2018
Elder Robert C. Gay
May 2018


Elder Robert C. Gay

Panguluhan ng Pitumpu

Elder Robert C. Gay

Noong naglilingkod bilang mission president sa Ghana, nadama ni Elder Robert C. Gay isang araw na hintuan ang isang batang lalaking humahagulgol. Noong una, hindi niya pinansin ang pahiwatig ngunit ilang sandali pa ay iniutos niya sa isang miyembro ng Simbahan na hanapin ang bata at dalhin sa kanya.

Nalaman ni Elder Gay, na sinang-ayunan bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu noong Marso 31, 2018, na nagtitinda ng tuyo ang bata para sa kanyang tagapag-alaga. Nang araw na iyon, nalaglag lahat ang kinita ng bata mula sa butas na bulsa nito.

“Kung babalik siya nang walang dalang pera, tatawagin siyang sinungaling, malamang na bugbugin, at saka siya itataboy sa lansangan,” sabi ni Elder Gay. “Pinawi namin ang kanyang pangamba, pinalitan ang nawala sa kanya, at ibinalik siya sa tagapag-alaga niya.”

Tulad ng ipinaliwanag niya sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2012, ang karanasang iyon ay nagturo kay Elder Gay ng dalawang dakilang katotohanan: “Una, noon ko lang [higit na] nalaman na nagmamalasakit ang Diyos sa bawat isa sa atin at hindi Niya tayo pababayaan kailanman; at pangalawa, nalaman ko na kailangan nating dinggin palagi ang tinig ng Espiritu sa ating kalooban at ‘kaagad’ sumunod anuman ang mangyari, kahit may pangamba tayo o hindi ito madali para sa atin.”

Si Elder Gay ay sinang-ayunan bilang General Authority Seventy noong Marso 31, 2012. Bago siya matawag sa kanyang tungkulin sa Panguluhan ng Pitumpu, siya ay naglilingkod bilang Pangulo ng Asia North Area. Siya ay dating naglingkod sa Church headquarters bilang chairman ng Self-Reliance Services/Perpetual Education Fund Committee, na may mga responsibilidad sa self-reliance services sa iba’t ibang dako ng mundo.

Bago siya matawag sa kanyang tungkulin sa Pitumpu, siya ay chief executive officer ng isang investment firm na kasama siyang nagtatag. Kasama rin siyang nagtatag at naglingkod bilang direktor sa ilang pandaigdigang organisasyon sa pagkakawanggawa at nagtrabaho sa investment banking sa Wall Street, bilang management consultant, at nagturo ng economics sa Harvard University.

Si Elder Gay ay nagtapos ng bachelor of arts degree sa economics na major ang statistics mula sa University of Utah at PhD sa business economics mula sa Harvard University.

Si Elder Gay ay naglingkod bilang full-time missionary sa Spain, high priests group leader, ward Young Men president, high councilor, tagapayo sa bishopric, at Area Seventy.

Siya ay ipinanganak sa Los Angeles, California, USA, noong Setyembre 1, 1951. Pinakasalan niya si Lynette Nielsen noong Abril 1974. Sila ay may pitong anak.