2018
Elder Takashi Wada
May 2018


Elder Takashi Wada

General Authority Seventy

Elder Takashi Wada

Noong isang malamig na araw ng Nobyembre, hindi nakaiwas si Takashi Wada nang magtanong sa kanya ang isang Amerikanong missionary ng direksyon papunta sa local postal office.

Ang 15-anyos na binatilyo ay binalaan ng kanyang ama na umiwas sa mga Mormon, na nakikipag-usap sa mga tao sa mga lansangan ng Nagano, Japan, mga tatlong minuto lang ang layo mula sa kanilang tahanan. Pero napahanga si Takashi ng pagsasalita ng Hapones ng mga Amerikanong elder.

Lumipas ang ilang araw, isa pang missionary ang kumausap kay Takashi. Bago pa lang siya sa Japan. Sa baluktot na pagsasalita ng Hapones, sinikap niyang ibahagi ang kuwento tungkol kay Joseph Smith.

Hindi ito gaanong maintindihan ni Takashi, “pero nadama ko na dapat akong makinig,” paggunita niya.

Itinuro sa kanya ng mga missionary ang mga hakbang sa panalangin at ang mga lesson. Dumalo siya sa mga pulong ng Simbahan at naantig sa mga patotoo ng mga miyembro sa lugar. Dahil naiisip niya ang inaasahan sa kanya ng kanyang pamilyang Buddhist, panay ang sabi ni Takashi sa mga missionary na, “Hindi ako puwedeng sumapi sa Simbahan, pero gusto kong may malaman pa.”

Dalawang taon kalaunan, bago umalis si Takashi para mag-aral sa Estados Unidos sa edad na 17, pinayagan na siya ng kanyang mga magulang, at sumapi siya sa Simbahan.

Si Elder Wada, na isinilang noong Pebrero 5, 1965, kina Kenzo at Kazuko Wada, ay nagtapos ng bachelor of arts degree in linguistics noong 1990 at ng master’s degree in business administration noong 1996, kapwa mula sa Brigham Young University.

Siya ay nagmisyon sa Utah Salt Lake City North Mission at pinakasalan si Naomi Ueno noong Hunyo 18, 1994, sa Tokyo Japan Temple. Sila ay may dalawang anak na lalaki.

Kabilang sa naging trabaho ni Elder Wada ang iba’t ibang posisyon sa mga multinational corporation sa Estados Unidos at Japan, gayundin ang pagiging director for temporal affairs ng Simbahan sa North America West, North America Northwest, at Asia North Areas.

Si Elder Wada ay dating bishop, high councilor, at seminary teacher. Naglingkod siya bilang pangulo ng Japan Tokyo South Mission mula 2013 hanggang 2016. Siya ay sinang-ayunan bilang General Authority Seventy noong Marso 31, 2018.