Kabanata 8
Mga Pagpapala ng Priesthood sa Lahat
Hindi Maihihiwalay na Kaugnayan sa Priesthood
Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ang priesthood ng Diyos ay naipanumbalik sa lupa sa kabuuan nito. Ang priesthood ay ang walang-hanggang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos at sa pamamagitan nito Kanyang pinagpapala, tinutubos, at dinadakila ang Kanyang mga anak, at isinasakatuparan “ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”1
Ang karapat-dapat na mga anak na lalaki ng Ama sa Langit ay inoorden sa mga katungkulan sa priesthood at binibigyan ng partikular na mga tungkulin at responsibilidad. Sila ay may pahintulot na kumilos sa Kanyang pangalan upang mapangalagaan ang Kanyang mga anak at tulungan silang matanggap ang mga ordenansa at gawin at tuparin ang mga tipan. Ang lahat ng mga anak na lalaki at anak na babae ng Ama sa Langit ay parehong pinagpapala kapag nakasalig sila sa kapangyarihan ng priesthood.
Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya, itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Bagama’t kung minsan itinuturing natin ang mga mayhawak ng priesthood bilang ‘ang priesthood,’ hindi natin dapat kalimutan na ang priesthood ay hindi pag-aari ng mga humahawak nito. Ito ay sagradong ipinagkatiwala upang gamitin ito para sa kapakanan ng kalalakihan, kababaihan, at gayundin ng mga bata.”2 Pagkatapos ay binanggit ni Elder Oaks ang sinabi noon ni Elder John A. Widtsoe, na naglingkod din bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa: “Hindi humihigit ang karapatan ng mga kalalakihan kaysa sa mga kababaihan sa mga pagpapalang nanggagaling sa Priesthood at kaakibat ng pagtataglay nito.”3
“Lubusang Kabahagi ng mga Espirituwal na Pagpapala ng Priesthood”
Maraming babaeng Banal sa mga Huling Araw ang nagpatotoo sa mga pagpapala ng priesthood sa kanilang buhay. Ipinahayag ni Sister Elaine L. Jack, ang ikalabindalawang Relief Society general president, ang damdamin ng iba pang kababaihan sa Relief Society. “Mayroon akong matibay na patotoo sa kapangyarihan ng priesthood sa buhay ng lahat ng miyembro ng Simbahan,” ang sabi niya. “Sa Doktrina at mga Tipan tayo ay … sinabihan na ang Melchizedek Priesthood ang humahawak ‘ng mga susi ng lahat ng pagpapalang espirituwal ng simbahan’ (D at T 107:18). Alam kong ito ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos sa lupa na magpapala sa ating buhay at tutulungan tayong iugnay ang ating mga naranasan sa lupa tungo sa kawalang-hanggan. Kapag natatanggap natin ang mga pagpapala ng priesthood, humuhugot tayo sa lakas at biyaya ng Diyos.” Pagpapatuloy pa ni Sister Jack:
“Makabuluhan sa akin na ang kababaihan ay naorganisa sa ilalim ng awtoridad ng priesthood. Itinataguyod natin ang priesthood at tayo ay itinataguyod ng kapangyarihan nito. Pinahahalagahan ng kababaihan ng Simbahan … ang pagkakataon nating maging lubusang kabahagi ng mga espirituwal na pagpapala ng priesthood.
“Bawat isa atin ay magagabayan at mapagpapala sa ating walang-hanggang pag-unlad sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga pagpapalang ito. Ang mga ordenansa, tipan, pagbubuklod, at ang kaloob na Espiritu Santo ay mahalaga sa kadakilaan. Marami ring mga pagpapala ang priesthood sa bawat tao. Ang mga pagpapala ng priesthood ay pumapatnubay sa atin; iniaangat nito ang ating pananaw; hinihikayat at binibigyang-inspirasyon tayo nito; ang mga ito ang gumaganyak sa atin upang maging tapat tayo. Lahat tayo ay maaaring makibahagi sa mga espirituwal na pagpapalang ito.”4
Binanggit muli ni Sister Sheri L. Dew, na naglingkod bilang tagapayo sa pangkalahatang panguluhan ng Relief Society, ang mga turong ito: “Mga kapatid, tatangkain ng ilan na paniwalain kayo na dahil hindi kayo naorden sa priesthood, kayo ay nadaya. Mali sila, at hindi nila nauunawaan ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga pagpapala ng priesthood ay maaaring makamtan ng bawat karapat-dapat na lalaki at babae. Maaaring mapasaating lahat ang Espiritu Santo, magkaroon ng personal na paghahayag, at matanggap ang endowment sa templo, kung saan tayo ‘magtataglay’ ng lakas. Ang kapangyarihan ng priesthood ay nakapagpapagaling, nagpoprotekta, at pananggalang ng lahat ng mabubuti laban sa mga puwersa ng kadiliman. Higit sa lahat, ang kaganapan ng priesthood na nakapaloob sa pinakamataas na mga ordenansa ng bahay ng Panginoon ay matatanggap lamang ng isang lalaki at babae na magkasama.”5
Mga Ordenansa, Tipan, at Pagpapala
Nang iorganisa ni Joseph Smith ang Relief Society sa Nauvoo, Illinois, noong tagsibol ng 1842, ang mga miyembro nito ay kababaihan na nabiyayaan na ng ilang ordenansa at tipan ng priesthood. Sila ay nabinyagan para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Natanggap nila ang kaloob na Espiritu Santo, na nagbibigay sa kanila ng karapatan sa palagiang pagsama ng Espiritu at sa kakayahang magabayan ng personal na paghahayag. Nakibahagi sila sa sakramento bilang pag-alaala kay Jesucristo at sa kanilang mga tipan. Nakatanggap sila ng mga kaloob ng Espiritu. May ilang tumanggap ng mga patriarchal blessing, nalaman ang kani-kanyang mga kaloob at potensiyal at ang pagiging bahagi nila sa sambahayan ni Israel. Pinagaling sila ng Panginoon, pinanatag sila, at tinuruan ayon sa kanilang mga pangangailangan, kanilang pananampalataya, at Kanyang kalooban.
Nalaman ni Sister Elizabeth Ann Whitney, na dumalo sa unang miting ng Relief Society, ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo 12 taon na ang nakararaan, noong 1830. “Pagkarinig ko sa Ebanghelyo na ipinangaral ng mga Elder,” sabi niya kalaunan, “Alam ko na iyon ang tinig ng Mabuting Pastol.” Siya ay “nabinyagan kaagad,” at ang kanyang asawang si Newel K. Whitney, ay nabinyagan makalipas ang ilang araw.6 Sa paggunita sa karanasang ito, ikinuwento niya ang mga pagpapalang natanggap niya sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood na pagbibinyag at kumpirmasyon:
“Kung mayroon mang mga alituntunin na nagbigay sa akin ng kalakasan, at sa pamamagitan nito ay natutuhan kong mamuhay nang kapaki-pakinabang, para sa akin ay tila nanaisin kong ibahagi sa iba ang kagalakan at kalakasang ito; upang sabihin sa kanila kung ano ang Ebanghelyo para sa akin, simula nang tanggapin ko ito at natutong mamuhay ayon sa mga batas nito. Isang panibagong paghahayag ng Espiritu sa bawat araw, paghahayag ng mga hiwaga na noon ay madilim, malalim, hindi maipaliwanag at hindi maunawaan; lubos na pananampalataya sa isang banal na kapangyarihan, sa walang-hanggang katotohanan na nagmumula sa Diyos Ama.”7
Mga Kaloob ng Espiritu
Noong Abril 28, 1842, si Joseph Smith ay nagsalita sa isang miting ng Female Relief Society of Nauvoo. Bahagi ng diskursong ito ay batay sa mga turo ni Apostol Pablo sa I Mga Taga Corinto 12–13 tungkol sa mga kaloob ng Espiritu. Binigyang-diin ni Joseph Smith na “ang mga palatandaang ito, gaya ng pagpapagaling ng maysakit, pagtataboy ng masasamang espiritu, atbp. ay dapat matanggap ng lahat ng nananampalataya.”8
Dahil natanggap ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw ang kaloob na Espiritu Santo, maaari nilang hangarin at mabibiyayaan sila ng mga espirituwal na kaloob na gaya ng “kaloob na mga wika, propesiya, paghahayag, mga pangitain, pagpapagaling, pagbibigay-kahulugan sa mga wika, at iba pa.”9 Sa buong kasaysayan ng Simbahan, natanggap ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw ang mga kaloob ng Espiritu at ginamit ang mga ito upang pagpalain ang kanilang mga pamilya at ang ibang tao.
Si Amanda Barnes Smith ay naroon noong Abril 28, 1842, nang ituro ni Joseph Smith sa kababaihan ng Relief Society ang tungkol sa mga kaloob ng Espiritu. Alam niya ang katotohanan ng kanyang mga itinuturo, sapagkat siya ay nabiyayaan ng kaloob na paghahayag noong mga apat na taon na ang nakararaan nang kailanganin niya ang tulong ng Panginoon upang mailigtas ang kanyang anak.
Sa huling bahagi ng Oktubre 1838, si Amanda at ang kanyang asawa na si Warren, kasama ang kanilang mga anak at iba pang mga miyembro ng Simbahan ay papunta sa Far West, Missouri. Tumigil sila sa isang pandayan upang kumpunihin ang kanilang bagon. Habang naroon sila, nilusob ng mga mandurumog ang mga Banal sa mga Huling Araw na nagtatrabaho sa pandayan, na ikinamatay ng 17 kalalakihan at mga batang lalaki at ikinasugat ng 15 katao. Si Amanda, na nakapagtago habang lumulusob ang mga mandurumog, ay nagbalik at natuklasan niyang kabilang si Warren at ang kanilang anak na si Sardius sa mga namatay. Ang isa pang anak na lalaki na si Alma, ay malubhang nasugatan. Nawasak ang kanyang balakang sa pagsabog ng isang baril. Kalaunan ay ikinuwento ni Amanda ang personal na paghahayag na natanggap niya upang gumaling ang kanyang anak:
“[Naroon] ako, sa mahaba at nakasisindak na gabing iyon, kasama ang namatay kong asawa at anak at ang sugatan kong anak, at tanging ang Diyos ang makagagamot at makatutulong sa amin.
“O aking Ama sa Langit, nagsumamo ako, ano ang dapat kong gawin? Nakikita po Ninyo ang kawawa kong anak na sugatan at nababatid ang kakulangan ko ng karanasan. O Ama sa Langit tagubilinan po Ninyo ako kung ano ang aking gagawin!
“At pagkatapos ako ay pinatnubayan ng isang tinig na nangusap sa akin.”
Sinabihan si Amanda na gumawa ng lye (lihiya), o panghugas, mula sa abo ng kanilang siga upang linisin ang sugat. Pagkatapos ay pinagawa siya ng makapal na pantapal mula sa banakal at malaking dahon ng puno ng elm na pampasak sa sugat. Nang sumunod na araw may nakita siyang kaunting balsamo (mabangong pamahid) at ibinuhos ito sa sugat upang maibsan ang hirap ni Alma.
“‘Alma, anak ko,’ ang sabi ko, ‘naniniwala ka bang ang Panginoon ang gumawa sa iyong balakang?’
“‘Opo, inay.’
“‘Kung ganoon, makagagawa ang Panginoon ng pamalit sa iyong balakang, hindi ka ba naniniwalang kaya Niya, Alma?’
“‘Sa palagay ninyo ay kaya ng Panginoon, inay?’ tanong ng bata, sa kanyang kawalang-malay.
“‘Oo, aking anak,’ sagot ko, ‘ipinakita niyang lahat ito sa akin sa isang pangitain.’
“Pagkaraan ay maayos ko siyang inihiga nang padapa, at nagsabing: ‘Ngayon, humiga ka nang ganyan, at huwag kang gagalaw, at gagawan ka ng Panginoon ng isa pang balakang.’
“Kung kaya’t nahigang padapa si Alma sa loob ng limang linggo, hanggang sa ganap na siyang gumaling—isang malambot na litid ang tumubo sa lugar ng nawalang kasu-kasuan, … na ikinagulat nang malaki ng mga doktor.
“Noong araw na muli siyang nakalakad nasa labas ako at nag-iigib ng isang timbang tubig, nang makarinig ako ng hiyawan ng mga bata. Patakbo akong bumalik, na takot na takot, at pagpasok ko, naroon si Alma na nakatayo at nagsasayaw, at ang mga bata ay nagsisigawan sa pagkamangha at kagalakan.”10
Sa pamamagitan ng espirituwal na kaloob ng paghahayag, itinuro ng Panginoon kay Sister Smith kung paano aalagaan ang kanyang anak. Siya, tulad ni Elizabeth Ann Whitney at ng marami pang iba, ay tumanggap ng “kalagakan at kalakasan” at “panibagong paghahayag ng Espiritu”11 dahil sa kanyang katapatan.
Mga Pagpapala ng Templo
Ang isa sa mga layunin ng Panginoon sa pag-organisa ng Relief Society ay upang ihanda ang Kanyang mga anak na babae para sa mas dakilang mga pagpapala ng priesthood na matatagpuan sa mga ordenansa at tipan ng templo. Inasahan ng kababaihan noon sa Nauvoo ang pagtatapos ng templo nang may matinding pananabik, sapagkat alam nila, tulad ng ipinangako ni Propetang Joseph Smith kay Mercy Fielding Thompson, na ang endowment ang maglalabas sa kanila “mula sa kadiliman tungo sa kagila-gilalas na liwanag.”12
Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, inihayag ng Panginoon ang sumusunod sa mga Banal sa mga Huling Araw na nasa Kirtland, Ohio: “Ibinigay ko sa inyo ang isang kautusan na dapat kayong magtayo ng isang bahay, kung saan ay balak kong pagkalooban ang mga hinirang ko ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.”13 Ipinangako Niya na bibigyan Niya ang matatapat na Banal ng “pagkarami-raming pagpapala,”14 at sinabi Niya na ang templo ay magiging “isang lugar ng pagbibigay-pasalamat para sa lahat ng banal, at … isang lugar ng pagtuturo para sa lahat ng tinawag sa gawain ng ministeryo sa lahat ng kanilang iba’t ibang tawag at mga katungkulan; upang sila ay maging ganap sa kanilang pag-unawa sa kanilang ministeryo, sa teoriya, sa alituntunin, at sa doktrina, sa lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos sa mundo.”15
Sa Nauvoo, muling inutusan ng Panginoon ang mga Banal na magtayo ng templo, na sinasabing ibabalik Niya ang “kaganapan ng pagkasaserdote” at “[ihahayag ang Kanyang] mga ordenansa” roon.16
Nagtulungan ang kababaihan ng Relief Society sa paghahanda para sa mga ordenansang ito at kaakibat nitong mga tipan. Nag-ambag sila sa pagtatayo ng templo, natuto mula sa Propeta at sa isa’t isa sa mga miting ng Relief Society, mapagmahal na naglingkod sa isa’t isa, at hinangad ang higit na banal na pamumuhay.
Nang malapit nang matapos ang templo, 36 na kababaihan ang tinawag na maglingkod bilang mga temple ordinance worker. Nagunita ni Elizabeth Ann Whitney, isa sa mga unang ordinance worker na iyon: “Iniukol ko ang aking sarili, ang panahon at atensiyon ko sa misyong iyon. Araw-araw akong gumawa sa Templo nang walang tigil hanggang sa magsara ito.”17
Sa mga ordenansa ng nakatataas na priesthood na natanggap ng mga Banal sa Nauvoo Temple, “ang kapangyarihan ng kabanalan [ay ipinakita].”18 Sa pagtupad ng mga Banal sa kanilang mga tipan, pinalakas at tinulungan sila nito sa mga pagsubok sa sumunod na mga araw at taon (tingnan sa kabanata 3).
Sa Simbahan ngayon, ang matatapat na kababaihan at kalalakihan ay patuloy na naglilingkod sa loob ng templo at nakatatagpo ng kalakasan sa mga pagpapala na matatanggap lamang sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo. Tulad ng sinabi noon ni Pangulong Joseph Fielding Smith, ang ikasampung Pangulo ng Simbahan, “Saklaw ng pribilehiyo ng kababaihan ng Simbahang ito ang tumanggap ng kadakilaan sa kaharian ng Diyos at tumanggap ng awtoridad at kapangyarihan bilang mga reyna at babaeng saserdote.”19
Ang Priesthood sa Tahanan
Tinutulungan ng Relief Society ang kababaihan na palakasin ang mga tahanan at pamilya, at sa gayon ay tumutulong sa pagsasakatuparan ng isa sa mga pangunahing layunin ng priesthood. “Ibinalik ang [awtoridad ng] priesthood,” sabi ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “upang mabuklod sa kawalang-hanggan ang mga pamilya.”20 Itinuro din ni Elder Richard G. Scott, na miyembro rin ng Korum ng Labindalawa, na: “Ang pamilya at ang tahanan ang pundasyon ng matwid na pamumuhay. Ang priesthood ang kapangyarihan at ang awtoridad ng priesthood ang paraang ibinigay ng Panginoon upang suportahan ang pamilya.”21 Ang Relief Society ay nakasuporta sa gawaing ito sa pamamagitan ng pagtulong sa kababaihan at sa kanilang mga pamilya na ipamuhay ang ebanghelyo sa paraan na matatanggap nila ang ipinangakong mga pagpapala ng priesthood.
Ang Mag-asawa
Sinabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang sukdulan at pinakadakilang ugnayan ng babae at lalaki ay nasa bago at walang-hanggang tipan ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Tanging ang pagsasamang ito ang humahantong sa kadakilaan. Tulad ng itinuro ni Apostol Pablo, ‘Ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon.’”22 Pinagtitibay ito ng sinaunang banal na kasulatan sa mga kuwento ng kasal sa loob ng tipan sa pagitan nina Abraham at Sara, Isaac at Rebeca, at Jacob at Raquel. Ang ordenansa ng pagbubuklod ang nagbibigkis sa mag-asawa sa isa’t isa, sa kanilang mga anak, at sa kanilang Ama sa Langit. “Dahil dito,” pagpapatuloy ni Elder Oaks, “ang iisang layunin … sa ating mga korum sa priesthood at … sa ating mga Relief Society ay ang pagsamahin ang kalalakihan at kababaihan sa sagradong kasal at mga ugnayan ng pamilya na hahantong sa buhay na walang-hanggan, na ‘pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.’”23
Kapag ang isang mag-asawa ay nabiyayaan ng pagkakataong maging mga magulang, magkatuwang sila sa banal na responsibilidad na tulungan ang kanilang mga anak na maunawaan at tanggapin ang mga ordenansa at tipan ng priesthood.24 Ipinakita ng ating unang mga magulang, sina Eva at Adan, ang halimbawa ng relasyong nagtutulungan at nagkakaisa nang turuan nila ang kanilang mga anak. Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Hindi lamang si Adan, ang gumagawa sa mga bagay na ito. …
“Si Eva ay aktibong kabahagi nito. Narinig niya ang lahat ng sinabi ni Adan. Binanggit niya ang tungkol sa ‘ating paglabag,’ ang ‘kagalakan ng ating pagkakatubos,’ ang ‘binhi’ na mapapasakanila, at ang ‘buhay na walang-hanggan’ na hindi maaaring dumating sa kahit sino sa kanila kung mag-isa lamang sila, kundi palaging inilalaan para sa isang lalaki at isang babae na magkasama.
“Siya at si Adan ay kapwa nanalangin; kapwa nila pinuri ang pangalan ng Panginoon; kapwa nila tinuruan ang kanilang mga anak; kapwa sila tumanggap ng paghahayag; at kapwa iniutos sa kanila ng Panginoon na sumamba at maglingkod sa kanya sa pangalan ni Jesucristo magpakailanman.”25
Hinikayat ng mga propeta at apostol sa mga huling araw ang mga mag-asawa na tularan ang huwarang ito sa kanilang mga tahanan: “Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan para sa mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak. Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga sa kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan. Ang pagkakaroon ng kapansanan, ang kamatayan, o iba pang kalagayan ay maaaring magpabago sa mga takdang tungkulin ng bawat isa sa pagkalinga sa mag-anak. Ang mga kamag-anak ay dapat magbigay ng tulong kung kinakailangan.”26
Sinusunod ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo ang payong ito sa simple ngunit napakabisang paraan. Tinitipon ng mga mag-asawa ang kanilang mga anak upang manalangin at basahin ang mga banal na kasulatan. Sa maraming tahanan, ang mga magulang ay naglalaan ng isang espesyal na lugar—marahil isang simpleng istante—kung saan nila mailalagay ang mga banal na kasulatan at iba pang mga materyal ng Simbahan. Itinuturo nila ang ebanghelyo sa pamamagitan ng kanilang mga salita at kanilang mga halimbawa. Tinutulungan nila ang kanilang mga anak na maghanda sa pagtanggap ng mga pagpapala ng templo, maglingkod sa full-time mission, bumuo ng sarili nilang tahanan, at patuloy na maglingkod sa Simbahan. Tulad nina Eva at Adan, magkatuwang sila sa mga responsibilidad na magturo, manalangin, paglingkuran, at sambahin ang Panginoon.
Sa ilang pagkakataon, maaaring madama ng isang lalaki o babae na mag-isa siya sa mga responsibilidad na ito dahil ang kanilang kabiyak ay hindi nakagawa ng mga tipan o kaya’y lumabag sa mga tipang ginawa. Maging sa mga ganitong situwasyon, hindi dapat madama ng matatapat na miyembro ng pamilya na nag-iisa sila. Sila ay pinagpapala at pinalalakas sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood na natanggap nila at ng mga tipan na tinutupad nila. Makahihingi rin sila ng tulong sa mga kamag-anakan at iba pang mga Banal sa mga Huling Araw.
Mga Babaeng Walang-Asawa at ang Priesthood
Maraming Banal sa mga Huling Araw ang hindi nag-asawa. Ang iba ay nag-iisa dahil sa pagkamatay ng kabiyak, pag-iwan sa kanya, o diborsiyo. Tulad ng lahat ng miyembro ng Simbahan, ang mga miyembrong ito ay pagpapalain kapag nanatili silang tapat sa kanilang mga tipan at ginagawa ang lahat upang makapamuhay na gaya ng isang walang-hanggang pamilya. Matatamasa nila ang mga pagpapala, lakas, at kapangyarihan ng priesthood sa kanilang buhay at mga tahanan sa pamamagitan ng mga ordenansang natanggap nila at ng mga tipan na kanilang tinutupad.
Ikinuwento ni Elder Dallin H. Oaks ang katapatan ng kanyang ina, na nabalo sa murang edad. Dahil nabuklod sa kanyang asawa sa templo, hindi niya itinuring ang kanyang sarili na walang-asawa; gayunman, kinailangan niyang palakihing mag-isa ang kanyang tatlong anak. Paggunita ni Elder Oaks:
“Namatay ang tatay ko noong pitong taon ako. Ako ang panganay sa tatlong maliliit na anak na pinaghirapang itaguyod ng aming nabiyudang ina. Nang maorden akong deacon, napakasaya raw niya na magkaroon ng isang maytaglay ng priesthood sa tahanan. Pero patuloy na ginabayan ni Inay ang pamilya, pati na kung sino sa amin ang magdarasal kapag sama-sama kaming nakaluhod tuwing umaga. …
“Pagkamatay ng tatay ko, nanay ko ang namuno sa pamilya namin. Wala siyang katungkulan sa priesthood, pero dahil siya ang buhay na magulang siya ang [namuno] sa kanyang pamilya. Kasabay nito, laging lubos ang paggalang niya sa awtoridad ng priesthood ng aming bishop at iba pang mga lider ng Simbahan. Siya ang namuno sa kanyang pamilya, pero sila ang namuno sa Simbahan. …
“Ang tapat na biyudang ina na nagpalaki sa amin ay hindi nalito tungkol sa walang-hanggang katangian ng pamilya. Iginalang niya tuwina ang posisyon [sa pamilya] ng pumanaw naming ama. Siya ang tumayong ama sa aming tahanan. Binanggit niya ang kawalang-hanggan ng kanilang kasal sa templo. Madalas niyang ipaalala sa amin ang gustong ipagawa sa amin ni Itay para makamtan namin ang pangako ng Tagapagligtas na maaari kaming maging walang-hanggang pamilya.”27
Ikinuwento ng isa pang lalaki ang tungkol sa pamumuno ng kanyang ina sa tahanan: “Habang naghahanda akong maglingkod sa full-time mission, iniwan ng aking Itay ang aming pamilya at ang Simbahan. Sa ganitong kalagayan, mahirap para sa akin ang umalis ng tahanan sa loob ng dalawang taon, ngunit humayo pa rin ako. At habang pinaglilingkuran ko ang Panginoon sa malayong lupain, nalaman ko ang katatagan ng aking ina sa tahanan. Kailangan niya noon at pinasalamatan niya ang espesyal na atensiyon na natatanggap niya mula sa kalalakihan na mayhawak ng priesthood—ang kanyang ama at mga kapatid na lalaki, kanyang mga home teacher, at iba pang kalalakihan sa ward. Gayunman, ang kanyang pinakalakas ay nagmula mismo sa Panginoon. Hindi niya kailangang maghintay na dalawin siya upang makatanggap ng basbas ng priesthood sa kanyang tahanan, at kapag umalis na ang mga bisita, ang mga pagpapalang iyon ay naiiwan sa kanya. Dahil tapat siya sa mga tipan na ginawa niya sa mga tubig ng binyag at sa loob ng templo, palagi siyang nabibiyayaan ng priesthood sa kanyang buhay. Binigyan siya ng Panginoon ng inspirasyon at kalakasan na lampas sa kanyang kakayahan, at pinalaki niya ang mga anak na ngayon ay tumutupad sa mga tipan ding iyon na nagpalakas sa kanya.”28
Naunawaan ng kababaihang ito na nakatanggap sila ng dagdag na kalakasan at tulong sa pamamagitan ng mga tipan na ginawa nila at tinupad.
Paglilingkod sa Simbahan
Ang lahat ng naglilingkod sa isang katungkulan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ginagawa ito sa ilalim ng patnubay at awtoridad ng mga mayhawak ng mga susi ng priesthood, katulad ng mga bishop at stake president. Sa Relief Society, ang huwarang ito ay naitakda sa unang miting ng Relief Society. Sa tagubilin ni Propetang Joseph Smith, ipinatong ni Elder John Taylor ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanyang mga kamay sa uluhan ni Sister Emma Smith at ng kanyang mga tagapayo na sina Sister Sarah M. Cleveland at Elizabeth Ann Whitney. Binasbasan niya sila na magabayan sa kanilang paglilingkod. Magmula noon, ang kababaihan na naglingkod sa mga katungkulan sa Relief Society, sa lahat ng iba pang tungkulin sa Simbahan, at bilang mga visiting teacher ay nakapaglingkod sa ilalim ng awtoridad ng mga mayhawak ng mga susi ng priesthood.
Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang Relief Society ay kumikilos sa ilalim ng pamamahala ng Melchizedek Priesthood, sapagkat ang ‘lahat ng ibang mga maykapangyarihan o tungkulin sa simbahan ay nakaakibat sa pagkasaserdoteng ito.’ Ito ay inorganisa ‘ayon sa huwaran ng priesthood.’ …
“Alam ng mga Kapatid na kabilang sila sa isang korum ng priesthood. Gayunman, napakaraming kababaihan ang nag-akalang ang Relief Society ay isang klase lamang na dadaluhan. Ang damdaming pagiging kabilang sa Relief Society ay dapat maitanim sa puso ng bawat babae sa halip na isiping pagdalo lamang ito sa isang klase.”29
Ang mga korum ng priesthood ay inoorganisa ang kalalakihan sa isang kapatiran upang magbigay ng paglilingkod, matutuhan at gampanan ang kanilang mga tungkulin, at pag-aralan ang mga doktrina ng ebanghelyo. Isinasakatuparan ng Relief Society ang gayunding mga layunin para sa kababaihan ng Simbahan. Lahat ng kababaihan sa Simbahan ay kabilang sa Relief Society, kahit dahil sa iba pa nilang mga responsibilidad ay nahihirapan silang dumalo sa lahat ng miting ng Relief Society. Patuloy silang pinangangalagaan at tinuturuan sa pamamagitan ng kapatiran ng Relief Society.
Pagkakaisa: “Lahat ay Dapat Magkaisa sa Pagkilos”
Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, dapat palakasin at patatagin ng kalalakihan at kababaihan ang isa’t isa at gumawa nang may pagkakaisa. Sinabi ng Panginoon, “Maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.”30
Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Lahat ay dapat magkaisa sa pagkilos, o walang anumang magagawa.”31 At ipinakita niya ang halimbawa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba. Naalala at pinahalagahan ni Sister Eliza R. Snow ang halimbawang ito sa buong buhay niya. Ibinahagi niya ito sa mga lokal na lider ng Simbahan nang muling itatag ang Relief Society sa Utah. Itinuro niya na ang “dapat na pakikitungo” ng mga bishop sa mga ward Relief Society ay katulad ng ginawa noon ni Joseph Smith sa Relief Society sa Nauvoo. Itinuro din niya na ang “bawat samahan … ay hindi maaaring umiral kung wala ang payo [ng bishop].”32
Nang maglingkod si Sister Bathsheba W. Smith bilang ikaapat na Relief Society general president, naalala niya ang mga itinuro at halimbawa ni Joseph Smith. Iniutos niya sa kababaihan ng Relief Society na makipagtulungan sa mga lider ng priesthood. Sinabi niya: “Mapagpakumbaba naming hinahangad na magampanang mabuti ang mga tungkuling ibinigay sa amin ng Panginoon, at upang magawa ito sa katanggap-tanggap na paraan, kakailanganin namin ang pananampalataya at suporta ng Unang Panguluhan ng Simbahan, ng mga Apostol, mga pangulo ng mga Stake at mga Bishop, na dama naming dapat talagang sang-ayunan, at nais naming maging kaisa sa paggawa.”33
Ang huwarang ito ay sinunod sa loob ng maraming dekada. Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, isang tagapayo sa Unang Panguluhan, “Kitang-kita ang isang magandang bahagi ng pamana ng Relief Society sa paggalang sa kanila ng priesthood at sa paggalang naman ng Relief Society sa kanila.”34
Nang simulan ni Sister Barbara W. Winder ang kanyang serbisyo bilang ikalabing-isang Relief Society general president, hiniling sa kanya ni Pangulong Gordon B. Hinckley, na tagapayo noon sa Unang Panguluhan, na pagkaisahin ang kababaihan na naglingkod sa Relief Society, Young Women, at Primary sa ilalim ng priesthood. Natanto ni Sister Winder na ang pagkakaisa ay “hindi lamang pagtutulungan ng kababaihan, kundi tayo ay mga katuwang ng mga kalalakihan ng priesthood. Tayo ay magkasama sa gawain.”35
Sinabi ni Sister Winder na kaagad pagkatapos siyang tawaging maglingkod bilang Relief Society general president, hiniling ni Elder Dallin H. Oaks na makipagkita siya sa kanya. Nahilingan si Elder Oaks na maghanda ng isang pahayag para sa Simbahan tungkol sa isang mahalagang isyu, at nadama niyang kailangan niya ang opinyon ng mga babaeng lider ng Simbahan. Nagpakita siya ng paggalang at pasasalamat sa kaalaman, mga opinyon, at inspirasyon ni Sister Winder sa paghingi ng tulong sa kanya at paggamit nito.
Kalaunan ay itinuro ni Sister Winder na kailangang magtulungan sa gawain ang kalalakihan at kababaihan sa Simbahan. “Nalaman ko na kapag inanyayahan ka sa isang pulong,” paliwanag niya, “hindi ka inanyayahan upang dumalo at ireklamo ang lahat ng iyong problema, kundi inanyayahan ka upang dumalo na may dalang mga solusyon. Pagkatapos ay magkasama ninyong pag-uusapan ang mga ideya para alamin kung ano ang uubra. Inaasahan at kailangan ng mga kapatid sa priesthood ang pananaw ng kababaihan ng Simbahan. Kailangan tayong maging handa at tulungan sila.”36
Ang pagkakaisa ng layunin ay kitang-kita sa mga council meeting ng Simbahan. Habang pinakikinggan ng kalalakihan at kababaihan sa mga council na ito ang isa’t isa, hinahangad ang patnubay ng Espiritu, at nagkakaisa sa paggawa, tumatanggap sila ng inspirasyon na malaman kung paano tutugunan ang mga pangangailangan ng bawat tao at mga pamilya. Sinabi ng Panginoon, “Kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa aking pangalan, ukol sa isang bagay, masdan, ako ay naroroon sa gitna nila.”37
Si Pangulong Thomas S. Monson, ang ikalabing-anim na Pangulo ng Simbahan, ay nagbahagi ng halimbawa ng maaaring mangyari kapag nagtulungan ang kababaihan ng Relief Society at ang kalalakihan ng priesthood sa paglilingkod sa Panginoon:
“Noong Agosto 24, [1992,] hinagupit ng Hurricane Andrew ang baybayin ng Florida sa katimugang bahagi ng Miami. Mahigit dalawang daang milya kada oras ang bugso ng hangin. … Walumpu’t pitong libong mga tahanan ang nasira, at 150,000 katao ang nawalan ng tahanan. …
“Mabilis na kumilos ang mga lokal na lider ng priesthood at Relief Society upang alamin ang pinsalang idinulot nito at tumulong na rin sa paglilinis. Tatlong malalaking grupo ng mga miyembrong nagboluntaryo, na mahigit limang libo ang bilang, ang nagkakaisang kumilos kasama ang mga naninirahan sa lugar na nasalanta, at tumulong sa pagkukumpuni ng tatlong libong mga tahanan, isang sinagoga ng mga Judio, isang simbahang Pentecostal, at dalawang paaralan.”38
Pakikiisa sa Priesthood”: Inspiradong Payo mula sa mga Propeta sa mga Huling Araw
Nagsalita ang mga propeta sa mga huling araw tungkol sa mga pagpapalang dumarating sa Simbahan at sa mga pamilya kapag nagtulungan ang matatapat na kalalakihan ng priesthood at ang matatapat na kababaihan ng Relief Society.
Si Pangulong Spencer W. Kimball, ang ikalabindalawang Pangulo ng Simbahan, ay nagsabing, “May kapangyarihan sa organisasyong ito na hindi pa lubusang nagagamit para palakasin ang mga tahanan ng Sion at itayo ang Kaharian ng Diyos—at hindi ito magagamit hangga’t hindi nauunawaan kapwa ng kababaihan at ng priesthood ang mithiin ng Relief Society.’”39
Ibinuod ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang ugnayan sa pagitan ng Relief Society at ng mga korum ng priesthood:
“Sila [ang kababaihan] ay may sariling mga miting, gaya ng Relief Society, kung saan binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad na gawin ang maraming dakilang bagay. …
“Ang Panginoon sa pamamagitan ng kanyang karunungan ay tinawag ang ating mga kapatid na babae upang makatulong sa Priesthood. Dahil sa kanilang simpatiya, malambot na puso, at kabaitan, sila ay binabantayan ng Panginoon at binibigyan sila ng mga tungkulin at responsibilidad na tulungan ang mga nangangailangan at nagdadalamhati. Itinuro niya ang daan na dapat nilang tahakin, at ibinigay niya sa kanila ang napakalaking organisasyong ito kung saan mayroon silang awtoridad na maglingkod sa ilalim ng pamamahala ng mga bishop ng mga ward at makipagtulungan sa mga bishop ng mga ward, na pinangangalagaan ang kapakanan ng ating mga tao kapwa sa espirituwal at temporal.”40
Noong naglilingkod si Pangulong Gordon B. Hinckley bilang ikalabinlimang Pangulo ng Simbahan, ibinahagi niya ang sumusunod sa kababaihan ng Relief Society:
“Hayaang sabihin ko sa inyong kababaihan na mahalaga ang inyong katayuan sa plano ng ating Ama para sa walang-hanggang kaligayahan at kapakanan ng Kanyang mga anak. Kayo ay tunay na mahalagang bahagi ng planong iyon.
“Kung wala kayo hindi maisasagawa ang plano. Kung wala kayo ang buong plano ay mawawalang-saysay. …
“Bawat isa sa inyo ay anak na babae ng Diyos, na pinagkalooban ng banal na pagkapanganay. Hindi ninyo kailangang ipagtanggol ang posisyong iyan. …
“… Malakas at malaki ang kakayahan ng kababaihan ng Simbahang ito. May pamumuno at patutunguhan, isang tiyak na diwa ng kasarinlan, gayunman may malaking kasiyahan sa pagiging bahagi ng kahariang ito ng Panginoon, at sa pakikiisa sa pagtulong sa priesthood upang maisulong ito.”41