Elder Jack N. Gerard
General Authority Seventy
Noong bata pa lang, si Elder Jack N. Gerard ay gumigising mga bandang alas-5:00 ng umaga araw-araw para tumulong sa pag-aalaga ng mga ginagatasang baka ng pamilya. Ang paglaki sa komunidad na pagsasaka ang ikinabubuhay malapit sa Mud Lake, Idaho, USA, ay hindi lamang nagturo sa kanya na maging masipag at maging responsable kundi pahalagahan ang lahat ng tao bilang mga anak ng Diyos.
“Lahat ay may tungkuling ginagampanan at lahat ay may dahilan kaya sila naririto anuman ang kanilang katayuan o kalagayan sa buhay,” sabi ni Elder Gerard, na sinang-ayunan noong Marso 31, 2018, bilang General Authority Seventy. Ang aral na iyan ay naging pagpapala sa kanya habambuhay.
Ang kanyang propesyon, na kinabibilangan ng responsibilidad na mamahala sa ilang kompanya—tulad ng National Mining Association, America Chemistry Council, at, kamakailan, ang American Petroleum Institute—ay nagbigay sa kanya ng pagkakataong makasalamuha ang mga tao mula sa lahat ng antas ng lipunan.
Si Elder Gerard ay ipinanganak noong 1957 kina James at Cecil Gasser Gerard. Matapos maglingkod sa Sydney Australia Mission, nag-aral si Elder Gerard sa University of Idaho, kung saan siya nagtamo ng internship at ng full-time na posisyon sa mga staff ng isang kongresista sa Idaho.
Habang nagtatrabaho sa Washington, D.C., nakilala niya si Claudette Neff, na nagtatrabaho bilang staff assistant sa isang senador sa Utah. “Nababanaag sa kanya ang liwanag ng ebanghelyo,” ang paglalarawan ni Elder Gerard sa kanilang pagkikita. Sila ay ikinasal noong Abril 4, 1984, sa Salt Lake Temple. Sila ay may walong anak at apat na apo.
Si Elder Gerard ay nagtapos ng bachelor of arts degree sa political science at juris doctor degree mula sa George Washington University.
Si Elder Gerard ay naglingkod bilang bishop, stake president, Area Seventy, Gospel Doctrine teacher, at Sunday School president.
Sinabi ni Elder Gerard na pareho nilang hangad na mag-asawa na gawin ang kalooban ng Panginoon. “Bilang mahihinang mortal, matapat ang pangako naming gawin ang anumang ipagawa sa amin ng Panginoon, at buong pagpapakumbaba at karangalan naming … ilalaan ang aming panahon at pagsisikap sa gawain ng Panginoon.”