Kabanata 4
“Isang Malawak at Malaking Responsibilidad”
Noong Disyembre 26, 1866, nagpulong ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Brigham Young. Sa pagtatapos ng miting, ipinahayag ni Pangulong Young, na ikalawang Pangulo ng Simbahan, ang hangarin na muling itatag ang mga Relief Society sa buong Simbahan.1
Nang sumunod na taon, nadama ni Pangulong Young na kailangan pang alalayan ang mga bishop sa kanilang responsibilidad na hanapin at tulungan ang mga nangangailangan. Sa pagsisikap na simulan ang muling pagtatatag ng Relief Society sa bawat ward, ibinahagi niya ang payong ito sa mga bishop: “Hayaang iorganisa [ng kababaihan] ang mga Female Relief Society sa iba’t ibang ward. Marami sa ating kababaihan ang may angking talino, at sana makatulong sila sa atin sa bagay na ito. Maaaring isipin ng ilan na maliit na bagay lamang ito, ngunit hindi; at makikita ninyong ang kababaihan ang mangunguna sa pagkilos. Hayaang makinabang sila sa inyong karunungan at karanasan, ipadama sa kanila ang inyong mabuting impluwensya, gabayan at akayin sila nang buong talino at kahusayan, at hahanapan nila ng silid ang mga maralita at hahanap ng paraan upang masuportahan sila nang sampung beses ang bilis kaysa magagawa ng Bishop.”2
Minsan pa ang kababaihan ay maoorganisa sa ilalim ng awtoridad ng priesthood at, gaya ng sinabi ni Propetang Joseph Smith, sila ay “nasa sitwasyon … na makakikilos sila … ayon sa habag na itinanim ng Diyos sa [kanilang] puso.”3 Palalakasin nila ang kanilang mga pamilya at ang ibang nangangailangan, kapwa sa temporal at espirituwal. Sa pamamagitan ng paglilingkod na ito, ang kanilang pananampalataya at kabutihan ay mag-iibayo. Itinuro ni Sister Eliza R. Snow na ang Relief Society ay “dadalisayin at iaangat [ang kababaihan], at higit sa lahat palalakasin ang kanilang pananampalataya sa Ebanghelyo, at sa paggawa nito, ay maaaring maging kasangkapan sa pagliligtas ng marami.”4
Isang Relief Society sa Bawat Ward
Tinawag ni Pangulong Young si Sister Snow na maglingkod sa Simbahan sa pamamagitan ng paglalakbay sa buong teritoryo, na tinutulungan ang mga bishop na iorganisa ang mga Relief Society. Sinabi niya, “Iniutos ni Pangulong Young sa mga Bishop na iorganisa ang mga Female Relief Society sa kani-kanyang Ward, at … inulit ang kahilingan, at ipinaabot ito sa lahat ng lugar ng paninirahan, na nananawagan sa kababaihan na pumasok sa mga samahan, hindi lamang para bigyang-ginhawa ang mahihirap, kundi para maisagawa ang bawat mabuti at dakilang gawain.”5
Bilang sekretarya ng unang Female Relief Society sa Nauvoo, Illinois, isinulat ni Sister Snow ang mga katitikan o pinag-usapan sa mga miting, pati na ang mga tagubilin ni Joseph Smith (tingnan sa kabanata 2). Sa paglalakbay mula sa Nauvoo papuntang Salt Lake Valley, iningatan niyang mabuti ang kanyang aklat ng katitikan. Naunawaan niya ang kahalagahan ng itinuro sa kababaihan sa mga miting na iyon. Alam niya kung paano dapat iorganisa ang samahan, at naalala niya ang mga alituntuning pinagsaligan nito. Naunawaan niya na ang organisasyon ay mahalagang bahagi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. “Hindi pangkaraniwan,” paliwanag niya, “ang magpulong sa ganitong uri ng organisasyon. Ang organisasyong ito ay kabilang sa organisasyon ng Simbahan ni Cristo, sa lahat ng dispensasyon kapag nasa kaganapan ito.”6 Ngayon, sa pagpunta niya sa bawat ward, paulit-ulit siyang nagturo mula sa katitikan.
Pagpapalawak ng Pananaw at Mabuting Impluwensya ng Kababaihan
Bukod sa paghiling kay Sister Snow na makipagtulungan sa mga lider ng priesthood sa bawat ward, dinagdagan ni Pangulong Young ang kanyang tungkulin. Sabi niya, “Gusto kong turuan mo ang kababaihan.”7 Bagamat hindi siya naitalaga bilang ikalawang Relief Society general president hanggang noong 1880, binigyan siya ng mga responsibilidad na tulad ng ibinigay ng Panginoon kay Sister Emma Smith: “magpaliwanag ng mga banal na kasulatan, at … manghikayat sa simbahan, alinsunod sa ibibigay sa iyo ng aking Espiritu.”8
Pinayuhan din ni Pangulong Young ang kababaihan ng Simbahan. Ang kanyang mga panghihikayat at mga turo ni Sister Snow ay pinagsama upang palawakin ang pananaw ng kababaihan sa kanilang kakayahang impluwensyahan sa kabutihan ang kanilang mga pamilya, ang Simbahan, at ang daigdig. Sinabi ni Sister Snow:
“Kung mayroon mang mga anak na babae o mga ina sa Israel na nakadarama kahit paano na [limitado] ang nagagawa nila, ngayon ay magkakaroon sila ng sapat na pagkakataon na maipakita ang lakas at kakayahan nila sa paggawa ng kabutihan na saganang ipinagkaloob sa kanila. … Binigyang-awtoridad na ni Pangulong Young ang pagsasagawa sa malawak at malaking responsibilidad at kapakinabangan.”9
Ang pagrerepaso sa ilan sa mga turo at gawain na naglarawan sa Relief Society noong mga huling bahagi ng 1800s ay nagpapakita kung paano pinalawak ng muling itinatag na Relief Society ang pananaw at impluwensya sa kabutihan ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw.
Pag-ibig sa Kapwa-Tao
Tapat sa huwarang pinasimulan nina Joseph at Emma Smith sa Nauvoo, ang pag-ibig sa kapwa-tao ang patuloy na naging pundasyon ng lahat ng bagay, kapwa espirituwal at temporal, na siyang itinakdang gawin ng kababaihan ng Relief Society. Itinuro ni Pangulong Young:
“Lahat ng ito ay kasama sa ating relihiyon. Bawat salita at gawa ng kabutihan, lahat ng temporal na bagay, at lahat ng espirituwal na bagay, lahat ng bagay sa langit, lahat ng bagay sa lupa, at ang mga bagay na nasa ilalim ng lupa ay nakapaloob sa ating relihiyon. … Kung ginagawa natin ang mga bagay na ito, at natutuwa sa paggawa ng tama, ang ating mga paa ay magiging [matatag] at hindi matitinag gaya ng paanan ng walang-hanggang mga burol na ito. Hindi natin dapat hangarin ang anumang bagay [maliban] sa mga alituntunin ng kabutihan, at kung nais natin ang tama, ibahagi natin ito sa iba, sa pagiging mabait at puno ng pagmamahal at pagkakawanggawa sa lahat ng tao.”10
Pagtalikod sa mga Makamundong Impluwensya
Sa kanyang tahanan, itinuro ni Pangulong Brigham Young sa kanyang mga anak na babae na “[iwaksi] ang lahat ng bagay na masama at walang kabuluhan, at dagdagan ang bawat bagay na mabuti at maganda.”11 Ang pagwawaksi ay pag-aalis ng isang bagay. Nang payuhan ni Pangulong Young ang kanyang mga anak na babae na iwaksi ang mga bagay-bagay, ang ibig niyang sabihin ay talikuran nila ang makamundo, ang mga bagay na walang kabuluhan, at mahahalay na pag-uugali at pananamit. Ipinangaral din niya ang pagwawaksi at pagbabago sa buong Simbahan.
Sa pagpapayo sa mga Banal na talikuran ang mga gawi ng mundo, si Pangulong Young ay karaniwang nagbibigay ng praktikal na payo na may kaugnayan sa pang-araw-araw na pamumuhay. Hinikayat niya ang pagtitipid at kasipagan. Halimbawa, pinayuhan niya ang kababaihan ng Relief Society na simplihan ang kanilang gawi sa pagkain at pag-aayos ng tahanan. Ngunit ang pagwawaksi ay hindi lamang pamumuhay nang mas simple; ang ibig sabihin nito ay pagbabago ng puso. Dapat ihiwalay ng kababaihan ang kanilang sarili sa mundo—tunay na maging mga Banal, na mga tao ng Panginoon. Sinabi ni Sister Eliza R. Snow: “Ano ang gusto kong iwaksi? Ang aking kamangmangan at lahat ng bagay na hindi sa Diyos.”12
Personal na Paghahayag
Sinunod ni Sister Snow ang payo ng mga lider ng priesthood, at nangako siya sa kanyang mga kapatid sa Relief Society na pagpapalain sila kapag ginawa rin nila ang gayon. Itinuro din niya na maaaring tumanggap ng inspirasyon ang bawat babae na gagabay sa kanilang buhay, mga pamilya, at mga tungkulin sa Simbahan. Sinabi niya: “Sabihin sa kababaihan na humayo sila at gampanan ang kanilang mga tungkulin, nang may kababaang-loob at katapatan at ang Espiritu ng Diyos ay mapapasakanila at pagpapalain ang kanilang mga pagsisikap. Maghangad sila ng karunungan sa halip na kapangyarihan at mapapasakanila ang lahat ng kapangyarihan na magagamit nila nang buong karunungan.”13
Ang kanyang mabuting tagubilin ay nakatulong sa kababaihan ng Relief Society na harapin ang mga pagsubok sa kanilang panahon. Itinuro niya na kung patuloy nilang hahangarin ang patnubay at kapanatagan mula sa Espiritu Santo, makadarama sila ng kapayapaan kahit sa gitna ng kahirapan. Sinabi niya na ang Espiritu ay “nagbibigay-kasiyahan at pumupuno sa bawat inaasam ng puso ng tao, at pumupuno sa bawat kahungkagan. Kapag puspos ako ng Espiritung iyon,” pagpapatuloy niya, “nasisiyahan ang aking kaluluwa, at masasabi kong mabuti na ang mga walang-kabuluhang bagay ng panahong ito ay walang anumang epekto sa aking buhay. Ngunit hayaan akong lumayo sa diwa at kapangyarihan iyon ng Ebanghelyo, at makibahagi sa impluwensya ng mundo, nang kahit kaunti lamang, at darating ang gulo; may mangyayaring mali. Sinubukan ako, at ano ang makapapanatag sa akin? Hindi mo ako mabibigyan ng kapanatagan na magbibigay-kasiyahan sa imortal na isipan, kundi iyong nagmumula sa Bukal sa itaas. At hindi nga ba’t pribilehiyo nating mamuhay sa paraan na palagian itong dadaloy sa ating kaluluwa?”14
Pagtatanggol sa Pag-aasawa nang Higit sa Isa
Noong mga unang araw ng Simbahan, ang pag-aasawa nang higit sa isa ay inihayag kay Joseph Smith.15 Bagamat sa una ay marami ang nahirapang tanggapin ang gawaing ito, alam ng matatapat na Banal na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Sinunod nila ang kalooban ng Panginoon ayon sa inihayag sa kanilang propeta. Gumawa sila ng mga tipan sa Diyos at matatag at tapat sa pagtupad sa mga tipang iyon.
Nang muling maitatag ang Relief Society sa huling bahagi ng 1860s, ang pag-aasawa nang higit sa isa ay bahagi pa rin ng buhay ng mga miyembro ng Simbahan. Gayunman, naniniwala ang maraming tao sa Estados Unidos na ang kababaihan na namuhay ayon sa batas ng pag-aasawa nang higit sa isa ay walang-dangal at inaabuso. Bunga ng maling pagkaunawa ng lahat tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw at sa kanilang pinaniniwalaan, nagpanukala ng batas ang pamahalaan na nagbabawal sa pag-aasawa nang marami.
Isang grupo ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw ang nagtipon sa Salt Lake City noong Enero 1870 bilang tugon sa paggawa ng batas na ito. Sa harap ng mga reporter ng mga pahayagan sa iba’t ibang panig ng Estados Unidos, ipinakita ng kababaihang ito ang kanilang suporta sa buhay na mga propeta at sa mga gawain ng Simbahan. Ipinagtanggol nila ang kanilang mga sarili at kanilang mga asawa at ipinahayag ang kanilang pananampalataya at kanilang mga tipan. Sinabi ni Sister Eliza R. Snow: “Panahon na [upang] manindigan sa dignidad ng ating tungkulin at magsalita para sa ating sarili. … Hindi tayo kilala ng daigdig, at hinihingi ng katotohanan at katarungan para sa ating kapatid na kalalakihan at sa ating sarili na magsalita tayo. … Hindi tayo mahina kumpara sa kababaihan ng mundo, at ayaw nating magmukhang gayon.”16
Ipinahayag ng isang babaeng Banal sa mga Huling Araw ang damdamin ng marami nang sabihin niyang: “Wala nang lugar pa sa malawak na mundong ito kung saan mas lubos na ipinagkakaloob sa kababaihan ang kabaitan at pagmamahal, at ipinagtatanggol nang may paggalang ang kanyang mga karapatan maliban sa Utah. Narito kami para ipahayag ang aming pagmamahal sa isa’t isa, at ipakita sa mundo ang aming katapatan sa Diyos na aming Ama sa Langit; at ipakita ang aming kahandaang sumunod sa hinihingi ng Ebanghelyo; at ang batas ng Selestiyal na Kasal ay isa sa mga kailangan at determinado kaming igalang, ituro, at gawin ito, at nawa ay bigyan kami ng Diyos ng lakas para magawa ito.”17
Ayon sa mga reporter ng mga pahayagan ito ay “kakaibang pagpupulong.”18 Isinulat ng isang reporter, “Sa lohika at retorika ang tinatawag na hamak na kababaihan ng mga Mormon ay nakakapantay sa … kababaihan ng Silangan.”19 Nang sumunod na ilang buwan, mas marami pang kababaihan ang nakilahok sa gayong mga pulong o miting sa buong teritoryo.
Noong 1890, tumanggap si Pangulong Wilford Woodruff, ang ikaapat na Pangulo ng Simbahan, ng isang paghahayag na humantong sa pagtigil ng Simbahan sa pag-aasawa nang higit sa isa. Isinulat niya ang paghahayag na ito sa isang dokumento na kilala bilang Manipesto o Opisyal na Pahayag. Ganito ang sinabi niya tungkol sa pagsulat ng Manipesto o Opisyal na Pahayag: “[Inutusan ako] ng Diyos ng langit na gawin ang ginawa ko; at nang sumapit ang oras na ako ay inutusang gawin ito, ang lahat ay naging malinaw sa akin. Ako ay dumulog sa harap ng Panginoon, at isinulat ko ang sinabi ng Panginoong isulat ko.”20
Dahil tinanggap ng mga tao ang payo ng propeta na mag-asawa nang higit sa isa at ginawa at tinupad ang kanilang mga tipan, ang bagong paghahayag na ito minsan pa ay mahirap para sa marami, ngunit muli’y determinado ang matatapat na Banal sa mga Huling Araw na sundin ang propeta. Noong araw na marinig ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang Manipesto o Opisyal na Pahayag at sinang-ayunan ito, sinabi ni Sister Zina D. H. Young, na naglilingkod noong panahong iyon bilang ikatlong Relief Society general president na, “Ngayon lahat ng puso ay sinubukan ngunit umasa sila sa Diyos at sumunod.”21
Ang kababaihan ng Simbahan na, sa pamamagitan ng paghahayag, ay tinanggap ang pag-aasawa nang higit sa isa at kalaunan sila, sa pamamagitan ng paghahayag, ay tinanggap ang Manipesto o Opisyal na Pahayag ay karapat-dapat na hangaan at pasalamatan. Sila ay lubos na masunurin sa kanilang mga tipan at sa payo ng buhay na propeta. Ngayon ang kababaihang ito ay iginagalang ng matatapat nilang inapo.
Si Helen Mar Whitney, na namuhay ayon sa batas ng pag-aasawa nang higit sa isa, ay sumulat, “Nababasa natin ang kasaysayan ng mga martir at magigiting na mananakop, at ng maraming dakila at mabubuting lalaki at babae, ngunit ang tungkol sa mabubuting babae at magagandang anak na babae ng Sion, na dahil sa pananampalataya sa mga pangako ng Diyos ng Israel ay napagtagumpayan ang sarili at sinunod ang Kanyang mas mataas na batas, at tumulong sa Kanyang mga tagapaglingkod upang maitatag ito sa lupa, … natitiyak ko na itinala ng mga anghel ang kanilang mga ginawa na makikita sa mga talaan ng kawalang-hanggan, na nasusulat sa mga titik na ginto.”22
Mahusay na Pagpapahayag ng mga Pinaniniwalaan
Si Sister Eliza R. Snow ay mahusay na manunulat at tagapagsalita sa publiko. Nakilala siya ng maraming tao bilang “makata ng Sion” dahil sa kahusayan niya sa wikang Ingles.23 Siya ay maalam, organisado, matapat, walang-kapaguran, walang inuurungan, matalino, at mahusay sa pagsasalita at pagsusulat, at sinunod niya ang mga ipinadarama ng Espiritu habang tumutulong siya sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon. Madalas niyang ibahagi ang kanyang kaalaman at patotoo, at hinikayat niya ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw na gawin din ang gayon sa mga miting ng Relief Society—na huwag umasang palaging ibang tao ang magtuturo sa kanila.
Nakadama ang ilang kababaihan ng pag-aatubili at hindi pa sila handang magsalita sa harap ng mga tao. Ibinigay ni Sister Snow ang payong ito sa gayong kababaihan: “Huwag hayaang ang pangulo ninyo ang siya lamang magsalita. … Hindi ba’t binigyan kayo ng Diyos ng kaloob na magsalita? … Kung kayo ay pinagkalooban ng Espiritu ng Diyos, kahit gaano pa kasimple ang inyong mga kaisipan, makapagpapalakas ito sa mga taong nakaririnig sa inyo.”24
Sinabi ni Emily S. Richards na tinulungan siya ni Sister Snow na matutong magsalita sa harap ng mga tao: “Noong unang pagkakataon na hinilingan [niya] akong magsalita sa isang pulong, hindi ko magawa, at sinabi niyang, ‘Huwag na nga lang, pero kapag hinilingan ka muli na magsalita, subukan mo at magsalita ka lang,’ at nagawa ko nga.”25 Patuloy na humusay si Sister Richards sa pagsasalita sa publiko, at noong 1889 nagsalita siya sa National Woman Suffrage Association convention sa Washington, D. C.
Isang journalist ang naglarawan kay Sister Richards na “bahagyang kinakabahan dahil nakatingin sa kanya ang mga tao, gayunman siya’y nakahanda, tiwala sa sarili, kagalang-galang, at dalisay at magiliw na tulad ng isang anghel. … Hindi ang mga salita mismo kundi ang kabaitan [na] nadama sa mga salita at naghatid ng kasiyahan sa bawat puso.”26
Ngayon, sinusundan ng kababaihan ng Relief Society ang huwarang ipinakita nina Sister Snow, Sister Richards, at ng iba pang mga naunang miyembro ng Relief Society. Masigasig sila sa paghahangad na magkaroon ng kaalaman sa ebanghelyo at pagkatapos ay ibinabahagi ang kaalamang iyon sa iba. Sa paggawa nito, sinusunod nila ang payo ng mga propeta sa mga huling araw. Si Pangulong Spencer W. Kimball, ang ikalabindalawang Pangulo ng Simbahan, ay nagsabi:
“Binibigyang-diin ko … na kailangan ng bawat babae na pag-aralang mabuti ang mga banal na kasulatan. Gusto nating ang ating mga tahanan ay mapagpala ng mga kababaihang maalam sa mga banal na kasulatan—may asawa man kayo o wala, bata o matanda, biyuda o nakatira sa isang pamilya.
“Anuman ang inyong kalagayan, habang nagiging maalam kayo sa mga katotohanan ng mga banal na kasulatan, mas magiging epektibo kayo sa pagsunod sa pangalawang dakilang utos, mahalin ang inyong kapwa gawa ng inyong sarili. Maging maalam sa mga banal na kasulatan—hindi para hamakin ang iba, kundi para pasiglahin sila! Kunsabagay, sino pa ba ang mas nangangailangang ‘magpahalaga’ sa mga katotohanan ng ebanghelyo (na maaasahan nila sa mga sandali ng pangangailangan) kundi ang kababaihan at mga inang maraming inaalagaan at tinuturuan?”
Nagpatotoo si Pangulong Kimball na ang kababaihan ng Relief Society ay magiging napakalakas na impluwensya sa kabutihan sa “mabubuting kababaihan ng mundo” dahil “nakikita sa kanilang buhay ang kabutihan at kahusayan.”27
Iisa ang pananaw nina Sister Snow, Pangulong Kimball, at ng marami pang lider ng Simbahan tungkol sa impluwensya ng Relief Society sa kabutihan. Habang mahusay na naipapakita ng kababaihan ang kanilang mga pinaniniwalaan sa salita at gawa, mapalalakas nila ang pananampalataya ng bawat isa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Matutulungan nila ang bawat isa na maghanda para tanggapin ang lahat ng pagpapalang makakamtan sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit.
Pag-asa sa Sariling Kakayahan upang Matugunan ang Temporal na mga Pangangailangan
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagtipon sa Salt Lake Valley pagkatapos silang usigin at sapilitang paalisin nang maraming beses sa kanilang mga tahanan at komunidad. Ngayong nakapandayuhan na sila sa isang malayo at liblib na disyerto, nais ni Pangulong Brigham Young na umunlad sila at magtatag ng permanenteng tahanan para sa kanilang sarili. Nais niyang maging ligtas sila sa pisikal na kapahamakan, at nais din niyang panatilihin nilang ligtas ang kanilang sarili mula sa mga makamundong impluwensya na maaaring makapinsala sa kanilang pananampalataya at patotoo. Nais niyang hindi sila umasa sa mga bagay na makamundo, kapwa sa temporal at espirituwal.
Ibig sabihin nito kailangang matuto ang mga Banal ng mga kasanayang magiging daan upang matugunan nila ang lahat ng kanilang mga pangangailangan. Sa pagsisikap na ito, napakalaki ng tiwala ni Pangulong Young sa mga kakayahan, talento, katapatan, at kahandaan ng kababaihan. Pinaalalahanan niya ang kababaihan ng Relief Society na gampanan ang kanilang mga tungkulin sa tahanan at sa kanilang asawa at mga anak.28 Itinuro din niya ang iba pang tungkulin sa pag-asa sa sariling kakayahan upang matugunan ang temporal na mga pangangailangan, at ang ilan dito ay binanggit sa ibaba. Bagamat kaiba sa ngayon ang maraming partikular na mga temporal na tungkulin, ang mga alituntunin sa likod ng mga tungkuling ito ay hindi nagbabago: ang mga Banal sa mga Huling Araw ay pinayuhang gawin ang lahat ng magagawa nila upang matustusan ang temporal na mga pangangailangan sa buhay para sa kanilang sarili at sa kanilang mga pamilya.
Pananahi. Pinayuhan ni Pangulong Young ang kababaihan na manahi ng mga damit para sa kanilang sarili at sa kanilang mga pamilya. Sabi niya, “Nananawagan ako sa aking mga kapatid na … manahi ng sarili ninyong kasuotan, at gawing kaaya-aya ito para sa inyong sarili at hindi naiimpluwensyahan ng mundo.”29 Iniulat ni Sister Eliza R. Snow na hinikayat ni Pangulong Young ang kababaihan na magpauso ng “mga kasuotan na magiging—kaaya-ayang tangkilikin ng mga disente, mahihinhin at matatalinong kababaihan na namumuno, na siyang totoong ginagawa natin, sa daigdig.”30
Seda. Itinatag ni Pangulong Young ang Deseret Silk Association, na si Zina D. H. Young ang pangulo nito. Ang grupong ito ay nag-alaga ng mga silkworm, at pinakakain ang mga ito ng mga dahon ng mulberry. Suklam na suklam si Sister Young sa mga uod at may mga bangungot pa siya tungkol sa mga ito, ngunit sumunod siya at napangitlog at inalagaan ang mga ito sa sarili niyang cocoonery at tinuruan ang iba na gawin din ang gayon. Sa kanyang pamamahala, ang Deseret Silk Association ay nakapag-alaga ng mga silkworm sa loob nang mahigit 20 taon. Bagamat ang kanilang trabaho ay hindi pinagkakitaan, nakapag-ikid sila ng magagandang seda para sa kanilang sarili.
Trigo. Ipinayo ni Pangulong Young sa kababaihan na, “Matutong buhayin ang inyong sarili; mag-imbak ng butil at arina, at mag-ipon para sa araw ng kasalatan.”31 Si Emmeline B. Wells, na kalaunan ay naging ikalimang Relief Society general president, ay naatasang mamahala sa central wheat committee.
Sa pakikipagsapalarang ito, nahikayat ang kababaihan ng kanilang hangarin bilang mga ina na iligtas ang kanilang mga pamilya sa pagkagutom. Sinabi ni Sister Wells na: “Sino pa nga ba ang lubos na makadarama ng mga bagay na ito kundi ang isang ina? Isipin na lamang ang madarama ninyo kapag narinig ninyo ang inyong munting anak na umiiyak at humihingi ng tinapay.”32
Ang mga pangulo ng Ward Relief Society ay regular na nagpupulong upang talakayin ang mga paraan ng pagkuha at pag-iimbak ng butil. Ang ipinakitang kahandaan ni Sarah Howard, isang ward Relief Society president sa Salt Lake City, ay sumagisag sa nadarama ng maraming kababaihan noong panahong iyon. Sinabi niya: “Dama ko na ito’y isang pribilehiyong ibinigay sa atin ng Panginoon, at susubukan natin ito at magkakaisa tayo rito. Para sa akin susubukan ko at gagawin ko ang lahat ng magagawa ko, at nadarama kong magbibigay ng paraan ang Panginoon upang makakuha tayo ng butil, bagamat medyo huli na sa panahon.”33 Si Sarah M. Kimball, na naglingkod din bilang ward Relief Society president, ay may plano na ng pag-iimbak nang dumalo siya sa isang miting. Sa unang taon ng proyekto, ang kanyang ward Relief Society ay nagtayo ng isang fireproof granary na kayang mag-imbak ng 30,000 litro ng trigo.
Hinikayat ni Pangulong John Taylor ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kalalakihan sa Kaysville, Utah, na tulungan ang kababaihan sa gawaing ito. Ikinuwento niya ang tungkol sa isang babae na nakadamang “magastos at may pagkabulagsak” ang kanyang asawa sa pananalapi ng pamilya. Bawat linggo ay kumukuha siya nang kaunti sa badyet ng pamilya at iniipit ito sa Biblia ng pamilya. “Makalipas ang ilang taon nagkaroon ng krisis sa pera, at nabahala [ang] asawang lalaki. Kaagad napansin ng babae ang pagbabago sa hitsura ng kanyang asawa, at sinabi sa lalaki na sabihin sa kanya ang dahilan ng pagkabalisa nito. Sinabi niya sa babae na may kailangan siyang bayaran, at nangangamba siya na hindi niya ito mabayaran. Sinikap niyang hikayatin ang lalaki sa pagsasabing manampalataya siya sa Diyos, at itinuro ang lumang Biblia, at sinabing basahin niya ito, upang kahit paano’y mapanatag siya nito. Iniabot niya ang Biblia sa lalaki, at nang buksan niya ito at buklatin ang mga pahina nagsimulang mangalaglag ang [mga pera].” Sa pagtatapos ay sinabi ni Pangulong Taylor na, “Maaaring may pagkakataon na kailanganin natin ang trigong ito na iniimbak ng ating kababaihan; huwag tayong masyadong magtiwala sa ating mga ginagawa, at gawin ang magagawa natin sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila.”34
Sinabi ni Sister Emmeline B. Wells sa kababaihan na ang kanilang matiyagang pagsisikap ay magiging “temporal na kaligtasan ng mga taong ito sa oras ng biglaang pangangailangan.”35 Natupad ito noong 1898 at 1899, nang ang trigo ng Relief Society ang naging pagkain habang may matinding tagtuyot sa katimugang Utah.
Ang pagtitiyaga ng kababaihan na maipreserba ang trigo ang naging daan upang mapaglingkuran ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw ang mga tao bukod sa kanilang mga pamilya at kapwa mga Banal. Ang Simbahan ay nagpadala ng trigo ng Relief Society sa mga American Indian sa Utah; sa mga nakaligtas sa napakalakas na lindol at sunog sa San Francisco, California, noong 1906; at sa mga mamamayan ng China na dumanas ng taggutom noong 1907.36 Ang trigo ay naging pagkain din ng libu-libong tao noong Unang Digmaang Pandaigdig, nang magbenta ang Relief Society ng 6,057,000 litro sa pamahalaan ng Estados Unidos.37 Ang pamanang ito ng pagpepreserba at paglilingkod ay tumulong sa pagpapasimula ng huwaran para sa mga pagsisikap ng Simbahan sa kasalukuyan na magbigay ng tulong-pantao sa iba’t ibang panig ng daigdig, saanman may mga taong nangangailangan.
Pangangalagang pangkalusugan at pag-aaral ng medisina. Noong Setyembre 1873, iniulat ni Sister Eliza R. Snow na nais ni Pangulong Brigham Young “na makapag-aral na mabuti ang maraming [kababaihan], at pagkatapos ay makatapos sa Medisina.”38
Si Sister Zina D. H. Young ay nagsilbing halimbawa ng isang kapatid sa Relief Society na nakapaglingkod nang malaki sa larangan ng medisina. Sinabi sa kanyang patriarchal blessing na mayroon siyang kaloob na magpagaling, at inihanda niya ang kanyang sarili na pakinabangan ang kaloob na ito sa pamamagitan ng pagkuha ng kurso sa obstetrics—ang panggagamot na may kinalaman sa pagluluwal o pagsilang ng mga sanggol. Tumulong siya sa pagpapaluwal ng maraming sanggol sa Salt Lake Valley. Sa kanyang serbisyo, ang kanyang pinag-aralan ay tumugma sa mga kaloob sa kanya na ukol sa pangangalaga ng katawan, espirituwal na pagpapagaling, at pagpapanatag ng kalooban. Ganito ang sinabi ni Sister Emmeline B. Wells tungkol sa kanya: “Hindi mabibilang ang mga pagkakataon na nangalaga siya sa mga maysakit, nang tila nabigyang-inspirasyon siya ng isang mas mataas na kapangyarihan na higit sa kanya … sa panahong pinanghinaan na ng loob at pananampalataya ang mga taong nakapalibot sa may karamdaman. Sa gayong mga pagkakataon siya ay tila isang tunay na anghel ng awa.”39
Sa kabila ng lahat ng serbisyong ipinagkaloob ni Sister Young habang umaasa siya sa kanyang mga espirituwal na kaloob at limitadong pinag-aralan, batid niya na hindi niya matutugunan ang lahat ng pangangailangang medikal ng lumalaking populasyon sa Utah. Hinikayat niya ang kababaihang mga Banal sa mga Huling Araw na sundin ang payo ni Pangulong Young na mag-aral ng medisina.
Sinabi ni Sister Snow: “Mayroon ba dito ngayong mga babae na may sapat na ambisyon, at natatanto na kailangan ito, para sa kapakanan ng Sion, na pag-aralan ang kursong ito? May ilang talagang hilig nang maging nars; at ang ganitong mga tao ay mainam na mag-aral ng Medisina. … Kung hindi nila kayang tustusan ang kanilang pag-aaral, mayroon tayong kakayahang tustusan ito.”40
Sa panghihikayat na ito, nag-aral ng medisina ang ilang kababaihan ng Relief Society sa silangang bahagi ng Estados Unidos. Nagbalik sila sa Utah bilang mga doktor at nagturo ng mga klase sa midwifery (komadrona) at home nursing (pag-aalaga sa maysakit). Itinala ni Emma Andersen Liljenquist, na dumalo sa mga klase sa Utah, ang ilan sa kanyang mga karanasan:
“Nasiyahan akong mabuti [sa kurso], at pagkatapos i-set apart o italaga ni Apostol John Henry Smith at ng ilan pang katao, umuwi ako para gawin ang aking trabaho, na may pangako ng mga Apostol na kung mamumuhay ako nang matwid ay palagi kong malalaman ang dapat kong gawin sa oras ng kagipitan. …
“Talagang natupad ang pangakong iyon. Maraming beses kapag matindi ang karamdaman ng isa sa mga pasyente ko, humihingi ako ng tulong sa aking Ama sa Langit, at sa bawat pagkakataon ay ibinigay ito sa akin. Isa na rito ang isang babae na kapapanganak pa lamang sa isang sanggol at nagkaroon siya ng pagdurugo. Tinawag ng asawa ang doktor, ngunit hindi niya alam na malubha ang kalagayang iyon. Hiniling ko … sa Panginoon na tulungan kami. Tumigil ang pagdurugo at ginawa ko ang kailangang gawin para sa kanya. Nang dumating ang doktor, sinabi niya na halos hindi siya makapaniwala sa nangyari, ngunit sinabing ginawa ko ang nararapat at iyon din ang gagawin niya. …
“… Nakapagpaluwal ako ng mahigit isang libong sanggol [sa daigdig]. Minsan pa ay nagpapasalamat ako sa tulong ng aking Ama sa Langit at sa lakas na ibinigay sa akin ng Panginoon, sapagkat kung wala iyon ay hindi ko marahil napaglingkuran ang kababaihan o ang aming komunidad. Isa sa mga pinaka-nakaaantig tungkol sa pagluluwal ay ang pag-aalala muna ng ina sa kanyang sanggol, bago sa kanyang sarili.”41
Noong 1882 itinatag ng Relief Society ang Deseret Hospital, “kung saan maaaring gamutin ang mga maysakit sa mga tao ng Panginoon at makinabang sa mga ordenansa ng Simbahan [mga basbas ng priesthood] gayundin ng mahusay na panggagamot.”42 Ang ospital ay patuloy na ginamit sa loob nang mahigit isang dekada hanggang sa ang mga gastusin sa pagpapatakbo nito ay humigit sa mga donasyong ibinibigay at nagkaroon na ng iba pang mga pasilidad.
Karapatang Bumoto ng Kababaihan
Noong Pebrero 1870 ipinagkaloob ng pamahalaan ng teritoryo ng Utah sa kababaihan ang karapatang bumoto sa mga eleksiyon ng pamahalaan. Noong panahong iyon, ang teritoryo ng Wyoming lamang ang isa pang lugar sa Estados Unidos na nagbigay ng ganitong karapatan sa kababaihan. Kalaunan pinawalang-bisa ng pamahalaan ang pribilehiyong ito bilang bahagi ng kaparusahan sa mga Banal sa mga Huling Araw sa pagsunod sa batas ng pag-aasawa nang higit sa isa. Ngunit ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw ay hayagan at tuwiran pa ring nagsalita tungkol sa kanilang mga karapatan. Maraming babae ang aktibong naghangad ng kanilang karapatang bumoto. Ang ibayo nilang kakayahang magsalita nang mahusay ay isang biyaya nang kinailangan nilang katawanin ang kanilang sarili bilang matatatag, kagalang-galang, at mararangal na kababaihan. Sa pamamagitan ng kanilang mga pagsisikap, muli nilang nakamtan ang karapatang bumoto nang gawing estado ng Estados Unidos ng Amerika ang Utah. Nakamtan din nila ang respeto ng iba pang mga samahan ng kababaihan sa Estados Unidos at sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mga Lathalain
Sa ilalim ng pamumuno ni Sister Eliza R. Snow, sinuportahan ng Relief Society ang isang pahayagan na pinangalanang Woman’s Exponent. Ang pahayagang ito ay isinulat para sa mga babaeng Banal sa mga Huling Araw upang tulungan silang matutuhan ang kanilang gawain, kanilang buhay, at kanilang kasaysayan. Si Sister Emmeline B. Wells ang nagsilbing editor sa karamihan ng mga nailathala ng pahayagan. Sa kanyang diary ay isinulat niya, “Nais kong gawin ang lahat sa abot ng aking makakaya upang maiangat ang kondisyon ng aking mga kababayan, lalo na ng kababaihan.”43 Kalaunan ay isinulat niya, “Buong puso kong hinahangad na gawin ang mga bagay na magsusulong sa kababaihan sa kagandahang-asal at sa espirituwal gayundin sa edukasyon at tumulong sa pagpapalaganap ng gawain ng Diyos sa lupa.”44
Pagkaraan ng 42 taon ng paglalathala, ang Woman’s Exponent ay itinigil noong 1914. Nang sumunod na taon, sinimulan ng Relief Society na ilathala ang Relief Society Magazine, na kinapalooban ng mga aralin para sa lingguhang miting ng Relief Society. Ang magasin ay mahalagang sanggunian ng kababaihan. Iningatan ng kababaihan ang kanilang mga kopya, natuto mula sa mga ito at nagturo mula sa mga ito. Noong 1971, ang Relief Society Magazine at iba pang mga magasin para sa mga miyembro ng Simbahan na nasa hustong gulang at Ingles ang gamit na wika ay pinagsama sa isang magasin, na tinawag na Ensign. Simula noon, ang Ensign ay naglaan ng mga artikulo upang turuan at bigyang-inspirasyon ang kababaihan ng Relief Society.
Ang Simbahan ay nagsimulang maglathala ng mga magasin sa iba pang mga wika bukod sa Ingles noong kalagitnaan ng 1800s. Marami sa mga magasing ito ay inilathala sa ilalim ng pamamahala ng mga mission president. Noong 1967 pinagsama ang mga ito sa isang magasin na may gayon ding pormat at nilalaman, at isinalin sa maraming wika. Ang internasyonal na magasing ito—na tinatawag ngayong Liahona—ay palaging may mga artikulo na tumutulong sa kababaihan na ipamuhay ang ebanghelyo.
Simula noong 1987, ang mga mensahe sa visiting teaching ay inilathala sa Liahona at sa Ensign. Ang mga mensahe ng visiting teaching ay ipinamamahagi rin bilang hiwalay na lathalain sa mga lugar kung saan bago pa lamang ang Simbahan at kaunti ang bilang ng mga miyembro.
Paghahanda sa mga Bata at mga Kabataang Babae para sa Paglilingkod sa Kaharian ng Diyos
Noong mga huling bahagi ng 1800s, ang mga lider ng priesthood at Relief Society ay nagpasimula ng gawain upang pagandahin pa ang buhay ng mga bata at ng mga kabataang babae. Sa pagtugon sa panawagan ni Pangulong Brigham Young na magbago at iwaksi ang ibang bagay (tingnan sa mga pahina 53–54), itinatag ng mga lider ng Relief Society ang Young Ladies Department ng kanilang Senior and Junior Cooperative Retrenchment Association noong 1870. Humantong ito sa organisasyon ng Young Women ngayon. Ang Primary ay itinatag para sa mga bata noong 1878. Noong una, ang mga lider ng Relief Society ang sumusubaybay sa gawain ng mga organisasyong ito sa patnubay ng mga lider ng priesthood. Noong 1880, si Pangulong John Taylor, ang ikatlong Pangulo ng Simbahan, ay tumawag ng pangkalahatang panguluhan ng Relief Society, pangkalahatang panguluhan ng Young Women, at pangkalahatang panguluhan ng Primary, na nagsasaad ng pagkakaiba ng gawain ng tatlong organisasyong ito.
Simula noon, ang kababaihan ng Relief Society ay palaging namumuno at naglilingkod sa mga organisasyon ng Young Women at Primary. Napalakas din nila ang kasunod na henerasyon sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba pang mga organisasyon, gaya ng Sunday School at mga seminary at institute.
Pagsulong
Ang muling pagkatatag ng Relief Society ay humantong sa mas malalaking responsibilidad at mas malalaking oportunidad para sa mga babaeng Banal sa mga Huling Araw. Ipinahayag ni Eliza R. Snow:
“Hindi ba ninyo nakikita na lumalawak ang ating impluwensya? Ang ating impluwensya ay patuloy na lalawak, at hindi kailangang tumangis ang sinumang babae sa Sion dahil sa kakaunti lang ang kanyang nagagawa.
“Pagpalain kayo ng Diyos, mga kapatid, at hinihikayat ko kayo, upang mapuspos kayo ng liwanag, at matanto na wala kayong ibang hangarin kundi ang kapakanan ng Sion. Unahin ninyong gawin ang inyong mga tungkulin sa tahanan. Ngunit, yayamang kayo ay matatalinong katiwala, makahahanap kayo ng oras para sa mga tungkuling panlipunan, sapagkat ito ay likas sa atin bilang mga anak na babae at mga ina sa Sion. Sa paghahangad na gampanan ang bawat tungkulin makikita ninyo na madaragdagan ang inyong kakayahan, at magugulat kayo sa maaari ninyong magawa.”45
Ang pagpapakita ni Sister Snow ng kanyang pananampalataya at mabuting pananaw ay maaaring magsilbing gabay sa lahat ng Banal sa mga Huling Araw. “Magpapatuloy ako,” sabi niya. “Ngingitian ko ang pagngangalit ng unos, at sasakay nang walang takot at matagumpay patawid sa maalong karagatan ng pagkakataon … at ang ‘patotoo kay Jesus’ ang ilawan na tatanglaw sa aking paningin sa pagdaan ko sa mariringal at malalawak na pinto ng imortalidad.”46