Kabanata 9
Sagradong mga Pag-uugnayan ng Pamilya
“Kung tayo ay matatapat makakahalubilo natin ang isa’t isa sa isang imortal at maluwalhating kalagayan. … Ang mga kaugnayang nabubuo dito, na talagang tumatagal, ay magpapatuloy sa kawalang-hanggan.”
Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow
Sa paghihintay sa kanyang ika-70 kaarawan, inanyayahan ni Lorenzo Snow ang lahat ng kanyang mga anak at kanilang mga pamilya na magtipon sa Brigham City, Utah, para sa isang “napakalaking re-union at pagdiriwang ng anibersaryo.” Siya ang nag-asikaso ng kanilang matutuluyan at pagkain at mga programa, upang masiyahan ang lahat pati na ang mga bata. “Habang lalo kong iniisip ang paksang ito [ng reunion ng pamilya],” pagsulat niya, “lalo akong nasasabik at naghahangad na matipon ang pamilya, upang makita ko kayong lahat habang buhay pa ako, at mabigyan kayo ng basbas ng isang ama.” Hinikayat niya silang huwag hayaang may humadlang sa kanilang pagdalo o pagpunta “maliban sa mga pinakamatindi at hindi maiiwasang mga hadlang.”1
Ang pamilya Snow ay nagtipon mula Mayo 7 hanggang Mayo 9, 1884, at nagkasayahan sa musika, mga pagsasadula, talumpati, pagtula, mga palaro, at pagkukuwentuhan.2 Inireport ng kapatid ni Pangulong Snow na si Eliza na sa buong kaganapan, nakibahagi siya sa “mga pag-uusap ng pamilya, at sa kapasidad bilang Patriarch, … ay nagkaloob ng mga pagbabasbas sa mga miyembro [ng pamilya]” at nagbigay ng “maraming payo, tagubilin at panghihikayat, bilang ama.” Nang patapos na ang reunion, nagtipon ang buong pamilya para pakinggan siyang magsalita. Sang-ayon sa tala ni Eliza, ipinahayag niya ang “kanyang kasiyahan at pasasalamat sa Diyos na nadarama niya ngayon ang kaligayahan habang minamasdan ang magigiliw at nakangiting mga mukha ng kanyang malaking pamilya, at ang inaasahan niyang magandang ibubunga ng reunion na ito.” Sa pagtingin sa kanyang pamilya, sinabi ni Pangulong Snow: “Nag-uumapaw sa saya ang puso ko sa napakalaking pasasalamat sa aking Ama sa Langit. … Hindi kayang ilarawan ng mga salita ang nadarama ng puso ko sa banal at sagradong pagkakataong ito sa pagdiriwang ng aking ikapitumpung kaarawan, habang nakatayo rito at pinagmamasdan ang maluwalhati at makalangit na pagdiriwang na ito.”
Nagpatuloy si Pangulong Snow: “Ito na ang huling re-union ng pamilya bago tayo magsipanaw at magpunta sa daigdig ng mga espiritu. Nawa tulungan tayo ng Diyos ng ating mga ninuno sa pagsunod sa Kanyang mga batas, na mamuhay nang marangal, panatilihin ang ating kabanalan at integridad, pakinggan ang mga bulong ng Banal na Espiritu, at masigasig na hangaring dalisayin ang ating sarili, upang kahit isang miyembro ng pamilyang ito ay hindi mawala sa pamamagitan ng paglihis sa tuwid at makipot na landas, kundi nawa mapatunayan nating lahat na karapat-dapat tayong bumangon sa umaga ng unang pagkabuhay na mag-uli, na may putong ng kaluwalhatian, na ipinagpapatuloy sa imortalidad ang pagsasama-sama ng pamilya, at patuloy na umunlad doon sa kawalang-hanggan.”3 [Tingnan ang mungkahi 1 sa pahina .]
Mga Turo ni Lorenzo Snow
Ang mga ugnayan ng pamilya ay sagrado at maaaring mas lumakas pa sa kawalang-hanggan.
Manghikayat ng pagpapakasal, … at ikintal sa isipan ng [iba] ang kasagraduhan ng ugnayang iyon at ang obligasyon nilang sundin ang dakilang kautusan na ibinigay ng Diyos sa ating mga unang magulang, na magpakarami at kalatan ang lupa [tingnan sa Genesis 1:28]. Lalo pa itong kailangan, kung titingnan ang kasalukuyang ginagawa sa mundo na pagbabalewala sa batas na iyon at paglapastangan sa tipan ng kasal. Nakalulungkot na mapansin ang madalas na pagdidiborsiyo sa lupain at lumalaganap na pananaw na ituring ang mga bata na pabigat sa halip na ituring sila bilang mahalagang pamana mula sa Panginoon.4
Ipinakita sa atin [ng Panginoon] na kung tayo ay matapat makakahalubilo natin ang isa’t isa sa isang imortal at maluwalhating kalagayan; na ang mga kaugnayang nabubuo rito, na talagang tumatagal, ay magpapatuloy sa kawalang-hanggan.5
Ang mga samahan na nabubuo rito, ay maipagpapatuloy [natin] sa walang hanggang mga daigdig. Mga ama, ina, kapatid na babae, kapatid na lalaki—oo, alam ng mga ina na nakakakita sa pagpanaw ng kanilang mga mahal sa buhay sa kanilang tabi, na mapapasakanila ang kanilang mga anak sa daigdig ng mga espiritu, at mapapasakanila sila gaya ng anyo nila nang lisanin nila ang buhay na ito. Ang asawang babae kapag nakikita niya ang pagpanaw ng kanyang asawa, habang nalalagutan ito ng hininga, alam niya na mapapasakanya ang kanyang asawa, at nagkakaroon siya ng kapanatagan, pag-alo at kagalakan, na ibinigay ng Makapangyarihang Diyos sa pamamagitan ng mga paghahayag, na mapapasakanya ang kanyang asawa sa mga daigdig na walang hanggan. Ang mga samahan na nabuo rito ay magpapatuloy sa kabilang-buhay; ang mga ugnayan na nabuo rito ay lalong titibay sa kabilang-buhay. At nakadarama ng katiyakan ang mga Banal sa mga Huling Araw, sapagkat ibinigay ito ng Diyos sa kanila.6 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 152.]
Ang matatapat na Banal sa mga Huling Araw na hindi nakapag-asawa o hindi nagkaroon ng mga anak sa buhay na ito ay matatanggap ang lahat ng mga pagpapala ng kadakilaan sa buhay na darating.
Isang babae ang nagpunta sa aking opisina noong isang araw at hiniling na magkita kami at pag-usapan ang isang pribadong bagay. Ipinaalam niya sa akin na nalulungkot siya, dahil hindi siya makahanap ng mapapangasawa. … Nais niyang malaman kung ano ang magiging katayuan niya sa kabilang-buhay, kung hindi siya makakahanap ng mapapangasawa sa buhay na ito. Sa palagay ko ay ganito rin ang tanong sa puso ng ating mga kabataan. … Gusto kong magbigay ng kaunting paliwanag para sa ikapapanatag at ikaaliw ng mga taong nasa ganitong katayuan. Walang sinumang Banal sa mga Huling Araw na mamamatay pagkatapos mamuhay nang tapat ang mawawalan ng anumang bagay dahil sa nabigo silang gawin ang ilang bagay samantalang hindi naman siya nabigyan ng pagkakataon para magawa iyon. Sa madaling salita, kung ang isang binata o isang dalaga ay hindi nagkaroon ng pagkakataong makapag-asawa, at namuhay sila nang tapat hanggang sa oras ng kanilang kamatayan, mapapasakanila ang lahat ng mga pagpapala, kadakilaan at kaluwalhatian na matatanggap ng sinumang lalaki o babae na nagkaroon ng ganitong pagkakataon at pinagbuti ito. Ito ay tiyak at positibong mangyayari. …
Ang mga taong walang pagkakataong makapag-asawa sa buhay na ito, kung mamamatay sila na matapat sa Panginoon, ay mabibigyan ng pagkakataon kung saan makakamit nila ang lahat ng mga pagpapalang kailangan para sa mga taong nakapag-asawa. Ang Panginoon ay maawain at mabait, at Siya ay makatarungan. Siya ay hindi kakikitaan ng kawalan ng katarungan; kaya’t hindi natin masasabing makatarungan kapag ang isang babae o isang lalaki ay namatay nang hindi nagkaroon ng pagkakataong makapag-asawa at pagkatapos ay hindi ito mabibigyan ng lunas sa kabilang-buhay. Iyan ay hindi makatwiran, at alam natin na ang Panginoon ay isang makatarungang nilalang. Naniniwala ako na ang kapatid kong si Eliza R. Snow, ay kasingbuti ng iba pang nabuhay na kababaihang Banal sa mga Huling Araw, at nabuhay siyang walang-asawa hanggang sa panahong hindi na siya maaaring magkaroon ng mga anak. … Ni sa isang saglit ay hindi ko maubos-maisip na pagkakaitan siya ng anumang bagay dahil doon. Isasaayos ang mga bagay para sa kanya sa kabilang-buhay, at magkakaroon din siya ng malaking kaharian na tulad ng dapat mapasakanya kung nagkaroon siya ng pagkakataon sa buhay na ito na magkaroon ng sarili niyang pamilya.7
Kapag ang mag-asawa ay nagkakasundo, nakahihikayat sila ng pagmamahalan at kabaitan sa tahanan.
Tiyakin na ang inyong kaligayahan ay hindi nalalason ng mumunti at walang kabuluhang mga hindi pagkakasundo.8
Mga babae, maging tapat sa inyong asawa. Alam kong kailangan ninyong makibagay sa maraming hindi kanais-nais na bagay, at gayundin naman na kailangang makibagay ang inyong asawa sa ilang bagay. Walang duda na kung minsan ay sinusubukan kayo ng inyong mga asawa, siguro dahil sa hindi alam ng inyong asawa, o kaya nama’y dahil sa hindi rin ninyo alam. …
… Ang sinasabi ko lang ay masama ang inyong asawa—kung masama rin kayo, at baka mas malala pa dito ang iba sa kanila; pero, huwag na lang ninyo itong intindihin: sikaping pagtiisan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari paminsan-minsan, at kapag nagkita kayong dalawa sa kabilang-buhay matutuwa kayo na napagtiisan ninyo ang mga bagay na iyon.
Sa mga asawang lalaki, sinasabi ko: Marami sa inyo ang hindi nagpapahalaga sa inyong asawa na gaya ng nararapat. … Maging mabait sa kanila. Kapag may pinuntahan silang pulong, dapat kayo ang magkarga sa sanggol kahit kalahati man lang ng oras na iyon. Kapag kailangan itong ihele, at wala naman kayong masyadong ginagawa, ihele ninyo ito. Maging mabait kapag minsan ay kailangan kayong gumawa ng munting sakripisyo para gawin ito; maging mabait pa rin, kahit ano pa ang gagawing sakripisyo.9
Ang mga lalaki ay dapat lalong kumilos bilang ama sa tahanan, na pinakikitunguhan nang mas mabuti ang kanilang asawa at mga anak, mga kapitbahay at kaibigan, mas mabait at mas tulad ng Diyos. Kapag nagpupunta ako sa isang pamilya hanga ako kapag nakikita ko ang padre-de-pamilya na namamahala dito bilang isang lalaking may takot sa Diyos, mabait at magiliw, puspos ng Espiritu Santo at ng katalinuhan at pang-unawa ng Langit.10
Kung mag-aasawa kayo at magsisimula ng pamilya sa Sion, kung kayo ay magkakaroon ng selestiyal na kasal na kailangan para mamuhay doon kailangang maibuklod ninyo nang magkakasama ang pamilyang iyon, at dapat ang Espiritu ng Panginoon ay nasa padre-de-pamilya at dapat niyang taglayin ang liwanag at katalinuhan na kung ipamumuhay at uugaliin ng mga taong iyon sa araw-araw ay magiging tiyak ang kaligtasan ng pamilyang iyon, sapagkat hawak niya sa kanyang kamay ang kanilang kaligtasan.
Nagsisikap siya at iniuugnay ang kanyang damdamin at saloobin sa kanyang pamilya sa abot ng kanyang makakaya, at sinisikap na makamit ang lahat ng bagay na kailangan para sa kanilang kapanatagan at kapakanan, at ang kanyang pamilya naman sa kabilang banda ay dapat magpahayag ng gayunding damdamin, ng gayunding kabaitan at pagpapasiya, at sa pinakaabot ng kanilang makakaya ay ipakita ang damdamin ng pasasalamat sa mga pagpapalang natatanggap nila.
Kailangan ito upang magkaroon ng pagkakaisa ng damdamin, o pagkakaisa ng saloobin at katugon na damdamin, upang sila na iisa ay mabigkis na magkasama sa ganitong paraan.11
Kapag ang [kalalakihan] ay kasamang nananalangin ng kanilang asawa at mga anak dapat silang mabigyang-inspirasyon ng kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo upang ang lalaki ay maging mabuting asawa na igagalang ng kabiyak, at upang patuloy na mapasakanila ang kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Dapat silang maging kaisa ng kanilang mga pamilya upang makababa sa kanila ang Espiritu Santo, at dapat silang mamuhay sa paraan na mapadadalisay ang kabiyak sa pamamagitan ng panalangin, upang makita ng babae na kailangan niyang dalisayin ang kanyang sarili sa harap ng kanyang asawa at sa harap ng kanyang mga anak upang sila ay magkaisa nang sa gayon ang lalaki at babae ay ganap na magkasundo, marapat na magkaroon ng puwang sa pagtatatag at pagbuo ng kaharian ng Diyos, upang makapaghatid sila ng dalisay na diwa at makapagbahagi ng dalisay na tagubilin sa kanilang mga anak at sa kanilang mga apo.12 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina .]
Natututuhan ng mga anak ang ebanghelyo kapag ang kanilang mga magulang ay naghahangad ng inspirasyon at nagpapakita ng mabubuting halimbawa.
Hindi atin ang gawaing kinabibilangan natin, ito ay gawain ng Diyos. Pinamamahalaan ng isang mas mataas na nilalang ang ating mga kilos o gawa. … Ang kinabukasan ng kahariang ito ay nakasalalay sa balikat ng ating mga anak; at ang kapangyarihan nito at tagumpay sa huli, ay nakasalalay sa kanilang edukasyon at wastong pagsasanay. Kung nais nating magkaroon ng mabuting impluwensya sa ating mga pamilya, kailangan tayong magpakita ng mabubuting halimbawa sa kanila at bigyan din sila ng mabubuting tuntunin. Dapat masabi nating, gawin mo ang ginagawa ko, at masabi rin na gawin mo ang sinasabi ko.13
Sikaping turuan ang inyong mga anak, kapwa sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin, sa paraan na hindi sila mag-aatubiling sumunod sa inyong mga yapak at maging matatag sa katotohanan na gaya ninyo.14
Ang mga taong nagnanais panatilihin ang kanilang katayuan sa harap ng Diyos sa banal na priesthood ay kailangang magtaglay ng diwa ng propesiya, at maging kwalipikado upang magkaloob ng buhay at kaligtasan sa mga tao; at [kahit] hindi nila magawa ito sa daigdig kailangan nilang gawin ito sa tahanan, sa kanilang mga pamilya, sa kanilang mga trabaho at sa mga lansangan upang ang kanilang mga puso ay mapasigla ng mga salita ng buhay sa kanilang mga fireside, kapag nagtuturo sila ng ebanghelyo sa kanilang mga anak at sa kanilang mga kapitbahay tulad ng pagsasalita nila sa kanilang mga kapatid mula sa pulpitong ito. Ang ganitong gawa na may kaunting Diwa kapag nasa publiko at ang pagsasantabi nito ay hindi katanggap-tanggap. Ang ilang kalalakihan ay nagsasalita sa mga tao at pagkatapos ay umuuwi na … , at sa halip na taglayin nila ang mga salita ng buhay sila ay nagiging patay sa espirituwal, ngunit ito ay hindi na katanggap-tanggap.
Tungkulin ng mga ama sa Israel na magkaroon ng kamalayan at maging tagaligtas ng mga tao, upang sila ay makalakad sa harap ng Panginoon nang may malakas na pananampalataya at hangarin na titiyak na mapapasakanila ang inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos upang maituro nila ang mga salita ng buhay sa kanilang mga pamilya. …
Dito ay makikita natin ang diwa ng determinasyon upang tayo ay magkaisa, upang matutuhan natin kung paano mahalin ang isa’t isa, at dalangin ko sa Panginoon na ibahagi niya ang pag-ibig na iyon sa ating mga puso, ang pag-ibig na ibinahagi niya kay Jesus na kanyang Anak, at na patuloy siyang magbahagi ng kaalaman ng kabutihan.15
Tungkulin ng ama na maging karapat-dapat upang turuan ang kanyang mga anak, at ituro sa kanila ang mga alituntunin, upang sa pagsunod sa mga tagubiling ito sila ay maging napakaligaya na tulad noong sila ay bata pa, habang kasabay nito ay natututuhan nila ang mga alituntuning makapagdudulot sa kanila ng lubos na kaligayahan at kasiyahan kapag matanda na sila.16
Ang ating mga anak, kung masigasig tayo sa paglinang sa ating sarili ng mga dalisay na alituntunin ng buhay at kaligtasan, ay lalaking taglay ang kaalaman tungkol sa mga bagay na ito at mas madali nilang magagawa ito kaysa sa atin, upang maitaguyod ang kaayusan na tulad ng sa langit at magkaroon ng kaligayahan at kapayapaan sa kanilang kapaligiran.17 [Tingnan sa mga mungkahi 4 at 5 sa pahina 152.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.
-
Repasuhin ang tala tungkol sa naging damdamin ni Pangulong Snow nang magkasama-sama ang kanyang buong pamilya (mga pahina ). Ano ang ilang mabubuting ibinubunga kapag magkakasama ang ating mga pamilya? Paano natin matutulungan ang ating mga pamilya na magkaisa?
-
Sa paanong paraan naaangkop sa ngayon ang ikalawang buong talata sa pahina 145? Ano ang magagawa natin upang matulungan ang mga kabataan ng Simbahan na maunawaan ang kabanalan ng tipan ng kasal? Ano ang maaari nating gawin upang asamin nila ang pag-aasawa at pagiging magulang?
-
Sinabi ni Pangulong Snow na ang “mumunti at walang kabuluhang mga hindi pagkakasundo” ay “makalalason sa [ating] kaligayahan” sa tahanan (pahina 147). Ano ang ilang partikular na mga ideya na makatutulong upang maiwasan natin ang “lason” na ito? (Para sa ilang halimbawa, tingnan ang mga pahina 147–149.)
-
Pag-aralan ang bahaging nagsisimula sa pahina 149. Sa inyong palagay bakit kailangang masabi ng mga magulang na “gawin mo ang ginagawa ko” bukod sa “gawin mo ang sinasabi ko”? Sa paanong mga paraan makapagtuturo ang mga magulang sa pamamagitan ng halimbawa? Ano ang ilang mga alituntunin na natutuhan ninyo dahil sa mabubuting halimbawa ng inyong mga magulang?
-
Si Pangulong Snow ay nagpahayag ng pagkabahala tungkol sa mga magulang na nagtuturo nang may kapangyarihan sa simbahan ngunit hindi sa tahanan (mga pahina 150–151). Isipin ang maaari ninyong gawin upang maibahagi “ang mga salita ng buhay” sa inyong pamilya.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: 1 Nephi 8:10–12; Helaman 5:12; D at T 68:25–28; 93:40–50; 132:19–20