2018
Magpatuloy Tayo
May 2018


Magpatuloy Tayo

Ang hangarin ninyong sumunod ay titindi habang inaaalala at pinag-iisipan ninyo ang mga nadama ninyo nitong nakaraang dalawang araw.

Mga minamahal kong kapatid, sa pagtatapos ng makasaysayang kumperensyang ito, nakikiisa ako sa inyo sa pasasalamat sa Panginoon para sa kanyang patnubay at nakahihikayat na impluwensya. Napakaganda at nakasisigla ang musika. Hindi lamang nagbigay inspirasyon ang mga mensahe, ngunit ang mga ito ay nagpapabago ng buhay!

Sa kapita-pitagang kapulungan ay sumang-ayon tayo sa bagong Unang Panguluhan. Dalawang dakilang kalalakihan ang natawag sa Korum ng Labindalawang Apostol. At walong bagong mga General Authority Seventy ang tinawag.

Ngayon ang isang paboritong himno ang nagbubuod sa ating panibagong pangako, ang hamon sa atin, at ating mga tungkulin sa pagsulong:

Magpatuloy tayo sa gawain ng Diyos,

Nang gantimpala ay mapasa’tin nang lubos;

Sa katuwiran tayo’y makipaglaban,

Sandata’y katotohanan.

Sulong, ang kalaba’y harapin;

Giting! Diyos ay kaisa natin.

Di susuko sa wika ng masama,

At ang Diyos, ang tanging susundin.1

Pinapayuhan ko kayo na pag-aralan ang mga mensahe ng kumperensyang ito nang madalas—kahit paulit-ulit—sa susunod na anim na buwan. Matapat na maghanap ng paraan para maisama ang mga mensaheng ito sa inyong family home evening, inyong pagtuturo ng ebanghelyo, inyong pakikipag-usap sa pamilya at mga kaibigan, at maging mga pakikipag-usap ninyo sa mga hindi natin kamiyembro. Maraming mabubuting tao ang aayon sa mga katotohanan na itinuro sa kumperensyang ito kapag ibinahagi ng may pag-ibig. Ang hangarin ninyong sumunod ay titindi habang inaaalala at pinag-iisipan ninyo ang mga nadama ninyo nitong nakaraang dalawang araw.

Ang pangkalahatang kumperensya na ito ang simula ng bagong araw ng paglilingkod. Ang Panginoon ay gumawa ng mahahalagang mga pagbabago sa paraan ng pangangalaga natin sa isa’t isa. Ang mga kapatid na babae at lalaki—matanda at bata—ay magsisilbi sa isa’t isa sa bago at mas banal na paraan. Ang mga elders quorum ay mapalalakas upang pagpalain ang buhay ng mga kalalakihan, kababaihan, at mga bata sa buong mundo. Ang mga kababaihan ng Relief Society ay patuloy na maglilingkod sa kanilang natatangi at mapagmahal na paraan, at magbibigay ng pagkakataon sa mga nakababatang kababaihan na sumama sa kanila ayon sa wastong pagtatalaga.

Ang ating mensahe sa mundo ay simple at taos-puso: inaanyayahan natin ang lahat ng anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na lumapit sa kanilang Tagapagligtas, tanggapin ang mga pagpapala ng banal na templo, magkaroon ng walang-hanggang kagalakan, at maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan.2

Ang kadakilaang makakamit sa hinaharap ay nangangailangan ng ating lubos na katapatan ngayon sa mga tipan na ginagawa natin at sa mga ordenansang tinatanggap natin sa bahay ng Panginoon. Sa ngayon, mayroon tayong 159 na mga templo, at marami pa na kasalukuyang ginagawa. Nais namin na dalhin ang mga templo nang mas malapit sa lumalaking bilang ng mga miyembro ng Simbahan. Kaya masaya kaming ianunsyo ang plano na magtayo ng pito pang mga templo. Ang mga templong ito ay itatayo sa mga sumusunod na lokasyon: Salta, Argentina; Bengaluru, India; Managua, Nicaragua; Cagayan de Oro, Philippines; Layton, Utah; Richmond Virginia; at isa pang pangunahing siyudad sa Russia na aalamin pa lamang.

Mga kapatid, ang pagtatayo ng mga templong ito ay maaaring hindi makapagbago ng inyong buhay, ngunit ang oras ninyo sa loob ng templo ay tiyak na magagawa ito. Binabasbasan ko kayo para matukoy ninyo ang mga bagay na maaaring maisantabi ninyo upang makapaglaan kayo ng mas maraming oras sa loob ng templo. Binabasbasan ko kayo para magkaroon kayo ng higit na pagkakasundo at pagmamahal sa inyong mga tahanan at ng mas masidhing hangaring pangalagaan ang inyong walang hanggang mga ugnayan sa pamilya. Binabasbasan ko kayo para magkaroon kayo ng mas malakas na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at ng karagdagang abilidad na sundin Siya bilang Kanyang tunay na mga disipulo.

Binabasbasan ko kayo para mas maitaas ninyo ang inyong mga tinig sa pagpapatotoo, tulad ng ginagawa ko ngayon, na ang ginagawa natin ay gawain ng Makapangyarihang Diyos! Si Jesus ang Cristo. Ito ang Kanyang Simbahan na pinamamahalaan Niya sa pamamagitan ng Kanyang hinirang na mga tagapaglingkod. Pinatototohanan ko ito, nang may pagmamahal para sa bawat isa sa inyo, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Magpatuloy Tayo,” Mga Himno, blg. 148.

  2. Binigyang kahulugan sa Doktrina at mga Tipan 14:7 na “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”