Kabanata 1
Relief Society
Panunumbalik ng Huwaran Noong Unang Panahon
Sa Kanyang mortal na ministeryo, nagpakita ang Tagapagligtas ng natatanging pagmamahal at malasakit sa kababaihan. Sinabi ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pinakadakilang tagapagtanggol ng kababaihan ay si Jesus, ang Cristo.”1
Tinuruan ng Tagapagligtas ang kababaihan nang sama-sama at nang isa-isa, sa lansangan at sa dalampasigan, sa tabi ng balon at sa kanilang mga tahanan. Nagpakita Siya ng mapagmahal na kabaitan sa kanila at pinagaling sila at ang mga miyembro ng kanilang pamilya. Sa maraming talinghaga, nagkuwento Siya tungkol sa mga babaeng karaniwan ang mga gawain. Ipinakita Niyang marami Siyang alam sa buhay ng kababaihan at itinuro ang walang-hanggang mga aral ng ebanghelyo mula sa kanilang mga karanasan sa araw-araw. Pinatawad Niya sila. Tumangis Siyang kasama nila. Naawa Siya sa kani-kanilang mga kalagayan bilang mga anak na babae, asawa, maybahay, ina, at balo. Pinahalagahan at pinarangalan Niya sila.
Kahit sa napakatinding paghihirap sa krus, nagpakita ang Tagapagligtas ng malasakit sa Kanyang ina, na noon ay malamang na balo na at kailangang pangalagaan.2 At ang unang tao na pinapakitaan Niya pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay isang babae.3
Mga Babaeng Disipulo sa Bagong Tipan
Bagamat kaunti lamang ang nalalaman tungkol sa pormal na organisasyon ng kababaihan sa Bagong Tipan, malinaw na ipinapakita na ang kababaihan ay mahalagang bahagi sa ministeryo ng Tagapagligtas. Kasama sa Bagong Tipan ang mga kuwento tungkol sa kababaihan, na pinangalanan at hindi pinangalanan, na nanampalataya kay Jesucristo, natutuhan at ipinamuhay nila ang Kanyang mga itinuro, at pinatotohanan ang Kanyang ministeryo, mga himala, at karingalan. Ang mga babaeng ito ay naging mga huwarang disipulo at mahahalagang saksi sa gawain ng kaligtasan.
Naglakbay ang kababaihan kasama ni Jesus at ng Kanyang Labindalawang Apostol. Ibinigay nila ang kanilang kabuhayan upang tumulong sa Kanyang ministeryo. Pagkatapos Niyang mamatay at Nabuhay na Mag-uli, patuloy na naging matatapat na disipulo ang kababaihan. Nagpulong sila at sama-samang nanalangin kasama ng mga Apostol. Inilaan nila ang kanilang mga tahanan bilang lugar ng pagtitipon para sa mga miyembro ng Simbahan. Buong giting silang nakibahagi sa gawain ng pagliligtas ng mga kaluluwa, kapwa temporal at espirituwal.
Si Marta at ang kanyang kapatid na si Maria ay mga halimbawa ng mga babaeng disipulo sa Bagong Tipan. Ang Lucas 10 ay naglalaman ng salaysay tungkol sa pagbubukas ni Marta ng kanyang tahanan kay Jesus. Pinaglingkuran niya ang Panginoon sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa Kanyang temporal na mga pangangailangan, at si Maria ay naupo sa paanan ng Guro at nakinig sa Kanyang mga itinuturo.
Sa panahong ang kababaihan ay karaniwang inaasahang maglaan lamang ng temporal na paglilingkod, itinuro ng Tagapagligtas kina Marta at Maria na ang kababaihan ay maaari ding espirituwal na makibahagi sa Kanyang gawain. Inanyayahan Niya silang maging Kanyang mga disipulo at makibahagi sa kaligtasan, “ang magaling na bahagi” na hindi kailanman aalisin sa kanila.4
Sina Maria at Marta ay naging aktibo sa pakikibahagi sa mortal na ministeryo ng Panginoon. Kalaunan sa Bagong Tipan, mababasa natin ang malakas na patotoo ni Marta tungkol sa pagka-Diyos ng Tagapagligtas. Sa pakikipag-usap kay Jesus, sinabi niya, “Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang naparirito sa sanglibutan.”5
Maraming iba pang mga babaeng disipulo ang naglakbay na kasama ni Jesus at ng Labindalawa, na espirituwal na natuto mula sa Kanya at temporal na naglingkod sa Kanya. Itinala ni Lucas:
“At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya’y [si Jesus] naglalakad sa mga bayan at mga nayon, na ipinangangaral at dinadala ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios, at kasama niya ang labingdalawa,
“At ang ilang babae na pinagaling sa masasamang espiritu at sa mga sakit, si Maria, na tinatawag na Magdalena, na sa kaniya’y pitong demonio ang nagsilabas,
“At si Juana na asawa ni Chuza, katiwala ni Herodes, at si Susana, at iba pang marami na ipinaglilingkod sa kanila ang kanilang tinatangkilik.”6
Malamang na naglaan ang mga babaeng ito ng kaunting suporta kay Jesus at sa Kanyang mga Apostol, kabilang ang paglilingkod na gaya ng pagluluto. Bukod sa pagtanggap sa ipinapangaral ni Jesus—ang mabuting balita ng Kanyang ebanghelyo at ang mga biyaya ng Kanyang kapangyarihang magpagaling—ang mga babaeng ito ay naglingkod sa Kanya, at nagbigay ng kanilang kabuhayan at katapatan.
Si Apostol Pablo ay sumulat tungkol sa kababaihan na naglingkod sa mga Banal kapwa sa katungkulan nila sa Simbahan at sa kusang-loob nilang paggawa. Ang paglalarawan niya sa isang mabuting balo ay nagpakita ng mga katangian ng maraming kababaihan sa Simbahan noon: “Na may mabuting patotoo tungkol sa mabubuting gawa; kung siya’y nagalaga sa mga anak, kung siya’y nagpatuloy sa mga taga ibang bayan, kung siya’y naghugas ng mga paa ng mga banal, kung siya’y umabuloy sa mga napipighati, kung ginanap niya na may kasipagan ang bawa’t mabuting gawa.”7 Nagsulat din si Pablo tungkol sa impluwensya ng matatalino at may kasanayang matatandang kababaihan. Pinayuhan niya si Tito na hikayatin ang matatandang babae na maglingkod at ituro sa mga kabataang babae ang kanilang walang-hanggang tungkulin bilang mga asawa at ina, “upang kanilang maturuan ang mga babaing may kabataan na magsiibig sa kanikaniyang asawa, magsiibig sa kanilang mga anak, mangagpakahinahon.”8
Kasama sa aklat ng Mga Gawa ang salaysay tungkol sa isang babaeng taglay ang mabubuting katangiang inilarawan ni Pablo. Si Tabita, na kilala rin bilang Dorcas, ay nakatira noon sa Joppe, kung saan siya gumagawa ng mga damit para sa mga babaeng nangangailangan.
“Ngayon ay may isang alagad sa Joppe na nagngangalang Tabita, na ang kahuluga’y Dorcas: ang babaing ito’y puspos ng mabubuting gawa at ng pagkaawang gawa na kaniyang ginagawa.
“At nangyari nang mga araw na yaon, na siya’y nagkasakit, at namatay. …
“At sapagka’t malapit ang [lungsod ng] Lidda sa Joppe, pagkabalita ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, ay nangagsugo sa kaniya ng dalawa katao, na ipinamamanhik sa kaniya, Huwag kang magluwat ng pagparito sa amin.
“At nagtindig si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, … lahat ng mga babaing bao, na nagsisitangis, at ipinakikita ang mga tunika at ang mga damit na ginawa ni Dorcas, nang ito’y kasama pa nila.
“Datapuwa’t pinalabas silang lahat ni Pedro, at lumuhod, at nanalangin; at pagbaling sa bangkay ay kaniyang sinabi, Tabita, magbangon ka. At iminulat niya ang kaniyang mga mata, at nang makita niya si Pedro, ay naupo siya.”9
Binabanggit din ng Bagong Tipan ang iba pang matatapat na kababaihan. Inilagay sa panganib ng mag-asawang Prisca at Aquila ang kanilang buhay para sa mga Apostol at ipinagamit ang kanilang tahanan para sa mga pagtitipon ng Simbahan.10 Isinulat ni Pablo, “Kayo’y binabating malabis sa Panginoon ni Aquila at ni Prisca pati ng iglesiang nasa kanilang bahay.”11
Isang babaeng nagngangalang Maria ang “lubhang nagpagal” para sa mga Apostol.12 Isang babaeng nagngangalang Lidia ang nabautismuhan kasama ang kanyang kasangbahay at pagkatapos ay naglingkod sa mga nagturo sa kanya.13
Isang babaeng nagngangalang Febe ang sinasabing nanunungkulan sa kanyang simbahan. Sinabi ni Pablo, “Ipinagtatagubilin ko sa inyo si Febe na ating kapatid na babae, na lingkod sa iglesia … upang tanggapin ninyo siya sa Panginoon, ayon sa nararapat sa mga banal, at tulungan ninyo siya sa anomang bagay na magiging kailangan niya sa inyo: sapagka’t siya nama’y naging katulong ng marami.”14 Ang uri ng paglilingkod na ibinigay ni Febe at ng iba pang mga dakilang kababaihan ng Bagong Tipan ay nagpapatuloy ngayon sa mga miyembro ng Relief Society—mga lider, visiting teacher, ina, at iba pa—na tumutulong, o katuwang, ng marami.
Mga Babaeng Disipulo sa mga Huling Araw
Ang kababaihan sa sinaunang Simbahan ay mga kagalang-galang at mararangal, kailangan at pinahalagahan. Pinaglingkuran nila ang iba, nadagdagan ang sariling kabanalan, at nakibahagi sa dakilang gawain ng pagliligtas ng mga kaluluwa.
Ang mga huwarang ito ay ipinanumbalik sa mga huling araw sa pamamagitan ng organisasyon ng Relief Society. Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, “Nang maorganisa ang kababaihan noon lamang ganap na nabuo ang organisasyon ng Simbahan.”15 Inulit ni Sister Eliza R. Snow, ang ikalawang Relief Society general president, ang turong ito. Sinabi niya: “Bagamat maaaring makabago ang pangalan, ang institusyon ay mula pa noong unang panahon. Sinabi sa atin ng ating propeta na pinaslang na mayroon ding ganitong organisasyon sa simbahan noong unang panahon.”16
Bukod kay Joseph Smith, ang iba pang mga propeta sa mga huling araw ay nagpatotoo na ang organisasyon ng Relief Society ay bahagi ng Panunumbalik na binigyang-inspirasyon, kung saan tinatawag ang kababaihan sa Simbahan sa mga katungkulan upang paglingkuran ang isa’t isa at maging pagpapala sa buong Simbahan. Si Pangulong Joseph F. Smith, ang ikaanim na Pangulo ng Simbahan, ay nagsabi, “Ang samahang ito ay buong kabanalang itinayo, binigyang kapahintulutan, pinasimulan, inorden ng Diyos para sa kaligtasan ng mga kababaihan at kalalakihan.”17 Sa isang grupo ng kababaihan ng Relief Society, sinabi ni Pangulong Lorenzo Snow, ang ikalimang Pangulo ng Simbahan: “Palagi kayong nasa panig ng Priesthood, handang palakasin ang kanilang mga kamay at gawin ang inyong bahagi sa pagtulong na isulong ang kapakanan ng kaharian ng Diyos; at sa pakikibahagi ninyo sa mga gawaing ito, halos makatitiyak kayo na kabahagi kayo sa tagumpay ng gawain at sa kadakilaan at kaluwalhatiang ibibigay ng Panginoon sa Kanyang matatapat na anak.”18
Sa pakikibahagi ng kababaihan sa Relief Society, nagsisilbi silang magigiting na disipulo ni Jesucristo sa gawain ng kaligtasan. Tulad ng kababaihan sa Simbahan noong unang panahon, kasabay silang gumagawa ng kalalakihang maytaglay ng priesthood upang mapag-ibayo ang pananampalataya at sariling kabutihan, mapalakas ang mga pamilya at tahanan, at mahanap at matulungan ang mga nangangailangan. Itinuro ni Sister Julie B. Beck, ang ikalabinlimang Relief Society general president: “Sa pamamagitan ng Relief Society natututo tayong maging mga disipulo ni Cristo. Pinag-aaralan natin ang gusto Niyang matutuhan natin, ginagawa ang gusto Niyang gawin natin, at nagiging kung ano ang gusto Niyang marating natin.”19