2018
Ang Puso ng Isang Propeta
May 2018


Ang Puso ng Isang Propeta

Maaari tayong magalak na natawag na ang propeta ng Panginoon at na isinasagawa na ang Kanyang gawain sa paraang sinabi Niya.

Taimtim kong ipinagdasal na mapasa bawat isa sa atin ang Espiritu Santo ngayon sa dakilang okasyong ito. Lubhang napakaganda ang nasaksihan nating lahat nang sang-ayunan ang ika-17 propeta ng dispensasyong ito sa kapita-pitagang kapulungan.

Nang humingi ako ng patnubay na malaman ang paksang gustong ipatalakay sa akin ng Panginoon ngayon, natuon ang aking isipan sa pag-uusap namin ng bagong tawag na Unang Panguluhan kamakailan. Sa pag-uusap na ito, ganito ang sabi ng isa sa mga tagapayo: “Umaasa ako na lubos na nauunawaan ng mga miyembro ng Simbahan ang kahalagahan ng naganap sa pagtawag sa ating bagong propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, at ang kahalagahan at kasagraduhan ng kapita-pitagang kapulungan na magaganap sa pangkalahatang kumperensya.” Sinabi pa niya, “Sampung taon na ang nakalipas, at marami, lalo na sa mga kabataan ng Simbahan, ang hindi na maalala o hindi pa nararanasan ito.”

Pangulong David O. McKay

Pinagnilayan ko ang mga naranasan ko dahil dito. Ang unang propetang naaalala ko ay si Pangulong David O. McKay. Katorse anyos ako nang pumanaw siya. Naaalala ko ang kawalang naramdaman ko dahil sa pagpanaw niya, ang luhaang mga mata ng aking ina, at ang lungkot na nadama ng buong pamilya. Naaalala ko kung paano ko nasambit nang natural ang mga salitang “Pagpalain po Ninyo si Pangulong David O. McKay” sa aking mga dalangin na kung hindi ako nakatuon sa aking sinasabi, kahit matapos siyang pumanaw, kusang lalabas iyon sa bibig ko. Inisip ko kung iyon pa rin ang mararamdaman at maiisip ko sa mga propetang kasunod niya. Ngunit halos tulad ng mga magulang na nagmamahal sa bawat isa sa kanilang mga anak, nakadama ako ng pagmamahal, kaugnayan, at patotoo kay Pangulong Joseph Fielding Smith, na sumunod kay Pangulong McKay, at sa bawat propeta mula noon: sina Harold B. Lee, Spencer W. Kimball, Ezra Taft Benson, Howard W. Hunter, Gordon B. Hinckley, Thomas S. Monson, at ngayo’y si Pangulong Russell M. Nelson. Lubos kong sinang-ayunan ang bawat propeta sa pagtataas ng kamay—at masiglang puso.

Sa pagpanaw ng bawat isa sa ating mahal na mga propeta, natural lang na makadama ng lungkot at kawalan. Ngunit ang ating kalungkutan ay may kahalong galak at pag-asa habang nararanasan natin ang isa sa malalaking pagpapala ng Panunumbalik: ang pagtawag at pagsang-ayon sa isang buhay na propeta sa lupa.

Dahil diyan, magsasalita ako tungkol sa banal na prosesong ito na sinunod sa nakalipas na 90 araw. Ilalarawan ko ito sa apat na bahagi: una, ang pagpanaw ng ating propeta at ang pagbuwag sa Unang Panguluhan; pangalawa, ang panahon ng paghihintay na muling maorganisa ang bagong Unang Panguluhan; pangatlo, ang tungkulin ng bagong propeta; at ikaapat, ang pagsang-ayon sa bagong propeta at sa Unang Panguluhan sa kapita-pitagang kapulungan.

Ang Pagpanaw ng Isang Propeta

Libing ni Pangulong Thomas S. Monson
Pangulong Thomas S. Monson

Noong Enero 2, 2018, sumakabilang-buhay ang mahal nating propetang si Thomas S. Monson. Sasapuso natin siya magpakailanman. Nagpahayag ng kanyang nadarama si Pangulong Henry B. Eyring sa pagpanaw ni Pangulong Monson na lubos na naglalarawan sa ating damdamin: “Ang magiging sagisag ng kanyang buhay, tulad sa Tagapagligtas, ay ang kanyang pagmamalasakit na tumulong sa bawat maralita, maysakit—maging sa lahat ng tao—sa buong mundo.”1

Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball:

“Tulad ng paglalaho ng isang bituin sa ating pananaw, may isa pa tayong natatanaw, at nagpasimula ng buhay ang kamatayan.

“Walang katapusan ang gawain ng Panginoon. Kahit kapag pumanaw ang isang malakas na pinuno, ni isang saglit ay hindi nawawalan ng pinuno ang Simbahan, salamat sa kabaitan ng Maykapal na ginawang walang katapusan at walang hanggan ang kanyang kaharian. Tulad ng dati nang nangyari … bago ang dispensasyong ito, mapitagang sinasarhan ng isang lahi ang libingan, pinapahiran ang kanilang mga luha, at ibinabaling ang kanilang tingin sa hinaharap.”2

Ang Apostolic Interregnum o Panandaliang Pamamahala ng mga Apostol

Ang panahon sa pagitan ng pagpanaw ng isang propeta at ng muling pag-oorganisa ng Unang Panguluhan ay tinatawag na “apostolic interregnum.” Sa panahong ito, ang Korum ng Labindalawang Apostol, sa pamumuno ng quorum president, ay sama-samang naghahawak sa mga susi ng pamumuno sa Simbahan. Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith, “Palaging may namumuno sa Simbahan, at kung ang Panguluhan ng Simbahan ay nawala sanhi ng kamatayan o iba pang dahilan, dahil dito ang susunod na mamumuno sa Simbahan ay ang Labindalawang Apostol, hanggang sa muling [maorganisa] ang panguluhan.”3

Ang Korum ng Labindalawang Apostol

Ang pinakahuling apostolic interregnum ay nagsimula nang pumanaw si Pangulong Monson noong Enero 2 at nagtapos makalipas ang 12 araw noong araw ng Linggo, Enero 14, 2018. Noong umagang iyon ng Sabbath, nagpulong ang Korum ng Labindalawa sa silid sa itaas ng Salt Lake Temple sa diwa ng pag-aayuno at panalangin, sa pamumuno ni Pangulong Russell M. Nelson, senior na Apostol at Pangulo ng Korum ng Labindalawa.

Pagtawag ng Bagong Propeta

Sa sagrado at di-malilimutang pulong na ito, sa pagsunod sa isang matatag na huwaran sa pagkakaisa at pagkakasundo, nakaupo ang mga Kapatid ayon sa seniority sa isang semicircle ng 13 upuan at nagtaas ng mga kamay para sang-ayunan muna ang organisasyon ng Unang Panguluhan at pagkatapos ay para sang-ayunan si Pangulong Russell Marion Nelson bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang pagsang-ayong ito ay sinundan ng pagtayo ng Korum ng Labindalawa nang pabilog at pagpapatong ng mga kamay sa ulo ni Pangulong Nelson upang siya ay ordenan at italaga, na ang susunod na pinaka-senior na Apostol ang nagbibigay ng basbas.

Pagkatapos ay binanggit ni Pangulong Nelson ang kanyang mga tagapayo na sina Pangulong Dallin Harris Oaks, Pangulong Henry Bennion Eyring, na si Pangulong Oaks ang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol at si Pangulong Melvin Russell Ballard ang Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Kasunod ng gayon ding mga boto ng pagsang-ayon, bawat isa sa mga Kapatid na ito ay itinalaga ni Pangulong Nelson sa kani-kanilang katungkulan. Napakasagradong karanasan nito, na may pagbuhos ng Espiritu. Ibinabahagi ko sa inyo ang aking tiyak na patotoo na ang kalooban ng Panginoon, na taimtim naming ipinagdasal, ay lubos na nakita sa mga aktibidad at kaganapan sa araw na iyon.

Ang Unang Panguluhan

Nang maorden si Pangulong Nelson at muling maorganisa ang Unang Panguluhan, nagwakas ang apostolic interregnum, at nagsimula nang kumilos ang katatalagang Unang Panguluhan at, ang nakakatuwa, hindi sila tumitigil ni isang segundo sa pamumuno sa kaharian ng Panginoon sa lupa.

Kapita-pitagang Kapulungan

Ngayong umaga, natapos ang banal na prosesong ito ayon sa utos na nakabalangkas sa Doktrina at mga Tipan: “Sapagka’t lahat ng bagay ay kailangang maisagawa nang may kaayusan, at sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon sa simbahan, sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya,”4 at “tatlong Namumunong Mataas na Saserdote, … pinagtibay ng pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin ng simbahan, ang bumubuo ng isang korum ng Panguluhan ng Simbahan.”5

Inilarawan ni Elder David B. Haight ang isang nakaraang kaganapan ng nilahukan natin ngayon:

“Tayo ay mga saksi at kalahok sa isang napakasagradong okasyon—isang kapita-pitagang kapulungan na magsasagawa ng mga bagay na makalangit. Tulad noong unang panahon, nagkaroon ng maraming pag-aayuno at panalangin ang mga Banal sa buong mundo upang makatanggap sila ng pagbuhos ng Espiritu ng Panginoon, na damang-dama … sa okasyong ito ngayong umaga.

“Ang kapita-pitagang kapulungan, tulad ng ipinahihiwatig ng tawag dito, ay nangangahulugan ng isang sagrado, payapa, at mapitagang okasyon kung kailan nagtitipun-tipon ang mga Banal sa pamamahala ng Unang Panguluhan.”6

Mga kapatid, maaari tayong magalak—sumigaw pa ng “Hosana!”—na natawag na ang tagapagsalita ng Panginoon, isang propeta ng Diyos, at na nasisiyahan ang Panginoon na isinasagawa ang Kanyang gawain sa paraang sinabi Niya.

Pangulong Russell M. Nelson

Ang prosesong ito na inorden ng langit ay humahantong sa isa pang propetang tinawag ng Diyos. Tulad ni Pangulong Monson na isa sa pinaka-kahanga-hangang mga taong nanirahan sa mundong ito, gayon din si Pangulong Nelson. Lubos siyang naihanda at naturuan mismo ng Panginoon na pamunuan tayo sa panahong ito. Isang malaking pagpapala sa atin na nariyan ang mahal nating si Pangulong Russell M. Nelson ngayon bilang ating mapagmahal at tapat na propeta—ang ika-17 Pangulo ng Simbahan sa huling dispensasyong ito.

Pangulong Russell M. Nelson

Si Pangulong Nelson ay tunay na isang pambihirang tao. Nagkaroon ako ng pribilehiyong maglingkod sa Korum ng Labindalawa na siya ang aking quorum president nang mahigit dalawang taon lang. Naglakbay akong kasama niya at namangha ako sa kanyang sigla, dahil kailangang magmadali ang isang tao para makaagapay sa bilis niya! Sa kabuuan, nakabisita na siya sa 133 bansa sa buong buhay niya.

Ang kanyang pagtulong ay para sa lahat, bata at matanda. Mukhang kilala niya ang lahat at mahusay siyang makatanda ng pangalan. Pakiramdam ng lahat ng nakakakilala sa kanya ay paborito niya sila. At gayon din ang bawat isa sa atin—dahil sa tunay na pagmamahal at pagmamalasakit niya sa lahat.

Ang pagsasama namin ni Pangulong Nelson ay sa mga tungkulin namin sa simbahan, subalit naging pamilyar din ako sa kanyang propesyon bago siya tinawag bilang General Authority. Tulad ng alam ng marami sa inyo, si Pangulong Nelson ay isang bantog na heart surgeon at, sa simula ng kanyang propesyon, isa siyang pioneer sa pag-imbento ng heart-lung machine. Nagtrabaho rin siya sa research team na sumuporta sa unang open-heart surgery sa isang tao noong 1951, gamit ang heart-lung bypass. Si Pangulong Nelson ang nag-opera sa puso si Pangulong Spencer W. Kimball bago ito naging propeta.

Si Pangulong Nelson bilang isang siruhano

Ang nakakatuwa, nang wakasan ng pagtawag kay Pangulong Nelson sa Labindalawa 34 na taon na ang nakararaan ang kanyang propesyon bilang doktor sa pagpapalakas at pag-opera sa puso, nagpasimula ito ng ministeryo bilang Apostol na nakalaan sa pagpapalakas at pag-opera sa puso ng libu-libong tao sa buong mundo, na bawat isa ay napasigla at napagaling ng kanyang mga salita at karunungan, paglilingkod, at pagmamahal.

Si Pangulong Nelson bilang isang Apostol
Si Pangulong Nelson habang binabati ang mga miyembro
Si Pangulong Nelson kasama ang kanyang apo

Isang Pusong Tulad Kay Cristo

Kapag naiisip ko ang pusong tulad kay Cristo sa araw-araw na gawain, nakikita ko si Pangulong Nelson. Wala pa akong nakilalang sinuman na nagpapakita ng katangiang ito sa mas mataas na antas kaysa kay Pangulong Nelson. Pambihirang pribilehiyo para sa akin ang mapunta sa posisyon na makita ko mismo ang mga katibayan na si Pangulong Nelson ay may pusong tulad kay Cristo.

Ilang linggo lang matapos akong matawag sa Labindalawa noong Oktubre 2015, nagkaroon ako ng pagkakataong makita nang malapitan ang nakaraang propesyon ni Pangulong Nelson. Naanyayahan akong dumalo sa isang kaganapan kung saan pinarangalan siya bilang tagapagbunsod sa pag-oopera sa puso. Pagpasok ko sa lugar, nagulat akong makita ang napakaraming propesyonal na naroon upang parangalan at kilalanin ang nagawa ni Pangulong Nelson maraming taon na ang nakararaan bilang doktor at surgeon.

Noong gabing iyon, maraming propesyonal ang tumayo at nagpahayag ng kanilang paggalang at paghanga sa katangi-tanging kontribusyon ni Pangulong Nelson sa kanyang espesyalidad sa medisina. Kahanga-hanga ang sinabi ng bawat isa sa mga naglahad tungkol sa iba’t ibang nagawa ni Pangulong Nelson, ngunit mas nabigla ako nang kausapin ko ang lalaking katabi ko sa upuan. Hindi niya ako kilala, pero kilala niya si Pangulong Nelson bilang si Dr. Nelson, na direktor ng thoracic surgery residency program sa isang medical school noong 1955.

Ang lalaking ito ay dating estudyante ni Pangulong Nelson. Marami siyang ikinuwentong alaala. Ang higit na kawili-wili ay nang ilarawan niya ang estilo ni Pangulong Nelson sa pagtuturo, na ayon sa kanya ay dahilan kaya siya kilalang-kilala. Ipinaliwanag niya na halos lahat ng pagtuturo sa mga residente sa heart surgery ay isinagawa sa operating room. Doon, inobserbahan at isinagawa ng mga residente ang operasyon sa ilalim ng pangangasiwa ng faculty, bilang laboratory classroom. Ikinuwento niya na ang kapaligiran sa operating room sa ilalim ng ilang faculty surgeon ay magulo, pagalingan, mahirap, at makasarili. Inilarawan ng lalaking ito na mahirap ang kapaligirang iyon, kung minsan pa nga’y nakakawala ng respeto. Dahil dito, pakiramdam pa ng mga residenteng surgeon ay dito madalas na nakasalalay ang kanilang propesyon.

Ipinaliwanag niya ang kakaibang kapaligiran sa operating room ni Pangulong Nelson. Doon ay tahimik, payapa, at marangal. Malaki ang respeto sa mga residente. Gayunman, matapos ipamalas ang isang pamamaraan, inasahan ni Dr. Nelson sa bawat isa sa mga residente ang pinakamataas na pamantayan sa pag-opera. Inilarawan pa ng lalaking ito kung paano lumabas ang pinakamagagandang resulta sa pasyente at ang pinakamagagaling na surgeon mula sa operating room ni Dr. Nelson.

Hindi man lang ako nagulat diyan. Nakita ko ito mismo at talagang nagpala ito sa akin sa Korum ng Labindalawa. Pakiramdam ko naging isa ako, kahit paano, sa kanyang “tine-train na mga residente.”

Si Pangulong Nelson ay may katangi-tanging paraan ng pagtuturo sa iba at pagwawasto sa positibo, magalang, at nakasisiglang paraan. Siya ang sagisag ng pusong tulad kay Cristo at isang halimbawa sa ating lahat. Mula sa kanya, natututuhan natin na anuman ang ating sitwasyon, ang ating puso’t pag-uugali ay maaaring umayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Ngayo’y malaking pagpapala sa atin ang sang-ayunan ang ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson. Sa buong buhay niya, nagampanan niya ang napakarami niyang tungkulin bilang estudyante, ama, propesor, asawa, doktor, priesthood leader, lolo, at Apostol. Ginampanan niya ang mga tungkuling ito noon—at patuloy itong ginagampanan—na may puso ng isang propeta.

Mga kapatid, ang nasaksihan at nalahukan natin ngayon, isang kapita-pitagang kapulungan, ay humahantong sa aking patotoo na si Pangulong Russell M. Nelson ang buhay na tagapagsalita ng Panginoon sa buong sangkatauhan. Idinaragdag ko rin ang aking patotoo sa Diyos Ama, kay Jesucristo, at sa Kanyang papel bilang ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.