Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 17: Priesthood—‘para sa Kaligtasan ng Mag-anak ng Tao’


Kabanata 17

Priesthood—“para sa Kaligtasan ng Mag-anak ng Tao”

“Ang priesthood na ating taglay ay inihayag para sa kaligtasan ng mag-anak ng tao. Dapat nating pag-isipang mabuti kung paano ito gagamitin.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

Si Elder Lorenzo Snow ay inorden bilang Apostol noong Pebrero 12, 1849. Pagkaraan ng walong buwan ay tinawag siyang magtatag ng isang misyon sa Italy. Kasama ang ibang mga kapatid na tinawag na maglingkod, lumisan siya para sa misyong ito noong Oktubre 19, 1849. Siya at ang kanyang mga kasama ay naglakbay nang matagal na naglalakad, nakasakay sa kabayo, at nakasakay sa barko.

Pagdating sa Italy noong Hunyo 1850, nalaman niya at ng kanyang mga kasama na ang mga tao sa malalaking lungsod sa Italy ay hindi pa handang tanggapin ang ebanghelyo. Ngunit napansin niya ang mga taong kilala bilang mga Waldenses, at nagkaroon siya ng inspirasyong ituro ang ebanghelyo sa kanila. Ang mga Waldenses ay ilang siglo nang nakatira sa tagong bayan ng Piedmont—isang lambak sa bundok sa timog lang ng hangganan ng Italy at Switzerland at sa silangan ng hangganan ng Italy at France. Nang mabuo ang kanilang samahan dahil sa hangaring pagbabago sa relihiyon, tapat nilang pinag-aralan ang Biblia at sinunod ang halimbawa ng mga Apostol ng Tagapagligtas.

Sinabi ni Elder Snow na nang pag-isipan niyang ipangaral ang ebanghelyo sa mga Waldenses, “nagliwanag ang aking isipan.”1 Ngunit sa kabila ng mga pagtiyak na ito, nadama niya na hindi mainam na simulan kaagad ang aktibong gawaing misyonero dahil namahagi ng mga lathalain ang mga kaaway ng Simbahan sa mga tao, na nagpapalaganap ng mga kasinungalingan tungkol sa Simbahan.2 Iniulat ni Elder Snow, “Nang madama ko na nais ng Espiritu na dapat kaming magpatuloy na mangaral, nang dahan-dahan at maingat, sumunod ako sa kalooban ng langit.”3

Kahit hindi kaagad nagsimulang mangaral ang mga misyonero, pinamahalaan ni Elder Snow ang paglalathala ng mga polyeto sa Italian at French. Bukod pa rito, kinaibigan niya at ng kanyang mga kasama ang mga tao sa kanilang paligid. “Nagsikap kaming maglatag ng pundasyong magiging kapaki-pakinabang sa hinaharap,” sabi niya, “sa tahimik na paghahanda sa isipan ng mga tao na tanggapin ang Ebanghelyo, sa paglilinang ng pakikipagkaibigan sa puso ng mga taong nakapaligid sa amin. Subalit iba ang nadama ko, at sinubok ang aking pasensya, nang mapaligiran ako ng mabubuting tao sa loob ng maraming linggo, at buwan, at hindi ako kumikilos at hayagang ipinangangaral ang mga alituntuning kailangan kong ipahayag.”4

Ang damdamin ng mga Waldenses tungkol sa Simbahan ay nagsimulang magkaroon ng malaking pagbabago matapos bigyan ni Elder Snow ng basbas ng priesthood ang isang batang lalaking nagkasakit nang malubha. Isinulat ni Elder Snow ang sumusunod sa kanyang journal:

“Set. 6.—Kaninang umaga natuon ang pansin ko kay Joseph Guy, isang batang tatlong taong gulang, ang bunso ng may-ari ng bahay na aming tinutuluyan. Maraming kaibigang dumalaw sa bata, at sa tingin ng marami ay mukhang malapit na siyang mamatay. Dinalaw ko siya noong hapon: hirap na ang kanyang katawan; ang dati niyang malusog na katawan ay buto’t balat na, at masasabi lang namin na buhay pa siya kapag tiningnan namin siya nang malapitan.”

Sa pag-aalala dahil sa oposisyon sa pangangaral ng ebanghelyo at tungkol sa batang si Joseph Guy, humingi ng tulong si Elder Snow sa Panginoon nang gabing iyon. Kalaunan ay nagunita niya: “Ilang oras bago ako nagpahinga, nanalangin ako sa Panginoon na tulungan kami sa oras na ito. Hindi madaling burahin sa alaala ang damdamin ko sa pangyayaring ito.

“Set. 7.—Ngayong umaga, iminungkahi ko … na dapat kaming mag-ayuno, at umakyat sa kabundukan, at manalangin. Pag-alis namin, nagpunta kami at nakita namin ang bata; nagtaas siya ng tingin: nagsara ang talukap ng kanyang mga mata: humpak ang kanyang mga pisngi at manipis ang kanyang mga tainga, at maputla siya, na pahiwatig na malapit na siyang mamatay. Nabalot ng malamig na pawis ng kamatayan ang kanyang katawan, at naghihingalo na siya. Humihikbi si Madame Guy at ang iba pang kababaihan, samantalang nakayuko si Monsieur Guy.” Bumulong si Monsieur Guy kay Elder Snow at sa ibang mga misyonero, at nagsabi, “Mamamatay na siya. Mamamatay na siya.”

Sabi pa ni Elder Snow: “Matapos magpahinga nang kaunti sa kabundukan, malayo sa anumang panggagambala, taimtim kaming nanalangin doon sa Panginoon, na iligtas ang buhay ng bata. Habang pinag-iisipan ko ang dapat naming gawin at ang mga bagay na hindi magtatagal ay patototohanan namin sa mundo, itinuring ko ang pangyayaring ito na napakahalaga. Wala akong alam na sakripisyong magagawa ko, na hindi ko handang ialay para ipagkaloob ng Panginoon ang aming mga hiling.”

Pagbalik nila sa pamilya Guy noong hapong iyon, binigyan ni Elder Snow ng basbas ng priesthood si Joseph. Nakipagkita sila sa pamilya pagkaraan ng ilang oras, at sinabi sa kanila ng ama ni Joseph, “na may ngiti ng pasasalamat,” na mabuti na ang kalagayan ng bata.

“Set. 8.—Magaling na magaling na ang bata, nakapagpahinga na ang mga magulang, na matagal-tagal na nilang hindi nagagawa. Ngayon, naiiwan na nila siya, at naaasikaso ang kanilang gawain.” Nang ipahayag ng ina ni Joseph ang kanyang kagalakan sa paggaling ng bata, sumagot si Elder Snow, “Ginawa ito ng Diyos ng langit para sa inyo.”

“Mula sa oras na iyon na nagsimula siyang gumaling,” pagsasalaysay ni Elder Snow, “at puno ng pasasalamat ang puso ko sa ating Ama sa langit, natutuwa akong sabihin, na makalipas ang ilang araw ay bumangon na siya sa kanyang higaan, at sumama sa kanyang mga kaibigan.”5

Matapos maranasan ito, nadama ni Elder Snow na ang sitwasyon ay “kasiya-siya tulad ng inaasahan” para maisulong ang gawain ng Panginoon sa mga tao. Noong Setyembre 19, 1850, eksaktong 11 buwan matapos niyang lisanin ang tahanan para maglingkod sa Italy, sinabi niya sa kanyang mga kasama na dapat nilang “simulan ang [kanilang] pangangaral ng ebanghelyo.” Muli silang umakyat ng bundok, kung saan inilaan ni Elder Snow ang lupain para sa pangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo.6

Ang mga salita ni Elder Snow kay Madame Guy—“ginawa ito ng Diyos ng langit para sa inyo”—ay nabanaag sa habambuhay niyang pagtuturo tungkol sa priesthood. Ipinaalala niya sa mga Banal na sa pamamagitan ng gawain ng mga maytaglay ng priesthood, “ang kaluwalhatian at kapangyarihan ng Diyos [ay] ipinakita” para sa kapakinabangan ng iba.7 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 242.]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Ang mga maytaglay ng priesthood ay mga sugo ng Makapangyarihang Diyos, na may awtoridad na ipinagkaloob ng langit upang mangasiwa sa mga banal na ordenansa.

Ipinapahayag natin, na mga Banal sa mga Huling Araw, na natanggap natin mula sa Diyos ang kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo; ipinapahayag natin na nasa atin ang banal na Priesthood—ang awtoridad ng Diyos na ipinagkaloob sa tao, at nagbibigay sa atin ng karapatan na mangasiwa sa mga ordenansa nito na katanggap-tanggap sa kanya.8

Sinumang magpakumbaba sa harapan ng Diyos at ilubog sa tubig ng binyag, matapos magsisi, para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan, ay tatanggapin, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, ang kaloob na Espiritu Santo. Maibibigay ko ba ito sa kanya? Hindi, isa lamang akong simpleng sugo ng Makapangyarihang Diyos na nabigyan ng awtoridad na magbinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para sa kapatawan ng mga kasalanan; binibinyagan ko lang siya, dahil may awtoridad akong gawin iyon. Ipinapatong ko lang ang aking mga kamay sa kanyang uluhan para matanggap niya ang Espiritu Santo, at ang Diyos, mula sa kanyang kinaroroonan, ay pinagtitibay ang aking awtoridad, kinikilala na ako ay kanyang sugo, at ipinagkakaloob ang Espiritu Santo sa taong iyon.9

Kapag [nakapag]binyag ako ng mga tao at [n]akapangasiwa sa mga ordenansa ng banal na priesthood na ito, pinagtitibay ng Diyos ang mga iyon sa pamamagitan ng pagsusugo ng Espiritu Santo, na nagbibigay ng kaalaman sa mga taong bininyagan ko, at kumukumbinsi sa kanila na ang awtoridad ay nagmula sa langit. At bawat Elder na humayo upang ipangaral ang walang-hanggang Ebanghelyong ito, at kumilos nang angkop sa kanyang tungkulin, ay mapatototohanan din, na sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa sa mga banal na ordenansang ito ay naipakita ang kaluwalhatian at kapangyarihan ng Diyos sa nakakukumbinsing paraan sa uluhan ng mga taong kanilang pinangasiwaan. Ito ang ating patotoo; ito ang patotoo [noong 1830] ng isang taong nanindigan at nagpahayag na binigyan siya ng awtoridad ng Diyos na magbinyag ng mga tao para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at magpatong ng mga kamay sa kanila para matanggap ang Espiritu Santo, na siyang magbibigay sa kanila ng kaalaman mula sa mga walang-hanggang daigdig na may awtoridad siyang gawin ito. Ang taong ito ay si Joseph Smith; at ipinagkaloob niya ang awtoridad na ito, na ibinigay sa kanya ng mga banal na anghel, sa iba pang mga isinugo upang patotohanan sa mundo na ang mga taong tatanggap ng mga banal na ordenansang iyon ay dapat matanggap ang patotoo mula sa Makapangyarihang Diyos na binigyan nga sila ng awtoridad na pangasiwaan ito sa ganitong paraan. At ito ang aming patotoo; at ito ang aking patotoo sa harap ng mga taong ito at ng mundo.10

Saang parte ng mundo kayo makatatagpo ng grupo ng mga mangangaral na buong tapang na ginagawa ang ginagawa ng ating mga Elder? Saan matatagpuan ang isang lalaki o grupo ng kalalakihan na buong tapang na humaharap sa mundo at sinasabing sila ay binigyan ng awtoridad ng Diyos na mangasiwa sa ilang ordenansa sa mga tao para makatanggap sila ng paghahayag mula sa Diyos? Sinumang magpahayag ng ganitong doktrina ay matutuklasan kalaunan kung siya ay isang huwad—ilalagay niya ang kanyang sarili sa lubhang mapanganib na kalagayan, at hindi magtatagal ay matutuklasan kung wala siyang hawak na gayong awtoridad. Gayunman, buong tapang itong ipinapahayag ng ating mga Elder. … Isinugo ng Diyos ang kanyang mga banal na anghel mula sa langit at ipinanumbalik ang awtoridad sa tao upang pangasiwaan ang [mga] ordenansa ng ebanghelyo.11 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina .]

Tinutulungan tayo ng priesthood na maging maligaya sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan.

Naipanumbalik na ang Priesthood; ipinagkaloob ito sa tao upang sa pamamagitan niyon, lahat ng gustong maging mabuti at lumigaya ay makamtan ito. Sinasabi sa atin ng ebanghelyo kung paano maging dakila, mabuti at maligaya. Layunin ng ebanghelyo ni Cristo na ituro sa atin ang lahat ng bagay na kailangan para sa ating kapakanan sa kasalukuyan at hinaharap.

Minimithi natin ang mga ito ngayon, at dapat natin itong patuloy na mithiin. Gunitain ang huling dalawampu’t limang taon, o kahit sampung taon lang, at napakarami nang gayon katagal sa simbahan, at masdan kung ano na ang naisakatuparan natin. Mas nauunawaan natin ang mga bagay-bagay, kaya mas handa tayo sa mga bagay na dumarating sa mundo kaysa noong nakalipas na sampu, labinlima, dalawampu o dalawampu’t limang taon upang malaman kung paano makatulong, kung paano dapat gawin ang mga bagay-bagay. …

… Ang mithiin ng priesthood ay gawing maligaya ang lahat [ng tao], magpalaganap ng impormasyon, maibahagi sa lahat ang mga pagpapalang iyon kapag sila naman ang gagawa nito.12

Ito ang dahilan kung bakit ipinagkaloob ang Banal na Priesthood sa ating panahon, upang gabayan at gawing sakdal ang mga banal ng Diyos dito, at anumang katalinuhan at integridad at katapatan ang pagsikapan nating matamo sa mundong ito … , gayon din ang kadakilaang matatamo natin sa kabilang-buhay.13

Sinabi ng Panginoon na ibibigay Niya sa atin ang lahat ng mayroon Siya—at ito ay ayon sa sumpa at tipan na nakapaloob sa Priesthood [tingnan sa D at T 84:33–44]. Walang dapat mag-alinlangan sa sinabi ni Jesus, at ipinahayag Niya, ayon sa nakasaad sa Apocalipsis ni Juan, “Ang magtagumpay, ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng aking Ama sa Kaniyang luklukan.” [Apocalipsis 3:21.] May masasabi pa ba kayong higit pa riyan? Hindi ba nariyan nang lahat?14

Ang ebanghelyong ito na natanggap natin ay inihayag mula sa langit, at ang priesthood na ating taglay ay inihayag para sa kaligtasan ng mag-anak ng tao. Dapat nating pag-isipang mabuti kung paano ito gagamitin.15 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 242.]

Ang mabubuting maytaglay ng priesthood ay masigasig at masiglang naghahangad ng mga espirituwal na kaloob upang matulungan silang maglingkod sa iba.

Sa aking mga kapatid sa Priesthood magbibigay ako ng ilang payo, tagubilin at panghihikayat. Nasa inyo ang mataas at sagradong mga responsibilidad, na nauugnay hindi lamang sa kaligtasan ng henerasyong ito, kundi sa maraming nakaraan at marami pang darating na henerasyon. Ang maluwalhating bandila ng kaharian ni Emmanuel upang muling maitatag sa mundo ay dapat ipakita sa bawat bansa, kaharian, at imperyo; ang tinig ng babala … ay dapat maiparating sa lahat ng tao; kayo ang napili ng Panginoon para sa layuning ito, maging ang panganay ni Jose, upang pagsama-samahin ang mga tao [tingnan sa Deuteronomio 33:13–17]. Siguradong nararapat kayong maging sabik at masigasig sa paggawa ng mabubuting bagay, na hinahangad kung paano magagampanan ang inyong banal at sagradong mga katungkulan sa pinakamainam na paraang makatutulong sa inyong sarili at sa sangkatauhan.16

May mga lalaki sa Simbahang ito na napakabuti ng puso at damdamin na tulad ng iba, ngunit kulang sa pananampalataya at sigasig, at hindi tunay na natatamo ang pribilehiyong dapat nilang matanggap. Kung ang pananampalataya, sigasig at determinasyon nila ay kapantay ng kanilang mabubuting damdamin at hangarin, katapatan at kabutihan, tunay ngang magiging malalakas silang lalaki sa Israel; at ang karamdaman at sakit at kapangyarihan ng masama ay lilisan sa kanilang harapan tulad ng ipang itinataboy ng hangin. Subalit, sinasabi natin na tayo ay mabubuting tao at na hindi lamang tayo gumagawa na kapantay ng ibang tao kundi mas umuunlad tayo sa kabutihan sa harap ng Diyos; at walang pag-aalinlangang gayon nga tayo. Ngunit nais kong bigyang-diin sa inyo, mga kapatid, na may mga Elder sa ating paligid na biniyayaan ng mga espirituwal na kaloob na magagamit sa tulong ng Espiritu Santo. Ang mga kaloob ng Ebanghelyo ay dapat mapagyaman sa pamamagitan ng sipag at tiyaga. Ang mga sinaunang Propeta kapag naghahangad ng isang partikular na pagpapala, o mahalagang kaalaman, paghahayag o pangitain, ay nag-aayuno at nagdarasal nang ilang araw at linggo pa nga kung minsan para sa layuning iyon.17

Mga binata, kapag hindi umaayon sa inyo ang mga bagay-bagay, kapag lahat ay tila madilim, gawin ang inyong tungkulin at kayo ay magiging matatag at malakas; ang maysakit ay gagaling sa inyong paglilingkod; tatakas at lalayo sa inyo ang mga diyablo; magbabangon ang patay; at lahat ng ginagawa ng tao simula pa noong panahon ni Adan ay magagawa ninyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos at ng wastong hangarin.18

Ang kadalisayan, kabanalan, katapatan sa asawa, pagiging maka-Diyos ay dapat hangarin nang lubusan, dahil kung hindi kayo ay hindi magtatagumpay. Ang mga alituntuning iyon ay dapat nating ipamuhay, maging bahagi ng ating pagkatao, maging bahagi natin, upang tayo ang maging sentro, bukal ng katotohanan, ng pagkakapantay-pantay, katarungan, at awa, ng lahat ng mabuti at dakila, upang sa atin magmula ang liwanag, ang buhay, ang kapangyarihan, at ang batas na pumatnubay, upang mamahala at tumulong sa pagliligtas ng mundong nalilihis ng landas; kumikilos bilang mga anak ng Diyos, para at alang-alang sa ating Ama sa langit. Umaasa tayo na sa pagkabuhay na mag-uli ay magagamit ang mga kapangyarihan ng ating priesthood—magagamit lamang natin ang mga ito kapag natamo natin ang kabutihan at kasakdalan; mapapasaatin lamang ang mga kwalipikasyong ito kapag ang mga ito ay ating hinangad at nakamtan, nang sa gayon sa umaga ng pagkabuhay na mag-uli ay mapasaatin lamang ang mga natamo natin sa mundong ito! Ang kabanalan ay hindi maaaring ipagkaloob kundi dapat itong matamo, isang bagay na tila nakapagtataka at nakalulungkot na hindi batid ng mga relihiyon sa mundo. Hangaring mapabuti ang iba, at hahangarin ng iba na mapabuti kayo; at siya na magiging dakila, magpakabuti siya, na inaalam ang mga pangangailangan ng lahat, at nagiging lingkod ng lahat.19

Bilang mga Banal ng Diyos, mga Elder ng Israel, dapat ay handa tayong maglaan ng oras at paggawa, na ginagawa ang lahat ng kailangang sakripisyo para matamo ang wastong espirituwal na mga kwalipikasyon para mas maging kapaki-pakinabang tayo sa ating mga tungkulin. At nawa’y bigyang-inspirasyon ng Panginoon ang bawat puso ukol sa kahalagahan ng mga bagay na ito upang masigasig at masigla nating hangarin ang mga kaloob at kapangyarihang ipinangako sa Ebanghelyong sinunod natin.20 [Tingnan sa mungkahi 4 sa ibaba.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.

  1. Repasuhin ang salaysay sa mga pahina 233–236. Sa anong mga paraan maihahanda ng mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang kanilang sarili para makapagbigay ng mga basbas ng priesthood? Ano ang magagawa nating lahat upang maihanda ang ating sarili sa pagtanggap ng mga basbas ng priesthood?

  2. Basahin ang talata sa pahina 237. Sa paanong mga paraan ipinapakita ng mga ordenansa ng priesthood ang kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay?

  3. Sa paanong mga paraan tayo natutulungang lahat ng mga ordenansa at basbas ng priesthood na lumigaya sa buhay na ito? Paano tayo natutulungan ng mga ito na matamo ang walang-hanggang kaligayahan? Kaugnay ng mga tanong na ito, pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Snow sa mga pahina 238–239.

  4. Sa mga pahina 239–242, suriin ang mga espirituwal na kaloob na hinikayat ni Pangulong Snow na palakasin ng mga maytaglay ng priesthood. Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng paglinang sa isang espirituwal na kaloob? Paano nauugnay ang payong ito sa mga pagsisikap ng lahat ng miyembro ng Simbahan?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Santiago 5:14–15; Alma 13:2–16; D at T 84:19–22; 128:8–14; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3, 5

Tulong sa pagtuturo: “Upang matulungan ang mga mag-aaral na maghandang sumagot sa mga tanong, maaari ninyong sabihin sa kanila bago mabasa o mailahad ang isang bagay na hihingin ninyo ang kanilang mga sagot. … Halimbawa, masasabi ninyong, ‘Makinig habang binabasa ko ang talatang ito nang sa gayon ay makapagbahagi kayo ng mga bagay na nakapagbigay-interes sa inyo hinggil dito’ o ‘Habang binabasa ang banal na kasulatang ito, tingnan kung mauunawaan ninyo kung ano ang sinasabi ng Panginoon sa atin hinggil sa pananampalataya’” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 86).

Mga Tala

  1. Tingnan sa liham kay Brigham Young, sa The Italian Mission (1851), 11.

  2. Tingnan sa “Organization of the Church in Italy,” Millennial Star, Dis. 15, 1850, 371.

  3. Liham kay Brigham Young, sa The Italian Mission, 14.

  4. Liham kay Brigham Young, sa The Italian Mission, 14.

  5. Sinipi sa “Organization of the Church in Italy,” 371.

  6. Tingnan sa liham kay Brigham Young, sa The Italian Mission, 15.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1880, 81.

  8. Deseret News: Semi-Weekly, Ene. 23, 1877, 1.

  9. Deseret News, Ene. 24, 1872, 598.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1880, 81–82.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, Dis. 2, 1879, 1.

  12. Deseret News, Mayo 15, 1861, 81–82.

  13. Deseret Evening News, Okt. 6, 1880, 2; mula sa isang detalyadong pakahulugan ng isang mensaheng ibinigay ni Lorenzo Snow sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1880.

  14. “The Object of This Probation,” Deseret Semi-Weekly News, Mayo 4, 1894, 7.

  15. Sa Journal History, Hulyo 11, 1865, 2.

  16. “Address to the Saints in Great Britain,” Millennial Star, Dis. 1, 1851, 362.

  17. Deseret News: Semi-Weekly, Ago. 15, 1882, 1.

  18. Sa “Anniversary Exercises,” Deseret Evening News, Abr. 7, 1899, 9.

  19. “Address to the Saints in Great Britain,” 362–63.

  20. Deseret News: Semi-Weekly, Ago. 15, 1882, 1.

Isang makabagong retrato ng Piedmont sa Italy, kung saan naglingkod si Elder Lorenzo Snow bilang misyonero noong mga unang taon ng 1850s.

Lahat ng matatapat na miyembro ng Simbahan ay pinagpapala sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan ng priesthood.

Ipinagkaloob ng mga sinaunang Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.