Kabanata 6
Isang Pandaigdigang Kapatiran ng Kababaihan
Nang makipagpulong si Propetang Joseph Smith sa kababaihan ng Relief Society sa Nauvoo, itinuro niya na bukod sa pagbibigay ng temporal na paglilingkod, palalakasin nila sa espirituwal ang mga tao (tingnan sa kabanata 2). Gamit ang payong ito bilang saligan, natagpuan ng kababaihan ng Relief Society ang pagmamahal at kaligtasan mula sa mga unos ng buhay sa paglilingkod nila sa isa’t isa. Naibahagi nila ang ebanghelyo ni Jesucristo sa isa’t isa at sa mga nasa paligid nila. Ang Relief Society ay naging kublihan mula sa daigdig—isang lugar na kanlungan—at sentro ng liwanag sa mundo—isang lugar na puno ng inspirasyon.
Sa isang miting ng Relief Society sa Ogden, Utah, buong pasasalamat na kinilala ni Sister Eliza R. Snow, ang ikalawang Relief Society general president, ang mga pagsisikap ng kababaihan na palakasin ang isa’t isa sa temporal at espirituwal. Sinabi niya sa kanila na bagamat hindi naitala ng Simbahan ang bawat donasyong ibinigay nila upang tulungan ang mga nangangailangan, ang Panginoon ay may perpektong talaan ng kanilang mga gawain ng pagliligtas:
“Alam ko na talagang napakaraming donasyon na hindi naisulat sa mga aklat ng [talaan]. Sinabi ni Pangulong Joseph Smith na ang samahang ito ay itinatag upang magligtas ng mga kaluluwa. Ano ang ginawa ng kababaihan upang maibalik ang mga naligaw ng landas?—upang paningasin ang puso ng mga nanlalamig na sa ebanghelyo?—May isa pang aklat na iniingatan at ito ay naglalaman ng inyong pananampalataya, kabaitan, mabubuting gawa, at mga salita. May isa pang talaan na iniingatan. Walang paglilingkod na nalilimutan.”1
Isang talaan sa langit ang iniingatan na naglalaman ng gawain ng kababaihan ng Relief Society sa pagtulong nila sa mga taong ang puso’y nanlalamig na at nangangailangan ng pananampalataya, kabaitan, mabubuting gawa, at mabubuting salita.
Pandaigdigang Kapatiran ng Kababaihan
Sa kalagitnaan ng mga 1900, habang nagdurusa ang mundo sa mga epekto ng digmaan at kalamidad, ang gawain ng Relief Society ay patuloy na lumawak. Tapat sa mga layunin ng organisasyon—pag-iibayo ng pananampalataya at sariling kabutihan, pagpapalakas ng mga pamilya at tahanan, at paghahanap at pagtulong sa mga nangangailangan—ang Relief Society ay nagsilbing kanlungan ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw at isang impluwensya sa kabutihan. Noong 1947 itinuro ng pangkalahatang panguluhan ng Relief Society (sina Sister Belle S. Spafford, Marianne Sharp, at Gertrude Garff) na, “Ang misyon natin ay magpagaling at nangangailangan ito ng mas malaking puso, mas magiliw na pangangalaga, mas matatag na kaisipan.”2
Noong panahong iyon, hinigpitan ng ilang gobyerno ang kanilang batas at nagtayo pa ng ilang harang sa kanilang lugar. Ang mga paghihigpit at harang na iyon, na nakilala at tinawag na Iron Curtain at Berlin Wall, ay itinayo upang limitahan ang ilang tao at hindi ibilang ang iba pa. Kabaligtaran nito, ang kababaihan ng Relief Society ay nagtayo ng mga espirituwal na pader na mapagkakanlungan upang pangalagaan at ibilang ang mga tao. Nagsama-sama sila sa isang pandaigdigang kapatiran ng kababaihan at inanyayahan ang iba pa na sumama sa kanila.
Kahit sa mga bansa na may pulitikal na hangganan at batas na nagbabawal sa hayagang partisipasyon sa relihiyon, nadarama ng mga miyembro ng mga Relief Society ang kaugnayan nila sa kanilang mga kapatid na babae sa buong mundo. Tahimik silang nanatiling tapat sa kanilang mga patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo at sa mga layunin ng Relief Society.
Noong 1980, dinalaw ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol at ng kanyang asawang si Donna, ang Relief Society sa Czechoslovakia (na ngayon ay Czech Republic at Slovakia). Kalaunan ay ginunita niya:
“Hindi madaling kumuha ng mga visa, at naging napakaingat namin upang hindi malagay sa panganib ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga miyembro, na sa loob ng maraming henerasyon ay nagpursiging mapanatili ang kanilang pananampalataya sa kalagayan na may matinding paniniil.
“Ang pinaka-hindi malilimutang pulong o miting ay ginanap sa silid sa itaas. Nakasara ang blinds. Maging sa gabi, iba’t ibang oras ang pagdating ng mga dumadalo, nagmumula sila sa kabi-kabilang direksiyon, upang hindi sila mapansin.
“May 12 kababaihang dumalo noon. Kinanta namin ang mga himno ng Sion mula sa mga himnaryo—nang walang saliw ng musika—na inilimbag mahigit 50 taon na noon ang nakararaan. [Isang aralin] ang mapitagang ibinigay mula sa mga pahina ng isang manwal na gawang-kamay. …
“Sinabi ko mga kababaihang iyon na kabilang sila sa pinakamalaki at pinakadakilang samahan ng kababaihan sa mundo. Binanggit ko ang sinabi ni Propetang Joseph Smith nang iorganisa niya at ng mga Kapatid ang Relief Society. …
“Naroon ang Espiritu. Ang mabait na babae na buong giliw at pagpipitagang nangasiwa ay talagang umiyak.
“Sinabi ko sa kanila na sa pagbabalik namin ay naatasan akong magsalita sa isang kumperensya ng Relief Society; at kung may ipaaabot ba silang mensahe sa kanila? Sumulat ang ilan sa kanila; bawat pahayag, bawat isa, ay sa diwa ng pagbibigay—hindi ng paghiling ng anupamang bagay. Hindi ko malilimutan kailanman ang isinulat ng isang babae: ‘Isang maliit na samahan ng kababaihan ang ibinibigay ang kanilang buong puso at pag-iisip sa lahat ng kababaihan at sumasamo sa Panginoon na tulungan tayong sumulong.’
“Ang mga salitang iyon, samahan ng kababaihan, ay nagbigay-inspirasyon sa akin. Para ko silang nakikitang nakapaikot hindi lamang sa silid na iyon kundi maging sa buong mundo.”3
Sa paggunita sa miting na iyon, sinabi ni Pangulong Packer, “Nakatayo ako, nang sandaling iyon, sa samahang iyon at nadama ko ang matinding pananampalataya at lakas ng loob at pagmamahal na nagmumula sa magkabilang panig.”4
Ang gayong pananampalataya at lakas ng loob at pagmamahal ay nagsama-sama upang bumuo ng pamana ng kababaihan ng Relief Society sa lahat ng dako. Hinikayat ni Pangulong Henry B. Eyring, isang tagapayo sa Unang Panguluhan, ang kababaihan ng Relief Society na ibahagi ang pamanang ito. “Naipapasa ninyo ang pamana sa pagtulong ninyo sa iba na tanggapin ang kaloob na pag-ibig sa kapwa sa puso nila,” ang sabi niya. “Sa gayon ay maipapasa nila ito sa iba. Ang kasaysayan ng Relief Society ay mababasa at mabibilang, ngunit ipinapasa ang pamana nang puso sa puso.”5 Nangyayari ito sa kapatiran ng Relief Society.
Isang Lugar na Kanlungan
Simula noong mga unang araw ng Relief Society, ang kababaihan ay naglalaan ng kanlungan—isang lugar ng pagpapagaling, pagmamahal, kabaitan, pangangalaga, at pagiging kabilang. Sa Nauvoo, ang kababaihan ay nakatagpo ng kanlungan sa Relief Society sa pag-asa nila sa pananampalataya at mga kasanayan ng bawat isa at sa pagbibigay nila ng pagkain at kasuotan. Nagpatuloy ito sa pagtawid nila sa kapatagan at habang nagsisimula silang manirahan sa Utah Territory. Ngayon, habang lumalago ang Simbahan sa buong mundo, ang kababaihan ay patuloy na nakatatagpo ng kanlungan sa Relief Society.
Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang malaking samahang ito ng kababaihan ay magiging proteksiyon ng bawat isa sa inyo at ng inyong mga pamilya. Ang Relief Society ay maaaring ihalintulad sa isang kanlungan—ang lugar ng kaligtasan at proteksiyon—ang santuwaryo noong unang panahon. Magiging ligtas kayo dito. Pinalilibutan nito ang bawat babae na tulad ng isang muog.”6
Noong 1999, si Bobbie Sandberg, na isang bata pang asawa at ina, ay lumipat kasama ng kanyang pamilya sa Taiwan mula sa Estados Unidos. Bagamat anim na buwan lamang siyang mamamalagi roon habang nagtuturo silang mag-asawa ng English class, lubos siyang pinangalagaan ng kababaihang Taiwanese sa Relief Society.
Kitang-kita ang pangangalagang ito nang yanigin ng isang napakalakas na lindol ang bansa, at ang epicenter nito ay malapit sa tahanan ng mga Sandberg. Gumuho ang mga gusali sa magkabilang panig ng paaralan kung saan sila naninirahan. Sa loob ng ilang oras matapos ang unang malakas na pagyanig, dumating ang Relief Society president ni Sister Sandberg na parang isang anghel ng awa sa pamilya upang alamin ang kanilang mga pangangailangan at tulungan sila. Dahil maraming lansangan at mga gusali ang nasira at naputol ang mga linya ng komunikasyon, ginamit ng mapagmahal na pangulong ito ang tanging transportasyong masasakyan niya roon. Nagbisikleta siya sa gitna ng mga guho hanggang sa mabisita niya ang maraming kababaihan sa ward.
Sa gitna ng kaguluhan, si Sister Sandberg ay nasa ligtas na pangangalaga ng isang Relief Society. Ang kanyang Relief Society president ay nag-alala sa kaligtasan at mga pangangailangan ng bawat babae sa kanyang ward.
Tulad ni Sister Sandberg, maraming Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo ang makapagpapatunay sa katotohanan ng pahayag na ito ni Pangulong Packer: “Nakapapanatag na malaman na kahit saan pa magpunta [ang isang pamilya], naghihintay sa kanila ang Simbahan na kanilang pamilya. Mula sa araw ng kanilang pagdating, ang lalaki ay mapapabilang sa isang korum ng priesthood at ang babae ay mapapabilang sa Relief Society.”7
Isang Lugar na Puno ng Inspirasyon
Si Sister Belle S. Spafford ay tinawag bilang ikasiyam na Relief Society general president noong Abril 1945, at si Pangulong George Albert Smith ay naitalaga bilang ikawalong Pangulo ng Simbahan mga anim na linggo na noon ang nakararaan. Hinikayat ni Pangulong Smith si Sister Spafford at ang lahat ng kababaihan ng Relief Society na magbigay ng temporal na suporta sa mga taong patuloy na nagdurusa sa mga epekto ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hiniling din niya sa kanila na maging inspirasyon sa lahat ng kababaihan sa mundo. Sabi niya, “Nang ipinihit ni Propetang Joseph Smith ang susi para sa kalayaan ng kababaihan, ipinihit ito para sa buong daigdig.”8
Ang Relief Society Building, Isang Sentro ng Inspirasyon
Noong Oktubre 1945, ibinalita ang planong magtatayo ng isang gusali ng Relief Society.9 Noong Oktubre 1947, inaprubahan ng Unang Panguluhan ang planong iminungkahi ni Sister Belle S. Spafford: bawat miyembro ng Relief Society, na ang bilang noon ay 100,000 katao, ay hinilingang mag-ambag ng limang dolyar sa proyekto. Ang kababaihan mula sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagpadala ng mga donasyon. May ilang nagpadala ng mga gawang-sining mula sa kanilang sariling bayan upang pagandahin ang loob ng gusali. Sa loob ng isang taon, ang kababaihan ay nakalikom ng $554,016.
Sinabi ni Sister Spafford: “Ang nagawang ito ay nagpapakita ng malaking halaga ng pera, ngunit hindi lamang ng pera. Ipinapakita rito ang maraming pinahahalagahan na hindi nahahawakan—mga pinakamahalaga—pagpapahalaga sa kagalang-galang na katayuan ng kababaihan sa plano ng ebanghelyo; patotoo sa kabanalan ng gawain ng samahan; at pasasalamat sa pagkakataong ibinigay sa kababaihan ng Simbahan na maglingkod … ; katapatan sa pamumuno; di-makasariling katapatan sa dakilang adhikain. Ito ay isang patunay ng kadakilaan na likas sa samahan.”10
Ang gusali, na nasa hilagang-silangan ng Salt Lake Temple, ay inilaan noong Oktubre 3, 1956. Sa panalangin ng paglalaan, si Pangulong David O. McKay, ang ikasiyam na Pangulo ng Simbahan, ay nagsalita tungkol sa inspirasyong madarama sa iba’t ibang dako ng daigdig na magmumula sa gusaling iyon: “Upang maging mas epektibo sa kanilang paglilingkod sa mga nangangailangan at nagdurusa sa Simbahan at sa buong Daigdig, itinayo ng Relief Society sa tulong ng mga miyembro ng Simbahan ang magandang tahanang ito ng Relief Society.”11
Simula 1984 ang gusali ay naglaan din ng lugar para sa mga tanggapan ng Young Women general presidency at ng Primary general presidency.
Mabuting Impluwensya sa mga Taong Kabilang sa Ibang Relihiyon
May natutuhang magandang aral si Sister Spafford mula kay Pangulong George Albert Smith tungkol sa pagbabahagi ng mga pinahahalagahan ng Simbahan sa kababaihan sa buong daigdig. Kaagad pagkatapos siyang sang-ayunan bilang Relief Society general president, “isang liham ang dumating mula sa National Council of Women, na nagbabalita sa kanilang taunang pulong o miting na gaganapin sa New York City.
“Nakadalo na noon si Sister Spafford sa gayong mga miting, at dahil sa kanyang karanasan noong una, pinag-aralan niyang mabuti at ng kanyang mga tagapayo ang paanyaya sa loob ng ilang linggo.
“Nagpasiya silang irekomenda sa Pangulo ng Simbahan na tapusin na ng Relief Society ang pagiging miyembro nito sa mga konsehong iyon. Naghanda sila ng rekomendasyon, at inilista ang lahat ng dahilan sa paggawa nito.
“Nangangamba at nag-aalangan, inilagay ni Sister Spafford ang papel sa mesa ni Pangulong George Albert Smith, na nagsasabing, ‘Nais irekomenda ng Relief Society Presidency na tapusin na ng General Board ang pagiging miyembro nito sa National Council at sa International Council of Women, dahil sa mga kadahilanan na nakasulat sa papel na ito.’
“Binasang mabuti ni Pangulong Smith ang nakasulat. Hindi ba’t mahigit kalahating siglo na silang miyembro nito? tanong niya.
“Ipinaliwanag ni Sister Spafford kung gaano kagastos ang magpunta sa New York, ang oras na gugugulin dito, at inilarawan ang kahihiyan na paminsan-minsan nilang nararanasan. Inirekomenda niya na itigil na nila ang pagiging miyembro nito dahil ‘wala tayong anumang napapala mula sa mga konsehong ito.’
“Sumandal sa kanyang upuan ang matalino at matandang propetang ito at tumingin sa kanya na mukhang naguguluhan. ‘Gusto ninyong tumigil na dahil wala kayong napapala dito?’ tanong niya.
“‘Iyan po ang nadarama namin,’ sagot ng babae.
“‘Sabihin ninyo sa akin,’ sabi niya, ‘kung ano ang iniaambag ninyo dito?
“‘Sister Spafford,’ pagpapatuloy niya, ‘ginugulat mo ako. Ang lagi bang nasa isip ninyo ay kung ano ang makukuha o mapapala ninyo? Hindi ba ninyo iniisip kung ano naman ang maibibigay ninyo?’
“Ibinalik niya ang papel kay Sis. Spafford at iniunat ang kanyang kamay. Mariin niyang sinabi, ‘Ipagpatuloy ninyo ang pagiging miyembro sa mga konsehong ito at ipadama ang inyong mabuting impluwensya.’”12
Ipinadama nga niya ang kanyang mabuting impluwensya. Nakibahagi siya sa National Council of Women at sa International Council of Women at ilang taon ding humawak ng mga posisyon sa mga organisasyong iyon. Nanindigan siya sa mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa mga layunin ng Relief Society.
Sa tuwing pupunta si Sister Spafford sa International Council of Women (ICW), itinatalaga siya sa sesyon ng “social at moral welfare.” Paggunita niya:
“Minsan tinanggihan kong pumunta sa [sesyon ng] social at moral welfare, at sa panahong iyon magkapalagayang-loob na kami ng ICW president. … Sabi ko, ‘Lagi akong dumadalo sa sesyong ito, at medyo nakakasawa na kaya’t gusto ko sa iba naman.’ Sinabi niyang, ‘Sige, may karapatan ka namang hilingin iyan, at titiyakin kong mapagbibigyan ka.’
“Pagkatapos ay bumalik siya at sinabing, ‘Hindi namin mapagbibigyan ang kahilingan mo dahil iginigiit ng konseho mo mismo na manatili ka sa sesyon ng moral at social welfare.’ Sabi niya, ‘Baka gusto mong malaman ang dahilan. Sinasabi ng inyong national president na palagi mong pinaninindigan ang posisyon ng inyong Simbahan sa mga bagay na ito at alam nila ang posisyon ng Simbahang Mormon at pakiramdam nila napapangalagaan sila kapag naroon ka.’”13
Alam ng kababaihan sa mga samahang ito na ang kaibigan nilang si Belle Spafford ay maninindigan sa mga alituntunin ng Simbahan, at kailangan nila ang gayong uri ng karunungan at lakas. Noong 1954 napili siyang maging lider ng delegasyon ng Estados Unidos sa International Council of Women sa Helsinki, Finland. Habang pinangungunahan niya ang pagpasok sa pagsisimula ng kumperensya, nagbalik sa kanyang alaala ang mga nangyari:
“Habang nakatingin ako sa mga manonood na nagmula sa maraming bansa … , bigla kong naalala ang mga sinabi ng ating mga pioneer na lider [ng Relief Society] … ‘na namumuno tayo sa kababaihan ng daigdig,’ … ‘para sa mga karapatan ng kababaihan ng Sion at sa mga karapatan ng kababaihan ng lahat ng bansa.’ … Alam ko na ang ating mga pioneer na lider ng kababaihan ay binigyan ng kaalaman ng langit tungkol sa tadhana ng Relief Society. … Naniniwala ako na panahon na para madama ng kababaihan sa buong mundo ang mabuting impluwensya ng Relief Society.”14
Noong 1987 pinayuhan ng Unang Panguluhan ang Relief Society na tumigil na sa pagiging miyembro ng National Council of Women at ng International Council of Women. Panahon na upang mas pagtuunan ng pansin ng Relief Society general presidency ang mabilis na paglago ng samahan sa iba’t ibang dako ng mundo sa halip na magtuon ng pansin sa iba pang adhikain ng bansa at ng daigdig. Ngunit sa paglago ng Simbahan, patuloy na ipinadarama ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mabuting impluwensya sa buong mundo—sa kanilang mga komunidad, paaralan, at kapaki-pakinabang na mga organisasyon sa kanilang lugar. Sinunod nila ang huwarang itinatag nina Pangulong Smith at Sister Spafford, na iniisip kung ano ang kanilang maibibigay, at hindi kung ano ang kanilang makukuha o mapapala.
Pangangalaga at Pagtuturo sa mga Investigator at Bagong Miyembro
Sa paglago ng Simbahan sa iba’t ibang dako ng daigdig, ang Relief Society ay isang mabuting impluwensya sa mga investigator at bagong miyembro. Bahagi ng mabuting impluwensyang ito ang pagbibigay sa mga bagong miyembro ng mga pagkakataong maglingkod at mamuno. Ikinuwento ni Silvia H. Allred, unang tagapayo sa Relief Society general presidency, ang kanyang inang si Hilda Alvarenga, na tinawag na maglingkod bilang branch Relief Society president sa San Salvador, El Salvador:
“Kabibinyag pa lang ng aking ina sa Simbahan nang matawag siyang Relief Society president sa maliit na branch namin sa San Salvador. Sinabi niya sa branch president na wala siyang karanasan, hindi handa, at hindi karapat-dapat. Siya ay mahigit 30 anyos, kakaunti ang pinag-aralan, at buong buhay niya ay inilaan niya sa pag-aaruga sa kanyang asawa at pitong anak. Pero tinawag pa rin siya ng branch president.
“Pinanood ko ang mahusay na pagganap ng aking ina sa kanyang tungkulin. Habang naglilingkod, natuto siyang mamuno at nagkaroon ng mga bagong kaloob tulad ng pagtuturo, pagsasalita sa publiko, at pagpaplano at pag-oorganisa ng mga miting, aktibidad, at proyektong paglilingkod. Naging inspirasyon siya sa kababaihan sa branch. Pinaglingkuran niya sila at tinuruan silang maglingkod sa isa’t isa. Minahal siya at iginalang ng kababaihan. Tinulungan niya ang iba pang mga babae na tumuklas, gumamit, at magtaglay ng mga kaloob at talento; tinulungan niya silang maging mga tagapagtayo ng kaharian at magkaroon ng matibay at espirituwal na pamilya. Nanatili siyang tapat sa ginawa niyang mga tipan sa templo. Nang pumanaw siya, payapa siyang pumaroon sa kanyang Lumikha.
“Lumiham sa akin ang isang babaeng kasama niyang naglingkod bilang tagapayo sa Relief Society pagkaraan ng ilang taon: ‘Ang nanay mo ang nagturo sa akin kung paano marating ang narating ko ngayon. Mula sa kanya, natuto ako ng pag-ibig sa kapwa, kabaitan, katapatan, at responsibilidad sa aking mga tungkulin. Siya ang aking guro at halimbawa. Ako ngayo’y 80 anyos na, ngunit nananatili akong tapat sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Nagmisyon ako, at labis akong pinagpala ng Panginoon.’”15
Tumulong ang matapat na Relief Society president na ito sa pagpapatatag ng patotoo ng kababaihan na mga miyembro na ng branch. Pinangalagaan din niya ang pananampalataya ng kababaihan na nagsisiyasat sa Simbahan at ng mga bagong binyag at katatanggap lamang ng kumpirmasyon. Pinangunahan niya ang mga pagsisikap upang maging kalugud-lugod at lugar ng pangangalaga ang Relief Society.
Pag-impluwensya sa Iba sa Pamamagitan ng Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Hindi nagtagal matapos dalawin nina President at Sister Packer ang maliit na samahan ng kababaihan sa Czechoslovakia, isang dalaga na naghahanap ng espirituwal na kanlungan, pagmamahal, at kahulugan ng kanyang buhay ang naging malapit sa mismong samahang iyon. Ang kanyang pangalan ay Olga Kovářová, at noong panahong iyon siya ay nagpapakadalubhasa sa pag-aaral sa isang unibersidad sa lungsod ng Brno. Itinuturo ng unibersidad ang ateismo sa mga estudyante. Pakiramdam ni Olga ay walang patutunguhan ang mga estudyante at ang iba pang mga tao sa kanyang paligid. Nagutom siya sa mga bagay na espirituwal, at nadama niyang gayon din ang kanyang mga kaibigan at kasamahan.
Noong nasa unibersidad pa si Olga, nakilala niya si Otakar Vojkůvka, isang 75-taong gulang na lalaking Banal sa mga Huling Araw. Kalaunan ay ginunita niya: “Kahit pitumpu’t limang taong gulang ang kanyang edad ang kanyang puso ay parang halos labingwalong taong gulang lamang at masayahin siya. Hindi ito pangkaraniwan sa Czechoslovakia noong panahong iyon ng pagdududa at kawalang-pag-asa. … Nakita ko na hindi lamang siya nakapag-aral kundi alam din niya kung paano mamuhay nang maligaya.” Itinanong niya sa lalaki at sa pamilya nito ang tungkol sa kahulugan ng buhay, at kalaunan ay ipinakilala nila siya sa iba pang mga miyembro ng Simbahan. Gusto niyang malaman kung paano nila natagpuan ang kagalakan at saan nila nababasa ang tungkol sa Diyos. Binigyan nila si Olga ng kopya ng Aklat ni Mormon, na buong pananabik nitong sinimulang basahin.
Si Olga ay naniwala sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at nagdesisyon siyang magpabinyag. Kinailangan siyang binyagan sa kakahuyan sa gabi upang hindi mapansin ng mga tao ang gagawing pagbibinyag. Sa kasamaang-palad, maraming mangingisda ang nasa kakahuyan noong gabing siya ay bibinyagan. Ngunit matapos maghintay si Olga at ang kanyang mga kaibigan at sa huli ay nag-alay ng taimtim na panalangin, umalis ang mga mangingisda.
Isang miyembro ng Simbahan na dumalo sa binyag ni Olga ang nagtanong sa kanya, “Alam mo ba kung bakit maraming mangingisda sa tabing-dagat ngayong gabi?” At pagkatapos ay sinabi niyang, “Alalahanin mo na sinabi ni Jesus, habang naglalakad siya sa tabi ng Dagat ng Galilea, kina Simon Pedro at Andres, na naghahagis noon ng lambat sa dagat, ‘Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.’” Nadama ni Olga na “ibig niyang sabihin ay magiging kasangkapan ako kalaunan sa mga kamay ng Diyos upang dalhin ang mga kabataan sa Simbahan.”
Iyon nga ang ginawa ni Olga. Naging inspirasyon siya sa maraming naghahanap ng katotohanan at kaligayahan. Dahil hindi pinapayagan ang proselyting o pagtuturo ng ebanghelyo sa kanilang bansa, siya at ang pamilya Vojkůvka ay nagdaos ng isang klase na tinawag nilang “School of Wisdom”. Sa ganitong mga lugar, itinuro nila ang moralidad at kagandahang-asal upang tulungan ang mga tao na mahanap ang espirituwalidad at kagalakan sa buhay. Nadama ng marami sa kanilang mga estudyante ang inspirasyong mula sa Espiritu, at madalas na nagkaroon ng mga pagkakataong matalakay sa ilang piling indibiduwal ang tungkol sa Ama sa Langit at sa ebanghelyo ni Jesucristo.16
Kalaunan, noong si Sister Barbara W. Winder ang naging ikalabing-isang Relief Society general president, nagkaroon siya ng pagkakataong magpunta sa Czechoslovakia kasama ang kanyang asawang si Richard W. Winder, na nakapagmisyon doon. Pagpasok nila sa isang tahanan kung saan gaganapin ang miting, isang masayahing babae ang lumapit sa kanila at sinabing, “Maligayang pagdating! Ako po si Olga, at ako ang Relief Society president.” Napansin nina Brother at Sister Winder ang kasiyahan sa kanyang mukha at ang Espiritu ng Panginoon na nasa kanya. Bilang Relief Society president ng kanyang munting branch, si Olga Kovářová ay naging impluwensya sa kabutihan sa isang daigdig na puno ng paniniil ng pulitika at pang-uusig sa relihiyon, at tumulong siya upang maglaan ng kanlungan para sa mga taong sumapi sa Simbahan at naging mga miyembro ng Relief Society. Tumulong siya sa pagliligtas ng mga kaluluwa ng ibang tao sa pamamagitan ng pagdadala sa kanila kay Cristo.
Ang kuwento ng pagiging miyembro ni Sister Kovářová at ang kanyang gawaing misyonero ay bahagi ng katuparan ng isang propesiya ni Pangulong Spencer W. Kimball, ang ikalabindalawang Pangulo ng Simbahan: “Karamihan sa malalaking pag-unlad na mangyayari sa Simbahan sa mga huling araw ay darating dahil marami sa mabubuting kababaihan ng mundo (na kadalasan ay may gayong kalalim na espirituwalidad) ang madadala sa Simbahan. Mangyayari ito sa antas na magpapakita ng kabutihan at katalinuhan ang kababaihan ng Simbahan sa kanilang buhay at sa paraang makikitang kakaiba—sa masayang paraan—kung ihahambing sa kababaihan ng mundo.”17
Pag-impluwensya sa Iba sa Pamamagitan ng Paglilingkod
Noong 1992, ipinagdiwang ng kababaihan sa buong mundo ang ika-150 anibersaryo ng Relief Society sa pamamagitan ng pagsali sa mga proyektong paglilingkod sa kanilang mga komunidad. Sa pamamagitan ng gawaing ito, na inorganisa sa ilalim ng pamamahala ng pangkalahatan at lokal na mga lider ng priesthood, ibinahagi ng kababaihan ang mabuting impluwensya ng Relief Society sa iba’t ibang dako ng mundo. Si Sister Elaine L. Jack, na naglingkod bilang ikalabindalawang Relief Society general president, ay nagsabi:
“Hiniling namin sa bawat isa sa ating mga lokal na yunit na asikasuhin ang mga pangangailangan ng kanilang sariling komunidad at magpasiya kung anong serbisyo ang kailangang-kailangan ng komunidad. Naiisip ba ninyo kung ano ang nagawa niyan sa mundong ito?
“Isa sa ating mga Relief Society president ang lumapit sa isa sa konseho ng lungsod sa California at nagsabing, ‘Ano ho ang mga bagay na sa tingin ninyo ay kailangan sa komunidad na ito na maaari naming gawin?’ At sinabi ng mga kalalakihan, ‘Ibig ba ninyong sabihin 20,000 grupo sa buong mundong ito ang ganito rin ang gagawin?’ At sinabi niyang opo. At sinabi [ng isa sa mga miyembro ng konseho], ‘Babaguhin ninyo ang mundo.’ At sa palagay ko’y binago nga natin … para sa mas mabuti. Isa iyan sa mga bagay na nagdudulot ng pagkakaisa. At [mayroong] iba’t ibang uri ng paglilingkod. … Gumawa [ang mga kababaihan] ng mga lap rug sa South Africa para sa matatandang nasa tahanan. … Nagtanim sila ng mga bulaklak sa paligid ng [isang] clock tower sa Samoa. At marami pa silang ginawang mga bagay sa mga bahay-kalinga o nagbigay ng mga aklat sa mga bata o nagpintura ng mga tahanan para sa mga dalagang-ina, mga bagay na tulad niyon. Nadama namin na sa iba’t ibang dako ng mundo ang mga proyektong ito ng paglilingkod sa komunidad ay malaking bagay, kapwa sa kababaihan at sa komunidad.”18
Pag-impluwensya sa Iba sa Pamamagitan ng Pagkatutong Bumasa at Sumulat
Habang nag-oorganisa ang kababaihan ng Relief Society ng mga proyektong paglilingkod sa komunidad, si Sister Jack at ang kanyang mga tagapayo ay nagtuon sa paglilingkod sa iba’t ibang dako ng mundo: pagtulong sa kababaihan na matutong magbasa. “Dama namin na kailangang matutong bumasa ang kababaihan sa buong mundo, at marami ang hindi nakakabasa,” sabi niya. “Isipin ninyo—kung hindi sila marunong bumasa, paano nila matuturuan ang kanilang mga anak, paano nila mapabubuti ang kanilang kalagayan, paano nila pag-aaralan ang ebanghelyo? Kaya’t naisip namin na wala nang mas kapaki-pakinabang na gawain kundi ang itaguyod ang pagkatutong bumasa at sumulat. … Ngunit layon din naming hikayatin ang bawat babae na habambuhay na mag-aral at matuto.”19
Si Pangulong Thomas S. Monson, ang ikalabing-anim na Pangulo ng Simbahan, ay may nakilala minsan na isang babae sa Monroe, Louisiana, na nabiyayaan ng paglilingkod ng Relief Society at ibinahagi ang pagpapalang ito sa iba. Nilapitan siya ng babae sa isang paliparan at sinabing: “Pangulong Monson, bago po ako sumapi sa Simbahan at naging miyembro ng Relief Society, hindi po ako marunong bumasa. Hindi ako marunong sumulat. Walang marunong sa pamilya ko.” Sinabi niya kay Pangulong Monson na tinuruan siya ng mga kapatid sa Relief Society na bumasa at ngayon ay tinutulungan niya ang iba pa na matutong bumasa. Pagkatapos makipag-usap sa babae, naisip ni Pangulong Monson “ang matinding kaligayahang nadama ng babae nang buksan niya ang kanyang Biblia at basahin sa unang pagkakataon ang mga salita ng Panginoon. … Noong araw na iyon sa Monroe, Louisiana,” sabi niya, “nakatanggap ako ng patunay ng Espiritu sa dakila ninyong mithiing mapaunlad ang kaalaman ng mga kababaihan.”20
Pag-impluwensya at Pagpapatatag sa Kababaihan sa mga Ward at Branch
Kahit na naipadama ng matatapat na kababaihan ng Relief Society ang kanilang mabuting impluwensya sa kanilang mga komunidad at sa iba’t ibang dako ng mundo, hindi nila nalilimutang patatagin ang isa’t isa sa sarili nilang mga ward at branch. Si Sister Julie B. Beck, na kalaunan ay naglingkod bilang ikalabinlimang Relief Society general president, ay nakatagpo ng kapatiran, kanlungan, at inspirasyon sa Relief Society noong bata pa siya at wala pang kaalaman sa pagiging ina at tagapangasiwa ng tahanan. Paggunita niya:
“Ang Relief Society ay dapat maging organisado, nakaayon, at kumikilos sa pagpapatatag ng mga pamilya at pagtulong sa ating mga tahanan na maging mga sagradong kanlungan mula sa mundo. Natutuhan ko ito noong bagong kasal pa lang ako. Ibinalita ng mga magulang ko, na kapitbahay namin noon, na lilipat sila sa ibang bansa. Umasa ako noon sa nagpapalakas, matalino, at nakahihikayat na halimbawa ng aking ina. Ngayon ay matagal siyang mawawala. Nangyari ito bago pa nagkaroon ng e-mail, mga fax machine, cell phone, at Web camera, at napakabagal magpadala ng liham sa koreo. Isang araw bago siya umalis, naupo akong umiiyak sa kanya at nagtanong, ‘Sino na ang magiging nanay ko?’ Matamang nag-isip si Inay, at taglay ang Espiritu at kapangyarihang maghayag na dumarating sa ganitong uri ng kababaihan, sinabi niya sa akin, ‘Kung hindi na ako makabalik, kung hindi mo na ako muling makita, kung hindi na kita matuturuan pa, makiisa ka sa Relief Society. Ang Relief Society ang magiging nanay mo.’
“Alam ni Inay na kapag nagkasakit ako, aalagaan ako ng kababaihan, at kapag nanganak ako, tutulungan nila ako. Ngunit ang pinakaaasam ng aking ina ay maging malakas at espirituwal na mga lider ko ang kababaihan sa Relief Society. Mula noon marami akong natutuhan sa kababaihang mahuhusay at may pananampalataya.”21
Patuloy na Lumalaking Samahan ng Kababaihan
Noong unang banggitin ni Pangulong Boyd K. Packer sa publiko ang tungkol sa kanyang nalaman sa kababaihan ng Relief Society sa Czechoslovakia, siya ay nagsasalita sa pangkalahatang pulong ng Relief Society noong 1980. Sinabi niya, “Nasiyahan ako tungkol sa malaking samahang ito ng kababaihan.”22 Noong 1998 ay muli niyang binanggit ang karanasang ito, sa pagkakataong ito sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya sa buong Simbahan. Napuna niya, “Ang Relief Society ay higit pa sa isang samahan ngayon; ito ay higit na katulad ng isang telang lace na nakalatag sa iba’t ibang kontinente.”23
Ang kababaihan ng Relief Society ay bahagi ng organisasyong may-inspirasyon mula sa langit na itinatag ni Propetang Joseph Smith sa ilalim ng awtoridad ng priesthood. Habang nakikibahagi ang kababaihan sa Relief Society at inilalaan ang kanilang sarili dito, patuloy silang maglalaan ng kanlungan at kapatiran at magiging napakalakas na impluwensya sa kabutihan. Nangako si Pangulong Packer ng malalaking pagpapala sa kababaihan na naglilingkod sa ganitong adhikain:
“Matutugunan ang lahat ng inyong pangangailangan, ngayon, at sa mga kawalang-hanggan; lahat ng kapabayaan ay mabubura; lahat ng pang-aabuso ay maitatama. Lahat ng ito ay maaaring mangyari sa inyo, at magaganap kaagad, kapag iniukol ninyo ang sarili sa Relief Society.
“Nagiging ganap at banal ang bawat babae sa paglilingkod sa Relief Society. Dapat ninyong isapuso ang pagiging miyembro ninyo sa Relief Society. Kapag naging tapat kayo sa Relief Society at inorganisa ito at pinangasiwaan ito at nakibahagi rito, itinataguyod ninyo ang gawaing magpapala sa bawat babae na nasasakupan nito.”24
Pagpapatatag sa Kapatiran ng Kababaihan sa Pamamagitan ng Pagpapakita ng Pag-ibig sa Kapwa
Sa isang mensahe sa kababaihan ng Relief Society, nagbahagi si Pangulong Thomas S. Monson ng mga kaisipan kung paano mapalalakas ng pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa ang bigkis ng kapatiran sa Relief Society:
“Itinuturing ko ang pag-ibig sa kapwa—o ang ‘dalisay na pag-ibig ni Cristo’—na kabaligtaran ng pamimintas at panghuhusga. Patungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao, hindi ko naiisip sa sandaling ito ang kaginhawahan ng mga nagdurusa sa pamamagitan ng pagbibigay ng ating kabuhayan. Iyan, mangyari pa, ay kailangan at nararapat. Gayunman, ngayong gabi naiisip ko ang pag-ibig sa kapwa na namamalas kapag nagparaya tayo sa iba at hindi tayo mahigpit sa kanilang mga pagkilos, ang uri ng pag-ibig sa kapwa na nagpapatawad, ang uri ng pag-ibig sa kapwa na mapagpasensya.
Naiisip ko ang pag-ibig sa kapwa na nagtutulak sa atin na makisimpatiya, mahabag, at maawa, hindi lamang sa oras ng pagkakasakit at pagdurusa at pagkaligalig kundi maging sa oras ng kahinaan o pagkakamali ng iba.
Lubhang kailangan ang pag-ibig sa kapwa na nag-uukol ng pansin sa mga hindi napupuna, pag-asa sa mga pinanghihinaan ng loob, tulong sa mga nagdurusa. Ang tunay na pag-ibig sa kapwa ay pag-ibig na ipinapakita sa gawa. Kailangan ang pag-ibig sa kapwa sa lahat ng dako.
“Kailangan ang pag-ibig sa kapwa na hindi natutuwang makarinig o magpaulit-ulit ng mga ulat ng kasawiang-palad ng iba, maliban kung sa paggawa nito ay makikinabang ang sawimpalad na tao. …
“Ang pag-ibig sa kapwa ay pagpapasensya sa isang taong bumigo sa atin. Ito ay paglaban sa bugso ng damdamin na madaling masaktan. Ito ay pagtanggap sa mga kahinaan at pagkukulang. Ito ay pagtanggap sa mga tao kung sino sila talaga. Ito ay pagtingin nang higit pa sa mga panlabas na anyo sa mga katangiang hindi kumukupas sa paglipas ng panahon. Ito ay pagtanggi sa bugso ng damdamin na uriin ang iba.
“Ang pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig na iyon ni Cristo, ay nakikita kapag naglakbay nang daan-daang milya ang isang grupo ng mga kabataang babae mula sa isang singles ward upang dumalo sa serbisyo sa burol para sa ina ng isa sa mga miyembro nila sa Relief Society. Ang pag-ibig sa kapwa ay naipapamalas kapag ang matatapat na visiting teacher ay bumabalik buwan-buwan, taun-taon sa isang hindi interesado, at tila mapamintas na miyembro. Kitang-kita ito kapag ang isang matandang babaeng balo ay naaalala at dinadala sa mga aktibidad ng ward at Relief Society. Nadarama ito kapag ang miyembro na mag-isang nakaupo sa Relief Society ay tumanggap ng paanyayang, ‘Halika—tabi-tabi tayo.’
“Sa mga mumunting paraan, lahat kayo ay nagpapakita ng pag-ibig sa kapwa. Hindi perpekto ang buhay ng sinuman sa atin. Sa halip na husgahan at pintasan ang isa’t isa, nawa’y mapasaatin ang dalisay na pag-ibig ni Cristo sa ating kapwa mga manlalakbay sa buhay na ito. Nawa’y matanto natin na ginagawa ng bawat isa ang lahat ng kanyang makakaya upang harapin ang mga hamong dumarating sa kanyang buhay, at nawa’y gawin natin ang lahat upang makatulong.
“Ang pag-ibig sa kapwa-tao ‘ang pinakadakila, pinakamarangal, pinakamasidhing uri ng pag-ibig,’ ang ‘dalisay na pag-ibig ni Cristo … ; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya.’
“ ‘Ang pag-ibig sa kapwa-kao kailanman ay hindi nagkukulang.’ Nawa’y gabayan kayo ng matagal nang sawikaing [motto] ito ng Relief Society, ang walang hanggang katotohanang ito, sa lahat ng inyong gawain. Nawa’y tumimo ito sa inyong kaluluwa at makita sa lahat ng inyong iniisip at ikinikilos.”25