Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 14: ‘Sa Diyos Lahat ng Bagay ay Posible’


Kabanata 14

“Sa Diyos Lahat ng Bagay ay Posible”

“Ang mga hinihinging iyon sa atin ay hindi makakayang sundin ng sinumang tao, maliban na lang kung may tulong mula sa Makapangyarihang Diyos. … Ipinangako Niya ang tulong na ito.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

Si Pangulong Lorenzo Snow ay isang manggagawa, na sumusunod sa madalas niyang ipayo: “Kailangan nating maging masipag sa paggawa. … Ang pananatiling tamad at hindi pagkilos ay walang-saysay.”1 Ngunit inamin niya na sa hangarin niyang itayo ang kaharian ng Diyos, ang sarili niyang mga pagsisikap ay hindi kailanman magiging sapat kung wala ang biyaya ng Diyos—o ang “hindi pangkaraniwang tulong,”2 gaya ng madalas niyang itawag dito. Gayunman, bagamat hinikayat niya ang mga miyembro ng Simbahan na maging masipag sa paggawa sa “pagpapaunlad ng [mabubuting] alituntunin,” ipinahayag din niya na “tayo, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ay dapat maunawaan at tandaan na ang kaligtasan ay dumarating lamang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.”3 Pinatotohanan niya na idaragdag ng Diyos ang Kanyang lakas sa ating mga pagsisikap: “Kung saanman tayo ilagay ng Panginoon ay doon tayo dapat mapunta; kapag hinihiling niya sa atin na gawin natin ang lahat upang suportahan ang mga banal na alituntuning iyon, na dapat nating gawin; iyon lamang ang dapat nating pagkaabalahan; ang ating Ama sa Langit na ang bahala sa ibang bagay.”4

Napuna ng kapatid ni Pangulong Snow na si Eliza na namuhay siyang tapat sa mga katuruang ito. Inilarawan niya ang Pangulo bilang isang taong nagtataglay ng “hindi natitinag na tiwala sa biyaya at kapangyarihan ng [Diyos] na tumulong.” Sinabi niya na alam ng Pangulo “kung kanino siya nagtitiwala” at dahil dito ay nakayanan niya ang “bawat hirap, bawat pagsalungat” at “nalampasan ang bawat balakid.”5

Ipinakita ni Lorenzo Snow ang kanyang tiwala sa kapangyarihan ng Diyos na tumulong nang maglakbay siya upang magmisyon sa England noong 1840. Sa 42-araw ng paglalayag patawid ng Atlantic Ocean, tatlong malalaking unos ang nakasagupa niya at ng kanyang mga kasamahan sa paglalakbay. Inireport niya kalaunan na ang mga iyon ay “malalakas na unos—lubhang mapanganib na mga unos ayon sa mga sanay nang maglayag sa karagatan.” Napansin niya ang pagkakaiba ng kanyang reaksyon sa mga unos kumpara sa reaksyon ng ilan sa mga manlalakbay: “Masasabi ko na may ilang pagkakataon na talagang kahindik-hindik ang mga pangyayari. Hindi ako nagulat nang makita ko ang kalalakihan, kababaihan at mga batang hindi natutong magtiwala sa Diyos na nangag-alalang mabuti at takot na takot, at nagsisitangis. May tiwala ako sa Kanya na lumikha ng mga karagatan at nagtakda ng hangganan ng mga ito. Ako ay Kanyang inutusan—alam kong isinugo ako sa misyong ito sa pamamagitan ng awtoridad na Kanyang kinikilala, at, bagamat nagngangalit ang mga elemento at inaanod at sinisiklut-siklot ng malalaking alon ang barko, Siya ang gumagabay sa barko, at ang buhay ko ay nasa Kanyang pangangalaga.”6

Pagkaraan ng maraming taon, nang si Lorenzo Snow na ang naging Pangulo ng Simbahan, muli siyang nakadama ng kapanatagan sa kanyang kaalaman na ang Panginoon ang gumagabay sa kanya. Sa isang pulong na ginanap noong Setyembre 13, 1898, nagkakaisang ipinahayag ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanilang katapatan na sang-ayunan siya bilang Pangulo ng Simbahan. Nakasaad sa isang tala ng pulong na siya ay tumayo at sinabing “walang-saysay ang maghanap siya ng mga dahilan sa kawalan niya ng kakayahan atbp., upang magampanan ang napakalaking responsibilidad na kaakibat ng katungkulan. … Nadama niyang kailangan niyang gawin ang lahat sa abot ng kanyang makakaya at umasa sa Panginoon.”7 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 206.]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Sa tulong ng Diyos, magagawa natin ang anumang ipinagagawa sa atin.

Nais kong magsalita sa paraan na tayo ay mapasisigla at mapabubuti sa mga bagay na may kinalaman sa ating kaligtasan. Dahil dito ay nais kong hilingin ang pananampalataya at panalangin ng lahat ng naniniwala sa paglapit sa Panginoon para sa tagubilin at katalinuhan.

Dapat nating matanto ang kaugnayan natin sa Panginoon na ating Diyos, at ang kakaibang katayuan natin. Upang magampanan nang wasto ang ating mga obligasyon, kailangan natin ng tulong mula sa Panginoon. …

… Sinabihan ni Jesus ang [isang] binata na lumapit sa kanya at naghahangad na malaman kung ano ang dapat niyang gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan, na “sundin ang mga kautusan.” Sumagot ang binata na nasunod niya ang mga kautusang tinutukoy mula pa sa kanyang pagkabata hanggang sa kanyang pagtanda. Nang tumingin sa kanya ang Tagapagligtas, nakita Niya na may kulang pa sa ginagawa ng binata. Sinunod ng binata ang batas ng kagandahang-asal, ang batas na ibinigay kay Moises, at dahil dito ay minahal siya ni Jesus, ngunit nakita niyang may isa pang kulang sa binata. Siya ay mayamang binata, at may impluwensya sa mundo dahil sa kanyang napakalaking kayamanan. Alam ni Jesus na bago niya mailagay ang binata, o ang sinuman, sa mas mataas na kalagayan, sa daigdig na selestiyal, kailangang maging masunurin siya sa lahat ng bagay, at ituring na pinakamahalaga sa lahat ang pagsunod sa selestiyal na batas. Alam ni Jesus kung ano ang kailangan sa bawat tao upang magkaroon ng putong na korona sa kahariang selestiyal—na walang mas dapat bigyan ng pagpapahalaga maliban sa pagsunod sa mga hinihingi ng langit. Nakita ng Tagapagligtas sa binatang ito ang pagkapit sa isang bagay na hindi naaayon sa batas ng kahariang selestiyal. Marahil nakita niya sa binata na maaaring sundin nito ang kanyang damdamin ukol sa mga bagay na makasasama sa kanya, at dahil dito ay imposible nitong sundin ang lahat ng hinihingi ng ebanghelyo, kaya’t sinabi niya sa binata na dapat siyang humayo at ipagbili ang lahat ng kanyang pag-aari “at magbigay sa mga maralita, at sumunod sa kanya.”

Nalungkot at nagdalamhati ang binata dahil sa kautusang ito. Itinuring niya ang kayamanan bilang pangunahing pakay sa buhay na ito, na magdudulot sa kanya ng impluwensya sa daigdig, at ng lahat ng bagay na kanais-nais; na maghahatid sa kanya ng mga pagpapala at kasiyahan sa buhay, at ang paraan na mag-aangat sa kanya sa matataas na posisyon sa lipunan. Hindi niya maisip kung paano makakamtan ng isang tao ang mga pagpapala, kasiyahan at pribilehiyo sa buhay, at ang mga bagay na gusto niya, kung wala ang kanyang kayamanan. Ngunit may kapangyarihan ang ebanghelyo na ibigay ang lahat ng bagay na kailangan upang matugunan ang mga naisin at pangangailangan ng tao at upang siya ay lumigaya. Hindi ito magagawa ng kayamanan; at nais ng Panginoon na kalimutan na niya ang ganitong mga ideya, at alisin na ito sa kanyang isipan at damdamin, upang matiyak niya na magiging tagapaglingkod niya ang binata sa lahat ng bagay. Nais niyang lubusang maging tapat ang lalaking ito sa paglilingkod sa kanya, at gawin ang kanyang gawain nang buong puso, at sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu, at ihanda ang kanyang sarili para sa kaluwalhatiang selestiyal. Ngunit ayaw itong gawin ng binatang ito; iyon ay napakalaking sakripisyo para sa kanya. At dito sinabi ng Tagapagligtas, “Mahirap na makapasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng langit. Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios.”

Ang mga alagad “ay lubhang nangagtaka” nang marinig ito, “na nagsisipagsabi, Sino nga kaya ang makaliligtas?” Inakala nila na hindi maaaring maging mayaman ang isang tao at maligtas sa kaharian ng Diyos. Iyan ang ideyang natanggap nila mula sa sinabi ng Tagapagligtas. Ngunit sumagot si Jesus, “Hindi mangyayari ito sa mga tao; datapuwa’t sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari.” [Tingnan sa Mateo 19:16–26; tingnan din sa Joseph Smith Translation sa Matthew 19:26, footnote a, at Mark 10:27, footnote a.]8 [Tingnan ang mungkahi 2 sa pahina 206.]

Nangako ang Diyos na tutulungan tayo sa ating sariling pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo.

Hindi natin posibleng masunod ang lahat ng mga kautusan na ibinigay ng Diyos sa atin kung tayo lamang mag-isa. Maging si Jesus mismo ay hindi niya maisasakatuparan ang Kanyang gawain kung walang tulong mula sa Kanyang Ama. Sinabi Niya minsan na, “Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili: humahatol ako ayon sa aking naririnig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.” [Juan 5:30.] At kung Siya nga na ating Panginoon ay nangailangan pa ng tulong mula sa langit, mas lalong kailangan nating tumanggap ng Kanyang tulong. At sa bawat kalagayan at kondisyon na nakapaligid sa mga Banal sa mga Huling Araw, habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, sila ay may karapatang tumanggap ng hindi pangkaraniwang tulong ng Banal na Espiritu, upang tumulong sa iba’t ibang kalagayan na nakapaligid sa kanila, at sa mga tungkuling ipinagagawa sa kanila.

… Wala akong maisip na anumang bagay na napakahalaga na tulad ng pagsisikap na makamit ang kadakilaan at kaluwalhatian ng isang tao. Walang duda na isang dakilang layunin iyan na ipinarito natin sa daigdig. … Hindi dapat panghinaan ng loob ang sinumang lalaki o babae kapag nadarama nilang hindi nila kayang tapusin ang nais nilang gawin, sa halip dapat nating gawin ang lahat sa abot ng ating makakaya upang maitaguyod ang napakalaking gawaing ito na siyang dahilan ng ating pagparito.9

Ang katangian ng tinanggap nating relihiyon ay nangangailangan ng partikular na pag-uugali na hindi hinihingi ng iba pang relihiyon sa mga tagasunod nito; at ang mga hinihinging iyon sa atin ay hindi makakayang sundin ng sinumang tao, maliban na lang kung tutulungan sila ng Makapangyarihang Diyos. Kailangang maunawaan natin, kahit bahagya, ang malalaki at mahahalagang pagpapala na mapapasaatin kalaunan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hinihingi ng relihiyon o ebanghelyo na ating tinanggap. Ang mga sakripisyong hinihingi sa atin ay hindi magagawa ng sinumang lalaki o babae, maliban kung tutulungan sila ng kapangyarihan ng langit; at ang Panginoon, sa pagpapanukala ng mga kondisyong ito ay hindi kailanman nilayon na ipagawa ito sa kanyang mga tao nang walang tulong mula sa Panginoon, at iyong uri ng tulong na hindi itinuturo ng anupamang grupo ng mga taong relihiyoso. Ipinangako Niya ang tulong na ito. …

Ang mga ito … ay hinihingi sa bawat panahon na tumatawag ang Diyos ng mga tao na maglilingkod sa kanya, at tatanggap ng kanyang mga batas. Hiningi ang mga ito noong kapanahunan ng Israel, sa pagsisimula ng mga taong iyon. Hiningi ang mga ito kina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinagawa ito kay Moises, at sa mga taong pinamunuan niya upang makalaya mula sa pagkaalipin sa Egipto. Hiniling ang mga ito sa lahat ng mga propetang nabuhay mula pa noong panahon ni Adan hanggang sa kasalukuyan. Hiniling ang mga ito sa mga apostol na tumanggap ng kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ni Jesucristo, na Anak ng Diyos na buhay, at ng mga tagasunod ng relihiyon na ipinahayag ng mga apostol at itinuro sa mga tao, noong kanilang panahon. At walang sinumang tao o grupo ng mga tao o uri ng mga tao mula noong panahon ni Adan hanggang sa kasalukuyan, ang makasusunod sa mga hinihinging ito, maliban sa mga tao ng Diyos, dahil pinagkalooban sila ng kapangyarihan mula sa itaas, na maaari lamang magmula sa Panginoon nating Diyos.10 [Tingnan ang mungkahi 3 sa pahina .]

Kapag nakikibahagi tayo sa gawain ng Diyos, kailangan natin ang tulong ng Diyos.

Anuman ang inyong gawin para sa ikasusulong ng kapakanan ng Sion, kailangan kayong umasa sa Panginoon para sa ikatatagumpay nito.11

Ang kaisipan ng isang tao ay dapat nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos sa anumang bagay na sisimulan niyang gawin. Dapat nating isaisip na wala tayong magagawa kung tayo lang mag-isa. Tayo ay mga anak Diyos. Tayo ay nasa kadiliman, [maliban] kung bibigyang liwanag ng Diyos ang ating pang-unawa. Wala tayong magagawa, [maliban kung] tutulungan tayo ng Diyos. Ang gawaing kailangan nating gawin dito ay hindi natin magagawa kung walang tulong mula sa Makapangyarihang Diyos. … Ito ang malaking problema sa kalalakihan ng daigdig, at lalo na sa mga Elder ng Israel; nalilimutan natin na gumagawa tayo para sa Diyos; nalilimutan natin na narito tayo para isakatuparan ang ilang mga layunin na ipinangako natin sa Panginoon na gagawin natin. Maluwalhati ang gawaing ito na ating kinabibilangan. Ito ang gawain ng Makapangyarihang Diyos; at pumili Siya ng mga lalaki at babae na alam Niya noon pa man na makapagsasagawa sa Kanyang mga layunin.12

Ang gawaing ito na ating kinabibilangan ay uunlad at maisusulong lamang sa pamamagitan ng mga pagpapala ng Diyos sa ating matatapat na pagsisikap at sa ating determinasyon na isakatuparan ang gawaing ipinarito natin sa lupa. Kapag nagbalik-tanaw tayo sa mga karanasang pinagdaanan natin, madali nating mauunawaan na ang ating kasaganaan ay batay sa ating tapat na mga pagsisikap na isakatuparan ang gawain ng Diyos, na magpursigi para sa kapakanan ng mga tao, at hangga’t maaari ay alisin sa ating sarili ang kasakiman. Dahil ganito ang nangyari noon, maaari tayong maniwala na ang pag-unlad natin sa hinaharap ay mababatay sa ating determinasyon na sundin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng pagkakataon at sa pamamagitan ng tulong na ibibigay Niya sa atin.13 [Tingnan sa mungkahi 4 sa ibaba.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.

  1. Repasuhin ang salaysay sa mga pahina 199–200. Sa inyong palagay bakit kaiba ang tugon sa pagsubok ng mga taong nagtitiwala sa Diyos kumpara sa mga taong hindi nagtitiwala sa Diyos?

  2. Isipin ang kuwento ng Tagapagligtas at ng binatang mayaman (mga pahina 201–202). Ano ang ilang bagay na pinagtutuunan ng puso ng mga tao na maaaring humantong sa kanilang “pagdadalamhati”? Bakit kailangan nating “maalis” ang gayong mga bagay sa ating buhay bago natin matanggap ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon?

  3. Itinuro ni Panglong Snow na maging ang Tagapagligtas ay nangailangan ng “tulong mula sa langit” upang “maisakatuparan ang Kanyang gawain” (pahina ). Paano ninyo magagamit ang mga salita ni Pangulong Snow para matulungan ang isang taong nakadarama na hindi niya kayang ipamuhay ang ebanghelyo?

  4. Basahin ang huling bahagi ng kabanatang ito (mga pahina 205–206). Sa inyong palagay bakit kung minsan ay hindi tayo humihingi ng tulong sa Diyos? Isipin kung ano pa ang maaari ninyong gawin upang matanggap pa lalo ang Kanyang tulong sa inyong buhay.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Taga Filipos 4:13; 2 Nephi 10:23–24; 25:23; Jacob 4:6–7; Mosias 24:8–22; Ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3

Tulong sa Pagtuturo: “Atasan ang mga kalahok na basahin ang mga piling tanong sa dulo ng kabanata (isa-isa o sa maliliit na grupo). Ipahanap sa kanila ang mga turo sa kabanata na may kaugnayan sa mga tanong. Pagkatapos ay ipabahagi sa kanila sa grupo ang kanilang mga iniisip at ideya” (pahina ix sa aklat na ito).

Mga Tala

  1. Deseret News, Ene. 28, 1857, 371.

  2. Deseret News, Ene. 14, 1880, 786.

  3. Deseret News: Semi-Weekly, Ago. 15, 1882, 1.

  4. Deseret News, Okt. 28, 1857, 270.

  5. Eliza R. Snow Smith, Biography and Family Record of Lorenzo Snow (1884), 116–17.

  6. Sa Biography and Family Record of Lorenzo Snow, 49.

  7. Sa Journal History, Set. 13, 1898, 4.

  8. Deseret News, Ene. 14, 1880, 786.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1898, 12.

  10. Deseret News, Ene. 14, 1880, 786.

  11. Improvement Era, Hulyo 1899, 708.

  12. Deseret Weekly, Mayo 12, 1894, 638.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1901, 1.

Bago pagalingin ang isang lalaking bulag, sinabi ng Tagapagligtas, “Kinakailangan [kong] gawin ang mga gawa niyaong nagsugo sa akin” (Juan 9:4).

“Ang gawain na ating kinabibilangan ay uunlad at maisusulong lamang sa pamamagitan ng mga pagpapala ng Diyos sa ating matapat na pagsisikap at sa ating determinasyon.”