Kabanata 11
“Hindi Ko Pinaghahanap ang Aking Sariling Kalooban, Kundi ang Kalooban ng Ama”
“Dapat nating ipailalim ang ating kalooban sa kalooban ng Ama, at magkaroon ng inspirasyong sabihing, ano ba ang kalooban ng ating Ama, na siyang ipinarito natin sa mundo upang paglingkuran? Sa gayong paraan bawat gagawin natin ay magtatagumpay.”
Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow
Noong Marso 31, 1899, naglakbay si Pangulong Lorenzo Snow papunta sa Brigham Young Academy (na ngayon ay Brigham Young University), kung saan isang malaking grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang nagtipon upang ipagdiwang ang kanyang ika-85 kaarawan. Sa umaga, nagbigay siya ng mensahe sa isang debosyonal sa kalalakihan na nasa kongregasyon. Kasabay niyon, nagkaroon din ng katulad na pulong ang kababaihan, na pinangasiwaan ng mga asawa ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Kinahapunan, nagsama-sama ang lahat sa isang pulong.
Bilang bahagi ng pulong sa hapon, 23 mga bata ang “nagmartsa papunta sa may pulpito, at habang nakaharap kay Pangulong Snow, ay kumanta ng dalawang awitin … , at pagkatapos bawat bata ay nagbigay sa Pangulo ng isang pumpon ng mga bulaklak.” Nagpasalamat si Pangulong Snow sa mga bata at binasbasan sila. Pagkatapos ay isa-isang lumapit sa pulpito ang walong estudyante ng Brigham Young Academy. Bawat isa, na kumakatawan sa isang organisasyon sa paaralan, ay nagbigay ng maingat na pinaghandaang papugay sa kanilang propeta. Bilang sagot sa mga salitang iyon ng pagmamahal at paghanga, sinabi ni Pangulong Snow:
“Ngayon mga kapatid, hindi ko alam ang sasabihin ko tungkol sa lahat ng ito. Gusto kong umuwi at pag-isipan ito, ngunit sa palagay ko inaasahan ninyo ang kaunting mensahe, at sa tingin ko dapat may sabihin ako, pero hindi ko talaga alam kung ano ang sasabihin ko. Gayunman, ito ang masasabi ko. Nauunawaan ko na hindi ninyo ginagawa ang papugay na ito sa akin bilang si Lorenzo Snow, kundi dahil sa katungkulang kinakatawan ko na may kaugnayan sa mga kapatid ko, sa mga tagapayo ko at sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawa. … Dama ko na anuman ang nagawa ko ay hindi iyon dahiI kay Lorenzo Snow, at ang mga karanasang naghatid sa akin sa katungkulang ito bilang Pangulo ng Simbahan—hindi si Lorenzo Snow ang may gawa nito, kundi ang Panginoon ang gumawa nito. Noong narito pa sa lupa si Jesus binanggit Niya ang kahanga-hangang mga salitang ito; pinag-isipan ko ito at palagi itong nasa isipan ko anuman ang aking ginagawa: ‘Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili; humahatol ako ayon sa aking naririnig; at ang paghatol ko’y matuwid.’ Ngayon, bakit Niya sinabing matuwid ang Kanyang paghatol? Sabi niya, sapagkat ‘hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban [ng aking Ama na] nagsugo sa akin.’ [Tingnan sa Juan 5:30.] Iyan ang alituntunin, mga kapatid ko, na pinagsisikapan kong gawin simula nang maihayag sa akin na ang aking Ama sa langit, at inyong Ama sa langit, ay buhay. Noon pa man ay sinisikap ko nang gawin ang Kanyang kalooban. …
“Ang Panginoon ang inyong pinararangalan kapag pinararangalan ninyo ako at ang mga tagapayo ko at ang Korum ng Labindalawa. Matagal na nating natuklasan, bawat isa sa atin, na wala tayong magagawa kung tayo lamang mag-isa. Tanging sa pagsunod namin sa alituntuning sinunod ni Jesus noong nasa mundo pa Siya kami nagtagumpay sa aming mga pagsisikap; at magiging ganito rin sa inyo.”1
Mga Turo ni Lorenzo Snow
Kapag hangad natin ang kalooban ng Diyos, tinatahak natin ang landas na walang kabiguan.
May isang landas na maaaring tahakin ng kalalakihan at kababaihan kung saan walang kabiguan. Anuman ang tila mga kabiguang dumating, sa katotohanan ay walang magiging kabiguan, sa pangkalahatan. … May mga pagkakataon noon na tila tayo ay paurong; kahit paano, gayon nga sa mga taong hindi lubusang naliwanagan tungkol sa kaisipan at kalooban ng Diyos. Ang Simbahan ay dumanas na ng napakapambihirang mga karanasan, at malalaki na ang ginawang sakripisyo ng mga tao. … Ngunit napagtagumpayan natin ang mga pagsasakripisyong ito, at bilang mga tao ay hindi tayo nabigo. Bakit hindi nagkaroon ng kabiguan? Sapagkat itinuon ng mga tao, sa kabuuan, ang kanilang isipan sa mga tunay na alituntunin ng buhay, at ginampanan ang kanilang tungkulin. … Taglay ng mga tao ang Espiritu ng Panginoon, at sinunod nila ito. Dahil dito ay hindi nagkaroon ng kabiguan. Maaari din itong mangyari sa mga indibiduwal. May isang landas na dapat tahakin ng bawat tao kung saan walang kabiguan. Ito ay angkop sa temporal gayundin sa espirituwal na mga bagay. Ibinigay sa atin ng Panginoon ang salitang naglalarawan nito sa mga talatang ito na nabasa ko mula sa Aklat ng Doktrina at mga Tipan:
“Kung ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag, at walang magiging kadiliman sa inyo, at yaong katawan na puno ng liwanag ay nakauunawa sa lahat ng bagay. Samakatwid, pabanalin ang inyong sarili upang ang inyong mga isipan ay matuon sa Diyos.” [D at T 88:67–68.]
Iyan ang susi kung paano palaging magiging matagumpay ang isang tao. Sabi ni Pablo:
“Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus.” [Mga Taga Filipos 3:14.]
Isang malaking bagay na dapat palaging pagtuunan ng pansin ng bawat [Banal] sa mga Huling Araw. Ano ang gantimpalang iyan? … “Lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya.” [D at T 84:38.]
Ang Tagapagligtas sa isang pagkakataon ay gumawa ng pambihirang pahayag. Ito ay nasa ika-5 kabanata ng Sn. Juan, at ganito ang nakasaad:
“Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili.” [Juan 5:30.]
Kagila-gilalas na ang Diyos na gumawa sa mga daigdig, na pumarito sa lupa at nadamitan ng laman, na nagsagawa ng malalaking himala, at nagbuwis ng kanyang buhay sa Bundok ng Bungo [Calvario] para sa kaligtasan ng sangkatauhan—ay magsasabing, “Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili.” At nagpatuloy Siya sa pagsasabing:
“Humahatol ako ayon sa aking naririnig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong [Ama na] nagsugo sa akin.” [Juan 5:30.]
Napakaganda ng mga salitang iyan, at ito ay tunay na malaman at makahulugan. Ngayon, ang nais natin ay mapasaatin ang diwang iyon sa bawat kilos sa ating buhay at sa bawat adhikain, temporal man o espirituwal, at hindi isipin ang sarili lamang. Dapat nating alamin kung paano natin dapat gugulin ang salapi at ang impormasyong ibinigay sa atin ng Diyos. Simple lang ang sagot—para sa kaluwalhatian ng Diyos. Ang ating mata ay dapat nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos. Iyan ang dahilan kung kaya’t iniwan natin ang unang buhay at [naparito] sa buhay na ito. Dapat nating hangaring itaguyod ang kapakanan ng Kataas-taasang Diyos, at madama ang tulad ng nadama ni Jesus, “Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili.” Yayamang kumikilos tayo ngayon at bukas, sa linggong ito at susunod na linggo, para sa kapakanan ng Diyos, at nakatuon ang ating mata sa Kanyang kaluwalhatian, hindi magkakaroon ng kabiguan.2 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina .]
Sa pagsunod natin sa kalooban ng Diyos, binibigyan Niya tayo ng kapangyarihan upang magtagumpay sa Kanyang gawain.
Hindi tayo makagagawa ng anoman sa ating sarili. Gaya ng sinabi ni Jesus: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama; sapagka’t ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayon ding paraan.” [Juan 5:19.] Naparito Siya sa buhay na ito upang gawin ang kalooban ng kanyang Ama, at hindi ang kanyang sariling kalooban. Dapat gayundin ang ating hangarin at determinasyon. Kapag may mga bagay na nangangailangan ng pagpupursigi sa ating panig, dapat nating ipailalim ang ating kalooban sa kalooban ng Ama, at magkaroon ng inspirasyong sabihing, ano ba ang kalooban ng ating Ama, na siyang ipinarito natin sa mundo upang paglingkuran? Sa gayong paraan bawat gagawin natin ay magtatagumpay. Maaaring hindi natin makita ang tagumpay nito ngayon o bukas, gayon pa man tagumpay ang magiging bunga nito.3
“At sinabi ni Moises sa Dios, Sino ako, upang pumaroon kay Faraon, at upang ilabas sa Egipto ang mga anak ni Israel?” [Tingnan sa Exodo 3:11.] …
“At sinabi ni Moises sa Panginoon, Oh Panginoon ko, ako’y hindi marikit mangusap, kahit ng panahong nakaraan, kahit mula ng magsalita ka sa iyong lingkod, sapagka’t ako’y kimi sa pangungusap at umid sa dila.” [Tingnan sa Exodo 4:10.] …
Nakikita natin sa mga talatang ito na aking binasa, na tinawag ng Diyos si Moises upang gawin ang isang gawain; nadama ni Moises ang kawalan niya ng kakayahan na gawin ang hinihingi sa kanya. Napakalaki ng gawain. Napakalalim at napakabigat na gawain iyon, at hinihingi ang bagay na sa pakiramdam ni Moises ay wala siyang kapangyarihan at kakayahang gawin; at nadama niya ang kanyang kahinaan, at hiniling niya sa Diyos na humanap na lamang ng iba. … Tumutol siya sa kanyang damdamin, kaya’t kinausap niya ang Panginoon na nagsasabing: Ano ba ang katangi-tangi sa akin para isugo ako na gawin ang dakilang gawaing ito,—sapagkat imposibleng maisagawa ito sa pamamagitan ng taglay kong kakayahan. …
Ito ang nadarama at iniisip ni Moises at nais niyang ipahiwatig ang mga ito sa Diyos. Gayon nga sa simula pa lamang; nang tawagin ng Panginoon ang mga indibiduwal, nadama nila na wala silang kakayahan, at gayon din kapag tinatawag ang mga elder na magsalita sa inyo. Ganyan din ang pakiramdam ng mga elder na tinawag na humayo sa mga bansa ng daigdig bilang mga ministro ng ebanghelyo. Nadarama nila ang kawalan nila ng kakayahan. Nadarama nila ang kanilang kakulangan. …
Ngayon, nang tawagin si Jeremias, nadama rin niya ang tulad ng nadama ni Moises. Sinabi niyang tinawag siya ng Panginoon na maging propeta, hindi lamang sa sambahayan ni Israel, kundi sa lahat ng mga bansa sa paligid. Siya ay isang bata lamang, tulad ni Joseph Smith, noong magpakita sa kanya ang Diyos. Si Joseph noon ay mga 14 na taong gulang lamang—at dahil bata pa nga siya—hindi siya bihasa, kung pag-uusapan ang karunungan at kaalaman ng daigdig—gayundin si Jeremias, noong una siyang tawagin ng Diyos—sinabi niyang: “Sapagka’t ako’y bata. Paano ko maisasakatuparan ang napakalaking gawaing ito na hinihiling ninyong gawin ko, na gampanan ang malalaking responsibilidad na ito na nais ninyong ipatong sa aking mga balikat?” Natatakot siya at ayaw niyang gawin ang napakalaking gawaing ito. Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, … para mapanatag siya, “Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita.” Sinabi Niyang kilala na Niya siya sa [premortal] na daigdig ng mga espiritu, na isasagawa niya ang hinihiling ng Panginoon sa kanyang mga kamay; “at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita; inihalal kitang propeta sa mga bansa.” [Tingnan sa Jeremias 1:5–6.] Humayo siya, at sa kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos, naisagawa ni Jeremias ang hiniling ng Panginoon na gawin niya. …
Ibang-iba ang gawain ng Panginoon sa gawain ng mga tao. Kaiba Siyang kumilos. Sinabi iyan ni Apostol Pablo. Sabi niya: “Masdan ninyo ang sa inyo’y pagkatawag. Hindi ang … marunong … ang mga tinawag; kundi pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong.” [Tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:25–27.] At [ang] mga apostol na tinawag ng Diyos, na tinawag ni Jesus, na Anak ng Diyos, at ipinatong niya ang kanyang kamay sa kanilang mga ulo at ipinagkaloob sa kanila ang kanyang priesthood at kanyang awtoridad upang maisakatuparan ang kanyang gawain, ay hindi nakapag-aral; hindi nila naunawaan ang mga siyensiya, hindi sila humawak ng mataas na katungkulan sa Judea—sila ay mga maralita at hindi marunong bumasa at sumulat; mababa lamang ang kanilang mga katungkulan sa buhay. … Kunsabagay, kakaiba ang Panginoon. Iba ang ginagawa Niyang mga pagtawag sa mga pagtawag na ginagawa ng mga tao. At madaling [malito] ang mga tao hinggil sa pamamaraan ng pagtawag ng Diyos; ang pinakamagigiting na lalaki, ang pinakamatatalinong lalaki ay kadalasang [nalilito]. Si Moises ay [nalito] sa kung paano siya bibigyan ng Panginoon ng kakayahan na isagawa ang hinihiling ng Panginoon sa kanya ngunit sinabi sa kanya ito pagkatapos. Siya ay tinulungan at inalalayan ng Panginoon sa kagila-gilalas na paraan, sa pagkumbinsi sa kanyang mga kapatid, ang Israel, nang makita siya ng dakilang Jehova. Nakipagsanggunian siya sa kanila at sinabi sa kanila ang tungkol sa kanyang misyon at bandang huli ay sumang-ayon sila. Tinanggap nila ang kanyang mga payo at kanyang pamumuno at inakay niya sila palabas ng Egipto, na lupain ng pagkaalipin. Nagtagumpay siya, hindi sa pamamagitan ng kanyang sariling karunungan; kundi iniukol niya ang lahat ng kanyang tagumpay sa Makapangyarihang Diyos na siyang tumawag sa kanya. At gayon din kami. …
Ngayon, maaaring sapat na ang sabihing tinawag kami ng Diyos. Hindi kami nangangaral [maliban] na hilingin ito ng Diyos. Halos bawat lalaking kabilang sa mga elder ng Israel ay nadaramang hindi sila handa kapag tinawag silang ipangaral ang ebanghelyo, upang gampanan ang mga tungkulin at obligasyong ibinigay sa kanila. Napansin ko na ang ilan sa mga pinakamagagaling na tagapagsalitang tumayo na sa pulpitong ito, kapag tinawag sila ay nangangamba sila, dama nilang kailangan nilang hingin ang pananalig at suporta ng kongregasyon. At tumayo silang taglay ang kapangyarihan ni Jehova at ipinahayag ang kanyang kalooban nang may takot at panginginig; ngunit hindi sa pamamagitan ng sarili nilang lakas at karunungan ang pagsasalita nila sa mga Banal sa mga Huling Araw. Bagamat hindi sila kailanman nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral sa kolehiyo, gayon pa man, tumatayo sila sa harapan, nang hindi umaasa sa kanilang sariling lakas kundi sa lakas ng ebanghelyo.4
Hindi natin palaging magagawa ang nais nating gawin, ngunit magkakaroon tayo ng kapangyarihang gawin ang nararapat nating gawin. Bibigyan tayo ng Panginoon ng kapangyarihang gawin ito.5 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 176.]
Tinawag tayong kumilos sa pangalan ng Diyos, at kinikilala natin ang Kanyang kamay sa lahat ng kabutihang ating ginagawa.
Ang ginagawa natin ay ginagawa natin sa pangalan ng Panginoong Diyos ng Israel, at handa tayong kilalanin ang kamay ng Makapangyarihang Diyos sa lahat ng ating ginagawa. Nang tumayo si Moises bilang tagaligtas ng mga Anak ni Israel mula sa kanilang pagkaalipin sa mga taga Egipto, hindi niya ipinakilala ang kanyang sarili bilang isang pangkaraniwang tagaligtas, kundi humayo siya sa pangalan ng Panginoong Diyos ng Israel, na inutusang isagawa ang kanilang pagkatubos sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad na natanggap niya mula sa Diyos. At mula nang sandaling nagpakita siya sa kanila sa ganitong kapasidad, hanggang sa maisakatuparan niya ang kanyang gawain, siya ay kumilos sa at sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon, at hindi sa kanyang sariling karunungan o kahusayan, ni hindi dahil sa taglay niya ang mas mataas na katalinuhan kaysa sangkatauhan. Ang Panginoon ay nagpakita sa kanya sa nagliliyab na palumpong, at inutusan siyang humayo at gawin ang isang partikular na gawain, na may kinalaman sa kapayapaan, kaligayahan at kaligtasan ng isang dakilang bayan; at ang tagumpay at kaunlaran nito ay nabatay sa pagsunod sa orden ng mga bagay na inihayag sa kanya ng Diyos ng Kalangitan. Ang kanyang tagumpay at kaunlaran ay talagang tiniyak dahil sa katotohanan na ang gawaing ipinagawa sa kanya ay hindi gawa-gawa lamang niya, kundi mula iyon kay Jehova. …
Ganyan din sa ating sarili. Ang dakilang gawaing naisasakatuparan ngayon—ang pagtitipon ng mga tao mula sa mga bansa ng mundo ay hindi nagmula sa kaisipan ng sinumang tao o ng alinmang grupo ng mga tao; kundi ito ay nagmula sa Panginoon na Makapangyarihan.6
Nakaasa tayo sa Diyos; at sa lahat ng ating mga gawa at pagpapagal, at sa lahat ng mga tagumpay na kaakibat ng ating mga pagpapagal, dama natin na ang Diyos ang may gawa nito.7
Naparito tayo sa daigdig para sa isang dakilang layunin, tulad ni Jesus, na ating nakatatandang kapatid, upang gawin ang kalooban at mga gawain ng ating Ama; dito ay mayroong kapayapaan, kagalakan at kaligayahan, dagdag na karunungan, kaalaman at kapangyarihan ng Diyos; sa labas nito ay walang ipinangakong mga pagpapala. Kaya’t ilaan natin ang ating sarili sa kabutihan, tulungan ang bawat isa at ang lahat na maging mas mabuti at mas maligaya; na gumawa ng kabutihan sa lahat at huwag gawan ng masama ang sinuman; igalang ang Diyos at sundin ang Kanyang Priesthood; linangin at pangalagaan ang nabigyang liwanag na budhi at sundin ang Banal na Espiritu; huwag manghina, humawak nang mahigpit sa bagay na mabuti, magtiis hanggang wakas, at ang inyong saro ng kagalakan ay mapupuno hanggang sa mag-umapaw ito, sapagkat napakalaki ng inyong gantimpala dahil sa inyong mga pagsubok at inyong mga pagdurusa sa mga tukso, sa matitindi ninyong pakikibaka, sa mga hangarin at pagluha ng inyong puso; oo, bibigyan kayo ng ating Diyos ng koronang hindi kumukupas ang kaluwalhatian.8 [Tingnan sa mungkahi 3 sa kasunod na pahina.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.
-
Pag-aralan ang bahaging nagsisimula sa pahina 169. Paano ninyo malalaman na nakatuon ang inyong mata sa kaluwalhatian ng Diyos? Sa napakaraming sagabal sa daigdig, paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na ituon ang kanilang mga mata sa kaluwalhatian ng Diyos?
-
Repasuhin ang mga sinabi ni Pangulong Snow tungkol kina Moises at Jeremias (mga pahina 170–173). Paano tayo matutulungan ng mga talang ito sa ating mga pagsisikap na maglingkod sa mga korum ng priesthood, sa Relief Society, at sa iba pang mga organisasyon ng Simbahan?
-
Itinuro ni Pangulong Snow na dapat tayong maglingkod “sa pangalan ng Panginoon” (pahina ). Paano ninyo ilalarawan ang isang taong kumikilos sa pangalan ng Panginoon? Isipin ang mga pagkakataon ninyong maglingkod sa pangalan ng Panginoon.
-
Ginamit ni Pangulong Snow ang mga salitang tagumpay at matagumpay nang ilang beses sa kabanatang ito. Paano naiiba ang pakahulugan ng Diyos sa tagumpay sa pakahulugan ng mundo? Bakit maaari nating matiyak ang tagumpay kapag sumusunod tayo sa kalooban ng Diyos?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Taga Filipos 4:13; 2 Nephi 10:24; Mosias 3:19; Helaman 3:35; 10:4–5; 3 Nephi 11:10–11; 13:19–24; D at T 20:77, 79; Moises 4:2