Elder Ulisses Soares
Korum ng Labindalawang Apostol
Ang mga buhay na propeta, kabilang si Pangulong Russell M. Nelson, ay tanda ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak, ang pinatotohanan ni Elder Ulisses Soares sa kanyang unang pagsasalita sa kumperensya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.
“Hindi ba isang biyaya ang magkaroon ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag sa mundo sa mga araw na nabubuhay tayo na hinahangad ang kagustuhan ng Panginoon at sinusunod ito? Nakakapanatag na malaman na hindi tayo nag-iisa sa mundo sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap natin sa buhay.”
Bagama’t nakaramdam siya ng kakulangan para sa kanyang sagradong tungkulin bilang Apostol, sinabi ni Elder Soares, “ang mga salita at mahabaging tingin [ni Pangulong Nelson] habang pinapaabot niya sa akin ang responsibilidad na ito ay nagpadama sa akin ng yakap ng Tagapagligtas.”
Sa pagsang-ayon sa kanya noong Marso 31, 2018, si Elder Soares ang unang naging Apostol ng Simbahan mula sa Latin America. Bago matawag sa tungkuling ito, siya ay miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu mula noong Enero 6, 2013, at naglilingkod sa isang special assignment para sa Presiding Bishopric sa Salt Lake City.
Si Elder Soares ay sinang-ayunan bilang General Authority Seventy noong Abril 2, 2005. Sa tungkuling iyan, naglingkod siya bilang tagapayo sa Africa Southeast Area at Brazil South Area at bilang Pangulo ng Brazil Area.
Si Elder Soares ay naglingkod sa maraming iba pang tungkulin sa Simbahan. Siya ay naging full-time missionary sa Brazil Rio de Janeiro Mission, elders quorum president, tagapayo sa bishopric, high councilor, stake executive secretary, regional welfare agent, stake president, at pangulo ng Portugal Porto Mission mula 2000 hanggang 2003.
Isa sa kanyang pinakamahahalagang tungkulin ay dumating noong siya ay 15 anyos, nang atasan siya ng kanyang bishop na pansamantalang magturo sa Sunday School para sa klase ng mga kabataan. Bilang paghahanda sa ituturong lesson tungkol sa paano magkaroon ng patotoo, nagpasiya ang binatilyong si Ulisses na ipagdasal kung totoo nga ang ebanghelyo.
“Nang lumuhod ako at tanungin ang Panginoon kung totoo ang ebanghelyo,” ang paggunita niya, “may nadama akong napakatamis sa puso ko, isang munting tinig na nagpatibay sa akin na totoo ang ebanghelyo at dapat akong magpatuloy dito. Napakalakas niyon kung kaya’t hindi ko kailanman masasabing hindi ko alam.”
Noong 1985 nagtapos siya ng bachelor of arts degree sa accounting at economics mula sa School of Economic Science sa São Paulo Pontifical Catholic University. Matapos magtamo ng master of business administration degree, nagtrabaho siya bilang isang accountant at auditor sa multinational corporations sa Brazil at bilang director for temporal affairs sa Simbahan sa São Paulo area office.
Si Ulisses Soares ay ipinanganak sa São Paulo, Brazil, noong Oktubre 2, 1958. Pinakasalan niya si Rosana Fernandes noong Oktubre 1982. Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya, pinasalamatan ni Elder Soares ang kanyang asawa para sa pagmamahal at suporta nito.
“Ehemplo siya ng kabutihan, pagmamahal at katapatan sa Panginoon at sa akin at sa aking pamilya,” kabilang ang kanilang tatlong anak at tatlong apo, ang sabi niya sa kanyang mensahe sa kumperensya. “Mahal ko siya sa bawat tibok ng aking puso, at nagpapasalamat ako sa kanyang positibong impluwensya sa amin.”