Mga Turo ng mga Pangulo
Pambungad


Pambungad

Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpasimula ng seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan para tulungan kayong palalimin ang inyong pag-unawa sa ipinanumbalik na ebanghelyo at lalo kayong mapalapit sa Panginoon sa pamamagitan ng mga turo ng mga propeta sa mga huling araw. Sa pagdaragdag ng Simbahan ng mga aklat sa seryeng ito, makakakolekta kayo ng mga reperensyang aklat ng ebanghelyo sa inyong tahanan. Ang mga tomo sa seryeng ito ay nilayong magamit sa personal na pag-aaral at sa pagtuturo sa araw ng Linggo. Matutulungan rin kayo nitong ihanda ang iba pang mga aralin o mensahe at sagutin ang mga tanong tungkol sa doktrina ng Simbahan.

Tampok sa aklat na ito ang mga turo ni Pangulong Lorenzo Snow, na naglingkod bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Setyembre 13, 1898, hanggang Oktubre 10, 1901.

Personal na Pag-aaral

Habang pinag-aaralan ninyo ang mga turo ni Pangulong Lorenzo Snow, mapanalanging hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo. Ang mga tanong sa dulo ng bawat kabanata ay makatutulong upang maunawaan ninyo ang mga turo ni Pangulong Snow at maiangkop ang mga ito sa inyong buhay. Habang pinag-aaralan ninyo ang mga turong ito, maaari ninyong isipin kung paano ninyo ito ibabahagi sa mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan. Palalakasin nito ang pag-unawa ninyo sa inyong binabasa.

Pagtuturo mula sa Aklat na Ito

Ang aklat na ito ay nilayong gamitin sa tahanan at sa simbahan. Matutulungan kayo ng sumusunod na mga patnubay na magturo mula sa aklat.

Maghandang Magturo

Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo habang naghahanda kayong magturo. Mapanalanging pag-aralan ang nakatalagang kabanata upang magkaroon kayo ng tiwala sa pagkaunawa ninyo sa mga turo ni Pangulong Snow. Makapagtuturo kayo nang mas taimtim at mabisa kapag personal kayong naimpluwensyahan ng kanyang mga salita (tingnan sa D at T 11:21).

Kung nagtuturo kayo ng aralin sa Melchizedek Priesthood o Relief Society, hindi ninyo dapat isantabi ang aklat na ito o ihanda ang mga aralin mula sa iba pang mga materyal. Mapanalanging piliin mula sa kabanata ang mga turong sa pakiramdam ninyo ay makatutulong nang malaki sa mga tinuturuan ninyo. Ang ilang kabanata ay naglalaman ng mas maraming materyal kaysa kaya ninyong talakayin sa oras ng klase.

Hikayatin ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang kabanata bago ituro ang aralin at dalhin nila ang aklat. Kapag ginawa nila ito, magiging mas handa silang makilahok sa talakayan at patatagin ang isa’t isa.

Pasimulan ang Kabanata

Habang pinasisimulan ninyo ang kabanata, at sa buong aralin, sikaping lumikha ng kapaligiran na maaantig ng Espiritu ang mga puso at isipan ng inyong mga tinuturuan. Upang masimulan ang aralin, tulungan ang mga tinuturuan ninyo na magtuon sa mga turo sa kabanata. Pag-isipan ang sumusunod na mga ideya:

  • Basahin at talakayin ang bahaging pinamagatang “Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow” sa simula ng kabanata.

  • Talakayin ang isang larawan o banal na kasulatan na nasa kabanata.

  • Sama-samang awitin ang isang kaugnay na himno.

  • Ibahagi nang kaunti ang isang personal na karanasan tungkol sa paksa.

Pangunahan ang Talakayan Tungkol sa mga Turo ni Pangulong Snow

Habang nagtuturo kayo mula sa aklat na ito, anyayahan ang iba na ibahagi ang kanilang iniisip, magtanong, at turuan ang isa’t isa. Kapag aktibo silang nakikibahagi, magiging mas handa silang matuto at tumanggap ng personal na paghahayag. Hayaang magpatuloy ang magagandang talakayan sa halip na sikaping talakayin ang lahat ng turo. Upang makahikayat ng talakayan, gamitin ang mga tanong sa bawat kabanata. Ang mga tala sa kabuuan ng bawat kabanata ay tumutukoy sa mga tanong na iyon. Maaari din kayong gumawa ng sarili ninyong mga tanong na nauukol sa mga tinuturuan ninyo.

Ang sumusunod na mga opsiyon ay maaaring magbigay sa inyo ng karagdagang mga ideya:

  • Ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang natutuhan nila mula sa kanilang personal na pag-aaral ng kabanata. Maaaring makatulong ang pagkausap sa ilang miyembro ng klase sa loob ng linggong iyon at papuntahin sila na handang ibahagi ang kanilang natutuhan.

  • Atasan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga piling tanong sa dulo ng kabanata (nang isa-isa o sa maliliit na grupo). Ipahanap sa kanila ang mga turo sa kabanata na may kaugnayan sa mga tanong. Pagkatapos ay ipabahagi sa kanila sa grupo ang kanilang mga iniisip at ideya.

  • Sama-samang basahin ang mga piling pahayag ni Pangulong Snow mula sa kabanata. Magpabahagi sa mga miyembro ng klase ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at mula sa sarili nilang karanasan na naglalarawan ng itinuro ni Pangulong Snow.

  • Papiliin ng isang bahagi ang mga miyembro ng klase at ipabasa ito nang tahimik sa kanila. Anyayahan silang maggrupu-grupo na may dalawa o tatlong katao na iisang bahagi ang pinipili at talakayin ang kanilang natutuhan.

Maghikayat ng Pagbabahagi at Pagsasabuhay

Ang mga turo ni Pangulong Snow ay magiging lubos na makahulugan sa mga miyembro ng klase na nagbabahagi nito sa iba at ipinamumuhay ito. Pag-isipan ang sumusunod na mga ideya:

  • Itanong sa mga miyembro ng klase kung paano nila maiaakma ang mga turo ni Pangulong Snow sa kanilang mga responsibilidad bilang mga magulang o bilang mga home teacher o visiting teacher.

  • Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang ilan sa mga turo ni Pangulong Snow sa mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan.

  • Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ipamuhay ang natutuhan nila at ibahagi ang kanilang mga karanasan sa simula ng susunod na klase.

Tapusin ang Talakayan

Ibuod nang maikli ang aralin o ipabuod ito sa isa o dalawang miyembro ng klase. Patotohanan ang mga turo na inyong natalakay. Maaari din ninyong ipabahagi sa iba ang kanilang mga patotoo.

Impormasyon Tungkol sa mga Pinagkunang Binanggit sa Aklat na Ito

Ang mga turo sa aklat na ito ay tuwirang sinipi mula sa mga sermon, inilathalang mga artikulo, liham, at journal ni Pangulong Lorenzo Snow. Sa lahat ng sipi mula sa kanyang mga liham at journal, ang pagbabantas, pagbabaybay, pagpapalaki ng mga titik, at pag-aayos ng mga talata ay inayon sa pamantayan.

Gayundin, madalas gamitin ni Pangulong Snow ang mga katagang tulad ng kalalakihan, lalaki, o sangkatauhan sa pagtukoy sa lahat ng tao, kapwa lalaki at babae. Karaniwan ito sa wikang ginamit sa kanyang panahon. Sa kabila ng mga kaibhan ng makaluma sa makabagong wika, angkop ang mga turo ni Pangulong Snow kapwa sa kababaihan at sa kalalakihan.