2018
Elder Gerrit W. Gong
May 2018


Elder Gerrit W. Gong

Korum ng Labindalawang Apostol

Elder Gerrit W. Gong

“Ngayong Linggo ng Pagkabuhay, ako ay masayang umaawit ng ‘Alleluia,’” sabi ni Elder Gerrit W. Gong sa kanyang unang pagsasalita sa kumperensya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ang awit ng pagmamahal ng ating buhay na Tagapagligtas ay ipinagdiriwang ang pagkakaisa ng mga tipan … at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”

Buong buhay na ikinagagalak ni Elder Gong ang pagkakaisang iyan. Alam niya na ang kapangyarihan ng ating mga tipan, lakip ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ay “nagpapalakas at nagpapadakila” sa atin. “Ang mga ito ay nagpapatamis, nagpapanatili, nagpapabanal, at tumutubos,” sabi niya.

Sa isang kasal sa templo isang araw, ang kapangyarihan ng mga tipan, kaakibat ang Pagbabayad-sala, ay nakita sa mga salamin ng templo. Parang nakikita niya sa kanyang isipan ang mga henerasyon ng kanyang pamilya na nagpapatuloy sa kawalang-hanggan, mula sa kanyang kilalang kanunununuan, si First Dragon Gong, na isinilang noong AD 837, hanggang sa 36 na henerasyon ng kanyang sariling apo at nagpatuloy pa nang nagpatuloy sa magkabi-kabila.

“Naunawaan ko ang aking asawa at ang aking sarili bilang mga anak sa aming mga magulang at mga magulang sa aming mga anak, bilang mga apo sa aming mga lolo’t lola at mga lolo’t lola sa aming mga apo,” ang sabi niya. “Ang magagandang aral sa buhay ay nagpapadalisay sa ating kaluluwa habang natututo at nagtuturo tayo sa ating mga walang hanggang papel na ginagampanan, kabilang na ang pagiging anak at magulang, magulang at anak.”

Si Elder Gong ay naglingkod bilang General Authority mula pa noong Abril 2010 at bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu mula pa noong Oktubre 2015. Siya ay sinang-ayunan bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Marso 31, 2018, na kanyang inilarawan bilang “sagradong tawag mula sa Panginoon na nagpamangha sa akin.”

Mula 2011 hanggang 2015, si Elder Gong ay naglingkod bilang miyembro ng Asia Area Presidency, at nagtapos sa paglilingkod na iyon bilang Area President. Siya ay naglingkod bilang full-time missionary sa Taiwan Taipei Mission, high councilor, high priests group leader, stake Sunday School president, seminary teacher, bishop, stake mission president, stake president, at Area Seventy.

Si Elder Gong ay nakatapos ng bachelor of arts degree in Asian Studies at University Studies mula sa Brigham Young University noong 1977. Noong 1979, nagtamo siya ng master of philosophy degree at noong 1981, nagtamo siya ng doctorate in international relations mula sa Oxford University, kung saan siya ay isang Rhodes Scholar. Noong 1985 siya ay naglingkod bilang special assistant sa undersecretary of state sa U.S. State Department, at noong 1987 nagtrabaho siya bilang special assistant sa U.S. Ambassador sa Beijing, China. Simula noong 1989, naglingkod siya sa ilang katungkulan sa Center for Strategic and International Studies sa Washington, D.C. Siya ay dating assistant ng pangulo sa planning and assessment sa Brigham Young University hanggang Abril 2010.

Ang mga lolo’t lola ni Elder Gong ay nandayuhan sa Estados Unidos mula sa China. Si Elder Gong ay ipinanganak sa Redwood City, California, USA, noong 1953. Pinakasalan niya si Susan Lindsay noong Enero 1980, at sila ay may apat na anak at tatlong apo.

“Bawat bagay na mabuti at walang hanggan ay nakasentro sa katotohanang buhay ang Diyos, ang ating Walang Hanggang Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa Kanyang Pagbabayad-sala, na pinatototohanan ng Espiritu Santo,” sabi ni Elder Gong sa kumperensyang ito. “Mapitagan akong sumasaksi at mataimtim na pinatototohanan ang buhay na Cristo—Siya ay … kasama natin sa simula, kasama natin Siya hanggang sa huli.”