Elder David P. Homer
General Authority Seventy
Isa sa mga pinakaunang alaala ni Elder David P. Homer ukol sa ebanghelyo ay noong maatasan siya sa edad na 14 na maging kapartner sa home teaching ang isang miyembro ng kanyang ward na “may pambihirang pamamaraan sa home teaching,” sabi ni Elder Homer. “Hindi ito tungkol sa pagpunta sa bahay at pagbisita sa mga tao; tungkol ito sa pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.”
Bilang magkompanyon, ipinagdarasal nila at pinag-uusapan ang mga pamilyang nakaatas sa kanila, hindi bilang matanda na nakikipag-usap sa bata kundi bilang magkasamang naglilingkod sa priesthood. “Natutuhan ko na kaakibat at kaugnay ng Espiritu ang paglilingkod,” sabi ni Elder Homer.
Ang aral na iyon ay hindi niya nalimutan sa buong buhay niya at sa mga sumunod na paglilingkod sa Simbahan, ito man ay bilang Area Seventy, nursery leader, o bulletin board specialist—isang tungkuling ginampanan niya noong nakatira sila ng kanyang asawa sa Melbourne, Australia.
Si David Paul Homer ay ipinanganak noong Abril 25, 1961, sa Salt Lake City, Utah, USA, kina Frederick at Phyllis LeNila Homer. Pagkatapos ng kanyang misyon sa Hong Kong mula 1980 hanggang 1982, nakilala niya si Nancy Dransfield, na nagtapos sa Brigham Young University, sa isang institute fireside sa Salt Lake City, kung saan ito nagtatrabaho at dumadalo sa mga klase sa University of Utah. Ikinasal sila sa Salt Lake Temple noong Hulyo 31, 1984. Sila ay nakapagpalaki na ng limang anak na babae at isang anak na lalaki.
Si Elder Homer ay nagtapos ng bachelor’s degree in economics mula sa University of Utah at ng master’s degree in business administration mula sa Wharton School sa University of Pennsylvania.
Sa kanyang 30-taong propesyon bilang executive sa General Mills, nanirahan sila ng kanyang asawa sa Miami, Florida, USA; Minneapolis, Minnesota, USA; Burlington, Ontario, Canada; at Saint-Sulpice, Vaud, Switzerland.
Si Elder Homer ay naglingkod bilang stake president, bishop, elders quorum president, at ward executive secretary. Bilang Area Seventy nagsimula siyang maglingkod sa Canada at nagpatuloy sa Europe, kung saan siya naglingkod sa nakalipas na apat na taon bago masang-ayunan bilang General Authority Seventy noong Marso 31, 2018.