Elder Carlos A. Godoy
Panguluhan ng Pitumpu
Noong mga huling taon ng 1980s, si Elder Carlos A. Godoy ay kaka-release pa lang bilang bishop. Nakatapos na rin siya sa kolehiyo, nagtatrabaho sa isang malaking kumpanya, at kontento na sa buhay—hanggang sa bisitahin siya ng isang kaibigan.
Binati siya ng kaibigan niyang iyon sa magagandang nangyayari sa kanya pero pagkatapos ay may itinanong na nagpabagabag sa kanya: “Kung patuloy kang mamumuhay nang ganito, matutupad kaya ang mga pagpapalang ipinangako sa patriarchal blessing mo?”
Napag-isip-isip ni Elder Godoy na kailangan niyang gumawa ng mga pagbabago kung gusto niyang matanggap ang lahat ng ipinangakong pagpapala sa kanya. Kahit kuntento na sa buhay, nagdesisyon siyang kumuha ng master’s degree. Umalis siya sa kanyang trabaho, ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian, at, kasama ang kanyang pamilya, ay iniwan ang nakamulatan nang pamumuhay sa Brazil at nag-aral sa Estados Unidos.
Sinabi ni Elder Godoy, na tinawag sa Panguluhan ng Pitumpu noong Marso 31, 2018, na itinuro sa kanya ng karanasang ito ang maraming bagay tungkol sa pagtitiwala sa plano ng Panginoon at pagiging handang iwan ang kanyang komportableng kalagayan.
“Alam ko na ang Panginoon ay may plano para sa atin sa buhay na ito,” ang pinatotohanan niya noong pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2014. “Kilala Niya tayo. Alam Niya ang pinakamainam para sa atin. Hindi dahil nasa ayos ang mga bagay-bagay ay hindi na natin dapat isipin paminsan-minsan kung mayroon pang mas maganda.”
Si Elder Godoy ay sinang-ayunan bilang General Authority Seventy noong Abril 5, 2008. Siya ay kasalukuyang naglilingkod bilang Pangulo ng South America Northwest Area at magsisimula sa kanyang paglilingkod sa Panguluhan ng Pitumpu sa Agosto 1, 2018.
Bago siya tinawag sa Pitumpu, si Elder Godoy ay nagtrabaho bilang human resources manager para sa dalawang malaking korporasyon bago nagsimula ng kanyang sariling consulting company. Siya ay nagtapos ng bachelor’s degree sa economics at political science mula sa São Paulo Pontifical Catholic University noong 1987 at ng master’s degree sa organizational behavior mula sa Brigham Young University noong 1994.
Si Elder Godoy ay naglingkod bilang full-time missionary sa Brazil São Paulo South Mission, bishop, high councilor, regional welfare agent, Area Seventy, at pangulo ng Brazil Belém Mission.
Siya ay ipinanganak sa Porto Alegre, Brazil, noong Pebrero 4, 1961. Pinakasalan niya si Monica Soares Brandao noong Marso 1984, at sila ay may apat na anak.