Paglalagay ng Saligan ng Isang Dakilang Gawain
Ang mga aral na naituturo sa pamamagitan ng mga tradisyon na nililikha natin sa ating mga tahanan, bagamat maliit at simple, ay lalong nagiging mahalaga sa mundo ngayon.
Bilang mga magulang sa Sion, mayroon tayong banal na responsibilidad na pukawin sa ating mga anak ang masidhing pagnanais at katapatan sa kagalakan, liwanag, at mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Habang pinapalaki ang ating mga anak, lumilikha tayo ng mga tradisyon sa loob ng ating mga tahanan at gumagawa ng huwaran ng komunikasyon at pag-uugali sa ating mga relasyon bilang pamilya. Sa paggawa nito, ang mga tradisyon na nililikha natin ay dapat humubog ng matatag at hindi nagbabagong katangian ng kabutihan sa ating mga anak na magbibigay sa kanila ng lakas na harapin ang mga pagsubok ng buhay.
Sa loob ng maraming taon, ginagawa ng aming pamilya ang taunang tradisyon ng pag-akyat sa taas ng bundok ng Uintah Mountains sa hilaga-silangang Utah. Naglalakbay kami ng 20 milya (32 km) sa mabato at maputik na kalsada para makarating sa magandang luntiang lambak, na may matataas na canyon wall, kung saan dumadaloy ang isang ilog na puno ng malamig at malinaw na tubig. Bawat taon, sa pag-asa na mapagtibay muli ang halaga ng doktrina at gawain ng ebanghelyo sa puso ng aming mga anak at apo, sinasabi namin ni Susan sa bawat isa sa aming anim na anak na lalaki at sa kanilang pamilya na maghanda ng isang maikling mensahe sa isang paksa na sa tingin nila ay mahalagang elemento sa saligan ng isang tahanang nakasentro kay Cristo. Pagkatapos ay nagtitipon kami para sa isang debosyonal ng pamilya sa isang tahimik na lugar, at bawat isa ay nagbabahagi ng kanilang mensahe.
Ngayong taon, isinulat ng mga apo namin ang paksa ng kanilang mensahe sa mga bato, at, paisa-isa itong ibinaon nang magkakatabi, na sumasagisag ng isang matatag na saligan kung saan maitatatag ang isang masayang buhay. Nakapaloob sa lahat ng anim na mensahe nila ang hindi nagbabago at walang hanggang katotohanan na si Jesucristo ang batong panulok ng saligan na iyon.
Sa mga salita ni Isaias, “Narito, aking inilalagay sa Sion na pinakapatibayan ang isang bato, isang batong subok, isang mahalagang batong panulok na may matibay na patibayan.”1 Si Jesucristo ang mahalagang batong panulok sa saligan ng Sion. Siya ang naghayag kay Propetang Joseph Smith: “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.”2
Ang mga aral na naituturo sa pamamagitan ng mga tradisyon na nililikha natin sa ating mga tahanan, bagamat maliit at simple, ay lalong nagiging mahalaga sa mundo ngayon. Ano ang maliliit at simpleng mga bagay na, kapag itinatag, ay magsasakatuparan ng dakilang gawain sa buhay ng ating mga anak?
Kamakailan, nagsalita si Pangulong Russell M. Nelson sa isang malaking kongregasyon malapit sa Toronto, Canada, at masidhing ipinaalala sa mga magulang ang banal na responsibilidad na turuan ang ating mga anak. Kabilang sa mahahalagang responsibilidad na tinukoy, binigyang-diin ni Pangulong Nelson ang tungkulin ng mga magulang na turuan ang ating mga anak na maintindihan kung bakit tayo nakikibahagi sa sakramento, ang halaga ng maisilang sa tipan, at halaga ng paghahanda para sa at pagtanggap ng patriarchal blessing, at hinikayat niya ang mga magulang na pamunuan ang pagbabasa ng mga banal na kasulatang nang magkakasama bilang pamilya.3 Sa pamamagitan ng mga pagsisikap na ito, hinihikayat tayo ng minamahal nating propeta na gawing “santuwaryo ng pananampalataya” ang ating mga tahanan.4
Sa Aklat ni Mormon, itinala ni Enos ang malaking pasasalamat na naramdaman niya para sa halimbawa ng kanyang ama, na “[nagturo sa kanya] sa kanyang wika, at gayundin sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon.” Dama ang matinding emosyon, ipinahayag ni Enos, “At purihin ang pangalan ng aking Diyos dahil dito.”5
Pinahahalagahan ko ang maliliit at simpleng tradisyon na ginagawa namin sa aming tahanan sa mahigit 35 na taon ng aming kasal. Marami sa aming mga tradisyon ay hindi magarbo ngunit may kahulugan. Halimbawa:
-
Sa mga gabi na wala ako sa aming tahanan, alam ko na sa patnubay ni Susan, ang aming pinakamatandang anak na lalaki na naroroon ay gagawin, nang kusa, na pangunahan ang pagbabasa ng pamilya ng banal na kasulatan at pagdarasal bilang pamilya.6
-
Isa pang tradisyon––hindi kami umaalis sa aming tahanan o tinatapos ang pag-uusap sa telepono nang hindi nagsasabing, “Mahal kita.”
-
Ang mga buhay namin ay nabiyayaan ng regular na pag-uukol ng oras na makausap nang personal ang bawat isa sa aming mga anak na lalaki. Sa isang pag-uusap namin, tinanong ko ang aking anak tungkol sa kanyang kagustuhan at paghahanda na maglingkod sa mission. Matapos ang pag-uusap-usap, nagkaroon ng sandaling katahimikan, pagkatapos ay humilig siya paharap at mapag-isip na sinabi, “Itay, natatandaan niyo po ba noong maliit pa ako at nagsimula tayong mag-usap nang sarilinan?” Ang sabi ko’y “Oo.” “Kung ganoon,” sabi niya, “nangako ako sa inyo na magmimisyon ako, at nangako kayo sa akin ni inay na magmimisyon kayo kapag matanda na kayo.” Pagkatapos ay tumigil siyang muli. “Mayroon ba kayong problema na sa tingin ninyo ay pipigil sa inyo na maglingkod—kasi baka makatulong po ako?”
Ang mga kapaki-pakinabang na tradisyon ng pamilya na kinabibilangan ng panalangin, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, family home evening, pagdalo sa mga miting ng Simbahan, bagamat tila maliit at simple ay lumilikha ng kultura ng pagmamahal, pagrespeto, pagkakaisa, at seguridad. Sa diwa na kasama ng mga pagsisikap na ito, napoprotektahan ang ating mga anak sa nag-aapoy na sibat ng kaaway na nakapaloob sa makamundong kultura ng ating panahon.
Napapaalalahanan tayo ng matalinong payo ni Helaman sa kanyang anak: “Tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”7
Maraming taon na ang nakalipas, nang naglilingkod ako bilang isang batang bishop, may isang nakatatandang lalaki na humiling na makipagkita sa akin. Inilarawan niya ang pag-alis niya sa Simbahan at ang mabuting mga tradisyon ng kanyang mga magulang noong kabataan niya. Inilarawan niya nang malinaw ang sakit na naranasan niya sa buhay habang walang saysay na naghahanap ng nagtatagal na kaligayahan, sa gitna ng panandaliang kasiyahan na ibinibigay ng mundo. Ngayon, sa kanyang pagtanda, naranasan niya ang banayad, at paminsan-minsa’y paulit-ulit na bulong ng Espiritu ng Diyos na ibinabalik siya sa mga aral, gawi, pakiramdam, at espirituwal na kaligtasan ng kanyang kabataan. Nagpahayag siya ng pasasalamat sa mga tradisyon ng kanyang mga magulang, at sa mas makabagong pananalita, inulit niya ang sinabi ni Enos: “Purihin ang pangalan ng aking Diyos dahil dito.”
Sa aking karanasan, ang pagbalik ng minamahal na kapatid na ito sa ebanghelyo ay makikita sa karamihan at nauulit madalas sa mga anak ng Diyos na pansamantalang umalis, at muling bumalik sa mga turo at gawi ng kanilang kabataan. Sa mga sandaling ito, nakikita natin ang katalinuhan ng nagsulat ng kawikaan, na humihikayat sa mga magulang, “Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagkatumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.”8
Bawat magulang ay humaharap sa mga pagkakataon ng kabiguan at magkakaibang antas ng determinasyon at lakas habang nagpapalaki ng mga anak. Gayunman, kapag ang mga magulang ay nagpapakita ng pananampalataya sa pamamagitan ng patuloy na pagtuturo sa mga bata, nang tapat, may pagmamahal, at ginagawa ang lahat ng makakaya nila para tulungan sila, nakatatanggap sila ng mas malaking pag-asa na ang mga binhing itinanim ay mag-uugat sa mga puso at isip ng kanilang mga anak.
Naintindihang mabuti ni Moises ang pangunahing pangangailangan ng patuloy na pagtuturo. Ipinayo niya, “At iyong ituturo [ang mga salitang ito] ng buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga, at pagka ikaw ay bumabangon.”9
Lumuluhod tayo katabi ng ating mga anak habang nagdarasal bilang pamilya, inaalagaan natin sila sa pamamagitan ng mga pagsisikap natin na magdaos ng makabuluhang pagbabasa ng mga banal na kasulatan bilang pamilya, matiyaga, mapagmahal natin silang inaalagaan habang magkakasama tayong nakikilahok sa family home evening, at nagdadalamhati tayo para sa kanila habang nakaluhod sa ating personal na mga panalangin sa langit. O, tunay na hinahangad natin na mag-ugat ang mga binhi na itinatanim natin sa kanilang mga puso at isipan.
Naniniwala ako na hindi ito tanong kung “nakukuha” ba ng ating mga anak ang ating mga itinuturo, tulad ng pagsisikap na makapagbasa ng mga banal na kasulatan o mag-family home evening o dumalo sa Mutual at iba pang mga miting ng Simbahan. Hindi ito tanong kung sa mga sandaling iyon ay naiintindihan ba nila ang kahalagahan ng mga gawain na iyon ngunit ang itinatanong rito ay tayo ba, bilang mga magulang, ay nagpapakita ng sapat na pananampalataya na masunod ang utos ng Panginoon na masigasig na mamuhay, magturo, maghikayat, at magtakda ng mga inaasahan na inspirasyong nagmumula sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ito ay isang pagsisikap na bunsod ng ating pananampalataya––ng ating paniniwala na isang araw, ang mga binhi na itinanim sa kanilang kabataan ay mag-uugat at magsisimulang tumubo at lumago.
Ang mga bagay na pinag-uusapan natin, ang mga bagay na ipinangangaral at itinuturo natin ang magpapasiya sa mga bagay na mangyayari sa atin. Habang lumilikha tayo ng kapaki-pakinabang na mga tradisyon na nagtuturo ng doktrina ni Cristo, pinapatotohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan ng ating mensahe at pinalalaki ang mga binhi ng ebanghelyo na malalim na nakatanim sa puso ng ating mga anak sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.