Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 24: Mga Paggunita sa Misyon ni Jesucristo


Kabanata 24

Mga Paggunita sa Misyon ni Jesucristo

“Lahat tayo ay umaasa kay Jesucristo, sa kanyang pagparito sa mundo upang buksan ang daan para magkaroon tayo ng kapayapaan, kaligayahan, at kadakilaan.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

Noong Oktubre 1872, inatasan ni Pangulong Brigham Young ang kanyang Unang Tagapayo, si Pangulong George A. Smith, na maglakbay sa mga bahagi ng Europe at Middle East. Sa isang liham kay Pangulong Smith, sinabi ni Pangulong Young at ng kanyang Pangalawang Tagapayo, si Pangulong Daniel H. Wells, “Hangad naming obserbahan ninyong mabuti ang mga bukas na lugar ngayon, o kung saan tayo maaaring magbukas, para sa pangangaral ng Ebanghelyo sa iba’t ibang bansang bibisitahin ninyo.” Ang paglalakbay ay magwawakas sa Banal na Lupain, kung saan “ilalaan at babasbasan [ni Pangulong Smith] ang lupaing iyon sa Panginoon.” Isinulat nina Pangulong Young at Wells, “Dalangin namin na mapangalagaan kayo sa paglalakbay nang payapa at ligtas, na sagana kayong mabiyayaan ng mga salita ng karunungan at mahusay na makapagsalita sa lahat ng pakikipag-usap ninyo tungkol sa Banal na Ebanghelyo, na pinapawi ang diskriminasyon, at nagtatanim ng mga binhi ng kabutihan sa mga tao.”1 Isinama ni Pangulong Smith ang maliit na grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kabilang na si Elder Lorenzo Snow, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Bahagi rin ng grupo ang kapatid ni Elder Snow na si Eliza R. Snow, na naglilingkod noon bilang Relief Society general president.

Habang naglalakbay si Elder Snow, madalas siyang sumulat ng mga liham na naglalarawan ng heograpiya, mga gusali, at mga kaugalian at kalagayan ng mga tao. Ngunit nang bumisita siya at ang kanyang mga kasama sa mga lugar sa Banal na Lupain, nagbago ang nilalaman ng kanyang mga liham. Nabaling ang kanyang isipan sa Anak ng Diyos, na madalas na pumunta sa mga lugar na iyon ilang siglo na ang nakararaan. Halimbawa, sumulat siya tungkol sa kanyang karanasan noong Pebrero 1873 nang malapit na ang grupo sa lungsod ng Jerusalem:

“Isang oras na paglalakbay na lang … at nasa Jerusalem na kami. Nagpatuloy kami at kalaunan ay umakyat kami sa isang kahanga-hangang lugar [o sa burol], at tinanaw ang ‘Banal na Lungsod,’ ang Jerusalem. Naroon sa bandang kanan ang Bundok ng Sion, ang lungsod ni David. Sa kaliwa namin, ang mataas na bundok na iyon, na mukhang tigang na tigang, ay ang Bundok ng mga Olivo, na minsan ay paboritong puntahan ng ating Tagapagligtas, at siyang huling niyapakan ng Kanyang sagradong mga paa bago Siya umakyat sa kinaroroonan ng Kanyang Ama. Ang nakaaaliw na makasaysayang mga lugar na ito, pati na lahat ng sagradong bagay na nauugnay rito, ay nagbibigay ng inspirasyon at paghanga at katahimikan sa isipan. Oo, hayun ang Jerusalem! Doon tumira at nagturo si Jesus, na ipinako sa krus, kung saan Niya sinabing ‘Naganap na,’ at iniyukayok ang Kanyang ulo at namatay! Dahan-dahan at nag-iisip kaming bumaba ng burol, … hanggang sa makarating kami sa lungsod.”2

Matapos magpunta sa Ilog Jordan, isinulat ni Elder Snow: “Nang uminom kami sa masarap at sariwang tubig at maghugas kami sa sagradong ilog nito, nagunita namin ang mga panahon ng aming kabataan, noong nakasanayan naming magbasa ng mga Banal na Kasulatan na naglalarawan ng mahahalagang kaganapang nangyari sa lugar na ito—ang pagdaan ng mga Israelita nang matuyo ang ilog, nang lumusong sa ilog ang mga saserdote, na pasan sa balikat ang sagradong kaban [ng tipan]; ang paghati ni Elias sa tubig pagdaan niya sa tuyong lupa sa ilalim nito at tangayin siya ng ipuipo paakyat sa langit mula sa kapatagan sa kabilang panig; at si Eliseo, sa kanyang pagbalik, ay kinuha niya ang balabal ni Elias na nahulog mula rito, at hinampas ang tubig, na sinasabing, ‘Saan nandoon ang Panginoon, ang Dios ni Elias?’ sa gayon ay tatlong beses hinati ang Ilog Jordan. Ngunit may isa pang kaganapang napakaganda na nauugnay sa lugar na ito—ang binyag ng ating Tagapagligtas, na binanggit nang ganito—‘Nangaral si Juan sa ilang ng Judea, at nagpunta si Jesus sa Jordan mula sa Galilea para magpabinyag sa kanya;’ [tingnan sa Mateo 3] at naroon kami sa o malapit sa lugar na iyon mismo kung saan nangyari ang lahat ng mahahalagang kaganapan, nakatayo sa pampang, nakatingin sa makitid na lambak, at naliligo sa ilog na iyon na naging tahimik na saksi sa mga dakilang pangyayaring ito.”3 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina .]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Naparito sa lupa si Jesucristo upang gawin ang kalooban ng Ama at ihanda ang daan para sa ating kapayapaan, kaligayahan, at kadakilaan.

Itinuro ang ebanghelyong ito sa iba’t ibang panahon sa mundo. Alam ito ng mga Propeta. Naunawaan nila nang simple at malinaw na si Jesus ang korderong pinaslang bago pa man nilikha ang mundo [tingnan sa Apocalipsis 13:8; Moises 7:47], at sa tamang panahon magpapakita siya sa mga anak ng tao, na mamamatay siya para sa kanilang mga kasalanan, at ipapako sa krus upang kumpletuhin ang plano ng kaligtasan.4

Habang nakahiga si Jesus sa sabsaban, isang walang-malay na sanggol, hindi Niya alam na Siya ang Anak ng Diyos, at na Siya ang lumikha ng daigdig. Nang ipalabas ang utos ni Herodes, wala Siyang alam tungkol dito; wala Siyang kapangyarihang iligtas ang Kanyang sarili; at kinailangan Siyang dalhin [nina Jose at Maria] at [itakas] patungo sa Egipto upang protektahan Siya mula sa mga epekto ng utos na iyon. … Nagbinata Siya, at habang lumalaki ay inihayag sa Kanya kung sino Siya, at kung ano ang Kanyang layunin sa mundo. Ang kaluwalhatian at kapangyarihang taglay Niya bago Siya naparito sa mundo ay ipinaalam sa Kanya.5

Sinabi ni Jesus sa mga tao, habang naglalakbay Siya rito sa daigdig, sa pagtupad sa Kanyang misyon, na hindi Niya isinagawa ang mga himalang ginawa Niya sa kanilang harapan sa pamamagitan ng Kanyang sariling kapangyarihan, ni sa Kanyang sariling karunungan; kundi naroon Siya upang isagawa ang kalooban ng Kanyang Ama. Hindi Siya naparito para luwalhatiin at purihin ng mga tao, kundi para purihin at luwalhatiin ang Kanyang Ama na nagsugo sa Kanya. Sabi niya, “Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin: kung iba ang pumarito sa kaniyang sariling pangalan, ay siya ninyong tatanggapin.” [Juan 5:43.]

Ngayon, ang pagkakaiba ng Kanyang misyon, at ang kaibhan nito sa ibang mga misyon, ay ito: hindi Siya naparito upang luwalhatiin at purihin ng mga tao, kundi upang purihin at luwalhatiin ang Kanyang Ama, at isagawa ang gawain ng Kanyang Ama na nagsugo sa Kanya. Nasa katotohanang ito ang lihim ng Kanyang tagumpay; at narito rin ang lihim ng tagumpay ng bawat taong nagsisikap sundin ang alituntuning iyon.6

Si Jesucristo na Anak ng Diyos ay minsang nalagay sa sitwasyon na nangailangan ng Kanyang pinakamalaking pagsisikap upang maisagawa ang kinakailangan para sa kaligtasan ng milyun-milyong anak ng Diyos. Kailangang magkaroon ng pinakamalaking pagsisikap at determinasyon bago maranasan ng Anak ng Diyos ang paghihirap, ang sakripisyong kinailangan Niyang gawin.7

Si Jesus, ang Anak ng Diyos, ay isinugo sa mundo upang maging posible para sa inyo at sa akin na matanggap ang pambihirang mga pagpapalang ito. Kinailangan Niyang gumawa ng malaking sakripisyo. Kinailangan ang lahat ng kapangyarihan at pananampalatayang taglay Niya upang maisagawa ang ipinagawa sa Kanya ng Ama. … Hindi Siya nabigo, bagaman napakatindi ng pagsubok kaya malalaking patak ng dugo ang Kanyang ipinawis. … Hindi siguro mailarawan ang Kanyang damdamin. Sinabi Niya mismo sa atin, na mababasa ninyo sa bahagi 19 ng Doktrina at mga Tipan, na napakatindi ng Kanyang pagdurusa na naging dahilan upang maging Siya ay “manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu: at nagnais na kung maaari ay hindi Niya lagukin ang mapait na saro at manliit.” Ngunit buong puso Niyang sinabi, “Ama, huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang Iyo.” [Tingnan sa D at T 19:15–19.]8

Lahat tayo ay umaasa kay Jesucristo, sa kanyang pagparito sa mundo upang buksan ang daan para magkaroon tayo ng kapayapaan, kaligayahan, at kadakilaan.” At kung hindi niya isinagawa ang mga sakripisyong ito hindi natin matatamo ang mga pagpapala at pribilehiyong ito na tiniyak sa atin sa ebanghelyo, sa pamamagitan ni Jesucristo, sapagkat isinagawa niya ang mga kailangang gawin. …

… Bagaman isinakripisyo niya ang kanyang sarili at isinagawa ang kanyang bahagi sa plano ng pagtubos sa mga tao, maliban kung sikapin ng mga tao na matamo ang pakikipagkaisang iyon sa kanya, hindi sila maliligtas kailanman.9

Lubos naming nauunawaan, na nang magkatawang-tao rito si Jesucristo at matanggap ang katawang iyon at nabubuhay ngayon sa katawang iyon na niluwalhati, na tayo ay may karapatang matanggap ang pagpapala, kadakilaan, at kaluwalhatian ding iyon.10 [Tingnan sa mga mungkahi 2 at 3 sa mga pahina 318–319.]

Dinalaw ni Jesucristo ang daigdig sa mga huling araw, na naghahayag ng mga banal na katotohanan para sa ating kaligtasan.

Ang Nilalang na iyon na nanirahan sa Langit, na naghari doon bago pa nilikha ang mundo, na lumikha sa mundo, at sa kalagitnaan ng panahon, ay naparito upang gawing sakdal at iligtas ang Kanyang nilikha, ay nagpakita sa mga tao sa panahong ito.11

Pinatototohanan natin sa buong mundo na alam natin, sa pamamagitan ng banal na paghahayag, maging sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Espiritu Santo, na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos, at na personal siyang nagpakita kay Joseph Smith katulad ng ginawa niya sa kanyang mga apostol noong araw, matapos siyang magbangon mula sa libingan, at ipinaalam niya rito [ang] mga banal na katotohanan na siyang tanging makapagliligtas sa sangkatauhan.12

May dalawang lalaki sa Templo sa Kirtland na nakakita sa Kanya. … Nagpakita sa kanila ang Anak ng Diyos, Siya na pinaslang ng mga Judio, at kanilang sinabi, “ang tabing ay inalis mula sa aming mga isipan, at ang mata ng aming pang-unawa ay nabuksan, at aming nakita ang Panginoon na nakatayo sa sandigan ng pulpito, sa aming harapan.” … Sa ilalim ng Kanyang mga paa ay lantay na ginto. Ang Kanyang mukha ay nagniningning nang higit pa sa liwanag ng araw. Ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng malalawak na tubig. Iyon ang tinig ni Jehova, na nagsasabing, “Ako ang una at ang huli[.] Ako ang Siyang nabuhay[.] Ako ang Siyang pinaslang[.] Ako ang inyong tagapamagitan sa Ama. Masdan, ang inyong mga kasalanan ay pinatatawad na sa inyo. Kayo ay malinis na sa aking harapan; samakatwid, itaas ang inyong mga ulo at magsaya. Itinayo [ninyo] ang bahay na ito sa aking pangalan. [Tatanggapin] ko ang bahay na ito, at [ibubuhos ko ang aking Espiritu sa mga yaong sumusunod sa aking mga kautusan, at hindi ko tutulutang marumihan] ang banal na bahay na ito.” [Tingnan sa D at T 110:1–8.] Ito ang tinig ng tao ring iyon na tinanggihan ng mga Judio, at nakita Siya roon. Ngayon alam ko na ang mga bagay na ito ay totoo tulad ng ang Diyos ay totoo. Ngunit hindi alam ng mga bansa sa mundo na si Jesus, ang Anak ng Diyos, ay naparito at nagpakita sa mga tao, at binigyan sila ng karapatang ipangaral ang Ebanghelyo at ipangako ang Espiritu Santo sa lahat ng maniniwala at susunod sa mga alituntuning ito, at dapat tumanggap ng kaalaman na ang mga alituntuning ito ay totoo.13 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 319.]

Paparitong muli ang Tagapagligtas, at dapat nating paghandaan ang Kanyang pagparito.

May patotoo tayo hinggil kay Cristo, na Siya ay paparito sa lupa, upang maghari.14

Si Jesus ay paparito sa huli, at magpapakita sa atin, katulad noong naroon Siya sa mga Judio, at kakain at iinom na kasama natin at kakausapin tayo, at ipaliliwanag niya ang mga hiwaga ng Kaharian, at sasabihin sa atin ang mga bagay na hindi marapat pag-usapan ngayon.15

Kung nakasakay kayo sa umaandar na tren, basta’t panatag kayong nakaupo sa inyong upuan dadalhin kayo ng tren na iyon sa nais ninyong puntahan; ngunit kung iibis kayo ng tren manganganib kayo, at maaaring matagal pa bago dumating ang susunod na tren. Gayon din tayo—kung mamumuhay tayo nang tama, gagawin ang ating gawain, susulong tayo, at kung tutuparin natin ang ating mga tipan, ginagawa natin ang gawain ng Diyos at isinasakatuparan ang Kanyang mga layunin, at magiging handa tayo sa panahon na paparito si Jesus na Anak ng Diyos sa karangalan at kaluwalhatian, at ipagkakaloob Niya sa lahat ng matatapat ang lahat ng pagpapalang inaasam nila, at maraming-maraming iba pa. …

… Sinasabi ko sa mga Banal sa mga Huling Araw, kung may inaantok sa inyo, basahin ang sinabi ng Tagapagligtas noong narito Siya sa lupa tungkol sa sampung dalaga, na ang lima ay matalino, at nilagyan nila ng langis ang kanilang ilawan, at pagdating ng Kasintahang Lalaki ay kalahati lang ang handang sumalubong sa Kanya [tingnan sa Mateo 25:1–13; D at T 45:56–59]. Huwag nating tulutang mangyari iyan sa ating mga Banal sa mga Huling Araw. Sikapin nating maging tapat sa walang-hanggang mga tipang ginawa natin at maging tapat sa Diyos. Pagpalain nawa ng Diyos ang mga Banal sa mga Huling Araw at ibuhos ang Kanyang Espiritu sa inyo. Nawa’y maging tapat kayo sa inyong Diyos, tapat sa inyong pamilya, at maging maingat sa pagkilos sa lahat ng bagay, at gumawa para sa kapakanan ng kaharian ng Diyos, at nang hindi tayo mapabilang sa mga hangal na dalaga, kundi matagpuan tayong karapat-dapat na mapabilang sa mga puputungan bilang mga hari at reyna at maghahari sa buong kawalang-hanggan.16 [Tingnan sa mga mungkahi 5 at 6 sa pahina 319.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.

  1. Pagnilayan ang mga salita ni Pangulong Snow tungkol sa mga karanasan niya sa Banal na Lupain (pahina 312). Bakit sa palagay ninyo “paghanga at katahimikan” ang pumasok sa kanyang isipan habang naroon siya? Sa anong mga paraan tayo magkakaroon ng gayon ding mga damdamin tungkol sa Tagapagligtas, kahit hindi natin mapuntahan ang Banal na Lupain?

  2. Pag-aralan ang bahaging nagsisimula sa pahina , na iniisip kung ano ang nagawa ni Jesucristo para sa inyo. Habang pinagninilayan ninyo ang hangarin ng Tagapagligtas na “purihin at luwalhatiin ang Kanyang Ama,” isipin kung ano ang kailangan ninyong gawin upang masunod ang kalooban ng Diyos.

  3. Sa pahina , ibinahagi ni Pangulong Snow “ang lihim ng tagumpay.” Paano gumagana sa atin ang lihim na ito?

  4. Basahin ang bahaging nagsisimula sa pahina 315. Paano nakaiimpluwensya sa inyong buhay ang inyong patotoo tungkol kay Jesucristo? Pagnilayan ang iba’t ibang paraan na magagawa natin ang ating bahagi upang maibahagi sa mundo ang ating patotoo tungkol kay Jesucristo. Halimbawa, ano ang magagawa natin upang maibahagi ang ating patotoo sa ating pamilya? sa mga pinaglilingkuran natin bilang mga home teacher o visiting teacher? sa ating mga kapitbahay? sa mga taong nakakasalamuha natin araw-araw?

  5. Sa anong mga paraan natin maihahanda ang ating sarili para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 317–318.) Paano natin matutulungang maghanda ang iba?

  6. Sa paanong paraan nakaimpluwensya ang mga turo ni Pangulong Snow sa inyong patotoo tungkol kay Jesucristo? Humanap ng mga paraan para maibahagi ninyo ang inyong patotoo sa mga kapamilya at sa iba.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Lucas 12:31–48; II Mga Taga Corinto 8:9; 2 Nephi 2:7–8; 25:23, 26; Alma 7:11–13; D at T 35:2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:17

Tulong sa Pagtuturo: “Papiliin ng isang bahagi ang mga miyembro ng klase at ipabasa ito nang tahimik sa kanila. Sabihing magsama sa dalawahan o tatluhang grupo ang magkakapareho ang napiling bahagi at ipatalakay ang natutuhan nila” (mula sa pahina ng aklat na ito).

Mga Tala

  1. Liham mula kina Brigham Young at Daniel H. Wells kay George A. Smith, sa Correspondence of Palestine Tourists (1875), 1–2.

  2. Sa Correspondence of Palestine Tourists, 205.

  3. Sa Correspondence of Palestine Tourists, 236–37.

  4. Deseret News, Ene. 24, 1872, 597.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1901, 3.

  6. Deseret News, Dis. 8, 1869, 517.

  7. Sa Conference Report, Okt. 1900, 2.

  8. Millennial Star, Ago. 24, 1899, 531.

  9. Deseret News, Mar. 11, 1857, 3; sa orihinal na pinagmulan, ang pahina 3 ay nalagyan ng maling pahina 419.

  10. Deseret News, Nob. 22, 1882, 690.

  11. Sa Journal History, Abr. 5, 1884, 9.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, Ene. 23, 1877, 1.

  13. Millennial Star, Abr. 18, 1887, 245.

  14. Deseret News, Abr. 11, 1888, 200; mula sa isang detalyadong pakahulugan ng isang mensaheng ibinigay ni Lorenzo Snow sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1888.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1898, 13–14.

  16. Millennial Star, Abr. 18, 1887, 244–46.

“Pinatototohanan natin sa buong mundo na alam natin, sa pamamagitan ng banal na paghahayag, maging sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Espiritu Santo, na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos.”

Noong mga huling buwan ng 1872 at mga unang buwan ng 1873, naglakbay si Elder Lorenzo Snow at ang iba pa sa Banal na Lupain.

Hinikayat ni Pangulong Snow ang mga Banal na tularan ang halimbawa ng limang matatalinong dalaga sa talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa sampung dalaga.