Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 136


Bahagi 136

Ang salita at kalooban ng Panginoon, ibinigay sa pamamagitan ni Pangulong Brigham Young sa Winter Quarters, ng kampo ng Israel, Omaha Nation, sa kanlurang pampang ng ilog ng Missouri, malapit sa Council Bluffs, Iowa (Journal History of the Church, ika-14 ng Enero 1847).

1–16, Paano bubuuin ang kampo ng Israel para sa pakanlurang paglalakbay ay ipinaliwanag; 17–27, Ang mga Banal ay inutusang mamuhay sa pamamagitan ng napakaraming pamantayan ng ebanghelyo; 28–33, Ang mga Banal ay nararapat magsiawit, sumayaw, manalangin, at matuto ng karunungan; 34–42, Ang mga propeta ay pinapaslang upang sila ay maparangalan at ang masasama ay maparusahan.

1 Ang Salita at Kalooban ng Panginoon hinggil sa Kampo ng Israel sa kanilang paglalakbay patungong Kanluran:

2 Bumuo ng mga samahan ang lahat ng tao ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at yaong mga naglalakbay na kasama nila, ay mabuo sa mga samahan lakip ang isang tipan at pangakong susundin ang lahat ng kautusan at batas ng Panginoon nating Diyos.

3 Bumuo ng mga samahan nang may mga kapitan ng mga isandaan, mga kapitan ng mga limampu, at mga kapitan ng mga sampu, na may isang pangulo at kanyang dalawang tagapayo sa kanilang puno, sa ilalim ng tagubilin ng Labindalawang Apostol.

4 At ito ang ating magiging tipan—na tayo ay lalakad sa lahat ng ordenansa ng Panginoon.

5 Maglaan ang bawat samahan para sa kanilang sarili ng lahat ng pangkat, bagon, pagkain, damit, at iba pang mga kakailanganin sa paglalakbay na kaya nila.

6 Kapag ang mga samahan ay nabuo na pahayuin sila nang kanilang buong lakas, upang maghanda para sa mga yaong maiiwan.

7 Bawat samahan, kasama ang kanilang mga kapitan at pangulo, ay magpasiya kung gaano karami ang maaaring makaalis sa susunod na tagsibol; pagkatapos ay pumili ng sapat na bilang ng may malalakas na pangangatawan at mga sanay na lalaki, upang magdala ng mga pangkat, binhi, at kagamitang pansaka, upang humayo bilang mga tagapanguna at maghanda para sa pagtatanim ng mga pananim na pantagsibol.

8 Bawat samahan ay magdala ng magkasukat na panustos, alinsunod sa pakinabang ng kanilang ari-arian, sa pagsasama sa mga maralita, balo, ulila sa ama, at sa mag-anak ng mga yaong umanib sa hukbo, upang ang mga daing ng mga balo at ng mga ulila sa ama ay hindi makarating sa mga tainga ng Panginoon laban sa mga taong ito.

9 Bawat samahan ay maghanda ng mga bahay, at bukid na mapagtataniman ng butil, para sa mga yaong maiiwan sa panahong ito; at ito ang kalooban ng Panginoon hinggil sa kanyang mga tao.

10 Gamitin ng bawat tao ang lahat ng kanyang impluwensiya at ari-arian upang ilikas ang mga taong ito sa lugar na pagtatayuan ng Panginoon ng isang istaka ng Sion.

11 At kung gagawin ninyo ito nang may dalisay na puso, nang buong katapatan, kayo ay pagpapalain; kayo ay pagpapalain sa inyong mga tupahan, at sa inyong mga bakahan, at sa inyong mga bukid, at sa inyong mga bahay, at sa inyong mga mag-anak.

12 Magbuo ng samahan ang aking mga tagapaglingkod na sina Ezra T. Benson at Erastus Snow.

13 Magbuo ng samahan ang aking mga tagapaglingkod na sina Orson Pratt at Wilford Woodruff.

14 Gayon din, magbuo ng samahan ang aking mga tagapaglingkod na sina Amasa Lyman at George A. Smith.

15 At magtalaga ng mga pangulo, at kapitan ng mga daan-daan, at ng mga lima-limampu, at ng mga sampu-sampu.

16 At magsihayo at ang aking mga tagapaglingkod na natalaga at ituro ito, ang aking kalooban, sa mga banal, nang sila ay maging handa upang magtungo sa lupain ng kapayapaan.

17 Humayo sa inyong landas at gawin ang gaya ng sinabi ko sa inyo, at huwag katakutan ang inyong mga kaaway; sapagkat sila ay hindi magkakaroon ng kapangyarihang pigilin ang aking gawain.

18 Ang Sion ay matutubos sa aking sariling takdang panahon.

19 At kung sinumang tao ang maghangad na iangat ang kanyang sarili, at hindi hahanapin ang aking payo, siya ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan, at ang kanyang kahangalan ay malalantad.

20 Hanapin ninyo; at tuparin ang lahat ng inyong pangako sa isa’t isa; at huwag pag-imbutan yaong sa inyong kapatid.

21 Ilayo ang inyong sarili mula sa masama upang gamitin ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan, sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos, maging ang Diyos ng inyong mga ama, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac at ni Jacob.

22 Ako ang siyang nag-akay sa mga anak ni Israel palabas ng lupain ng Egipto; at ang aking bisig ay nakaunat sa mga huling araw, upang iligtas ang aking mga taong Israel.

23 Tumigil sa pakikipagtalo sa isa’t isa; tumigil sa pagsasalita ng masama sa isa’t isa.

24 Tumigil sa kalasingan; at ang inyong mga salita ay mauwi sa pagpapatibay sa isa’t isa.

25 Kung kayo ay humiram sa inyong kapwa, inyong ibabalik yaong inyong hiniram; at kung kayo ay hindi makababayad sa gayon ay magtungo kaagad at sabihin sa inyong kapwa, at baka kanya kayong isumpa.

26 Kung inyong matatagpuan yaong nawala sa inyong kapwa, kayo ay magsumigasig na maghanap hanggang sa inyong maibigay na muli ito sa kanya.

27 Kayo ay maging masigasig sa pag-iingat ng anumang mayroon kayo, nang kayo ay maging marunong na katiwala; dahil ito ay walang bayad na kaloob ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo ay kanyang katiwala.

28 Kung kayo ay masaya, purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng pag-awit, ng musika, ng pagsasayaw, at ng isang panalangin ng papuri at pasasalamat.

29 Kung kayo ay malungkot, manawagan sa Panginoon ninyong Diyos nang may pagsusumamo, upang ang inyong mga kaluluwa ay mangagalak.

30 Huwag katakutan ang inyong mga kaaway, sapagkat sila ay nasa aking mga kamay at aking gagawin ang aking kagustuhan sa kanila.

31 Ang aking mga tao ay kinakailangang masubukan sa lahat ng bagay, nang sila ay maging handa sa pagtanggap ng kaluwalhatiang mayroon ako para sa kanila, maging ang kaluwalhatian ng Sion; at siya na hindi makapagbabata ng pagpaparusa ay hindi karapat-dapat sa aking kaharian.

32 Siya na walang alam ay matuto ng karunungan sa pamamagitan ng pagpapakumbaba ng kanyang sarili at sa pagtawag sa Panginoon niyang Diyos, upang ang kanyang mga mata ay mabuksan nang siya ay makakita, at ang kanyang mga tainga ay mabuksan nang siya ay makarinig;

33 Sapagkat ang aking Espiritu ay isinugo sa daigdig upang bigyang-liwanag ang mga mapagpakumbaba at nagsisisi, at para sa kaparusahan ng mga di maka-diyos.

34 Ang inyong mga kapatid ay itinakwil kayo at ang inyong mga patotoo, maging ang bayan na nagtaboy sa inyo palabas;

35 At ngayon sumapit na ang araw ng kanilang kapahamakan, maging ang mga araw ng kalungkutan, tulad ng isang babaing hindi nagkaanak; at ang kanilang kalungkutan ay magiging matindi maliban kung sila ay kaagad na magsisisi, oo, nang kaagad-agad.

36 Sapagkat kanilang pinatay ang mga propeta, at sila na mga isinugo sa kanila; at sila ay nagpadanak ng dugo ng walang sala, na nananaghoy mula sa lupa laban sa kanila.

37 Samakatwid, huwag mamangha sa mga bagay na ito, sapagkat kayo ay hindi pa dalisay; hindi pa ninyo matatagalan ang aking kaluwalhatian; subalit inyo itong mamamalas kung kayo ay matapat sa pagtupad sa lahat ng aking salita na aking ibinigay sa inyo, mula noong mga araw ni Adan hanggang kay Abraham, mula kay Abraham hanggang kay Moises, mula kay Moises hanggang kay Jesus at sa kanyang mga apostol, at mula kay Jesus at sa kanyang mga apostol hanggang kay Joseph Smith, na aking tinawag sa pamamagitan ng aking mga anghel, na aking mga tagapaglingkod, at sa pamamagitan ng aking sariling tinig mula sa kalangitan, upang isagawa ang aking gawain;

38 Kung aling saligan ay kanyang inilatag, at naging matapat; at siya ay kinuha ko sa aking sarili.

39 Marami ang namangha dahil sa kanyang kamatayan; subalit kinakailangang kanyang tatakan ang kanyang patotoo ng kanyang dugo, upang siya ay maparangalan at ang masasama ay maparusahan.

40 Hindi ba’t iniligtas ko kayo mula sa inyong mga kaaway, sa pamamagitan lamang noon ako ay nakapag-iwan ng saksi sa aking pangalan?

41 Ngayon, samakatwid, makinig, O kayong mga tao ng aking simbahan; at kayong mga elder ay sama-samang makinig; inyong natanggap ang aking kaharian.

42 Maging masigasig sa pagsunod sa lahat ng aking kautusan, upang hindi sumapit sa inyo ang mga kahatulan, at ang inyong pananampalataya ay manghina, at ang inyong mga kaaway ay magwagi sa inyo. Sa ngayon ay wala na muna. Amen at Amen.