Paglilingkod nang may Kapangyarihan at Awtoridad ng Diyos
Maglilingkod tayo sa Kanyang pangalan, nang may kapangyarihan at awtoridad Niya, at nang may mapagmahal na kabaitan Niya.
Minamahal kong mga kapatid, salamat sa inyong katapatan sa Panginoon at sa kanyang banal na gawain. Tunay akong nagagalak na makasama kayo. Bilang bagong Unang Panguluhan, nagpapasalamat kami para sa inyong mga dalangin at pagsuporta. Nagpapasalamat kami sa mga buhay ninyo at sa inyong paglilingkod sa Panginoon. Ang inyong katapatan sa tungkulin at di-makasariling paglilingkod ay kasing importante ng sa inyong mga tungkulin tulad ng sa amin sa aming mga tungkulin. Sa buong buhay na paglilingkod sa Simbahan, nalaman ko na talagang hindi mahalaga kung saan tayo naglilingkod. Ang mahalaga sa Panginoon ay kung paano tayo naglilingkod.
Ako ay lubos na nagpapasalamat kay Pangulong Thomas S. Monson na naging isang ehemplo sa akin nang mahigit 50 taon. At sa kanyang mga tagapayo, si Pangulong Henry B. Eyring at Pangulong Dieter F. Uchtdorf, ako ay tunay na humahanga.Pinupuri ko sila sa kanilang paglilingkod sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta. Ang dalawang tapat na tagapaglingkod na ito ay nakatanggap na ng bagong mga tungkulin. Sila ay patuloy na naglilingkod ng masigla at tapat. Iginagalang at minamahal ko silang dalawa.
Isang pambihirang pagpapala na maglingkod sa totoo at buhay na Simbahan ng Panginoon na may awtoridad at kapangyarihan Niya. Ang panunumbalik ng priesthood ng Diyos, kabilang ang mga susi ng priesthood, ay binubuksan sa lahat ng karapat-dapat na mga Banal sa mga Huling Araw ang pinakadakilang espirituwal na mga pagpapala.Makikita natin ang mga pagpapalang iyon na dumarating sa mga babae, lalaki, at mga bata sa buong mundo.
Nakakakita tayo ng mga kababaihan na naiintindihan ang kapangyarihan na likas sa kanilang mga tungkulin at sa endowment at iba pang mga ordenansa sa templo. Alam ng mga kababaihang ito kung paano manawagan sa kapangyarihan ng langit upang pangalagaan at palakasin ang kanilang mga asawa, anak, at mahal sa buhay. Sila ay mga babaeng malakas ang espirituwalidad na namumuno, nagtuturo, at naglilingkod nang walang takot sa kanilang mga tungkulin nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos!1 Ako’y nagpapasalamat sa kanila!
Gayundin, nakakakita tayo ng mga nananampalatayang mga kalalakihan na gumaganap sa kanilang responsibilidad bilang mayhawak ng priesthood. Sila ay namumuno at naglilingkod sa paraan ng Diyos nang may pagmamahal, kabutihan, at tiyaga. Sila ay nagpapala, gumagabay, pumoprotekta, at nagpapalakas ng ibang tao sa pamamagitan ng priesthood na hawak nila.Nagdadala sila ng mga himala sa mga pinaglilingkuran nila habang iniingatan ang sarili nilang buhay mag-asawa at mag-anak. Iwinawaksi nila ang kasamaan at sila ay malalakas na mga elder sa Israel.2 Ako’y lubos na nagpapasalamat sa kanila!
Ngayon, maaari ba akong magsalita tungkol sa isang pagkabahala? Iyon ay ito: Marami sa ating mga kapatid na lalaki at babae ay hindi lubos na naiintindihan ang konsepto ng kapangyarihan at awtoridad ng priesthood. Kumikilos sila na para bang mas gusto nilang tugunan ang sarili nilang makasariling mga hangarin at pagnanasa kaysa gamitin ang kapangyarihan ng Diyos upang pagpalain ang Kanyang mga anak.
Nangangamba ako na marami sa ating mga kapatid ang hindi nauunawaan ang mga pribilehiyo na maaaring mapasakanila.3 Ilan sa ating mga kapatid na lalaki, halimbawa, ay kumikilos na para bang hindi nila naiintindihan ang priesthood at kung ano ang pwede nilang magawa gamit ito. Bibigyan ko kayo ng tiyak na mga halimbawa.
Hindi pa nagtatagal, dumalo ako sa isang sacrament meeting kung saan bibigyan ng pangalan at basbas ng ama ang isang bagong-silang na sanggol. Kinarga ng batang ama ang kanyang mahal na sanggol sa kanyang mga bisig, binigyan siya ng pangalan, at nagbigay ng napakagandang panalangin. Ngunit hindi niya binigyan ng basbas ang batang iyon. Ang babaeng sanggol ay nabigyan ng pangalan ngunit hindi nabigyan ng basbas! Ang elder na iyon ay hindi alam ang pagkakaiba ng panalangin sa basbas ng priesthood. Gamit ang awtoridad at kapangyarihan ng kanyang priesthood, nabasbasan sana niya ang kanyang anak, ngunit hindi niya ito ginawa. Naisip ko, “Sayang na pagkakataon!”
Bibigyan ko kayo ng iba pang mga halimbawa. Alam natin na may mga kalalakihan na nagseset apart ng mga kababaihan bilang mga lider ng Primary, Young Women, o Relief Society ngunit nabibigong basbasan sila ng kapangyarihan na gawin ang kanilang mga tungkulin.Nagbibigay lamang sila ng mga payo at tagubilin. Nakakakita tayo ng mga karapat-dapat na ama na nabibigong bigyan ang kanyang asawa at mga anak ng basbas ng priesthood kapag kailangan nila ang mga iyon.Ang kapangyarihan ng priesthood ay naipanumbalik na sa lupa, ngunit maraming mga kalalakihan at kababaihan sa simbahan ang dumaranas ng matinding mga pagsubok sa buhay nang hindi nakakatanggap ng basbas ng priesthood. Napakalungkot na trahedya nito! Isang trahedya iyan na maaari nating maiwasan.
Mga kapatid, hawak natin ang banal na priesthood ng Diyos! Mayroon tayong awtoridad na pagpalain ang Kanyang mga tao. Isipin lamang natin ang pambihirang pagtiyak ng Panginoon na ibinigay Niya sa atin nang sabihin niyang, “Sinuman ang iyong pagpalain ay aking pagpapalain.”4 Pribilehiyo natin na kumilos sa pangalan ni Jesucristo upang pagpalain ang mga anak ng Diyos ayon sa Kanyang kagustuhan para sa kanila. Mga stake president at bishop, mangyaring tiyakin ninyo na nauunawaan ng bawat miyembro ng mga korum na nasa ilalim ng inyong pangangasiwa kung paano magbigay ng mga basbas ng priesthood—kabilang na ang pagiging karapat-dapat ng sarili at espirituwal na paghahanda na kinakailangan upang ganap na magamit ang kapangyarihan ng Diyos.5
Sa lahat ng mga kapatid na mayhawak ng priesthood, inaanyayahan ko kayo na hikayatin ang mga miyembro na tuparin ang kanilang mga tipan, mag-ayuno at manalangin, mag-aral ng mga banal na kasulatan, sumamba sa templo, at maglingkod nang may pananampalataya bilang mga kalalakihan at kababaihan ng Diyos. Maaari nating tulungan ang lahat na makita nang may mata ng pananampalataya na ang pagsunod at pagiging mabuti ay magpapalapit sa kanila kay Jesucristo, magbibigay-daan upang matamasa nila ang patnubay ng Espiritu Santo, at magalak sa buhay!
Ang katangian ng totoo at buhay na Simbahan ng Panginoon ay ang organisado at nakadirektang pagsisikap na maglingkod sa mga indibidwal na anak ng Diyos at sa kanilang mga pamilya.6 Dahil ito ang Kanyang Simbahan, bilang kanyang mga lingkod, maglilingkod tayo sa nangangailangan, tulad ng ginawa Niya.7 Maglilingkod tayo sa Kanyang pangalan, nang may kapangyarihan at awtoridad Niya, at nang may mapagmahal na kabaitan Niya.
Isang karanasan ko mahigit 60 taon nang nakakalipas ang nagturo sa akin kung gaano makapangyarihan ang pribilehiyo na makapaglingkod sa isa’t-isa. Noon ay isa akong resident surgeon sa Massachusetts General Hospital—na naka-duty araw-araw, tuwing makalawa ng gabi, at dalawang Sabado at Linggo sa isang buwan. Mayroon akong limitadong oras para sa aking asawa, aming apat na anak, at mga aktibidad sa Simbahan. Gayunpaman, itinalaga ako ng aming branch president na dalawin ang tahanan ni Wilbur at Leonora Cox na umaasang si Brother Cox ay babalik sa pagkaaktibo sa Simbahan. Siya at si Leonora ay nabuklod sa templo.8 Gayunpaman, maraming taon nang hindi nagsisimba si Wilbur.
Pumunta ako at ang aking companion sa bahay nila. Pagpasok namin, malugod kaming sinalubong ni Sister Wilcox,9 ngunit si Brother Cox ay mabilis na pumasok sa isa pang silid at isinara ang pinto.
Pumunta ako sa nakasarang pinto at kumatok. Matapos ang ilang sandali, nakarinig ako ng mahinang “Pasok.” Binuksan ko ang pinto at nakita si Brother Wilcox na nakaupo sa tabi ng maraming radio equipment. Sa maliit na silid na iyon, nagsindi siya ng sigarilyo. Malinaw na hindi siya nalulugod na makita ako.
Tumingin ako sa silid nang may pagkamangha at sinabing, “Brother Cox, matagal ko nang gustong matutunan kung paano gamitin ang amateur radio. Puwede mo ba akong turuan nito? Pasensiya na, hindi ako makatatagal ngayong gabi, pero puwede ba akong bumalik sa susunod?”
Nag-atubili siya sandali at pagkatapos ay nagsabi ng oo. Iyon na ang simula ng isang napakagandang pagkakaibigan. Bumalik ako at tinuruan niya ako. Sinimulan ko siyang mahalin at igalang. Sa sumunod na mga pagdalaw, lumabas ang kadakilaan ng taong ito. Naging mabuti kaming magkaibigan, pati na ang mga asawa namin. Pagkatapos, sa paglipas ng panahon, lumipat ang aming pamilya ng tirahan. Patuloy na pinangalagaan ng mga lokal na lider ang pamilya Cox.10
Mga walong taon matapos ang una naming pag-uusap, nilikha ang Boston Stake.11 Mahuhulaan ba ninyo kung sino ang unang stake president? Oo! Si Brother Cox! Sa mga sumunod na mga taon, naglingkod rin siya bilang isang mission president at temple president.
Makalipas ang ilang taon, bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa, inatasan ako upang buuin ang bagong stake sa Sanpete County, Utah. Sa mga interbyu na ginawa ko, masaya akong makitang muli ang aking kaibigan na si Brother Cox! Naramdaman ko na dapat ko siyang tawagin bilang bagong stake patriarch. Matapos ko siyang ordenahan, niyakap namin ang isa’t isa at umiyak. Nagtaka ang mga tao sa silid kung bakit umiiyak ang dalawang matatandang lalaking ito. Ngunit alam namin kung bakit. At alam din ni Sister Cox. Ang mga luha namin ay luha ng kagalakan! Tahimik naming naalala ang pambihirang paglalakbay ng pagmamahal at pagsisisi na nagsimula mahigit 30 taon na ang nakalipas, isang gabi sa kanilang tahanan.
Ang kuwento ay hindi nagtatapos doon. Ang pamilya ni Brother at Sister Cox ay lumaki kabilang ang 3 mga anak, 20 mga apo, at 54 na mga apo sa tuhod. Idagdag pa rito ang kanilang epekto sa daan-daang mga misyonero, sa libu-libo pa sa templo, at sa daan-daang mga taong nakatanggap ng kanilang patriarchal blessing sa ilalim ng mga kamay ni Brother Cox.Ang impluwensiya niya at ni Leonora ay magpapatuloy sa maraming mga henerasyon sa buong mundo.
Ang mga karanasang katulad ng kay Wilbur at Leonora Cox ay nagaganap linggu-linggo—sana, araw-araw—sa loob ng Simbahang ito. Ang tapat na mga tagapaglingkod ng Panginoong Jesucristo ay ginagawa ang Kanyang gawain, nang may kapangyarihan at awtoridad Niya.
Mga kapatid, may mga pinto tayong mabubuksan, mga basbas ng priesthood na maibibigay, mga pusong mapaghihilom, mga pasanin na mapapagaan, mga patotoong mapapalakas, mga buhay na maililigtas, at saya na madadala sa tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw—dahil hawak natin ang priesthood ng Diyos. Tayo ay mga kalalakihang “tinawag at inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig alinsunod sa kaalaman ng Diyos sa mula’t mula pa, dahil sa [ating] labis na pananampalataya,” na gawin ang gawain na ito.12
Ngayong gabi, inaanyayahan ko kayo na literal na tumayo kasama ko sa ating dakila at walang hanggang kapatiran. Kapag tinawag ko ang inyong tungkulin sa priesthood, maaari lamang na tumayo at manatiling nakatayo. Mga deacon, mangyaring tumayo! Mga teacher, tumayo! Mga priest! Mga bishop! Mga elder! Mga high priest! Mga patriarch! Mga seventy! Mga apostol!
Ngayon, mga kapatid, maaari bang kayo ay manatiling nakatayo at makiisa sa ating koro sa pagkanta ng lahat ng tatlong talata ng “Rise Up, O Men of God”?13 Habang kumakanta kayo, isipin ninyo ang inyong tungkulin bilang dakilang hukbo ng Diyos na tumutulong na ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Ito ang ating tungkulin. Ito ang ating pribilehiyo. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.