Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 23: Si Propetang Joseph Smith


Kabanata 23

Si Propetang Joseph Smith

“Kilala ko si Joseph Smith bilang isang taong tapat, panig sa katotohanan, marangal, handang isakripisyo ang lahat ng pag-aari niya, maging ang kanyang buhay, bilang patotoo sa kalangitan at sa mundo na naibahagi niya ang katotohanan sa sangkatauhan.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

“Marahil ay iilang tao na lang ang nabubuhay ngayon na kilalang-kilala si Propetang Joseph Smith na katulad ko,” sabi ni Pangulong Lorenzo Snow noong 1900. “Madalas kaming magkasama noon. Binisita ko siya sa kanyang pamilya, naupo sa kanyang mesa, nakasama siya sa iba’t ibang sitwasyon, at nakausap siya nang sarilinan para hingan ng payo.”1

Bukod pa sa mga sarilinang pag-uusap na ito, nasaksihan ni Lorenzo Snow si Joseph Smith sa publiko—sa kanyang ministeryo bilang kaibigan sa mga Banal at bilang Propeta ng Panunumbalik. Ikinuwento niya ang isang pulong na dinaluhan ni Joseph Smith sa itinatayo noon na Nauvoo Temple. Lumakad ang Propeta papunta sa pulpito, kasama ang isang ministro ng ibang relihiyon. Ang ministro “ay pormal na pormal. Nang magsalita na [ang propeta] na nagpasaya o nagpatawa sa mga tao, nanatili [itong] napakatahimik, ni walang makitang anumang ekspresyon sa mukha ng ministro.” Sa kabilang banda, si Joseph Smith naman ay “magandang-maganda ang pakiramdam sa umagang iyon” at may sinabi pa na “nagpatawa sa mga tao” bago nagsimula ang pulong. “Nang magsimula ang pulong,” paggunita ni Lorenzo, “tumayo si Pangulong Smith, at noon ko lang siya narinig magsalita nang may napakalakas na kapangyarihan. Tuwang-tuwa ang mga tao, napuspos siya ng Espiritu ng Diyos at nagsalita nang buong lakas at husay.”2

Bagaman humanga si Pangulong Snow sa mga karanasan niya kay Joseph Smith, ang kanyang patotoo sa misyon ng Propeta ay hindi batay sa mga karanasang iyon. Paulit-ulit niyang ipinahayag na natanggap niya ang kanyang patotoo mula sa Espiritu Santo. Sabi niya: “Ako, o sinumang nakakakilala sa kanya, ay walang anumang dahilang mag-alinlangan kahit saglit na [si Joseph Smith] ay tapat at marangal. Ngunit nang humayo ako para ipangaral ang mga alituntunin ng Ebanghelyong ito kailanman ay hindi ako umasa sa anumang impormasyong tinanggap ko sa pamamagitan niya o ng ibang tao; ngunit naniwala ako sa kanyang mga salita, na ang dating sa akin ay mga salita ng katotohanan, mula sa isang taong binigyang-inspirasyon ng Diyos. … Ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritu Santo na maaaring tanggapin at tamasahin ng lahat ng tao, … ay pinagtibay ang katotohanan ng kanyang sinabi sa akin, at nalaman ko ang bagay na iyon na hindi maibibigay o makukuha ninuman.”3 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina .]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Nang tanggapin ni Joseph Smith ang kanyang banal na tungkulin, siya ay isang dalisay, at tapat na binatilyo.

Si Joseph Smith, na pinili ng Diyos upang pasimulan ang gawaing ito, ay maralita at hindi nakapag-aral, at nabibilang sa hindi popular na sekta ng mga Kristiyano. Isa lang siyang bata, tapat, puno ng integridad, walang alam na panloloko, katusuhan at kasanayan na ginagamit ng mga pulitiko at mapagkunwaring relihiyoso, para isakatuparan ang kanilang mga layunin. Gaya ni Moises noong unang panahon, nadama niya na wala siyang kakayahan at hindi karapat-dapat sa tungkulin, upang tumayo bilang repormador ng relihiyon, sa isang katungkulang hindi popular sa lahat—ang labanan ang mga opinyon at doktrinang matagal nang umiiral, na inaayunan at sinusuportahan ng mga tao, ang pinakamalalim sa teoriya ng relihiyon; ngunit tinawag siya ng Diyos upang iligtas ang mapagpakumbaba at tapat ang puso sa lahat ng bansa mula sa kanilang espirituwal at temporal na pagkaalipin. At pinangakuan siya ng Diyos na sinumang tumanggap at sumunod sa kanyang mensahe—magpabinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, na may tapat na layunin—ay tatanggap ng mga banal na paghahayag, dapat tumanggap ng Espiritu Santo, ng mga pagpapalang ipinangako at natamo sa pamamagitan ng Ebanghelyo, na ipinangaral ng mga sinaunang Apostol. At ang mensaheng ito, ang pangakong ito, ay matutupad saanman at kaninuman ito dalhin ng mga Elder, ang mga awtorisadong sugo ng Diyos. Iyan ang sabi ni Joseph Smith, ang batang hindi nakapag-aral, hindi maarte, simple, at tapat.4

Mga labing-walong taong gulang ako nang una kong makita si Propetang Joseph Smith. Bandang 1832 iyon, sa taglagas ng taon. Nabalita na magdaraos ng pulong ang Propeta sa Hiram, Portage county, Ohio, mga dalawang milya mula sa tahanan ng tatay ko. Matapos marinig ang maraming kuwento tungkol sa kanya, tumindi ang pagnanais kong mag-usisa at naisip kong samantalahin ang pagkakataong ito na makita at marinig siya. Kaya nga, kasama ang ilang miyembro ng pamilya ng tatay ko, nagpunta ako sa Hiram. Pagdating namin doon nakatipon na ang mga tao sa isang maliit na silid; mga isang daan at limampu o dalawang daang tao ang naroon. Nagsimula na ang pulong at nakatayo si Joseph Smith sa may pintuan ng bahay ni [John] Johnson, at nakatingin sa loob ng silid at nagsasalita sa mga tao. Kinilatis ko ang kanyang hitsura, pananamit, at kilos habang pinakikinggan ko siyang magsalita. Nakasentro ang kanyang pananalita sa sarili niyang mga karanasan, lalo na sa pagbisita ng anghel, nagbibigay ng matindi at malakas na patotoo tungkol sa kagila-gilalas na mga pagpapakitang ito. Noong una tila medyo atubili siya at mahina ang boses niya, ngunit nang lumaon naging malakas at makapangyarihan ito, at tila naantig ang lahat ng naroon at nadama nila na siya ay tapat. Talagang naantig ako nito sa ganitong paraan at tumatak ito sa aking isipan na nananatili pa rin hanggang ngayon.5

Habang nakatingin ako sa kanya [sa unang pagkakataon] at nakikinig, naisip ko sa aking sarili na ang isang lalaking nagbabahagi ng gayong nakaaantig na patotoo na katulad niya, at ang mukha ay katulad ng sa kanya, ay hindi maaaring maging isang huwad na propeta.6 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 308.]

Sa buong buhay niya, pinanatili ni Propetang Joseph ang kanyang katapatan at mataas na moralidad.

Si Joseph Smith, ang Propeta, na lubos kong nakilala nang ilang taon, na katulad sa pagkakilala ko sa aking kapatid, alam ko na siya ay isang taong may integridad, isang taong tapat sa kapakanan ng sangkatauhan at sa mga ipinagagawa ng Diyos sa buong buhay niya. Walang taong nagtaglay ng mas mataas na integridad at mas tapat sa kapakanan ng sangkatauhan kaysa kay Propetang Joseph Smith.7

Kilala ko si Joseph Smith bilang isang taong tapat, panig sa katotohanan, marangal, handang isakripisyo ang lahat ng pag-aari niya, maging ang kanyang buhay, bilang patotoo sa kalangitan at sa mundo na naibahagi niya ang katotohanan sa sangkatauhan.8

Kilala ko siya bilang isang taong maka-Diyos, puno ng determinasyong gampanan ang kanyang tungkulin—isang taong hindi matatawaran ang integridad, at tapat sa lahat ng kanyang adhikain. Walang sinumang katulad ko na lubos na nakakakilala sa kanya ang nakakita ng anumang mali sa kanya, patungkol sa kanyang moralidad. … Pinatototohanan ko ang mabuting pagkatao ni Brother Joseph Smith, ang kanyang katapatan, pananampalataya, kabutihang-loob, at kabaitan, bilang isang tao at bilang lingkod ng Diyos.9 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 308.]

Hindi mapagkunwari, si Joseph Smith ay maaaring makibahagi sa mabuting paglilibang gayundin sa pagtuturo nang may kapangyarihan ng Diyos.

Dumalo ako … sa mga pulong sa Templo nang regular at nakinig sa mensahe ng Propeta tungkol sa pinakamagagandang paksa. Kung minsan ay puspos siya ng Espiritu Santo, na nagsasalita sa tinig ng isang arkanghel at puspos ng kapangyarihan ng Diyos, ang kanyang buong katauhan ay nagliliwanag at maaliwalas ang kanyang mukha. …

Kung minsan hindi gaanong mahalaga ang sinasabi niya, at kung minsan ipinaliliwanag niya ang mga hiwaga ng kaharian. Kapansin-pansin ang pagbabago kaya tila nakalutang siya sa langit habang nagsasalita sa mga tao rito sa lupa, pagkatapos ay muling nagbabalik sa mas pamilyar na kapaligiran. …

Laging natural ang kilos at talagang mahinahon si Joseph Smith, hindi siya kailanman nalito o nayamot sa mga tao o sa mga bagay na nasa kanyang paligid. Maraming ministrong bumisita sa kanya at nagsikap na hulihin siyang hindi nakahanda, na gumagawa ng isang bagay na mali, ngunit kapag wala siyang kasamang ibang tao ay gayon pa rin ang kilos niya. Hindi siya naging mapagkunwari kailanman. Sumali siya sa lahat ng isports na makabubuti sa kalusugan, at hindi inisip na hindi bagay sa kanya ang maglaro ng bola, makipagkarerahan sa takbuhan o sumali sa iba pang laro. Isang ministro, habang naroon sa bahay ng Propeta, ang napatingin sa bintana at nakita ang Propeta na nakikipagbuno o nakikipag-wrestling sa isang kaibigan sa hardin. Ito, at ang iba pang mabuting paglilibang ang nakakumbinsi sa ministro na ang Propeta ay tapat at walang bahid ng pagkukunwari. …

Sa isa pang pagkakataon, nakipaglaro ng bola si Joseph Smith sa ilang kabataang lalaki sa Nauvoo. Nang makita iyon ng kanyang kapatid na si Hyrum ninais niyang iwasto ang Propeta at pagsabihan ito, at sinabi na ang gayong pagkilos ay hindi bagay sa isang Propeta ng Panginoon. Mahinahong sumagot ang Propeta, “Brother Hyrum, ang pakikihalubilo ko sa mga batang lalaki sa isang hindi nakasasakit na isport na katulad nito ay hindi magpapahamak sa akin sa anumang paraan, kundi sa kabilang banda ay nagpapasaya ito sa kanila at napapalapit sila sa akin.”10 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina .]

Pinalakas ng Espiritu Santo, nag-ibayo ang espirituwal na lakas at impluwensya ni Joseph Smith.

Si Joseph Smith, ang dakilang propeta, ay hindi nakapag-aral nang piliin siya ng Diyos at ipaalam sa kanya ang kanyang misyon. Binibigyan ng Panginoon ng mga espirituwal na kaloob at kaalaman ang hindi nakapag-aral, at ipinaaalam sa kanila ang kadakilaan ng kaharian sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at unti-unting lumalaki ang kaalaman nila tungkol sa mga bagay ng Diyos.11

Noong mga huling sandali ng kanyang buhay lalo pang lumakas ang impluwensya ni Joseph Smith sa kanyang kapwa. Ang katotohanang ito ay lubos na napansin ko pagbalik ko mula sa misyon sa Europe. Napansin ko at sinabi ko pa sa kanya na napakalaki ng kanyang pagbabago mula noong huli ko siyang makita; na naging mas malakas at makapangyarihan siya. Inamin niya ito at sinabi na idinagdag sa kanya ng Panginoon ang Kanyang Espiritu.

Isang araw tinawag niyang lahat ang mga kapatid na Labindalawang Apostol at iba pang kilalang mga Elder ng Simbahan upang atasan sila sa iba’t iba nilang responsibilidad at misyon. Bawat isa ay naupo at sabik na naghintay na marinig ang sasabihin ng Propeta tungkol sa mga magiging tungkulin nila. Nadama nila na nasa piling sila ng isang napakadakilang nilalang. Habang nasa Kirtland tila walang taglay na gayong lakas at kapangyarihan ang Propeta, … ngunit kalaunan ay naging napakalakas niya sa kapangyarihan ng Panginoon kaya ito nadama ng mga tao. Ganoon ang nangyari sa pagkakataong ito. Natanto ng mga Elder ang kanyang matinding lakas. “Brother Brigham,” sabi niya, “gusto kong magpunta ka sa silangan at asikasuhin ang mga gawain ng Simbahan sa Eastern States, at maaari kang samahan ni Brother Kimball.” Bumaling siya sa isa pa at sinabing, “Ituon mo ang atensyon mo sa paglalathala ng ating pahayagan,” at gayon niya hinirang ang bawat isa sa kanyang espesyal na misyon; tinanggap naming lahat ang kanyang sinabi bilang kalooban ng Panginoon. …

Ang Propeta ay may kakayahang antigin sa pambihirang paraan ang lahat ng lumalapit sa kanya. May isang bagay tungkol sa kanya na nagpalambot sa kanilang puso. Ito ang partikular na nangyari sa mga kapatid nang tanggapin nila ang kanilang mga tungkulin mula sa kanya na humayo at ipangaral ang Ebanghelyo. Ang inspirasyong dumaloy mula sa kanya ay nanaig sa kanilang kaluluwa at tumagos ang kanyang mga salita sa kaibuturan ng kanilang pagkatao. Minahal nila siya, at naniwala sila sa kanya, at handa silang gawin ang anumang iniutos niya para maisulong ang gawain ng Diyos. Pinuspos niya sila ng kapangyarihan ng kanyang presensya, at pinasaya sila sa patotoo tungkol sa kanyang misyon bilang propeta. Maraming tao sa mundo ang nagtataglay ng kakaibang diwa ng pakikipagkaibigan at pagmamahal at nadarama ito ng lahat ng nakikilala nila. Nakakilala na ako ng gayong mga tao, ngunit hindi pa ako nakakilala ng isa pang tao na nang makasama ko ay nadama ako ng kakaiba at malakas na impluwensyang nadama ko habang kasama ko si Propetang Joseph Smith. Ito ay dahil malaking bahagi ng Espiritu ng Diyos ang taglay niya, makipagkamay lang ang isang tao sa kanya ay mapupuspos na ito ng kanyang impluwensya, at sinumang sensitibo ay malalaman na pambihirang tao ang kinakamayan niya.12 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina ]

Bawat isa sa atin ay maaaring magkaroon ng patotoo na si Joseph Smith ay isang propeta at na ang ebanghelyo ay ipinanumbalik sa pamamagitan niya.

Sa integridad ng aking puso, tapat kong hangad na malaman ang katotohanan, tinanggap ko ang mensahe [ni Joseph Smith]—sinunod ko ang doktrinang ito, at tumanggap ako, sa napakalinaw at nakasisiyang paraan, ng isang banal na paghahayag—ang ipinangakong pagpapala—ang kaalaman sa gawaing ito. Ako lang ba ang saksi? Paano ito nararanasan ng libu-libong kausap ko ngayon? Saksi rin ba kayo?13

Ano ang nilalaman ng ating patotoo? Ito iyon: Na ito ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon; na ang anghel na nakita ni Juan na Tagapaghayag na lumilipad sa kalangitan na taglay ang walang-hanggang Ebanghelyo upang ipangaral sa kanila na naninirahan sa lupa, at sa bawat bansa, at lahi at wika at tao—na ang anghel na iyon ay nagpakita at ipinanumbalik ang Ebanghelyo sa lupa, na si Joseph Smith ang kinasangkapan upang maipanumbalik ito [tingnan sa Apocalipsis 14:6].14

Pinagtibay ni Joseph Smith na binisita siya nina Pedro, Santiago at Juan, at ipinagkaloob sa kanya ang awtoridad na pangasiwaan ang mga banal na ordenansa ng Ebanghelyo kaya bawat lalaki at babaeng tapat ang puso ay pinangakuan ng Espiritu Santo, at ng lubos na kaalaman tungkol sa doktrina.15

Si Joseph Smith ay binigyan ng awtoridad na magbukas ng daan at maglatag ng plano para malaman ng tao ang mga bagay na ito, nang sa gayon ay hindi tayo umasa sa patotoo ng mga Propeta, o sa patotoo ng mga sinaunang Apostol, o sa patotoo ng mga Apostol sa kasalukuyan, o sa Aklat ni Mormon, o sa anupamang ginawa o sinabi noong araw, kundi upang malaman natin mismo sa ating sarili. Sarili itong kaalaman.16

Alam ko na si Joseph Smith ay tunay na propeta ng buhay na Diyos. Pinatototohanan ko na nakita at nakausap niya ang Diyos at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Ibinigay sa akin ng Panginoon ang buhay na patotoong ito at nag-aalab ito sa aking kaluluwa simula nang matanggap ko ito. Ibinibigay ko ito ngayon sa buong mundo. Hindi ko lamang pinatototohanan sa buong sangkatauhan na si Joseph Smith ay isinugo ng Diyos at ang gawaing itinatag sa pamamagitan niya ay gawain ng Diyos, kundi binabalaan ko ang lahat ng bansa sa mundo tungkol sa mga propesiya ng Propeta, at taos-puso kong pinatototohanan na alam kong totoo ang mga ito.17 [Tingnan sa mga mungkahi 5 at 6 sa pahina 308.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.

  1. Sa inyong isipan, ilarawan ang pangyayaring nasa pahina 299. Ano ang ipinahihiwatig ng salaysay na ito tungkol kay Joseph Smith?

  2. Repasuhin ang mga paglalarawan ni Pangulong Snow sa pagkatao ni Joseph Smith (mga pahina 301–302). Sa palagay ninyo, sa anong mga paraan nakatulong ang pagkatao ni Joseph Smith para maging kasangkapan siya sa mga kamay ng Panginoon?

  3. Ano ang mga naiisip o nadarama ninyo tungkol sa pagbibigay ng oras ni Propetang Joseph sa “mabuting paglilibang”? (mga pahina 303–305). Paano natin matitiyak na ang ating mga paglilibang ay nakadaragdag, sa halip na nakababawas, sa kakayahan nating mapuspos ng Espiritu Santo?

  4. Sa paanong paraan “unti-unting lumaki ang kaalaman [ni Joseph Smith] tungkol sa mga bagay ng Diyos”? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 305–306.) Ano ang magagawa natin para masunod ang halimbawa ng Propeta kapag hinangad nating umunlad sa espirituwal?

  5. Basahin ang talata sa ibaba ng pahina na parang sa inyo mismo nagsasalita si Pangulong Snow. Paano ninyo sasagutin ang kanyang mga tanong?

  6. Hanapin ang bahaging nagsisimula sa pahina 306. Ano na ang mga naranasan ninyo na kinailangan ninyong malaman para sa inyong sarili na ang ebanghelyo ay naipanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith? Ano ang maipapayo ninyo sa isang miyembro ng pamilya o kaibigan na gustong matamo ang patotoong ito?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: D at T 1:17; 5:9–10; 35:17–18; 135:3; Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26

Tulong sa Pagtuturo: “Kapag nagtatanong ang isa[ng tao], isiping anyayahan ang iba na sagutin ito sa halip na kayo mismo ang sumagot nito. Halimbawa, maaari ninyong sabihing, ‘Iyan ay isang [nakakatuwang] tanong. Ano ang palagay ng iba sa inyo?’ o ‘[May makakasagot ba] sa tanong na ito?’” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 79).

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Okt. 1900, 61.

  2. “Reminiscences of the Prophet Joseph Smith,” Deseret Semi-Weekly News, Dis. 29, 1899, 1.

  3. Deseret News: Semi-Weekly, Hunyo 27, 1882, 1.

  4. Deseret News: Semi-Weekly, Mar. 9, 1886, 1.

  5. “Reminiscences of the Prophet Joseph Smith,” 1.

  6. “The Grand Destiny of Man,” Deseret Evening News, Hulyo 20, 1901, 22.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1898, 64.

  8. Millennial Star, Nob. 25, 1889, 738; mula sa isang detalyadong pakahulugan ng isang mensaheng ibinigay ni Lorenzo Snow sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1889.

  9. Millennial Star, Hunyo 27, 1895, 402.

  10. “Reminiscences of the Prophet Joseph Smith,” 1.

  11. Sa Journal History, Nob. 14, 1898, 4; mula sa isang detalyadong pakahulugan ng isang mensaheng ibinigay ni Lorenzo Snow sa Box Elder Stake conference noong Nobyembre 1898.

  12. “Reminiscences of the Prophet Joseph Smith,” 1.

  13. Deseret News: Semi-Weekly, Mar. 9, 1886, 1.

  14. Deseret News, Nob. 22, 1882, 690.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, Mar. 9, 1886, 1.

  16. Deseret News, Nob. 22, 1882, 690.

  17. “Reminiscences of the Prophet Joseph Smith,” 1.

Si Propetang Joseph Smith ay “isang taong maka-Diyos, puno ng determinasyong gampanan ang kanyang tungkulin.”

Tuwang-tuwa si Joseph Smith sa “mabuting paglilibang” kasama ang mga miyembro ng kanyang pamilya at mga kaibigan.