2010–2019
Katotohanan at ang Plano
Oktubre 2018


15:49

Katotohanan at ang Plano

Kapag naghahanap tayo ng katotohanan tungkol sa relihiyon, marapat na gumamit tayo ng mga espirituwal na paraan na akma sa paghahanap na iyon.

Binigyang-kahulugan ng makabagong paghahayag ang katotohanan bilang “kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” (Doktrina at mga Tipan 93:24). Iyan ang perpektong kahulugan para sa plano ng kaligtasan at “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”

Nabubuhay tayo sa panahon ng labis na pinalawak at pinalaganap na impormasyon. Ngunit hindi lahat ng impormasyon na ito ay totoo. Kailangan tayong maging maingat kapag naghahanap ng katotohanan at namimili ng mga sanggunian para sa paghahanap na iyon. Hindi natin dapat ituring ang sekular na kasikatan o awtoridad bilang angkop na sanggunian ng katotohanan. Dapat tayong maging maingat sa pagtitiwala sa impormasyon o payo na ibinigay ng mga artista, sikat na mga atleta, o hindi kilala na mga sanggunian sa internet. Ang kahusayan sa isang larangan ay hindi dapat ituring na kahusayan sa katotohanan sa iba pang larangan.

Dapat din tayong maging maingat sa layunin ng taong nagbibigay ng impormasyon. Ito ang dahilan kaya binalaan tayo ng mga banal na kasulatan laban sa huwad na pagkasaserdote (tingnan sa 2 Nephi 26:29). Kung ang pinagmulan ng impormasyon ay hindi kilala o nakatago, maaari ring pagdudahan ang impormasyon.

Ang ating mga pansariling pasya ay dapat ibatay sa impormasyon mula sa mga sanggunian na angkop sa pinag-uusapan at walang makasariling layunin.

I.

Kapag naghahanap tayo ng katotohanan tungkol sa relihiyon, dapat tayong gumamit ng espirituwal na mga paraan na angkop para sa paghahanap na iyon: panalangin, ang pagpapatotoo ng Espiritu Santo, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga makabagong propeta. Nalulungkot ako kapag nakaririnig ako tungkol sa isang tao na nawawalan ng pananampalataya sa relihiyon dahil sa mga sekular na turo. Ang mga taong dating nagkaroon ng espirituwal na pananaw ay maaaring magdusa sa espirituwal na pagkabulag na ang sarili niya mismo ang may gawa. Tulad ng sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, “Ang problema nila ay wala sa inaakala nilang nakikita nila; ito ay nasa hindi pa nila nakikita.”1

Inaakay tayo ng pamamaraan ng agham sa tinatawag nating katotohanan ng agham. Ngunit ang “katotohanan ng agham” ay hindi ang kabuuan ng buhay. Ang mga hindi natututo “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118) ay nililimitahan ang pag-intindi nila sa katotohanan sa mga bagay na napapatunayan sa pamamagitan ng mga siyentipikong paraan. Ito ay naglalagay ng artipisyal na limitasyon sa paghahanap nila ng katotohanan.

Sinabi ni Pangulong James E. Faust: “Ang mga [nabinyagan] ay inilalagay sa peligro ang kanilang mga kaluluwa sa pamamagitan ng hindi maingat na paghangad lamang ng sekular na sanggunian sa pag-aaral. Naniniwala tayo na nasa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kabuuan ng ebanghelyo ni Cristo, na siyang pinakadiwa ng katotohanan at walang hanggang kaliwanagan.”2

Nakahahanap tayo ng totoo at nagtatagal na kaligayahan sa pag-alam at pagkilos ayon sa mga katotohanan tungkol sa kung sino tayo, sa kahulugan ng mortal na buhay, at kung saan tayo pupunta matapos nating mamatay. Ang mga katotohanang iyon ay hindi matututuhan sa pamamagitan ng siyentipiko o sekular na pamamaraan.

II.

Ngayon ay magsasalita ako tungkol sa mga ipinanumbalik na katotohanan ng ebanghelyo na pangunahin sa doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Mangyaring pag-isipan ang mga katotohanang ito nang mabuti. Ipinapaliwanag nito ang karamihan sa ating doktrina at mga gawi, na maaaaring kinabibilangan ng ilang mga bagay na hindi pa naiintindihan.

Mayroong Diyos, na mapagmahal na Ama ng mga espiritu ng lahat ng nabuhay o mabubuhay.

Ang kasarian ay walang hanggan. Bago tayo ipinanganak dito sa lupa, tayo ay nabuhay bilang mga lalaki o babaing espiritu sa presensya ng Diyos.

Karirinig lamang natin sa Tabernacle Choir sa Temple Square na kumanta ng “Susundin Ko ang Plano ng Diyos.”3 Iyon ang plano ng Diyos na itinatag ng Diyos upang ang lahat ng Kanyang espiritung mga anak ay umunlad nang walang hanggan. Ang planong iyon ay napakahalaga sa bawat isa sa atin.

Ayon sa planong iyon, ginawa ng Diyos ang mundo upang maging isang lugar kung saan maaaring ipanganak sa mortalidad ang Kanyang minamahal na mga espiritung anak upang tumanggap ng mortal na katawan at magkaraoon ng pagkakataon na umunlad sa walang hanggan sa pamamagitan ng pagpili ng tama.

Upang maging makabuluhan, ang mortal na pagpili ay kinakailangang gawin sa pagitan ng magkasalungat na puwersa ng mabuti at masama. Kinakailangang magkaroon ng oposisyon at, samakatwid, ng kaaway, na itinakwil dahil sa paghihimagsik, at hinayaang tuksuhin ang mga anak ng Diyos na kumilos nang salungat sa plano ng Diyos.

Ang layunin ng plano ng Diyos ay bigyan ang Kanyang mga anak ng pagkakataon na piliin ang buhay na walang hanggan. Ito ay maaari lamang mangyari sa pamamagitan ng karanasan sa mortalidad at, pagkatapos ng kamatayan, sa pamamagitan ng pag-unlad sa mundo ng mga espiritu.

Sa mortal na buhay, tayo ay madurumihan ng kasalanan kapag nagpatangay tayo sa masasamang panunukso ng kalaban, at kalaunan tayo ay mamamatay. Tinanggap natin ang mga pagsubok na nagtitiwala sa katiyakan ng plano na ang Diyos na ating Ama ay magpapadala ng Tagapagligtas, ang Kanyang Bugtong na Anak, na magliligtas sa atin sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli upang magkaroon ng katawan matapos ang kamatayan. Ang Tagapagligtas ay magbabayad-sala rin bilang kabayaran upang ang lahat ay malinis mula sa kasalanan batay sa mga kundisyon na ibinigay Niya. Kabilang sa mga kundisyon na ito ang pananampalataya kay Cristo, pagsisisi, binyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at iba pang ordenansa na isinasagawa nang may awtoridad ng priesthood.

Ang dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos ay nagtutulot ng perpektong balanse sa pagitan ng walang hanggang hustisya at awa na matatamo natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Binibigyang-kakayahan rin tayo nito na maging mga bagong nilalang kay Cristo.

Ang isang mapagmahal na Diyos ay lumalapit sa bawat isa sa atin. Alam natin na sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal at dahil sa Pagbabayad-sala ng Kanyang Bugtong na Anak,”ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng [Kanyang] Ebanghelyo.” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay angkop na kinikilala bilang Simbahan na nakasentro sa pamilya. Ngunit ang hindi masyadong naiintindihan ng iba ay na ang pagtuon natin sa pamilya ay hindi lamang nakatuon sa relasyon sa mortal na buhay. Ang walang hanggang mga relasyon ay napakahalaga sa ating teolohiya. “Ang mag-anak ay inorden ng Diyos.”4 Sa ilalim ng dakilang plano ng ating mapagmahal na Lumikha, ang misyon ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan ay tulungan tayong matamo ang pagpapalang mula sa Diyos na kadakilaan sa kahariang selestiyal, na maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng walang hanggang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–3). Pinagtitibay namin ang turo ng Panginoon na “ang kasarian ay mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan” at na “ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa Kanyang walang hanggang plano.”5

Panghuli, ang pagmamahal ng Diyos ay napakadakila na, maliban na lamang sa iilan na piniling maging mga anak na lalaki ng kapamahakan, naglaan Siya ng isang tadhana ng kaluwalhatian para sa lahat ng Kanyang anak. Kabilang sa “lahat ng Kanyang anak” ang mga namatay na. Nagsasagawa tayo ng mga ordenansa para sa kanila sa pamamagitan ng proxy sa ating mga templo. Ang layunin ng Simbahan ni Jesucristo ay gawing marapat ang Kanyang mga anak para sa pinakamataas na antas ng kaluwalhatian, na kadakilaan o buhay na walang hanggan. Para sa mga hindi nagnanais nito o di-marapat para rito, naglaan ang Diyos ng iba, bagamat mas mababang mga kaharian ng kaluwalhatian.

Sinumang nakaiintindi ng mga walang hanggang katotohanang ito ay mauunawaan kung bakit tayong mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nag-iisip at gumagawa ng mga iniisip at ginagawa natin.

III.

Ngayon ay magbabanggit ako ng ilang pagsasabuhay ng mga walang hanggang katotohanan na ito, na maaari lamang maintindihan kung isasaalang-alang ang plano ng Diyos.

Una, iginagalang natin ang indibiduwal na kalayaang pumili. Alam ng karamihan ang malalaking pagsisikap ng Simbahan na itaguyod ang kalayaang panrelihiyon sa Estados Unidos at sa buong mundo. Ang mga pagsisikap na ito ay hindi lamang nagtataguyod ng ating mga pansariling interes ngunit, ayon sa Kanyang plano, ay nagnanais na tumulong sa lahat ng anak ng Diyos na magkaroon ng kalayaang pumili.

Pangalawa, tayo ay mga taong gumagawa ng gawaing misyonero. Kung minsan ay tinatanong tayo kung bakit tayo nagpapadala ng mga missionary sa napakaraming mga bansa, kahit sa mga bansang Kristiyano. Natatanggap din natin ang kaparehas na tanong kung bakit nagbibigay tayo ng milyun-milyong dolyar na humanitarian aid sa mga hindi miyembro ng Simbahan at bakit hindi natin iniuugnay ang tulong na ito sa ating mga pagsisikap sa gawaing misyonero. Ginagawa natin ito dahil kinikilala natin ang lahat ng tao bilang mga anak ng Diyos—ang ating mga kapatid—at nais nating ibahagi ang ating espirituwal at temporal na kasaganaan sa lahat.

Pangatlo, ang buhay ay sagrado para sa atin. Dahil sa ating katapatan sa plano ng Diyos ay tinututulan natin ang pagpapalaglag o abortion at pagpatay dahil sa awa o euthanasia.

Pang-apat, ang ilan ay nababahala sa paniniwala ng Simbahan sa kasal at pag-aanak. Dahil sa ating kaalaman sa ipinahayag na plano ng kaligtasan ng Diyos ay tinututulan natin ang impluwensya at pamimilit ng lipunan at batas na iwanan ang tradisyonal na kasal o gumawa ng mga pagbabago na nanlilito o nagbabago ng kasarian o inaalis ang mga pagkakaiba sa pagitan ng lalaki at babae. Alam natin na ang mga relasyon, pagkakakilanlan, at tungkulin ng mga lalaki at babae ay kailangan upang magawa ang dakilang plano ng Diyos.

Panglima, mayroon tayong naiibang pananaw sa mga anak. Itinuturing natin ang pagdadalantao at pag-aaruga sa mga anak bilang bahagi ng plano ng Diyos at isang nakagagalak at sagradong tungkulin ng mga binigyan ng kapangyarihan na gawin ito. Sa ating pananaw, ang pinakamalaking yaman sa lupa at sa langit ay ang ating mga anak at ang ating angkan. Samakatwid, dapat nating ituro at ipaglaban ang mga alituntunin at gawi na nagbibigay ng pinakamainam na kalagayan para sa pag-unlad at kasiyahan ng mga bata—lahat ng bata.

Panghuli, lahat tayo ay mga minamahal na anak ng isang Ama sa Langit, na nagturo sa atin na ang pagiging lalaki at babae, ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, at ang pagdadalantao at pag-aaruga ng mga bata ay mahalaga sa Kanyang plano ng kaligayahan. Ang ating paniniwala sa mga saligang ito ay madalas na nagdudulot ng pagsalungat sa Simbahan. Nalalaman natin na hindi ito maiiwasan. Ang pagsalungat ay bahagi ng plano, at ang pinakamatinding pagsalungat ni Satanas ay nakatuon sa kung ano ang pinakamahalaga sa plano ng Diyos. Nilalayon niya na wasakin ang gawain ng Diyos. Ang pangunahing mga pamamaraan niya ay pabulaanan ang tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang banal na awtoridad, burahin ang epekto ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hikayatin ang mga tao na huwag magsisi, gumawa ng huwad na paghahayag, at tutulan ang indibiduwal na pananagutan. Nais din niya na lituhin ang kasarian, sirain ang mga kasal, at sikaping pigilin ang pagkakaroon ng anak—lalo na ng mga magulang na magpapalaki ng mga bata sa katotohanan.

IV.

Ang gawain ng Panginoon ay patuloy na susulong sa kabila ng organisado at madalas na pagsalungat na kinakaharap natin habang sinisikap natin na gawin ang mga turo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Para sa mga nanghihina dahil sa pagsalungat na ito, iminumungkahi ko ang mga sumusunod.

Tandaan ang alituntunin ng pagsisi na ginagawang posible ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Gaya ng panghihimok ni Elder Neal A. Maxwell, huwag maging kabilang sa mga “mas pumipiling baguhin ang Simbahan kaysa baguhin ang sarili nila.”6

Gaya ng hinihikayat ni Elder Jeffrey R Holland:

Manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman. …

“…Sa Simbahang ito, mas mahalaga ang alam natin kaysa hindi natin alam.”7

Manampalataya sa Panginoong Jesucristo, na siyang unang alituntunin ng ebanghelyo.

Panghuli, humingi ng tulong. Ang mga lider ng Simbahan ay mahal kayo at naghahangad ng espirituwal na gabay upang tulungan kayo. Nagbibigay kami ng maraming sanggunian tulad ng makikita ninyo sa LDS.org.at iba pang mga tulong para sa pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan. Mayroon din tayong mga ministering brother at sister na tinawag upang magbigay ng mapagmahal na tulong.

Nais ng ating mapagmahal na Ama sa Langit na magkaroon ng kaligayahan ang Kanyang mga anak na siyang layunin ng paglikha sa atin. Ang maligayang tadhanang ito ay ang buhay na walang hanggan, na matatamo natin sa pamamagitan ng pagsulong sa madalas na tawagin ni Pangulong Russell M. Nelson na “landas ng tipan.” Ito ang sinabi niya sa kanyang unang mensahe bilang Pangulo ng Simbahan: “Manatili sa landas ng tipan. Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.”8

Taimtim kong pinatototohanan na ang mga bagay na sinabi ko ay totoo, at ang mga ito ay ginagawang posible ng mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na Siyang gumawa upang maging posible ang lahat ng ito sa ilalim ng dakilang plano ng Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.