Kabanata 1
Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya
“Magpatuloy tayo, mga kapatid, na gumawa sa pangalan ng Panginoon nating Diyos; na nagtitipon ng karunungan at katalinuhan sa araw-araw, upang ang bawat nagaganap na pangyayari ay makatulong sa ating ikabubuti.”
Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow
Kapag walang ginagawa ang batang si Lorenzo Snow sa bukirin ng pamilya, siya ay karaniwang nagbabasa—“subsob sa kanyang mga libro,” sabi nga ng mga miyembro ng kanyang pamilya. Ayon sa kapatid niyang si Eliza, siya noon ay “palaging nag-aaral, sa tahanan man at sa paaralan.”1 Ang kagustuhan niyang matuto ay nadagdagan habang siya ay lumalaki. Sa katunayan, sinabi niya na edukasyon “ang panuntunan” ng kanyang kabataan.2 Pagkatapos mag-aral sa mga pampublikong paaralan, nag-aral siya sa Oberlin College, na isang pribadong paaralan sa estado ng Ohio, noong 1835. Noong 1836, bago siya sumapi sa Simbahan, tinanggap niya ang imbitasyon ni Eliza na lumipat sa Kirtland, Ohio, kung saan siya nag-aral ng Hebreo sa isang klase na kinabilangan ni Propetang Joseph Smith at ng maraming Apostol.
Pagkatapos ng kanyang binyag at kumpirmasyon, mas nabaling ang kanyang pansin sa “edukasyong dulot ng Espiritu”3 kaysa sa “matututuhan mula sa mga aklat.”4 Sa adhikaing ito, hindi nawawala ang kanyang pagkauhaw na matuto. Halimbawa, noong siya ay 80 taong gulang at naglilingkod bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, tumayo siya sa harap ng mga Banal sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1894. Sa pagsasalita tungkol sa mga talumpating ibinigay noong araw na iyon ng kanyang mga kapatid na kulang pa sa karanasan, sinabi niyang, “Ang ilang ideyang itinuro ay hindi ko kailanman naisip noon, at talagang kapaki-pakinabang ang mga ito.”5 Pagkaraan ng anim na taon, noong siya na ang Pangulo ng Simbahan, dumalo siya sa isang kumperensyang pinangasiwaan ng Sunday School organization. Pagkatapos marinig na nagsalita ang iba, sa wakas ay tumayo siya sa pulpito. Sinimulan niya ang kanyang mensahe sa pagsasabing: “Lubos akong namangha at nagulat sa nakita ko’t narinig. … Talagang masasabi kong naturuan ako; at kung ako na walumpu’t anim na taong gulang na ay maaaring maturuan, wala akong makitang dahilan kung bakit ang mga nasa hustong gulang ay hindi makikinabang at masisiyahan sa pagdalo sa inyong mga pulong.”6 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 48.]
Mga Turo ni Lorenzo Snow
Kailangan ng pananampalataya, sikap, at tiyaga upang matuto.
Dito sa pundasyon ng relihiyon na tinanggap natin ay may kamangha-mangha at napakagandang bagay, at may bagong matututuhan sa bawat araw, na napakahalaga. At hindi lamang natin ito pribilehiyo kundi kailangang matanggap natin ang mga bagay na ito at matipon ang mga bagong ideyang ito.7
Ang buong ideya ng Mormonismo ay pagpapabuti—ng kaisipan, pangangatawan, moralidad at espirituwalidad. Hindi sapat ang di-buong edukasyon para sa mga Banal sa mga Huling Araw.8
Kapaki-pakinabang ang mabuhay nang matagal sa mundo at makamtan ang karanasan at kaalamang kaakibat nito: sapagkat sinabi sa atin ng Panginoon na anumang katalinuhan na makamit natin sa buhay na ito ay babangong kasama natin sa pagkabuhay na mag-uli, at kung mas marami ang kaalaman at katalinuhang nakamit ng isang tao sa buhay na ito magkakaroon siya ng labis na kalamangan sa daigdig na darating [tingnan sa D at T 130:18–19].9
May ilan na hindi natututo, at hindi bumubuti sa abot ng kanilang makakaya, dahil ang kanilang mga mata at kanilang mga puso ay hindi nakatuon sa Diyos; hindi sila seryoso sa pag-iisip, ni hindi nila nakakamit ang kaalaman na dapat sana ay makamit nila; hindi nila natatanggap ang dapat sanang matanggap nila. Kailangan tayong magkaroon ng kaalaman bago tayo magkaroon ng walang hanggang kaligayahan; kailangang maalam tayo sa mga bagay na ukol sa Diyos.
Bagamat ipinagwawalang-bahala natin ngayon na pagbutihin ang ating panahon, pag-ibayuhin ang ating mga nalalaman, mapipilitan tayong gawin ang mga ito balang-araw. Napakarami nating kailangang gawin, at kung hindi natin matututuhan ang mga ito ngayon, mas marami tayong gagawin bukas.10
Kailangang hasain ang ating isip, pagbutihin ang mga talentong ibinigay sa atin ng Diyos; kailangang gamitin ang mga ito. Pagkatapos, dahil nabigyang-liwanag ng kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo, maaari nating makuha ang mga ideya at katalinuhan at ang mga pagpapalang iyon na kailangan upang makapaghanda tayo para sa hinaharap, sa mga mangyayari o magaganap.
Ito rin ang alituntuning kailangan sa lahat ng ating mga ikinikilos na may kaugnayan sa mga bagay na ukol sa Diyos. Kailangan nating magsikap. … Ang pananatiling tamad sa halip na kumilos tayo ay walang kabutihang maidudulot sa atin; kung hindi tayo magkukusa, wala tayong maisasagawa. Bawat alituntuning inihayag mula sa kalangitan ay para sa ating kapakinabangan, para sa ating buhay, para sa ating kaligtasan, at para sa ating kaligayahan.11
Marahil iniisip natin na hindi natin kailangang magsikap para alamin kung ano ang hinihingi sa atin ng Diyos; o sa madaling salita, saliksikin ang mga alituntuning inihayag ng Diyos, kung saan maaari nating matanggap ang napakahalagang mga pagpapala. May mga alituntuning inihayag sa simple at malinaw na paraan na nilayon para dakilain ang mga Banal sa mga Huling Araw at iligtas sila sa maraming kaguluhan at mga bagay na nakayayamot, gayunman, sa kakulangan natin ng pagsisikap na matutuhan at sundin ang mga ito, hindi natin natatanggap ang mga pagpapalang kaakibat ng pagsunod sa mga ito.12
Magpatuloy tayo, mga kapatid, na gumawa sa pangalan ng Panginoon nating Diyos; na nagtitipon ng karunungan at katalinuhan sa araw-araw, upang ang bawat nagaganap na pangyayari ay makatulong sa ating ikabubuti at makadagdag sa ating pananampalataya at katalinuhan.13 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 48.]
Ang edukasyong dulot ng Espiritu ay nararapat na pag-ukulan natin nang matamang pansin.
May isang uri ng edukasyon na nararapat na pag-ukulan nang lubos ng lahat ng tao, at dapat itong gawin ng lahat—iyan ay ang edukasyong dulot ng Espiritu.14
Ang kaunting espirituwal na kaalaman ay tunay na mas mahalaga kaysa mga opinyon at haka-haka at ideya lamang, o kaysa mabusising mga katwiran; ang kaunting espirituwal na kaalaman ay napakaimportante at dapat pahalagahang mabuti.15
Hindi natin dapat kalimutan ang ating espirituwal na pag-unlad habang hinahangad natin ang yaman ng mundo. Tungkulin nating gawin ang lahat para umunlad tayo sa mga alituntunin ng liwanag at kaalaman, gayundin sa pagdaragdag ng ating mga temporal na pagpapala at kaginhawahan sa buhay na ito.16
Kung masyadong nakatuon ang ating isipan sa isang panig lamang, na masyadong binibigyang-pansin ang pagkakamit ng mga bagay ng mundo, kung kaya’t napapabayaan natin ang espirituwal na kayamanan, hindi tayo matatalinong katiwala.17 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 48.]
Nakabubuti sa atin ang paulit-ulit na pakikinig sa mga alituntunin ng ebanghelyo.
Marahil daan-daang beses na ninyong narinig [ang ilang mga alituntunin], ngunit gayon pa man tila kailangang paulit-ulit talagang ituro sa atin ang mga bagay na ito. Muli, ito ay parang katulad ng nakita ko sa pagbabasa sa Aklat ng Doktrina at mga Tipan. Sa tuwing mababasa ko ang isang paghahayag sa aklat na iyon nagkakaroon ako ng ilang bagong ideya, kahit maraming ulit ko nang nabasa ang pahayag na iyon. Palagay ko ganito rin ang karanasan ninyo; kung hindi, kakaiba ang karanasan ninyo kumpara sa akin.18
Para tayong mga bata na nag-aaral ng alpabeto. Sinasabi ng guro sa bata, “Ito ang letrang a; susubukan mo bang tandaan ito?” Sagot ng bata, “Opo, sisikapin ko pong tandaan.” At ituturo ng guro ang susunod na letra, at sasabihing, “Ito ang letrang b; tingnan mo nga at sikaping tandaan ito.” “Sige po,” ang sagot ng bata. Pagkatapos ay babalikan ng guro ang letrang a. “Anong letra ito?” Nakalimutan na ito ng bata. Minsan pa, sasabihin ng guro sa bata na ito ang a, at babaling sa letrang b, at matutuklasan na nalimutan na rin ito ng bata, at kailangan na muling ituro ang letrang b. Ganito sa umaga. Pagsapit ng hapon muling tatawagin ang bata at tatanungin, at muling malalaman ng guro na nalimutan ng bata ang mga letra at kailangan itong turuang muli. Kaya’t kailangang ulit-ulitin ang aralin, at kung hindi ito naranasan noon ng guro, at alam na ang dapat asahan, tiyak na panghihinaan siya ng loob. Ganito rin sa mga Banal sa mga Huling Araw. Kahit na maaari tayong magsawa sa pakikinig sa mga bagay na inuulit, kailangan pa rin ito para lubusan nating matutuhan ang mga ito. Kailangan nating matutuhan ang mga ito. Alam ko na sa bandang huli ay matututuhan din ng mga Banal sa mga Huling Araw ang lahat ng mga batas at kautusan ng Diyos, at matututong sundin nang mahigpit ang mga ito. Ngunit wala pa tayo sa puntong iyan.19 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 48.]
Kapag nagtitipon tayo para pag-aralan ang ebanghelyo, ang guro at nag-aaral ay kapwa kailangan ang patnubay ng Espiritu.
Kapag ang [isang guro] ay nakatayo sa harap ng mga tao dapat alam niya na nakatayo siya sa kanilang harapan para iparating ang kaalaman, upang makatanggap sila ng katotohanan sa kanilang mga kaluluwa at lalo pang maging mabuti sa pamamagitan ng pagtanggap ng dagdag na liwanag, at sumulong sa kanilang edukasyon sa mga alituntunin ng kabanalan.
Hindi ito magagawa, kundi sa pamamagitan ng pag-iisip, lakas ng pananampalataya at buong pusong paghahangad sa Espiritu ng Panginoon nating Diyos. Ganyan din sa mga tagapakinig; maliban kung bigyang pansin talaga nila ang paulit-ulit na hinihingi sa kanila ng mga nagsasalita sa mga tao mula sa pulpitong ito, at maliban kung pakaisiping mabuti ng mga tao nang kanilang buong kakayahan at lakas sa kanilang mga panalangin sa Panginoon, hindi nila matatanggap ang kabutihan at kapakinabangan na dapat sana nilang tanggapin.20
Nais ko sa mga Banal sa mga Huling Araw na sa kumperensyang ito, sa pagtayo at pagsasalita sa atin ng mga Elder, ay pairalin ang ating pananampalataya at ipanalangin ang bawat nagsasalita, upang masabi niya ang kaukulang mga bagay, at upang mapasaatin ang espiritu nang ating matanggap ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa ating lahat. Ito ay ating pribilehiyo at ating tungkulin. Hindi nagkataon lamang na napunta tayo dito; nagpunta tayo sa kumperensyang ito na umaasang tatanggap ng isang bagay na magiging kapaki-pakinabang sa atin.21
Dapat ninyong hilingin sa Panginoon na hayaan [ang mga tagapagsalita] na sabihin ang ilang bagay na nais ninyong malaman, na makapagmungkahi sila ng bagay na makabubuti sa inyo. Kung nais ninyong malaman ang mga bagay na hindi ninyo nauunawaan, manalangin na sana mabanggit [nila] ang bagay na magbibigay-liwanag sa bagay na bumabagabag sa inyong isipan, at magkakaroon tayo ng isang napakaganda at maluwalhating Kumperensya, na higit na mainam kaysa mga nagdaang kumperensya. Bagamat tila kataka-taka, ang ating huling Kumperensya ang palaging tila pinakamainam, at sana ay gayon nga; at kayo mga kapatid, iangat ang inyong mga puso sa Panginoon at pairalin ang pananampalataya habang nagsasalita sa inyo ang ating mga kapatid. Hindi tayo mabibigo, at hindi kayo uuwi, hindi ninyo iiwan ang Kumperensyang ito nang hindi nadaramang nabiyayaan kayo nang husto.22
Sa tingin ko marami sa mga tagapakinig ngayon na nasa harap ko ang nagmula pa sa malayong lugar upang makasama natin dito sa pangkalahatang kumperensyang ito; at na nadama ng lahat na magpunta dito dahil sa mga dalisay na layunin—sa hangaring pagbutihin pa at gawing perpekto ang kanilang sarili sa mga bagay na nauukol sa maitutulong nila sa kaharian ng Diyos. Upang hindi tayo mabigo sa inaasahan natin, kailangang ihanda natin ang ating mga puso na tumanggap at makinabang sa mga mungkahing ibibigay ng mga tagapagsalita sa Kumperensya, na maaaring ipahiwatig ng Espiritu ng Panginoon. Naisip ko, at naiisip ko pa rin, na ang pagpapatibay sa ating sarili ay hindi lamang nakadepende sa tagapagsalita kundi maging sa ating sarili mismo.23
Kapag nagtitipun-tipon tayo … , nagkakaroon tayo ng pribilehiyong tumanggap ng tagubilin mula sa mga taong nagsasalita sa atin, at kung hindi man tayo makatanggap, karaniwan ay tayo na rin ang may kasalanan.24
Napansin ko ang itinuturing kong kahinaan sa ilang mga tao. Nagtitipun-tipon sila na mas layon ng ilan sa kanila na masiyahan sa husay ng pagbigkas ng tagapagsalita, sa layon na hangaan ang estilo ng kanyang pananalita, o kaya’y nagtitipon sila para makita ang tagapagsalita o tingnan ang kanyang pagkatao … sa halip na hangaring tumanggap ng mga tagubilin na kapaki-pakinabang sa kanila at magpapabuti sa kanilang pagkatao. …
… Kung hindi natin gagamitin ang mga kakayahang ibinigay sa atin at madarama ang Espiritu ng Panginoon, kakaunting impormasyon lamang ang matatanggap natin mula sa mga tagapagsalita, kahit na napakahalaga at makabuluhan ang mga ideyang nais iparating. Bagamat maaaring hindi napakahusay ng paghahatid ng mga ideya, kung pagsisikapang mabuti ng mga tao, … malalaman nila na hindi sila aalis sa pulong nang hindi nakikinabang nang husto mula sa mga tagapagsalita.25
Hindi palaging ang mahahabang mensahe ang nagdudulot ng pinakamalaking pakinabang sa mga Banal sa mga Huling Araw; sa halip ay maaari tayong makapulot ng ilang ideya sa iba’t ibang hatid na mensahe, o maaaring bigla na lamang nating maunawaan ang ilang alituntunin na magiging nakapahalaga sa atin pagkatapos.26
Nagtipon tayo sa layon na sambahin ang Diyos at pag-usapan ang mga bagay na kailangan sa pagsusulong o pagpapalaganap ng katotohanan sa lupa. Ang mga detalye ng mga tagubilin ay mababatay nang malaki sa kondisyon ng ating isipan. Dapat nating alisin sa ating isipan ang sekular na gawain at ituon ang ating pansin sa layunin ng Kumperensyang ito.27
Para sa ating kabatiran at espirituwal na kaalaman lubos tayong nakaasa—dama nating labis tayong nakaasa—sa Panginoon. At batay sa lakas ng ating pananampalataya tayo nakatatanggap ng impormasyon, na ipinararaan sa mga lingkod ng Panginoon. … Nagsasalita Siya sa atin, sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod, na nagsasalita sa atin sa ganitong paraan kapag sama-sama tayong sumasamba sa ating Diyos.28 [Tingnan ang mungkahi 5 sa pahina 48.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.
-
Repasuhin ang mga pahina 39–41, na naglalarawan sa habambuhay na pagsisikap ni Pangulong Snow na matuto. Ano ang umaakay sa isang tao upang patuloy na matuto habang siya ay nabubuhay? Isipin ang sarili ninyong pamamaraan para matuto, at pag-isipan ang mga paraan upang patuloy kayong matuto habang kayo ay nabubuhay.
-
Pag-aralan ang payo ni Pangulong Snow tungkol sa pagsisikap at pagtitiyaga na malaman ang tungkol sa ebanghelyo (tingnan sa mga pahina 41–43). Sa paanong mga paraan nagbabago ang inyong pagkatuto kapag talagang nagsikap kayo? Paano natin matutulungan ang mga bata at kabataan na magsikap mismo na matuto?
-
Hinikayat ni Pangulong Snow ang mga Banal na sikaping matanggap ang “edukasyong dulot ng Espiritu” (pahina 43). Ano ang ibig sabihin nito sa inyo? Ano ang magiging bunga kapag ang ating pag-aaral ay labis na nakatuon sa temporal na yaman?
-
Paanong nauugnay ang halimbawa ng pag-aaral ng isang bata ng alpabeto (pahina sa ating mga pagsisikap na malaman ang ebanghelyo? Habang pinag-aaralan ninyo ang mga salita ng mga sinauna at makabagong propeta, anong mga alituntunin ang nakita ninyong inulit?
-
Sa paanong paraan natin maihahanda ang ating puso upang matuto sa mga klase at miting sa Simbahan? Paano natin mahihimok ang ating sarili na matuto, kahit na nakikinig lamang tayo sa isang mensahe sa sacrament meeting o sa kumperensya? (Para sa ilang halimbawa, tingnan ang mga pahina 45–47.)
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: 2 Nephi 9:28–29; 28:30; Mosias 2:9; D at T 50:13–22; 88:118, 122; 136:32–33