2018
Mga Natatanging Kaloob mula sa Diyos
May 2018


Mga Natatanging Kaloob mula sa Diyos

Ang buhay ay maaaring mapuspos ng pananampalataya, galak, kaligayahan, pag-asa, at pagmamahal kapag may katiting tayo ng tunay na pananampalataya kay Cristo.

Mga kapatid, katatapos lang nating makilahok sa isang kapita-pitagang kapulungan, isang kaugaliang mababakas sa Biblia nang magtipon ang sinaunang Israel upang damhin ang presensya ng Panginoon at ipagbunyi ang Kanyang mga pagpapala.1 Pribilehiyo nating mabuhay sa panahon na naipanumbalik ang sinaunang kaugaliang ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.2 Hinihimok ko kayong itala sa inyong personal journal ang nadama ninyo sa napakasagradong okasyong ito na nilahukan ninyo.

Kamakailan, nagpaalam tayo sa ating mahal na kaibigan at propetang si Pangulong Thomas S. Monson. Bagama’t nangungulila tayong lahat sa kanya, lubos tayong nagpapasalamat na tumawag na ang Panginoon ng bagong propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, para mangulo sa Kanyang Simbahan. Sa maayos na paraan nagsimula na tayo ngayon ng isang bagong kabanata sa kasaysayan ng ating Simbahan. Ito ay isang mahalagang kaloob ng Diyos.

Nang sang-ayunan natin si Pangulong Nelson sa pagtataas ng kamay, naging mga saksi tayo sa harap ng Diyos at kinilala natin na siya ang nararapat humalili kay Pangulong Monson. Sa pagtataas ng kamay, nangako tayong makinig sa kanyang tinig kapag tumatanggap siya ng tagubilin mula sa Panginoon.

Sinabi na ng Panginoon:

“Kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang [ibig sabihin ang Pangulo ng Simbahan] mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo tuwing siya ay tatanggap ng mga ito … ;

“Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya.”3

Mahigit 60 taon ko nang kilala ang ating bagong propeta at pangulo. Nakapaglingkod na akong kasama niya sa Korum ng Labindalawa nang 33 taon, at saksi ako na matagal na siyang inihahanda ng Panginoon na maging namumunong apostol at propeta natin para pangasiwaan ang lahat ng susi ng banal na priesthood sa lupa. Bawat isa nawa sa atin ay lubos siyang suportahan at ang kanyang mga tagapayo at sundin ang kanilang tagubilin. Nagagalak rin kami na makasama sina Elder Gong at Elder Soares bilang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus, isang kaganapang ipinagdiriwang natin sa dakilang katapusan ng linggong ito ng Easter, nagpakita Siya sa Kanyang mga disipulo at sinabi, “Kapayapaan ay sumainyo: kung paanong pagkasugo sa akin ng Ama, ay gayon din naman sinusugo ko kayo.”4 Pansinin ang dalawang isinagawa—isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak. Isinusugo ng Anak ang Kanyang mga tagapaglingkod—mortal na kalalakihan at kababaihan—para isagawa ang Kanilang gawain.

Hindi tayo dapat magulat na malaman na ang mga taong tinawag para gawin ang gawain ng Panginoon ay hindi perpektong mga tao. Nakadetalye ang mga pangyayari sa mga kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa kalalakihan at kababaihang tinawag ng Diyos upang magsagawa ng isang dakilang gawain—mabubuting anak na lalaki at babae ng ating Ama sa Langit na tinawag na maglingkod sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan, nagsisikap na gawin ang lahat, ngunit wala pa ni isang perpekto sa kanila. Totoo rin iyan sa atin ngayon.

Dahil totoong mayroon tayong mga kahinaan at pagkukulang, paano natin susuportahan at tutulungan ang isa’t isa? Nagsisimula iyan sa pananampalataya—tunay at taos na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Pananampalataya sa Tagapagligtas ang unang alituntunin ng doktrina at ebanghelyo ni Cristo.

Ilang taon na ang nakararaan bumisita ako sa Holy Land. Nang maparaan kami sa isang tanim na mustasa, nagtanong ang direktor ng BYU Jerusalem Center kung nakakita na ako ng buto ng mustasa. Hindi pa kaya huminto kami. Ipinakita niya sa akin ang mga buto ng mustasa. Nagulat ako sa liit ng mga ito.

Pagkatapos ay naalala ko ang mga turo ni Jesus: “Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito’y lilipat; at walang magiging imposible sa inyo.”5

Kung may pananampalataya tayo na sinliit ng buto ng mustasa, matutulungan tayo ng Panginoon na alisin ang mga bundok ng kawalang-pag-asa at pagdududa sa mga gawain sa ating harapan habang naglilingkod tayo sa mga anak ng Diyos, kabilang na ang mga kapamilya, miyembro ng Simbahan, at hindi pa miyembro ng Simbahan.

Mga kapatid, ang buhay ay maaaring mapuspos ng pananampalataya, galak, kaligayahan, pag-asa, at pagmamahal kapag may katiting tayo ng tunay na pananampalataya kay Cristo—kahit sinliit ito ng buto ng mustasa.

Naalala ni Elder George A. Smith ang isang payo sa kanya ni Propetang Joseph Smith: “[Sinabi niya sa akin na] hindi ako dapat [panghinaan] ng loob kahit anong hirap ang pumaligid sa akin. Kung ako ay ibaon sa pinakamalalim na hukay ng Nova Scotia at ang [buong] Rocky Mountains ay maibunton sa akin, hindi ako dapat [panghinaan] ng loob kundi umasa, manampalataya, at manatiling matapang at ako ay makaaahon sa ibabaw ng bunton.”6

Dapat nating alalahanin ang sinabi ni Pablo: “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa [sa pamamagitan ni Cristo] na nagpapalakas sa akin.”7 Ang malaman ito ay isa pang mahalagang kaloob ng Diyos.

Bukod pa sa mga kaloob na nabanggit ko, marami pang iba. Ilan lang ang tatalakayin ko ngayon—ang kaloob na araw ng Sabbath, sakramento, paglilingkod sa iba, at ang walang-kapantay na kaloob ng Diyos sa atin na ating Tagapagligtas.

Ang kapangyarihan ng araw ng Sabbath ay para maranasan sa simbahan at sa tahanan ang tuwa, galak, at init ng madama ang Espiritu ng Panginoon nang walang gambala.

Napakaraming tao ang halos nakadepende ang buhay sa Internet sa kanilang mga smart device—mga screen na nag-iilaw sa kanilang mukha gabi’t araw at mga earplug sa kanilang tainga na humahadlang sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu. Kung hindi tayo magbibigay ng panahon na iwaksi ang mga electronic device, baka tayo lagpasan ng mga pagkakataong marinig ang tinig Niya na nagsabing, “Magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios.”8 Hindi masamang gamitin ang mga kaunlaran sa teknolohiya na binigyang-inspirasyon ng Panginoon, ngunit maging matalino tayo sa paggamit nito. Alalahanin ang kaloob na araw ng Sabbath.

Ang pagpapalang tumanggap ng sakramento ay hindi dapat maging pangkaraniwan kailanman o isang bagay lamang na ginagawa natin sa sacrament meeting. Pitumpung minuto lang iyon sa isang buong linggo na nakakatigil tayo sandali at nakakatagpo ng higit na kapayapaan, galak, at kaligayahan sa ating buhay.

Ang pagtanggap ng sakramento at pagpapanibago ng ating mga tipan ay isang patunay natin sa Panginoon na lagi nga natin Siyang naaalala. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay isang mapagmahal na kaloob ng Diyos.

Ang pribilehiyong maglingkod sa mga anak ng Ama sa Langit ay isang pagkakataong masundan ang halimbawa ng Kanyang Mahal na Anak sa paglilingkod sa isa’t isa.

Ang ilang pagkakataong maglingkod ay pormal—sa ating pamilya, mga tungkulin sa Simbahan, at paglahok sa mga organisasyong naglilingkod sa komunidad.

Ang mga miyembro ng Simbahan—kapwa ang kalalakihan at kababaihan—ay hindi dapat mag-atubili, kung nais nila, na tumakbo para sa anumang katungkulan sa anumang antas ng pamahalaan kung saan sila nakatira. Ang ating tinig ay kailangan ngayon at mahalaga sa ating mga paaralan, lungsod, at bansa. Kung saan may demokrasya, tungkulin natin bilang mga miyembro na iboto ang mararangal na kalalakihan at kababaihan na handang maglingkod.

Maraming pagkakataong maglingkod na hindi pormal—hindi itinatalaga—at dumarating kapag tumutulong tayo sa ibang mga taong nakikilala natin sa buhay na ito. Alalahanin na itinuro ni Jesus sa abugado na dapat nating mahalin ang Diyos at ang ating kapwa tulad sa ating sarili gamit ang Mabuting Samaritano bilang halimbawa.9

Ang paglilingkod ay nagbibigay ng pagkakataon na maunawaan natin ang buhay at ministeryo ni Cristo. Naparito Siya upang maglingkod, tulad ng itinuturo sa mga banal na kasulatan, “gayon din naman ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.”10

Maaaring naibigay ni Pedro ang pinakamagandang paglalarawan ng ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa sa anim na salita nang tukuyin niya si Jesus, “na naglilibot na gumagawa ng mabuti.”11

Ang Panginoong Jesucristo ang pinakamahalaga sa lahat ng kaloob sa atin ng Diyos. Sabi ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.”12

Naipahayag ni Nephi ang kahalagahan ng ating Tagapagligtas nang sabihin niyang, “Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”13 Kailangan nating isentro ang ating buhay kay Cristo sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar.

Dapat nating alalahanin na ang Kanyang pangalan ang nakasulat sa ating mga sambahan; nabinyagan tayo sa Kanyang pangalan; at nakumpirma, naorden, na-endow, at nabuklod sa kasal sa Kanyang pangalan. Tumatanggap tayo ng sakramento at nangangakong taglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan—at maging tunay na mga Kristiyano. Sa huli, hinihilingan tayo sa panalangin sa sakramento na “lagi siyang alalahanin.”14

Sa paghahanda natin para sa Easter Sunday bukas, alalahanin natin na si Cristo ang kataas-taasan. Siya ang matuwid na Hukom, ang ating tapat na Tagapamagitan, pinagpalang Manunubos, mabuting Pastol, ipinangakong Mesiyas, tunay na Kaibigan, at marami pang iba. Isa nga Siyang napakahalagang kaloob sa atin ng Ama.

Sa ating pagkadisipulo, marami tayong ginagawa, alalahanin, at tungkulin. Gayunman, ang ilang aktibidad ay kailangang maging batayan palagi ng ating pagiging miyembro ng Simbahan. “Dahil dito,” pag-utos ng Panginoon, “maging matapat; tumayo sa katungkulang aking itinalaga sa iyo; tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.”15

Ito ang Simbahang kumikilos! Ito ang dalisay na relihiyon! Ito ang ebanghelyo sa tunay na kahulugan nito kapag tinulungan, itinaas, at pinalakas natin ang mga may espirituwal at temporal na pangangailangan! Para magawa ito, kailangan natin silang bisitahin at tulungan16 upang tumibay sa kanilang puso ang kanilang patotoo tungkol sa pananalig sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Nawa’y tulungan at pagpalain tayo ng Panginoon na mapahalagahan ang maraming mahalagang kaloob natin mula sa Diyos, kabilang na ang pagiging miyembro natin sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Dalangin ko na mapuspos tayo ng pagmamahal sa lahat ng anak ng ating Ama sa Langit at makita natin ang kanilang mga pangangailangan at maging handa tayong sagutin ang kanilang mga tanong at alalahanin tungkol sa ebanghelyo sa malilinaw at magigiliw na paraan na magpapaibayo sa pag-unawa at pagpapahalaga sa isa’t isa.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Ang ituturo sa atin sa pangkalahatang kumperensyang ito ay dumarating sa atin sa pamamagitan ng inspirasyon mula sa mga apostol at propeta, General Authority, at kababaihang Pangkalahatang Opisyal ng Simbahan. Nawa’y mapasa bawat isa ang kagalakan at kapayapaan ng Panginoon ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.