2018
Narito, ang Tao!
May 2018


Narito, ang Tao!

Ang mga taong humahanap ng paraan para tunay na mamasdan ang Tao ay makikita ang pintuan patungo sa pinakamalaking kagalakan sa buhay at balsamo para sa kalungkutan.

Mahal kong mga kapatid, at mga kaibigan, nagpapasalamat ako na makasama kayo sa napakagandang pangkalahatang kumperensyang ito ngayong Linggo. Kami ni Harriet ay nagagalak kasama ninyo na sang-ayunan sina Elder Gong at Elder Soares at ang marami pa sa ating mga kapatid na nakatanggap ng mga bagong tungkulin ngayong pangkalahatang kumperensya.

Bagama’t lagi kong naalala ang aking mahal na kaibigang si Pangulong Thomas S. Monson, akin ding minamahal, sinasang-ayunan, at sinuportahan ang ating propeta at Pangulo, si Russell M. Nelson at ang kanyang mga kagalang-galang na tagapayo.

Ipinagpapasalamat at ikinararangal ko rin na makasamang muli na maglingkod ang aking mga minamahal na kapatid sa Korum ng Labindalawa.

Higit sa lahat, ako’y lubos na napapakumbaba at nagagalak sa pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kung saan milyun-milyong kalalakihan, kababaihan at kabataan ang handang magbuhat Kung saan sila nakatayo—sa anumang katayuan o tungkulin—at nagsisikap nang buong puso na maglingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak, at itayo ang kaharian ng Diyos.

Sagrado ang araw na ito. Ngayon ay Linggo ng Pagkabuhay, kung kailan ginugunita natin ang maluwalhating umagang iyon nang kalagin ng Tagapagligtas ang mga gapos ng kamatayan1 at matagumpay na lumabas sa libingan.

Ang Pinakadakilang Araw sa Kasaysayan

Kamakailan ay nagtanong ako sa internet, “Anong araw ang lubhang nagpabago sa takbo ng kasaysayan?”

Ang mga sagot ay nakakagulat at kakatwa at mayroon ding malalim at nakapagpapaisip. Kabilang dito ang araw na tumama ang isang sinaunang asteroid sa Yucatán Peninsula; o noong 1440, kung kailan natapos ni Johannes Gutenberg ang kanyang palimbagan; at siyempre pa ang araw noong 1903 nang ipakita ng Wright brothers sa buong mundo na talagang makalilipad ang tao.

Kung itatanong sa inyo ito, ano ang isasagot ninyo?

Malinaw sa isip ko ang sagot.

Upang malaman ang pinakamahalagang araw sa kasaysayan, dapat nating balikan ang gabing iyon halos 2,000 taon na ang nakalipas sa hardin ng Getsemani nang lumuhod at nanalangin si Jesucristo at inialay ang kanyang Sarili bilang pangtubos para sa ating mga kasalanan. Sa dakila at walang katapusang sakripisyong ito na di mapapantayan ang pagdurusang dulot sa katawan at espiritu, si Jesucristo, kahit pa nga isang Diyos, ay nilabasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat. Dahil sa sakdal na pagmamahal, ibinigay niya ang lahat upang matanggap natin ang lahat. Ang kanyang sagradong sakripisyo, na mahirap maunawaan, at madarama lamang sa ating puso at isipan, ay nagpapaalala sa atin na bawat tao ay dapat pasalamatan si Cristo sa Kanyang dakilang handog na ito.

Kalaunan nang gabing iyon, si Jesus ay dinala sa harapan ng mga pinuno ng relihiyon at pulitika na nanlait sa Kanya, binugbog Siya, at hinatulang mamatay sa kahiya-hiyang paraan. Nagdusa Siyang nakabayubay sa krus hanggang sa wakas iyon ay “naganap na.”2 Ang kanyang bangkay ay inihimlay sa isang hiram na libingan. At pagkatapos, sa umaga ng ikatlong araw, si Jesucristo, ang anak ng Makapangyarihang Diyos, ay lumabas mula sa libingan bilang isang maluwalhati at nabuhay na mag-uling nilalang na taglay ang kadakilaan, liwanag, at karingalan.

Oo, maraming kaganapan sa kasaysayan ang lubhang nakaapekto sa tadhana ng mga bansa at mga tao. Ngunit kahit pagsamahin pa ang lahat ng ito, ay hindi pa rin maikukumpara sa kahalagahan ng naganap sa umagang iyon ng unang Pasko ng Pagkabuhay.

Bakit ang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan—na higit pa ang impluwensyang idinulot kaysa mga digmaan, mapaminsalang kalamidad, at mga tuklas ng siyensya na nagpapabago ng buhay?

Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, Tayo ay Mabubuhay na Muli

Ang sagot ay matatagpuan sa dalawang walang kalutasang hamon na dadanasin nating lahat.

Una, lahat tayo ay mamamatay. Gaano man kayo kabata, kaganda, kalusog, o kaingat, balang araw ang inyong katawan ay mawawalan ng buhay. Ang mga kaibigan at pamilya ninyo ay ipagluluksa kayo. Ngunit hindi na nila kayo mabubuhay pang muli.

Gayunpaman, dahil kay Cristo, ang inyong kamatayan ay pansamantala lamang. Balang araw ang inyong espiritu ay sasamang muli sa inyong katawan. Ang nabuhay na muling katawan ay hindi na saklaw ng kamatayan,3 at kayo ay mananatiling buhay sa kawalang-hanggan, malaya sa sakit at hirap ng katawan.4

Ito ay mangyayari dahil kay Jesucristo, na nag-alay ng Kanyang buhay at kinuha itong muli.

Ginawa niya ito para sa lahat ng naniniwala sa Kanya.

Ginawa niya ito para sa lahat ng hindi naniniwala sa Kanya.

Ginawa niya ito kahit na sa mga nanlibak, lumait, at lumapastangan sa Kanyang pangalan.5

Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, Maaari Nating Makapiling ang Diyos

Pangalawa, lahat tayo ay nagkasala. Ang ating mga kasalanan ay hinahadlangan tayo na makapiling ang Diyos kailanman, sapagkat “walang maruming bagay ang makapapasok sa kanyang kaharian.”6

Bunga nito, bawat lalaki, babae, at bata ay hindi makababalik sa Kanyang kinaroroonan—maliban na lang kung si Jesucristo, ang Korderong walang dungis, ay mag-aalay ng Kanyang buhay para tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Dahil si Jesus ay walang kasalanan, may kakayahan Siyang bayaran ang ating mga pagkakautang at ang mga hinihingi ng katarungan para sa bawat tao. At kayo at ako ay kabilang diyan.

Si Jesucristo ay nagbayad para sa ating mga kasalanan.

Lahat ng ating kasalanan.

Sa pinakamahalagang araw na iyon sa kasaysayan, binuksan ni Jesucristo ang mga pintuan ng kamatayan at inalis ang mga balakid na humahadlang sa atin sa pagpasok sa sagrado at pinabanal na bulwagan ng buhay na walang hanggan. Dahil sa ating Panginoon at Tagapagligtas, tayo ay napagkalooban ng pinakamahalaga at walang katumbas na kaloob—anuman ang ating nakaraan, maaari tayong magsisi at sumunod sa landas na patungo sa selestiyal na liwanag at kaluwalhatian, na napalilibutan ng matatapat na anak ng Ama sa Langit.

Bakit Tayo Nagagalak

Ito ang ipinagdiriwang natin sa Linggo ng Pagkabuhay—ipinagdiriwang natin ang buhay!

Dahil kay Jesucristo, tayo ay babangon mula sa kapighatian ng kamatayan at yayakapin ang mga mahal natin sa buhay, napapaluha sa labis na kaligayahan at nag-uumapaw na pasasalamat. Dahil kay Jesucristo, mabubuhay tayo bilang mga walang hanggang nilalang, sa mga daigdig na walang katapusan.

Dahil kay Jesucristo, ang ating mga kasalanan ay hindi lamang mabubura; ang mga ito ay kalilimutan na.

Tayo ay madadalisay at madadakila.

Banal.

Dahil sa ating pinakamamahal na Tagapagligtas, makaiinom tayo kailanman mula sa bukal ng tubig na sumisibol patungo sa buhay na walang hanggan.7 Makapaninirahan tayo nang walang hanggan sa mga mansiyon ng ating walang hanggang Hari, sa di-mailarawang kaluwalhatian at ganap na kaligayahan.

Atin bang “[Minamasdan] ang Tao”?

Sa kabila nito, marami sa mundo ngayon ang hindi alam o hindi naniniwala sa mahalagang kaloob na ibinigay sa atin ni Jesucristo. Maaaring narinig na nila ang tungkol kay Jesucristo at nakilala Siya bilang mahalagang tao sa kasaysayan, ngunit hindi nila nakikita kung sino talaga Siya.

Kapag iniisip ko ito, naaalala ko ang Tagapagligtas na nakatayo sa harapan ng gobernador ng Roma sa Judea, si Poncio Pilato, ilang oras lamang bago siya mamatay.

Ang tingin ni Pilato kay Jesus ay limitado lamang sa pananaw ng mundo. Si Pilato ay may dalawang malaking trabahong dapat gawin: pangongolekta ng buwis para sa Roma at pagpapanatili ng kapayapaan. Ngayon ay iniharap sa kanya ng Judiong Sanedrin ang isang lalaki na ayon sa kanila ay balakid sa dalawang gawaing ito.8

Matapos tanungin ang kanyang bilanggo, inihayag ni Pilato, “Wala akong masumpungang kasalanan sa taong ito.”9 Ngunit nadama niyang kailangan niyang payapain ang mga nag-aakusa kay Jesus, kaya’t ginamit ni Pilato ang kaugalian sa lugar na magpalaya ng isang bilanggo tuwing panahon ng Paskua. Hindi ba’t dapat na si Jesus ang kanilang palayain sa halip na ang kilalang magnanakaw at mamatay-taong si Barrabas?10

Subalit ang iginiit ng mga nagkakagulong mga tao ay pawalan ni Pilato si Barrabas at ipako sa krus si Jesus.

“Bakit?” Ang tanong ni Pilato. “Anong masama ang kaniyang ginawa?”

Ngunit lalo lamang lumakas ang kanilang pagsigaw. “Ipako siya sa krus!”11

Sa huling pagkakataon sinubukan muli ni Pilato na pagbigyan ang mga tao, kaya iniutos niya sa kanyang mga tauhan na hampasin si Jesus.12 Ginawa nila ito, at iniwan siyang duguan at bugbog ang katawan. Nilibak nila Siya, pinatungan ng koronang tinik ang Kanyang ulo, at pinagsuot Siya ng balabal na kulay-ube.13

Marahil inisip ni Pilato na sapat na ito para masiyahan ang mga tao sa nakitang karahasan. Marahil maaawa sila sa taong iyon. “Narito, siya’y inilabas ko sa inyo,” sabi ni Pilato, “upang inyong matalastas na wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya. … Narito, ang tao!”14

Ang Anak ng Diyos ay nakatayo mismo sa harap ng mga tao ng Jerusalem.

Nakita nila si Jesus, ngunit hindi nila tunay na namasdan Siya.

Wala silang mga matang nakakakita.15

Sa matalinghagang kahulugan, tayo din ay inaanyayahang “[masdan] ang tao.” Iba-iba ang mga opinyon sa Kanya ng mundo. Pinatototohanan ng mga propeta noon at ngayon na siya ay Anak ng Diyos. Ako rin. Makabuluhan at mahalaga na bawat isa sa atin ay malaman mismo iyon. Kaya, kapag pinagninilayan ninyo ang buhay at ministeryo ni Jesucristo, ano ang inyong nakikita?

Ang mga taong humahanap ng paraan para tunay na mamasdan ang Tao ay makikita ang pintuan patungo sa pinakamalaking kagalakan sa buhay at balsamo para sa kalungkutan.

Kaya kapag kayo ay napapalibutan ng kalungkutan at pighati, masdan ang Tao.

Kapag sa pakiramdam ninyo ay naliligaw kayo o nakakaligtaan, masdan ang Tao.

Kapag kayo ay nalulungkot, napabayaan, nag-aalinlangan, nasaktan, o nawalan ng pag-asa, masdan ang Tao.

Siya ay magbibigay sa inyo ng kapanatagan.

Siya ay magpapagaling sa inyo at magbibigay ng kahulugan sa inyong paglalakbay. Ibubuhos Niya ang Kanyang Espiritu at pupuspusin ng galak ang inyong puso.16

“Siya’y nagbibigay ng lakas sa mahina; at ang walang kapangyarihan ay pinananagana niya sa kalakasan.”17

Kapag tunay nating minasdan ang Tao, tayo ay matututo mula sa kanya at magsisikap na iayon sa Kanya ang ating buhay. Magsisisi at masigasig nating dadalisayin ang ating likas na pagkatao at mas lalapit sa Kanya sa bawat araw. Nagtitiwala tayo sa Kanya. Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Kanya sa pagsunod sa Kanyang mga utos at sa pamumuhay ayon sa ating mga sagradong tipan.

Sa madaling salita, tayo ay Kanyang magiging mga disipulo.

Ang Kanyang nagpadalisay na liwanag ay pumupuspos sa ating mga kaluluwa. Ang Kanyang biyaya ay nagpapasigla sa atin. Ang ating mga pasanin ay pinagagaan, ang ating kapayapaan ay nag-iibayo. Kapag tunay nating minasdan ang Tao, may pangakong magkakaroon tayo ng pinagpalang kinabukasan na maghihikayat at magsusuporta sa atin sa gitna ng mga pag-aalinlangan at pagsubok sa buhay. Sa pagbabalik-tanaw, malalaman natin na mayroong isang banal na huwaran, na totoong nagkakaugnay-ugnay ang mga pangyayari sa ating buhay.18

Kapag tinanggap niyo ang Kanyang sakripisyo, naging Kanyang disipulo, at naabot ang dulo ng inyong paglalakbay dito sa lupa, ano ang mangyayari sa mga pagsubok niyo sa buhay?

Mawawala ang mga ito.

Ano ang mangyayari sa mga pagkabigo, pagtataksil, at pang-uusig na dinanas ninyo?

Mawawala ang mga ito.

Ano ang mangyayari sa pagdurusa, dalamhati, kasalanan, kahihiyan at pighati na inyong naranasan?

Mawawala ang mga ito.

Malilimutan.

Nakapagtataka ba na “nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo … upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan”?19

Nakapagtataka ba na nagsusumikap tayo nang buong puso na tunay na masdan ang Tao?

Minamahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko na ang pinakamahalagang araw sa kasaysayan ng sangkatauhan ay ang araw na si Jesucristo, ang Anak ng buhay na Diyos, ay nagtagumpay laban sa kamatayan at kasalanan para sa lahat ng anak ng Diyos. At ang pinakamahalagang araw sa buhay ninyo at sa akin ay ang araw na matutuhan nating “[masdan] ang Tao”; kapag nakita natin Siya sa kung sino Siya talaga; Kapag tinanggap natin nang ganap sa ating puso’t isipan ang Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan; kapag nangako tayong susundin Siya nang may panibagong sigla at lakas. Nawa iyon ay maging araw na paulit-ulit na mangyayari sa atin habambuhay.

Iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo at basbas na kapag ating “[minasdan] ang Tao,” magkakaroon tayo ng kabuluhan, kagalakan, at kapayapaan sa buhay na ito sa lupa at sa buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mosias 15:23.

  2. Juan 19:30.

  3. Tingnan sa Alma 11:45.

  4. Tingnan sa Apocalipsis 21:4.

  5. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:21–23;.

  6. 3 Nephi 27:19.

  7. Tingnan sa Juan 4:14.

  8. Tingnan sa Lucas 23:2.

  9. Juan:18:38. Upang maiwasang hatulan si Jesus, sinubukang ipasa ni Pilato ang kaso kay Herodes. Kung si Herodes, na nag-utos na patayin si Juan Bautista (tingnan sa Mateo 14:6–11), ay hahatulan si Jesus, maaaring aprubahan na lamang ito ni Pilato at sabihing isa lamang itong simpleng kaso sa lokal na pamahalaan na sinang-ayunan niya para mapanatili ang kapayapaan. Ngunit walang sinabing anuman si Jesus kay Herodes (tingnan sa Lucas 23:6–12), kaya pinabalik ni Herodes si Jesus kay Pilato.

  10. Tingnan sa Marcos 15:6–7; Juan 18:39–40. Isinulat ng isang iskolar ng Bagong Tipan, “Tila naging kaugalian na, na sa Paskua ang gobernador sa Roma ay pawalan sa populasyon ng mga Judio ang ilang kilalang bilanggo na nahatulan nang mamatay” (Alfred Edersheim, The Life and Times of Jesus the Messiah [1899], 2:576). Ang kahulugan ng pangalang Barrabas ay “anak ng ama.” Ang kabalintunaan na pinapili ang mga tao ng Jerusalem sa pagitan ng dalawang taong ito ay nakakapag-taka.

  11. Tingnan sa Marcos 15:11–14.

  12. Ang paghampas na ito ay kakila-kilabot kaya’t tinawag itong “the intermediate death” (Edersheim, Jesus the Messiah, 2:579).

  13. Tingnan sa Juan 19:1–3.

  14. Juan 19:4–5.

  15. Bago ito, nakita ni Jesus na “kumapal ang puso ng bayang ito, at mahirap na mangakarinig ang kanilang mga tainga, at kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; baka sila’y mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakarinig ng kanilang mga tainga, at mangakaunawa ng kanilang puso, at muling mangagbalik loob, At sila’y aking pagalingin.” At pagkatapos ay magiliw Niyang sinabi sa Kanyang mga disipulo, “Datapuwa’t mapapalad ang inyong mga mata, sapagka’t nangakakakita; at ang iyong mga tainga, sapagka’t nangakakarinig” (Mateo 13:15–16). Hahayaan ba nating tumigas ang ating mga puso, o bubuksan natin ang ating mga mata at mga puso upang tunay nating mamasdan ang Tao?

  16. Tingnan sa Mosias 4:20.

  17. Isaias 40:29.

  18. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Ang Pakikipagsapalaran sa Mortalidad” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 14, 2018), broadcasts.lds.org.

  19. 2 Nephi 25:26.