Kabanata 4
Pinalakas ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo
“Magpasiya kayong mamuhay nang may pagpapakumbaba at sa paraan na palaging kaibigan ninyo ang Espiritu ng Panginoon.”
Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow
Sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan, itinuro ni Lorenzo Snow na, “Umaasa tayo sa Espiritu ng Panginoon na tutulong sa atin at magpapahiwatig sa atin sa tuwina kung ano ang kailangan nating gawin sa pambihirang mga kalagayan na maaaring pumalibot sa atin.”1 Baka hindi na nabuhay si Pangulong Snow para gawin ang pahayag na iyon kung hindi umasa ang dalawa sa kanyang mga kaibigan sa Espiritu ng Panginoon sa isang kakaibang kalagayan 34 na taon bago nangyari iyon.
Noong 1864, sina Elder Lorenzo Snow at Ezra T. Benson ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagmisyon sa Hawaiian Islands. Kasama nila ang tatlo pang mga misyonero: sina Elder Joseph F. Smith, William Cluff, at Alma L. Smith. Nang iangkla ang kanilang barko malayo sa baybayin ng isla ng Maui, silang lahat, maliban kay Joseph F. Smith, ay sumakay sa mas maliit na bangka papunta sa dalampasigan. Habang papalapit sila sa isla, humampas ang malalaking alon, kaya’t nawalan ng kontrol sa bangka ang mayhawak ng timon. Tumaob ang bangka, at tumilapon sa tubig ang lahat ng nakasakay. Hindi nagtagal ay lumutang ang lahat maliban kay Elder Snow. Isang grupo ng mga taga-isla ang nagmamadaling tumulong, at isinama sina William Cluff at Alma L. Smith sa isang lifeboat para hanapin ang kanilang kaibigan. Ikinuwento ni Elder Cluff:
“Ang una kong nakita kay Brother Snow ay ang nakalutang niyang buhok sa tubig sa isang dulo ng nakataob na bangka. Nang maisampa namin siya sa aming bangka, sinabi namin sa mga namamangka na hangga’t maaari ay bilisan ang pagsagwan papunta sa dalampasigan. Matigas ang kanyang katawan, at parang wala nang buhay.
“Magkatabi kaming nakaupo ni Brother A. L. Smith. Inihiga namin si Brother Snow sa aming kandungan, at, habang papunta sa dalampasigan ay tahimik namin siyang binasbasan at hiniling sa Panginoon na iligtas ang kanyang buhay, upang makabalik siya sa kanyang pamilya at tahanan.
“Pagdating sa dalampasigan, binuhat namin siya at dinala sa malalaking bariles na nasa mabuhanging dalampasigan. Pataob namin siyang inihiga sa isa sa mga ito, at iginulung-gulong siya hanggang sa mailabas niya ang nalunok niyang tubig. …
“Pagkatapos sikaping buhayin siya, nang walang anumang palatandaan na mabubuhay pa siya, sinabi ng mga taong naroon na wala nang magagawa pa para sa kanya. Ngunit hindi namin nadama na dapat na kaming sumuko, at nanalangin pa rin kami at sinikap pa rin naming buhayin siya, taglay ang katiyakan na pakikinggan at sasagutin ng Panginoon ang aming mga panalangin.
“Sa wakas nakadama kami ng impresyon na itapat ang aming bibig sa kanyang bibig at sikaping lagyan ng hangin ang kanyang mga baga, na halinhinang umiihip at nagpapalabas ng hangin, na ginagaya hangga’t maaari ang likas na proseso ng paghinga. Ito ang pinagtiyagaan naming gawin hanggang sa matagumpay naming malagyan ng hangin ang kanyang mga baga. Pagkatapos ng ilang sandali, nakakita kami ng kaunting palatandaan na muli siyang mabubuhay. Ang bahagyang pagkurap ng mata, na hanggang sa sandaling iyon ay nakadilat at parang patay, at ang kaunting ingay sa lalamunan, ang unang mga sintomas ng pagbabalik ng lakas. Unti-unti itong lumakas, hanggang sa lubusan nang magbalik ang kanyang ulirat.”
Sa pagbabalik-tanaw sa karanasang ito, alam nina Elder William Cluff at Elder Alma L. Smith kung bakit nila nailigtas ang buhay ni Elder Snow. “Hindi lamang namin ginawa ang karaniwang gagawin sa gayong kalagayan,” sabi niya, “kundi maging ang tila ibinubulong sa amin ng Espiritu.”2 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina .]
Mga Turo ni Lorenzo Snow
Sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, inaakay tayo sa lahat ng katotohanan at pinalalakas ang ating pananampalataya.
Mayroong isang partikular na pagpapala na nauugnay lamang sa pagsunod sa ebanghelyo, iyon [ay] ang kaloob na Espiritu Santo. … Ang Tagapagligtas, na walang dudang nakaaalam na mabuti tungkol sa likas na katangian ng kaloob na ito, ay nagsabi na aakayin nito ang mga taong tatanggap nito sa lahat ng katotohanan at ipakikita sa kanila ang mga bagay na darating [tingnan sa Juan 16:13]. Ang kaloob na Espiritu Santo ay dapat higit pa kaysa sa espiritung nagmumula sa Diyos, na pumupuno sa kalawakan at nagbibigay liwanag sa bawat taong dumarating sa daigdig [tingnan sa D at T 84:46]; ang kaloob na Espiritu Santo ang dapat umakay tungo sa lahat ng katotohanan, at ipakita sa kanila ang mga bagay na darating.
Dagdag pa rito, sa pagsasalita tungkol sa mga epekto nito, sinabi ni Apostol [Pablo] na: “Sa bawa’t isa ay ibinibigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan naman. Sa iba’y ang pananampalataya, sa gayon ding Espiritu.” [Tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:7, 9.] Hindi isang karaniwan, ordinaryong pananampalataya, na kunwaring taglay ng ilan sa ngayon; kundi isang pananampalatayang nagbibigay ng kakayahan sa mga nagtataglay nito na malagari, maitapon sa mga yungib ng mga leon, naglalagablab na mga pugon, at dumanas ng lahat ng uri ng pagpapahirap at pananakit. Ito ang uri ng pananampalatayang ipinagkakaloob ng Espiritu Santo sa mga taong nagtataglay nito, na nagbibigay kakayahan sa nagtataglay nito na matiis ang bawat paghihirap, labanan ang bawat oposisyon o pagsalungat at ibuwis ang kanyang buhay, kung kinakailangan, para sa itinataguyod niyang layunin. May makapangyarihang inspirasyon sa pananampalatayang ito, na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na hindi maipadarama ng iba pang alituntunin. Sa isa ay ibinigay ang pananampalataya, sa isa ay karunungan [tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 12:8], hindi iyong nakakamtan sa pagbabasa lamang ng mga aklat, kundi kaalamang mula sa Makapangyarihang Diyos. Nasa kanila ang alituntuning nagbibigay ng inspirasyon, na tunay, na nagbibigay sa kanila ng kaalaman tungkol sa itinataguyod nilang adhikain. Alam nila sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos na ang sinunod nilang layunin ay totoo, na inihayag ito sa kanila sa paraang hindi nila mapag-aalinlanganan, at alam nila sa kanilang sarili. At sila ay naitatag … sa ibabaw ng bato ng paghahayag.3
Sinabi ni Pedro sa pangangaral sa mga tao, “Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagka’t sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.” [Ang Mga Gawa 2:38–39.] Ang kaloob na ito ng Espiritu Santo ay kakaibang alituntunin sa alinmang nakikita natin sa sekta ng mga relihiyon. Ito ay alituntunin ng katalinuhan, at paghahayag. Ito ay alituntuning naghahayag ng mga bagay ng nakaraan, ng kasalukuyan at ng hinaharap, at ang mga kaloob na ito ng Espiritu Santo ay matatanggap sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hinihingi ng ebanghelyo na ipinahayag noong panahong iyon at ipinahahayag ng mga Elder ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa panahong ito. Sa batong ito dapat nakasalig ang kanilang pananampalataya; mula dito nila dapat matanggap ang kaalaman tungkol sa doktrinang itinataguyod nila, at sinabi sa atin ng Tagapagligtas na “ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa kanila.” [Tingnan sa 3 Nephi 11:39.] …
… Ang pundasyong kinasasaligan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang bato ng paghahayag—sa ibabaw ng bato na sinabi ni Jesus na pagtatayuan Niya ng Kanyang simbahan, at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban dito [tingnan sa Mateo 16:17–18]. Hindi natin natanggap ang kaalamang ito sa pamamagitan ng laman at dugo, hindi natin natanggap ang patotoong ito mula sa tao, hindi natin ito natanggap sa pamamagitan ng pagbabasa ng Biblia … o ng Aklat ni Mormon, kundi natanggap natin ito sa pamamagitan ng mga pagkilos ng Espiritu Santo, na nagtuturo ng mga bagay ukol sa Diyos, mga bagay ng nakaraan, ng kasalukuyan, at ng darating pa lamang, at itinuturo niyan ang mga bagay ukol sa Diyos, kaya’t malinaw na naipakikita sa atin ang mga ito. Hindi ninyo maiaalis sa amin ang kaalamang ito sa pamamagitan ng pagbibilanggo o ng anumang uri ng pang-uusig. Paninindigan namin ito hanggang kamatayan.4 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina ]
Maaaring mapasa bawat Banal sa mga Huling Araw ang Espiritu Santo bilang isang kaibigan na magpapayo.
May paraan para mapanatiling malinis ng mga tao ang kanilang konsiyensya sa harap ng Diyos at ng tao, at iyan ay sa pamamagitan ng pananatili sa kanila ng Espiritu ng Diyos, na siyang diwa ng paghahayag sa bawat lalaki at babae. Ihahayag nito sa kanila, maging ang mga pinakasimpleng bagay, kung ano ang dapat nilang gawin, sa pamamagitan ng pagmumungkahi sa kanila. Dapat nating sikaping alamin ang likas na katangian ng Espiritung ito, upang maunawaan natin ang mga iminumungkahi nito, at pagkatapos ay palagi nating magagawa ang tama. Ito ay malaking pribilehiyo ng bawat Banal sa mga Huling Araw. Alam nating karapatan nating matanggap ang mga pahiwatig ng Espiritu sa bawat araw ng ating buhay.
Ang mga tao ay masyadong nasasabik na makatanggap ng payo tungkol sa ilang paksa o sa iba pa. Hindi sila kailangang lumapit sa akin palagi (pero sa ilang pagkakataon ay marapat lang na gawin ito), sapagkat nasa kanila ang Espiritu upang gumawa ng mabuti at isagawa ang mga layunin ng Diyos. … Hindi sila kailangang palaging lumapit sa Pangulo ng Simbahan, o sa Labindalawa, o sa mga Elder ng Israel, para humingi ng payo; maaari nila mismong makamtan ang kailangan nila; may isang kaibigan na nakaaalam ng dapat sabihin sa kanila. Mula nang tanggapin natin ang Ebanghelyo, lumusong sa mga tubig ng binyag at pagkatapos ay ipinatong ang mga kamay sa ating uluhan para sa kaloob na Espiritu Santo, nagkaroon na tayo ng isang kaibigan, kung hindi natin ito itataboy sa pamamagitan ng paggawa ng mali. Ang kaibigang iyan ay ang Banal na Espiritu, ang Espiritu Santo, na nakikibahagi sa mga bagay ng Diyos at ipinakikita ang mga ito sa atin. Ito ay napakagandang paraan na ibinigay sa atin ng Panginoon, upang malaman natin ang liwanag, at hindi patuloy na mangapa sa dilim.5 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina ]
Ang Espiritu Santo ay makapagdudulot sa atin ng kaligayahan at kapayapaan ng isipan.
Ang Panginoon ay naglagay ng mga likas na hangarin at damdamin sa ating kalooban, at gayundin sa buong sangkatauhan, sa buong pamilya ng tao. Nakatanim at nakalangkap sa kanilang pagkatao ang mga hangarin at kakayahan para masiyahan, mga hangarin sa partikular na mga bagay na nilayong magtaguyod ng ating kapayapaan at para sa ating kapakanan, na sagot sa kanilang damdamin at nagtataguyod ng kanilang kaligayahan, ngunit ang pagkakamit ng kasiyahan sa mga kakayahan at hangarin ay hindi batid at hindi nauunawaan ng mundo, ngunit nakita ng Panginoon na marapat na ilagay tayo sa posisyon na maunawaan ang mga bagay na iyon sa pamamagitan ng pagiging matapat at paglakad sa liwanag ng Banal na Espiritu at pagtanggap ng katotohanan.6
Pribilehiyo ng mga Banal sa mga Huling Araw na ipamuhay ang Ebanghelyo sa paraan na madarama nilang katanggap-tanggap sila sa Diyos. Siyempre, nakagagawa tayo minsan ng mga bagay na ikinahihiya natin kapag inisip natin ang mga ito, ngunit pinagsisisihan natin ang mga ito sa ating puso at nagpapasiyang hindi na gagawin pa ang mga ito. Iyan lamang ang hinihingi sa atin ng Panginoon; at ang kalalakihan at kababaihan na namumuhay sa gayong paraan ay namumuhay nang hindi isinusumpa. Sila ay matuwid at nagagalak sa Espiritu Santo.7
Kung pananatilihin natin sa ating sarili ang liwanag ng Espiritu, makalalakad tayo sa ebanghelyo na nagtatamasa ng kapayapaan at kaligayahan sa daigdig na ito; at habang patuloy tayo sa paglalakbay, na sinisikap na manatiling payapa at maligaya sa ating landas, sa di kalayuan, tayo ay magkakaroon ng payapang kaisipan na hindi matatamasa ng iba maliban ng mga taong napupuspos ng Banal na Espiritu.8 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 89.]
Kailangan natin ang tulong ng Espiritu Santo habang tinitiis natin ang mga pagsubok, ginagampanan ang ating mga tungkulin, at naghahanda para sa selestiyal na kaluwalhatian.
Maraming mahahalagang bagay ang hinihiling sa atin, at maraming bagay tayong magagawa, kapag tinulungan ng Espiritu ng Panginoon, na kung minsan ay tila imposibleng maisagawa.9
Nais kong ipaalala sa aking mga kapatid … na ang ating kabatiran at katalinuhan ay nakasalalay sa Espiritu ng Diyos, na maaaring nasa atin, kung malilinang nang wasto, isang diwa ng inspirasyon, ng paghahayag, upang malinaw na maipabatid sa ating pang-unawa ang kaisipan at kalooban ng Diyos, na nagtuturo sa ating mga tungkulin at obligasyon, at kung ano ang ipinagagawa sa atin. … Kailangan natin ang tulong. May pananagutan tayo kapag ginawa natin ang bagay na aakay sa atin tungo sa kaguluhan at kadiliman, at ang mga bagay na hindi para sa ating ikabubuti, ngunit sa tulong ng tagaalo na iyon na ipinangako ng Panginoon sa mga Banal, kung maingat nating susundin ang mga bulong nito, at uunawain ang wikang gamit nito, maaari nating maiwasan ang maraming kaguluhan at matinding paghihirap.10
Lubos tayong nakaasa sa diwa o espiritu ng inspirasyon, at kung mayroon mang panahon, simula nang manirahan si Adan sa Halamanan ng Eden, kung kailan mas kailangan ang Espiritu ng Diyos kaysa sa panahong ito, hindi ko na alam ito. Ang mga palatandaan ng panahon, ang mabilis na pagdating ng mga pangyayaring susubok sa puso ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa kanilang integridad, ay nangangailangan ng masigasig na paghahangad sa Espiritu ng Diyos ngayon, at sa Banal na tulong, sapagkat talagang kakailanganin ito sa mga pangyayaring mabilis na ngayong dumarating. Alam nating kinailangan natin ito noon. Madali nating makikita na kung wala sa atin ang Espiritu ng Diyos upang gabayan tayo sa maraming pinagdaanan natin, hindi natin matatamasa ang ating kasalukuyang pag-asa sa kadakilaan at kaluwalhatian, at hindi sana ganito kaganda ang ating katayuan. At kung kinailangan natin noon ang Banal na Espiritu, tunay na mauunawaan natin na kakailanganin ito sa hinaharap.11
Dapat nating maunawaan—at sa palagay ko nauunawaan nating lahat—na ang gawaing ipinunta natin dito sa buhay na ito para isagawa ay hindi maisasagawa para sa ikaluluwalhati ng Diyos o sa ikasisiya ng ating sarili kung gagawin lamang ito sa pamamagitan ng sarili nating katalinuhan. Nakaasa tayo sa Espiritu ng Panginoon na tutulong sa atin at magpapaunawa sa atin sa tuwi-tuwina kung ano ang kailangan nating magawa o maisakatuparan sa hindi pangkaraniwang mga kalagayan na maaaring nakapaligid sa atin.12
Talagang malaking kahangalan na asahang makasunod ang mga Banal sa mga Huling Araw sa panahong ito sa selestiyal na batas, sa batas na nagmumula sa Diyos, at sa kanyang mga layunin na iangat ang mga tao at mapunta sa kanyang piling, maliban na tinulungan sila ng isang hindi pangkaraniwan [makalangit] na kapangyarihan. Ipinangako ito ng ebanghelyo. Ipinapangako nito ang kaloob na Espiritu Santo, na likas ang kabanalan, at hindi natatamasa ng iba pang klase ng mga tao, at sinabi sa atin ng Tagapagligtas na aakay tungo sa lahat ng katotohanan, at bibigyang-inspirasyon ang mga nagtataglay nito, at bibigyan sila ng kaalaman tungkol kay Jesus, ng kaalaman tungkol sa Ama, at ng mga bagay na nauukol sa daigdig na selestiyal. Bibigyang-inspirasyon nito ang mga taong nagtataglay nito ng kaalaman ng mga bagay na darating, at ng mga bagay ng nakaraan; at bibigyan sila ng inspirasyon hanggang sa matamasa nila ang mga kaloob na hindi pangkaraniwan—ang kaloob na mga wika at propesiya, ang pagpapatong ng mga kamay sa ulo ng taong maysakit, na sa pamamagitan nito sila ay mapagagaling.
Ipinangako sa mga tumanggap ng ebanghelyong ito ang pambihirang [mga] kapangyarihan at kaloob na ito, at ang kaalaman sa kanilang mga sarili, upang hindi sila umasa sa kaninumang tao, hinggil sa katotohanan ng relihiyon na natanggap nila. Sa halip, dapat silang tumanggap ng kaalaman mula sa Ama na ang relihiyon ay nagmula sa kanya, na ang ebanghelyo ay nagmula sa kanya, at na ang kanyang mga tagapaglingkod ay may karapatan at awtoridad na isagawa ang mga ordenansang iyon, upang hindi sila mayanig o maalis ng anumang doktrina sa landas na kanilang tinatahak; upang sila ay maging handa para sa kaluwalhatian na dapat mahayag, at maging kabahagi ng mga iyon; upang mapagtiisan nila ang anumang pagsubok o pagpapahirap nang sa gayon ang kalooban ng Diyos ay mapasakanila, upang higit silang maihanda para sa selestiyal na kaluwalhatian; upang hindi sila lumakad sa kadiliman, kundi sa liwanag at kapangyarihan ng Diyos, at maiangat at madaig ang mga bagay ng mundo, at mangibabaw sa mga bagay na nakapaligid sa kanila. Ito ay upang malaya silang makalakad sa ilalim ng mundong selestiyal, at sa paningin ng Diyos at ng kalangitan, bilang mga taong malaya, na tumatahak sa landas na ipinakita sa kanila ng Espiritu Santo, sa landas na iyon na kung saan ay maiaangat nila ang kanilang sarili sa kaalaman at kapangyarihan. At sa pamamagitan nito, maihahanda ang kanilang sarili na tanggapin ang kaluwalhatiang sinabi ng Diyos na ipagkakaloob sa kanila, at marating nila ang dakilang kalagayan na nilayon ng Diyos para sa kanila.13
Dapat tayong mamuhay sa paraan na malalaman natin na ang landas ng ating buhay ay katanggap-tanggap sa Diyos. Dapat nating maunawaan ang tinig at mga bulong ng Banal na Espiritu. Sa araw na hindi natatakpan ng mga ulap ang kalangitan, natutuklasan natin ang mga bagay sa paligid, ang kanilang kariktan at layunin. Kaya’t nakaasa tayo sa Espiritu ng Diyos para sa kaliwanagan tungkol sa mga alituntunin ng katotohanan at kaligtasan. Hindi matatamasa ng sinumang nagsasabing siya ay Banal sa mga Huling Araw ang anumang antas ng kaligayahan maliban kung namumuhay siya sa gayong paraan, at sa gayon ay inilalagay ang kanyang sarili sa ilalim ng patnubay ng langit.14 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 89.]
Kapag namumuhay tayo nang may pagpapakumbaba, tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na sumulong sa ating landasin.
Magpasiya na mamuhay nang may pagpapakumbaba at sa paraan na palaging mapapasainyo ang Espiritu ng Panginoon bilang inyong kaibigan, upang makapagmungkahi sa inyo sa tuwina kapag kinakailangan sa mga hindi pangkaraniwang kalagayan na maaari ninyong maranasan. …
… Gaano katagal pa ako mabubuhay, hindi ko alam, at hindi ako nag-aalala tungkol dito. Talagang hinahangad ko, at ito ay isang bagay na dapat ninyong hangarin, na taglayin ang pagpapakumbabang iyon, at ang kababaan ng kalooban na iyon, at ang kasimplihang iyon upang matamasa ang diwa ng paghahayag. Pribilehiyo ninyo, ng bawat isa sa inyo, na magkaroon ng sapat na diwa ng paghahayag upang malaman talaga kung ano ang nararapat ninyong gawin. Pribiliheyo ninyo gaya ng pribilehiyo ko rin na malaman kung ano ang gagawin bukas, pagsapit ng bukas, para sa pangkalahatang kapakanan ng Simbahan.15
Dapat nating sikapin, hangga’t maaari, na kalimutan ang lahat ng makamundong bagay na bumabagabag at nagpapahirap sa atin, at ituon ang ating mga isipan sa Panginoon, habang taglay ang Kanyang Banal na Espiritu upang magawa nating tanggapin ang gayong kaalaman at mga mungkahing tutulong sa atin sa pagsulong sa ating landas.16 [Tingnan sa mungkahi 5 sa kasunod na pahina.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.
-
Habang nirerepaso ninyo ang salaysay sa mga pahina 77–80, isipin ang mga pagkakataon na pinagpala kayo dahil sumunod ang isang tao sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Isipin din ang mga pagkakataon na sumunod kayo sa isang pahiwatig na tulungan ang ibang tao.
-
Basahin ang bahaging nagsisimula sa pahina . Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “naitatag … sa ibabaw ng bato ng paghahayag”? (Para sa ilang halimbawa, tingnan ang mga pahina 80–83.) Paano tayo mabibigyan ng personal na paghahayag ng lakas na “matiis ang bawat paghihirap” at “labanan ang bawat oposisyon o pagsalungat”?
-
Sinabi ni Pangulong Snow na matutulungan tayo ng Espiritu Santo na “matamasa ang kapayapaan at kaligayahan sa mundong ito” (pahina 85). Kailan kayo natulungan ng Espiritu Santo na maging maligaya at makadama ng kapayapaan? Ano ang iba pang paraan na matutulungan tayo ng Espiritu Santo? (Para sa ilang halimbawa, tingnan ang mga pahina 85–87.)
-
Habang pinag-aaralan ninyo ang simula ng bahagi sa pahina , isipin kung paano ninyo natutuhang maramdaman ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo. Paano ninyo matutulungan ang isang miyembro ng pamilya o kaibigan na matutuhang makilala ang mga pahiwatig ng Espiritu?
-
Kasama sa kabanatang ito ang dalawang pagtukoy sa Espiritu Santo bilang isang kaibigan (mga pahina 84 at 88). Sa inyong palagay bakit kailangan natin ang pagpapakumbaba at kasimplihan para mapasaatin ang Espiritu Santo bilang ating kaibigan?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Lucas 12:12; Juan 14:26–27; Mga Taga Roma 14:17; I Mga Taga Corinto 12:4–11; Mga Taga Galacia 5:22–25; 1 Nephi 10:17–19; 2 Nephi 32:5