2018
Mga Miting sa Ikalawa at Ikatlong Linggo
May 2018


Mga Miting sa Ikalawa at Ikatlong Linggo

Sa ikalawa at ikatlong Linggo ng bawat buwan, ang mga elders quorum at Relief Society ay mag-aaral mula sa mga turo ng mga lider ng Simbahan mula sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya. Dapat na bigyang-diin ang mga mensahe ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Gayunman, batay sa mga lokal na pangangailangan at inspirasyon mula sa Espiritu, maaaring talakayin ang anumang mensahe mula sa pinakahuling kumperensya.

Kadalasan, ang elders quorum o panguluhan ng Relief Society ang pipili ng isang mensahe sa kumperensya na pag-aaralan batay sa mga pangangailangan ng mga miyembro, bagama’t maaaring magbigay ng suhestiyon ang bishop o stake president. Ang mga lider ay maaaring pumili ng isang mensaheng nauugnay sa paksang tinalakay sa nakalipas na council meeting sa unang linngo, o maaari silang pumili ng isang mensahe na iba ang paksa, batay sa inspirasyon mula sa Espiritu.

Dapat na humanap ng mga paraan ang mga lider at titser na hikayatin ang mga miyembrong basahin ang mga piniling mensahe nang mas maaga at maghandang ibahagi ang mga katotohanan ng ebanghelyo at mga ideya kung paano gagawan ng aksiyon ang mga ito. Ang iminungkahing mga aktibidad sa pag-aaral na nasa ibaba, na batay sa mga alituntunin sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, ay makatutulong sa mga miyembro na matuto mula sa mga mensahe ng pangkalahatang kumperensya.

President M. Russell Ballard

M. Russell Ballard, “Mga Natatanging Kaloob mula sa Diyos,” 9–11

Ang mensahe ni Pangulong Ballard ay tumatalakay sa iba‘t ibang paksa—kabilang na ang mga propeta, pananampalataya kay Cristo, ang sakramento at paglilingkod—at maaaring ipalagay ng mga miyembro ng iyong korum o Relief Society ang magkakaibang paksa na mas makabuluhan. Sabihin sa mga miyembro na magbahagi ng isang bagay mula sa mensaheng ito na nagbigay-inspirasyon sa kanila. Anong mga paanyaya o ipinangakong pagpapala ang nakikita natin sa mensahe ni Pangulong Ballard? Sabihin sa mga miyembro na pagnilayan ng ilang minuto kung ano ang inspirado nilang gawin bunga ng talakayang ito.

Elder Gary E. Stevenson

Gary E. Stevenson, “Ang Puso ng Isang Propeta,” 17–20

Para tulungan ang mga miyembrong “maunawaan ang kahalagahan” ng tungkulin ng isang bagong propeta, sabihin mo sa mga miyembrong saliksikin ang mensahe ni Elder Stevenson, na inaalam ang mga katotohanan at ideyang nakatutulong sa kanila na maunawaan ang kahalagahan at kasagraduhan ng banal na prosesong ito. Sabihin sa mga miyembro na magbahagi ng naramdaman nila noong mga oras ng kapita-pitagang kapulungan kung saan sinang-ayunan si Pangulong Nelson bilang Pangulo ng Simbahan. Magdrowing ka ng isang puso sa pisara at ipasulat dito sa mga miyembro ang mga salita o pariralang naglalarawan sa puso at pagkatao ni Pangulong Nelson. Ano ang itinuro niya na nagpala sa atin?

Elder Neil L. Andersen

Neil L. Andersen, “Ang Propeta ng Diyos,” 24–27

Ang pagtalakay sa mensahe ni Elder Andersen ay makapagpapatibay sa pananampalataya ng mga miyembro sa mga buhay na propeta. Sabihin mo sa kanila na maghanap sa kanyang mensahe ng isang bagay na makatutulong sa kanila na maunawaan kung bakit ang Diyos ay may mga propeta sa mundo at kung bakit sinusunod natin sila. Paano tayo pinagpapala dahil may propeta tayo? Maibabahagi ng mga miyembro kung paano sila nagkaroon ng patotoo na si Pangulong Russell M. Nelson ay propeta ng Panginoon at Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Elder David A. Bednar

David A. Bednar, “Maamo at May Mapagpakumbabang Puso,” 30–33

Para pukawin ang talakayan tungkol sa mensahe ni Elder Bednar, isulat mo sa pisara Ang Kaamuan ay … at Ang Kaamuan ay hindi … Pagkatapos ay maaari nang saliksikin ng mga miyembro ang mensahe ni Elder Bednar at ipasulat sa pisara ang mga pariralang makikita nila para kumpletuhin ang mga pahayag na ito. Ano ang matututuhan natin mula sa mensaheng ito na humihikayat sa ating maging mas maamo? Anong mga halimbawa ng kababaang-loob ang naiisip natin? Paano natin maisasabuhay ang payo ni Elder Bednar na maging mas maamo?

Sister Bonnie L. Oscarson

Bonnie L. Oscarson, “Mga Kabataang Babae sa Gawain,” 36–38

Ang mga tanong ay isang paraan para maanyayahan ang pagninilay. Isulat mo sa pisara ang ilang katanungang sinagot ng mensahe ni Sister Oscarson, gaya ng Paano natin maisasali ang mga kabataang babae sa gawain ng Panginoon? Sabihin sa mga miyembro na saliksikin ang kanyang mensahe para sa mga sagot sa mga tanong na ito at talakayin ang natutuhan nila. Anong mga pagpapala ang dumarating kapag kabilang ang mga kabataang babae sa paglilingkod? Maibabahagi ng mga miyembro ng klase ang mga naging karanasan nila sa paglilingkod kabalikat ang mga kabataang babae. Batay sa ating talakayan, ano ba ang inspirado nating gawin?

Elder Dale G. Renlund

Dale G. Renlund, “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” 46–49

Nagsalita si Elder Renlund tungkol sa pangitain ni Ezekiel ng isang templong nilalabasan ng tubig (tingnan sa Ezekiel 47:8–9). Ipadrowing sa isang miyembro ng korum o Relief Society ang isang larawan ng pangitaing ito sa pisara. Paano nahahalintulad ang mga pagpapala ng temple at family history sa tubig sa pangitain ni Ezekiel? Sabihin mo sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga naging karanasan nila sa mga pagpapala ng templo at family history. Ano ang magagawa natin para maging bahagi na ng buhay natin ang family history at gawain sa templo?

Elder D. Todd Christofferson

D. Todd Christofferson, “Ang Elders Quorum,” 55–58

Sa elders quorum, sabihin mo sa mga miyembro ng korum na basahin ang bahagi ng mensahe ni Elder Christofferson na may pamagat na “Ang Layunin ng mga Pagbabagong Ito.” Ano ang magagawa natin para matiyak na maisasakatuparan natin ang mga layuning ito? Sa Relief Society, tumawag ka ng isang taong magbubuod ng mga pagbabago sa mga Korum ng Melchizedek Priesthood na inilarawan ni Elder Christofferson. Pagkatapos ay ipatukoy sa mga sister ang mga alituntuning ipinahiwatig sa mga pagbabagong ito na maiaangkop sa gawain ng Relief Society ninyo. Sa elders quorum o Relief Society, maaaring talakayin ng mga miyembro ang natutuhan nila mula sa kuwento ni Brother Goates at kung paano ito naaangkop sa kanilang gawain.

Elder Ronald A. Rasband

Ronald A. Rasband, “Masdan! Hukbong Kaygiting,” 58–61

Marahil ang sama-samang pag-awit, pakikinig, o pagbasa ng mga titik ng “Masdan! Hukbong Kaygiting” (Mga Himno, blg. 153) ay makapagbibigay-inspirasyon sa talakayan tungkol sa mensahe ni Elder Rasband. Paano nahahalintulad ang mga korum ng priesthood at Relief Society sa isang maharlikang hukbo? Maaari ring hanapin at talakayin ng mga miyembro ang “napakaraming pagpapala” na binanggit ni Elder Rasband na sasapit sa pagsasaayos ng mga korum ng priesthood. Ano ang iba pang mga pagpapalang natanggap natin—o inaasahan nating matatanggap—mula sa pagpapatupad ng mga pagbabagong ito? Paano rin ganap na matatanggap ng mga Relief Society ang mga pagpapalang tulad ng “magkakaibang kaloob” at “pagtuturo”?

President Henry B. Eyring

Henry B. Eyring, “Inspiradong Pagmiministeryo,” 61–64

Ikinuwento ni Pangulong Eyring ang dalawang mensahe sa sacrament meeting tungkol sa pagmiministeryong hinangaan niya. Sabihin mo sa kalahati ng korum o Relief Society na rebyuhin ang mga salita ng 14-na-taong-gulang na binatilyo at sa natitirang kalahati naman ang kuwento tungkol sa home teacher. Habang nagbabasa sila, sabihin sa mga miyembro na mag-isip ng maipapayo nila sa isang binatilyo o dalagita na bagong itinalagang maglingkod sa isang tao. Paano tayo magiging “mas inspirado at mapagkawanggawa … sa pagmiministeryo natin”?

President Dallin H. Oaks

Dallin H. Oaks, “Ang mga Kapangyarihan ng Priesthood,” 65–68

Para simulan ang isang talakayan, isulat mo ang mga pamagat ng apat na bahagi ng mensahe ni Pangulong Oaks sa pisara. Pagkatapos ay sabihin sa bawat miyembro na basahin nang tahimik ang isang bahagi at magsulat pagkatapos sa pisara ng isang pangungusap na nagbubuod ng pangunahing mensahe ng bahaging iyon. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga miyembro ang inspirado nilang gawin dahil sa nabasa nila. Paano bubuti ang paglilingkod natin bilang mga priesthood holder o sister ng Relief Society kapag ipinamuhay natin ang mga turo sa mensahe ni Pangulong Oaks?

President Russell M. Nelson

Russell M. Nelson, “Paglilingkod nang may Kapangyarihan at Awtoridad ng Diyos,” 68–75

Inaanyayahan ni Pangulong Nelson ang mga priesthood holder na “bumangon” at gamitin ang priesthood upang pagpalain ang mga anak ng Ama sa Langit. Sabihin sa mga miyembro ng iyong korum o Relief Society na hanapin ang mga halimbawang ibinibigay niya at talakayin kung paano nakatutulong ang mga ito upang maunawaan natin kung paano magagamit ang priesthood para pagpalain ang kanilang pamilya at iba pa. Anong mga karanasan ang maibabahagi natin nang pinagpala tayo ng kapangyarihan ng priesthood? Paano natin matutulungan ang iba o ang ating sarili na magkaroon ng pananampalatayang gamitin ang priesthood ng Diyos na “maglingkod sa Kanyang pangalan”?

Sister Reyna I. Aburto

Reyna I. Aburto, “Matibay na Nangagkakaisa,” 78–80

Nagbibigay ng pagkakataon ang mensahe ni Sister Aburto sa iyong quorum o sa Relief Society na suriin kung gaano kayo kahusay sa pakikiisa sa paggawa ng gawain ng Panginoon. Para matulungan ang mga miyembrong gawin ito, ipakita mo ang mga larawan ng mga monarch butterfly, ang pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Nephita (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, 82, 83, 84), at pagkakawanggawa ng Simbahan (tingnan sa LDS.org). Maaaring saliksikin ng mga miyembro ang mensahe at tuklasin kung paano ginamit ni Sister Aburto ang mga halimbawang ito upang ituro ang tungkol sa mga layunin at pagpapala ng pagkilos nang may pagkakaisa. Ano ang magagawa natin para kumilos “nang may pagkakaisa”?

President Henry B. Eyring

Henry B. Eyring, “Mapasainyo ang Kanyang Espiritu,”86–89

Para maragdagan ang ating hangarin at abilidad na tanggapin ang Espiritu Santo, nagbahagi si Pangulong Eyring ng ilang personal na karanasan at nagbibigay ng partikular na tagubilin. Matapos rebyuhin ang kanyang mga karanasan, anong kaparehong mga alaala ang maibabahagi ng mga miyembro ng iyong korum o Relief Society noong maantig ng Espiritu Santo ang kanilang mga puso o pinagtibay nito ang katotohanan? Maisusulat ng mga miyembro sa pisara ang mga patnubay na ibinahagi ni Pangulong Eyring para makatulong na “buksan ang ating mga puso para matanggap ang tulong ng Espiritu.” Paano tayo matutulungan ng kanyang tagubilin sa sariling buhay natin at pamilya? sa ating korum o Relief Society?

President Dallin H. Oaks

Dallin H. Oaks, “Maliliit at mga Karaniwang Bagay,” 89–92

Naglalaman ang mensahe ni Pangulong Oaks ng mga talinghaga, na nagtuturo kung paano makaaapekto nang malaki ang maliliit at karaniwang bagay sa ikabubuti man o ikasasama. Napapaloob sa mga talinghagang ito ang mga ugat ng puno, isang pangkat ng tagasagwan, mga hibla ng lubid, at tubig na pumapatak. Ipabasa sa mga miyembro ang mga talinghagang ito at pag-usapan ang itinuturo nito tungkol sa kapangyarihan ng palagiang paggawa ng maliliit at karaniwang bagay. Anu-ano ang maliliit at karaniwang bagay na naghahatid ng impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay? Sabihin sa mga miyembro na pag-isipang mabuti kung ano ang impresyon sa kanila na dapat nilang gawin upang masunod ang payo ni Pangulong Oaks.

President Russell M. Nelson

Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” 93–96

Sa kanyang mensahe, nagsumamo sa atin si Pangulong Nelson na dagdagan ang ating “espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.” Para tulungan ang mga miyembrong sundin ang kanyang tagubilin, isulat mo ang mga sumusunod na tanong sa pisara: Bakit kailangan natin ng paghahayag? Paano natin malilinang ang ating kakayahang tumanggap ng paghahayag—para sa bawat isa at sama-samang nagsasanggunian? Anong mga pagpapala ang ipinangako ni Pangulong Nelson kung maghahangad tayo ng paghahayag? Hatiin sa mga grupo ang mga miyembro, at sabihin sa bawat grupo na humanap at ibahagi ang mga sagot sa isa sa mga tanong.

Elder Gerrit W. Gong

Gerrit W. Gong, “Si Cristo Ngayo‘y Nabuhay,” 97–98

Ano ang matututuhan ng mga miyembro ng iyong korum o ng Relief Society mula sa mensahe ni Elder Gong tungkol sa ating mga tipan at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Sabihin mo sa mga miyembrong saliksikin ang mensahe, na inaalam ang mga pagpapalang inihahandog ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ng ating mga tipan—nang magkaagapay— sa atin. Pagkatapos ay itanong ang katulad ng mga sumusunod tungkol sa nalaman nila: Paano magkaagapay na “nagpapalakas at nagpapadakila” sa atin ang mga tipan natin at ang Pagbabayad-sala? Ano ang itinutulong nito sa mga bagay na kailangan nating panghawakan at sa kailangang pakawalan na?

Elder Ulisses Soares

Ulisses Soares, “Ang mga Propeta ay Nagsasalita sa pamamagitan ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo,” 98–99

Makapagbibigay-inspirasyon sa atin ang mensahe ni Elder Soares na kumilos nang may pananampalataya kapag nadarama natin ang ating kakulangan para maisagawa ang kalooban ng Panginoon. Paano nakatanggap si Elder Soares ng kapanatagan at katiyakan nang matanggap niya ang kanyang bagong tungkulin bilang isang Apostol? Ano ang natutuhan niya mula sa kanyang karanasan nang matawag siyang mission president? Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang mga naging karanasan? Bigyan ng pagkakataon ang mga miyembrong makapagbahagi ng mga karanasan noong nakadama sila ng pag-aalinlangan sa isang bagay na nais ipagawa sa kanila ng Panginoon. Ano ang ginawa ninyo para matagpuan ang pananampalatayang magpatuloy sa pag-usad?

Elder Jeffrey R. Holland

Jeffrey R. Holland, “Makapiling at Palakasin Sila,” 101–3

Nang malaman ng mga miyembro ng iyong korum o ng Relief Society ang tungkol sa mga pagbabago “sa konsepto sa ministering ng priesthood at Relief Society,” ano ang mga naging tanong nila? Makapagbibigay ng mga sagot ang mensahe ni Elder Holland. Ipahanap sa mga miyembro ang mga alituntunin ng ebanghelyong itinuro ni Elder Holland na siyang pundasyon ng mga pagbabagong ito. Anong paanyaya ang makikita natin sa kanyang mensahe? Anu-anong biyaya ang ipinangako? Paano tayo matutulungan ang mga bagong paraan ng paglilingkod para maging “tunay na mga disipulo ni Cristo”?

Sister Jean B. Bingham

Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” 104–7

Sa kanyang mensahe, inaanyayahan tayo ni Sister Bingham na tanungin natin ang sarili ng mga bagay na makapagbibigay ng gabay sa ating mga pagsisikap na makapaglingkod. Ipatalakay sa mga miyembro kung paano magagabayan ng mga tanong na ito ang kanilang mga pagsisikap at pagkatapos ay maghanap ng mga sagot sa tanong si Sister Bingham, “Kung gayon, ano ang [paglilingkod na] mga ito?” Mag-ukol ng oras para rebyuhin ang ilan sa mga halimbawang ibinahagi ni Sister Bingham tungkol sa mga indibidwal na nagsisipaglingkod at sabihin sa mga miyembro na magbahagi ng mga sarili nilang halimbawa. Ano ang nakita natin sa mensahe ni Sister Bingham na nagpalawak sa ating pang-unawa kung bakit at paano tayo maglilingkod?

Elder Dieter F. Uchtdorf

Dieter F. Uchtdorf, “Narito, ang Tao!,” 107–10

Paano natin tutulungan ang isang tao na maunawaan na ang nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo? Sabihin sa mga miyembro na pagnilayan ang tanong na ito habang binabasa nila ang mga bahagi ng mensahe ni Elder Uchtdorf. Ano ang nalaman nila na makatutulong na ipaliwanag kung bakit napakahalaga sa kanila ng mga pangyayaring ito? Matapos ang talakayang ito, sabihin sa mga miyembro ng klase na pag-usapan ang kahulugan para sa kanila ng “narito [pagmasdan] ang tao.” Paano natin natutuhang “narito [pagmasdan] ang tao”?

Elder Quentin L. Cook

Quentin L. Cook, “Maghandang Humarap sa Diyos,” 114–17

Simulan mo ang iyong pagtalakay sa mensahe ni Elder Cook sa pamamagitan ng pagsasabi sa isang miyembro na ibuod ang panunumbalik ng mga susi ng priesthood sa Kirtland Temple. Ayon sa mensahe ni Elder Cook, ano ang mga responsibilidad ng Simbahan kaugnay ng mga susing ito? Paano nakikita ang mga responsibilidad na ito sa Simbahan ngayon? Isulat ang mga salitang kabutihan, pagkakaisa, at pagkakapantay-pantay sa pisara, at ipabahagi sa mga miyembro ang mga ideyang nakamtan nila sa bawat alituntuning ito mula sa mensahe ni Elder Cook. Paano nakatutulong ang mga alituntuning ito para magampanan natin ang mga sagradong responsibilidad ng Simbahan?