2010–2019
Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo
Oktubre 2018


16:4

Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo

Pinatototohanan ko ang kapayapaan sa kaluluwa na ihahatid ng pakikipagkasundo sa Diyos at sa isa’t isa kung tayo ay mapagpakumbaba at may lakas ng loob na gawin iyon.

Noong Abril, pinasimulan ni Pangulong Russell M. Nelson ang konsepto ng ministering, binigyang-diin niya na ito ay paraan para masunod ang mga dakilang utos na mahalin ang Diyos at mahalin ang isa’t isa.1 Kami, bilang mga opisyal ng Simbahan, ay hayagan kayong binabati at pinapalakpakan sa kamangha-mangha ninyong pagtugon hinggil dito. Salamat sa inyo sa pagsunod sa ating minamahal na propeta sa napakagandang adhikaing ito at iminumungkahi naming huwag na kayong maghintay para sa marami pang tagubilin. Basta tumulong lang kayo sa mga nangangailangan. Puntahan ninyo ang mga nangangailangan. Huwag kayong urong-sulong sa kaiisip kung anong klaseng paglilingkod ang dapat ninyong ibigay. Kung susunod tayo sa mga pangunahing alituntuning naituro na, mananatiling nakaayon sa mga susi ng priesthood, at hahangarin ang paggabay ng Espiritu Santo, hindi tayo mabibigo.

Ngayong umaga nais kong magsalita tungkol sa isang mas personal na aspeto ng ministering na hindi ayon sa assignment, walang nakaiskedyul na interbyu, at walang pag-uulatan maliban sa Diyos. Hayaang ibahagi ko ang isang simpleng halimbawa ng gayong uri ng ministering o paglilingkod.

Si Grant Morrell Bowen ay isang masipag at tapat na asawa’t ama na naghirap, gaya ng maraming magsasaka, noong panahon na hindi sapat ang naaaning patatas sa lugar. Tumanggap sila ng asawa niyang si Norma ng ibang trabaho, kalaunan ay lumipat sa ibang lunsod, at nagsimulang kumita ng sapat para sa kanilang mga pangangailangan. Gayunman, sa isang napakalungkot na pangyayari, labis na nasaktan si Brother Bowen nang magduda ang bishop, sa isang temple recommend interview, sa pahayag ni Morrell na nagbabayad siya ng buong ikapu.

Hindi ko alam kung sino sa kanilang dalawa ang may mas tumpak na impormasyon noong araw na iyon, ngunit alam ko na lumabas si Sister Bowen sa interbyung iyon na may bagong temple recommend, samantalang galit na lumabas si Brother Bowen na magiging dahilan para lumayo siya sa Simbahan nang 15 taon.

Sinuman sa kanila ang tama tungkol sa ikapu, malinaw na nalimutan kapwa ni Morrell at ng bishop ang utos ng Tagapagligtas na “makipagkasundo ka agad sa iyong kaalit”2 at ang payo ni Pablo na “huwag lumubog ang araw sa inyong galit.”3 Ang katotohanan na hindi sila nagkasundo at lumubog nga ang araw sa galit ni Brother Bowen nang maraming araw, linggo, at taon, ay nagpatunay sa punto ng isa sa pinakamatatalinong Romano noong araw, na nagsabing, “Ang galit, kung hindi pipigilan, ay kadalasang mas [nakakasira] kaysa sa pinsalang nag-udyok nito.”4 Ngunit nariyan palagi ang himala ng pagkakasundo para sa atin, at dahil sa pagmamahal sa kanyang pamilya at sa Simbahan na alam niyang totoo, naging aktibong muli si Morrell Bowen sa Simbahan. Ikukuwento ko sa inyo sandali kung paano nangyari iyon.

Ang anak ni Brother Bowen na si Brad ay mabuting kaibigan namin at isang matapat na Area Seventy na naglilingkod sa katimugang bahagi ng Idaho. Si Brad ay 11 anyos nang mangyari ito, at 15 taon niyang minasdan ang paghina ng debosyon ng kanyang ama sa relihiyon, isang saksi sa mga negatibong epekto sa kanilang pamilya dahil sa galit at di-pagkakaunawaan tungkol sa ikapu. May isang bagay na kinailangang gawin. Kaya nang malapit na ang Thanksgiving holiday noong 1977, sumakay si Brad, isang 26-anyos na estudyante sa Brigham Young University; ang kanyang asawang si Valerie; at ang anak nilang si Mic, sa mumurahin nilang kotse at nagbiyahe, kahit masama ang panahon, patungong Billings, Montana. Bumangga man sila sa santambak na niyebe malapit sa West Yellowstone, hindi iyon nakahadlang sa tatlong ito na puntahan si Brother Bowen Sr.

Pagdating, hiniling ni Brad at ng kapatid niyang si Pam na makausap nang sarilinan ang kanilang ama. “Napakabuti n’yong ama,” madamdaming pagsisimula ni Brad, “at noon pa namin alam na mahal na mahal n’yo kami. Pero may mali, at nanatili itong gayon sa loob ng mahabang panahon. Dahil minsan kayong nasaktan, ilang taon nang nasasaktan ang pamilyang ito. Nasira tayo, at kayo lang ang makakapag-ayos nito. Puwede po ba, pagkaraan ng mahabang panahong ito, kalimutan n’yo na ang malungkot na pangyayaring iyon sa bishop at muling akayin ang pamilyang ito sa ebanghelyo tulad noon?”

Nagkaroon ng katahimikan. Pagkatapos ay tiningala ni Brother Bowen ang dalawang ito, na kanyang mga anak, na buto ng kanyang buto at laman ng kanyang laman,5 at mahinang sinabing, “Oo. Gagawin ko.”

Tuwang-tuwa ngunit nagulat sa di-inaasahang sagot, minasdan ni Brad Bowen at ng kanyang pamilya ang kanilang asawa at ama nang puntahan nito ang kanyang kasalukuyang bishop para makipagkasundo at itama ang kanyang buhay. Sa isang perpektong tugon sa lakas-loob ngunit lubos na di-inaasahang pagbisitang ito, ang bishop, na paulit-ulit na inanyayahan si Brother Bowen na bumalik, ay niyakap si Morrell—nang matagal.

Sa loob lang ng ilang linggo—hindi ganoon katagal—lubos nang naging aktibong muli si Brother Bowen sa Simbahan at naging karapat-dapat na bumalik sa templo. Hindi nagtagal tinanggap niya ang tawag na mamuno sa isang maliit na branch na nagsisimula pa lamang na may 25 miyembro at ginawa itong maunlad na kongregasyon na may mahigit 100 miyembro. Lahat ng ito ay nangyari halos kalahating siglo na ang nakararaan, ngunit ang pakiusap ng anak na lalaki at anak na babae sa sarili nilang ama at ang kahandaan ng ama na magpatawad at sumulong sa kabila ng mga pagkakamali ng iba ay naghatid ng mga pagpapalang dumarating pa rin—at habampanahong daraling—sa pamilya Bowen.

Mga kapatid, hiniling ni Jesus na tayo ay “mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig”6 nang “[walang] pagtatalu-talo sa inyo.”7 “Siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin,” babala Niya sa mga Nephita.8 Ang totoo, ang relasyon natin kay Cristo ay matutukoy—o kahit paano ay maaapektuhan—ng relasyon natin sa isa’t isa.

“Kung kayo ay … magnanais na lumapit sa akin,” sabi Niya, “at naalaala ninyo na ang inyong kapatid ay may anumang laban sa inyo—

“Magtungo kayo sa inyong kapatid, at makipagkasundo muna kayo sa [kanya], at pagkatapos kayo ay lumapit sa akin nang may buong layunin ng puso, tatanggapin ko kayo.9

Tiyak na bawat isa sa atin ay may mababanggit na maraming iba’t ibang uri ng nakaraan at masasakit at malulungkot na alaala na sa sandaling ito mismo ay sumisira sa kapayapaan ng puso o pamilya o komunidad. Nakasakit man tayo o nasaktan, kailangang mapagaling ang mga sugat na iyon para maging kapaki-pakinabang ang buhay sa paraang nilayon ng Diyos. Gaya ng pagkain sa refrigerator ninyo na maingat na sinusuri ng inyong mga apo para sa inyo, ang mga hinanakit noon ay lampas na sa kanilang expiration date. Huwag na sana ninyong isipin ang mga ito. Tulad ng sabi ni Prospero sa nagsisising si Alonso sa The Tempest, “Huwag na tayong malungkot sa nakaraan dahil wala nang dahilan para malungkot pa tayo.”10

“[Magpatawad, at kayo’y patatawarin],”11 pagtuturo ni Cristo sa Sermon sa Bundok. At sa ating panahon: “Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.”12 Gayunman, mahalaga para sa sinuman sa inyo na tunay na nagdadalamhati na pansinin ang hindi Niya sinabi. Hindi Niya sinabing, “Hindi ka puwedeng makadama ng totoong sakit o kalungkutan sa masasakit na karanasan mo sa kamay ng iba.” Hindi rin Niya sinabing, “Para magpatawad nang lubusan kailangan mong magpatuloy sa di-kanais-nais na relasyon o bumalik sa mapang-abuso, at mapaminsalang kalagayan.” Ngunit kahit sa kabila ng pinakamabibigat na pagkakasalang maaaring mangyari sa atin, mapaglalabanan lamang natin ang sakit kapag tinahak natin ang landas tungo sa tunay na paggaling. Ang landas na iyan ay ang maging mapagpatawad na tulad ni Jesus ng Nazaret, na nananawagan sa bawat isa sa atin, “Sumunod ka sa akin.”13

Sa paanyayang ito na maging disipulo Niya at sikaping gawin ang Kanyang ginawa, inuutusan tayo ni Jesus na maging mga kasangkapan ng Kanyang biyaya—na maging “mga sugo sa pangalan ni Cristo” sa “ministerio sa pagkakasundo,” ayon sa paglalarawan ni Pablo sa mga Taga-Corinto.14 Inuutusan tayo ng Manggagamot ng lahat ng sugat, Siya na nagtatama sa bawat pagkakamali, na maglingkod na kasama Niya sa mahirap na tungkulin na payapain ang isang mundong puno ng kaguluhan.

Kaya, tulad ng isinulat ni Phillips Brooks: “Kayo na hinahayaang tumagal ang malulungkot na di-pagkakaunawaan, na planong lunasan ang mga ito balang-araw; kayo na patuloy na nagtatalu-talo dahil hindi kayo makapagdesisyon na panahon na para isakripisyo ang inyong kayabangan at [tapusin] na iyon; kayo na mainit ang ulo at nilalagpasan ang mga tao sa lansangan, na hindi sila kinakausap para masaktan sila … ; kayo na ayaw magpadama ng pagpapahalaga o pakikiramay … sa [isang taong] nagdurusa, na plano ninyong gawin … balang-araw, … humayo kaagad at gawin ninyo ang mga bagay na maaaring hindi na kayo magkaroon ng pagkakataong gawin kailanman.”15

Mahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko na ang pagpapatawad at pagtalikod sa mga pagkakasala, noon at ngayon, ay mahalaga sa kadakilaan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pinatototohanan ko na sa huli ay darating lamang ang gayong espirituwal na paggaling mula sa ating banal na Manunubos, Siya na humahangos para tulungan tayo “na may pagpapagaling sa kanyang mga bagwis.”16 Nagpapasalamat tayo sa Kanya, at sa ating Ama sa Langit na nagsugo sa Kanya, na ang pagpapanibago at muling pagsilang na iyon, ang isang kinabukasang malaya sa mga kalungkutan at pagkakamali ng nakaraan, ay hindi lamang posible kundi binili at binayaran na ng isang napakasakit na halaga na isinasagisag ng dugo ng Cordero na nagbuhos nito.

Sa awtoridad na ipinagkaloob sa akin ng Tagapagligtas ng mundo bilang apostol, pinatototohanan ko ang kapayapaan sa kaluluwa na ihahatid ng pakikipagkasundo sa Diyos at sa isa’t isa kung tayo ay mapagpakumbaba at may lakas ng loob na gawin iyon. “Tumigil sa pakikipagtalo sa isa’t isa,” ang pakiusap ng Tagapagligtas.17 Kung may alam kayong isang nakaraang pinsala, ayusin ito. Pangalagaan ang isa’t isa nang may pagmamahal.

Mahal kong mga kaibigan, sa ating nagkakaisang ministeryo ng pagkasundo hinihiling ko na maging tagapamayapa kayo—na mahalin ang kapayapaan, hangarin ang kapayapaan, lumikha ng kapayapaan, pahalagahan ang kapayapaan. Isinasamo ko iyan sa pangalan ng Prinsipe ng Kapayapaan, na nakaaalam ng lahat tungkol sa pagiging “[sugatan] sa bahay ng [Kanyang] mga kaibigan,”18 ngunit nagkaroon pa rin ng lakas na magpatawad at lumimot—at magpagaling—at maging maligaya. Iyan ang dalangin ko, para sa inyo at sa akin, sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.