Kabanata 5
Ang Maluwalhating Tadhana ng Matatapat
“Napakalaking kasiyahan ang makapagsalita tungkol sa mga dakilang bagay na layon ng Diyos na ipagkaloob sa Kanyang mga anak na lalaki at babae, at na makakamtan natin ang mga ito kung tayo ay tapat.”
Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow
Noong tagsibol ng 1840, si Lorenzo Snow ay nasa Nauvoo, Illinois, naghahandang lumisan para magmisyon sa England. Dumalaw siya sa tahanan ng kanyang kaibigan na si Henry G. Sherwood, at hiniling niyang ipaliwanag ni Brother Sherwood ang isang talata ng banal na kasulatan. “Habang pinakikinggang mabuti ang kanyang pagpapaliwanag,” paggunita kalaunan ni Pangulong Snow, “damang-dama kong napasaakin ang Espiritu ng Panginoon—nabuksan ang mga mata ng aking pang-unawa, at nakita ko nang kasinglinaw ng sikat ng araw sa katanghaliang-tapat, nang buong panggigilalas at pagkamangha, ang landas ng Diyos at ng tao. Nabuo ko ang kasunod na taludturang tula (couplet) na naglalarawan sa paghahayag, gaya ng ipinakita sa akin. …
“Kung ano ang tao ngayon, gayon ang Diyos noon:
“Kung ano ang Diyos ngayon, ang tao ay maaaring maging gayon.”1
Dama na nakatanggap siya ng “sagradong komunikasyon” na dapat pakaingatan, hindi itinuro ni Lorenzo Snow sa publiko ang doktrinang ito hanggang sa malaman niyang itinuro ito noon ni Propetang Joseph Smith.2 Nang malaman niyang alam na ng publiko ang doktrina, madalas na siyang nagpatotoo tungkol dito.
Bukod sa ginawang tema o paksa ang katotohanang ito sa marami sa kanyang mga pangangaral, ginawa niya rin itong tema ng kanyang buhay. Sinabi ng kanyang anak na si LeRoi, “Tumimo kay Lorenzo Snow ang katotohanang ito marahil nang higit kaysa sa iba; nagkaroon ito ng malaking epekto sa kanyang kaluluwa kung kaya’t naging inspirasyon ito ng kanyang buhay at binigyan siya nito ng malawak na pang-unawa sa kanyang dakilang hinaharap at sa malaking misyon at gawain ng Simbahan.”3 Ito noon ang kanyang “tanglaw at gabay sa tuwina” at “isang napakaliwanag na bituin sa kanyang harapan sa lahat ng oras—sa kanyang puso, sa kanyang kaluluwa, at sa buo niyang pagkatao.”4
Sa kabanatang ito, itinuturo ni Pangulong Snow ang doktrina na maaari tayong maging katulad ng ating Ama sa Langit. Sa kabanata 6, binibigyan niya tayo ng praktikal na payo kung paano natin maipamumuhay ang doktrinang ito.
Mga Turo ni Lorenzo Snow
Dahil tayo ay may angking kabanalan, maaari tayong maging katulad ng ating Ama sa Langit.
Isinilang tayo sa wangis ng Diyos na ating Ama; nilikha niya tayong tulad sa kanya. May likas na katangian ng pagkadiyos sa ating espirituwal na pagkatao; sa ating espirituwal na pagsilang binigyan tayo ng ating Ama ng mga kakayahan, kapangyarihan at kasanayan na taglay niya mismo, tulad ng taglay ng isang sanggol sa sinapupunan ng ina nito, bagamat hindi pa maunlad, ang mga kakayahan, kapangyarihan at damdamin ng magulang nito.5
Naniniwala ako na tayo ay mga anak ng Diyos, at na ipinagkaloob Niya sa atin ang kakayahan na magkaroon ng walang hanggang karunungan at kaalaman, dahil ibinigay Niya sa atin ang bahagi ng Kanyang Sarili. Sinabihan tayo na nilikha tayo sa Kanyang sariling wangis, at natuklasan natin na mayroong sangkap ng imortalidad sa kaluluwa ng tao. May isang espirituwal na organismo sa loob ng tabernakulong [ang pisikal na katawan] ito, at ang espirituwal na organismong iyon ay may taglay na kabanalan sa kanyang sarili mismo, bagamat marahil sa musmos pang kalagayan; ngunit may taglay itong kakayahan na bumuti pa at sumulong, gaya ng sanggol na tumatanggap ng ikabubuhay mula sa ina nito. Bagamat maaaring ignorante o walang kaalam-alam ang sanggol, gayunman may mga posibilidad ito na sa pamamagitan ng pagdanas ng iba’t ibang pagsubok mula pagkabata hanggang sa pagtanda ay makaangat at mangibabaw na siyang tunay na kahanga-hanga, kumpara sa kawalang-muwang nito noong sanggol pa.6
Mayroong kabanalan sa ating kalooban; may sangkap ng imortalidad sa ating sarili; ang ating espirituwal na organismo ay walang-kamatayan o imortal; hindi ito masisira; hindi ito malilipol. Mabubuhay tayo mula sa kawalang-hanggan tungo sa lahat ng kawalang-hanggan.7
Napakalaking kasiyahan ang makapagsalita tungkol sa mga dakilang bagay na layon ng Diyos na ipagkaloob sa Kanyang mga anak na lalaki at babae, at na makakamtan natin ang mga ito kung tayo ay tapat. … Ang paglalakbay natin dito sa landas ng kadakilaan ay maghahatid sa atin ng kaganapan ng ating Panginoong Jesucristo, upang makatayo sa harap ng ating Ama, upang matanggap ang Kanyang kaganapan, upang masiyahan sa pagdami ng ating mga inapo sa mga daigdig na walang katapusan, upang masiyahan sa magagandang pagsasamahan natin sa buhay na ito, upang mapasaatin ang ating mga anak, ang ating asawa, napaliligiran ng kasiyahan na maipagkakaloob ng langit, ang ating mga katawan ay niluwalhating tulad ng sa Tagapagligtas, malaya sa mga karamdaman at sa lahat ng kasamaan ng buhay, at malaya sa mga pagkasiphayo at hinanakit at hindi kanais-nais na mga pagsasakripisyong ginagawa natin dito ngayon.8
Sa pamamagitan ng patuloy na pag-unlad natanggap ng ating Ama sa Langit ang kadakilaan at kaluwalhatian at itinuturo niya sa atin ang landas ding iyon at, yayamang nadaramitan siya ng kapangyarihan, awtoridad at kaluwalhatian, ang sabi niya’y, “halina’t lumakad at tanggapin din ang kaluwalhatian at kaligayahang aking taglay.”9
Ang mga tao ng Diyos ay mahalaga sa Kanyang paningin; ang Kanyang pag-ibig para sa kanila ay mananatili sa tuwina, at sa Kanyang lakas at kapangyarihan at pagmamahal, sila ay mananaig at magtatagumpay. Sila ay Kanyang mga anak, nilikha sa Kanyang wangis at sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga batas ay nakatadhanang maging katulad Niya. …
… Ito ang mataas na patutunguhan ng mga anak na lalaki ng Diyos, sila na nagtagumpay, na masunurin sa Kanyang mga kautusan, na pinadadalisay ang kanilang sarili na tulad Niyang dalisay. Sila ay magiging katulad Niya; makikita nila Siya kung ano Siya; makikita nila ang Kanyang mukha at maghaharing kasama Niya sa Kanyang kaluwalhatian, magiging katulad Niya sa lahat ng bagay.10 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina .]
Itinuturo ng mga banal na kasulatan ang tungkol sa ating banal na potensiyal.
Binigyan tayo ng Panginoon ng napakagandang insentibo na makahihikayat sa atin. Sa mga paghahayag na ibinigay ng Diyos, nalaman natin ang maaaring marating ng isang tao na maglalakbay sa landas na ito ng kaalaman at magagabayan ng Espiritu ng Diyos. Hindi pa ako [natatagalan sa pagiging miyembro] ng Simbahang ito nang malinaw na ipinakita sa akin ang maaaring marating ng isang tao sa patuloy na pagsunod sa Ebanghelyo ng Anak ng Diyos. Ang kaalamang iyan ay patuloy na gumagabay sa akin, at dahil diyan ay sinisikap kong mabuti na gawin ang tama at katanggap-tanggap sa Diyos. … Tila, matapos ituro sa atin ang lahat tungkol sa mga bagay na nauukol sa mga daigdig na selestiyal, na may ilang mga Banal sa mga Huling Araw na lubhang nasisiyahan na kahit malaman lang nila na totoo ang gawain kung kaya’t kapag kinausap ninyo sila tungkol sa ating dakilang hinaharap ay tila nagugulat sila, at iniisip na wala itong kinalaman sa kanila. Sinabi ni Juan, ang Tagapaghayag, sa ikatlong kabanata ng kanyang unang liham na:
“Ngayon ay mga anak tayo ng Dios.” [I Juan 3:2.]
… At pagpapatuloy niya:
“At hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo: [ngunit] nalalaman natin, na kung Siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad Niya; sapagka’t Siya’y ating makikitang gaya ng Kaniyang sarili.
“At sinomang mayroon ng pag-asang ito sa kaniya ay naglilinis sa kaniyang sarili, gaya naman [ng Diyos na] malinis.” [Tingnan sa 1 Juan 3:2–3.]
… Ipinahiwatig sa atin ng Espiritu ng Diyos na may mga ganitong uri ng tiyak at sagradong mga katotohanan. Si Pablo, sa pagsasalita sa mga taga Filipos, ay nagmungkahi na linangin nila ang hangarin na talagang hindi pamilyar sa mga tao sa panahong ito, bagamat pamilyar dito ang mga Banal sa mga Huling Araw, lalo na ang mga hindi nasisiyahan na manatili silang sanggol sa kaalaman tungkol sa Diyos. Sabi niya:
“Mangagkaroon kayo sa inyo ng pagiisip, na ito’y na kay Cristo Jesus din naman:
“Na siya, bagama’t nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios.” [Mga Taga Filipos 2:5–6.]
… Ito ang itinuro ni Pablo, at naunawaan niya kung ano ang sinasabi niya. Siya ay dinala o tinangay sa ikatlong langit at nakarinig ng mga bagay, na sinasabi niya sa ating hindi marapat na bigkasin ng tao [tingnan sa II Mga Taga Corinto 12:1–7]. … Mali ba ang hilingin natin sa mga tao rito na magkaroon ng gayong uri ng ambisyon o pangarap? Maraming kasabihan sa Biblia, lalo na sa Bagong Tipan, na tila hindi pamilyar sa mga taong hindi nagtataglay ng Espiritu ng Panginoon.
“Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito.” [Apocalipsis 21:7.]
Anong klaseng pahayag iyan? Sino ang naniniwala rito? Kung sasabihin ng isang ama sa kanyang anak, “Anak ko, maging matapat ka, at sundin ang mga payo ko, at kapag nasa hustong edad ka na ay mamanahin mo ang lahat ng ari-arian ko,” may kahulugan ito, hindi ba? Kung totoo ang sinabi ng ama, mahihikayat ang anak na maging matapat. Gusto ba tayong linlangin ni Jesus nang sambitin niya ang pahayag na ito? Tinitiyak ko sa inyo na walang panlilinlang sa mga salitang iyon. Talagang gagawin Niya ang sinabi Niya. Muli, sinabi ni Jesus:
“Ang magtagumpay, ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng aking Ama sa [K]aniyang luklukan.” [Apocalipsis 3:21.]
Napakagandang salita niyan. May katotohanan ba dito? Totoo ang lahat ng ito. Ang Panginoong Makapangyarihan ang nagsabi nito. Sinabi sa atin sa mga Banal na Kasulatan ni Apostol Pablo:
“Sapagka’t nalalaman namin na kung masira ang aming bahay na tabernakulong ukol sa lupa, ay mayroon kaming isang gusaling mula sa Dios, bahay na hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan, sa sangkalangitan.” [II Mga Taga Corinto 5:1.]
Naniniwala ako diyan. At sa pagsasabi niya na si Jesus ay “magbabago ng katawan ng ating pagkamababa, upang maging katulad ng katawan ng kaniyang kaluwalhatian” [Mga Taga Filipos 3:21] naniniwala din ako diyan. Pinaniniwalaan ba ng mga Banal sa mga Huling Araw itong mga sinasabi ko? Dapat lang na paniwalaan ninyo ang mga ito. Heto pa:
“Sapagkat siya na tumatanggap sa aking mga tagapaglingkod ay tinatanggap ako;
“At siya na tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang aking Ama;
“At siya na tumatanggap sa aking Ama ay tinatanggap ang kaharian ng aking Ama; kaya nga lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya.” [D at T 84:36–38.]
Mayroon pa bang maiisip ang sinuman na maibibigay na hihigit pa rito? … Naunawaang mabuti ni Pablo ang mga bagay na ito, sapagkat sinabi niya “nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus.” [Tingnan sa Mga Taga Filipos 3:14.]
Sa mga sinabi ko maaaring may makita tayong isang bagay na may kinalaman sa likas na katangian ng dakilang pagtawag na ito kay Cristo Jesus. …
… Hindi ko alam kung gaano karami sa mga narito ang tunay na nakakaalam sa mga bagay na ito sa kanilang puso. Kung may nalalaman kayo, sasabihin ko sa inyo ang magiging mga epekto nito. Gaya ng sinabi ni Juan:
“At sinomang mayroon ng pag-asang ito sa kaniya ay naglilinis sa kaniyang sarili, gaya naman [ng Diyos na] malinis.” [Tingnan sa I Juan 3:3.]
… Itinuro ng Diyos ang mga bunga ng paglalakbay sa landas na ito tungo sa kaluwalhatian at kadakilaan at tunay ang mga pangako. Alam na alam ng Panginoon ang maaari Niyang gawin. Alam Niya ang mga materyal na kailangan Niya para makakilos, at alam na alam Niya kung ano ang sinabi Niya. Kung gagampanan natin ang bahaging iniatas Niya sa atin, at mapananatili ang ating ikalawang kalagayan, tiyak na makakamtan natin ang bawat pangako, at nang higit kaysa makakaya nating unawain.11 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina .]
Sa pag-alaala natin sa mga pagpapalang inihanda ng Panginoon para sa atin, nakadarama tayo ng kagalakan sa gitna ng mga alalahanin at hinanakit sa buhay.
Bawat Banal sa mga Huling Araw na nakaririnig sa aking tinig ay tiyak na may potensiyal na bumangon sa umaga ng unang pagkabuhay na mag-uli at luluwalhatiin, dadakilain sa presensya ng Diyos, taglay ang pribilehiyo na makipag-usap sa ating Ama tulad ng pakikipag-usap natin sa ating ama sa lupa.12
Wala nang potensiyal na ibibigay sa mga tao na higit na maluwalhati kaysa ibinibigay sa mga Banal. Wala nang mahihiling pa ang mortal na tao na hihigit pa o sa huli’y mapatutunayang higit na kasiya-siya. Lahat ng nauukol sa ganap na kapayapaan, kaligayahan, kaluwalhatian at kadakilaan ay nasa mga Banal sa mga Huling Araw na. Dapat tayong masiyahan sa kahulugan ng potensiyal na ito, at panatilihin ito sa ating isipan. Hindi natin dapat hayaang madimlan ang ating mga potensiyal sa anumang paraan sa pamamagitan ng paggawa ng bagay na hindi katanggap-tanggap sa Panginoon.13
Ang pag-asa ko hinggil sa buhay sa hinaharap ay talagang napakalaki at maluwalhati, at sinisikap kong panatilihing maliwanag ang mga potensiyal na ito sa tuwina; at iyan ang pribilehiyo at tungkulin ng bawat Banal sa mga Huling Araw.14
Hindi lahat sa atin ay lubusang nakauunawa sa mga pagpapala at pribilehiyong inihanda sa ebanghelyo para tanggapin natin. Hindi natin lubusang nauunawaan at hindi natin nakikita ang mga bagay na naghihintay sa atin sa mga daigdig na walang hanggan, ni ang mga bagay na naghihintay sa atin sa buhay na ito at nilayon para itaguyod ang ating kapayapaan at kaligayahan at sagot sa mga hangarin ng ating puso. …
Kadalasan, dahil sa dami ng mga alalahaning nakapaligid sa atin, ay nagiging makakalimutin tayo at hindi natin iniisip ang mga bagay na ito, pagkatapos ay hindi natin nauunawaan na ang ebanghelyo ay talagang nilayon upang ipagkaloob sa atin ang mga bagay na maghahatid sa atin ng kaluwalhatian, dangal at kadakilaan, na magdudulot sa atin ng kaligayahan, kapayapaan at kaluwalhatian. Nalilimutan natin ang mga bagay na ito sa gitna ng mga alalahanin at mga hinanakit sa buhay, at hindi natin lubos na nauunawaan na ito ay ating pribilehiyo, at inilapit ito ng Panginoon sa atin upang hangarin ang ebanghelyong iyon na magbibigay sa atin ng patuloy na kapayapaan sa ating kalooban. …
May dahilan ba para maghinagpis? May dahilan ba para malungkot ang mga Banal? May dahilan ba para tumangis o magreklamo? Walang dahilan; kundi buhay o kamatayan ang nasa ating harapan; mapapasaatin ang mga kapamahalaan at kapangyarihan kung patuloy tayong magiging tapat; kalungkutan at pagkawala kung babalewalain natin ang ebanghelyo.
Ano pa ang maaari nating hilingin na hindi pa kasama sa ating relihiyon? Kung mananatili tayong matatag sa ibabaw ng bato at susundin ang Espiritu na inilagay sa ating kalooban, kikilos tayo nang tama sa pagtupad sa ating mga tungkulin, kikilos tayo nang nararapat sa mga taong inilagay upang mamuno sa atin, kikilos tayo nang wasto sa liwanag man o sa dilim.
Nasaan ang taong magsasantabi at magtatapon sa mga potensiyal na nakapaloob sa ebanghelyong ating tinanggap? Dito ay may kasiyahan, mayroong kagalakan, mayroong katatagan, mayroong tuntungan ang ating mga paa, may tiyak na pundasyong mapagsasaligan at kung saan ay maibibigay natin sa Diyos ang hinihiling sa atin.15
Huwag nating hayaan kailanman na madimlan ang ating mga potensiyal; hayaang maging sariwa ang mga ito sa ating isipan sa araw at sa gabi, at tinitiyak ko sa inyo na kung gagawin natin ito magiging kagila-gilalas ang ating pag-unlad sa bawat araw at bawat taon.16
Tayong lahat ay naghahangad ng selestiyal na kaluwalhatian, at ang karingalan ng mga potensiyal na nasa ating harapan ay hindi kayang ilarawan sa wikang gamit ng tao. Kung kayo ay mananatiling tapat sa gawaing kinabibilangan ninyo, makakamtan ninyo ang kaluwalhatiang ito, at habampanahong magagalak sa piling ng Diyos at ng Kordero. Sulit na pagsikapan ito; sulit ang magsakripisyo para dito, at mapalad ang lalaki o babae na matapat na ninanais na makamit ito.17 [Tingnan sa mungkahi 3 sa ibaba.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x].
-
Madalas ituro noon ni Pangulong Lorenzo Snow na tayo ay mga anak ng Diyos (mga pahina 93–95). Paano maiimpluwensyahan ng katotohanang ito ang nadarama natin tungkol sa ating sarili at sa iba? Paano natin matutulungan ang mga bata at kabataan na maalaala na sila ay mga anak ng Diyos?
-
Ano ang naiisip ninyo tungkol sa mga talatang binanggit ni Pangulong Snow para ituro ang tungkol sa ating banal na potensiyal? (Tingnan sa mga pahina 95–99.)
-
Basahin ang bahaging nagsisimula sa pahina 99. Paano tayo maaakay ng “mga alalahanin at mga hinanakit sa buhay” na kalimutan ang mga walang hanggang pagpapala ng ebanghelyo? Ano ang maaari nating gawin upang mapanatiling “sariwa” at “palaging nasa ating isipan” ang ating potensiyal? Sa paanong paraan maaaring makaapekto sa paraan ng ating pamumuhay ang pag-alaala sa ating kahihinatnan?
-
Sa pag-aaral ninyo ng kabanatang ito, ano ang natutuhan ninyo tungkol sa inyong Ama sa Langit? Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa inyong kahihinatnan bilang anak ng Diyos?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Taga Roma 8:16–17; I Mga Taga Corinto 2:9–10; Alma 5:15–16; Moroni 7:48; D at T 58:3–4; 78:17–22; 132:19–24