2010–2019
Tipunin ang Lahat ng mga Bagay kay Cristo
Oktubre 2018


15:45

Tipunin ang Lahat ng mga Bagay kay Cristo

Ang kapangyarihan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas na baguhin at pagpalain tayo ay nagmumula sa pag-alam at pagsasabuhay ng pagkakaugnay-ugnay ng mga doktrina, alituntunin, at gawain nito.

Ang lubid ay isang mahalagang gamit na alam nating lahat. Ang mga lubid ay gawa sa mga hibla ng tela, halaman, alambre, o iba pang mga materyal na isa-isang iniikot o itinitirintas nang magkakasama. Kawili-wili na ang mga bagay na tila mahihina ay maaaring ibungkos o ihabi nang magkakasama at maging napakalakas. Sa gayon, ang epektibong pagdugtong at pagdikit ng karaniwang mga materyal ay maaaring makabuo ng isang hindi pangkaraniwang kasangkapan.

Mga hibla na hinabi para maging lubid

Tulad ng lubid na nakakakuha ng lakas nito mula sa maraming pinagsama-samang hibla nito, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay din ng pinakadakilang pananaw ng katotohanan at nagbibigay ng pinakasaganang mga biyaya habang sinusunod natin ang payo ni Pablo na “tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa.”1 Mahalaga na ang kinakailangang pagtitipon ng katotohanan ay nakasentro at nakatuon sa Panginoong Jesucristo dahil Siya “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.”2

Dalangin ko na maliwanagan ng Espiritu Santo ang bawat isa sa atin habang isinasaalang-alang natin kung paano maisasagawa sa praktikal na paraan ang pagtitipon ng lahat ng bagay sa isa Kay Cristo sa pag-aaral at pamumuhay ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Isang Panahon ng Paghahayag

Tayo ay nabubuhay sa isang kamangha-mangha at puno ng paghahayag na panahon ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Ang mga makasaysayang anunsiyo ngayong araw ay may isa lamang na komprehensibong layunin: patatagin ang pananampalataya sa Ama sa Langit at sa Kanyang Plano at sa Kanyang Anak na si Jesucristo at Kanyang Pagbabayad-sala. Ang iskedyul tuwing Linggo ay hindi lamang pinaikli. Kundi, ngayon ay may karagdagang pagkakataon at responsibilidad na tayo bilang mga indibiduwal at pamilya na gamitin ang ating oras upang gawing mas kalugud-lugod ang Sabbath sa ating mga tahanan at Simbahan.

Noong nakaraang Abril, hindi lamang binago ang kaayusang pang-organisasyon ng mga korum ng priesthood. Kundi, ang pagtutuon at lakas ay ibinigay sa isang mas dakila at mas banal na paraan ng paglilingkod sa ating mga kapatid.

Tulad ng itinirintas na hibla ng isang lubid na nakagagawa ng isang malakas at matibay na gamit, lahat ng magkakaugnay na aksyong ito ay bahagi ng pinag-isang pagsisikap upang mas mahusay na iakma ang pagtutuon, mga mapagkukunan, at gawain ng ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas sa mahalagang misyon nito: tulungan ang Diyos sa Kanyang gawain na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao. Mangyaring huwag magtuon sa lohistikal na aspeto ng naunang inanunsiyo. Hindi natin dapat hayaan na palabuin ng mga detalye ng pamamaraan ang pangunahing espirituwal na dahilan kung bakit ginagawa ang mga pagbabagong ito.

Ang nais natin ay ang maragdagan sa mundo ang pananampalataya sa plano ng Ama at sa nagtutubos na misyon ng Tagapagligtas at mapagtibay ang walang hanggang tipan ng Diyos.3 Ang ating mga natatanging layunin ay ang pangasiwaan ang patuloy na pagbabalik-loob sa Panginoon at mas magmahal nang lubos at maglingkod nang mas epektibo sa ating mga kapatid.

Pagpapangkat at Paghihiwalay

Minsan bilang mga miyembro ng Simbahan, ipinapangkat, inihihiwalay, at isinasabuhay natin ang ebanghelyo sa pamamagitan ng paggawa ng mahahabang checklist ng mga indibiduwal na paksa na pag-aaralan at isasakatuparang gawain. Ngunit ang pamamaraang ito ay maaaring maglimita sa ating pag-intindi at pananaw. Dapat tayong maging maingat dahil ang mala-Fariseo na pagtuon sa mga checklist ay maaaring maglayo sa atin sa Panginoon.

Ang layunin at pagdalisay, kaligayahan at kagalakan, at patuloy na pagbabalik-loob at proteksyon na nanggagaling sa “paghahandog ng [ating] mga puso sa Diyos”4 at “[pagtanggap ng] kanyang larawan sa [ating] mga mukha”5 ay hindi makukuha sa pamamagitan lamang ng paggawa at pagtsek ng mga espirituwal na bagay na dapat nating gawin. Kundi, ang kapangyarihan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas na baguhin at pagpalain tayo ay nagmumula sa pag-alam at pagsasabuhay ng pagkakaugnay-ugnay ng mga doktrina, alituntunin, at gawain nito. Ang ating pagtitipon ng lahat ng mga bagay kay Cristo, nang may matibay na pagtutuon sa Kanya, ang tanging paraan upang ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay sama-samang magbigay-kakayahan sa atin na maging katulad tayo ng nais ng Diyos na maging pagkatao natin6 at magiting tayo na makapagtiis at magpatuloy hanggang sa wakas.7

Pagkatuto at Pag-uugnay ng mga Katotohanan ng Ebanghelyo

Ang ebangelyo ni Jesucristo ay isang kahanga-hangang tapiserya ng mga katotohanang “nakalapat na mabuti”8 at inihabi nang magkakasama. Habang natututuhan at iniuugnay natin ang mga ipinahayag na mga katotohanan ng ebanghelyo, nabibiyayaan tayo na makatanggap ng mahalagang pananaw at dagdag na espirituwal na kakayahan sa pamamagitan ng mga mata na nakakakita ng impluwensiya ng Diyos sa ating buhay at mga tainga na nakaririnig ng Kanyang tinig.9 At ang alituntunin ng magkakasamang magtipon—maging sa Kanya ay makatutulong sa atin na baguhin ang tradisyunal na mga checklist para maging isa, magkakasama, at kumpletong kabuuan. Hayaan ninyong magbigay ako ng isang doktrinal na halimbawa at isang halimbawa sa Simbahan ng iminumungkahi ko.

Halimbawa 1. Ang pang-apat na saligan ng pananampalataya ay isa sa mga pinakamagandang paglalarawan ng pagtitipon ng lahat ng bagay kay Cristo: “Naniniwala kami na ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng Ebanghelyo ay: una, Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; pangalawa, Pagsisisi; pangatlo, Pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan; pang-apat, Pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo.”10

Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo

Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo—sa Kanya bilang banal at Bugtong na Anak ng Ama at sa Kanya at sa nagtutubos na misyon na ginawa Niya. “Sapagkat kanyang tinugon ang mga layunin ng batas, at kanyang inaangkin ang lahat ng yaong may pananampalataya sa kanya; at sila na may pananampalataya sa kanya ay kakapit sa bawat mabuting bagay; anupa’t ipinagtatanggol niya ang kapakanan ng mga anak ng tao.”11 Ang pananampalataya kay Cristo ay pagtitiwala at pananalig sa Kanya bilang ating Tagapagligtas, sa Kanyang pangalan, at sa Kanyang mga pangako.

Pagsisisi

Ang una at natural na resulta ng pagtitiwala sa Tagapagligtas ay pagsisisi at paglayo sa kasamaan. Habang tayo ay nananampalataya sa Panginoon, natural tayong bumabaling, lumalapit, at umaasa sa Kanya. Kaya, ang pagsisisi ay pagtitiwala at pag-asa sa Manunubos na gawin para sa atin ang bagay na hindi natin kayang gawin nang mag-isa. Ang bawat isa sa atin ay dapat na “[umasa] nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas”12 dahil tanging sa “pamamagitan ng kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas”13 tayo maaaring maging mga bagong nilalang kay Cristo14 at sa huli ay makababalik at makapaninirahan sa piling ng Diyos.

Binyag

Ang ordenansa ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan ay humihingi sa atin na magtiwala sa Kanya, umasa sa Kanya, at sundin Siya. Ipinahayag ni Nephi, “Alam ko na kung inyong susundin ang Anak, nang may buong layunin ng puso, nang walang pagkukunwari at walang panlilinlang sa harapan ng Diyos, kundi may tunay na hangarin, nagsisisi sa inyong mga kasalanan, nagpapatotoo sa Ama na nahahanda kayong taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Cristo, sa pamamagitan ng binyag—oo, sa pamamagitan ng pagsunod sa inyong Panginoon at inyong Tagapagligtas doon sa tubig, alinsunod sa kanyang salita, masdan, pagkatapos ay inyong tatanggapin ang Espiritu Santo; oo, at pagkatapos darating ang binyag ng apoy at ng Espiritu Santo.”15

Kumpirmasyon

Ang ordenansa ng pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo ay humihingi sa atin na magtiwala sa Kanya, umasa sa Kanya, sundin Siya, at magpatuloy sa Kanya at nang may tulong ng Kanyang Espiritu Santo. Tulad ng sinabi ni Nephi, “At ngayon … nalalaman ko sa pamamagitan nito na maliban sa ang tao ay magtiis hanggang wakas, sa pagsunod sa halimbawa ng Anak ng Diyos na buhay, siya ay hindi maaaring maligtas.”16

Magkakasamang magtipon

Ang pang-apat na saligan ng pananampalataya ay hindi lamang tumutukoy sa pangunahing mga alituntunin at ordenansa ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Kundi, ang inspiradong pahayag ng mga paniniwala na ito ay pinagtitipon ang lahat ng bagay kay Cristo: pagtitiwala sa Kanya, pag-asa sa Kanya, pagsunod sa Kanya, at pagpapatuloy kasama Siya—maging sa Kanya.

Halimbawa 2. Ngayon ay gusto kong ilarawan kung paano tinitipon kay Cristo ang lahat ng mga programa at inisiyatibo ng Simbahan. Maraming dagdag na paglalarawan ang maaaring ipakita; gagamit lamang ako ng ilang piling halimbawa.

Itayo at palakasin ang Sion

Noong 1978, itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball sa mga miyembro ng Simbahan na palakasin ang Zion sa buong mundo. Pinayuhan niya ang mga Banal na manatili sa kanilang mga lupang tinubuan at magtatag ng malalakas na stake sa pamamagitan ng pagtitipon ng pamilya ng Diyos at pagtuturo sa kanila ng mga gawi ng Panginoon. Idinagdag pa niya na marami pang mga templo ang itatayo at nangako ng mga biyaya para sa mga banal saanman sila nakatira sa mundo.17

Tatlong oras na miting
Pagpapahayag tungkol sa pamilya

Sa pagdami ng bilang ng mga stake, nadagdagan ang pangangailangan na ang mga tahanan ng mga miyembro ay “maging [mga lugar] kung saan [nanaisin] ng mga miyembro ng pamilya na maparoon, kung saan mapagyayaman nila ang kanilang mga buhay at makahahanap ng pagmamahal, tulong, pagpapahalaga, at panghihikayat.18 Kasunod nito, noong 1980, ang mga miting tuwing Linggo ay pinagsama sa isang tatlong oras na miting upang “muling bigyang tuon ang personal na responsibilidad at responsibilidad ng pamilya sa pagkatuto, pagsasabuhay, at pagtuturo ng ebanghelyo.”19 Ang pagtuon na ito sa pamilya at tahanan ay muling pinagtibay sa “Ang Pamilya: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na ipinabatid ni Pangulong Gordon B. Hinckley noong 1995.20

Pagtatayo ng templo

Noong Abril ng 1998, inanunsiyo ni Pangulong Hinckley ang pagtatayo ng marami pang maliliit na templo, na mas naglapit sa mga indibiduwal at pamilyang Banal sa mga Huling Araw sa mga banal na ordenansa ng Tahanan ng Panginoon .21 At ang pinagandang mga pagkakataon para sa espirituwal na paglago at pag-unlad ay pinag-ibayo ng karagdagan na sariling kakayahan sa temporal na bagay sa pamamagitan ng pagpapasimula ng Perpetual Education Fund noong 2001.22

Pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan

Sa kanyang pamumuno, si Pangulong Thomas S. Monson ay paulit-ulit na humikayat sa mga Banal na “magsagip” at binigyang-diin ang pagkalinga sa mga mahihirap at nangangailangan bilang isa sa mga banal na responsibilidad na iniatas sa Simbahan. Bilang pagpapatuloy sa pagbibigay-diin sa temporal na paghahanda, ang inisiyatibong Self-Reliance Services ay sinimulan noong 2012.

Tawagin ang Sabbath na Kaluguran

Sa mga nakalipas na taon, binigyang-diin at pinagtibay ang mahahalagang alituntunin na gawing nakalulugod ang araw ng Sabbath sa tahanan at Simbahan, na naghanda sa atin sa binagong iskedyul ng mga miting sa Linggo na inanunsiyo sa sesyon na ito ng pangkalahatang kumperensya.23

Ang mga korum ng Melchizedek Priesthood ay iniakma sa mga auxiliary

At sa nakalipas na anim na buwan, ang mga korum ng Melchizedek Priesthood ay pinalakas at iniakma nang mas epektibo sa mga auxiliary upang maisagawa ang mas dakila at mas banal na paraan sa ministering.

Isang nagkakaisang gawain

Naniniwala ako na ang pagkakasunud-sunod ng mga bagay na ito sa loob ng maraming dekada ay makatutulong sa atin na makita ang isang nagkakaisa at komprehensibong gawain at hindi lamang isang serye ng nagsasarili at hiwa-hiwalay na mga inisiyatibo. “Naghayag ang Diyos ng isang huwaran ng espirituwal na progreso para sa mga indibiduwal at pamilya sa pamamagitan ng mga ordenansa, pagtuturo, programa, at aktibidad na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan. Ang mga organisasyon at programa ng Simbahan ay umiiral upang pagpalain ang mga indibiduwal at pamilya at hindi umiiral para lamang sa kapakanan ng mga ito.”24

Dalangin ko na makita natin ang gawain ng Panginoon bilang isang dakilang gawain sa buong mundo na nagiging mas nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan. Alam ko at pinatototohanan ko na ang Panginoon ay naghahayag at “maghahayag pa … ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos.”25.

Pangako at Patotoo

Sinimulan ko ang aking mensahe sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa lakas na nalilikha kapag ang isa-isang hibla ng isang bagay ay iniikot o itinirintas upang maging lubid. Sa katulad na paraan, ipinapangako ko na ang dagdag na pananaw, layunin, at kapangyarihan ay makikita sa ating pagkatuto at pagsasabuhay ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo habang sinisikap natin na tipunin ang lahat ng bagay kay Cristo—maging sa Kanya.

Lahat ng oportunidad at biyaya na pangwalang hanggan ay nagsisimula sa, posible at may layunin dahil sa, at nagtatagal sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo. Tulad ng patotoo ni Alma: “Walang ibang daan o pamamaraan upang maligtas ang tao, tanging kay at sa pamamagitan ni Cristo. Masdan, siya ang buhay at ang ilaw ng sanlibutan.”26

Masaya kong ipinapahayag ang aking patotoo sa kabanalan at buhay na katotohanan ng Amang Walang Hanggan at ng Kanyang Bugtong na Anak, si Jesucristo. Sa ating Tagapagligtas, makahahanap tayo ng kaligayahan. At sa Kanya, mahahanap natin ang pangakong “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”27 Pinatototohanan ko ito sa banal na pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.