Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 18: Pamumuno sa Simbahan at Di-Makasariling Paglilingkod


Kabanata 18

Pamumuno sa Simbahan at Di-Makasariling Paglilingkod

“Kami ay inyong mga lingkod sa Panginoon at hangad namin ang inyong kapakanan at ang kapakanan ng buong sangkatauhan.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

Mula Oktubre 1840 hanggang Enero 1843, nangulo si Lorenzo Snow sa Simbahan sa London, England, at sa karatig na lugar. Pinamahalaan niya ang mga lider ng priesthood doon, na kung minsan ay tinuturuan sila nang personal at kung minsan sa pamamagitan ng mga liham para magbigay ng payo. Bago natapos ang kanyang misyon sa England, sumulat siya sa dalawang “Presiding Elder ng mga London Branch,” na naglingkod na katulad ng mga branch president ngayon. Sa kanyang liham, ikinuwento niya ang kanyang karanasan sa isa pang pinuno ng branch sa lugar.

Inilarawan ni Elder Snow ang pinunong ito bilang isang taong “hindi kakitaan ng pagkakamali.” Ang lalaki ay “masigasig sa pagsasakatuparan ng layunin ng Simbahan” at may kakayahang tiyakin “na lahat [ay] nasa kanyang lugar, at gumaganap sa kanyang tungkulin.” Masigasig siya, “mas masipag sa paggawa kaysa sa iba.” Ngunit sa kabila ng nakikitang katapatan ng lalaking ito, palaging nagkakaroon ng mga problema ang branch na tila siya ang dahilan. Panandaliang sinikap ni Elder Snow na tukuyin ang pinagmumulan ng mga problema, at mahinahon niyang pinagsabihan ang mga miyembro ng branch sa hindi pagsuporta sa kanilang pinuno. Pagkatapos ay nag-isip siya kung “posibleng may itinatago [ang pinuno], isang saloobing hindi niya alam, na hindi makita nang hayagan” ngunit humantong kahit paano sa mga problema sa branch. Isinalaysay ni Elder Snow:

“Dahil dito idinalangin ko na tulungan ako ng Panginoon na mahiwatigan ang nangyayari. Nasagot ang aking dalangin; nalaman ko na ang miyembrong ito ay may itinatagong hangaring papurihan ang sarili na siyang nagdidikta sa marami niyang pagkilos. Isusugo niya ang isang miyembro para tumupad sa isang tungkulin ngunit may lihim siyang hangaring sarilinin ang karangalan; kung hindi naisagawa ang tungkulin, pinagsasabihan niya ang maysala, hindi dahil sa hindi naisagawa ang gawain ng Panginoon o nawala ang pagpapala ng miyembrong iyon, kundi dahil winalang-galang siya nito sa hindi pagsunod. Sa [isang] pagkakataon nang binyagan ng isang miyembrong lalaki ang maraming tao, natuwa siya hindi dahil sa nadala sa tipan ang mga tao kundi dahil ginawa ito sa ilalim ng kanyang pamamahala, na lihim na ninanais na walang sinuman sa ilalim ng kanyang pamamahala ang dapat magtamo ng malaking karangalan maliban kung nakaugnay ang kanyang sariling pangalan.”

Napuna ni Elder Snow na kung nagtagumpay ang isang miyembro ng branch sa isang tungkulin ngunit hindi sinunod ang payo ng pinuno sa lahat ng bagay, ang pinuno ay “lihim na maiinggit … sa kabila ng ipinapakitang pagsang-ayon nito.” Pagpapatuloy niya: “Tago ang saloobing ito; ang mga bunga nito ay hindi hayagang nakikita, ngunit makikita kung hindi naitama ang sitwasyon; ang likas na kasamaang ito ang kalaunang sisira sa kanya. Naghatid ito sa kanya ng problemang maiiwasan sana sa pangangasiwa sa mga gawaing nakaatang sa kanya; lumikha din ito ng patuloy na pagkayamot sa kanyang sariling isipan. Sabik siyang itaguyod ang mithiin ng Diyos, ngunit laging sa paraan na malinaw na makikita ang kanyang nagawa sa lahat ng bagay. Masipag magbigay ng magagandang turo ngunit sinisigurong nakakabit ang kanyang buong pangalan dito.”

Hindi isinulat ni Elder Snow ang liham na ito para husgahan ang lokal na pinuno. Ang layunin niya sa pagsulat ay para tulungan ang ibang mga pinuno—upang ang kapalaluang inilarawan niya “ay makita, matuklasan, at maiwasan” nila. Nagbabala siya na maraming tao “na taos-pusong naniniwala na hindi sila naghahanap ng karangalan, ang magugulat kapag natuklasan nila, kung lubos na susuriin ang mga layunin ng kanilang pagkilos, na ito ang nagtutulak sa kanila na gawin ang marami sa kanilang ginagawa.”

Matapos magbabala, ipinayo niya: “Para maging katulad ng nais ng Diyos na kahinatnan natin, sanayin natin ang ating isipan na magalak kapag nakita nating umuunlad ang iba na katulad natin; magalak kapag nakitang naisakatuparan ang layunin ng Sion paano man ito naising gawin ng Diyos; at huwag hayaang makapasok ang inggit sa ating puso kapag mas pinarangalan ang isang taong mas mahina kaysa sa atin; makuntento sa pagganap sa mas mababang katungkulan hanggang sa matawag sa mas mataas na katungkulan; masiyahan sa paggawa ng maliliit na bagay at huwag angkinin ang karangalan sa paggawa ng malalaking bagay.” Inihambing niya ang Simbahan sa isang malaking gusali, na ang mga Banal ang mga bahagi ng gusaling iyon, at sinabi na “huwag tayong gaanong magmalaki na kung minsan ay ayaw nating magpasaway, mahubog, mapagsabihan, at maiakma kung saan tayo kailangan ng Panginoon sa espirituwal na gusali.”

Tinapos ni Elder Snow ang kanyang liham sa mga salitang ito: “Kung hahangarin lang ng isang namumunong elder na maging katulad ng nararapat, na iwinawaksi sa sarili ang mga makasariling prinsipyo, at laging kumikilos para sa kabutihan ng kanyang mga tao, at magpapakumbaba, at hindi hahangaring gumawa ng napakarami sa loob ng maikling oras, o maging napakahusay hanggang sa humusto ang kanyang pag-iisip, hinding-hindi siya matutuliro kung paano wastong gagampanan ang kanyang katungkulan, ni hindi siya mawawalan ng kapangyarihan ng Diyos upang maisakatuparan ang Kanyang matatalinong layunin.”1 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 252.]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Binigyan ng Panginoon ng banal na utos ang mga pinuno sa Kanyang Simbahan: “Pakanin mo ang aking mga tupa.”

Hayaang isipin ng bawat lalaking may opisyal na katungkulan, na pinagkalooban ng Diyos ng kanyang banal na priesthood, ang sinabi ng Tagapagligtas sa Labindalawang Apostol bago siya pumunta sa kinaroroonan ng kanyang Ama—“Pakanin mo ang aking mga tupa.” [Juan 21:16–17.] At patuloy niyang sinabi ito hanggang sa malungkot ang kanyang mga apostol na dapat pa siyang manawagan sa kanila sa ganitong paraan. Ngunit sinabi niya—“Pakanin mo ang aking mga tupa.” Ibig sabihin, “Sumulong nang buong puso, na lubos na nakatuon sa aking gawain. Ang mga taong ito sa mundo ay mga kapatid ko. Mahal na mahal ko sila. Alagaan mo ang aking mga tao. Pakanin mo ang aking kawan. Sumulong at ipangaral ang ebanghelyo. Gagantimpalaan ko kayo sa lahat ng sakripisyo ninyo. Huwag ninyong isipin na napakalaking sakripisyo ang pagsasakatuparan ng gawaing ito.” Taos-puso siyang nanawagan sa kanila na gawin ang gawaing ito. At ngayon ay nananawagan ako sa lahat ng maytaglay ng priesthood na ito, ang mga namumunong opisyal [ng] stake, at mga Bishop, at High Council, na sumulong at pakainin ang kawan. Magkaroon ng interes sa kanila. … Magsikap para sa kanila, at huwag ninyong ituon ang inyong isipan at damdamin sa inyong personal na kapakinabangan. At bibigyan kayo ng Diyos ng sunud-sunod na paghahayag at inspirasyon, at tuturuan kayo kung paano matatamo ang mga pagpapala para sa mga Banal sa mga bagay na ukol sa kanilang temporal at espirituwal na kapakanan.2 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 252.]

Tinatawag ang mga pinuno at guro para sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas at maglingkod nang may pagmamahal, hindi para maparangalan ang sarili.

Bakit tinatawag ang [isang] lalaki na magsilbing pangulo ng mga tao? Para ba magkaroon ng impluwensya at pagkatapos ay tuwirang gamitin ang impluwensyang iyon para sa sarili niyang kapakinabangan? Hindi, ang totoo, tinawag siyang magsilbi sa isang katungkulan ayon sa alituntuning pinagbatayan nang ibigay ang priesthood sa Anak ng Diyos, kaya dapat siyang magsakripisyo. Para sa kanyang sarili? Hindi, kundi para sa kapakanan ng mga taong pinamumunuan niya. Kakailanganin ba niyang magpapako sa krus tulad ng ginawa ng Tagapagligtas? Hindi, kundi maging lingkod ng kanyang mga kapatid, hindi maging kanilang amo, at magsikap para sa kanilang kabutihan at kapakanan. Hindi para gamitin ang impluwensyang natamo para makinabang siya, ang kanyang pamilya at mga kamag-anak at sariling kaibigan, kundi itinuturing ang lahat bilang kanyang mga kapatid, na may mga karapatang katulad niya, samakatwid, hinahangad na mapagpala at makinabang ang lahat nang pantay-pantay alinsunod sa mga talento at pagkamarapat nila, at nang sa gayon sa paggawa nito ay magkaroon siya ng damdamin ng isang ama na laging nasa puso ng Ama. …

… Hayaang malaman niyaong mga nangangaral sa [mga] Banal, kung bakit ibinigay sa kanila ang Priesthood; ipaalam at ipaunawa sa kanila kung bakit sila hinirang sa ganoon at ganitong katungkulan, na dapat silang kumilos ayon sa kalooban ng ating Guro, ang lingkod ng lahat, na matuto silang pangalagaan ang kapakanan ng lahat ng tao sa mapagmahal na paraan, katulad ng ginagawa nila sa kanilang sarili. … Pagkatapos ay mauunawaan nila ang kahulugan ng dalawang dakilang utos, na ayon sa Tagapagligtas ay dito “nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta,” na ang sinasabi, mahalin ang Panginoon nang buong kakayahan, isipan at lakas, at ang ating kapwa tulad ng ating sarili [tingnan sa Mateo 22:37–40].3

Manalangin bago [magturo], at ganito iyon: Hilingin sa Panginoon na may masabi kayo sa inyong mensahe na mapapakinabangan ng mga pinatutungkulan ninyo. Huwag nang isipin kung iyon ay makadaragdag sa sarili ninyong kaluwalhatian o hindi, sa halip tandaan lamang na tinawag kayo upang magsalita sa mga tagapakinig at hangarin nilang matanggap ang isang bagay na mapapakinabangan nila. Ito ay magmumula lamang sa Panginoon. Huwag pansinin kung … sabihin ng mga nakikinig sa inyo na maganda kayong magsalita. Huwag man lang ninyong pansinin iyan, kundi alisin ang lahat ng kasakiman na maaaring nasa isipan ninyo para may maidikta sa inyo ang Panginoon na magiging kapaki-pakinabang sa mga tao.4 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 252.]

Ang matatalinong pinuno ay nagpapasalamat sa mga talento ng iba at binibigyan ng pagkakataong maglingkod ang mga tao.

Kapag napamahal na ang [isang pinuno] sa puso ng mga tao, at nakilala na nila siya dahil sa kanyang integridad at katapatan, at sa kanyang kahandaang gumawa para sa kapakanan ng Diyos at ng mga tao, na handang gawin ang anumang sakripisyong hinihingi sa kanya, may tiwala sila sa kanya, at kapag nakuha na niya ang napakasagradong tiwala nila, ano ang maaari niyang gawin para masiyahan ang isipan ng mga tao, na humigit-kumulang ay gustong makakita ng pag-unlad? Hayaan ang taong iyon na humingi ng tulong sa kanyang mga kapatid na may malaking kakayahan, at hayaan silang makibahagi sa kanyang mga responsibilidad. Dahil makikita ninyo, sa pangkalahatan, na ang talento ay ibinahagi sa maraming tao at bihirang mapuntang lahat sa iisang tao; at pagkakataon lamang ang kailangan para ito ay mapaunlad. Maaari niyang sabihin sa isa, “Narito, Brother Ganito at ganyan, mas akma ka sa ganito o ganyang posisyon kaysa sa akin;” o, sa isa pa, “Ikaw ang pinakaakma sa departamentong ito;” at kung anu-ano pa hanggang sa mapalabas niya ang mga talento ng lahat, at sa halip na mabawasan ang tiwala niya sa sarili sa harap ng publiko, madaragdagan iyon kapag ginawa niya ito.5 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 252.]

Ang tamang paraan ng pamumuno ay sa pamamagitan ng pagiging mapagpakumbaba, mabuting halimbawa, at pagkakaroon ng debosyon sa kapakanan ng iba.

Hindi ang pagsasamantala sa awtoridad sa pamumuno ang wastong tuntunin para pamahalaan ang mga Banal, kundi ang hangaring mangasiwa nang may pagpapakumbaba, karunungan, at kabutihan, na di-gaanong nagtuturo sa pamamagitan ng teoriya kundi sa pamamagitan ng mabubuting gawi. Bagaman nakapagtuturo ang isang tao na kasing-husay ng pagsasalita ng isang anghel, ang kanyang mabubuting gawi, magagandang halimbawa, at kilos, na palaging nagpapakita ng buong-pusong pagmamalasakit sa kapakanan ng mga tao, ay nakapagtuturo nang mas mahusay at mas epektibo.6

Kung kayo ay tapat at nagkakaisa na tulad ng Unang Panguluhan at Labindalawa, at susundin ninyo kami tulad ng pagsunod namin kay Cristo, mapapabuti kayo. Determinado kaming gampanan ang aming tungkulin at maglingkod sa Panginoon at magsikap para sa kapakinabangan ng Kanyang mga tao at maisakatuparan ang Kanyang gawain. Kami ay inyong mga lingkod sa Panginoon at hangad namin ang inyong kapakanan at ang kapakanan ng buong sangkatauhan.

Hindi pumili ang Panginoon ng kilala at maalam sa mundo para gumanap sa Kanyang gawain sa lupa. Hindi Siya pumili ng mga taong sinanay at nakapag-aral sa mga kolehiyo at seminaryo, kundi ng mga taong mapagpakumbaba at tapat sa Kanyang layunin para mamahala sa mga gawain ng Kanyang Simbahan, na handang mapamunuan at magabayan ng Banal na Espiritu, at nagbibigay ng kaluwalhatian sa Kanya, batid na wala silang magagawa kung sila lamang mag-isa. Natitiyak ko sa inyo, mga kapatid, na hindi ko inambisyong mapasaakin ang responsibilidad na nakaatang sa akin ngayon. Kung natakasan ko sana ito sa marangal na paraan ay wala ako sa katungkulang ito ngayon. Hindi ko hiniling ito kailanman, ni nagpatulong ako sa sinuman sa aking mga kapatid para mapunta sa katungkulang ito, kundi inihayag ng Panginoon sa akin at sa aking mga kapatid na ito ang Kanyang kalooban, at hindi ko ugaling takasan ang anumang responsibilidad ni tanggihan ang anumang katungkulang ibinibigay sa akin ng Panginoon.7

Sisikapin kong maging tapat sa inyong kapakanan at sa kapakanan ng kaharian ng Diyos. Paglilingkuran ko kayo sa abot ng aking kaalaman at pang-unawa, na may kinalaman sa mga bagay na magtataguyod ng inyong kapakanan na may kaugnayan sa mga layunin ng Makapangyarihang Diyos. Gagawin ko ito, sa tulong ng Panginoon.8 [Tingnan sa mungkahi 5 sa kasunod na pahina.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.

  1. Paano maaaring angkop sa atin ang liham ni Lorenzo Snow sa mga pinuno sa England (mga pahina 245–247)? Halimbawa, ano ang magiging bunga kapag gusto nating “dakilain ang ating sarili” sa mga tungkulin natin sa Simbahan? Paano natin magagampanan ang ating mga tungkulin nang hindi itinataas ang ating sarili?

  2. Pag-aralan ang bahaging nagsisimula sa pahina 247. Sa paanong mga paraan magagawa ng mga pinuno na “pakainin ang kawan” ni Cristo? Ano ang nagawa ng mga pinuno ng Simbahan para “pakainin” kayo? Anong mga katangian ang hinahangaan ninyo sa mga pinunong ito?

  3. Basahin ang mga babala ni Pangulong Snow tungkol sa paggawa para sa sariling kapakinabangan (mga pahina 248–250). Pagkatapos ay repasuhin ang ikalawang buong talata sa pahina 246. Bakit natin dapat suriin ang ating mga motibo sa paglilingkod? Mapanalanging pag-isipan ang inyong mga motibo sa paglilingkod sa Simbahan.

  4. Pagnilayan ang buong talata sa pahina 250. Paano naiimpluwensyahan ang isang ward o branch kapag nagbabahagi ng ilang responsibilidad ang mga pinuno sa ibang mga miyembro? Ano ang mga resultang nakita ninyo kapag nagtulungan ang mga miyembro ng Simbahan na may iba’t ibang talento at karanasan sa pagsisikap na makamit ang iisang mithiin?

  5. Ipinayo ni Pangulong Snow, “Hindi ang pagsasamantala sa awtoridad sa pamumuno ang angkop na tuntunin para pamahalaan ang mga Banal” (pahina 251). Ano ang ilang posibleng resulta ng pagsasamantala ng mga pinuno ng Simbahan sa kanilang awtoridad sa pamumuno? ng mga magulang? Ano ang ilang posibleng resulta ng mapagpakumbabang pamumuno?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 6:24; 20:25–28; 23:5; Marcos 10:42–45; Juan 13:13–17; 2 Nephi 26:29; 28:30–31; Mosias 2:11–19; 3 Nephi 27:27; D at T 46:7–11; 50:26; 121:34–46

Tulong sa pagtuturo: “Ang mga katanungang nakasulat sa pisara bago magklase ay makatutulong sa mga mag-aaral na magsimulang mag-isip tungkol sa mga paksa maging bago pa man magsimula ang aralin” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 120).

Mga Tala

  1. Liham ni Lorenzo Snow kina William Lewzey at William Major, Nob. 1842, sa Lorenzo Snow, Letterbook, 1839–1846, Church History Library.

  2. Deseret News, Ene. 14, 1880, 787.

  3. Deseret News, Hunyo 13, 1877, 290–91.

  4. Improvement Era, Hulyo 1899, 709.

  5. Deseret News, Hunyo 13, 1877, 290.

  6. “Address to the Saints in Great Britain,” Millennial Star, Dis. 1, 1851, 362.

  7. Deseret Semi-Weekly News, Okt. 4, 1898, 1.

  8. Sa Conference Report, Okt. 1898, 54.

Sinusunod ng matatapat na pinuno ng Simbahan ang payo ng Panginoon kay Pedro: “Pakanin mo ang aking mga tupa” (Juan 21:16–17).

“Makikita ninyo, sa pangkalahatan, na ang talento ay ibinabahagi sa maraming tao at bihirang mapuntang lahat sa iisang tao.”