Mga Miting sa Ikaapat na Linggo
Sa ikaapat na Linggo ng bawat buwan, tatalakayin ng mga elders quorum, at Relief Society ang isang paksang pinili ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang mga paksang ito sa ikaapat na Linggo ay ia-update pagkatapos ng bawat pangkalahatang kumperensya. Mula ngayon hanggang sa susunod na pangkalahatang kumperensya, ang paksa ay “Paglilingkod sa Iba.” Kada buwan, pamumunuan ng mga lider o titser ang mga talakayan sa alinman sa sumusunod na mga alituntunin na may kaugnayan sa paglilingkod.
Ano ang ibig sabihin ng maglingkod?
Ano ang kahulugan ng paglilingkod sa mga miyembro ng iyong ward o branch? Para malaman ito, isulat mo sa pisara ang [salitang] paglilingkod at pagkatapos ay magpasulat sa mga miyembro ng mga salita sa paligid nito na maiuugnay nila sa paglilingkod. Makahahanap ang mga miyembro ng mga salita o parirala para idagdag sa listahan mula sa mga banal na kasulatan na tulad ng mga sumusunod: Mateo 25:34–40; Lucas 10:25–37; 2 Nephi 25:26; Mosias 18:8–9; 3 Nephi 18:25; at Doktrina at mga Tipan 81:5. Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa paglilingkod? Sabihin sa mga miyembro na magbahagi ng mga halimbawa ng paglilingkod na nasaksihan nila. Paano nakatutulong ating paglilingkod para matugunan ang mga espirituwal at temporal na pangangailangan ng mga tao? Paano ito makatutulong sa mga tao na mas mapalapit pa kay Cristo?
Ang Tagapagligtas ang ating perpektong halimbawa ng paglilingkod.
Para matutuhan kung paano maglingkod nang epektibo, makapagbabahagi ng mga kuwento ang mga miyembro mula sa mga banal na kasulatan kung saan naglingkod ang Tagapagligtas sa iba—ang ilang halimbawa ay matatagpuan sa Juan 4–6 at Marcos 2:1–12. Makapagbabahagi ang mga miyembro ng mga kuwentong hinangaan nila at kung ano ang mga alituntuning natutuhan nila tungkol sa paglilingkod. Halimbawa, paano ginawang personal ng Tagapagligtas ang Kanyang paglilingkod sa iba? Paano Niya tinugunan ang mga espirituwal na pangangailangan pati na ang temporal na pangangailangan ng mga tao? Maibabahagi ng mga miyembro ng klase ang mga pagkakataong nakakita sila ng mga taong ginamit ang mga alituntuning ito sa kanilang paglilingkod.
Ang paglilingkod ay bunsod ng pag-ibig ni Cristo.
Para tuklasin ang kapangyarihan ng paglilingkod na bunsod ng pag-ibig ni Cristo, isulat mo sa pisara ang mga sumusunod na pangungusap at sabihin sa mga miyembro na magmungkahi ng mga paraan para punan ang mga patlang: Kapag talagang mahal ko ang mga taong pinaglilingkuran ko, ako ay . Kapag naglilingkod ako na iba ang mga dahilan, ako ay . Ano ang magagawa natin para matiyak na ang ating paglilingkod sa iba ay bunsod ng pag-ibig ni Cristo? Paano natin lilinangin ang pag-ibig ni Cristo para sa mga taong itinakda na paglingkuran natin? (tingnan sa Moroni 7:45–48). Makapagbabahagi ang mga miyembro ng mga halimbawa ng paglilingkod na binigyang-inspirasyon ng pag-ibig ni Cristo.
Nais ng Diyos na mabantayan at kalingain ang lahat ng Kanyang mga anak.
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang katangian ng totoo at buhay na Simbahan ng Panginoon ay ang organisado at nakadirektang pagsisikap na maglingkod sa mga indibidwal na anak ng Diyos at sa kanilang mga pamilya” (“Paglilingkod nang may Kapangyarihan at Awtoridad ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 69.). Ano ang itinuturo ni Pangulong Nelson na ilang paraan ng “organisado, nakadirektang” pamamaraan ng pagtulong sa atin ng Simbahan para mas mahusay na mapangalagaan ang mga indibidwal? Bakit ang mga pagsisikap na ito ay “[isang] katangian ng totoo at buhay na Simbahan ng Panginoon”? (tingnan sa Mosias 18:21–22 at Moroni 6:4–6 para sa ilang ideya). Anong mga pagpapala ang dumating sa ating buhay o sa buhay ng iba dahil naglingkod ang mga tao sa kanilang mga tungkulin o asignatura sa Simbahan?
Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.
Inilalarawan ng mga karanasan ng mga anak ni Mosias na nakaaapekto ang tingin natin sa mga tao sa kung paano natin sila paglilingkuran. Isulat mo sa pisara Paano tingnan ng mga Nephita ang mga Lamanita at kung paano tingnan ng mga anak ni Mosias ang mga Lamanita. Pagkatapos ay ipasaliksik sa mga miyembro ang Mosias 28:1–3 at Alma 26:23–26 upang humanap ng mga salita at pariralang isusulat nila sa ilalim ng bawat pahayag na ito. Ano ang itinuturo sa atin ng paghahambing na ito sa kung paano nakaaapekto ang tingin natin sa mga tao sa paraan ng paglilingkod natin sa kanila? Paano natin matututuhang tingnan ang mga tao na tulad ng tingin sa kanila ng Diyos? (tingnan sa D at T 18:10–16).
Ang mga tunay na tagapaglingkod ay nakatuon sa mga pangangailangan ng iba.
Para tulungan ang mga miyembro na mas maunawaan ang kahalagahan ng pagtutuon ng pansin sa mga pangangailangan ng iba sa ating paglilingkod, ihambing mo ang paglilingkod sa pagbibigay at pagtanggap ng mga regalo. Nakatanggap na ba tayo ng mahalagang regalo mula sa isang taong alam na alam ang kailangan o gusto natin? Paano katulad ng pagbibigay ng isang pinag-isipang regalo ang paglilingkod? Pag-isipan ang pagtalakay sa mga kuwento mula sa pinakahuling pangkalahatang kumperensiya na nagpapakita kung paano naglingkod ang mga tao ayon sa mga pangangailangan ng iba (tingnan, halimbawa, Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018). Makapagbabahagi rin ang mga miyembro ng iba pang mga kuwento na nagpapakita ng mga alituntuning ito.
Paano natin malalaman ang mga pangangailangan ng iba? Sabihin sa bawat miyembro na gumawa ng listahan ng ilan sa mga taong pinaglilingkuran nila. Sa tabi ng bawat pangalan, isulat nila ang sagot sa tanong na “Ano ang kailangan ng taong ito para mas mapalapit kay Cristo?” Kung naaangkop, sabihin sa mga miyembro na isulat na rin ang mga ordenansang kailangang matanggap ng bawat taong ito. Sabihin sa mga miyembro na patuloy na pag-isipan ang tungkol sa tanong na ito at humingi ng inspirasyon na tulungan silang matugunan ang mga pangangailangan ng iba.
Nais ng Panginoon na tumanggap tayo ng paglilingkod mula sa iba.
Sinabi ni Elder Robert D. Hales: “Ang plano ng ebanghelyo ay nangangailangan ng pagbibigay at pagtanggap. … Madalas sabihin ng mga taong nahihirapan: ‘Gagawin ko ito nang mag-isa,’ … ‘Kaya kong pangalagaan ang sarili ko.’ Minsan nang may nagsabi na walang taong napakayaman na hindi na niya kailangan pa ang tulong ng iba, walang taong napakahirap na hindi makatutulong sa anumang paraan sa kanyang kapwa. Ang disposisyong humingi ng tulong mula sa iba nang may tiwala, at ipagkaloob ito nang may kabaitan, ay dapat na maging bahagi ng ating pagkatao” (“We Can‘t Do It Alone,” Ensign, Nob. 1975, 91, 93). Bakit alanganin tayo kung minsan sa pagtanggap ng tulong mula sa iba? Paano nakatutulong ang pagpayag nating tumanggap ng tulong na mapagpala ang mga taong naglilingkod sa atin? Bigyan ang mga miyembro ng ilang sandali para pag-isipan ang mga paraan na maaari silang maging mas handang tumanggap ng paglilingkod ng iba. Ano ang ipinahihiwatig sa 1 Mga Taga Corinto 12:13–21 kung bakit kailangan natin ang isa‘t isa?
Maraming paraan para makapaglingkod tayo sa iba.
Para matulungan ang mga miyembro na isaalang-alang ang maraming paraan para mapaglingkuran natin ang iba, sabihin sa kanila na rebyuhin ang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Makapiling at Palakasin Sila” (Liahona, Mayo 2018, 101–3; tingnan din sa “Mga Alituntunin ng Paglilingkod” sa susunod mga isyu ng Liahona). Hatiin ang mga miyembro sa maliliit na grupo, at sabihin sa bawat grupo na mag-isip ng ilang sitwasyon kung saan kakailanganin ng isang tao ang tulong. Pagkatapos ay pag-usapan nila ang iba‘t ibang paraan kung paano makapaglilingkod ang mga tao sa espirituwal at temporal na pangangailangan ng mga indibidwal sa mga sitwasyong ito. Sabihin sa mga grupo na ibahagi ang kanilang mga ideya at isiping mabuti kung may alinman sa mga ideyang tinalakay ang magpapala sa mga taong pinaglilingkuran nila.