2018
Matibay na Nangagkakaisa
May 2018


Matibay na Nangagkakaisa

Upang makamit ang ating maluwalhating tadhana, kailangan natin ang isa’t isa, at kailangan nating magkaisa.

Ang isa sa napakagandang nilikha sa mundo ay ang monarch butterfly. Sa pagpunta namin sa Mexico para ipagdiwang ang Pasko kasama ang pamilya ng aking asawa, pumunta kami sa isang butterfly sanctuary, kung saan milyun-milyong monarch butterfly ang naroon para magpalipas ng taglamig. Napakagandang pagmasdan ng mga ito at para sa amin na pag-isipan ang halimbawa ng pagkakaisa at pagsunod sa banal na mga batas na ipinapakita ng mga nilikha ng Diyos.1

Monarch butterfly
Kumpol ng paru-paro

Ang mga monarch butterfly ay mahuhusay na navigator. Ginagamit ng mga ito ang posisyon ng araw para mahanap ang direksyong kailangan nilang puntahan. Tuwing tagsibol, naglalakbay ang mga ito nang ilang libong milya mula sa Mexico patungo sa Canada, at tuwing taglagas, bumabalik ang mga ito sa sagradong kakahuyan ng mga punong fir sa Mexico.2 Ginagawa nila ito taun-taon, magkakasamang naglalakbay. Sa kanilang paglalakbay, nagkukumpul-kumpol ang mga ito sa mga puno sa gabi upang protektahan ang kanilang sarili mula sa lamig at mga mandaragit.3

Kaleidoscope ng paru-paro
Pangalawang kaleidoscope ng paru-paro

Ang tawag sa grupo ng mga paruparo ay kaleidoscope.4 Hindi ba’t napakagandang paglalarawan ito? Bawat isang paruparo sa isang kaleidoscope ay pambihira at naiiba, at ang tila mahihinang nilikhang ito ay nilayon ng Tagapaglikha na magtaglay ng kakayahang mabuhay, maglakbay, magpakarami, at magparami ng buhay habang dumadapo sa mga bulaklak, at nagkakalat ng pollen. At bagama’t magkakaiba ang bawat paruparo, nagtutulungan ang mga ito para gawing mas maganda at sagana ang mundo.

Tulad ng mga monarch butterfly, tayo ay naglalakbay pabalik sa ating tahanan sa langit kung saan muli nating makakapiling ang ating mga Magulang sa Langit.5 Tulad ng mga paruparo, tayo ay binigyan ng mga banal na katangian na nagbibigay sa atin ng kakayahan na maglakbay sa buhay, upang “magampanan ang layunin ng [ating] paglikha.”6 Katulad ng mga paruparo, kung ang mga puso natin ay magkakasama sa pagkakaisa,7 poprotektahan tayo ng Panginoon “tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak,”8 at gagawin tayong isang magandang kaleidoscope.

Mga batang babae at lalaki, mga dalagita at binatilyo, mga kapatid, magkakasama tayo sa paglalakbay na ito. Upang makamit ang ating maluwalhating tadhana, kailangan natin ang isa’t isa, at kailangan nating magkaisa. Iniutos ng Panginoon sa atin, “Maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.”9

Si Jesucristo ang tunay na halimbawa ng pakikiisa sa Kanyang Ama. Sila ay iisa sa layunin, sa pagmamahal, at sa mga gawa, na “ang kalooban ng Anak ay [napa]sakop sa kalooban ng Ama.”10

Paano natin matutularan ang perpektong halimbawa ng pakikiisa ng Panginoon sa Kanyang Ama at maging lubos na kaisa Sila at ang isa’t isa?

Isang magandang huwaran ang matatagpuan sa Mga Gawa 1:14. Mababasa natin, “Ang [mga lalaki ay] nagsisipanatiling matibay na nangagkakaisa sa pananalangin na kasama ang mga babae.”11

Sa palagay ko mahalaga na nakita ang pariralang “matibay na nangagkakaisa” nang ilang beses sa aklat ng Mga Gawa, kung saan mababasa natin ang tungkol sa ginawa agad ng mga tagasunod ni Jesucristo matapos Siyang umakyat sa langit bilang nilalang na nabuhay na mag-uli, at pati na rin ang mga pagpapalang natanggap nila dahil sa kanilang mga pagsisikap. Mahalaga rin na may nakita tayong kahalintulad na huwaran sa matatapat na nasa lupalop ng Amerika noong panahong dumalaw at magministeryo sa kanila ang Panginoon. Ang ibig sabihin ng “matibay na nangagkakaisa” ay nagkakasundo, nagkakaisa, at lahat ay magkakasama.

Ang ilan sa mga bagay na ginawa ng mga Banal nang may pagkakaisa sa dalawang lugar na ito ay sila ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo, nag-aral ng salita ng Diyos nang magkakasama, at naglingkod sa isa’t isa nang may pagmamahal.12

Ang mga tagasunod ng Panginoon ay iisa sa layunin, sa pagmamahal, at sa mga gawa. Alam nila kung sino sila, alam nila kung ano ang gagawin nila, at ginawa nila ito nang may pagmamahal sa Diyos at sa isa’t isa. Sila ay bahagi ng isang magandang kaleidoscope na kumikilos nang may matibay na pagkakaisa.

Ilan sa mga pagpapalang natanggap nila ay napuspos sila ng Espiritu Santo, nagkaroon ng mga himala sa kanila, lumago ang Simbahan, walang alitan ang mga tao, at pinagpala sila ng Panginoon sa lahat ng bagay.13

Maaari nating isipin na ang dahilan kung bakit sila lubos na nagkakaisa ay dahil personal nilang kilala ang Panginoon. Sila ay malapit sa Kanya, at sila ay mga saksi ng Kanyang banal na misyon, ng mga himala na ginawa Niya, at ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Nakita at nahipo nila ang mga marka sa Kanyang mga kamay at paa. Nakatitiyak sila na Siya ang ipinangakong Mesiyas, ang Manunubos ng sanlibutan. Alam nila na “Siya ang pinagmumulan ng lahat ng paggaling, kapayapaan, at walang-hanggang pag-unlad.”14

Bagama’t hindi natin nakikita ang Tagapagligtas, maaari nating malaman na Siya ay buhay. Kapag lumalapit tayo sa Kanya, kapag nagsisikap tayo na makatanggap ng personal na patotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo tungkol sa Kanyang banal na misyon, mas mauunawaan natin ang ating layunin; ang pag-ibig ng Diyos ay mananahan sa ating mga puso;15 magkakaroon tayo ng determinasyon na makiisa sa mga kaleidoscope ng ating mga pamilya, ward, at komunidad; at paglilingkuran natin ang isa’t isa “sa mas bago at mas mabuting paraan.”16

Nangyayari ang mga himala kapag ang mga anak ng Diyos ay magkakasamang nagtutulungan na may patnubay ng Espiritu upang tulungan ang ibang nangangailangan.

Bahang kalsada na may mga recuer

Nakakarinig tayo ng maraming kuwento tungkol sa pagmamahal sa kapwa na nakikita sa mga tao sa oras ng kagipitan. Halimbawa, nang mapinsala ng matinding pagbaha ang lungsod ng Houston noong isang taon, hindi inalala ng mga tao ang sarili nilang pangangailangan at tumulong. Isang elders quorum president ang humingi ng tulong sa komunidad at, isang grupo na binubuo ng 77 bangka ang kaagad naorganisa. Lumibot ang mga sumaklolo sa mga apektadong lugar at inilipat ang mga pamilya sa isa nating meetinghouse, kung saan sila kumanlong at nabigyan ng kinakailangang tulong. Magkasamang nagtulungan ang mga miyembro at hindi miyembro na may iisang layunin.

Mga missionary na nagtuturo ng Spanish

Sa Santiago, Chile, hinangad ng isang Relief Society president na tulungan ang mga imigrante sa kanyang komunidad na nanggaling sa Haiti. Sa pakikipagsanggunian sa kanyang mga priesthood leader, naisip niya at ng iba pang mga lider na magturo ng Spanish sa mga imigranteng iyon, para mas makaangkop sila sa kanilang bagong komunidad. Tuwing Linggo ng umaga, magkakasamang nagtitipon ang mga missionary kasama ang masigasig nilang mga estudyante. Ang pagkakaisa na nadama sa gusaling iyon ay isang nakaaantig na halimbawa ng mga tao mula sa iba’t ibang pinagmulan na naglilingkod nang may matibay na pagkakaisa.

Mga volunteer sa Mexico

Sa Mexico, daan-daang mga miyembro ang nagbiyahe nang ilang oras para tumulong sa mga biktima ng dalawang malalakas na paglindol. May dala-dala silang mga kagamitan, makinarya, at pagmamahal para sa kanilang kapwa. Nang magkakasamang magtipon ang mga boluntaryo sa isa sa ating mga meetinghouse para tumanggap ng mga instruksyon, napaiyak ang mayor ng lungsod ng Ixhuatán nang makita niya ang gayong pagpapahayag ng “dalisay na pag-ibig ni Cristo.”17

Ang Panginoon ngayon ay binibigyan tayo ng pagkakataong magsanggunian nang magkakasama bawat buwan sa ating mga priesthood quorum at Relief Society, upang tayong lahat ay maging mas aktibo sa pakikibahagi sa kaleidoscope ng ating ward o branch—isang lugar kung saan lahat tayo ay kabilang at kailangan.

Bawat isa sa mga landas natin ay magkakaiba, subalit tinatahak natin ito nang magkakasama. Ang tinatahak natin ay hindi tungkol sa kung ano ang nagawa natin o kung nasaan na tayo; ito ay tungkol sa kung saan tayo pupunta at kung ano ang kahihinatnan natin, nang may pagkakaisa. Kapag nagsanggunian tayo sa patnubay ng Espiritu Santo, makikita natin kung nasaan tayo at kung saan tayo kinakailangan. Binibigyan tayo ng Espiritu Santo ng pangitain na hindi nakikita ng ating pisikal na mga mata, dahil “laganap sa atin ang paghahayag,”18 at kapag pinagsama-sama natin ang paghahayag na iyan, mas makauunawa tayo.

Kapag nagtulungan tayo nang may pagkakaisa, ang layunin natin ay alamin at gawin ang kalooban ng Panginoon; ang motibasyon natin ay ang pagmamahal na nadarama natin sa Diyos at sa ating kapwa;19 at ang dapat na pinakahangarin natin ay “masigasig [na] makagawa,”20 upang maihanda natin ang daan para sa maluwalhating pagbabalik ng ating Tagapagligtas. Ang tanging paraan para magawa natin ito ay “matibay na [mag]kaisa.”

Tulad ng mga monarch butterfly, magpatuloy tayo sa paglalakbay nang magkakasama nang may pagkakaisa sa layunin, na taglay ng bawat isa ang sarili nating mga katangian at kontribusyon, at nagtutulungan upang maging mas maganda at sagana ang mundong ito—sa paunti-unting paghakbang at ayon sa mga kautusan ng Diyos.

Ipinangako sa atin ng Panginoong Jesucristo na kapag tayo ay nagkakatipon sa Kanyang pangalan, Siya ay naroroon sa gitna natin.21 Pinatototohanan ko na Siya ay buhay at Siya ay nabuhay na mag-uli noong magandang umaga ng tagsibol tulad ngayon. Siya ang Monarko ng lahat ng monarko, ang “Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.”22

Nawa’y maging kaisa tayo ng Ama at ng Kanyang Bugtong na Anak, sa patnubay ng Espiritu Santo, ang aking mapagkumbabang dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Abraham 3:26; 4:7, 9–12, 15, 18, 21, 24–25.

  2. Ang isang interesanteng katotohanan tungkol sa mga monarch butterfly ay aabot pa ng tatlong henerasyon para makapaglakbay pahilaga sa Canada. Gayunman, isang “napakahusay na henerasyon” ang nakapaglakbay patimog sa Mexico, pinalipas ang taglamig doon, at ginawa ang unang paglalakbay pabalik sa hilaga. (Tingnan sa “Flight of the Butterflies” [video, 2012]; “‘Flight’: A Few Million Little Creatures That Could,” WBUR News, Set. 28, 2012, wbur.org.)

  3. Tingnan sa “Why Do Monarchs Form Overnight Roosts during Fall Migration?” learner.org/jnorth/tm/monarch/sl/17/text.html.

  4. Tingnan sa “What Is a Group of Butterflies Called?” amazingbutterflies.com/frequentlyaskedquestions.htm; tingnan din sa “kaleidoscope,” merriam-webster.com. . Ang Kaleidoscope ay nagmula sa salitang Griyego na kalos (“maganda”) at eidos (“anyo”).

  5. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145.

  6. Doktrina at mga Tipan 88:19; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:25.

  7. Tingnan sa Mosias 18:21.

  8. 3 Nephi 10:4.

  9. Doktrina at mga Tipan 38:27.

  10. Mosias 15:7.

  11. Mga Gawa 1:14; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  12. Ilan sa mga bagay na ginawa ng mga Banal sa Jerusalem: pumili ng isang bagong Apostol at pitong lalaking matwid, at sinang-ayunan sila (tingnan sa Mga Gawa 1:26; 6:3–5); magkakasamang nagtipon sa araw ng Pentecostes (tingnan sa Mga Gawa 2:1); nagpatotoo kay Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 2:22–36; 3:13–26; 4:10, 33; 5:42); hinikayat ang tao na magsisi at bininyagan sila (tingnan sa Mga Gawa 2:38–41); nagpatuloy sa pagsasama-sama, sa pagpuputol-putol ng tinapay, at sa panalangin (tingnan sa Mga Gawa 2:42); nangagkakatipon, at lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan; (tingnan sa Mga Gawa 2:44–46; 4:34–35); dumalo sa templo (tingnan sa Mga Gawa 2:46); nagsikain ng kanilang pagkain na may galak at may katapatan ng puso (Mga Gawa 2:46); nagpuri sa Diyos at nilingap ng buong bayan (tingnan sa Mga Gawa 2:47); nagsitalima sa pananampalataya (tingnan sa Mga Gawa 6:7); nagpatuloy sa pananalangin at sa ministeryo ng salita (Mga Gawa 6:4). Ilan sa mga bagay na ginawa ng mga Banal sa lupalop ng Amerika: nangaral ng ebanghelyo ni Cristo (tingnan sa 3 Nephi 28:23); nagtatag ng simbahan ni Cristo (tingnan sa 4 Nephi 1:1); nagbinyag ng mga tao (tingnan sa 4 Nephi 1:1); bawat tao ay makatarungan ang pakikitungo sa isa’t isa (tingnan sa 4 Nephi 1:2); nagkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay sa kanila (tingnan sa 4 Nephi 1:3); muling nagtayo ng mga lunsod (tingnan sa 4 Nephi 1:7–9); nag-asawa (tingnan sa 4 Nephi 1:11); lumakad alinsunod sa mga kautusang natanggap nila mula sa Panginoon (tingnan sa 4 Nephi 1:12); nagpatuloy sa pag-aayuno at panalangin (tingnan sa 4 Nephi 1:12); madalas na nagtitipong magkakasama upang manalangin at makinig sa salita ng Panginoon (tingnan sa 4 Nephi 1:12).

  13. Ilan sa mga pagpapalang natanggap ng mga Banal sa Jerusalem: sila ay napuspos ng Espiritu Santo (tingnan sa Mga Gawa 2:4; 4:31); natanggap nila ang kaloob na makapagsalita ng mga wika at nagpropesiya at nagsalita ng mga makapangyarihang gawa ng Diyos (tingnan sa Mga Gawa 2:4–18); maraming kababalaghan at mga tanda ang ginawa ng mga Apostol (tingnan sa Mga Gawa 2:43); nagkaroon ng mga himala (tingnan sa Mga Gawa 3:1–10; 5:18–19; 6:8, 15); mas maraming tao ang sumapi sa Simbahan (tingnan sa Mga Gawa 2:47; 5:14). Ilan sa mga pagpapalang natanggap ng mga Banal sa lupain ng Amerika: ang mga tao ay nagbalik-loob sa Panginoon (tingnan sa 3 Nephi 28:23; 4 Nephi 1:2); napagpala ang isang henerasyon (tingnan sa 3 Nephi 28:23); walang alitan at pagtatalu-talo sa kanila (tingnan sa 4 Nephi 1:2, 13, 15, 18); walang mayaman at mahirap (tingnan sa 4 Nephi 1:3); lahat sila ay ginawang malaya, at magkasalo sa makalangit na handog (4 Nephi 1:3); nagkaroon ng kapayapaan sa lupain (tingnan sa 4 Nephi 1:4); may mga makapangyarihang himalang ginawa (tingnan sa 4 Nephi 1:5, 13); lubos silang pinaunlad ng Panginoon (tingnan sa 4 Nephi 1:7, 18); sila ay naging makapangyarihan, napakabilis na dumami, at naging labis na kaakit-akit at kaaya-aya (tingnan sa 4 Nephi 1:10); sila ay pinagpala alinsunod sa maraming pangakong ginawa sa kanila ng Panginoon (tingnan sa 4 Nephi 1:11); “hindi nagkaroon ng alitan sa lupain, dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao” (4 Nephi 1:15); “walang mga inggitan, ni sigalutan, ni alitan, ni pagpapatutot, ni pagsisinungaling, ni pagpaslang, ni anumang uri ng kahalayan; at tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos” (4 Nephi 1:16); “walang mga tulisan, ni mamamatay-tao, ni nagkaroon ng mga Lamanita, ni anumang uri ng mga “ita”; kundi sila ay iisa, ang mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos” (4 Nephi 1:17); pinagpala sila ng Panginoon sa lahat ng kanilang mga gawain (tingnan sa 4 Nephi 1:18).

  14. Jean B. Bingham, “Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos,” Liahona, Nob. 2017, 85.

  15. Tingnan sa 4 Nephi 1:15.

  16. Jeffrey R. Holland, “Mga Sugo ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2016, 62.

  17. Moroni 7:47.

  18. Neil L. Andersen, sa “Ginamit ng mga Auxiliary Panel ang Bagong Training Library,” Liahona, Abr. 2011, 76.

  19. Tingnan sa Mateo 22:37–40.

  20. Jacob 5:61.

  21. Tingnan sa Mateo 18:20.

  22. I Kay Timoteo 6:15.