Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 7: ‘Dalisay na Relihiyon’: Pangangalaga at Pangangasiwa sa Pamamagitan ng Visiting Teaching


Kabanata 7

“Dalisay na Relihiyon”

Pangangalaga at Pangangasiwa sa Pamamagitan ng Visiting Teaching

Noong nasa lupa pa si Jesucristo, ipinakita Niya sa atin ang dapat na paraan ng ating pamumuhay. “Namuno S’ya at landas ay ‘tinuro,” pagsulat ni Sister Eliza R. Snow.1 Ipinakita Niya sa atin kung paano maglingkod—paano pangalagaan at patatagin ang isa’t isa. Siya ay naglingkod sa mga tao, sa bawat tao. Itinuro Niya na dapat nating iwan ang siyamnapu’t siyam upang iligtas ang isang naliligaw.2 Pinagaling at tinuruan Niya ang mga tao, at pinag-ukulan pa ng panahon ang bawat isa sa pulutong ng 2,500 katao, kaya’t personal na nasaksihan ng bawat isa ang Kanyang kabanalan o pagka-Diyos.3

Tinawag ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo upang tulungan Siya sa Kanyang ministeryo, na nagbigay sa kanila ng pagkakataong maglingkod sa iba at maging higit na katulad Niya. Sa Relief Society, bawat miyembro ay may pagkakataong pangalagaan at patatagin ang bawat babae sa pamamagitan ng visiting teaching. Sinabi ni Sister Julie Beck, ang ikalabinlimang Relief Society general president, “Dahil sinusunod natin ang halimbawa at mga turo ni Jesucristo, mahalaga sa atin ang sagradong [tungkulin] na magmahal, umalam, maglingkod, umunawa, magturo, at magministeryo alang-alang sa Kanya.”4

Mga Simulain ng Visiting Teaching: Pagkolekta ng mga Donasyon at Pag-oorganisa ng Paglilingkod

Noong 1843, habang nadaragdagan ang populasyon ng Nauvoo, Illinois, ang lungsod ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nahati sa apat na ward. Sa isang miting na ginanap noong Hulyo 28 ng taong iyon, ang mga lider ng Relief Society ay humirang ng visiting committee na binubuo ng apat na babae para sa bawat ward. Ang mga pangunahing tungkulin ng mga visiting committee noon ay alamin ang mga pangangailangan at mangolekta ng mga donasyon.

Ang mga donasyon ay kinabibilangan ng salapi, pagkain, at kasuotan. Bawat linggo, ibinibigay ng mga visiting committee ang mga donasyon na nakolekta nila sa treasurer ng Relief Society. Ginamit ng Relief Society ang mga donasyong ito sa pagtulong at pagbibigay-ginhawa sa mga nangangailangan.

Sa pagtupad sa tungkuling ito, ipinahayag ng isang babae ang kanyang paniniwala na “ang ating kaligtasan ay nakasalalay sa pagkabukas-palad natin sa mahihirap.” Ipinahayag ng isa pang babae ang kanyang pagsang-ayon, na nagsasabing: “Paulit-ulit itong pinagtitibay ng Panginoon. Natutuwa Siya sa ating mga pagkakawanggawa.”5

Ang gawaing ito ay nagpatuloy hanggang sa ikadalawampung siglo. Karaniwan ang mga babaeng naatasang magbisita ay may dala-dalang mga basket, at tumatanggap ng mga bagay gaya ng mga posporo, bigas, baking soda, at mga prutas na naka-garapon. Karamihan sa mga donasyon ay ginamit upang tumulong sa mga lokal na pangangailangan, ngunit ang ilan naman ay ginamit upang tugunan ang mga pangangailangan sa mga lugar na libong milya ang layo. Halimbawa, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang kababaihan ng Relief Society sa Estados Unidos ay nagtipon, nagbukod-bukod, nagsulsi, at nag-impake nang mahigit 500,000 mga kasuotan at ipinadala ang mga ito sa Europa.

Bukod sa pagkolekta ng mga donasyon, inalam ng mga visiting committee ang mga pangangailangan sa tahanan na kanilang binibisita. Inireport nila ang kanilang mga nalaman sa mga lider ng Relief Society, na nagsaayos ng mga gagawing tulong.

Ikinuwento ni Pangulong Joseph F. Smith, ang ikaanim na Pangulo ng Simbahan, ang isang pangyayari na nakita niya ang kababaihan ng Relief Society na lubos na nagpakita ng pagmamahal na katulad ng kay Cristo sa isang pamilya:

“Hindi pa [katagalan] nang magkaroon ako ng pribilehiyong dumalaw sa isa sa mga panirahan sa isang liblib na Istaka ng Sion kung saan may laganap na sakit nang panahong iyon, at bagaman maraming araw kaming naglalakbay at gabi na nang marating namin ang lugar, nahilingan kaming samahan ang pangulo sa pagdalaw sa ilang maysakit. [Nakita] namin ang isang [kaawa-awang] kapatid na babae na nakaratay sa banig ng karamdaman, na nasa malubhang kalagayan. Alalang-alalang nakaupo sa kanyang tabi ang asawa dahil sa sakit ng kabiyak na ito na ina ng maliliit na anak na nakapaligid sa kanya. Ang pamilya ay mukhang walang-wala sa buhay.

“Isang butihing ginang ang pagdaka’y pumasok sa bahay, bitbit ang isang basket na naglalaman ng masusustansiyang pagkain at ilang piling pagkain para sa naghihirap na pamilya. Sa pagtatanong nalaman namin na naitalaga siya ng [Relief Society] ng [ward] para [bantayan] at alagaan ang maysakit na babae sa buong magdamag. Naroon siya at handang alagaan ang maliliit na bata, tiyakin na nalilinis sila nang wasto at napapakain at pinapatulog; linisin ang bahay at gawing komportable ang lahat hangga’t maaari para sa maysakit at sa kanyang pamilya. Nalaman din namin na may isa pang [butihing babae] na papalit sa kanya sa pag-aaruga kinabukasan; magpapatuloy ito sa araw-araw. Natanggap ng kaawa-awa at naghihirap na pamilyang ito ang pinakamahusay na pag-aaruga at atensiyon mula sa mga kapatid sa [Relief Society] hanggang sa gumaling ang maysakit at maibsan ang paghihirap nito.

“Nalaman din namin na ang [Relief Society] na ito ay [napaka-organisado] at disiplinado kaya ang lahat ng maysakit sa lugar na iyon ay nakatatanggap ng ganoon ding atensiyon at paglilingkod para sa kanilang [ikapapanatag] at ikagiginhawa. [Ngayon ko pa lang] nakita nang ganito kalinaw ang kahalagahan at kagandahan ng maringal na samahang ito dahil sa halimbawang nasaksihan namin, at naisip kong kaydakila ng bagay na ito na binigyan ng inspirasyon ng Panginoon si Propetang Joseph Smith na magtatag ng gayong samahan sa Simbahan.”6

Ang Visiting Teaching Bilang Espirituwal na Paglilingkod

Bagamat laging naririyan ang pag-aasikaso ng mga visiting teacher sa mga temporal na pangangailangan ng mga tao at pamilya, mayroon pa silang mas mataas na layunin. Itinuro ni Sister Eliza R. Snow, ang ikalawang Relief Society general president: “Itinuturing kong mataas at banal na tungkulin ang katungkulan ng isang guro. Sana ay hindi iniisip ng kababaihan na ito ay paghingi lamang ng donasyon para sa mga maralita. Nais ninyong mapuspos ng Espiritu ng Diyos, ng karunungan, ng kababaang-loob, ng pag-ibig, upang sakaling wala silang maibibigay ay hindi nila katakutan ang inyong pagdating.”

Umasa si Sister Snow na “mahihiwatigan” ng mga kababaihan “ang nagawang kaibhan sa mga tirahan [ng kanilang binibisita]” matapos nilang dalawin ito.7 Pinayuhan niya ang mga visiting teacher na espirituwal na ihanda ang kanilang sarili bago sila dumalaw sa mga tahanan upang malaman nila at matugunan ang mga espirituwal na pangangailangan gayundin ang mga temporal na pangangailangan: “Ang isang guro … ay dapat nagtataglay ng Espiritu ng Panginoon, upang sa pagpasok niya sa isang tahanan ay mahiwatigan niya ang diwang naroon. … Magsumamo sa Diyos at sa Espiritu Santo upang mapasainyo [ang Espiritu] nang sa gayon ay maharap ninyo ang diwang nananaig sa bahay na iyon … at makapangusap kayo ng mga salita ng kapayapaan at kapanatagan, at kung makikita ninyong nanghihina sa pananampalataya ang isang babae, yakapin ninyo siya tulad ng pagyakap ninyo sa isang bata at pasiglahin [siya].”8

Sarah M. Kimball

Sarah M. Kimball

Si Sarah M. Kimball, na naglingkod bilang ward Relief Society president noong huling bahagi ng 1860s, ay nagbigay ng gayunding payo sa kababaihan sa kanyang ward: “Tungkulin ng mga visiting teacher na dalawin ang [kababaihang nakatalaga] sa kanila minsan sa isang buwan, upang alamin kung umuunlad at masaya ang mga miyembro. Tungkulin nilang mangusap ng mga salita ng karunungan, ng kapanatagan at kapayapaan.”9 Binigyang-diin ng mga lider ng Relief Society na ang mga visiting teacher ay “hindi lamang nangongolekta ng donasyon kundi nagtuturo at nagpapaliwanag din ng mga alituntunin ng ebanghelyo.”10 Noong 1916, ang mga visiting teacher ay pormal na hinilingang talakayin ang isang paksa ng ebanghelyo bawat buwan at magbigay rin ng temporal na paglilingkod. Noong 1923, sinimulan ng general Relief Society presidency ang paggamit ng iisang mensahe na ibibigay ng lahat ng mga visiting teacher kada buwan.

“Ang Muling Pagsisimula ng Visiting Teaching”—“Isang Magandang Karanasan para sa Kababaihan”

Noong 1944, walong taon makaraan ang pagpapatupad ng planong pangkapakanan ng Simbahan (tingnan sa kabanata 5), nagsimulang magtanong si Sister Amy Brown Lyman, ang ikawalong Relief Society general president, tungkol sa nakaugaliang tungkulin ng mga visiting teacher na mangolekta ng mga donasyon. Pagkatapos pag-aralan ang bagay na ito, inirekomenda niya at ng kanyang mga tagapayo sa Presiding Bishopric na “ang pagkolekta ng mga pondo … ay dapat pagpasiyahan ng mga General Authority ng Simbahan sa halip na pagpasiyahan ng Relief Society.”

Ipinarating ng Presiding Bishop na si LeGrand Richards sa Unang Panguluhan ang rekomendasyon. Kalaunan ay inireport niya na nadama ng Unang Panguluhan at ng Bishopric na “makabubuting itigil ng mga visiting teacher ng Relief Society ang pagkolekta ng mga pondong pangkawanggawa.”11

Ibinahagi ni Sister Belle S. Spafford, na naglilingkod noon bilang pangalawang tagapayo ni Sister Lyman, ang sariling karanasan tungkol sa pagbabagong ito sa visiting teaching:

“Sinabi ng Mga Kapatid na, ‘Hindi na mangongolekta ng mga pondong pangkawanggawa ang mga visiting teacher ng Relief Society. Kayo ay magiging isang samahan ng paglilingkod, hindi samahan na tumutustos ng salapi sa pagkakawanggawa.’

“… Tandang-tanda ko pa na isang araw ay naroon ako sa miting kasama ang mga miyembro ng Relief Society presidency at ang sekretarya at dalawa o tatlo sa mga board member, nang sabihin ng isang babae, ‘Inihudyat na nila ang katapusan ng visiting teaching. Kung hindi na sila maaaring mangolekta para sa mahihirap, sino ang gugustuhing magbahay-bahay para lamang magbisita?’ … Nagsalita ako at sinabi kong, ‘Hindi ako naniniwala na katapusan na iyan. Naniniwala akong ito ang muling pagsisimula ng visiting teaching. At naniniwala ako na ang napakaraming babae na tumangging maglingkod bilang mga visiting teacher ay matutuwa na ngayong pumunta bilang mga kaibigang bumibisita para alamin ang kalagayan ng tahanan kung saan may pangangailangan nang hindi na kailangan pang mag-imbistiga; kung saan hindi nila madaramang nanghihingi sila ng donasyon. Malalaman nila na pumupunta sila upang patatagin ang espirituwalidad sa tahanan. At magiging magandang karanasan ito sa mga kababaihan na nangangailangan nito. … Ni minsan ay hindi ko naisip na ito na ang katapusan ng visiting teaching.’

“Hindi ganoon ang kinalabasan. Magmula noon ang programa ay nagsimulang lumaganap at ang mga kababaihang hindi nakapaglingkod noong una ay humiling na maging visiting teacher sila.”12

Si Sister Spafford ay naglingkod kalaunan bilang ikasiyam na Relief Society general president. Marami siyang nakitang halimbawa ng kabutihang dulot ng visiting teaching sa buhay ng lahat ng kababaihan ng Relief Society. Nagpatotoo siya na:

“Ang ilan sa mga napakahusay na gawa ay mula sa ating mga visiting teacher at ating mga Relief Society president, dahil humahayo sila sa diwa ng kanilang tungkulin at sila’y mga kinatawan ng Relief Society. … Sila’y mga ina, at nauunawaan nila ang iba pang kababaihan at kanilang mga pighati. Kaya’t hindi natin dapat limitahan sa nagugutom o mga maralita ang konsepto natin tungkol sa kapakanang panlipunan. Hindi ba’t iniutos sa atin ng Tagapagligtas na alalahanin ang mga aba sa espiritu? At hindi ba’t nagkakasakit ang mayayaman, tulad din ng mga maralita; at hindi ba sila nahihirapang maghanap ng mag-aalaga sa kanila? … Ngayon iyan naman ang dapat gawin ng Relief Society. Marami akong maikukuwento sa inyo tungkol sa mga visiting teacher na mahusay na tumulong sa pagpapagaan ng problema ng isang tahanan, sa pamamagitan lamang ng kanilang tungkulin.”13

Isang Pribilehiyo, Isang Tungkulin, at Isang Pangako: Pagbabahagi ng Pananaw ng Visiting Teaching sa Buong Mundo

Si Pangulong Henry B. Eyring, isang tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagpatotoo na ang visiting teaching ay bahagi ng plano ng Panginoon na maglaan ng tulong para sa mga tao sa buong mundo:

“Ang tanging sistemang makapaglalaan ng tulong at kapanatagan sa isang buong simbahang napakalaki sa isang mundong napakagulo ay sa pamamagitan ng mga lingkod na malapit sa mga taong nangangailangan. Nakita na ng Panginoon ang pagdating niyan sa simula pa lang ng Relief Society.

“Nagtakda Siya ng huwaran. Tinatanggap ng dalawang kababaihan sa Relief Society ang kanilang atas na bisitahin ang iba bilang panawagan ng Panginoon. Totoo iyan sa simula pa lang. …

“Ang mga miyembro ng Relief Society ay noon pa pinagkakatiwalaan ng mga lokal na pastol ng priesthood. Bawat bishop at branch president ay may isang Relief Society president na maaasahan. Mayroon itong mga visiting teacher, na nakakaalam ng mga pagsubok at pangangailangan ng bawat miyembrong babae. Malalaman niya, sa pamamagitan nila, ang mga nasa puso ng mga tao at pamilya. Makakatugon siya sa mga pangangailangan at makakatulong sa bishop sa tungkulin nitong kalingain ang mga tao at pamilya.”14

Gaya ng napuna ni Pangulong Eyring, ang visiting teaching ay akmang-akma sa paglago ng Simbahan sa buong daigdig. Sa pamamagitan ng sistemang ito ng pangangalaga, bawat babaeng Banal sa mga Huling Araw ay may pagkakataong maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon.

Ang kababaihan ng Relief Society ay masigasig na gumagawa upang itatag ang visiting teaching sa iba’t ibang dako ng mundo. Halimbawa, noong bago pa lamang ang Simbahan sa Brazil, karamihan sa mga branch ay walang mga Relief Society o hindi nila alam kung paano itatag ang mga ito. Dahil talagang hindi pamilyar ang mga lokal na lider sa Relief Society, tinawag ni William Grant Bangerter, ang mission president noong panahong iyon, ang kanyang asawang si Geraldine Bangerter, na maging mission Relief Society president. Hindi siya pamilyar sa bansang iyon, hindi pa siya mahusay sa paggamit ng wika, at kapapanganak lamang niya sa kanyang ikapitong anak. Gayon pa man, nagsimula siyang makipagtulungan sa mga tagapayo at isang sekretarya. Sa tulong ng mga sister missionary na nagsilbing mga interpreter, nagpasiya ang kababaihang ito na “ang una nilang kailangang gawin ay turuan ang kababaihan kung paano bibisitahin ang isa’t isa at aalamin ang kanilang mga pangangailangan. Kaya’t sinabi nilang, ‘Ituturo namin ang tungkol sa visiting teaching.’ …

“Nagpasiya silang magsimula sa isang maliit na branch [sa] São Paulo sa industriyalisadong bahagi ng lungsod, na ang mga naninirahan ay halos mahihirap. Ang panguluhan ay kaagad nagparating ng mensahe sa ilang kababaihan ng branch na iyon na nagsasabing, ‘Mangyaring makipagkita kayo sa amin sa ganitong oras sa inuupahan nating gusali.’”

Si Sister Bangerter at ang isa sa kanyang mga tagapayo “ay nagtungo sa lungsod na may labindalawang milyong katao. Nagpunta sila sa branch, kung saan … mayroong pitong mapagpakumbabang kababaihan.”

Matapos simulan ng kababaihan ang miting sa pamamagitan ng pag-awit at panalangin, tumayo ang isa sa mga tagapayo ni Sister Bangerter upang magturo tungkol sa visiting teaching. “Mayhawak siyang maliit na papel; halata sa hawak niyang papel ang panginginig niya. Tumayo siya at binasa ang kanyang mensahe. Tumagal iyon ng limang minuto.

“Umupo siya, at lumingon silang lahat kay [Sister Bangerter], na nagsabing, ‘hindi ako marunong ng Portuges.’ Ngunit gusto nilang siya ang magturo sa kanila. Wala ni isa sa silid na marunong ng Ingles. Tumayo siya at binigkas ang lahat ng alam niyang salita sa Portuges. Iyon ay naging isang talata na may apat na pangungusap:

“‘Eu sei que Deus vive.’ Alam ko na ang Diyos ay buhay.

“‘Eu sei que Jesus é o Cristo.’ Alam ko na si Jesus ang Cristo.

“‘Eu sei que esta é a igreja verdadeira.’ Alam kong ito ang totoong simbahan.

“‘Em nome de Jesus Cristo, amém.’ Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

“Iyon ang kauna-unahang miting ng Relief Society na idinaos sa branch na iyon—isang limang minutong mensahe tungkol sa visiting teaching mula sa isang babae na hindi pa kailanman nagkaroon ng visiting teacher, nakakita ng visiting teacher, o naging isang visiting teacher, na [sinundan ng] isang patotoo sa ebanghelyo.

“… Mula sa maliit na grupong iyon at sa iba pang mga katulad niyon ay lumago ang isang kahanga-hanga, masigla, puno ng pananampalataya na grupo ng kababaihan sa bansang Brazil. Sila ay may mga talento, nakapag-aral, matatalino, mahuhusay na mga lider, at hindi nila mararating ang narating nila ngayon kung wala ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang kanilang pananampalataya.”15

Ang visiting teaching ang naging instrumento ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang dako ng mundo upang magmahal, mangalaga, at maglingkod—upang “[kumilos] ayon sa habag na itinanim ng Diyos sa puso ninyo,” na itinuro ni Joseph Smith.16

Ang matatapat na visiting teacher ay tumutugon sa panawagan ng mga propetang Banal sa mga Huling Araw na maglingkod nang katulad ng kay Cristo. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball, ang ikalabindalawang Pangulo ng Simbahan: “Napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan Niya tayo. Ngunit karaniwa’y sa pamamagitan ng isang tao niya tinutugunan ang ating mga pangangailangan. Kung gayon, mahalagang paglingkuran natin ang isa’t isa sa kaharian.”17 Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, ang ikalabing-anim na Pangulo ng Simbahan: “Napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, ating panghihikayat, ating suporta, pag-alo, kabaitan. … Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin.”18

Visiting Teaching Ngayon: Isang Patuloy na Pagsisikap na Sundin si Jesucristo

Ang kuwento ng visiting teaching ay nagpapatuloy sa buhay ng kababaihan sa lahat ng dako, habang tinutupad ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw ang kanilang tipan na susundin si Jesucristo. Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, isang tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kayong kahanga-hangang kababaihan ay nagkakawanggawa sa iba para sa higit na kapakanan ng iba kaysa sa inyong sarili. Dito ninyo natutularan ang Tagapagligtas, na, bagama’t hari, ay hindi naghangad ng katungkulan, ni nabahala kung napapansin Siya ng iba. Hindi Siya nag-abalang makipagpaligsahan sa iba. Ang Kanyang isipan ay laging nakatuon sa pagtulong sa iba. Siya ay nagturo, nagpagaling, nakipag-usap, at nakinig sa iba. Alam Niya na ang kadakilaan ay walang kinalaman sa lantad na kasaganaan o katungkulan. Itinuro Niya at ipinamuhay ang doktrinang ito: ‘Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.’”19

Sa paglipas ng mga taon, nalaman ng kababaihan na ang visiting teaching ay nangangailangan ng katapatan, dedikasyon, at sakripisyo. Nalaman nila na kailangan nila ang Espiritu na gagabay sa kanilang mga pagbisita. Nakita nila ang kapangyarihan na nagmumula sa pagtuturo ng katotohanan at pagpapatotoo, pagbibigay ng temporal na tulong nang may pagmamahal, at kahandaang makidalamhati, umalo, at mapagaan ang mga pasanin ng mga miyembrong babae.

Katapatan, Dedikasyon, at Sakripisyo

Binigyang-diin ni Pangulong Kimball na kailangang lubos ang katapatan at dedikasyon ng mga visiting teacher. Sinabi niya: “Ang inyong mga tungkulin sa maraming paraan ay katulad ng sa mga [home] teacher, na ‘pangalagaan ang simbahan tuwina’—hindi lamang dalawampung minuto sa bawat buwan kundi sa tuwina—‘at makapiling at palakasin sila’—hindi lamang kumatok sa pinto, kundi makasama sila, at pasiglahin sila, at palakasin sila, at patatagin sila— ‘at tiyakin na walang kasamaan, … ni samaan ng loob, … paninirang- puri, ni pagsasalita ng masama.’”20 Nakita ni Pangulong Kimball ang gayong katapatan sa kanyang asawang si Camilla, na ganito ang sinabi tungkol sa pagsisikap nito bilang visiting teacher: “Sinikap kong huwag pigilan ang anumang nadarama kong magiliw na salita o mabuting gawa.”21

Ang visiting teaching ay isang tuluy-tuloy na gawain; hindi ito kailanman natatapos. Ang mga visiting teacher ay kadalasang kailangang magsakripisyo at huwag panghinaan ng loob. Totoo ito lalo na kapag tila walang nangyayari sa ginagawa nilang pagsisikap, gaya ng kuwento ni Cathie Humphrey:

“Noong una akong tawagin na maging visiting teacher, naatasan akong bumisita sa isang babaing hindi kailanman nagsimba. … Matapat akong bumisita buwan-buwan at kumatok sa kanyang pinto. Bubuksan niya ang pinto sa loob pero iiwanang nakasara ang screen door. … Wala siyang imik. Basta tatayo lang siya roon. At masaya akong babati ng, ‘Hi, ako si Cathie, ang visiting teacher mo.’ At dahil hindi siya kikibo, sasabihin kong, ‘Ngayon, ang lesson natin ay tungkol sa …’ at sisikapin kong magsabi ng anumang [bagay na magpapasigla at magpapasaya sa kanya]. Kapag [tapos na] ako, sasabihin niyang, ‘Salamat,’ at isasara ang pinto.

“Ayokong pumupunta doon. … Pero nagpunta ako dahil gusto kong maging masunurin. Makaraan ang mga pito o walong buwang ganitong pagbisita, tinawagan ako ng bishop.

“‘Cathie,’ sabi niya, ‘kapapanganak lamang ng babaeng binibisita mo at ilang araw lang nabuhay ang sanggol. Silang mag-asawa ay magdaraos ng serbisyo sa puntod, at pinakiusapan niya akong tanungin ka kung puwede kang pumunta at samahan siya roon. Ikaw lang daw ang kaibigan niya.’ Nagpunta ako sa sementeryo. Naroon kami ng bata pang ina kasama ang kanyang asawa, at ang bishop, sa tabi ng puntod. [Kami] lang.

“Ilang minuto ko lang siyang nakikita minsan sa isang buwan. Ni hindi ko [nakita sa screen door na] buntis pala siya, [gayunman ang aking hindi pa bihasa ngunit masigasig na] pagbisita ay nagpala sa aming dalawa.”22

Paghahangad ng Espirituwal na Patnubay

Sa tuwi-tuwina, naghahangad at tumatanggap ng espirituwal na patnubay ang matatapat na visiting teacher. Ikinuwento ng isang miyembro sa Relief Society sa Brazil ang pagtulong sa kanya ng Panginoon:

“Hindi ko matawagan ang mga miyembrong babae sa telepono. Wala kaming mga telepono. Kaya’t lumuluhod ako at nagdarasal upang alamin kung sino sa kababaihan ang nangangailangan sa akin sa linggong iyon. Palagi akong sinasagot. [Halimbawa], may isang bata pang babae sa aming ward na walang damit para sa kanyang bagong silang na sanggol. Hindi ko alam kung kailan siya talaga manganganak pero alam kong malapit na. Tinipon ko ang isang grupo ng kababaihan at gumawa kami ng mga damit para sa kanyang sanggol. Ayaw naming iuwi niya ang sanggol na iyon na nakabalot lang ng diyaryo. Hindi namin matawagan sa telepono ang isa’t isa kaya’t nanalangin ako at ipinadama sa akin kung kailan ako dapat magpunta sa ospital para ihatid ang mga damit na ito ng sanggol. Pagdating ko sa ospital kapapanganak lang niya at naibigay ko sa kanya ang mga damit na galing sa mga miyembro sa Relief Society.”23

Yamang magkakaiba ng kalagayan ang bawat babae, kailangan ng mga visiting teacher ng espesyal na patnubay mula sa Espiritu Santo upang malaman kung paano nila pinakamainam na matutulungan ang bawat isa. Si Florence Chukwurah ng Nigeria ay nakatanggap ng ganoong patnubay nang siya ay “atasang bisitahin ang isang kapatid na nagkakaproblema sa kanyang asawa at sa bahay, [kaya’t] kinailangan pa nilang magkita sa palengke para magkausap. Matapos pakinggan at obserbahan ang mga problema ng kapatid na ito, humingi ng basbas ng priesthood si Sister Chukwurah sa asawa niya para malaman kung paano tutulungan ang nababagabag na kapatid na ito. Kasunod ng basbas nadama niyang talakayin dito ang kahalagahan ng ikapu. ‘Lumuluhang sinabi niya sa akin na hindi siya nagbabayad ng ikapu dahil hindi sapat ang kinikita niya,’ pag-alaala ni Sister Chukwurah. ‘Iminungkahi kong talakayin naming dalawa ang Malakias 3:10 sa bahay ko para makapahinga kami at makapag-usap nang sarilinan. Pumayag siya. Matapos kaming magtalakay hinikayat ko siyang sumampalataya at bayaran ang kanyang ikapu kahit sa loob lang ng anim na buwan. Nagpatotoo ako sa kanya sa pamamagitan ng Espiritu.’

“… Sa loob ng ilang buwan ng pagkikitang iyon, malaki ang ipinagbago sa sitwasyon ng kapatid na ito. Tumanggap ng scholarship ang kanyang anak na dalaga para sa high school, nakipagtulungan ang asawa niya sa bishop para maging aktibo at makatanggap ng katungkulan, nagtulungan ang mag-asawa para mapabuti ang kanilang kabuhayan at relasyon, at naging inspirasyon sila sa iba kalaunan.”24

Pagtuturo ng mga Katotohanan at Pagpapatotoo

Itinuro ni Pangulong Kimball na kapag ibinabahagi ng mga visiting teacher ang ebanghelyo at kanilang patotoo, matutulungan nila ang mga miyembrong babae na sumunod sa Tagapagligtas:

“Napakagandang pagkakataon para sa dalawang babae ang magpunta sa isang tahanan. …

“Walang pamimilit sa programang ito batay sa nakikita ko. Kailangan lamang dito ang panghihikayat at pagmamahal. Kagila-gilalas na malaman kung gaano karaming tao ang maaari nating mapagbago at maganyak sa pamamagitan ng pagmamahal. Tayo ay ‘magbababala, magpapaliwanag, manghihikayat, at magtuturo, at mag-aanyaya … na lumapit kay Cristo’ (D at T 20:59), gaya ng sinabi ng Panginoon sa kanyang mga paghahayag. …

“Huwag tayong masiyahan sa pagdalaw lamang, sa pakikipagkaibigan; mangyari pa, may panahon para diyan. … Ang pakikipagkaibigan, siyempre, ay mahalaga, ngunit may mas mainam pa bang paraan ng pakikipagkaibigan maliban sa turuan ang isang tao ng mga walang-hanggang alituntunin ng buhay at kaligtasan? …

“Ang inyong patotoo ay napakagandang paraan. … Hindi ninyo kailangang ibigay ito palagi sa pinakapormal na paraan; maraming iba’t ibang paraan. …

“… Ang mga visiting teacher … ay dapat manguna sa kasiglahan, at magandang pananaw, at kahusayan—at sa patotoo.”25

Pinasalamatan ng isang bata pang ina ang kanyang mga visiting teacher na tumulong sa kanyang muling ipamuhay ang ebanghelyo:

“Nagpapasalamat ako ngayon sa aking mga visiting teacher dahil minahal nila ako at hindi ako hinusgahan. Talagang ipinadama nila sa akin na mahalaga ako at may puwang ako sa Simbahan.

“Pumupunta sila sa aking tahanan at mauupo kami at mag-uusap … , at iiwanan nila ako ng mensahe bawat buwan.

“At pagdating nila sa bawat buwan, dama ko na talagang mahalaga ako at talagang parang nagmamalasakit sila sa akin at parang mahal na mahal nila ako at pinahahalagahan.

“Sa pamamagitan ng kanilang pagdalaw at pakikipagkita sa amin, nagpasiya akong panahon na para bumalik ako sa simbahan. Palagay ko talagang hindi ko alam noon kung paano bumalik, at sa pagpunta nila at pagtulong sa akin, naging daan sila para makabalik ako.

“Dapat nating matanto na mahal tayo ng Panginoon kahit sino pa tayo, at tinulungan ako ng aking mga visiting teacher na makitang tama ito.

“Ngayon kami ng asawa ko ay nabuklod na sa templo.”26

Ang visiting teaching ay isang paraan upang ihatid ang ebanghelyo ni Jesucristo sa buhay ng kababaihan at ng kanilang mga pamilya. Sinabi ni Sister Mary Ellen Smoot, ang ikalabintatlong Relief Society general president: “Gusto kong makiusap sa ating kababaihan na huwag nang alalahanin ang pagtawag sa telepono o ang kada tatlong buwan o kaya’y buwanang pagbisita, at kung pupuwede na ba iyon, at sa halip ay pagtuunan ang pangangalaga sa mga kaluluwang kailangan pang kalingain. Tungkulin nating tiyakin na patuloy na nag-aalab ang apoy ng ebanghelyo. Tungkulin nating hanapin ang nawawalang tupa at tulungan silang madama ang pagmamahal ng ating Tagapagligtas.”27

Itinuro ni Pangulong Kimball:

“Maraming kababaihan ang namumuhay sa basahan—espirituwal na mga basahan. May karapatan silang magsuot ng magagandang bata, ng mga espirituwal na bata. … Pribilehiyo ninyong magpunta sa mga tahanan at palitan ng mga bata ang mga basahan. …

“… Kayo ay makapagliligtas ng mga kaluluwa, at sino ang makapagsasabi na ang marami sa mga aktibong tao sa Simbahan ngayon ay aktibo dahil sa nagpunta kayo sa kanilang mga tahanan at binigyan ninyo sila ng bagong pananaw sa buhay. Hinawi ninyo ang kurtina. Nilawakan pa ang naaabot ng kanilang tanaw. …

“Nakita na ninyo, hindi lamang ninyo inililigtas ang kababaihang ito, kundi marahil ay inililigtas din ninyo ang kanilang asawa at kanilang mga tahanan.”28

Pagbibigay ng Temporal na Tulong nang may Pagmamahal

Ang pag-ibig sa kapwa ang pinakaugat ng temporal na paglilingkod at pangangalagang ibinibigay ng mga visiting teacher. Kadalasan ang isang babae at mga miyembro ng kanyang pamilya ay may mga temporal na pangangailangan na mahirap o imposible nilang pangasiwaan nang mag-isa. Maaaring mangyari ito kapag may bagong silang na sanggol o kapag maysakit o kaya’y namatay ang isang miyembro ng pamilya. Gaya ng mga kababaihan ng Relief Society noon sa Nauvoo at sa landas pakanluran sa Salt Lake Valley, ang mga visiting teacher sa makabagong panahon ang kadalasang nauunang tumulong. Si Sister Silvia H. Allred, na tagapayo sa Relief Society general presidency, ay nagsabing:

“Namamangha akong masaksihan ang di-mabilang na pagkakawanggawa ng mga visiting teacher sa araw-araw sa iba’t ibang panig ng mundo na tumutugon sa mga pangangailangan ng bawat miyembrong babae at ng kanilang mga pamilya sa di-makasariling paraan. Sa matatapat na visiting teacher na ito, sinasabi ko, ‘Sa pamamagitan ng maliliit na pagkakawanggawang iyon, sinusunod ninyo ang Tagapagligtas at nagiging kasangkapan kayo sa Kanyang mga kamay kapag kayo ay tumutulong, nangangalaga, nagpapasigla, nagbibigay-ginhawa, nakikinig, naghihikayat, nagtuturo, at nagpapalakas sa kababaihang nasa inyong pangangalaga.’Magbabahagi ako ng [dalawang] maiikling halimbawa ng ganitong paglilingkod.

“Si Rosa ay may malubhang diabetes at iba pang karamdaman. Sumapi siya sa Simbahan ilang taon na ang nakararaan. Siya ay nag-iisang magulang na may binatilyong anak. May mga panahon na madalas siyang maospital nang ilang araw. Hindi lamang siya dinadala sa ospital ng mababait na visiting teacher, kundi binibisita at pinapanatag din siya ng mga ito sa ospital habang binabantayan din ang kanyang anak sa bahay at paaralan. Ang kanyang mga visiting teacher ang nagsisilbing mga kaibigan at pamilya niya.

“Matapos ang ilang pagbisita sa miyembrong ito, nalaman ni Kathy na hindi ito marunong magbasa ngunit gustong matuto. Nag-alok ng tulong si Kathy kahit alam niyang maraming oras, tiyaga, at sigasig ang kailangan.”29

Nakikidalamhati sa mga Nagdadalamhati, Umaalo, at Tumutulong sa Pagpasan ng mga Dalahin

Itinuro ni Sister Elaine L. Jack, ang ikalabindalawang Relief Society general president: “Sa visiting teaching ay tinutulungan natin ang bawat isa. Ang mga kamay ay madalas makapangusap sa paraang hindi kayang isatinig. Maraming naipadarama ang mainit na yakap. Pinagkakaisa tayo ng sama-sama nating pagtawa. Ang isang sandali ng pagbabahagi ay nagbibigay-sigla sa ating mga kaluluwa. Hindi natin palaging mapagagaan ang pasanin ng isang taong may problema, ngunit mapapasigla natin siya upang mapagtiisan niya itong mabuti.”30

Isang babae na kamakailan lamang nabalo ang nagpasalamat sa mga visiting teacher na nakidalamhati sa kanya at umalo sa kanya. Isinulat niya: “Kailangang-kailangan ko noon ng isang taong makakausap; isang taong makikinig sa akin. … At nakinig sila. Inalo nila ako. Umiyak silang kasama ko. At niyakap nila ako … [at] at tinulungan akong makabangon mula sa matinding kalungkutan at depresyon sa mga unang buwang iyon ng pangungulila.”31

Ipinahayag ng isa pang babae ang kanyang nadarama nang tumanggap siya ng taos-pusong pagtulong mula sa isang visiting teacher: “Alam kong mahalaga ako sa kanya, hindi dahil isa lang ako sa mga nakalistang bibisitahin niya. Alam ko na nagmamalasakit siya sa akin.”32

Paano Pinagpapala ng Visiting Teaching ang mga Visiting Teacher

Kapag pinaglilingkuran ng kababaihan ang iba bilang mga visiting teacher, sila mismo ay tumatanggap ng mga pagpapala. Itinuro ni Sister Barbara W. Winder, ang ikalabing-isang Relief Society general president: “Mahalagang mayroong mga visiting teacher ang bawat babae—upang maipadama na kailangan siya, na may nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya. Ngunit kasinghalaga rin nito ang pag-iibayo ng pag-ibig sa kapwa ng visiting teacher. Sa pag-aatas sa ating kababaihan na gawin ang visiting teaching, binibigyan natin sila ng pagkakataon na magkaroon ng dalisay na pag-ibig ni Cristo, na maaaring maging pinakamalaking pagpapala sa kanilang buhay.”33

Ikinuwento ng isang babae ang mga pagpapalang ibinuhos sa kanya sa paglilingkod niya sa mga miyembrong babae:

“Hindi nagtagal pagkatapos kaming makasal, lumipat kaming mag-asawa sa New Jersey. Sa unang taon ng pag-aaral ng medisina, bihirang makauwi ang asawa ko bago mag-alas 11:30 n.g. … Hindi rin ako kaagad nagkaroon ng mga kaibigan. Nalungkot at nahirapan ako sa paglipat na ito.

“Hiniling ng bishop ng bago kong ward na pangasiwaan ko ang isang programa para sa mga miyembro sa aming ward na Espanyol ang gamit na wika. Nangahulugan ito ng pagsasaling-wika sa sakrament miting, pagtuturo sa klase ng doktrina ng ebanghelyo, at pagsubaybay sa Relief Society. Bukod sa mga katutubong Espanyol, ako lamang ang babae sa ward na mahusay magsalita ng Espanyol.

“Bilang karagdagan sa aking mga responsibilidad, binigyan ako ng Relief Society president ng listahan ng 12 kababaihang bibisitahin na nakatira sa isang baryo sa kabilang bayan. Inaamin ko na hindi ako nasabik sa bagong tungkulin ko. Abala ako sa iba ko pang mga tungkulin, at nangamba ako na baka hindi ko alam kung paano tumulong. … Ngunit gumawa ako ng ilang visiting teaching appointment, at bago ko pa namalayan ay nakaupo na ako sa sala ng mga Dumez.

“‘Ikaw ang visiting teacher ko?’ tanong ni Sister Dumez pagpasok niya sa sala. ‘Maligayang pagdating sa aking tahanan. Dalawang taon na akong walang visiting teacher.’ Pinakinggan niyang mabuti ang mensahe, nagkumustahan kami, at paulit-ulit niya akong pinasalamatan sa pagpunta.

“Bago ako umalis tinawag niya ang kanyang limang anak para kantahin sa Espanyol ang ‘Ako ay Anak ng Diyos.’ Niyakap niya ako at pinisil ang aking kamay. …

“Lahat ng pagbisita sa unang paglabas ko ay naging mas maganda naman kaysa inakala ko. Nang sumunod na mga buwan, habang malugod akong tinatanggap ng mga kapatid sa kanilang tahanan, nagsimula akong manabik sa aking mga pagbisita. Ngunit hindi ako handa sa narinig kong mga kuwento ng kalungkutan at kahirapan habang lalo kong nakikilala ang mababait na taong ito. Nagpasiya akong kahit paano’y sikapin kong gawing mas komportable ang buhay para sa mga kapatid na ito at kanilang mga pamilya, na karamihan ay kinakapos sa pera. Nagsimula akong magdala ng mga lutong pagkain kapag bumibisita ako. Ipinapasyal ko ang mga pamilya. Ipinagmamaneho ko sila kapag magpapatingin sila sa doktor at kapag pupunta sa tindahan ng groseri.

“Mabilis kong nalimutan ang aking kalungkutan nang maglingkod ako sa iba. Ang mga kababaihan na sa unang tingin ko ay kaiba sa akin ay naging mabubuti kong kaibigan. Sila’y matatapat, matatatag na kaibigan na nagpapasalamat maging sa pinakamaliliit na bagay na ginawa ko para sa kanila. At alam din nila ang mga pangangailangan ko: Palagi akong nakakatanggap ng tawag sa telepono at mga regalong mula sa puso. Isang kapatid ang gumawa ng doily para sa aking mesa. Kumatha naman ng tula ang isa pang kapatid para sa aking kaarawan.

“Gayunman, pagkaraan ng ilang buwan sa aking mga tungkulin, nalungkot ako sa kakulangan ko ng kakayahan na gawing mas ligtas o mas komportable ang buhay ng aking mga kaibigan. …

“Isang gabi ay nakadama ako ng panghihina ng kalooban. Lumuhod ako para manalangin, nakikiusap sa Panginoon na ipakita sa akin ang direksiyon na dapat kong tahakin. Nadama kong nais ng Panginoon na tulungan ko ang mga kababaihang ito na matutong tustusan ang kanilang sariling pangangailangan at paglingkuran ang isa’t isa. Inaamin ko na nag-alinlangan ako na baka hindi makaya ng mga taong may gayon kabibigat na pasanin na tulungan ang isa’t isa, ngunit alam kong kailangan kong sundin ang ipinahiwatig sa akin.

“Sinimulan ko sa pagsasaayos ng visiting teaching program sa Relief Society na Espanyol ang gamit na wika. Isa sa matatapat kong kaibigan, si Sister Moreira, ang nagboluntaryong dumalaw nang mag-isa sa anim na kababaihan. Pagtanggi ang naging sagot ko, ‘Hindi mo makakayang puntahan iyon nang walang kotse. Masyadong malayo kung lalakarin!’ Ngunit naalala ko ang ipinahiwatig sa akin na hayaang paglingkuran ng kababaihan ang isa’t isa. Inilagay ko lahat ang anim na babaeng iyon sa bagong listahan ng visiting teaching ni Sister Moreira.

“Nang makabalik mula sa paglalakad niya para maisagawa ang visiting teaching, tinawagan ako ni Sister Moreira, na puspos ng Espiritu. … Masasakit ang kanyang mga paa, ngunit pinagaan ng Panginoon ang kanyang pasanin at kanyang puso.

“Pagkatapos ng ilan pang pagbisita, may nakuha si Sister Moreira na isa pang kapatid na makakasama niya sa paglalakad. …

“Nang simulan kong maghanap, marami akong nakitang paraan upang matulungan ang mga kapatid na ito na tulungan ang kanilang sarili at ang isa’t isa. …

“Nang may nakikita na akong malaking espirituwal na pag-unlad sa mga miyembro ng aking ward, nakatanggap kami ng asawa ko ng pabatid na lilipat kami. … Ni ayaw kong isipin noon na iiwan ko ang mababait kong kaibigan. Gusto kong patuloy na maglingkod na kasama nila—marami na kaming nagawa sa isa’t isa. Ngunit kahit paano nakita kong malakas na kumikilos ang ebanghelyo sa kanilang buhay, at pinangangalagaan nila ang isa’t isa. Ako, na sa una ay napilitan lang na magtrabaho sa bukid, ay umuwing puno ng tungkos [ng uhay].”34

Pangulong Lorenzo Snow

Lorenzo Snow

Itinuro ni Pangulong Lorenzo Snow, ang ikalimang Pangulo ng Simbahan, na ang kababaihan ng Relief Society ay halimbawa ng dalisay na relihiyon. Sabi niya: “Sinabi ng Apostol na si Santiago na ‘ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios … ay ito: Dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan.’ Dahil sang-ayon sila na totoo iyan, talagang ipinakikita ng mga miyembro ng Relief Society sa kanilang buhay ang dalisay at walang-dungis na relihiyon; tinulungan nila ang mga taong naghihirap, niyakap at minahal ang mga ulila sa ama at mga balo, at pinanatili ang kanilang sarili na walang bahid-dungis sa mundo. Mapatototohanan ko na wala nang mas dalisay at mayroong takot sa Diyos na kababaihan sa mundo maliban sa kababaihan ng Relief Society.”35

Ang mga dalisay at mayroong takot sa Diyos na kababaihan ng Relief Society ay nangalaga at nagpalakas sa isa’t isa simula pa noon sa Nauvoo hanggang sa ngayon, sa pamamagitan ng mapagmahal at binigyang-inspirasyong visiting teaching. Ito ay isang paglilingkod na ibinabahagi sa bawat isa, nang buong puso.

Kabanata 7

  1. Eliza R. Snow, “Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 116.

  2. Tingnan sa Lucas 15:3–7.

  3. Tingnan sa 3 Nephi 11:13–17; 17:5–25.

  4. Julie B. Beck, “Relief Society: Isang Sagradong Gawain,” Liahona, Nob. 2009, 113.

  5. Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Hulyo 28, 1843, Church History Library, 101.

  6. Joseph F. Smith, “Address of President Joseph F. Smith,” Woman’s Exponent, Mayo 1903, 93; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1999), 225.

  7. Eliza R. Snow, sa Relief Society Minutes, Sixth Ward, Salt Lake Stake, Ago. 16, 1868, Church History Library, 16; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay at paggamit ng malaking titik.

  8. Eliza R. Snow, sa Mt. Pleasant North Ward Relief Society Minutes, Ago. 7, 1880, Church History Library, 56; iniayon sa pamantayan ang paggamit ng malaking titik.

  9. Sarah M. Kimball, sa 15th Ward Relief Society Minutes, 1868–1873, Church History Library; iniayon sa pamantayan ang pagbabantas.

  10. Jane Richards, sa “R. S. Reports,” Woman’s Exponent, Set. 1907, 24.

  11. Minutes of General Board of Relief Society, Abr. 19, 1944, Church History Library, 39–40.

  12. Belle S. Spafford, interbyu ni Jill Mulvay [Derr], Dis. 1, 1975, transcript, Church History Library.

  13. Belle S. Spafford, interbyu ni Jill Mulvay [Derr], Dis. 8, 1975, transcript, Church History Library.

  14. Henry B. Eyring, “Ang Walang-kupas na Pamana ng Relief Society,” Liahona, Nob. 2009, 123.

  15. Julie B. Beck, “‘Strengthen Thy Stakes’: Strong and Immovable in Faith,” sa Awake, Arise, and Come unto Christ: Talks from the 2008 BYU Women’s Conference (Deseret Book, 2009), 86–87; binago ang pagsasalin sa Portuges.

  16. Joseph Smith, sa Relief Society Minute Book, Nauvoo, Illinois, Abr. 28, 1842, 38.

  17. Spencer W. Kimball, “Small Acts of Service,” Ensign, Dis. 1974, 5.

  18. Thomas S. Monson, sa Conference Report, Okt. 2009, 84; o Liahona, Nob. 2009, 85–86.

  19. Dieter F. Uchtdorf, “Kaligayahan, ang Inyong Pamana,” Liahona, Nob. 2008, 120.

  20. Spencer W. Kimball, “A Vision of Visiting Teaching,” Ensign, Hunyo 1978, 24; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 20:53–54.

  21. Camilla Kimball, sa Caroline Eyring Miner and Edward L. Kimball, Camilla: A Biography of Camilla Eyring Kimball (1980), 175.

  22. Cathie Humphrey, sa “Malalakas na Kamay at mga Pusong Mapagmahal,” Liahona, Dis. 2004, 26–27.

  23. Binanggit ni Mary Ellen Smoot, sa interbyu ni Julie B. Beck, Mayo 20, 2009, transcript, Church History Library.

  24. “Malalakas na Kamay at mga Pusong Mapagmahal,” 29–30.

  25. Spencer W. Kimball, ”A Vision of Visiting Teaching,” 24–25.

  26. Sa Virginia U. Jensen, “Ripples,” Ensign, Nob. 2000, 94.

  27. Mary Ellen Smoot, sa Conference Report, Okt. 1997, 13–14; o Ensign, Nob. 1997, 12.

  28. Spencer W. Kimball, ”A Vision of Visiting Teaching,” 26.

  29. Silvia H. Allred, “Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang,” Liahona, Nob. 2011, 114–16.

  30. Elaine L. Jack, sa Jaclyn W. Sorensen, “Visiting Teaching—Giving Selfless Service in a Loving Sisterhood,” Church News, Mar. 7, 1992, 5.

  31. Vivien D. Olson, “The Visiting Teacher Who Made a Difference,” Church News, Mayo 15, 1982, 2.

  32. Hope Kanell Vernon, “The Visiting Teacher Who Made a Difference,” Church News, Hunyo 12, 1982, 2.

  33. Barbara W. Winder, “Striving Together: A Conversation with the Relief Society General Presidency,” Ensign, Mar. 1985, 12.

  34. Robyn Romney Evans, “In the Vineyard,” Ensign, Mar. 2004, 21–23.

  35. Lorenzo Snow, sa “Prest. Snow to Relief Societies,” Deseret Evening News, Hulyo 9, 1901, 1; sa pagsipi sa Santiago 1:27.

Sa pamamagitan ng Kanyang halimbawa, itinuro sa atin ng Tagapagligtas kung paano pangalagaan at palakasin ang isa’t isa.

Ang mga visiting committee ay nangolekta ng mga donasyon upang tumulong sa mga lokal na pangangailangan.

Palaging sinisikap ng mga visiting teacher na tugunan ang mga espirituwal at temporal na pangangailangan ng kanilang mga binibisita.

Naglalakbay ang mga visiting teacher sa gitnang Africa para dalawin ang kanilang mga kapatid

Si Sister Geraldine Bangerter, kaliwa ibaba, kasama ng mga Brazilian sister na tumulong sa pagtatatag ng Relief Society sa kanilang bansa

Sa pagbibigay ng madamaying paglilingkod, tinutularan ng kababaihan ng Relief Society ang halimbawa ni Jesucristo.

Mapalalakas at mapasisigla ng mga visiting teacher at ng mga pinaglilingkuran nila ang isa’t isa.

Sa pagbabahagi ng mga visiting teacher ng mga katotohanan at patotoo, tinutulungan nila ang iba na sundin ang Tagapagligtas.

Ang mga visiting teacher ay makatatanggap ng patnubay mula sa Espiritu Santo kapag sila ay nanalangin na matulungan.

Ipinamumuhay ng matatapat na visiting teacher ang “dalisay na relihion” (Santiago 1:27).

Sa pamamagitan ng visiting teaching, alam ng kababaihan ng Relief Society na may mga kaibigan silang nagmamalasakit sa kanila.

Sa pamamagitan ng visiting teaching, ang kababaihan ng Relief Society ay makadarama ng kaligayahan sa paglilingkod sa isa’t isa.

“Kapag kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).