2018
Ang Nakapagliligtas na mga Ordenansa ay Magbibigay sa Atin ng Kagila-gilalas na Kaliwanagan
May 2018


Ang Nakapagliligtas na mga Ordenansa ay Magbibigay sa Atin ng Kagila-gilalas na Kaliwanagan

Ang pakikibahagi sa mga ordenansa at pagtupad sa kalakip na mga tipan nito ay magbibigay sa inyo ng kagila-gilalas na kaliwanagan at proteksyon sa mundong ito na lalo pang dumidilim.

Mga kapatid, nagagalak ako na kasama ko kayo sa ebanghelyo, o sa doktrina ni Cristo.

Isang kaibigan ang nagtanong minsan kay Elder Neil L. Andersen, na noon ay Pitumpu, kung ano ang pakiramdam ng magsalita sa harap ng 21,000 tao sa Conference Center. Sagot ni Elder Andersen, “Hindi ang 21,000 tao ang nagpapanerbiyos sa iyo; kundi ang 15 Kapatid na nakaupo sa likuran mo.” Natawa ako noon, subalit nararamdaman ko ito ngayon. Mahal ko at sinasang-ayunan ang 15 kalalakihang ito bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Sinabi ng Panginoon kay Abraham na sa pamamagitan ng kanyang binhi at sa pamamagitan ng priesthood, pagpapalain ang lahat ng mga pamilya ng daigdig sa pamamagitan “ng mga pagpapala ng Ebanghelyo … maging ng buhay na walang hanggan” (Abraham 2:11; tingnan din sa mga talata 2–10).

Ang mga ipinangakong pagpapala na ito ng ebanghelyo at ng priesthood ay ipinanumbalik sa daigdig, at noong 1842, pinangasiwaan ni Propetang Joseph Smith ang endowment ng limitadong bilang ng kalalakihan at kababaihan. Isa sa kanila si Mercy Fielding Thompson. Sinabi sa kanya ng Propeta, “Ilalabas ka nito [endowment] mula sa kadiliman tungo sa kagila-gilalas na kaliwanagan.”1

Ngayon ay nais kong magtuon sa nakapagliligtas na mga ordenansa, na magbibigay sa inyo at sa akin ng kagila-gilalas na kaliwanagan.

Mga Ordenansa at mga Tipan

Mababasa natin sa Tapat sa Pananampalataya: “Ang ordenansa ay isang sagrado at pormal na gawaing isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Ang … [mga] ordenansa [na] mahalaga sa ating kadakilaan … ay tinatawag na nakapagliligtas na mga ordenansa. Kabilang dito ang binyag, kumpirmasyon, ordenasyon sa Melchizedek Priesthood (para sa kalalakihan), endowment sa templo, at pagbubuklod ng kasal.”2

Itinuro ni Elder David A. Bednar, “Ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan na pinangangasiwaan sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon … [ay] binubuo ng … mga awtorisadong pamamaraan para dumaloy ang mga pagpapala at kapangyarihan ng langit sa ating sariling buhay.”3

Tulad ng dalawang panig ng isang barya, lahat ng nakapagliligtas na ordenansa ay may kalakip na mga tipan sa Diyos. Pinangakuan tayo ng Diyos ng mga pagpapala kung matapat nating tutuparin ang mga tipang iyon.

Ipinahayag ng propetang si Amulek, “Ito ang panahon para … maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32). Paano tayo maghahanda? Sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga ordenansa nang karapat-dapat. Tayo rin ay dapat, ayon sa mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson, na “manatili sa landas ng tipan.” Sinabi pa ni Pangulong Nelson, “Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.”4

Sina John at Bonnie Newman, tulad ng marami sa inyo, ay tumanggap ng mga espirituwal na pagpapala na ipinangako ni Pangulong Nelson. Isang Linggo, matapos magsimba kasama ng kanilang tatlong batang anak, sinabi ni Bonnie kay John, na hindi miyembro ng Simbahan, “Hindi ko magagawa ito nang mag-isa. Kailangan mong magpasiya kung magsisimba ka sa simbahan ko nang kasama kami o pipili ka ng isang simbahang madadaluhan natin nang magkakasama, at kailangang malaman ng mga bata na mahal din ng kanilang tatay ang Diyos.” Sa sumunod na Linggo at sa bawat Linggo pagkatapos noon, hindi lang dumalo si John; naglingkod din siya, tumutugtog ng piano para sa maraming ward, branch, at Primary sa paglipas ng mga taon. Nagkaroon ako ng pribilehiyong makilala si John noong Abril 2015, at sa miting na iyon, pinag-usapan namin na ang pinakamagandang paraan na maipapakita niya ang kanyang pagmamahal kay Bonnie ay ang dalhin ito sa templo, ngunit hindi mangyayari iyon hangga’t hindi siya nabibinyagan.

Matapos dumalo sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw nang 39 na taon, nabinyagan si John noong 2015. Pagkaraan ng isang taon, ibinuklod sina John at Bonnie sa Memphis Tennessee Temple, 20 taon matapos matanggap ni Bonnie ang kanyang sariling endowment. Sinabi ng kanilang 47-taong-gulang na anak na si Robert tungkol sa kanyang ama, “Talagang nag-mature si Itay simula noong matanggap niya ang priesthood.” Idinagdag ni Bonnie, “Masayahin na noon pa man si John, pero lalo pa siyang naging mabait nang matanggap niya ang mga ordenansa at tinupad ang kanyang mga tipan.”

Ang Pagbabayad-sala ni Cristo at Kanyang Halimbawa

Maraming taon na ang nakararaan, nagbabala si Pangulong Boyd K. Packer, “Ang mabuting ugali at asal na walang mga ordenansa ng ebanghelyo ay hindi nakatutubos o nakakapagpadakila ng sangkatauhan.”5 Sa katunayan, hindi lang mga ordenansa at mga tipan ang kailangan natin upang makabalik sa ating ama, ngunit kailangan din natin ang Kanyang Anak na si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.

Itinuro ni Haring Benjamin na tanging sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo maibibigay ang kaligtasan sa mga anak ng tao (tingnan sa Mosias 3:17; tingnan din sa Saligan ng Pananampalataya 1:3).

Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, tinubos tayo ni Jesucristo mula sa mga bunga ng Pagkahulog ni Adan at ginawang posible ang ating pagsisisi at kadakilaan sa huli. Sa pamamagitan ng Kanyang buhay, Siya ay nagpakita sa atin ng halimbawa sa pagtanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa, kung saan “ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” (D at T 84:20).

Matapos tanggapin ng Tagapagligtas ang ordenansa ng binyag upang “ganapin ang lahat ng katwiran” (tingnan sa 2 Nephi 31:5–6), Siya ay tinukso ni Satanas. Tulad niyon, hindi natatapos ang mga tukso sa atin pagkatapos ng binyag o pagbubuklod, ngunit sa pagtanggap ng mga banal na ordenansa at pagtupad sa kalakip na mga tipan nito, tayo ay pupuspusin ng kagila-gilalas na kaliwanagan at bibigyan tayo ng lakas para malabanan at malampasan ang mga tukso.

Babala

Ipinropesiya ni Isaias na sa mga huling araw, “ang lupa naman ay nadumhan … sapagka’t kanilang … binago ang [ordenansa]” (Isaias 24:5; tingnan din sa D at T 1:15).

Isang kaugnay na babala, na inihayag kay Propetang Joseph Smith, ay na may mga “lumalapit … sa [Panginoon] sa pamamagitan ng kanilang mga labi, … [at] itinuturo nila bilang mga doktrina ang mga kautusan ng tao, na may anyo ng kabanalan, datapwat tinatanggihan ang kapangyarihan nito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:19).

Nagbabala rin si Pablo na marami ang mayroong “anyo ng kabanalan, datapuwa’t [tinatanggihan] ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito” (II Kay Timoteo 3:5). Inuulit ko, lumayo sa mga ito.

Ang maraming panliligalig at tukso sa buhay ay tulad ng “mga lobong maninila” (Mateo 7:15). Ang tunay na pastol ang siyang maghahanda, magpoprotekta, at magbababala sa mga tupa at sa kawan kapag papalapit ang mga lobong ito (tingnan sa Juan 10:11–12). Bilang mga katuwang na pastol na nagnanais na tularan ang perpektong buhay ng Mabuting Pastol, hindi ba’t mga pastol tayo ng ating sariling kaluluwa at gayundin ng iba? Sa payo ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag na katatapos lang natin sang-ayunan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob na Espiritu Santo, makikita natin ang mga paparating na lobo kung tayo ay nakabantay at nakahanda. Sa kabaligtaran, kapag tayo ay pabayang mga pastol ng ating sariling kaluluwa at ng kaluluwa ng iba, malamang na maraming masawi. Ang kapabayaan ay nagdudulot ng kasawian. Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na maging tapat na pastol.

Karanasan at Patotoo

Ang sakramento ay isang ordenansa na tumutulong sa atin na manatili sa landas, at ang pakikibahagi nang karapat-dapat ay katunayan na tinutupad natin ang mga tipan na kalakip ng lahat ng iba pang ordenansa. Ilang taon na ang nakararan, noong kami ng asawa kong si Anita ay naglilingkod sa Arkansas Little Rock Mission, sumama akong magturo sa aming dalawang batang missionary. Sa lesson, sinabi ng mabait na lalaki na tinuturuan namin, “Nakapunta na ako sa simbahan ninyo; bakit kailangan ninyong kumain ng tinapay at uminom ng tubig tuwing Linggo? Sa simbahan namin, dalawang beses naming ginagawa iyon, tuwing Pasko ng Pagkabuhay at Pasko, at napakamakahulugan niyon.”

Ibinahagi namin sa kanya na iniutos sa atin na “madalas magtipun-tipong magkakasama upang makibahagi sa tinapay at alak” (Moroni 6:6; tingnan din sa D at T 20:75). Binasa namin nang malakas ang Mateo 26 at 3 Nephi 18. Tumugon siya na hindi pa rin niya nakikita ang pangangailangang gawin ito.

Pagkatapos ay ibinahagi namin ang sumusunod na paghahambing: “Kunwari ay naaksidente ang sinasakyan mo. Nasaktan ka at nawalan ng malay. May isang taong naparaan, nakita na wala kang malay, at tinawagan ang emergency number na 911. Ginamot ka at nagkamalay ka na.”

Itinanong namin sa lalaking ito, “Nang malaman mo kung nasaan ka, ano kaya ang itatanong mo?”

Sinabi niya, “Gusto kong malaman kung paano ako napunta roon at kung sino ang tumulong sa akin. Araw-araw ko siyang pasasalamatan dahil iniligtas niya ang buhay ko.”

Ibinahagi namin sa mabait na lalaking ito kung paano iniligtas ng Tagapagligtas ang ating mga buhay at kung paano natin kailangang pasalamatan Siya araw-araw, araw-araw, araw-araw!

Pagkatapos ay itinanong namin, “Dahil nalalaman mong ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa iyo at para sa amin, gaano kadalas mo nanaising kumain ng tinapay at uminom ng tubig na siyang mga sagisag ng Kanyang katawan at dugo?”

Sinabi niya, “Oo, naintindihan ko na. Pero may isa pang bagay. Ang simbahan ninyo ay hindi kasing saya at ingay tulad ng sa amin.”

Ang sagot namin doon ay, “Ano ang gagawin mo kapag pumasok sa pintong iyan ang Tagapagligtas na si Jesucristo?”

Sinabi niya, “Luluhod kaagad ako.”

Itinanong namin, “Hindi ba’t iyan ang nadarama mo kapag pumapasok ka sa mga kapilya ng mga Banal sa mga Huling Araw—pagpipitagan sa Tagapagligtas?”

Sinabi niya, “Oo, naintindihan ko na, naintindihan ko na!”

Nagsimba siya noong Linggo ng Pagkabuhay na iyon at patuloy na nagsimba.

Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na itanong sa ating mga sarili, “Anong mga ordenansa, kabilang na ang sakramento, ang kailangan kong tanggapin, at anong mga tipan ang kailangan kong gawin, tuparin, at igalang?” Ipinapangako ko na ang pakikibahagi sa mga ordenansa at pagtupad sa kalakip na mga tipan nito ay magbibigay sa inyo ng kagila-gilalas na kaliwanagan at proteksyon sa mundong ito na lalo pang dumidilim. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.