Pambungad
“Isang Bagay na Di Karaniwan”
Sa unang miting ng Relief Society, sinabi ni Sister Emma Smith, “May gagawin tayong isang bagay na di-karaniwan.”1 Tama siya. Ang kasaysayan ng Relief Society ay puno ng mga halimbawa ng karaniwang kababaihan na nakagawa ng mga di-karaniwang bagay dahil sa pagsampalataya nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang Relief Society ay itinatag upang tumulong na maihanda ang mga anak na babae ng Diyos para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Ang Relief Society ay tumutulong na ihanda ang kababaihan para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan habang pinag-iibayo nila ang pananampalataya nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala; pinalalakas nila ang mga indibiduwal, pamilya, at tahanan sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan; at nagkakaisa sila sa pagtulong sa mga nangangailangan. Isinasakatuparan ng kababaihan ang mga layuning ito sa kanilang paghahangad, pagtanggap, at pagkilos ayon sa personal na paghahayag sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang sariling buhay.
Ang aklat na ito ay hindi kasaysayan ng magkakasunod na pangyayari, ni hindi nito tinatangkang magbigay ng buod ng lahat ng nagawa ng Relief Society. Sa halip, ipinakikita ng aklat na ito ang kasaysayan ng walang-hanggang gawain ng Relief Society. Sa pamamagitan ng makasaysayang mga salaysay, personal na mga karanasan, banal na kasulatan, at salita ng mga propeta sa mga huling araw at ng mga lider ng Relief Society, itinuturo ng aklat na ito ang tungkol sa mga responsibilidad at pagkakataong ibinigay sa mga babaeng Banal sa mga Huling Araw sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit.
Bakit Dapat Pag-aralan ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society?
Si Pangulong Spencer W. Kimball, ang ikalabindalawang Pangulo ng Simbahan, ay nagsabi, “Alam natin na ang kababaihang nagpapahalaga sa nakalipas ay magmamalasakit sa paghubog ng mabuting hinaharap.”2 Ang pag-aaral tungkol sa aklat na ito ay makatutulong sa kababaihan na maragdagan ang kanilang pagpapahalaga sa nakalipas at sa pag-unawa nila sa kanilang espirituwal na pamana.
Itinuturo ng kasaysayan ng Relief Society ang banal na pagkatao at walang-hanggang kahalagahan ng mga anak na babae ng Diyos. Ito ay kuwentong puno ng espirituwalidad ng mga babaeng matatag, matapat, at may layunin na nakapaglingkod nang walang gaanong pagkilala mula sa publiko. Sa pamamagitan ng pag-aaral sa kasaysayang ito, makikita ng mga Banal sa mga Huling Araw na kilala ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga anak na babae, na mahal Niya sila, na ipinagkakatiwala Niya sa kanila ang mga sagradong responsibilidad, at ginagabayan Niya sila habang ginagampanan nila ang mga responsibilidad na iyon. Sa kanilang mga pagsisikap, nakiisa ang kababaihan ng Simbahan sa kalalakihan na mayhawak ng priesthood upang itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa at patatagin ang mga tahanan ng Sion.
Personal na Pag-aaral ng Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian
Ang kahalagahan ng aklat na ito ay walang gaanong kinalaman sa mga petsa at katotohanang laan nito kundi sa mga layunin, alituntunin, at huwarang itinuturo nito. Habang paulit-ulit na pinag-aaralan at sinasangguni ng bawat kababaihan ng Relief Society ang aklat na ito, makikita nila na ang pamana ng Relief Society ay hindi lamang tungkol sa kababaihang nabuhay noon; ito ay tungkol din sa kababaihan sa iba’t ibang dako ng mundo ngayon na gumagawa at tumutupad ng mga tipan. Makatutulong ang pang-unawang ito upang makahanap ng inspirasyon ang kababaihan mula sa nakaraan at makadama ng kapayapaan sa pagharap sa kinabukasan.
Ang mga itinuturo, kuwento, at mga halimbawa sa aklat na ito ay maaaring gumabay sa kababaihan sa pagtatakda ng mga prayoridad at gagawin sa kanilang buhay na tutulong sa kanila upang mag-ibayo ang kanilang pananampalataya at sariling kabutihan, mapalakas ang mga pamilya at tahanan, at mahanap at matulungan ang mga nangangailangan.
Sinabi ni Sister Belle S. Spafford, ang ikasiyam na Relief Society general president: “Naniniwala ako na makabubuti para sa karaniwang babae ngayon na pahalagahan ang kanyang kapakanan, suriin ang mga gawaing kanyang kinasasangkutan, at pagkatapos ay kumilos upang gawing simple ang kanyang buhay, unahin ang mga bagay na pinakamahalaga, na nakatuong mabuti sa malalaking gantimpalang magtatagal, at iwasan ang mga aktibidad na hindi kapaki-pakinabang.”3
Habang natututo ang kababaihan sa kasaysayan ng Relief Society, makatutuklas sila ng mga halimbawa, pahayag, at alituntuning talagang makabuluhan sa kanila. Kapag nabigyang-inspirasyon ng mga natuklasang ito at ng mga itinuturo ng mga sinauna at makabagong propeta, maaari nilang hangarin at tanggapin ang personal na paghahayag at kumilos ayon dito. Makatatanggap sila ng patnubay sa pagsisikap nilang maging ang mga tao na nais ng Panginoon para sa kanila at gawin ang mga bagay na ipagagawa Niya sa kanila.
Mahihikayat ang kababaihan sa mga salita ni Alma: “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.”4 Ang maliliit at mga karaniwang bagay na naisasakatuparan nila ang tutulong sa kanila na makita kung paano sila pinalalakas ng Panginoon at ginagabayan sa kanilang buhay.
Pag-aaral ng Kasaysayan at Gawain ng Relief Society Kasama ang Iba
Ang aklat na ito ay mahalagang sanggunian na tutulong sa kababaihan ng Relief Society na sama-samang matuto kapag araw ng Linggo at sa iba pang mga araw. Upang makita ang mga pangkalahatang tagubilin tungkol sa pagtuturo sa mga miting sa Relief Society, ang mga lider ng Relief Society sa ward at branch ay maaaring sumangguni sa kasalukuyang hanbuk at sa LDS.org. Upang mahanap ang kaukulang impormasyon sa paggamit ng aklat na ito sa mga miting ng Relief Society, maaari nilang bisitahin ang LDS.org at tingnan doon ang iba pang karagdagang mga tagubilin na inilathala ng Simbahan.
Ang inspirasyong maibibigay ng aklat na ito ay hindi lamang para sa mga miting ng Relief Society. Maaaring sama-samang pag-aralan at talakayin ng mga pamilya ang mga halimbawa at itinuturo sa aklat na ito. Maaaring ibahagi ng kababaihan ng Relief Society ang aklat sa kanilang mga kaibigan. Maaaring gamitin ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang aklat bilang reperensya sa mga aralin, sa pagbibigay ng mensahe, at mga council meeting.
Pagkilala
Pinasasalamatan ng mga naghanda sa paglalathala ng aklat na ito si Lucile C. Tate at ang kanyang pamangkin na si Elaine R. Harris, na tinawag at itinalaga noong 1996 upang magtipon ng hindi nakalathalang kasaysayan ng Relief Society. Ang kanilang gawa ay iningatan bilang sanggunian sa mga archive ng Simbahan. Ang pagsisikap nilang idokumento ang buhay ng mga pangkalahatang pangulo ng Relief Society at ang mahahalagang pangyayari sa Relief Society ang naging batayan ng aklat na ito.
Pinasasalamatan din ang mga sumusunod: si Susan W. Tanner, na itinalaga noong 2009 upang isulat ang unang komprehensibong kasaysayang ito ng Relief Society para sa buong Simbahan, na ang pinagbatayan ay ang ginawa nina Sister Tate at Sister Harris; mga patnugot at nagdisenyo, na nakaunawa sa diwa ng kalalabasan ng aklat na ito at masigasig na nagtiyaga upang magawa ito; ang iba pang mga manunulat, nag-ambag, at mananalaysay, na kinilala sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga nailathalang gawa nila na nasa mga tala sa hulihan nitong aklat.
At higit sa lahat, ang kasaysayang ito marahil ay hindi kailanman maisusulat kung hindi dahil sa pananampalataya, katapatan, at paglilingkod ng kababaihan ng Relief Society sa buong kasaysayan ng Simbahan.