, 1842, 38–39.

Biniyayaan ng Diyos ang Kanyang mga anak ng babae ng malaking kakayahan na magmahal at mangalaga.

Sa pagiging marapat ng kababaihan sa kanilang potensiyal bilang mga anak na babae ng Diyos, sila ay naghahanda para sa mga pagpapala ng buhay na walang-hanggan.

“Ang kasaysayan ng Relief Society ay mababasa at mabibilang, ngunit ipinapasa ang pamana nang puso sa puso” (Henry B. Eyring).

Patuloy na binibigyang-inspirasyon ng dalisay na pag-ibig ni Cristo ang kababaihan ng Relief Society habang tinuturuan at pinaglilingkuran nila ang isa’t isa.

Maibabahagi ng mga ina ang pamana ng Relief Society sa kanilang mga anak na babae.

“Para sa bagay na ito” (Esther 4:14)

Sa bawat bagong henerasyon, masasabi ng kababaihan sa Relief Society na, “Ngayon, tayo naman ang maglilingkod.”