Michelle D. Craig
Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency
Noong siya ay 16 anyos, nalaman ni Sister Michelle D. Craig na lilipat ang kanyang pamilya sa Harrisburg, Pennsylvania, USA, mula sa Provo, Utah, USA, para magsimula na ang kanyang ama sa paglilingkod bilang mission president.
Masaya siyang makasama ang kanyang pamilya, ngunit dahil bagong lipat “wala siyang mga kaibigan” noong nasa junior at senior high school siya.
“Iyon ang mga taon na madali kang maimpluwensyahan,” sabi ni Sister Craig. “Sa halip na umasa ako mga kaibigan, umasa ako sa aking pamilya at sa aking patotoo, at ang simbahan ang naging lakas ko.” Pinahalagahan niya nang lubos ang kaugnayan niya sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.
Si Michelle Daines Craig ay ipinanganak noong Hulyo 13, 1963, sa Provo, Utah, at pinakamatanda sa pitong anak nina Janet Lundgren at Robert Henry Daines III. Sa Provo siya nakatira bago lumipat ang kanyang pamilya sa Pennsylvania. Pagkaraan ng dalawang taon, bumalik si Sister Craig sa Provo para mag-aral sa Brigham Young University, kung saan siya nagtapos ng bachelor’s degree in elementary education. Noong 1984 tinanggap niya ang tawag na magmisyon sa Dominican Republic Santo Domingo Mission.
“Malakas na ang pananampalataya ko noon pa man,” sabi ni Sister Craig, na sinang-ayunan bilang Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency noong Marso 31, 2018. “Mula noong bata ako, alam ko nang ako ay anak ng Diyos. Pero naaalala ko [noong nasa misyon ako] na tuwing magpapatotoo ako tungkol kay Propetang Joseph Smith, nararamdaman ko ang Espiritu. Napakagandang pagpapatibay iyon na nagpalakas sa aking patotoo.”
Ilang araw pa lang siyang nakakauwi nang sabihin ng kapatid na lalaki ni Sister Craig na kailangan niyang makipagdeyt kay Boyd Craig, ang naging kaibigan nito sa misyon. Walong buwan kalaunan naging magkasintahan na sila. Sila ay ikinasal noong Disyembre 19, 1986, sa Salt Lake Temple. Sila ay may tatlong anak at anim na apo.
Nakapaglingkod na siya sa maraming tungkulin, kabilang ang pagiging ordinance worker sa Provo Utah Temple at bilang Gospel Doctrine teacher. Nang tawagin siya sa Young Women General Presidency, siya ay kasalukuyang naglilingkod sa Primary general board.