Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 13: Relief Society: Tunay na Pag-ibig sa Kapwa at Dalisay na Relihiyon


Kabanata 13

Relief Society: Tunay na Pag-ibig sa Kapwa at Dalisay na Relihiyon

“Walang institusyon na itinatag na may higit na dakilang hangarin. Ang batayan nito ay tunay na pag-ibig sa kapwa-tao, na siyang dalisay na pag-ibig ni Cristo.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

Noong tag-init ng 1901, ang general Relief Society presidency ay nag-organisa ng maghapong aktibidad para sa kababaihan ng Relief Society na nasa Salt Lake Valley. Tinanggap ni Pangulong Lorenzo Snow ang imbitasyong dumalo at magsalita sa grupo. Sinimulan niya ang kanyang mensahe sa pagsasabing: “Pinasasalamatan ko ang pribilehiyong makasama kayo ng isa o dalawang oras sa hapong ito, at tiwala akong nasisiyahan kayong lahat ngayon. Ang angkop na paglilibang at kasiyahan ay mabubuting bagay, at natutuwa ako mga kapatid na makita kayong nagkakaroon ng kaunting pahinga at paglilibang, sapagkat kayo na mga masisipag na nagsisigawa sa bawat araw sa inyong mga tahanan at sa Relief Society ay talaga namang nararapat lamang na magkaroon ng kasiyahan.”

Si Pangulong Snow, na kapatid ni sister Eliza R. Snow na naglingkod bilang ikalawang Relief Society general president, ay nagpahayag ng pasasalamat sa gawain ng Relief Society. Sa pagsasalita tungkol sa kababaihan ng Simbahan, sinabi niyang, “Mahirap isipin kung ano ang dapat nating ginawa, o ano ang pag-unlad na nagawa sa gawain ng Panginoon, kung wala sila.” Bilang halimbawa, binanggit niya ang missionary program ng Simbahan noong panahong iyon, kung saan ang kalalakihang may-asawa ay madalas tawagin noon na maglingkod sa mga full-time mission: “Kapag kaming kalalakihan ng Simbahan ay wala sa tahanan at nasa misyon sa ibang bansa, ang misyon ng kababaihan sa tahanan ay kasinghirap din ng misyon namin sa ibang bansa; at habang dumaranas ng pagsubok at napagkakaitan ng mga bagay na kinakailangan ay nagpakita sila ng pagtitiyaga, katatagan at pagkukusa na talagang nakapagbibigay-inspirasyon. Salamat sa Diyos para sa kababaihan ng Simbahang ito! Ganito ang nadarama ko ngayon habang kasama ako sa pagtitipong ito.”1 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina .]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Ang mga miyembro ng Relief Society ay halimbawa ng tunay na pag-ibig sa kapwa-tao at ng dalisay na relihiyon.

Ang Relief Society ay itinatag … ni Propetang Joseph Smith, sa inspirasyong dulot ng Panginoon. … Ngayon kinikilala ito bilang isa sa mga pinakamalakas na puwersa sa kabutihan sa Simbahan. …

Ang misyon ng Relief Society ay tulungan ang mga nagdurusa, paglingkuran ang maysakit at mahihina, pakainin ang mga maralita, damitan ang hubad, at pagpalain ang lahat ng mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos. Walang institusyon na itinatag na may higit na dakilang hangarin. Ang batayan nito ay ang tunay na pag-ibig sa kapwa-tao, na siyang dalisay na pag-ibig ni Cristo [tingnan sa Moroni 7:47], at ang diwang iyon ay ipinakita sa lahat ng mga pagtulong ng Samahan sa mga tao. Sinabi ng Apostol na si Santiago na “ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios … ay ito: Dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan.” [Santiago 1:27.] Dahil sang-ayon sila na totoo iyan, talagang ipinakikita ng mga miyembro ng Relief Society sa kanilang buhay ang dalisay at walang-dungis na relihiyon; tinulungan nila ang mga taong naghihirap, niyakap at minahal ang mga ulila sa ama at mga balo, at pinanatili ang kanilang sarili na walang bahid-dungis sa mundo. Mapatototohanan ko na wala nang mas dalisay at mayroong takot sa Diyos na kababaihan sa mundo maliban sa kababaihan ng Relief Society.2 [Tingnan ang mungkahi 2 sa pahina 196.]

Ang kababaihan ng Relief Society ay nakikipagtulungan sa mga maytaglay ng priesthood upang isulong ang kapakanan ng kaharian ng Diyos.

Talagang nasisiyahan ako sa tuwina na makita kung gaano katapat kayong kababaihan ng Relief Society sa pagsuporta sa mga tagapaglingkod ng Panginoon sa lahat ng pagkakataon. Palagi kayong nasa panig ng Priesthood, handang palakasin ang kanilang mga kamay at gawin ang inyong bahagi sa pagtulong na isulong ang kapakanan ng kaharian ng Diyos; at sa pakikibahagi ninyo sa mga gawaing ito, halos tiyak din na kabahagi kayo sa tagumpay ng gawain at sa kadakilaan at kaluwalhatiang ibibigay ng Panginoon sa Kanyang matatapat na anak.

… Ang matalinong Bishop ay tiyak na pahahalagahan ang mga nagagawa ng Relief Society sa kanyang ward. Ano ang magagawa ng isang Bishop kung walang Relief Society? Sinasabi ko sa lahat ng mga Bishop sa Simbahan na hikayatin ang kababaihan ng Relief Society, at suportahan sila sa kanilang gawain ng pagkakawanggawa at kabutihang-loob, at tiyak na magiging pagpapala sila sa inyo at sa inyong mga tao.3 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina .]

Mabuting magkaroon ng impluwensya ng Relief Society sa bawat tahanan.

Pinapayuhan ko ang bawat lalaki na hikayatin ang kani-kanyang asawa na [makilahok sa] Relief Society … ; sapagkat mabuting magkaroon ng impluwensya ang organisasyong ito sa bawat tahanan. Hinihiling ko sa inyo, mga kapatid kong kababaihan, na sa inyong mga pagbisita sa mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay dalhin ninyo ang impluwensyang ito saan man kayo magpunta. Malinaw na ipinakita sa inyo ng Panginoon ang inyong likas na kaugnayan sa Kanya at kung ano ang inaasahan sa inyo bilang mga asawa at ina. Ituro ang mga bagay na ito sa mga binibisita ninyo, lalo na sa mga kadalagahan. …

Kayo, mga kapatid ko, bilang mga miyembro ng Relief Society at bilang mga ina sa Israel, ay dapat ipadama ang inyong buong impluwensya … bilang suporta sa dalisay na katangian ng pagiging ina at katapatan sa tipan ng kasal.4 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 197.]

Habang lumalago ang Simbahan, ang kababaihan ng Relief Society ay magkakaroon ng mas malaking pagkakataon na maglingkod.

Hindi ko na kailangan pang i-detalye ang nagawa ng Relief Society noon; ang kahanga-hangang gawain nito ay bantog sa buong Sion, at sa maraming panig ng daigdig. Sapat na ang sabihing, naging tapat ito sa kanyang misyon, at ang nagawa nito ay higit kaysa nagawa ng iba pang samahan ng pagkakawanggawa. Ipinagmamalaki ito ng mga Banal sa mga Huling Araw at ang mga nagawa nito, at nagpapasalamat sa ating Ama sa Langit na binigyang-inspirasyon Niya ang Kanyang lingkod na Propeta upang itatag ang isang institusyong tulad nito. Maganda ang bukas na naghihintay sa [Relief] Society. Sa paglago ng Simbahan, ito ay lubos na mapapakinabangan, at lalo pa itong magagamit sa kabutihan kaysa noon. Kung ang lahat ng kababaihan ay kikilos upang itaguyod ang samahan, malaking gawain ang maisasagawa nito at patuloy na makatutulong sa Simbahan. Nakatutuwang makita ang mga nasa kalagitnaan ng edad na interesado rin sa institusyong ito na gaya ng matatanda na, at dahil dito ay makikita nilang palalakasin nito ang kanilang pananampalataya, bibigyan sila ng mas malawak na pananaw sa buhay at sa mga responsibilidad nito, at malaki ang magiging pagsulong nila sa landas ng pag-unlad at pagiging perpekto.5

Mula pa sa simula ng kanilang gawain ay ipinagkaloob na ng Diyos ang mga pagpapala sa [kababaihan ng Simbahan], at napagmasdan kong mabuti nang buong tuwa at kasiyahan ang kanilang pag-unlad. … Kahanga-hanga ang kanilang tagumpay, at kagila-gilalas kung paano sila pinagpala ng Diyos at ibinuhos sa kanila ang Kanyang Espiritu. Buong paggalang kong masasabi na sila ay naging gaya ng mga anghel na nakatayo sa harap ng mga tao ng daigdig.6 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina .]

Ang kababaihan ng Relief Society na nagtitiwala sa Diyos at naglilingkod sa Kanya ay pagpapalain sa buhay na ito at sa mga kawalang-hanggan.

Ito ang nais naming matanim sa puso ng kababaihan—ang maging kapaki-pakinabang sa kanilang ginagawa at huwag panghinaan ng loob dahil sa mga paghihirap na nakakaharap nila, kundi magtiwala sa Diyos at umasa sa Kanya, at ang Kanyang kagila-gilalas na mga pagpapala ay ipinapangako kong ibubuhos sa inyo. Ganito ang mararanasan ninyo. … Hayaang ulitin kong muli, huwag kayong panghinaan ng loob, kundi magpatuloy at gumawa nang mabuti, manampalataya, at hangaring pagbutihin ang bawat ibibigay na oportunidad. Nais naming gamitin ninyo ang lahat ng mga talentong ipinagkaloob sa inyo ng Diyos. At nariyan ang tungkol sa kabutihang nagawa ninyo kung pag-uusapan ang tungkol sa maaaring maging tagumpay ninyo. Kapag ang isang tao ay nagsimulang tumahak sa landas na itinuro ng Panginoon, at kung saan ay maisasagawa ang kabutihan para sa Kanyang kapakanan, tiyak na magtatagumpay ang taong iyon. Naroon siya mismo sa lugar na nais ng Diyos na kanyang puntahan, at naroon ang lugar kung saan sa matinding paggalang ay maaari ninyong hingin sa Diyos ang Kanyang pagpapala.7

Nais kong sabihin na pagpalain nawa ng Diyos ang mga pinuno at miyembro ng Relief Society. Ginagampanan ninyo ang isang dakilang misyon, at hihikayatin ko kayong huwag magsawa sa paggawa ng mabuti [tingnan sa D at T 64:33]. Hangad nating lahat ang kaluwalhatiang selestiyal, at ang karingalan ng maaari nating kahinatnan na naghihintay sa atin ay hindi mailalarawan sa salitang gamit ng tao. Kung kayo ay mananatiling tapat sa gawaing kinabibilangan ninyo, makakamtan ninyo ang kaluwalhatiang ito, at habampanahong magagalak sa piling ng Diyos at ng Kordero. Sulit na pagsikapan ito; sulit ang sakripisyong gagawin para dito, at mapalad ang lalaki o babae na matapat sa pagkakamit nito. Pagpalain nawa kayong lahat ng Diyos.8 [Tingnan sa mungkahi 6 sa pahina 197.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.

  1. Sinabi ni Pangulong Snow na mahirap isipin ang magiging pag-unlad ng gawain ng Panginoon kung wala ang kababaihan ng Simbahan (pahina 191). Sa paanong mga paraan nakapag-aambag ang kababaihan sa gawain ng Panginoon ngayon?

  2. Pag-isipan ang mga salita ni Pangulong Snow tungkol sa misyon ng Relief Society (pahina 192). Mag-isip ng isang pagkakataon kung kailan ginampanan ng kababaihan ng Relief Society ang misyong ito sa pamamagitan ng pagtulong sa inyo o sa inyong pamilya. Paano naimpluwensyahan ng gayong mga hakbang ang inyong buhay?

  3. Repasuhin ang bahaging nagsisimula sa bandang ilalim ng pahina . Sa paanong mga paraan “isinusulong [ng kababaihan ng Relief Society] ang kapakanan ng kaharian ng Diyos”? Ano ang nasaksihan ninyong mga halimbawa ng pagtutulungan ng kababaihan ng Relief Society at ng mga maytaglay ng priesthood?

  4. Pag-isipan ang samo ni Pangulong Snow sa kababaihan ng Relief Society na ipakita ang kanilang impluwensya “bilang suporta sa dalisay na katangian ng pagiging ina at katapatan sa tipan ng kasal” (mga pahina 193–194). Bakit kailangan ang impluwensyang ito sa daigdig ngayon? Sa paanong paraan matutulungan ng kababaihan ng Relief Society ang mga kabataang babae na maghanda para sa kasal sa templo at sa pagiging ina?

  5. Sinabi ni Pangulong Snow, “Sa paglago ng Simbahan, [ang Relief Society] ay lubos na mapapakinabangan, at lalo pa itong magagamit sa kabutihan kaysa noon” (pahina 194). Sa daigdig ngayon, ano ang maaaring gawin ng kababaihan ng Relief Society upang madagdagan ang kanilang impluwensya sa kabutihan?

  6. Pag-aralan ang bahaging nagsisimula sa pahina 195. Isipin ang mga paraan na naakay kayo papunta sa “lugar na nais ng Diyos na [inyong] mapuntahan.” Paano kayo tinulungan ng Diyos sa mga pagsisikap na ito?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Isaias 1:17; Mateo 25:34–40; Mosias 4:26–27; Alma 1:29–30; Moroni 7:44–48

Tulong sa Pagtuturo: “Habang naghahanda kayo para magturo, tiyakin na gumagamit kayo ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo ng bawat aralin. Maaaring ito ay mangahulugan ng paggamit ng isang bagay na kasing-simple ng isang makulay na paskil o tsart sa dingding para sa isang aralin o isang listahan ng mga katanungan sa pisara para naman sa isa pa” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 113).

Mga Tala

  1. Sa “Prest. Snow to Relief Societies,” Deseret Evening News, Hulyo 9, 1901, 1.

  2. Sa “Prest. Snow to Relief Societies,” 1.

  3. Sa “Prest. Snow to Relief Societies,” 1.

  4. Sa “Prest. Snow to Relief Societies,” 1.

  5. Sa “Prest. Snow to Relief Societies,” 1.

  6. Young Woman’s Journal, Set. 1895, 577–78.

  7. Young Woman’s Journal, Set. 1895, 578.

  8. Sa “Prest. Snow to Relief Societies,” 1.

Mula pa noong mga unang araw ng Simbahan, ang kababaihan ng Relief Society ay sama-sama nang gumagawa at pinalalakas nila ang isa’t isa sa temporal at sa espirituwal.

“Talagang ipinakikita ng mga miyembro ng Relief Society sa kanilang buhay ang dalisay at walang-dungis na relihiyon.”