Kabanata 8
“Siyasatin Mo Ako, Oh Dios, at Alamin Mo ang Aking Puso”
Sinisikap ng mabubuting Banal sa mga Huling Araw na “magkaroon sa harapan ng Diyos ng katangiang maaasahan sa oras ng pagsubok.”
Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow
Noong Disyembre 15, 1899, si Pangulong Lorenzo Snow, na noon ay Pangulo ng Simbahan, ay nagsalita sa libing ni Pangulong Franklin D. Richards, na naglingkod bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nang papatapos na ang kanyang sermon, sinabi ni Pangulong Snow, “Hiling ko sa Panginoon ng Israel na pagpalain ang mga Banal sa mga Huling Araw at nawa’y maging handa tayo sa mga mangyayari sa malapit na hinaharap, na maging dalisay ang ating mga puso sa harap ng Panginoon.”
Sa paglalarawan sa pangangailangan na panatilihing “dalisay ang ating mga puso sa harap ng Panginoon,” ikinuwento ni Pangulong Snow ang naging karanasan nila Pangulong Richards noong mga 1850s, nang bago pa lamang silang mga Apostol. Noong panahong iyon, pinangunahan ni Pangulong Brigham Young ang isang pagbabago sa Simbahan, na nananawagan sa mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako na magsisi at panibaguhin ang kanilang tapat na pangakong mamumuhay nang matwid.
“Nang madama ni Pangulong Young na dapat siyang manawagan sa mga tao na magsisi at magbago,” paggunita ni Pangulong Snow, “mariin siyang nagsalita tungkol sa nararapat gawin sa ilang tao—na dapat bawiin sa kanila ang kanilang Priesthood, dahil hindi nila ito nagampanang mabuti na siyang dapat sana nilang ginawa. Maaalala ng mga kapatid na nabuhay noong mga panahong iyon kung gaano katindi ang kanyang pagsasalita tungkol sa paksang ito. Naantig nito ang puso ni Brother Franklin, at naantig din ako; at pinag-usapan namin ang bagay na ito. Nagpasiya kaming magpunta kay Pangulong Young upang malaman sa kanya kung karapat-dapat ba kami sa Priesthood. Kung sa ngalan ng Panginoon ay nadama niyang hindi namin pinagbuti ang pagganap sa aming Priesthood, ipauubaya namin ito. Nagpunta kami sa kanya, nakita naming nag-iisa siya, at sinabi namin ito sa kanya. Sa tingin ko ay may luha sa kanyang mga mata nang sabihin niyang, ‘Brother Lorenzo, Brother Franklin, nasiyahan ang Panginoon sa mabuting pagganap ninyo sa inyong Priesthood. Pagpalain kayo ng Diyos.’”1
Buong buhay niya ay nais ni Pangulong Snow na maging dalisay ang kanyang puso sa harap ng Panginoon, at hinikayat din niya ang mga Banal na suriin kung sila ay karapat-dapat. Nagsalita siya “sa paraan na nadagdagan ang aming pang-unawa” na kailangang magkaroon “ng wastong katangian, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, sa harap ng Diyos na ating Ama.”2 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina .]
Mga Turo ni Lorenzo Snow
Kung mayroon tayong wastong katangian, buong tiwala nating maaanyayahan ang Diyos na suriin ang ating mga puso.
Napakalakas ng impresyon ko, na ang pinakamahalagang isaalang-alang, at magkakaroon ng malaking kapakinabangan kapag nagbalik na tayo sa daigdig ng mga espiritu, ay ang pagkakaroon ng wasto at mainam na katangian bilang matapat at matatag na mga Banal sa mga Huling Araw sa buhay na ito ng pagsubok.
Sa mga situwasyon kung saan nag-aaplay ang isang estranghero sa trabaho, o sa isang posisyong pinagkakatiwalaan, madalas ay kailangan niyang magpakita ng mga papeles na nagpapatunay sa kanyang pagiging karapat-dapat, mula sa mga taong mapagkakatiwalaan, mga liham ng rekomendasyon at pagpapakilala na talagang nagagamit at kapaki-pakinabang, na tumutulong sa pagkamit ng mga pabor at pribilehiyo na mahirap makuha sa ibang paraan. Gayunman, kung tutuusin mas madaling kumuha ng tinatawag na nakasulat na reperensya o pagkatao, tulad nga ng tinatawag na isang pagkatao na maaaring ilagay sa kanyang bulsa; at, sa katunayan, batay sa aking obserbasyon madalas ang mga taong mayhawak ng nasusulat na reperensya o pagkatao ay hindi kakikitaan ng kanilang totoo at tunay na pagkatao.
Mayroon sa atin na kinikilalang mga miyembro ng Simbahang ito na nagpapakahirap upang makilala ng mga nakapalibot sa kanila, ngunit ang kanilang tunay na pagkatao, o ang kalooban ng gayong mga tao ay nakatago o nakabalatkayo. … Ngayon ang dalanging ito na [tinutukoy] ko—“Siyasatin mo ako, Oh Dios, at alamin mo ang aking puso: subukin mo ako, at alamin ang aking mga pagiisip; at tingnan mo kung may anomang lakad ng kasamaan sa akin” [Mga Awit 139:23–24]—ay lubhang mahalaga; ito ay panalangin na buong ingat at buong tiwalang inialay ni David sa Panginoon noong siya’y nabubuhay. Ngunit may mga pagkakataon noon na nakadarama siya ng pag-aalangan at nangangatal na kahinaan sa pag-aalay ng ganitong uri ng panalangin.
May dahilan ako para maniwala na maraming mga Banal sa mga Huling Araw, sa malaking bahagi ng kanilang buhay, ang nakalalapit sa Panginoon nang buong pagtitiwala at nakapag-aalay ng ganito ring panalangin—“Siyasatin mo ako, Oh Dios, at alamin mo ang aking puso, at tingnan mo kung may anomang lakad ng kasamaan sa akin;” ngunit kung tayo, bilang mga tao, ay nakapamumuhay sa paraan na nakayuyuko tayo sa harap ng Panginoon sa lahat ng oras at nakapagdarasal sa ganitong paraan, napakagandang bagay niyon, ito ay isang bagay na naisagawa niya sa katuwiran at mabubuting gawa! … Iminumungkahi ko na sundin [ng bawat tao] ang panalanging ito ni David, at tingnan kung gaano siya kalapit na makapamumuhay sa liwanag na taglay niya, upang buong katapatan niya itong gawing bahagi ng kanyang debosyon sa Diyos. Marami ang nabibigong sumunod sa pamantayang ito ng kahusayan dahil palihim silang gumagawa ng mga bagay kung saan hindi ito nakikita ng mata ng tao, na maaaring direktang maglayo sa kanila sa Makapangyarihang Diyos at masaktan ang kalooban ng Espiritu ng Diyos. Hindi magagamit ng gayong mga tao ang ganitong panalangin kapag nag-iisa sila; hindi nila magagawa ito hangga’t hindi nila pinagsisisihan ang kanilang mga kasalanan at itinatama ang maling nagawa nila, at magpasiyang gumawa ng mas mabuti sa hinaharap kaysa sa nagawa nila noon, at magkaroon sa harapan ng Diyos ng katangiang maaasahan sa oras ng pagsubok. Kapag ginawa nila ito ay magiging marapat silang makihalubilo sa mga banal na nilalang at sa Ama mismo kapag naroon na sila sa daigdig ng mga espiritu.
… Kailangan nating maging matatapat na lalaki at matatapat na babae; kailangan tayong magkaroon ng malaking pananampalataya, at kailangang karapat-dapat tayo sa patnubay ng Espiritu Santo upang tulungan tayo sa gawain ng kabutihan sa lahat ng pagkakataon, upang magawa nating ipailalim ang ating kagustuhan sa kagustuhan ng Ama, upang labanan ang ating likas na pagkatao, at gawin ang tama dahil sa ibig nating gawin ang tama, na nananatiling nakatuon ang ating paningin sa karangalan at kaluwalhatian ng Diyos. Upang magawa ito kailangang madamang mabuti ng isipang nakababatid sa responsibilidad na nasa atin, na kumikilala sa katotohanan na nakamasid sa atin ang Diyos at na ang ating mismong mga kilos at layunin na nag-uudyok dito ay kailangang panagutan; at kailangan tayong palaging en rapport [nakaayon] sa Espiritu ng Panginoon.3 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 141.]
Itinuturo sa atin ng mga halimbawa sa mga banal na kasulatan kung paano pagbubutihin ang ating pagkatao.
Marami akong hinahangaan sa pagkatao ng mga propeta, at lalo na kay Moises. Hanga ako sa kanyang determinasyon na sundin ang salita at kagustuhan ng Diyos hinggil sa Israel, at sa kanyang kahandaang gawin ang lahat na makakayang gawin ng tao, sa tulong ng Makapangyarihang Diyos; at higit sa lahat hanga ako sa kanyang integridad at katapatan sa Panginoon. …
Hinahangaan ng Diyos ang mga lalaki at babae ngayon na tumatahak sa tuwid na landas at, sa kabila ng mga kapangyarihan ni Satanas na nariyan para kalabanin sila, ay nasasabi nilang, Lumayo ka, Satanas [tingnan sa Moises 1:16], at namumuhay nang matwid, isang buhay na maka-Diyos, at ang gayong mga tao ay may impluwensya sa Diyos at ang kanilang mga panalangin ay maraming pakinabang [tingnan sa Santiago 5:16]. Si Moises, halimbawa, ay may gayong kapangyarihan sa Makapangyarihang Diyos para baguhin ang layunin Niya [ng Diyos] sa isang pagkakataon. Magugunita na nagalit noon ang Panginoon sa mga Israelita at sinabi Niya kay Moises na lilipulin Niya ang mga ito, at kukunin Niya si Moises at mula sa kanya ay gagawa ng dakilang mga tao, at ipagkakaloob sa kanya at sa kanyang mga inapo ang ipinangako Niya sa Israel. Ngunit ang dakilang lider at tagapagbigay ng batas na ito, na tapat sa kanyang tungkulin bilang pinuno ng mga tao, ay tumayo sa pagitan ng Diyos at ng kanyang mga tao at sumamo sa Panginoon para sa kanyang mga tao; sa abot ng kapangyarihang magagamit niya at ginamit niya, siya ang naging paraan upang maligtas ang mga tao mula sa nagbabantang pagkawasak o pagkalipol. [Tingnan sa Exodo 32:9–11; Joseph Smith Translation, Exodus 32:12.] Marahil napakarangal at maluwalhati ni Moises sa paningin ng Panginoon, at marahil malaking kasiyahan para sa Kanya na malaman na ang Kanyang piniling mga tao, sa katigasan ng kanilang ulo at kawalang-muwang, ay nagkaroon ng lider na katulad ni Moises.
Kay Jonas ay muli tayong nakakita ng nakakatuwang pag-uugali. Habang nasa nagngangalit na tubig, at nagpahiwatig ng takot o pangamba ang mga manlalayag sa kakayahan nilang mailigtas ang barko, si Jonas na binabagabag ng kanyang konsiyensya sa hindi niya pagpunta sa Nineve gaya ng ipinag-utos ng Panginoon, ay lumapit at inamin na siya ang dahilan ng nagbabadyang kapahamakan, at handa siyang magpatapon sa dagat para sa kapakanan ng mga taong nakasakay sa barko. [Tingnan sa Jonas 1:4–12.] Gayundin sa iba pang mga propeta at kalalakihan ng Diyos, na bagamat sa ilang pagkakataon, tulad ni Jonas, ay nagpakita sila ng kahinaan, mayroon pa ring bagay na talagang dakila at kahanga-hangang katangian sa kanilang pagkatao.4 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina .]
Ang mabubuting pag-uugali ay unti-unting nabubuo sa ating sarili kapag nagpakita tayo ng pananampalataya at pinagsisihan ang ating nagawang mga pagkakamali.
Ang mga pag-uugaling maliwanag na nakikita sa karapat-dapat na mga taong nabuhay noong unang panahon ay hindi nagkataon lamang, ni hindi rin nila ito nakamit sa loob lamang ng isang araw, isang linggo, isang buwan, o isang taon, kundi unti-unti itong nabuo, na siyang mga bunga ng patuloy na katapatan sa Diyos at sa katotohanan, at hindi dahil sa mga papuri o pamimintas ng mga tao.
… Mahalaga na bilang mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat nating maunawaan at itanim sa ating isipan na ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos at sa pagkakaroon natin sa ating sarili ng mga alituntuning namamayani sa mabubuting taong nabanggit. Ang ideya ay hindi ang gumawa ng mabuti dahil sa papuri ng mga tao; kundi gumawa ng mabuti dahil sa paggawa nang mabuti ay nagkakaroon tayo ng kabanalan sa ating kalooban, at dahil dito tayo ay magiging maka-Diyos, na kalaunan ay magiging bahagi ng ating pagkatao. …
Hindi ba kung minsan ay nakagagawa tayo ng mga bagay na pinagsisisihan natin? Magiging maayos ang lahat kung ititigil natin ang paggawa ng gayong mga bagay kapag alam nating mali ang mga ito; kapag nakita natin ang masama at pagkatapos ay nagbago tayo, iyon lang ang maaari nating gawin, at tanging mahihiling sa sinuman. Ngunit walang duda, na madalas ay maraming tao ang nag-aalala at nangangamba na malantad o malaman ng iba ang maling ginawa nila kaysa mag-alala sa paggawa mismo ng mali; iniisip nila kung ano ang sasabihin ng mga tao kapag narinig nila ang tungkol dito, atbp. At, sa kabilang banda, ang ilan ay nahihikayat na gawin ang ilang bagay upang matanggap ang pagsang-ayon ng kanilang mga kaibigan, at kung ang kanilang ginawa ay hindi umani ng mabuting puna o hindi kinilala, pakiramdam nila’y nasayang ang kanilang pagod, at ang kabutihang maaaring nagawa nila ay ganap na kabiguan.
Ngayon, kung talagang gusto nating mapalapit sa Diyos; kung nais nating makasundo ang mabubuting espiritu sa mga daigdig na walang hanggan; kung nais nating taglayin sa ating sarili ang pananampalatayang binasa natin na sa pamamagitan nito’y naisagawa ng mga Banal noong unang panahon ang kagila-gilalas na mga gawa kailangang, pagkatapos nating makamit ang Banal na Espiritu, ay pakinggan natin ang mga bulong nito at sumang-ayon sa mga mungkahi nito, at huwag itong sapilitang itaboy palayo nang dahil sa ating mga ginagawa: Totoo na tayo ay mahihina at nagkakamaling mga nilalang na anumang oras ay magagawang saktan ang kalooban ng Espiritu ng Diyos; ngunit kapag natuklasan natin na nagkamali tayo, dapat nating pagsisihan kaagad ang pagkakamaling iyon hangga’t maaari upang maiwasto o maitama ang maling nagawa natin. Sa paggawa nito ay pinatatatag natin ang ating pagkatao, isinusulong natin ang sarili nating adhikain, at pinalalakas natin ang ating sarili laban sa tukso; at darating ang oras na marami na tayong napagtagumpayan at magugulat tayo sa ating sarili sa naging pag-unlad natin sa pamamahala sa ating sarili, at sa pagpapaunlad sa ating sarili.5 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 141.]
Habang pinananatili natin ang mabuti nating pagkatao, napapalapit tayo sa Panginoon.
Natanggap natin ang isang kagila-gilalas na Ebanghelyo: sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hinihingi nito ay matatanggap natin ang pinakapiling mga pagpapala na naipangako o naipagkaloob sa sangkatauhan sa anumang panahon ng mundo. Ngunit, tulad ng batang may laruan o ng pinaglalaruan, madalas din nating bigyang-kasiyahan ang ating sarili sa mga bagay na naglalaho sa paglipas ng panahon, nalilimutan ang mga oportunidad na nasa atin upang paunlarin sa ating sarili ang dakila, ang walang hanggang mga alituntunin ng buhay at katotohanan. Nais ng Panginoon na magkaroon tayo ng mas malapit na pakikipag-ugnayan sa Kanya; nais Niyang iangat ang antas ng ating pagkatao at katalinuhan, at magagawa lamang ito sa pamamagitan ng walang-hanggang Ebanghelyo na inihanda para lamang sa layuning ito. Sabi ni Apostol Juan: “Sinomang mayroon ng pag-asang ito sa kaniya ay naglilinis sa kaniyang sarili, gaya naman [ni Cristo na] malinis.” [I Juan 3:3.] Ipinamumuhay ba ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga alituntunin ng Ebanghelyo, at sa gayon ay isinasakatuparan ang mga layunin ng Diyos?
… Ano ang magagawa natin sa iba’t ibang kalagayan upang mas maiangat ang ating sarili sa kabutihan ng ating Diyos? Ano ang maidudulot na mga pakinabang, pagpapala at pribilehiyo ng sistemang ito ng kaligtasan na sinunod natin, at ano ang dapat gawin upang makamit ang mga ito? Kung may dapat mang gawing sakripisyo magandang pagkakataon ito para sa lahat ng nagnanais na pag-aralan ang kanilang relihiyon, at nagsisikap na sundin ang mga hinihingi nito, sa pamamagitan ng pamumuhay ayon dito sa araw-araw, upang ipakita ang kahandaan nilang yumukod at sumunod sa kagustuhan ni Jehova, na kinikilala ang kanyang impluwensya at kapangyarihan sa oras ng kahirapan at ng kasaganaan.
… Makabubuting suriin ang ating sarili, magnilay-nilay sa ating sarili sa pribadong lugar, upang malaman ang ating katayuan … sa harapan ng Panginoon, upang kung kailangan ay mapag-ibayo pa natin ang ating pagsisikap at katapatan, at dagdagan ang ating mabubuting gawa.
Walang alinlangan, na ang pinapatungkulan ay ang mga tao sa kabuuan, na malaki ang iniunlad natin sa paningin ng Diyos. Ngunit kahit walang alinlangan na ganito nga ang kalagayan natin, naniniwala ako na may mga kasama tayong pinagkalooban ng mga espirituwal na kaloob na maaari pang linangin, na maaari pang gamitin, kung pipiliin nila, nang higit pa sa nagagawa nila ngayon, at mas mabilis na makasusulong sa landas ng kabanalan at mas mapapalapit sa Panginoon. Ngunit ang diwang nananaig sa mga bagay ng mundong ito ay kumikilos sa kanila kung kaya’t hindi nila nadaragdagan ang mga espirituwal na kapangyarihan at pagpapalang iyon; hindi sila nagkakaroon ng malapit na pakikipag-ugnayan sa Panginoon na siyang pribilehiyo nila.6
Ang ating pagkatao at pag-uugali, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ay dapat mapanatiling sagrado, anuman ang maging katumbas nitong halaga o sakripisyo. Ang pag-uugali o pagkatao na sinang-ayunan ng Diyos ay marapat kamtin, kahit ang maging kapalit nito ay habambuhay na pagkakait sa sarili.
Habang namumuhay sa gayong paraan ay makaaasa tayo … , nang may buong katiyakan na … puputungan tayo ng korona kasama ang mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos, at mamanahin ang kayamanan at kaluwalhatian ng isang Selestiyal na kaharian.7 [Tingnan sa mungkahi 5 sa kasunod na pahina.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.
-
Habang nirerepaso ninyo ang kuwento sa mga pahina , ano ang natututuhan ninyo mula sa mga ginawang hakbang nina Elder Lorenzo Snow at Elder Franklin D. Richards? Isipin kung paano ninyo maibabahagi ang mga alituntuning ito sa mga miyembro ng pamilya o sa iba.
-
Sinabi ni Pangulong Snow, “Kailangan nating maging matatapat na lalaki at matatapat na babae” (pahina 136). Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng maging matapat na lalaki o matapat na babae?
-
Isipin ang mga napuna ni Pangulong Snow tungkol sa mga halimbawa nina Moises at Jonas (mga pahina 136–138). Ano ang nakikita ninyo sa bawat isa sa mga kuwento o salaysay na ito na makatutulong sa atin na mapabuti ang ating pagkatao?
-
Isipin ang unang buong talata sa pahina 139. Bakit sa inyong palagay kailangang alam natin ang ating mga pagkakamali upang mapalakas ang ating pagkatao? Paano natin hahayaang makita ng ating sarili ang ating mga pagkukulang nang hindi pinanghihinaan ng loob?
-
Repasuhin ang payo ni Pangulong Snow sa huling bahagi ng kabanata (mga pahina ). Isiping mag-ukol ng oras para suriin ang inyong sarili at alamin kung ano ang katayuan ninyo sa harap ng Panginoon.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Awit 24:3–5; II Pedro 1:2–11; Mosias 3:19; Alma 48:11–13, 17; Eter 12:25–28; D at T 11:12–14; 88:63–68