2018
Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay
May 2018


Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay

Ngunit sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.

Mahal kong mga kapatid, napakagandang pagkakataon na makasama kayo sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay sa Linggong ito ng pangkalahatang kumperensya! Wala nang mas nararapat pa kaysa sa gunitain ang pinakamahalagang pangyayaring naganap sa mundong ito sa pamamagitan ng pagsamba sa pinakaimportanteng nilalang na nabuhay sa mundong ito. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sinasamba natin Siya na nagsagawa ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala simula sa Halamanan ng Getsemani. Siya ay handang magdusa para sa mga kasalanan at kahinaan ng bawat isa sa atin, kung aling pagdurusa at sa pagdurusang ito ay naranasan Niya na “labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat.”1 Siya ay ipinako sa krus ng Kalbaryo2 at bumangong muli sa ikatlong araw bilang unang nabuhay na mag-uling anak ng ating Ama sa Langit. Mahal ko Siya at pinatototohanan ko na Siya ay buhay! Siya ang namumuno at gumagabay sa Kanyang Simbahan.

Kung wala ang walang hanggang Pagbabayad-sala ng ating Manunubos, wala ni isa sa atin ang magkakaroon ng pag-asang makabalik sa ating Ama sa Langit. Kung wala ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ang kamatayan na ang wakas. Dahil sa Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas naging posible ang buhay na walang hanggan at kawalang-kamatayan para sa lahat.

Dahil sa Kanyang kagila-gilalas na misyon at sa kapayapaang ibinibigay Niya sa Kanyang mga tagasunod, kami ni Wendy ay napanatag noong gabi ng Enero 2, 2018, nang magising kami sa tawag sa telepono na nagsasabi sa amin na sumakabilang-buhay na si Pangulong Thomas S. Monson.

Pangulong Russel M. Nelson at Pangulong Thomas S. Monson

Lagi naming naaalala si Pangulong Monson! Iginagalang namin ang kanyang buhay at ang kanyang pamana. Sa kanyang malakas na espirituwalidad, nag-iwan siya ng hindi malilimutang impluwensysa sa lahat ng nakakilala sa kanya at sa Simbahan na kanyang minahal.

Noong Linggo, Enero 14, 2018, sa silid sa itaas ng Salt Lake Temple, ang Unang Panguluhan ay muling inorganisa sa simple ngunit sagradong huwarang itinatag ng Panginoon. At kahapon, sa kapita-pitagang kapulungan, itinaas ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo ang kanilang mga kamay upang pagtibayin ang naunang ginawa ng mga Apostol. Mapagkumbaba kong pinasasalamatan ang inyong pagsang-ayon.

Nagpapasalamat din ako sa mga naunang humawak ng tungkuling ito. Isang pribilehiyo para sa akin na maglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol sa loob ng 34 na taon at makilala nang personal ang 10 sa nakaraang 16 na Pangulo ng Simbahan. Marami akong natutuhan mula sa bawat isa sa kanila.

Malaki rin ang pasasalamat ko sa aking mga ninuno. Lahat ng walo kong lolo’t lola sa tuhod ay nabinyagan sa Simbahan sa Europa. Isinakripisyo ng matatapat na mga taong ito ang lahat-lahat para makarating sa Sion. Gayunman, sa mga sumunod na henerasyon, hindi lahat ng aking mga ninuno ay nanatiling tapat. Bunga nito, hindi ako lumaki sa tahanang nakasentro sa ebanghelyo.

Mga magulang ni Pangulong Nelson
Ang pamilya ng batang Pangulong Nelson

Mahal ko ang aking mga magulang. Napakahalaga nila sa akin at itinuro nila sa akin ang mga aral na kailangang-kailangan ko. Lubos ko silang pinasasalamatan sa masayang tahanang ibinigay nila sa akin at sa aking mga kapatid. Subalit kahit bata pa lang ako noon, alam ko nang may kulang sa buhay ko. Isang araw sumakay ako ng pampublikong sasakyan at pumunta sa LDS bookstore para maghanap ng aklat tungkol sa Simbahan. Gustung-gusto kong malaman ang tungkol sa ebanghelyo.

Nang mapag-aralan ko ang Word of Wisdom, gusto kong sundin ng mga magulang ko ang batas na iyon. Kaya, isang araw noong bata pa ako, pumunta ako sa basement namin at binasag sa sementadong sahig ang lahat ng bote ng alak! Inaasahan ko na paparusahan ako ng aking ama, ngunit wala siyang sinabi ni isang salita.

Nang magkaisip ako at nagsimula nang maunawaan ang kadakilaan ng plano ng Ama sa Langit, madalas kong sinasabi sa aking sarili, “Ayoko na ng kahit anong regalo sa Pasko! Ang gusto ko lang ay maibuklod sa aking mga magulang.” Ang pinakahihintay ko na pangyayaring iyon ay naganap lamang noong lampas na sa 80 anyos ang aking mga magulang, gayunpaman, nangyari ito. Hindi ko maipapaliwanag ang kasiyahan na naramdaman ko sa araw na iyon,3 at araw-araw ay nararamdaman ko ang kaligayahan ko sa pagbubuklod nila at pagkakabuklod ko sa kanila.

Russell at Dantzel Nelson

Noong 1945, habang nag-aaral pa ako ng medisina, pinakasalan ko si Dantzel White sa Salt Lake Temple. Kami ay biniyayaan ng siyam na napakababait na anak na babae at isang pinakamamahal na anak na lalaki. Ngayon ang aming patuloy na lumalaking pamilya ay isa sa mga lubos na nagpapaligaya sa akin.

Si Pangulo at Sister Nelson at ang kanilang mga anak na babae
Si Pangulong Nelson at ang anak niyang lalaki

Noong 2005, matapos ang halos 60 taong pagsasama bilang mag-asawa, ang aking mahal na si Dantzel ay biglang pumanaw. Sa loob ng ilang panahon, nalugmok ako sa pagdadalamhati. Ngunit ang mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay at ang pangako ng pagkabuhay na mag-uli ang nagpalakas sa akin.

Si Wendy at Russell Nelson

Kasunod niyan ay inilapit ng Panginoon sa akin si Wendy Watson. Ibinuklod kami sa Salt Lake Temple noong Abril 6, 2006. Mahal na mahal ko siya! Siya ay kahanga-hangang babae—isang malaking pagpapala sa akin, sa aming pamilya, at sa buong Simbahan.

Bawat isa sa mga pagpapalang ito ay dumating dahil sa paghahangad at pakikinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Sinabi ni Pangulong Lorenzo Snow, “Ito ay malaking pribilehiyo ng bawat Banal sa mga Huling Araw … na karapatan nating matanggap ang mga pahiwatig ng Espiritu sa bawat araw ng ating buhay.”4

Isa sa mga bagay na paulit-ulit na ikinikintal ng Espiritu sa aking isipan mula nang matawag ako sa bagong tungkulin bilang Pangulo ng Simbahan ay ang kahandaan ng Panginoon na ihayag ang Kanyang isipan at kalooban. Ang pribilehiyong makatanggap ng paghahayag ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak.

Sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Espiritu Santo, tutulungan tayo ng Panginoon sa lahat ng ating mga matwid na hangarin. Sa isang operating room, habang nakatayo ako sa tabi ng pasyente—na hindi sigurado kung paano gagawin ang bagong pamamaraan sa pag-opera—ay naranasan kong inilarawan ng Espiritu Santo sa aking isipan ang dapat gawin.5

Para mas mahikayat ko si Wendy na magpakasal sa akin, sinabi ko sa kanya, “Alam ko ang paghahayag at kung paano matanggap ito.” Ang nakakatuwa sa kanya—na nalaman ko kalaunan na ugali pala niya—ay ipinagdasal na niya ito at tumanggap din ng sarili niyang paghahayag tungkol amin, kaya malakas ang loob niyang sumagot ng oo.

Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ipinagdasal ko araw-araw na makatanggap ng paghahayag at nagpasalamat sa Panginoon sa tuwing mangungusap Siya sa aking puso at isipan.

Isipin ninyo ang himalang iyon! Anuman ang ating tungkulin sa Simbahan, maaari tayong manalangin sa ating Ama sa Langit at tumanggap ng patnubay at direksyon, mabalaan sa panganib at ligalig, at mabigyan ng kakayahan na gumawa ng mga bagay na hindi natin kakayanin nang mag-isa. Kung talagang tatanggapin natin ang Espiritu Santo at matututuhang makilala at maunawaan ang Kanyang mga pahiwatig, magagabayan tayo sa malalaki at maliliit na bagay.

Kamakailan, nitong kailangan kong pumili ng dalawang tagapayo na napakahirap para sa akin na gawin, inisip ko kung paano ko magagawang pumili ng dalawa lamang mula sa labindalawang kalalakihan na aking minamahal at iginagalang.

Dahil alam ko na nakabatay ang mabuting inspirasyon sa mahusay na impormasyon, mapanalangin kong kinausap nang sarilinan ang bawat Apostol.6 Pagkatapos ay pumasok ako sa isang pribadong silid sa templo at hiningi ang kalooban ng Panginoon. Pinatototohanan ko na iniutos ng Panginoon na piliin ko sina Pangulong Dallin H. Oaks at Pangulong Henry B. Eyring na maglingkod bilang aking mga tagapayo sa Unang Panguluhan.

Gayundin, pinatototohanan ko na may inspirasyon din ng Panginoon ang pagtawag kina Elder Gong at Elder Soares na maordena bilang Kanyang mga Apostol. Malugod ko at namin silang tinatanggap sa natatanging kapatirang ito ng paglilingkod.

Nang magtipon kami bilang Kapulungan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa, ang mga silid na aming pinagpupulungan ay naging mga silid ng paghahayag. Damang-dama na naroon ang Espiritu. Kapag nahihirapan kaming lutasin ang mga kumplikadong bagay, isang kasiya-siyang proseso ang nagaganap habang malayang ipinapahayag ng bawat Apostol ang kanyang nasasaisip at mga pananaw. Bagama’t sa una ay magkakaiba ang aming mga pananaw, ang pagmamahal namin sa isa’t isa ay nananatili. Ang aming pagkakaisa ay tumutulong sa amin na mahiwatigan ang kalooban ng Panginoon para sa Kanyang Simbahan.

Sa aming mga pulong, hindi batayan sa pagpapasiya ang pananaw ng nakakarami! Pinakikingan namin ang isa’t isa nang may panalangin hanggang sa magkaisa kami. At kapag ganap nang sumang-ayon ang lahat, nadarama naming pinag-iisa kami ng Espiritu Santo na lubos na nagpapasaya sa amin! Nararanasan namin ang nalaman ni Propetang Joseph Smith nang ituro niya, “Sa pagkakaisa ng damdamin nagtatamo tayo ng kapangyarihan sa Diyos.”7 Walang miyembro ng Unang Panguluhan o Korum ng Labindalawang Apostol ang magdedesisyon para sa Simbahan ng Panginoon nang ayon sa sarili niyang palagay!

Mga kapatid, paano tayo magiging mga lalaki at babae—mga tagapaglingkod na katulad ni Cristo—na nais ng Panginoon na kahinatnan natin? Paano tayo makahahanap ng sagot sa mga tanong na nakababalisa sa atin? Kung may anumang naituro ang kagila-gilalas na karanasan ni Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan, ito ay ang katotohanang bukas ang kalangitan at ang Diyos ay nangungusap sa Kanyang mga anak.

Nagbigay si Propetang Joseph Smith ng huwaran na susundan natin sa paglutas ng ating mga tanong. Dahil nahikayat sa pangako ni Santiago na kung tayo ay nagkukulang ng karunungan ay tanungin natin ang Diyos,8 tinanong mismo ng batang si Joseph ang Ama sa Langit. Naghangad at naghanap siya ng personal na paghahayag at ang kanyang paghahanap ang nagbukas sa huling dispensasyong ito.

Sa gayon ding paraan, ano ang mabubuksan sa inyo ng inyong paghahanap? Anong karunungan ang kulang sa inyo? Ano sa palagay ninyo ang kailangan ninyong malaman o maunawaan kaagad? Tularan ang halimbawa ni Propetang Joseph. Humanap ng tahimik na lugar na palagi ninyong mapupuntahan. Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan at kapanatagan.

Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadama at isagawa ang mga bagay na ipinahiwatig sa inyong gawin. Habang inuulit ninyo ang prosesong ito araw-araw, buwan-buwan, taun-taon, kayo ay “uunlad sa alituntunin ng paghahayag.”9

Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo! “Gayon din maaaring iunat ng tao ang kanyang maliit na bisig upang pigilin ang ilog ng Missouri sa kanyang nakatalagang daan … upang hadlangan ang Pinakamakapangyarihan sa pagbubuhos ng kaalaman mula sa langit sa mga ulo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”10

Hindi na ninyo kailangang itanong kung ano ang totoo.11 Hindi na ninyo kailangang isipin kung sino ang ligtas na mapagkakatiwalaan ninyo. Sa pamamagitan ng personal na paghahayag, magkakaroon kayo ng sariling patotoo na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, na si Joseph Smith ay propeta, at ito ang Simbahan ng Panginoon. Anuman ang sabihin o gawin ng ibang tao, walang makapag-aalis ng patotoo na ikinintal sa inyong puso’t isipan sa kung ano ang totoo.

Hinihimok ko kayong dagdagan pa ang espirituwal na kakayahan ninyong makatanggap ng personal na paghahayag, sapagkat ipinangako ng Panginoon na “Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan”12

Napakarami pang bagay na nais ng Ama sa Langit na malaman ninyo. Tulad ng itinuro ni Elder Neal A. Maxwell, “Sa mga may matang nakakakita at mga taingang nakaririnig, malinaw na ibinibigay ng Ama ang mga lihim ng sansinukob!”13

Walang makapagbubukas ng kalangitan nang higit sa magagawa ng pinagsama-samang kadalisayan, lubos na pagsunod, masigasig na paghahanap, araw-araw na pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa Aklat ni Mormon,14 at pag-uukol palagi ng oras para sa templo at gawain sa family history.

Tiyak na may mga pagkakataon na sa pakiramdam ninyo ay tila sarado na ang kalangitan. Ngunit ipinapangako ko na kung patuloy kayong magiging masunurin, nagpasasalamat sa lahat ng pagpapalang ibinibigay ng Panginoon sa iyo, at kung matiyaga kayong maghihintay sa takdang panahon ng Panginoon, ibibigay sa inyo ang kaalaman at pang-unawang hangad ninyo. Bawat pagpapalang inilaan ng Panginoon para sa inyo—pati na mga himala—ay susunod na darating. Iyan ang gagawin sa inyo ng personal na paghahayag.

Maganda ang pananaw ko sa hinaharap. Ito ay mapupuno ng mga oportunidad para sa bawat isa sa atin na umunlad, makatulong, at maihatid ang ebanghelyo sa bawat sulok ng mundo. Ngunit nababatid ko rin ang mga mangyayari sa mga darating na araw. Nabubuhay tayo sa mundong puno ng kaguluhan at tumitinding salungatan. Ang social media at ang 24 na oras na pagbabalita ay inaatake tayo ng walang humpay na mga mensahe. Kung gusto nating magkaroon ng pagkakataong masuri ang iba’t ibang opinyon at mga pilosopiya ng tao na sumisira ng katotohanan, kailangan tayong matutong tumanggap ng paghahayag.

Ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na si Jesucristo, ay gagawa ng ilan sa kanyang mga pinakadakilang gawain ngayon at hanggang sa Kanyang muling pagparito. Makakakita tayo ng mahihimalang mga palatandaan na ang Diyos Ama at Kanyang Pinakamamahal na Anak ay mamumuno sa daigdig na ito sa karingalan at kaluwalhatian. Ngunit sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.

Mga mahal kong mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. Tulutan ninyo ang Paskong ito ng Pagkabuhay na magdulot ng pagbabago sa inyong buhay. Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw.

Katulad ni Moroni, ipinapayo ko sa inyo ngayong Linggo ng Pagkabuhay na “lumapit kay Cristo, at manangan sa bawat mabuting kaloob”15 simula sa kaloob na Espiritu Santo, kung aling kaloob ay magpapabago sa inyong buhay.

Tayo ay mga tagasunod ni Jesucristo. Ang pinakamahalagang katotohanan na pagtitibayin sa inyo ng Espiritu Santo ay si Jesus ay ang Cristo, ang anak ng buhay na Diyos. Siya ay buhay! Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama, ating Huwaran at ating Manunubos. Ngayong Linggo ng Pagkabuhay, ginugunita natin ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ang Kanyang literal na Pagkabuhay na Mag-uli, at ang Kanyang kabanalan.

Ito ang Kanyang Simbahan, na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Pinatototohanan ko ito, nang may pagmamahal sa bawat isa sa inyo, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.