Elder José A. Teixeira
Panguluhan ng Pitumpu
Ginunita ni Elder José A. Teixeira ang isang aral na natutuhan niya noong bata pa lang sa Portugal. Sa isang family reunion, lumabas siya para mangisda. Sasabihin sana niya sa kanyang mga magulang kung saan siya pupunta, pero nagpasiya na huwag na lang dahil abala pa ang mga ito sa pag-uusap.
Ilang oras ang nakalipas, natagpuan siya ng kanyang nag-aalalang mga magulang sa pampang ng ilog. Mula sa karanasang iyon, natutuhan niyang sumunod hindi lamang sa kanyang mga magulang kundi sa mga pagbulong ng Espiritu Santo.
Mula noon, naging ugali na ni Elder Teixeira na palaging pakinggan at sundin ang marahan at banayad na tinig. Nalaman niya at ng kanyang pamilya ang ebanghelyo noong 1976, matapos buksan ang Portugal sa gawaing misyonero. Siya ay nabinyagan sa edad na 16 at kalaunan ay naglingkod bilang missionary sa Lisbon Portugal Mission.
“Ang ating mga desisyon ay may kapangyarihang baguhin ang ating buhay,” sabi ni Elder Teixeira, na sinang-ayunan bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu noong Marso 31, 2018. “Ang kaloob na ito ay di-pangkaraniwang tanda ng pagtitiwala sa atin at kaakibat nito ang personal na responsibilidad na gamitin ito nang matalino,” ang itinuro niya sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2009.
Si Elder Teixeira ay nagtapos ng kursong accounting at business management at nagtrabaho sa Simbahan bilang international controller. Naglingkod din siya sa Portuguese Air Force bilang bahagi ng isang yunit ng NATO. Noong panahong iyon, natawag siya bilang national public affairs director para sa Simbahan. Hindi nagtagal, nakilala niya ang kanyang napangasawa, si Maria Filomena Lopes Teles Grilo. Ikinasal sila noong 1984 sa Bern Switzerland Temple at nagkaroon ng tatlong anak.
Si José Augusto Teixeira da Silva ay ipinanganak sa Vila Real, Portugal, noong Pebrero 24, 1961. Naglingkod siya bilang tagapayo sa bishopric, district president, stake president, Area Seventy, at pangulo ng Brazil São Paulo South Mission. Siya ay sinang-ayunan bilang General Authority Seventy noong Abril 5, 2008. Siya ay kasalukuyang naglilingkod bilang Pangulo ng South America South Area at magsisimula sa kanyang paglilingkod sa Panguluhan ng Pitumpu sa Agosto 1, 2018.
Higit sa lahat, pinayuhan tayo ni Elder Teixeira sa kumperensya ng Abril 2015 na “[palawakin] ang ating pang-unawa tungkol sa Tagapagligtas. … Huwag na nating ipagpabukas ang magagawa natin ngayon. Ngayon tayo kailangang lumapit kay Cristo.”