Bonnie H. Cordon
Young Women General President
Ang paboritong talata ni Sister Bonnie H. Cordon ay matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 123:17: “Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag.”
Para sa kanya ang talatang ito ay naglalarawan ng mga aral na natutuhan niya sa buong buhay niya. “Magagawa natin ang mahihirap na bagay, ngunit magagawa rin natin ang mga ito nang masaya,” sabi ni Sister Cordon, na sinang-ayunan noong Marso 31, 2018, bilang bagong Young Women General President.
Ang kaalamang iyan ay ikinintal sa kanya ng “masayang kabataan” habang nagtatrabaho sa maliit na bukirin sa southeast Idaho at noong nahihirapan siyang matutuhan ang bagong wika bilang missionary sa Portugal. Ito rin ay mensahe na paulit-ulit niyang sinasabi sa mga missionary noong naglilingkod pa siya kasama ng kanyang asawa na pangulo ng Brazil Curitiba Mission. At ito ang pinaplano niyang ibahagi ngayon sa mga kabataang babae sa buong mundo.
Ang mga kabataang babae ngayon, sabi niya, ay inaasahang mas maging aktibo at isulong ang gawain ng Panginoon. “At magagawa natin ito,” dagdag pa niya.
Si Bonnie Hillam Cordon ay ipinanganak noong Marso 11, 1964, kina Harold at Carol Rasmussen Hillam sa Idaho Falls, Idaho, USA. Pagkatapos ng kanyang misyon tinapos niya ang kanyang bachelor’s degree in education sa Brigham Young University, kung saan niya nakilala si Derek Lane Cordon. Ikinasal sila noong Abril 25, 1986, sa Salt Lake Temple. Sila ay may apat na anak at apat na apo.
Kabilang sa mga naging tungkulin niya sa Simbahan ang pagiging nursery leader at seminary teacher. Dalawang taon bago siya matawag na maglingkod bilang tagapayo sa Primary General Presidency, si Sister Cordon ay masayang naglilingkod bilang stake Young Women president. Kahit na-release na siya sa tungkuling iyon, “Hindi ako tumigil kahit kailan na ipagdasal ang mga kabataang babae,” sabi niya.
Ang mensaheng gustung-gusto niyang ibahagi sa mga kabataang babae sa buong mundo ay na mahal niya sila at, higit sa lahat, na mahal sila ng Diyos.