2018
Isa Pang Araw
May 2018


Isa Pang Araw

Tayong lahat ay mayroong “ngayon” para mabuhay, at ang susi para gawing matagumpay ang ating araw ay ang maging handang magsakripisyo.

Ilang taon na ang nakalilipas, ang aking mga kaibigan ay nagkaroon ng magandang sanggol na anak na pinangalanang Brigham. Matapos siyang isilang, si Brigham ay nasuring mayroong hindi pangkaraniwang kondisyon na kung tawagin ay Hunter syndrome, na ang malungkot na kahulugan nito ay magiging maikli ang buhay ni Brigham. Isang araw habang naroon si Brigham at ang kanyang pamilya sa paligid ng templo, nagsalita si Brigham ng isang partikular na parirala; dalawang ulit niyang sinabi ang “Isa pang araw.” Kinabukasan, pumanaw si Brigham.

Brigham
pamilya ni Brigham
puntod ni Brigham

Ilang beses ko nang nadalaw ang puntod ni Brigham, at tuwing ginagawa ko ito, pinagninilayan ko ang pariralang “isa pang araw.” Iniisip ko kung ano ang magiging kahulugan nito, ano ang magiging epekto sa aking buhay na malaman na mayroon na lamang akong isang araw para mabuhay. Paano ko pakikitunguhan ang aking asawa, ang aking mga anak, at ang ibang tao? Magiging gaano katindi ang aking pagtitiis o paggalang? Paano ko aalagaan ang aking katawan? Gaano ako kataimtim na mananalangin at magsasaliksik ng mga banal na kasulatan? Sa tingin ko darating ang araw na lahat tayo ay magkakaroon ng realisasyon tungkol sa “isa pang araw”—isang realisasyon na dapat nating gamitin nang matalino ang oras na mayroon tayo.

Mababasa natin sa Lumang Tipan ang kuwento ni Ezechias, hari ng Juda. Inihayag ng propetang si Isaias kay Ezechias na ang buhay ni Ezechias ay malapit nang magwakas. Nang marinig niya ang mga salita ng propeta, si Ezechias ay nagsimulang manalangin, magmakaawa, at tumangis nang husto. Sa pagkakataong iyon, dinagdagan ng Diyos ng 15 taon ang buhay ni Ezechias. (Tingnan sa Isaiah 38:1–5.)

Kung sasabihin sa atin na maikli na lamang ang ating buhay, maaaring magmakaawa rin tayo na dagdagan pa ang araw ng ating buhay para magawa ang mga bagay na dapat ay ginawa na natin o binago.

Sa Kanyang karunungan, anuman ang itinakdang panahon ng Panginoon para sa bawat isa sa atin, makasisiguro tayo sa isang bagay: mayroon tayong “ngayon” para mabuhay, at ang susi para gawing matagumpay ang ating araw ay ang maging handang magsakripisyo.

Sinabi ng Panginoon, “Masdan, ang panahong ito ay tinawag na ngayon hanggang sa pagparito ng Anak ng Tao, at katotohanan ito ay araw ng paghahain” [o pagsasakripisyo] (D at T 64:23; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang salitang sacrifice [sakripisyo] ay nagmumula sa salitang Latin na sacer, na ang ibig sabihin ay “banal,” at facere, na nangangahulugang “gawin,” o sa madaling salita ay gawing banal ang mga bagay-bagay, magdala ng karangalan sa kanila.

“Biyaya’y bunga ng pagpapasakit” (“Purihin ang Propeta,” Mga Himno, blg. 21).

Sa paanong paraan ginagawang mas makabuluhan at pinagpala ng pagsasakripisyo ang ating mga araw?

Una, ang personal na pagsasakripisyo ay nagpapalakas sa atin at nagbibigay ng halaga sa mga bagay na pinagsasakripisyuhan natin.

Ilang taon na nakalilipas, sa isang Linggo ng pag-aayuno, isang matandang miyembrong babae ang pumunta sa pulpito para magbahagi ng kanyang patotoo. Nakatira siya sa lungsod na tinatawag na Iquitos, na nasa Peruvian Amazon. Sinabi niya sa amin na mula nang mabinyagan siya, minithi na niyang matanggap ang mga ordenansa sa templo sa Lima, Peru. Matapat siyang nagbayad ng buong ikapu at inimpok ang kakatiting niyang kita sa loob ng maraming taon.

Ang kanyang kagalakan sa pagpunta at pagtanggap ng mga banal na ordenansa doon ay ipinahayag sa mga salitang ito: “Ngayon masasabi ko nang handa na akong dumaan sa tabing [ng kamatayan]. Ako ang pinakamasayang babae sa buong mundo; nag-impok ako ng pera, hindi ninyo maiisip kung gaano katagal ito, para mabisita ang templo, at pagkatapos ng pitong araw sa ilog at 18 oras sa bus, nakarating din ako sa wakas sa bahay ng Panginoon. Nang lisanin ko ang banal na lugar na iyon, sinabi ko sa aking sarili, pagkatapos ng lahat ng sakripisyong ginawa ko para makarating ako sa templo, hindi ko hahayaan ang anumang bagay na maging dahilan para hindi ko pahalagahan ang bawat tipan na aking ginawa; masasayang ito. Ito ay napakabigat na pangako!”

Natutuhan ko mula sa magiliw na miyembrong ito na ang personal na pagsasakripisyo ay napakahalagang pwersa na naghihikayat sa ating mga desisyon at nagpapatibay ng ating determinasyon. Ang personal na pagsasakripisyo ay naghihikayat sa atin na kumilos, tumupad ng mga pangako, at mga tipan at nagbibigay ng kahulugan sa mga sagradong bagay.

Pangalawa, ang mga pagsasakripisyo natin para sa ibang tao, at ang pagsasakripisyo ng ibang tao para sa atin, ay nagbubunga ng mga pagpapala para sa lahat.

Noong ako ay isang estudyante sa dental school, tila hindi magiging maganda ang ekonomiya ng aming bansa sa hinaharap. Lubhang pinabababa ng inflation ang halaga ng aming pera sa pagdaan ng bawat araw.

Naaalala ko ang taon noong mag-e-enroll ako sa surgery practices; kinakailangang mayroon na ako ng lahat ng kinakailangang kagamitan na ginagamit sa operasyon bago makapag-enroll sa semester na iyon. Nag-impok ang aking mga magulang ng perang pambili. Ngunit isang gabi, isang di-inaasahang bagay ang nangyari. Umalis kami para bumili ng mga kagamitan, ngunit natuklasan namin na ang halaga ng perang inipon ng aking mga magulang para bumili ng lahat ng mga kagamitan ay sapat lamang para makabili ng isang pares ng surgical tweezers—at wala nang iba pa. Umuwi kaming walang nabili at malungkot dahil hindi ako makakapasok ng isang semester sa kolehiyo. Gayunman, biglang sinabi ng aking ina, “Taylor, halika, lumabas tayo.”

Pumunta kami sa bayan kung saan maraming tindahan ang bumibili at nagbebenta ng mga alahas. Nang dumating kami sa isang tindahan, inilabas ng aking ina mula sa kanyang pitaka ang isang maliit at asul na lalagyan na yari sa malambot na tela na naglalaman ng isang magandang gintong pulseras na may nakasulat na, “Sa aking pinakamamahal na anak mula sa iyong ama.” Iyon ang pulseras na ibinigay sa kanya ng aking lolo sa isa sa kanyang mga kaarawan. Pagkatapos, sa aking harapan, ay ibinenta niya ito.

Nang matanggap niya ang pera, sinabi niya sa akin, “Kung mayroong isang bagay na nakakasigurado ako, ito ay ang magiging dentista ka. Lumakad ka at bilhin ang lahat ng kagamitang kailangan mo.” Ngayon, anong klaseng estudyante ako sa palagay ninyo magmula noong sandaling iyon? Gusto kong maging pinakamahusay at tapusin kaagad ang aking pag-aaral dahil alam ko ang napakalaking sakripisyong ginawa niya.

Natutuhan ko na ang mga sakripisyong ginawa ng ating mga mahal sa buhay para sa atin ay parang malamig na tubig na nagpapaginhawa sa atin sa gitna ng disyerto. Ang gayong sakripisyo ay nagbibigay ng pag-asa at motibasyon.

Pangatlo, anumang sakripisyong ginawa natin ay maliit kung ikukumpara sa sakripisyo ng Anak ng Diyos.

Ano ang halaga ng isang itinatanging gintong pulseras kung ikukumpara sa sakripisyo ng mismong Anak ng Diyos? Paano natin igagalang ang walang hanggang sakripisyong iyon? Bawat araw ay maaari nating alalahanin na mayroon tayong isa pang araw para mabuhay at maging tapat. Itinuro ni Amulek, “Oo, nais ko na kayo ay lumapit at huwag nang patigasin pa ang inyong mga puso; sapagkat masdan, ngayon na ang panahon at ang araw ng inyong kaligtasan; at kaya nga, kung kayo ay magsisisi at hindi patitigasin ang inyong mga puso, kapagdaka ang dakilang plano ng pagtubos ay madadala sa inyo” (Alma 34:31). Sa madaling salita, kung iaalay natin sa Panginoon ang isang bagbag na puso at nagsisising espiritu, kaagad na makikita sa ating buhay ang mga pagpapala ng dakilang plano ng kaligayahan.

Ang plano ng pagtubos ay naging posible dahil sa sakripisyo ni Jesucristo. Tulad ng inilarawan Niya, ang sakripisyo ang “dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit” (D at T 19:18).

At dahil sa sakripisyong ito, pagkatapos sundin ang proseso ng taimtim na pagsisisi, ay mararamdaman natin na naalis ang bigat ng ating mga pagkakamali at kasalanan. Katunayan, ang pagkabagabag ng konsiyensya, kahihiyan, sakit, kalungkutan, at mababang pagtingin sa ating sarili ay napapalitan ng malinis na konsiyensya, kaligayahan, kagalakan, at pag-asa.

Gayundin, kapag tayo ay gumagalang at nagpapasalamat sa Kanyang sakripisyo, lubos tayong makatatanggap ng masidhing hangarin na maging mas mabubuting anak ng Diyos, na lumayo mula sa kasalanan, at tuparin ang mga tipan nang higit kaysa rati.

Pagkatapos, tulad ni Enos na nakatanggap ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan, makadarama tayo ng hangarin na magsakripisyo at hangarin ang kapakanan ng ating mga kapatid (tingnan sa Enos 1:9). At magiging mas handa tayo sa bawat “isa pang araw” na sundin ang paanyaya sa atin ni Pangulong Howard W. Hunter nang sabihin niya: “Lutasin ang hidwaan. Hanapin ang isang nalimutang kaibigan. Alisin ang pagdududa at palitan ito ng pagtitiwala. … Sumagot nang malumanay. Hikayatin ang mga kabataan. Ipakita ang inyong katapatan sa salita at gawa. Tuparin ang isang pangako. Kalimutan ang hinanakit. Patawarin ang kaaway. Humingi ng paumanhin o tawad. Sikaping umunawa. Suriin ang mga hinihingi ninyo sa ibang tao. Isipin muna ang isang tao. Maging mabait. Maging magiliw. Dagdagan pa ang pagtawa. Magpasalamat. Tanggapin ang isang dayuhan. Pasayahin ang isang bata. … Ipahayag ang iyong pagmamahal at ipahayag itong muli” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter [2015], 36; hango mula sa “What We Think Christmas Is,” McCall’s, Dis. 1959, 82–83).

Nawa’y mapuno ang ating mga araw sa paggawa ng mga iyon at mabigyan ng lakas na dulot ng personal na pagsasakripisyo at ng pagsasakripisyo natin para sa iba o ng pagsasakripisyo ng iba para sa atin. At sa isang espesyal na paraan, nawa’y matamasa natin ang kapayapaan at kagalakan na inihahandog sa atin ng sakripisyo ng Bugtong na Anak; oo, ang kapayapaang iyon na binanggit sa binabasa natin na si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon, at ang tao ay gayon—kayo ay gayon—upang kayo ay magkaroon ng kagalakan (tingnan sa 2 Nephi 2:25). Ang kagalakang iyon ay tunay na kagalakan na maibibigay lamang ng pagsasakripisyo at ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Dalangin ko na sundin natin Siya, na maniwala tayo sa Kanya, at mahalin natin Siya, at na madama natin ang pagmamahal na ipinakita sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo sa tuwing may pagkakataon tayong mabuhay ng isa pang araw. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.